Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 34: Panaginip

[ Chapter 34 ]

Marahas at hinihingal akong napabangon sa kama ko. Tumutulo na ang pawis ko ganun din ang luha ko.

Oh God, isa lang palang panaginip..

Kahit papaano ay lumuwag ang paghinga ko. Isa lang pala itong panaginip, isang masamang panaginip. Pero kahit ganoon ay masakit pa ring isipin na nagawa sa 'kin yun ni Francis kahit sa panagip lang. Pero ano ang ibig-sabihin nito?

Dahil isa akong sikologo ay madali ko ng nakuha ang nais ipahiwatig nito. Muling bumalik ang pananakit ng dibdib ko, at para bang maiiyak na naman ako, at sa pagkakataong 'to ay hindi dahil sa panaginip kundi sa katotohanang.

Mamamatay si Francis!

Hindi ako marunong magmura, pero agad akong napamura sa isipan ko.

" Kigwa! Bakit mangyayari 'to?, "

" Si Francis! kailangan ko syang pag-ingatin, " dali-dali kong kinuha ang pluma at papel ko saka nagsulat ng isang liham para kay Francis. Sa pagkakataong 'to ay hindi ito isang liham tungkol sa paghingi ng paumanhin at sa pagsabi na mahal ko sya gaya nang isinulat ko kanina. Dahil isa itong liham ng babala.

Hindi na ako mapalagay sa kinauupuan ko, panay ang pag katok ko nang paulit-ulit sa mesa, pinapakalma ang sarili.

Nang matapos akong magsulat ay dali-dali akong lumabas, hinarangan pa 'ko ng mga gwardya personal pero wala silang nagawa nang mabilis akong tumakbo patungo kay Sanya.

Nakita ko sya sa likod ng bahay at kasalukuyang nag-iigib ng tubig sa balon. Agad ko syang hinawakan at hinila dahilan para malaglag ang balde dahil sa gulat nya.

" Binibini an—, " hindi ko na sya pinatapos pa sa pagsasalita, at agad kong kinuha mula sa pagkakaipit sa palda ko ang liham para kay Francis.

"Ibigay mo ito sa kanya Sanya, ngayon din magmadali ka!, " Kumunot na naman ang noo nya sa mga sinabi ko.

" Ngunit kailangan ko pang mag—, "

" Sige na tumungo ka na, ako na ang bahala rito, tiyakin mong makakarating ang liham na 'yan sa mga kamay nya, " nang mapansin nyaa ang pagmamadali ko at ang desperasyon na mabasa agad iyon ni Francis ay hindi na sya nagtanong pa at tumango na lang saka nagsimula nang maglakad.

" Señorita, hindi kayo maaaring basta-basta na lang lumabas sa iyong silid. Mahigpit iyong ipinagbabawal ng heneral, " wika nung gwardya sibil nang maabutan nila ako sa may balon.

Hindi ko na lang sila pinansin at pinatawag ko na lang si Christina para ipagpatuloy ang gawain ni Sanya.

Gabi na at hindi ako mapakali sa hinihigaan ko, paulit-ulit na naglalaro sa isip ko ang tungkol sa panaginip ko kanina. Hindi ko mapigilang mag-alala kay Francis, paano kung magkatotoo nga 'yon? Paano? Kakayanin ko ba?.

Isang kalampag sa bintana ang nag-pagising sa ulirat ko, mabilis kong kinuha ang punyal na nakatago sa ilalim ng unan ko. Tahimik at dahan-dahan akong lumapit dito, habang nakatutuk ang hawak kong punyal sa bukana nito.

Dahan-dahan kong idinausdus pakanan ang bintana, akmang itatarak ko na ang hawak kong punyal matapos makita ang pigura ng isang lalake. Pero kusa ko itong napigilan matapos makilala kong sino ito.

" Francis?, " Gulat kong usal, dali-dali ko syang inalayan papasok, habang maingat pa rin na hindi gumagawa ng tunog dahil baka ma-alarma ang mga gwardya personal sa labas.

Kakalundag pa man nya ay agad nya na 'kong hinila sa isang napakahigpit na yakap, yinakap ko naman sya pabalik. Ramdam ko ang mainit nyang hininga sa leeg, ko at ang mga kamay nya sa likod ko.

" Sansa.., " wika nya na para bang hindi kami nagkita ng ilang siglo—talagang hindi nga naman. Ako ang ika-apat na henerasyon ni lola Salyá at sya rin, kaya't ilang siglo ring nanatiling nakabaon ang nakaraan.

" Francis..., " Balik kong usal sa pangalan nya, lalo nyang hinigpitan ang yakap sa 'kin. Sa yakap pa lang nya, alam kong may hindi magandang nangyari.

" Ano ang nangyari Francis? Sabihin mo?, " Nag-aalala kong tanong sa kanya. Kumalas naman sya sa yakap saka hinawakan ang dalawa kong pisngi at tinitigan ang mga mata ko. Ayan na naman 'yang kayumanggi nyang mga mata, na nagpapahina sa tuhod ko.

Kigwang mga mata 'yan e..

" Sansa, ako'y labis na nangulila sa iyo mahal ko, " seryuso nyang wika, napahinga naman ako nang maluwag iyon lang pala ang sasabihin nya. Pero inaamin kong muling nahulog ang atay ko sa huling salitang binitiwan nya.

Mahal ko...

Pinigilan ko ang pagngiti ko. Bigla kong nakalimutan ang problema ko dahil sa presensya nya.

Sya lang ang nakakagawa sa 'kin nito, sya lang ang may kakayahang pasayahin at pakiligin ako sa gitna ng isang suliranin.

" Namiss din kita.. Mahal ko, " malambing kong sagot sa kanya, pero kumunot ang noo nya ngunit andun na ang ngiti sa labi nya. Siguro ay hindi nya naintindihan ang namiss.

" A-ah ang ibig sabihin ng namiss ay nangulila, " paliwanag ko sa kanya bago pa man sya magtanong. Umaliwalas naman na ang noo nya.

" Maaari ba 'kong humiling?, " Noo ko na naman yung kumunot sa tanong nya, pero tumango na lang ako.

" Maaari mo ba 'kong turuan mag Ingles?, " Napahinga ako nang maluwag sa tanong nya, iyon lang pala. Tumango ako sa kanya saka ngumiti.

" Ngunit bago iyan ay may dala akong balita, " aniya saka inaya akong umupo sa kama. Lahat ng usapan namin ay pawang mahihinang boses lang ang gamit namin. Baka marinig pa kami ng mga gwardya personal.

" Batid ko na kung sino ang dumukot sa iyo binibini, " hindi ko na tinanong pa sa isip ko kung sino. Dahil alam ko naman kung sino, at iyon yung masakit.

" Hindi ka man lang nagulat o nanabik sa aking sinabi, batid mo ba kung sino binibini?, " Tanong nya nang mapansing wala man lang akong reaksyon. Tumango na lang ako sa kanya, napabuntong-hininga naman sya.

" Hindi ko lubos maisip na iya iyong magagawa sa iyo, " dismayado nyang wika. Sabaga'y ay ako man din, dismayadong-dismayado.

" Sya si Sandya..ang totoong Sandya, " wala sa sariling usal ko, sandali syang natigilan saka tiningnan ako na para bang hindi sya makapaniwala sa sinabi ko.

" Sya ang totoong karakter ng kontrabidang ginawa ko, alam kong mahirap paniwalaan ang lahat. Pero may imposible pa ba? Kung nagawa ko ngang mapunta sa nobelang isinulat ko?, " Wika ko sa kanya, sa mga tingin pa lang nya ay alam kong hirap syang i-proseso ang lahat nang sinasabi ko.

Hinawakan ko ang mga kamay nya saka sya tinitigan sa mga mata. Naroon pa rin yung nakakahalina at mala-hipnotismont kulay ng mga mata nya.

" Bago pa man ako ipapaslang ni Sandya, ay ikinwento nya sa 'kin ang lahat.  Nalaman kong si María Salyá, ang syang babaeng ipinakilala mong kasintahan ng 'yong lolo Apollo ay syang lola ko, " pansamantala aking tumigil sa pagkukuwento gusto kong marinig ang reaksyon nya.

" Kung gayon ay.. magkadugo tayo?, " Hindi na ako nagulat pa sa tanong nya, kahit ako man ay inisip ko iyan nung una.

" Nagbunga ang pag-iibigan nila, ngunit lingid sa kaalaman ng iyong lolo ay ginahasa ang aking lola ng amo nya. At iyon ang lola Sandra ko, ngunit itinago pa rin ng iyong lolo ang aking lola Sandra hanggang sa makapag-asawa sya ang iyong lola, "

" Hindi ko maintindihan, namatay ang iyong lola Salyá pero bakit naisilang nya pa ang kanyang anak?, " Naguguluhang tanong nya. Huminga ako nang malalim bago muling magsalita.

" Pitong buwan noon ang tiyan ni lola Salyá nang barilin sya ni Sandya, gaya nang ipininta mismo ng iyong lolo. Nagpatawag ang iyong lolo ng isang doktor na mahusay sa operasyon, at isang kumadrona. Isang himala na nabuhay ang lola Sandra ko, itinago sya nang iyong  lolo hanggang sa paglaki nya, tanging ang doktor at kumadrona na iyon lang ang may alam na may anak ang iyong lolo sa dating kasintahan." Nakita ko ang unti-unting pag-aliwalas ng mata nya, mukhang nakukuha na nya.

" At anong kinalaman ng mga nagyayari ngayon?, " Muli nyang tanong.

" Labis na nasaktan at kinamumuhian ni Sandya ang iyong lolo at ang aking lola, na kahit hanggang sa huling hininga nito ay dala pa rin nya ang galit. Ngunit bago sya bawian ng buhay ay nagpatawag sya ng isang mahusay na mangkukulam, doon ay hiniling nyang sa talaarawang pinakaiingatan nya maninirahan ang kaluluwa nya, hanggang sa muling maisulat ang nakaraan. "

"Ngunit sa ikalawang pagkakataon ay nabigo pa rin sya Francis, hindi nya tuluyang nakuha ang iyong pagmamahal, " nakangiti ko na ngayong wika sa kanya.

" Ngunit bakit sya na sa iyong katauhan?, " Napabuntong-hininga ako sa sagot nya, hindi ko rin alam kung bakit o kung pano.

" Binibini, ang mundong ito ay iyong kathang isip lamang hindi ba?, " Dagdag nya pa, agad akong napailing.

" Hindi Francis, malakas ang kutob ko na wala lang tayo sa isang kwento, muling naulit ang nakaraan Francis, "

" Nakatadhana ang lahat ng ito, nakatadhana na naisulat ko ang nobelang ito, nakatadhanang mangyari ang nakaraan Francis. " May kumpyansa kong wika sa kanya.

" Kung gayon ay paano ka makakabalik sa iyong totoong mundo?, " Bahagya akong nalungkot sa tanong nya, hindi ko alam kung pa'no. Pero gusto na ba nya 'kong umalis? Gusto nya na bang matapos ang lahat ng ito? Ang aming pag-iibigan?

" Hindi ko pa alam, ngunit ang mahalaga ngayon ay nanganganib ang iyong buhay, " sagot ko na lang sa kanya, ayaw kong ipakitang nalulungkot ako.

" Iyon ay isang panaginip lamang binibini, " mahinahon nyang wika, tumaas ang isang kilay ko sa sinabi nya.

" Oo isa lang iyong panaginip Francis, pero ramdam kong totoo ang pinapahiwatig niyon, " alam kong masyadong makaluma ang paniniwala ko tungkol sa mga panaginip, pero anong magagawa ko? Isa akong sikologo at ang sikolohiya na mismo ang nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip. Sikolohiya (psychology) ang naging buhay ko simula pa man pagkabata, kaya't ang mga bagay na may kaugnay at tinutukoy nito o ang mga pinag-aralan nito ay sya ng mga paniniwalang niyakap ko.

" Binibini, ayos lamang ako huwag mo nang pag-alalahanin ang iyong sarili, " aniya sabay hawak sa mukha ko. Hindi ko alam kung bakit ayaw nyang maniwala sa 'kin, pero wala na naman akong magagawa pa.

Linggo araw ng simba, wala akong nagawa kundi sumama na lang sa kay mama. Hindi naman sa hindi ako nagsisimba, pero hindi ako sanay sa mga bagay na ginagawa ng mga katoliko tuwing may simba. May iba lang talaga akong relihiyong kinagisnan, kaya hindi ako sanay sa ibang paniniwala. Hindi pa naman umuusbong sa panahong 'to ang relihiyong kinagisnan ko, kaya sumama na lang ako kay mama, atleast makakalabas na 'ko.

Hindi pa man natatapos ang misa ay nagpaalam ako kay mama na pupunta ng palikuran, pinasamahan nya naman ako ng dalawang gwardya sibil. Hindi katulad sa modernong panahon ay walang salamin sa loob ng palikuran nila kaya lumabas na lang ako.

Gulat akong napatitig sa babaeng nakasalubong ko paglaki. Kagaya ng reaksyon ko ay ganun din sya, o mas triple pa nga ang gulat sa mga mata nya. Napangisi ako sa reaksyon nya, lumapit ako sa tenga nya saka bumulong.

" Sisiguraduhin ko sa 'yo ngayon, na hindi katulad ng nakaraan ay hindi mo 'ko matatalo…Sandya, " bulong ko saka ikinumpas ang hawak kong abaniko at tuluyan nang umalis. Narinig ko pa ang mahihina at gulat nyang mga tanong, na kung paano raw.

Pinatay nya ang lola Salyá ko, pero hindi na iyon mauulit ngayon. Panghahawakan at ipaglalaban ko ang pag-iibigan namin ni Francis, hindi ko hahayaang sirain nya iyon sa ikalawang pagkakataon.

Hinding-hindi

Ipagpapatuloy…

Binibining Jezzeii,

                           Short update lang po ito, dahil kasalukuyan akong abala sa mga modyul ko. Palagi ko talagang hinahanapan ng oras ang pagsusulat ko. Dahil pakiramdam ko ay hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ako nakapagsulat man lang kahit isang salita.

                          Abangan ang susunod na kabanata, maraming salamat!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro