Chapter 1
"Dy, pakitingnan iyong kanin na sinaing ko sandali," utos ko kay Miro na kasalukuyang nakaupo lang sa kama, pinagmamasdan akong mag-blowdry ng aking buhok.
"Sige," tipid niyang sagot at mabilis na inabot ang kanyang saklay na nakasandal sa headboard ng kama.
Walang isang salitang naglakad siya palabas ng kwarto namin, suportado ng saklay ang bawat mabigat na hakbang. Napabuntong-hininga na lamang ako habang sinusundan siya ng tingin patungo sa sala hanggang lumiko siya sa kusina.
Isang palapag lamang ang aming bahay. Pangarap ko noong magpatayo ng bahay na may dalawa o tatlong palapag. May blueprint na nga sanang nagawa si Papa noong eighteen pa ako, bago ko pa naging boyfriend si Miro. Ngunit noong naging kami at nagkasundong magpakasal, hindi ko na itinuloy dahil alam kong mahihirapan ang asawa ko.
Pagkatapos kong mag-ayos ay sumunod din ako sa kusina. Nadatnan ko si Miro doon na nagsasandok ng kanin mula sa rice cooker gamit lamang ang isa niyang kamay. Ang isa naman ay nakakapit sa saklay. Tila may tumusok sa puso ko nang makita siyang nahihirapan sa ginagawa kaya mabilis ko siyang nilapitan. Agad na dumapo ang tingin ko namumula niyang pala-pulsuhan.
"Tulungan na kita," puno ng pagsuyo kong sambit at marahang hinawakan ang sandok na hawak din niya.
Umungot siya at agad na umilag. Napasinghap ako nang tumama ang kanyang siko sa aking braso. Mapuwersa ang pagkasagi nito kaya napahawak ako sa parteng natamaan. Mabilis na lumipad ang kanyang tingin sa kamay ko na tumatabon sa aking braso.
"Sorry, ang kulit mo kasi," turan niya sa napipikong boses.
Ngumiti na lamang ako at sinabing okay lang. Agad din siyang nag-iwas ng tingin at ibinalik na ang lid ng rice cooker. Ipinatong niya sa ibabaw nito ang sandok. Hawak pa rin ang braso'y sinundan ko na lamang siya ng tingin habang inaayos niya ang kapit sa kanyang kaliwang saklay.
Mukhang hindi maganda ang gising ng asawa ko ngayon.
Bitbit sa kanang kamay, marahang inilapag ni Miro ang bowl ng kanin sa counter. Sumilay ang matamis na ngiti sa aking labi. Ang kaunting bigat ng kalooban kanina'y nabura at muling sumulat sa puso't isipan ko ang pagmamahal para sa kanya.
Mabilis akong lumapit kay Miro at niyakap siya mula sa likuran. Napansin ko ang paninigas ng kanyang katawan, senyales ng kanyang pagkabigla. Napahagikhik ako nang mahina. Para namang hindi na ito nasanay. Agad kong isinandal ang aking ulo sa malapad na likod ng aking asawa.
Hinigpitan ko pa ang aking pagyakap, 'di alintana ang sakit ng braso na bahagyang naiipit ng saklay. "Ang sweet ng asawa ko."
"Jean..." Napabitaw ako nang nahimigan ang lamig sa kanyang boses. Muling naglaho ang ngiti sa aking labi. "Kumain ka na."
Nangunot ang aking noo. Imbes na sumunod ay marahan ko siyang hinawakan sa braso at pilit na pinaharap sa akin. Tamang puwersa lamang upang 'di siya matumba o ano man.
Pilit kong pinalambing ang aking boses sa kabila ng inis na nararamdaman. "May problema ba, Miro?"
Sinubukan kong hulihin ang kanyang mata ngunit nanatili ang kanyang tingin sa gilid ng counter. Tila ba ayaw niyang makita ako.
"Miro..." Marahan kong hinaplos ang kanyang pisngi.
Mabilis niyang iniwas ang kanyang mukha. "Kumain ka na at baka ma-late ka pa sa trabaho mo."
Tila may kumurot sa aking puso nang umatras siya't ako ay tinalikuran. Tears pooled in the corner of my eyes. Isang buntong hininga ang aking pinakawalan habang pinagmamasdan siyang maglakad palabas ng kusina. Diretso ang kanyang lakad ngunit hindi no'n maitago ang hirap sa bawat pag-alsa ng kanyang saklay.
Nang mawala siya sa aking paningin ay doon lamang ako gumalaw. Nawalan ako ng gana dahil sa nangyari kanina kaya kaunti lamang ang aking kinain. Pinaghain ko na lamang si Miro na ngayo'y nasa sala, minamasahe nang marahan ang kaliwang paa.
Natigilan siya nang mapansin ang presensiya ko. Lalong lumapad ang kanyang balikat nang umayos siya ng upo sa couch. Mabigat ang bawat hakbang ko patungo sa kanya. Ayan na naman kasi ang pagsasalubong ng mga kilay ng asawa ko. Maingat akong naupo sa kanyang tabi ngunit nagtira rin ng kaunting espasyo sa gitna. Hinintay ko ang paglingon niya ngunit kahit daliri niya'y 'di gumalaw.
Dumapo ang aking kamay sa kanyang hita, dahilan upang lumipad ang kanyang paningin doon.
"Papasok na ako, Dy," pagpapaalam ko sa kanya at bahagyang dumukwang upang mahalikan siya sa pisngi.
Doon ko nakuha ang kanyang atensiyon. Nilingon niya ako at nagkasalubong ang aming mga tingin. Sa itim ng kanyang mga mata'y nakita ko ang aking repleksiyon doon ngunit nananalamin doon ang pinaghalong pagdududa, sakit at pagmamahal. Lumamlam ang kanyang mga mata at nawala ang mga emosyong iyon.
Bumaba ang kanyang tingin sa kanyang paa nang siya'y sumagot, "Mag-iingat ka."
Gumuhit ang matamis na ngiti sa aking puso at tila bumalik ang aking sigla. Isang beses ko pa siyang hinalikan, ngunit sa pagkakataong ito'y sa labi na. Hinawakan ko ang pisngi niya at pilit na pinaharap siya sa akin. Ilang segundong nagtagal ang labi ko doon bago binawi ang sarili mula sa paglapit sa kanya. At lalo namang nagkagulo ang mga paru-paro sa aking tiyan nang makita ang pasimple niyang pagkagat-labi. Namura ko ang sarili sa isipan. Para naman akong bumalik sa pagkadalaga dahil sa kilig na lumukob sa aking sistema. Ang hot lang kasi tingnan ng asawa ko kapag ginagawa niya iyon.
Sobrang gaan ng pakiramdam ko habang tinatahak ang nakasaradong pintuan. "Alis na ako," muli kong pagpaalam at binuksan na ang pinto.
Bago ako tuluyang nakalabas ay narinig ko ang seryosong boses ni Miro, "Mag-iingat ka at huwag magpapagabi."
"Opo," pabiro kong sagot ngunit seryoso naman sa sinabi.
Nagtungo ako sa itim na kotse na nakaparada sa maliit na espasyo ng aming hardin. Agad kong nahagilap ang tatak na black and white lettering ng Day Night Cologne. Ito ang brand na ini-endorse at binibenta ng aming kompanya. This is a company car na pinagamit ng boss ko kahapon dahil pinasama niya ako sa isang seminar sa Davao. Ako ang market research analyst kaya madaling mapagbigyan ng pabor ng boss namin.
Mabilis akong nakarating sa aming company building. Habang naghihintay ako sa pagbukas ng lift sa ground floor ay may biglang bumati sa aking tabi.
"Good morning," rinig ko ang baritonong boses na pamilyar sa akin. Hindi ko man silipin sa gilid ng aking mga mata ay alam kong si Sir Wade ito.
Bahagya akong napaatras at marahang yumuko upang suklian ang kanyang pagbati, "Good morning po, Sir!"
Napalingon ako sa kanya nang muli siyang magsalita, "How was the seminar?"
"It went well, Sir," tipid kong sagot.
Tumunog ang lift kaya mabilis na lumipad ang tingin ko doon. Unti-unting nagbukas ang elevator at iniluwa noon ang iilang empleyadong 'di magkandaugaga sa pagbati sa aming boss.
Walang natira sa loob nang pumasok kaming dalawa ni Sir. Wala rin kaming kasabay kaya mabilis na bumalot ang katahimikan sa pagitan naming dalawa nang sumara na ang lift.
Akmang pipindot na ako sa floor kung nasaan ang office ko nang maunahan ako ni Sir Wade. He pushed two buttons. Isa sa floor kung saan ako patungo at ang isa ay sa 20th floor, ang huling palapag na nakalaan para lamang sa kanya.
"Thank you po," pabulong kong sambit, hindi maitago ang kahihiyang naramdaman.
Naramdaman ko ang pagtaas ng lift ngunit ang pag-angat nito'y tila gumagapang na uod sa bagal. Ang segundo'y tila naging isang taon. Nakahinga ako nang maluwag nang muling tumunog ang lift at bumukas. Mabilis namang pumasok ang mga empleyado ngunit agad ding natigilan nang mahagilap ang aming boss. Isa-isa silang bumati kay Sir Wade na ngayo'y nangingiti lang sa aking tabi.
Nang tumigil ang lift sa floor na patutunguhan ko'y ibinulong ko na ang aking pamamaalam sa gilid ni Sir. Tumango siya at muling iniladlad ang kanyang ngiti. Naging hudyat ko iyon upang tuluyan nang lumabas ng lift.
Dire-diretso ang lakad ko patungo sa opisina namin at 'di na muling nilingon ang elevator. Agad na bumungad sa aking pagpasok sa silid ang nagkakapeng si Kris sa harap ng kanyang computer. She's always like that every morning. Mas bata siya sa akin ngunit mas mahilig pa sa aking magkape.
"Hi, ganda!" bati niya sabay ngisi. "How was a night without your hubby?"
Nalusaw ang aking ngiti nang muling maalala ang akto ng aking asawa kanina. Napabuntong-hininga ako habang tinutungo ang aking table sa gilid ng glass wall.
"What is it this time?" may pag-aalala sa kanyang tono. Mukhang nahalata na naman niyang may problema. Ba't kasi hindi ako marunong magtago ng nararamdaman?
"Wala," tipid kong sagot habang ibinababa ang bag sa ibabaw ng aking table.
"Don't me, ganda." Kris made face. "Kilala na kita."
Umiling na lamang ako at in-on na ang aking PC. "There's really nothing, ganda. It's just... ngayon parang moody siya. Wala naman kaming pinag-awayan o ano. Baka hindi lang maganda ang gising no'n kanina."
"Baka naman nagtatampo dahil iniwan mo mag-isa ng buong magdamag," pabiro nitong sambit na naging dahilan nang paglaho ng seryosong atmospera.
Napangisi na rin ako. "Loka! Hindi naman siguro."
"Bigyan mo na kasi ng anak para 'di na malungkot na maiwan mag-isa sa bahay niyo."
"Ewan ko sa'yo, puro ka kalokohan," tumatawa kong sagot kahit na natatamaan na sa sinabi ng kaibigan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro