Chapter 5
Nakapinta sa mukha ni Miro ang labis na kasiyahan habang kinukwento niya sa akin kanina kung paano siya nakapasa sa interview. Pilit kong inintindi ang kanyang kalagayan ngunit tuwing bumabalik iyon sa akin ay 'di ko mapigilan ang pagbigat ng aking damdamin. At nadagdagan pa iyon nang malamang naka-assign siya sa night shift.
Mahimbing ang tulog ng asawa ko sa aking tabi. At heto naman ako, dilat na dilat pa rin, lumilipad ang utak sa kung saan-saan. Hindi ko gustong mag-overthink dahil baka magbago na naman ang isip ko at pigilan siya sa kanyang gusto. Huminga ako nang malalim at hinigpitan ang pagyakap kay Miro. Ipinangako kong susuportahan ko siya at mananatili iyong ganoon. Bahala na.
Nagising ako sa bisig ng aking asawa. Tulog pa rin siya nang ako'y magising. Nang makita ko ang kanyang maaliwalas na mukha, bumalik na naman sa aking isipan ang problemang tinatago.
I ran my fingers through his hair and whispered under my breath, "Nandito lang ako, Miro."
Namilog ang aking mga mata nang mahuli ang unti-unting pagsilay ng ngiti sa kanyang labi.
"Gising ka na kanina pa?" bulalas ko.
Tumango siya at inangat ang sariling katawan upang makaupo sa kama. Hindi ko mapigilang 'di bigyang pansin ang itsura niya ngayon. Magulo ang kanyang buhok at puting sando lamang ang tumatakip sa kanyang kakisigan. Araw-araw ko itong nakikita pero palagay ko ay hinding-hindi ako masasanay.
Akmang babangon na ako nang hilahin niya ang braso ko at mabilis na yumakap sa akin. "Thank you, Jean."
Naguguluhan man sa ginagawa niya ay niyakap ko na rin siya pabalik. "For what, dy?"
"For everything, my."
Ang kanyang pagpapasalamat ang siyang naging baon ko nang pumasok sa trabaho. Iyon lang at tila buo na ang araw ko. Kahit maraming trabaho, ang saya ko. Halos mapunit na ang pisngi ko sa laki ng aking ngiti. Napansin din siguro iyon ng mga katrabaho ko dahil panay ang pagsulyap nila sa akin. Huli ko sila sa peripheral vision. Ito pa ngang si Kris na nasa katabing table lang ay talagang tinitigan pa ako habang kaharap ko naman ang laptop ko.
"Matutunaw ako niyan, ganda," pagbibiro ko pa.
"Hmm," nanunuyang himig ni Kris. "Ibang-iba ang aura mo today, ganda."
Napailing ako sa sinabi niya ngunit lalo namang nabinat ang aking labi sa isang matamis na ngiti nang muling pumasok sa aking isipan ang sinabi ni Miro kanina.
For everything, my.
That three-word statement washed away all my worries and lifted the weight of my heart. Nagpasalamat talaga ang asawa ko sa akin. Minsan lang iyong mangyari kaya 'di ko rin iyon makalimutan nang mabilis. At talagang wala akong planong kalimutan iyon. Itatago ko iyon sa kailaliman ng aking puso.
"Hoy, ganda! Tulala ka na diyan."
Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ang pangangantiyaw ng kaibigan. Napailing ako at bumalik na sa pagtitipa sa keyboard. Ngunit hindi talaga ako nilubayan ng tanong ni Kris.
"Ano bang meron ngayon at parang nasa cloud nine ka?"
I tried to suppress my smile but it really shows. "Wala, masaya lang talaga ako."
Ngunit panandalian lamang ang kasiyahang iyon. Sa kagustuhan kong suportahan siya ay 'di ko nakita ang magiging kahihitnan ng aming mga naging desisyon.
Nag-iba ang takbo ng buhay namin ni Miro nang magsimula siyang magtrabaho. Ito ang reyalidad na kailangan kong tanggapin.
Hindi na kami magpang-abot sa bahay. Pag-uwi ko sa bahay tuwing gabi ay nakaalis na si Miro. Tuwing umaga naman, nagigising akong tulog siya. Talagang wala na kaming oras para mag-usap.
The number you have dialed is currently out of reach.
Kagat-labi kong pinindot ang call button. Ulit. Pang-ilang beses ko na 'to. Kanina pa naninikip ang puso ko. Hindi ko alam kung bakit. Pero tila isa itong pahiwatig na may mangyayaring 'di maganda. Kaya naman tinawagan ko agad si Miro. Ngunit hindi naman siya sumasagot. Lalo lamang akong 'di napanatag. Sobrang dami na ng eksenang pumapasok sa aking isipan, at ang lahat ay negatibo. Huling subok ko na 'to. Kung hindi talaga ako sasagutin ng asawa ko ngayon ay pupunta ako sa pinagtatrabahuan niya.
The number you have dialed is currently out of reach.
Sa kabila ng kalaliman ng gabi, walang pag-aalinlangan kong tinungo ang company building ng aking asawa. Sinalubong ako ng guard sa entrance.
Tinapunan niya ng tingin ang aking dibdib. "Ma'am, ID po?"
Nilingon ko ang glass wall ng building. May ilaw pa sa ground floor.
Nakagat ko ang ibabang labi nang muling bumaling sa gwardiya. "Ah, manong, hindi po ako employee dito. May bibistahin lang po sana ako."
"Naku hindi po kami nagpapapasok ng hindi empleyado, Ma'am."
"Sige naman na po, Manong kahit ngayon lang. Iyong asawa ko kasi kanina ko pa po 'di matawagan." Hindi ko mapigilang itago ang pag-aaalala sa aking boses. "Please, Manong."
"Pasensiya po talaga, Ma'am. Hindi po talaga pwede."
"Kahit ngayon lang po, Manong."
Kinulit ko nang kinulit ang gwardiya ngunit wala talaga. Umalis na lamang ako doon nang medyo lumalakas na ang boses niya sa pagtanggi.
Hindi na rin naman ako makakauwi dahil wala ng mga sasakyan kaya naupo na lamang ako sa flower box sa harap ng building at doon naghintay. Ang katahimikan ng paligid at ang liwanag ng buwan na dumadampi sa kalsada ay siyang nostalgia na humila sa akin sa nakaraan.
"Pahingi ng number mo," walang pag-aalinlangan kong sambit habang inilalahad ang cellphone ko sa harap ni Miro.
Saglit siyang tumingin sa akin, nangungunot ang noo, ngunit agad ding ibinalik ang mga mata sa librong binabasa. "Para saan?"
"Para matext kita mamayang gabi. Doon nalang tayo mag-usap tungkol sa project," simple kong sambit habang inilalagay ang notebook sa shoulder bag. "May pupuntahan pa kami ng mga kaibigan ko ngayon, e."
Binitawan niya ang libro at marahan itong inilapag sa table. "Ako na lang ang gagawa ng research problem."
Tumaas ang kanang kilay ko sa kanyang sinabi. Hindi puwedeng siya lang ang gumawa. Kaya nga by partner, 'di ba?
"Seriously, sana sinabi mo na lang kay Prof na mag-iindividual ka," sarkastiko kong sambit at inilahad ang aking palad sa kanyang harapan.
Lalo namang lumalim ang gitla sa kanyang noo nang dumapo ang tingin niya sa aking kamay. "Ano?"
"Isulat mo dito number mo," sambit ko sabay nguso sa aking palad. "Dali na."
Napangisi ako nang marinig ang kanyang pagbuntong-hininga. Mukhang bibigay na ang katigasan niya. Lalong lumapad ang aking pagngisi nang dumukot siya ng maliit na piraso ng papel sa kanyang bag at nagsimula nang magsulat. Sinundan ko ito ng tingin. His fist traveled gently in curves on the paper's surface leaving marks in black ink. For a minute or so, everything around me seemed to vanish and it was the only thing I can see. Kung anong nangyari at kung bakit iyon nangyari, hindi ko alam.
Namalayan ko na lamang na may mundo pa palang gumagalaw nang maramdaman ang paglapat ng kung anong manipis na bagay sa aking palad. Napayuko ako at bumati sa aking paningin ang numerong nakasulat sa papel.
Gumuhit ang matagumpay na ngiti sa aking labi at mabilis na bumaling kay Miro. Ngayo'y bumalik na ito sa pagbababsa.
"Ite-text kita mamaya kaya dapat magpa-load ka," masayang bulalas ko at nagpaalam bago pumihit palabas ng library.
Kinagabihan, matapos ang paglalakwatsa naming magbarkada, itinext ko agad si Miro. Nagpakilala ako. Baka 'di 'yon mag-reply kung 'di ko sabihing ako ang nagtetext.
Sumandal ako sa headboard hawak ang cellphone sa aking kamay. Napatitig ako sa digital clock sa umiilaw na screen at sa bawat pagtaas ng bilang ng minuto'y sumasabay doon ang aking pagkabagot.
Napaupo ako ng tuwid sa ibabaw ng kama nang tumunog ang aking cellphone, senyales na may mensahe akong natanggap. Mabilis ko iyong binasa sa pag-eexpect na galing iyon kay Miro.
Napangiti ako nang makitang siya nga ang nagtext. Ngunit ang ngiting iyon ay agad na naglaho nang mabasa ang nakaprinta sa screen ng cellphone. Kung anong kinahaba ng introduksiyon ko, iyon 'din naman ang kinaikli ng kanya. Paano naman daw iyong replyan ka ng 'k'. Wala pa talagang tuldok. Nagtitipid ba 'to ng space?
Akmang gagantihan ko siya ng mahaba at non-sense na mensahe nang muling tumunog ang aking cellphone. Nagpop-up sa screen ang isang text. Muli iyon kay Miro. Nagtatanong kung may naisip na raw ba ako.
Wala pa, iyon ang naging reply ko. Iyon naman kasi ang totoo. Sa dami ng problema sa mundo, wala pa akong naiisip.
Pinisil-pisil ko ang aking unan habang hinihintay ang kanyang reply. Buti na lang at agad iyong dumating. Baka nabutas na itong unan ko kung natagalan pa.
From: Miro
How about we study about factors na nakakaapekto sa reference ng mga consumers sa isang product. Ang research problem ay iyong observation na nahihirapan ang mga buyers sa pamimili ng bilihin sa dami ng brands na nagsusulputan. This way, maco-cover natin ang field ng business at psychology. Okay lang naman siguro, 'di ba?
My eyes were lazily running through every word printed in the screen when I realized one thing. Hindi ko napigilang humalakhak. Hindi dahil sa ideya ni Miro pero dahil sa ginagawa naming dalawa. Nag-eeffort kaming magtipa ng mahabang mga mensahe kahit na pwede namang magtawagan na lang kami. Kung call, edi mas maganda ang usapan. Dire-diretso at 'di gaya nitong makakatulog na ata ako sa matagal na palitan ng texts.
Napapailing kong pinindot ang call button. Inilapit ko ito sa aking tenga at pinakinggan ang pagring ng kabilang linya. Ilang segundo lang ay naputol din iyon kasabay ng pagtunog ng toot toot.
Napairap ako sa kawalan. As expected of him. Nagtipa ako ng aking reply at mabilis iyong ipinasa sa kanya.
'Sa tawag na tayo mag-usap. Nakakabagot maghintay ng reply.' Iyon ang laman ng aking mensahe.
Hindi ko na hinintay ang kanyang reply at muli siyang tinawagan. Wala pa rin. Tumawag ako ulit. Ganoon pa rin. Ilang beses akong sumubok, walang pakialam sa maaari niyang sabihin. Tumawag ako nang tumawag hanggang saㅡ
"Ang kulit mo," pambungad niyang sambit matapos sagutin ang tawag.
Sa lamig ng kanyang boses ay nahila ko ang aking kumot. Biglang bumalot ang ginaw sa aking silid. Mahina lang naman ang pagpaandar ko sa AC pero pakiramdam ko may multong nagbaba ng volume nito.
"Ano ngayon?" sarkastiko kong sambit bago tuluyang nilubog ang sarili sa kama. "Mas mabuti naman kung ganito, 'di ba?"
Hindi sumagot ang nasa kabilang linya kaya nagpatuloy ako sa pagsasalita, "Ano nga iyong tinext mo?"
"Na-text ko na," tipid niyang sambit ngunit 'di nito matago ang panunuya sa sariling himig.
Napanguso ako. "Ang hirap mong kausap."
Sa ilang segundo ay natahimik kaming dalawa ngunit sa background ay narinig kong may tumawa nang mahina. Siya ba iyon? Ewan. Mukhang malayo sa kanya ang pinanggalingan ng boses.
"Hoy, ano na?"
"Iyon na nga. Natext ko na. Are you okay with it o mag-iisip ka pa?"
"Iyon na," mahina kong sambit. "Iyong sa presentation, ano pang kailangan?"
Saglit itong nanahimik. Akala ko nga na nakatulog na ito pero mayroon pa akong naririnig na kaluskos sa background.
"Miro?"
"Hmm?"
Napasinghap ako sa kanyang himig at 'di napigilan ang pagkautal nang magsalita, "Uhm, iyon nga sa a-ano... sa presentation."
"Magresearch ka na lang ng background about dito para kung may tanong man si Sir bukas masasagot natin," he answered, sounding so bossy and authoritative.
Napanguso ako at mabilis na bumangon sa kama. "Okay."
Ang linyang nagkokonekta sa amin ngayon ay pinutol ng katahimikan. Tila nagpapakiramdaman lang kami kung sino sa amin ang unang magpapaalam.
Kinagat ko ang aking labi at nagdesisyong unahan siya. "Baka antok ka na. Ibaba ko na 'to."
"Sige," tipid niyang sagot ngunit hindi naman nag-abalang putulin ang tawag.
Akala ko nga wala na siya ngunit noong tinignan ko ang screen ay tumatakbo pa ang mga segundo, nagpapahiwatig na tuloy pa rin ang tawag.
Napailing na lamang ako, may multo ng ngiti sa labi. "Good night na nga. See you toms, Miro."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro