Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Simula

Ulalong 24, 1012
Kaharian ng Karimlan

Kung mayroon mang lugar na kinabibilangan ang mga nilalang na pinanganak na may masamang budhi at adhikain, malamang ay sa realmo ito ng kadiliman nabibilang. Ang nakakubling kadiliman na kung kanilang tawagin ay kaharian ng karimlan.

Mula roon ay nakaupo sa trono ang isang binatang naka-krus ang binti habang masuyong hinahaplos-haplos ang kulay itim na pusang nakaupo sa kaniyang kandungan.

Inangat niya ang kaliwang kamay upang tingnan ang singsing nitong nakalagay sa pinakagitnang daliri niya. Isa itong gintong alahas na mayroong itim na hiyas.

Isang ngisi ang kumawala sa labi niya nang masilayan mula roon kung paano umiral ang inggit at ganid ng mga tao. Nasisiyahan siyang makita na nagkakagulo ang mga ito't nakakagawa ng mortal na kasalanan sa mga maling desisyon na nagawa sa kanilang buhay.

Ang mga temptasyon niyang bukas palad namang pinauunlakan ng mga nilalang na iyo'y hindi na niya kasalanan. Sarili nila itong desisyon kaya nararapat nilang harapin ang resulta nito.

Iyon naman ang gusto niya. Ang patunayan sa banal na anitong iyon na ang mga nilalang na kaniyang ginawa ang magiging dahilan din ng kaniyang kunsumisyon. Nais niyang isampal sa pagmumukha nitong ang paglikha sa kanila'y walang katuturan.

Ang anitong kung tawagin nila'y napupuno ng hiwaga't kabutihan, ang anitong sukdulan mula kaluwalhatian hanggang kailaliman ng karimlan ang pagkamuhi niya. Tinatawag nila itong Bathala, at wala ng mas nakakarindi pa sa pangalan niya bukod sa pagsamba ng mga walang utak na nilalang na kaniyang nilikha.

Ang mga nilalang na ito'y mayroong wangis kagaya ng mga anito subalit wala itong taglay na kahit na anong mahika. Sa madaling salita ay wala itong mga silbi't puro mga tulingag. Binigyan niya ito ng buhay, sariling pag-iisip at emosyon upang magbigay ng kalinga sa bawat isa.

Kalinga at pagpapahalagang naging katawa-tawa sapagkat hindi niya naman iyon nakamit. Ito ay sa kadahilanang hindi pantay-pantay ang paggawa niya sa mga ito. Bilang resulta'y umusbong ang masamang emosyon at adhikain sa kaloob-looban ng mga ito.

Kung hindi ba naman kasi naboboryo ang bwiset na iyon at sana'y nagbilang na lang siya ng buhangin kaysa gumawa ng mga nilalang na magiging dahilan upang madagdagan ang responsibilidad ng mga anito, sanay hindi sumasakit ang ulo ng mga ito.

"Mahal na hari." Binaba nito ang kaniyang kamay upang tapunan ng tingin ang isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang alagad.

"Florentina," payak nitong pagtawag sa pangalan ng bagong dating.

Florentina, o mas kilala bilang Mansisilat, ang taga sira ng bawat masasayang pamilya na nakikita nito.

"Nasaan ang dalawa?" Marahan nitong niyuko ang ulo bilang paggalang sa naging tanong ng kaniyang hari.

"Sa tingin ko'y parating na ang mga iyon, mahal na hari." Marahan itong tumango sa naging tugon at muling hinaplos ang mabalahibong ulo ng itim na pusa sa kaniyang kandungan.

Matapos ng ilang sandali ay dumating dalawa pa nitong panauhin. Ang pusang nakaupo sa kandungan niya'y biglang tumalon palayo sa kaniya. Nang lumapag ito sa lupa'y nagbago ang anyo nito.

"Cosette?" Kunot noong wika ni Florentina rito. Isang ngisi ang kumawala sa labi nito nang makita ang reaksyon ni Florentina.

Cosette, mas kilala ito sa tawag na Hukluban. Isa sa mga pinagkakatiwalaang alagad ng hari ng kadiliman. May kakayahan itong magbalatkayo sa kahit na anong uring nilalang, at sa isang kumpas ng mga kamay niya'y kaya ka niyang paslangin o 'di kaya'y bigyan ng lunas sa kahit ano mang sakit na iyong dinaramdam.

"Kahit kailan talaga'y napaka lapastangan mo!" Humalakhak lang ito sa naging bulyaw sa kaniya ng babae.

Si Cosette ang higit na pinakasuwail at sutil sa kanilang lahat. Sa makatuwiran ay gusto nitong sinasamsam lagi ang atensyon ng hari.

"Masyado ka ng walang galang sa hari!" dagdag pa nito. Lumabi si Cosette at nagtago sa likuran ng lalaking kaharap nito.

"Falcon! Ipagtanggol mo ako!" Imbis ipagtanggol siya'y iniluhod ni Falcon ang kaliwang tuhod nito sabay yuko upang magbigay galang sa kanilang hari.

"Mahal na haring, Sitan. Kung iyong mamarapatin, ano't kami'y inyong ipinatawag?" Iginulong ni Cosette ang kaniyang mata sa naging asta nito.

Falcon, ang natatanging lalaki sa apat na alagad ng hari ng karimlan. Mangkukulam ito kung tawagin. Siya ang natatanging apoy na iyong makikita sa kalagitnaan ng masamang panahon. Katulad ni Cosette ay makakayahan din itong mag-anyo sa kahit na anong nilalang.

Bukod doon ay kaya rin nitong magbigay lunas sa kahit na anong sakit, at ang labis na kinasisiyahan nitong gawin ay ang tumupok ng apoy sa bawat kabahayan nitong madadaanan.

"Ano pa ba ang aasahan mo riyan? Ipinanganak 'yang puno ng sama ng loob kaya walang panahong makipagbiruan," aniya ni Marga habang humahalakhak.

Pumintig kaagad ang tainga ni Falcon dito kaya inangat niya ang kaniyang ulo upang samaan ito ng tingin.

"At ikaw? Pinanganak kang-"

"Pinanganak akong may taglay na ubod ng kagandahan." Taas noo nitong wika.

"Hindi ba, mahal na hari?" Mabilis pa sa alas kwatrong napatitig ang mga ito sa hari.

Prente lamang itong nakaupo sa kaniyang tronong napapalibutan ng apoy at hindi mabilang na kalansay ng makakasalanang tao. Nakapaskil sa labi nito ang isang kakaibang ngiti na siyang nagdadala ng kilabot sa sino mang tataliwas dito. 

Pinagmasdan nila ang kasuotan ng hari't hindi maiwasang mapatikhim ni Marga at Cosette.

Ang suot nito'y gawa sa kulay itim at manipis na tela. Para itong isang roba na tanging tunika lamang ang nagsisilbing tranka upang hindi ito matanggal. Kitang-kita ng mga ito ang matipuno niyang dibdib na nakabalandara sa kanilang harapan na animo'y walang pakialam sa makakakita sa kaniya.

"Sa rami ng mga kalalakihang iyong nabihag gamit ang iyong kagandaha'y hindi mo na kailangan pang kumpirmahin 'yon sa'kin Marga," aniya habang nakatingin dito nang makahulugan.

Si Marga ang siyang pinaka tuso naman sa mga ito. May kakayahan itong magbalatkayo bilang isang tao't ito ang pasimuno sa paglaganap ng mga sakit. Ginagamit nito ang kaniyang marikit na mukha upang makahanap ng bibiktimahin niya't mapatawan ng sakit sa paraan nang pagpapanggap na gagamutin ito. 

"Kita mo na, Falcon? Kahit ang mahal na hari'y hindi tumutol sa aking binigkas." Sa naging wika ni Marga'y napaismid na lang si Falcon at hindi na ito pinatulan pa. Wala namang katuturan ang usapang iyon at masasayang lang ang oras niya.

"Higit naman na mas marikit ako sa'yo, Marga." Matapos itong sabihin ni Cosette ay nakipagtagisan pa ito ng tingin. 

"At sinong may sabing magpapahuli ako?" Kahit si Florentina'y ayaw rin magpatalo.

Isang mahinang halakhak ang narinig ng mga ito mula sa kanilang hari kaya napatigil ang mga ito sa pagtatalo. Ang tawa nito'y tila ba napapantastikuhan sa kanilang tatlo't nasisiyahan itong makitang magtalo kung sino ang pinakanakakabighani sa kanila. 

"Ang inyong alindog ang siyang dahilan kung bakit madaling maloko ang mga hangal na tao sa kalupaan," aniya habang pinagmamasdan ang tatlo.

"Isa iyon sa inyong katangian na nagpapatunay kung bakit ang mga magagandang mukha sa kasalukuyan ay ang pinakanakamamatay." Napangiti naman ang mga ito. Tunay ngang ito ang kanilang hari. 

"Ngayon, nais kong ipagbigay alam na nalalapit na ang ika- anim na raan at animnapu't anim na taon." Tumango-tango ang mga ito. 

"Umaasa akong nakahanap na kayo ng angkop na katawan na paglilipatan ng aking  kaluluwa pagdating ng araw na 'yon?" Mabilis na napatingin ang mga ito kay Falcon at Marga dahil sila ang inatasan ng gawain na iyon.

Bawat ika-anim na raan at animnapu't anim na taon ay nagpapalit ng anyo ang hari ng karimlan. Sa madaling salita'y kusang naglalaho ang kasalukuyan nitong katawan at maglalakbay ang kaluluwa nito upang maghanap ng bagong sisidlan.

"Ikanalulugod kong sabihin na kami'y nakahanap na ng mortal upang maging sisidlan ng iyong kaluluwa, mahal na haring Sitan." Ibinuklat ni Falcon ang kaniyang palad at mula roon ay may lumabas na isang imahe ng lalaki.

Tinitigan naman ito ni Sitan. Pinasidhan niya ng tingin ang binatang nakikita niya roon habang pinapanood ang parte ng nakaraan nitong puno ng sakit at poot. Sa bawat pangyayaring nakita niya'y napatunayan niya lalo sa sarili niya kung gaano ka walang kuwenta ang mga likha ng punyales na 'yon. 

"Paniguradong hindi ka mahihirapan sa mortal na 'yan. Paniguradong isang sulsol lang sa kaniya'y bukal sa loob pa niyang isusuko ang kaniyang katawan upang ikaw ay paglingkuran," saad ni Marga.

"Nakahanda na rin ang enkantasyon sa mortal na iyon, mahal na hari. Sa mismong araw na 'yon ay kusa itong magiging aktibo." Tumayo ang hari mula sa kaniyang trono upang lumapit sa kinaroroonan ni Falcon. 

"Subalit nakakasigurado ka bang walang magiging problema roon, Falcon?"  Kumurap naman ito. Ngayon lamang ito kinuwestyon ng hari kaya naman ay hindi niya maiwasang mabigla sa naging wika nito.

"N-nakakasigurado naman ako, mahal na hari." Tinapik ni Sitan ang kaniyang balikat dahilan upang mapatitig siya sa mga mata nitong walang kahit na anong bahid ng emosyon. 

Kailan man ay natutugunan niya ang lahat ng misyon at utos sa kaniya ng hari, subalit sa hindi malamang dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng kaba sa simple nitong tanong sa kaniya.

"Tutulungan ko na rin si Falcon upang makasigurado, mahal na hari. Ang natatangi mo lang gawin sa oras na ika'y magising mula sa katawan ng binatang iyon ay ang hanapin si Magwayen." Tumango-tango bilang tugon si Sitan bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Marga. Si Magwayen ang magsisilbing portada nito upang makabalik sa kaniyang kaharian. 

Bumalik si Sitan sa kaniyang trono't naupo roon habang nakatitig sa kulay itim na tintang nakaukit sa kaniyang pulsuhan. Isa itong tatu na ang disenyo'y hugis bituwin. Sa paligid nito'y mayroong circulus kung saan may mga simbolong nakaukit.

Isang simbolo na lang ang kulang rito't makokompleto na, senyales na nalalapit na ang araw na  'yon at hindi na siya makapaghintay pang maangkin ang katawan ng binatang iyon upang makabalik siyang muli sa kaniyang kaharian at pamunuan ang rebelyon sa pagitan ng mga anito't nakakasakupan nito.

Maghahari ang kadiliman sa sanlibutan at sisiguraduhin niyang aayon ang lahat sa kaniyang plano. Iyon ang akala niya, subalit hindi pala lahat ng akala ay magkakatotoo. Ilan sa mga ito ay madalas na nabubulilyaso.

GLC| GOLUCKYCHARM

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro