Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 27:Unang halik

[Chapter 27]

Kinabukasan hindi pa man sumisikat ang araw, ay maaga na akong gumising. Agad akong nagtungo sa palikuran sa kwarto ko at naghilamos, sabay ayos sa sarili.

Pagkatapos ay dali-dali akong nagbihis ng isang kamiso de tsino, na syang binili ko kahapon sa pamilihan. Nahirapan pa akong makabili nito dahil panay ang tanong sa 'kin nung makudang tindera, kesyo bakit daw ako bibili niyon e babae naman ako, at kung pusong lalake rin ba daw ako.

Pero sa huli ay matagumpay ko naman itong nabili, kulay itim ito lahat na syang sinadya ko. Agad ko na itong isinuot, saka pagkatapos ay ipinusod ko ng maayos ang buhok ko, maayos na walang ni isang hibla ang maaring makita. Nagsuot din ako ng isang makapal at mahabang itim na amerikana.

Sinulyapan ko ang sarili ko sa salamin, mukha akong isang kawatan na lalake. Lalo pa akong nagmukha nang ipatong ko na sa ulo ko ang itim at mahigpit na malaking sombrero, talagang sinadya ko ito para hindi madaling mahulog at para hindi makita ang mukha ko.

Muli ko pang sinulyapan ang sarili ko sa salamin at handang-handa na nga ako para magpunta sa bahay nila Sansa 2, sa huli ay isiniksik ko sa balakang ko ang punyal na nakasilid sa saha nito, hindi ko intensyong gamitin ito pero kung kinakailangan ay wala na akong magagawa.

Bago ako lumabas ay lumapit muna ako sa kama ko, saka kumuha ng tatlong unan saka ito hinulma na parang katawan ng taong natutulog saka ko ito tinakpan ng kumot. Sinadya ko ito para kung sa kali mang May pumasok sa kwarto ko ay hindi na ako nito hahanapin pa.

Dahan-dahan at maingat akong naglakad papalabas sa kwarto ko, maging sa paglalakad ko sa pasilyo at sa pagbaba sa mataas na hagdan. Maingat ako at determinadong huwag gumawa ng kahit ano mang ingay.

Hindi naman masyadong madilim ang dinaraanan ko dahil, may mga iilang lampara at kandila naman ang nakasabit sa bawat sulok ng pasilyo at bahay.

Tagumpay kong narating ang tarangkahan, ng salas. Bubuksan ko na sana ito ng mapagtanto kong, tiyak na marami ang gwardya personal na nagbabantay dito ngayon. Kaya pinili ko na lang maglakad patungo sa kusina, saka dahan-dahang binuksan ang malaking pinto nito. Bago tuluyang lumabas ay una kong iniluwa ang ulo ko rito upang silipin kung may tao ba.

Agad kong hinila ang ulo ko papasok, matapos mamataan ang isang gwardya sibil na May dalang lampara at waring rumuronda. Ipinikit ko ang mga mata ko at maiging pinakinggan ang paligid. Muli kong inilabas ang ulo ko sa pinto matapos maramdaman ang pagkawala ng tunog ng yapak nito.

At nang makitang wala na ngang tao ay agad akong tumakbo at agad na umakyat sa bakal at tansong bakod. Nahirapan pa 'ko sa pag-abot ng tuktuk nito pero sa huli ay nagawa ko rin.

Pagkalundag sa lupa ay agad kong inapuhap ng mga mata ang kalesang inihanda ko. Nakita ko naman si mang Tonyo na lulan nito, sya ang kutserong binayaran ko at itinakdang maghahatid sa 'kin ngayon sa bahay nila Sansa 2.

Mahigit isang oras ang itinagal namin sa byahe, lalo na't may kalayuan sa bahay namin ang bahay nila. Pagkarating sa likod na bahagi ng mansyon nila, ay agad kong binilinan si mang Tonyo na hintayin na lang ako dito sa labas.

Pahirapan ang pagpasok ko sa tahanan nila lalo na't nakakalat ang mga rumurondang gwardya sibil sa labas. Pero nagawan ko ito ng paraan at tagumpay kong narating ang silid ni Sansa 2. Taliwas sa inaasahan ko, ay napakagulo ng silid niya, nagkalat ang iba't-ibang mga kagamitan nya. Para itong hindi isang silid ng babae, napangiwi na lang ako sa pagiging tamad ng fictional na ako.

Bago pa man ako makalapit ay namataan ko na syang mahimbing na natutulog sa kama nya, para na ako ngayong mabibingi sa lakas nang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Para akong isang magnanakaw na may planong limasin lahat ng ari-arian nya. Hindi ko naman talaga sana gagawin ang bagay'ng 'to kaya lang kailangan ko nang makuha ang weird notebook , at maghihinala rin naman sya kung hihingin ko ito sa kanya.

Lumapit muna ako sa kanya at sinisiguradong tulog sya. Matapos kong masiguro ay dahan-dahan na akong naglakad papunta sa cabinet nya, maingat ko itong hinalughog habang ang mga mata ay pasulyap-sulyap sa natutulog na sya. Napakunot ang noo ko matapos hindi ko ito makita rito, sunod kong pinuntahan ang lamesa nya. May isang malaking salamin na nakapatong dito ang nagkalat din ang iba't-ibang kolorete nya. Napakamot ako sa sentido ko matapos hindi ito mahanap.

Pinagpapawisan na ako dahil sa kaba, ito ang unang beses na ginawa ko ang bagay'ng 'to, pero wala na akong magagawa ngayon dahil andito na 'ko. Para akong nabuhayan ng pag-asa matapos makita ang dibuhista(drawer) sa ilalim. Nasisiguro kong dito nya inilagay ang notebook, kaya lang nangangailangan ito ng susi. Sinubukan ko itong buksan gamit ang talim ng punyal.

" Señorita, kayo ba ay gising na?, " Biglang wika ng isang babae sabay katok sa pinto nya. Para akong nanigas sa kinatatayuan ko, paano kung magising ngayon si Sansa 2? Ba't ba kasi ang agang manggising nyang kigwang yan e.

Muli pang kumatok ang babae pero wala syang nakuhang tugon mula kay Sansa 2, at maya-maya lang ay naramdaman ko na ang paglalakad nito paalis. Napahinga ako nang maluwag na maluwag, akala ko ay mahuhuli na'ko dun. Muli ko na sanang ipagpapatuloy ang pagtatangka kong buksan ang dibuhista kaya lang ay napansin ko ang pagkilos ni Sansa 2. Agad akong pinagpawisan at hindi gumawa ng kahit anong ingay, kahit ang sarili kong paghinga ay pinipigilan ko.

Muli lang akong huminga nang mapansin kong hindi na kumikilos pa si Sansa 2. Hindi ko na sinayang pa ang pagkakataong yun at agad na 'kong lumabas sa silid nya nang maingat pa rin. Sa susunod ko na lang siguro kukunin ang libreta, dahil kapag ipagpatuloy ko ito ngayon ay nasisiguro kong mapapahamak lang ako.

Hapon na at kasalukuyan akong nasa hardin ngayon, at nag-iisa. Walang ibang tao sa bahay kundi ang mga iilang tagapagsilbi at gwardya sibil.

Wala rito si Sanya dahil nagpaalam sya sa 'kin kanina na uuwi sya dahil may dinaramdam ang kanyang lola. Habang si mama naman ay kasalukuyang namalengke kasama ang tagapagsilbi nyang si Ismaeng.

Kagaya ng dati ay nakasandal lang ako sa puno ng Narra, habang hawak-hawak ko ang librong binili ko noon kasama si Francis. Tapos ko nang basahin ang pitong kabanata nito, at kahit ganun pa man ang nabasa ko ay humanga na 'ko sa kung anong klaseng pag-iibigan na meron ang lolo ni Francis noon at ng kanyang lola, yun nga lang nagwakas sa isang 'di magandang pangyayari ang kanilang pag-iibigan.

" Papalubog na araw, luntiang paligid at masarap na simoy ng hangin. Hindi ba't napakaganda ng sandaling ito binibini?, " Biglang wika nang isang pamilyar na boses sa likod ko, hindi ko pa man sya nakikita ay bumibilis na ang tibok ng puso ko.

" Magandang hapon sa iyo binibini, " bati nya saka itinapat ang sumbrero nya sa dibdib nya. Agad na gumapang ang ilang sa katawan ko, napa-iwas na lang ako ng tingin. Hindi ko alam pero sa mga sandaling ito ay muling bumalik sa isip ko ang mga matatamis na salitang sa akin ay kanyang binitawan, ganun din ang mga nakakahiyang pangyayari sa pagitan namin.

Naramdaman ko ang pag-upo nya sa tabi ko, at katulad ko'y isinandal nya rin ang likod nya sa puno. Lalo tuloy'ng bumilis ang tibok ng puso ko, ramdam ko ang ilang sa pagitan namin, at ramdam ko rin ang mabibilis at mabigat nyang paghinga, senyales na naiilang din sya katulad ko.

Para tulungang gumaan ang paligid ay naglakas loob na lang akong lingunin sya at tanawin. " Ano ang iyong ginagawa rito?, " deretsa kong tanong sa kanya, habang pilit na itinatago ang kaba sa boses ko. Hindi ko alam at hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito na lang ang kabang nararamdaman ko, gayung wala namang dahilan para maramdaman ko ito.

" Ako'y nagtungo rito upang makita ang iyong ama ngunit, hindi pa pala sya nakauwi, " wika nya, pero ramdam kong hindi iyon ang tunay na dahilan dahil alam kong alam nya na nagpa-iwan si papa sa Cebu at malabong makauwi agad sya sa araw na ito. " Yung totoo?, " deretsa ko muling tanong sa kanya.

Napabuntong-hininga naman sya bago nagsalita. " Hindi ba't may mga bagay tayong nararamdaman na kahit tayo mismo ay hindi alam ang dahilan at kahulugan? Ngunit nananatiling may iisang tiyak na dahilan ito, yun nga lang ay hirap natin itong tanggapin o 'di kaya'y paniwalaan, " matalinghaga nyang wika. Napakunot naman ang noo ko.

Ano ang ibig-sabihin nya?

Malalim man ang kahulugan ngunit alam ko ang nais nyang ipahiwatig at hindi ko maikakailang natamaan nga ako sa sinabi nya. Ang pagbilis ng tibok ng puso ko sa tuwing nakikita sya at nararamdaman ang presensya nya, ang paglilikot ng aking tyan sa tuwing ngumingiti sya—ay matagal ko nang alam ang dahilan ng lahat ng 'to, ' kaya lang gaya nga nang sinabi nya ay ayaw ko itong paniwalaan at hirap ko itong tanggapin.

Bigla nya akong liningon at deretsong tinitigan sa mga mata, " ang biglaang pagkulilim ng maaliwas na kalangitan, ay hudyat ng nagbabadyang ulan, ngunit dahil hindi natin ito nais na paniwalaan, at umaasa pa rin tayo na ito ay isang karaniwang pangyayari lamang, kaya wala tayong ibang nagawa kundi ang hayaan ang sariling mabasa sa biglaang pagbuhos nito, " muling dagdag nya. Habang hindi inaalis ang titig sa mga mata ko, bahagya akong napalunok dahil sa ilang, at sa kung ano ang nais nyang ipahiwatig.

" Nagpakita na ng senyales ang ulan ukol sa pagdating nito, ngunit pilit mo itong winawaglit sa iyong isipan at pilit mo pa ring pinaniniwalaan na ito'y isang karaniwan na pangyayari lamang, kaya't hindi mo napansin ang papalapit na pagbuhos nito sa iyo, hindi ba binibini?, " Wika nya, agad naman akong napatango dahil sa kawalan ng masabi.

Lahat ng mga sinabi nya sa 'kin noon, lahat ng ipinakita nyang kakaibang kilos, iyon nga ba ay senyales ng pagdating ng ulan?

" Nais ko lamang sabihin sa iyo binibini, na hindi masamang pagkatiwalaan at pansinin ang mga senyales na iyong nakikita, upang sana'y hindi ka mabasa ng ulan sa biglaang pagbuhos nito, at upang iyong masalo ang pagbagsak nito, " muli nyang dadagdag, na binigyang diin ang salitang, masalo at pagbagsak.

" May mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng ating isip, ngunit nabibigyang kahulugan ng ating mga puso, may mga salita at pagkilos na hindi ninanais ng ating isip, ngunit mismong ang mga puso na natin ang nagdidikta nito. Minsan na rin akong hindi naniwala sa senyales na ibinibigay ng ulan, kaya't wala akong nagawa sa pagbuhos nito, ngunit habang tinatamasa ko ang pagbuhos nito ay napagtanto ko na ang pag-ampyas ng tubig nito sa bawat parte ng aking katawan ay tila isang kuryenteng nagbibigay ng saya at pagka-kuntento sa aking puso, " wika nya pa, na mas lalong tinitigan ang mga mata ko.

" At ang ulan na iyon ay ang bagay na tinatawag nating pag-ibig, " muling dagdag nya. Saka dahan-dahang inilapit ang mukha sa mukha ko, para akong nasa ilalim ng hipnotismo at kahit ikurap ang mga mata ay hindi ko magawa, hanggang sa tuluyan ko na ngang naramdaman ang pagdampi ng malambot nyang labi, sa sarili kong labi at ang tuluyang pagkakulong nito sa piling ng isa't-isa.

Mula sa sandaling ito, ay tinatanggap ko na ang buhos ng ulan, kahit  ang kapalit nito ay ang tunog ng kulog sa pagbangga ng dalawang basang ulap.

Ipagpapatuloy…

Binibining Jezzeii,

             Magandang araw! Kung sakali mang hindi nyo naunawaan ang huling sinabi ni Sansa sa isip nya ay nais ko lang sabihin ang kahulogan nito upang hindi na kayo malito pa.

Mula sa sandaling ito, ay tinatanggap ko na ang buhos ng ulan—ang ibig sabihin nito ay tinatanggap na nyang umiibig nga sya kay Francis.

Kahit  ang kapalit nito ay ang tunog ng kulog sa pagbangga ng dalawang basang ulap— habang ang ibig-sabihin naman nito ay, kahit alam nyang magdudulot ito ng gulo sa pagitan nila ni Sansa 2.
                 Nawa'y nakatulong ang aking eksplanasyon! :)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro