Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 24: Mahal nga ba kita?

[Chapter 24]

Para akong napipi at hindi makapagsalita, tila naubusan ako bigla ng mga sasabihin. Tinitigan nya 'ko sa mga mata, pulido at ni hindi man lang kumukurap. Parang nanghina ang tuhod ko, hindi ko alam kung bakit, dahil ba ito sa paraan ng pagtingin nya?o dahil ito sa interpretasyon kong nagseselos sya?.

Alam kong mali at hindi tama ang bigyan ng ibang kahulugan ang kaswal nyang salita, ngunit hindi ko masisisi ang utak ko matapos ko ba namang marinig mula sa kanya ang mga banat na.

Singganda ng buwan ang iyong mga mata ”

Simpula ng Rosas ang iyong mga labi ”

Lalo tuloy'ng nanghina ang tuhod ko, at sa ngayon ay alam kong dahil na ito sa nakakahalina nyang kayumangging mga mata.

Natinag lamang ako sa mga iniisip ko matapos syang tumalikod ng walang pasabi, naguguluhan at nakataas ang dalawang kilay kong sinundan sya ng tingin. Nakapangalumbaba lang ang dalawa nyang balikat na tila walang buhay, habang nanatili namang nakasiksik ang dalaw nyang kamay sa bulsa ng slock nya.

" Binibini ano ang nangyari? ", ang tinig ni Sanya ang syang nakapukaw sa 'kin mula sa mga pag-iisip ko. Umikot ako at bumaling sa kanya ng tingin, napakibit-balikat na lang ako sa kanya dahil kahit ako ay hindi alam ang sagot sa tanong nya.

Weird.

Nag-iindakan sa saliw ng musika ang karamihan ng mga tao, habang ang iba naman ay nakaupo lang sa mga hinandang mesa at nakikipag-usap sa kapwa nila Kastila, habang tumatawa paminsan-minsan. Tagumpay na naidaos ang kainan at ang mga dekorasyon sa kaarawan ni tiyo Simon at mukhang halos lahat ng mga bisita ay nasisiyahan sa naturang pagdiriwang.

Malaya kong tinatanaw mula rito ang sumasayaw na si Sansa 2 kasama si Francis. Si Francis na nagpagulo sa isipan ko at naging dahilan kung bakit hindi ako nakatulog kagabi. Kailan lang ay umakto sya na parang nagseselos tapos ngayon ay ayun na sya at parang nakalimot na dahil sa ngiting taglay kasama si Sansa 2.

" Maaari ko bang maisayaw ka marilag kong liyag ", biglang wika ni Hastin, sabay lahad ng kamay nya sa harapan ko at bahagya pa syang nakayuko na para bang isa syang prinsipe na humihingi ng permiso sa isang prinsesa. Hindi ko masyadong maunawaan ang huling salita na binitawan nya kaya napakunot ako ng noo, at mukhang napansin naman nya iyon.

" Ang ibig kong sabihin ay maari ba kitang maisayaw marilag na binibini? ", Pag-uulit nya, inosente na lang din akong tumango sa kanya.

Kalauna'y matapos ang isang sayaw, ay hindi na ako nag-atubili pang lumabas na sa bahay, iniwan ko na lang din si Sanya kasama nila Hastin at Anel.

Nagsimula akong maglakad papalabas, hindi na rin ako nagpaalam pa kay mama dahil baka pasamahan nya na naman ako ng isang gwardya personal para maging bantay, at ayaw kong mangyari yun. Mukhang alas dos pa lang ng hapon kung pagbabasehan ko ang estado ng araw, pero kahit ganun man ay hindi mo mararamdaman ang init sa oras na ito, hindi katulad sa modernong Pilipinas na kung saan, kahit alas dyes pa lang ng umaga ay para ka ng piniprito dahil sa init.

Nagtungo ako sa isang puno na natanaw ko sa 'di kalayuan, isa itong malaking puno ng Acacia, mahahaba at malalaki ang mga sanga nito, perpekto para maging tambayan. Gaya ng palagi kong ginagawa ay umupo ako at sumandal sa malaking puno ng kahoy.

Mula rito ay malaya kong tinatanaw ang mga tao sa labas ng mansyon na hanggang ngayon ay kumakain pa rin, marahil ang iba sa kanila ay kakadating lang. Nakasuot sila ng makukupas na baro at saya, at kamiso at slak —marahil ay iyon na ang pinakadesente  at pinakamaganda nilang damit, para sa mga tulad nilang kapwa ko Pilipino na hindi pinalad na maging marangya sa buhay.

Iginala ko pa ang paningin ko at sa may tarangkahan ng mansyon ay namataan ko ang isang babae at lalaki na sa tingin ko ay ka-edad ko lang. Nakatingin sila sa isa't isa habang nakangiti ng matamis, kung tatanawin ay para silang magkasintahan na kulang na lang ay langgamin dahil sa sobrang'sweet' kung tingnan.

Muli ko na naman tuloy'ng naalala ang dahilan kung bakit ako lumabas ng mansyon at napunta sa kinalalagyan ko ngayon. Hindi ko alam pero na roon na naman ang kirot sa puso ko matapos kong pagmasdan kanina si Francis at Sansa 2 na magkasama at sumasayaw. Hindi ko maipaliwanag kung ano ito, o kung ano ang dahilan kung ba't ako nagkakaganito, posible kayang?

Nagseselos ako?

Agad akong napailing sa idinugtong ng isip ko, dahil hindi iyon pwedeng mangyari. Iisa lang  din naman kasi ang alam kong dahilan kung ba't nagseselos ang isang tao, at yun ay dahil gusto mo sya o mahal mo.

Pero wala ni isa sa dalawang pagpipilian na iyan ang nais kong piliin. Dahil kahit saang anggulo ko tingnan ay mali pa rin ang inisip ko na may gusto ako sa isang karakter. Parang nakakatanga naman ang ideyang yun, at isa pa ay ayaw kong maging karibal ang sarili ko o ang fictional na ako.

Sa kawalan nang magawa ay inihilig ko na lang ang ulo ko sa puno, saka hinayaang maglakbay ang isip ko. Ito na pala ang ika-dalawang linggo kong pamamalagi sa mundong ito. At sa loob ng dalawang linggong iyon ay hindi ko inaasahan na ganun na karami ang nangyari.

Dito lang sa mundong ito, naranasan ko ang samu't saring kababalaghan sa buhay ko. Dito ko lang din naranasan ang mga bagay na gustong-gusto kong gawin, katulad ng pumunta sa Cebu, magsuot ng baro at saya, at tawaging binibini, at magkaroon ng kumpletong pamilya—ito ang mga bagay na hindi ko naranasan sa modernong panahon, kaya iniisip kong kahit papano naman pala ay maswerte ako, at nagawa kong maranasan ang mga bagay na nangyayari noon, nagawa kong balikan ang kasaysayan ng Pilipinas.

Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at hinayaang lalong damahin, ang presko at mainit-init na ihip ng hangin. Nagambala lamang ako matapos kong maulinigan ang paglangut-ngot ng mga tuyong dahon na wari ay inaapakan ito. Lalo pa akong nagambala nang maramdaman ang isang presensya sa tabi ko, kaya hindi na ako nag-atubili pang ibaling ang tingin dito.

Nagulantang ako matapos makita kung sino ito.

Ano na naman bang ginagawa nya rito?

Ramdam ko ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso ko, at ang pagkilikot ng sikmura ko.

Ano bang nangyayari sa 'kin?

At dahil hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko ay pilit ko na lang itong binalewala.

Katulad sa pwesto ko kanina, ay deretso lang din syang nakatingin sa mansyon sa 'di kalayuan, at ni hindi man lang sya nagsasalita.

Kaya muli ko na lang ipinikit ang mga mata ko upang mas matulungan pa ang sistema kong balewalain ang presensya nya, ngunit parang bigo ata ako, dahil kahit anong pilit ko ay parang may bumubulong pa rin sa isipan ko na silipin sya.

" Naniniwala ka bang maaring magbago ang nararamdaman mo sa isang tao binibini? ", bigla nyang wika na nagpataas ng isang kilay ko, pero hindi ko pa rin binuksan ang mga mata ko at nanatili lang kong nakapikit.

Pero, ano ang ibig-sabihin nya?

Dala ng kuryusidad ay binuksan ko na lang ang mga mata ko at ibinaling ang tingin sa kanya, at doon ko lang nalaman na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin pala sya sa mansyon 'di kalayuan sa 'min.

" Ano ang tinutukoy mo? ", Nakakunot ang noo'ng tanong ko sa kanya, habang umusbong naman ang kaba sa puso ko—kaba para sa kung ano ang maaari nyang isagot.

" Posible bang maglaho ang pag-irog na iyong nararamdaman para sa isang tao? ", sagot nya, at sa puntong ito ay ibinaling nya na ang mga tingin sa 'kin. Nabasa ko naman ang natatanging emosyon sa mga mata nya, iyon ay ang—naguguluhan.

Agad na sumagi sa isip ko ang ideyang—

Nawala na kaya ang pagmamahal nya para sa fictional na ako?

Kinakabahan man ako dahil sa ideyang sumagi sa isip ko ay pilit ko na lang itong binalewala kasabay ng paggunita ko sa mga paniniwala ko tungkol sa pag-ibig para magkaroon ng sagot sa katanungan nya.

" Para sa akin ay hindi, dahil hindi naman talaga naglalaho ang pag-ibig, sapagkat nanatili iyan hanggang sa huli. Katulad ng pagmamahal ng Diyos sa 'tin, minahal nya tayo at ang pagmamahal na iyon ay walang katapusan. Kaya masasabi kong hindi naglalaho ang pag-ibig, o kung naglalaho man gaya ng sinabi mo ay maaaring hindi yan pag-ibig ", may kumpiyansa kong sagot sa kanya, pinagkunutan nya naman ako ng noo ngunit kalauna'y napatango-tango rin sya na para bang natagalan pa sya bago ma-proseso ang kahulugan ng sagot ko.

" Ako'y naguguluminahan pa rin binibini, sapagkat sa aking hinagap ay pag-ibig nga ang aking nadarama ", wika nya pa, noo ko na naman ngayon ang kumunot dahil sa sagot nya.

Kung ganun ay sigurado nga syang mahal nya si Sansa 2 o ang fictional na ako, pero?

" Alam mo kasi Francis minsan kasi ay mapanlinlang ang emosyon ng tao, minsan o madalas talaga ay iniisip natin o pinaniniwalaan natin na pagmamahal na nga ang nararamdaman natin para sa isang tao, dahil nga ay naroon ang saya sa tuwing kasama mo sya. Pero hindi ganun yun, hindi porke masaya kang kasama sya, hindi porke naglilikot ang iyong sikmura 'pag nakita syang nakatingin sayo, hindi porke nabubuo ang araw mo dahil lang sa isang matamis na ngiti nya, ay mahal mo na ang isang tao. Dahil maaring paghanga o gusto mo lang talaga sya at hindi mahal. Alam mo ang pagmamahal kasi ay hindi iyan ganun kadali tukuyin, wala itong eksaktong depinisyon o kahulugan. Kaya madalas tayong nagkakamali sa tuwing napagkakamalan natin na pagmamahal nga ang nararamdaman natin sa isang tao, na sa katunayan ay paghanga lang naman. " Mahabang paliwanag ko, ngunit sa bawat katagang pinapakawalan ko ay para itong isang hiwa ng kutsilyo na nagpapamulat sa isip ko.

Siguro nga ay hindi nya talaga minahal ang fictional na ako...

Bahagya akong nalungkot sa naisip ko, hindi ko inaakalang kahit pati sa pagsulat na nga lang ay pumalpak pa 'ko para gawing mahal nga talaga ako ni Francis. Siguro nga ay ito na yung patunay na kahit kontralado ko yung mundo ay hindi ko pa rin kontrolado ang kanyang puso. Maaaring naipapakita ko sa nobela na mahal nya nga talaga ang fictional na ako, pero iba pa rin ang nararamdaman nya.

Ganun ba talaga ako kahirap mahalin?

" Kung gayon ay paano mo malalamang mahal mo nga ang isang tao binibini? ", Muli ay naguguluhan nyang dagdag. Dahil dun ay muli ko na namang ginunita ang mga paniniwala ko tungkol sa pag-ibig at pansamantalang isinantabi ang mga iniisip ko.

" Hmmm para sa 'kin ay, sakripisyo—para sa 'kin ay ito ang pinakamagandang paraan para malaman na mahal mo nga o mahal ka nga ng isang tao. Katulad din kasi ng ginawa ng Diyos, ay dahil sa sobrang pagmamahal nya sa 'tin ay nagawa nyang isakripisyo ang sarili nyang buhay para sa 'tin. Kaya para sa 'kin ay dito ko nasusukat ang nararamdaman ng isang tao sa 'kin. Pero hindi naman ibig-sabihin nito, na gagawin mo rin ang katulad ng ginawa ng Diyos para sa 'tin, ang i-alay ang buhay, dahil pwede ka namang mag-sakripisyo kahit sa maliliit na bagay " muli ay paliwanag ko sa kanya, kahit papano ay naghatid ng gaan sa pakiramdam ko ang ma-isa-wika ang mga sarili kong pananaw sa buhay, lalo na't talagang mukhang interesado ang iyong pinagsasabihan.

Nakatango-tango nya akong tinitigan, " marahil nga ay tama ka binibini ", aniya pero napansin ko ang lungkot sa boses nya.

Ba't sya nalulungkot?

Ipagpapatuloy…

Binibining Jezzeii,

                 Sa wakas ay naidaos ko rin ang kabanatang ito. Pero heto paalala ko lang sa inyo, ang mga pangaral na binanggit ko sa kabanatang ito ay mula lamang sa 'kin at katulad nga ng sinabi ko ay mula lang ito sa mga pananaw ko sa larangan ng pag-ibig.

              Oo ako ay tinedyer pa lang at wala pang karanasan sa pag-ibig, pero marahil ay sapat ng dahilan o kunan ng basehan ang pagmamahal ng Diyos sa 'tin, para magkaroon ako ng ganitong pananaw sa pag-ibig.

           Maraming salamat!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro