Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Simula

Simula

"Hanggang kailan natin itatago ito?"

Natigilan ako sa pagsubo ng ubas dahil sa tanong ni Sir Dominique. Hindi gaya ko na nakaupo sa kulay asul na tela sa tabi ng mga pagkain na dinala niya, siya naman ay nakaupo sa ugat ng malaking puno habang kumakain ng mansanas.

"Hindi ka pa rin ba sigurado sa akin, Hezira?"

Napaiwas ako ng tingin. Mabait si Sir Dominique. Guwapo. Hinog mag-isip. At higit sa lahat, responsableng ama sa kanyang anak. Alam kong may nararamdaman ako sa kanya. Hindi ko alam kung malalim ba o isang paghanga lang.

"Kung natatakot ka na baka pag-initan ka ng mga kapwa-guro mo, hindi ba dapat mas matakot sila? Kasi kapag binangga ka nila, parang binangga na rin nila ako."

Minsan ay may kayabangan din. Gamitin ba naman ang posisyon niya bilang punong-guro para takutin ang iba? Pero alam ko naman na nagbibiro lang siya.

"O dahil may anak na ako?" usisa pa niya.

"Hindi iyon..." pagtanggi ko. "Wala sa mga nabanggit mo ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay palihim pa rin ang pagkikita natin. Tuwing uwian sa hapon."

"Nababagot ako sa ganito," sambit pa niya saka bumuntonghininga. "Ayokong nagtatago tayo na parang may ginagawa tayong kasalanan."

Parang gano'n na nga ang nangyayari sa amin. Maging ang kaibigan kong si Mags ay walang ideya sa patago naming pagkikita ni Sir Dominique. Kahit na alam kong botong-boto siya sa kanya.

"Nagbibiro lang ako..." Tumawa si Sir Dominique saka lumapit sa akin. Tumabi siya sa akin saka hinawakan ang mukha ko. "Kung gusto mong ganito muna tayo, ayos lang sa akin."

Napangiti ako sa sinabi niya. Sobrang maintindihin talaga niya.

"Pero..." Sumeryoso ang kanyang mukha. "Gusto kong maging tapat ka sa akin, Hezira. Kahit na kaunti ba... sa tingin mo ba... may pag-asang mahulog ka rin sa akin?"

Wala sa sariling tumango ako. Kahit na ang totoo ay hindi pa rin buo ang loob ko.

Napangiti siya sa sinagot ko. "Ayos na ako sa ganito, Hezira. Magsimula ngayon dito na ang tagpuan natin."

Nalula ako sa kanyang mga mata. Habang nakatingin sa mga 'yon ay biglang sumakit ang ulo ko. Napapikit ako at napayuko. Bigla kong narinig ang sariling tinig sa loob ng aking ulo.

"Kapag hindi na ako mahagilap ng mga mata mo at nawawalan ka na ng pag-asang masilayan akong muli... andito lang ako."

"Hezira!" Naramdaman kong niyakap ako ni Sir Dominique. Naramdaman kong pumatak ang luha mula sa mga mata ko. "May nararamdaman ka ba?"

Meron. Ang dibdib ko... parang pinupunit. Tila may puwang na habang tumatagal ay palaki nang palaki. Ang mga tinig sa utak ko ay palakas nang palakas.

"Gabi na. Kailangan ko nang umuwi," sabi ko saka mabilis na kinuha ang bag ko. Tumayo na ako at handa nang umalis nung hinawakan ni Sir Dominique ang aking kamay.

"Mag-iingat ka," paalala niya.

Tumango lang ako saka na binawi ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya. Halos tumakbo na ako palayo roon. Patuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha sa mata ko.

Hindi ako nababaliw dahil hindi ito ang unang beses na may narinig akong tinig sa utak ko. Ngunit ito ang unang pagkakataon na tinig ko ang narinig ko.

Nung malapit na ako sa dorm ay tumigil muna ako para pakalmahin ang sarili. Malamang na nagdududa na si Mags na lagi akong ginagabi ng uwi. Hindi makakatulong na makita niya ako sa ganitong kalagayan.

Kakatok pa lang ako sa pinto ay pinagbuksan na ako ni Mags. Malawak ang ngiti sa kanyang labi. Hindi siya nagtanong. Pagkapasok ko ay sinarado niya agad ang pinto.

"Nakapagluto ka na ba?" tanong ko.

"Wala si Sir Dominique sa opisina niya kanina, ah?" bigla niyang banggit. "Sabi mo kahapon nung ginabi ka ng uwi ay nasa silid-aklatan ka. Dinaanan kita ngayon pero wala ka roon."

"Hindi mo lang ako nakita—"

"Kayo na ba?"

Pumasok ako sa kuwarto ko at buti naman ay hindi siya sumunod. Nagpalit ako ng damit at handa nang lumabas nung mapansin kong nakabukas ang bintana ko. Pumapasok ang malakas na hangin na gumagalaw sa kurtina.

Pumasok ba si Mags sa kuwarto ko? Imposible. Hindi naman niya 'yon ugali. Pero ni minsan ay hindi ako lumabas ng bahay nang hindi kinakandado ang bintana ko. Baka nakalimutan ko lang ngayon. Hindi ko na 'yon pinalaki. Sinarado ko na lang ulit.

Habang kumakain kami ng panghapunan ay hindi ako tinigilan ni Mags sa mga tanong tungkol kay Sir Dominique. Hindi ko pa inaamin ay tanggap na niyang kami na.

"Baka tumaas ang sahod mo!" Humagikgik siya.

"Baliw." Tumawa ako. "Pero..."

"Pero?" Napatayo siya. "Ano, Hezira?"

"Oo. Siya lagi ang kasama ko..."

Napapikit siya saka tinakpan ang bibig para ipitin ang tili. Ang madalas na sampunong minutong ginugugol namin sa hapag-kainan ay naging halos isang oras dahil sa dami ng mga katanungan ni Mags.

Gano'n pa man ay hindi ko magawang mainis sa kanya. Sa totoo niyan ay malaki pa nga ang pasasalamat ko na naging kaibigan ko siya. At kasama pa sa dorm.

Malaki ang unibersidad kung saan kami nagtuturo. May mga dorm na para sa mga guro na malayo ang uuwian. Libre ang lahat. Pero hindi iyon ang dahilan kaya pinili kong dito tumuloy.

Lumaki akong hindi nakikilala ang ama ko. Tanging si Mama lang ang kasama ko simula't sapul. Kaya nung nawala siya dahil sa isang aksidente ay naging mag-isa na lang ako. Hindi man ako gano'n kalungkot nung naiwan ni Mama, ayoko ring umuwi sa tahimik na bahay. Kaya mas pinili ko rito.

Hindi ko nga alam kung kailan namatay si Mama. Hindi ko rin alam kung saan ang huling hantungan niya. Malamang na ito ang dahilan kung bakit nakakaramdam ako ng lungkot.

Nung gabing 'yon ay hindi ako dinalaw ng antok. Nakapikit lang ako. Kinamot ko ang braso ko nang makaramdam ng pangangati. Hindi nawala ang kati kaya minulat ko na ang mga mata ko para tingnan ito.

Sa halip na mapula ay isang hugis ang nakaukit dito. Napabangon ako sa kama at mabilis na kumuha ng panulat. Bago pa mawala ang marka ay sinundan ko ng panulat ang hugis nito. Nawala na ang marka pero nanatili ang guhit ko.

Tama ako. Isang hugis paruparo ang lumilitaw sa braso ko.

Hindi ito ang unang beses na lumitaw ang marka na ito. Nagpasuri na rin ako sa manggagamot pero wala namang nakitang mali sa akin.

Napatingin ako sa bintana nung bigla itong bumukas. Malakas ang hangin kaya lumilipad ang kurtina. Madilim. Wala akong makitang tao roon. Imposibleng hangin ang dahilan kaya bumukas ang bintana ko. Nakakandado ito.

"Sino ka?" tanong ko.

Pilit kong pinapatatag ang sarili ko kahit na tila maiiyak ako sa takot. Sa dami ng kababalaghan na nangyayari sa buhay ko ay hindi ko maipagsawalang-kibo ang isang ito.

"H-hindi ako natatakot sa 'yo..."

Nung walang sumagot ay tumakbo ako palabas ng kuwarto ko. Pumasok ako sa kuwarto ni Mags saka nagtago sa kanyang kumot.

"Hezira?"

"Malamig sa kuwarto ko..." nakapikit kong sabi. "Dito na lang muna ako."

Hindi na siya kumibo. Hanggang sa narinig kong humilik na siya. Sinubukan kong matulog pero hindi ko magawa. Lumipas ang isa, dalawa, at tatlong oras na gising ang diwa ko.

"Mags?" tawag ko sa kaibigan ko.

Hindi siya kumibo.

Sumikat ang araw nang hindi ako nakatulog. Hindi pa rin ako inaantok. Pero nakaramdam ako ng sobrang pagkauhaw.

"Alam kong tama na uminom nang maraming baso ng tubig. Pero Hezira... nakailang pitsel ka na?" pagpansin ni Mags.

Nung hindi pa rin napatid ang pagkauhaw na nararamdaman ko. Pumasok ako sa klase nang tuyo ang lalamunan ko. Masama ang pakiramdam ko. Gano'n pa man ay naituwid ko ang pang-umagang klase.

Nung tanghali na ay mas lalong bumagsak ang pakiramdam ko. Hindi ko rin kayang tumagal sa ilalim ng araw dahil parang pinapaso ako ng init.

"Hindi ka ba nagugutom, Hezira?" tanong ni Mags nung hindi ko ginalaw ang pagkain ko. "Matatapos na ang lunch break natin."

"Busog ako..." pagrarason ko.

Napangiwi ako nung marinig na may nabasag na baso. Napatingin ako sa katabi naming lamesa. Yumuko ang isang estudyante para pulutin ang mga nabasag na piraso ng babasagin na baso.

"Baka naman buntis ka?" tanong ni Mags.

Nasugatan ang estudyante dahil nahawakan niya ang talim ng isa sa mga basag na piraso ng baso. Pumatak ang dugo niya sa sahig. Biglang bumilis ang pintig ng puso ko. Tumaas din ang init na nararamdaman ko. Suminghap ako ng hangin dahil mabango ang naamoy ko.

"May nangyari na ba sa inyo ni Sir Dominique?"

Natagpuan ko ang sarili kong dahan-dahan na lumalapit sa batang estudyanteng nasugatan. Hindi ko makontrol ang sarili ko. Kusang gumagalaw ang mga paa ko. Ang dumudugo niyang daliri...

Nung malapit na ako ay may tumapik sa akin. Paglingon ko ay isang babae. Nginitian niya ako.

"Ako na ang maglilinis," sabi niya sa akin. Saka siya lumapit sa bata. Pinunasan niya ang dugo sa sahig saka hinila ang bata paalis.

"Hezira!" Nilapitan ako ni Mags saka muling binalik sa upuan ko. "Ano ba namang nangyayari sa 'yong babae ka? Sinasapian ka ba?"

Lumuno ako. Natakam ba ako sa dugo?

"Ano, Hezira? Huy!"

Lumingon ako kay Mags. Kinabahan ako nang husto.

"B-baka nga buntis ako..." bulong ko.

Naibuga niya ang iniinom na tubig. Nanlaki ang mga mata niya habang nakaawang nang kaunti ang mga labi. Hindi siya nakapagsalita.

Isang dahilan lang naman kung bakit bigla akong natakam sa dugo. Naglilihi ako. Gano'n naman talaga kadalasan ang pinaglilihian ng mga buntis, hindi ba? Mga kakaibang bagay.

"Buntis ka nga..." Tila maiiyak si Mags. "Nagbibiro lang naman ako, Hezira. Hindi ako boto sa inyo ni Sir Dominique. May gusto rin ako sa kanya."

Hindi na ako nagulat sa sinabi niya. Dati ko pa napapansin na siya lagi ang kinikilig kapag ang punong-guro ang pinag-uusapan namin. Kunwari lang ang panunukso niya sa akin.

"Pero..." Suminghap siya. "Wala naman akong magagawa. Magiging masaya na lang ako sa 'yo at sa magiging anak niyo."

Napakurap ako. Buntis? Imposibleng maging buntis ako! Walang nangyari sa amin ni Sir Dominique. Ang totoo niyan ay wala pa nga akong first kiss!

"Kailangan mong magpasuri sa manggagamot," sabi pa ni Mags. "Pero kailangan mo munang sabihin ito kay Sir Dominique. Hindi mo ito kaya na mag-isa, Hezira."

Hindi maaari. Hindi maaaring natakam ako sa dugo ng isang tao. Gusto ko lang tulungan ang babae at iyon lang 'yon!

"Basta ayokong maging ninang, ah? Masakit na makitang may anak na siya."

"Mags. Ano ba?" Inikutan ko siya ng mga mata. "Kung makapag-drama ka naman diyan, parang walang anak 'yung tao. Hoy may anak na 'yon!"

"Iba kasi kapag anak ninyong dalawa!" singhal niya pabalik. "Best friend kita, crush ko siya. Hoy ang sakit, gaga. Hindi ko kayang maging ninang ng anak ninyo."

Mabuti na lang ay tumunog na ang bell. Bumalik na kami sa mga klase namin. Nagawa kong makapagturo nang maayos kahit na hindi ako nilubayan ng nangyari sa kantina.

Nung hapon ay pumunta ulit ako sa tagpuan namin ni Sir Dominique. Naroon na siya at nakalatag na naman ang tela. May mga prutas at meron ding bulaklak.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong niya.

Tanging tango lang ang naisagot ko. Kumuha ako ng mansanas para kainin. Nakatingin lang ako sa bulaklak na nasa tabi ko.

"Para sa 'yo ang bulaklak na 'yan," aniya.

"Dom..." Bumaling ako sa kanya.

Napakurap siya. "Dom?"

"Pinaikling pangalan mo," sagot ko at biglang nakaramdam ng hiya. "Ang ibig kong sabihin ay Sir Dominique—"

"Hindi," putol niya sa akin. "Mas gusto kong iyan na lang ang itawag mo sa akin. Huwag na Sir Dominique. Masyadong pormal."

Ngumiti na lang ako. Nahihiya pa rin ako sa bigla kong pagtawag sa pangalan niya.

"Nabanggit ko na ito kay Lourd," biglang sabi ni Sir Dominique na ang tinutukoy ay ang anak niya. "Kung sakaling maging tayo... para hindi na siya magulat."

Ako ang nagulat sa sinabi niya. "Hindi ba napakaaga naman para sabihin mo sa kanya?"

Nagkibit-balikat siya. "Alam ko naman na roon din ito patungo. Huwag kang mag-alala. Sinabihan ko naman siya na huwag itong ipagsabi."

Napabuntonghininga na lang ako. Natapos ang pag-uusap namin nang wala namang kakaibang nangyari sa akin. Nakauwi ako nang mas maaga.

"Ano ang mga ito?" tanong ko kay Mags habang nakatingin sa lamesa. "Bagong taon ba? Bakit ang daming prutas?"

"Ganyan ang mga pinaglilihian!" sagot niya. "Kumain ka lang kung gusto mo."

"Mags... hindi pa ako sigurado," sabi ko.

Pumasok ako sa kuwarto ko at sumunod siya. Naabutan ko na naman na nakabukas ang bintana ko. Hindi na ako nag-isip pa at sinarado na lang 'yon.

"Nasabi mo na ba kay Sir Dominique?"

"Ang sabi ko... hindi pa ako sigurado!"

Kumuha ako ng damit sa aparador. Gusto kong maligo baka sakaling maalis ang init na nararamdaman. Hinarang pa ako ni Mags.

"Kailangan mong magpakunsulta," aniya.

Hinawi ko siya paalis sa daan. Marahan ko lang siyang hinawi pero natumba siya. Parehong nanlaki ang kanyang mga mata.

"Hala!" Mabilis ko siyang dinaluhan. "Ayos ka lang? Pasensya na—"

"Ano ka ba? Ayos lang ako!" Nakangiti siyang tumayo. "Baka hindi pagkain ang pinaglilihian mo? Baka gusto mong mambugbog?"

"Mags..."

"Biro lang." Humalakhak siya. "Pero ang lakas no'n, ah! Grabe ka."

Tumuloy na ako sa banyo. Matagal akong nagbabad sa tubig, umaasang maaalis nito ang alisangan na nararamdaman. Ngunit tila nasa loob ko ang init kaya hindi ito napawi.

Hindi na ako sumabay kay Mags na maghapunan dahil wala akong gana. Nagkulong na lang ako sa kuwarto at gumawa ng mga aaralin ng estudyante ko. Subalit maging 'yon ay hindi ko natapos.

Humiga ako sa kama at sinubukan ulit ipahinga ang katawan ko. Bigo akong makatulog. Doon ko na napagdesisyonan na lumabas ulit. Naglakad-lakad ako hanggang sa mapadpad ako sa kakahuyan.

Napalingon ako sa likod nung may maramdaman na nakasunod sa akin. Ngunit walang tao roon. Gano'n pa man ay may nararamdaman akong nakamasid sa akin.

Lumunok ako. "Hindi na talaga ako natatakot sa 'yo."

"Mas matakot ka sa sarili mo."

Isang babaeng may maikling buhok ang lumitaw sa harapan ko. Halos magkasing-tangkad lang kami. May hawak siyang isang kuwaderno.

"Sino ka? Ikaw ba ang nagmamasid sa akin?" tanong ko.

"Bakit wala ka sa listahan?" tanong niya. "Nakapagtatakang wala ka sa listahan kaya sinubaybayan kita. Baka sakaling mali lang ako ng hinala."

Tumingin lang ako sa kanya. Napagtanto kong pamilyar sa akin ang kanyang boses.

"I-ikaw 'yung babae kanina sa kantina..." Kumunot ang noo ko. "Ikaw 'yung pumigil sa akin nung lalapitan ko na ang babaeng nasugatan para tulungan siya."

"Tulungan?" Humalakhak siya. "Tutulungan mo siyang maubos ang dugo niya?"

Natikom ang bibig ko. Paano niyang nalaman na sa dugo ng babae ako naging interesado kanina?

"Kung hindi kita pinigilan kanina, malamang na ubos na ang dugo ng babae." Huminga pa siya nang malalim. "Nakapagtataka talagang wala ka sa listahan."

"A-anong listahan?"

"Listahan ng mga naligaw na bampira sa mundo ng mga tao," nakangiti niyang tugon. "Baka naman nakalimutan ka lang isulat. Hindi bale. Ang importante ay napatunayan kong hindi ka nga isang tao."

"N-nagkakamali ka..." Napaatras ako. "Hindi ako natakam sa dugo ng babae. B-buntis lang ako..."

"Sandali nga." Kumunot ang noo niya saka tinago ang hawak na kuwaderno. "Sinasabi mo bang hindi ka natakam sa dugo ng babae?"

Mabilis akong umiling.

"Kasinungalingan... dinilaan ko nga ang daliri niya nung tinulungan ko siya." Napangiwi siya saka napakamot sa batok. "Sinabi ko naman na para lang matigil ang pagdudugo. Pero hindi iyon ang punto ko. Ang punto ko ay bampira ka rin katulad ko. Imposibleng hindi ka matakam sa dugo. Lalo na sa dugo ng tao!"

Pumikit ako nang madiin. Saka ako nagdasal na isang panaginip lang ito. Alam kong maraming hindi maipaliwanag na pangyayari sa buhay ko. Pero bampira? Kahibangan.

Pagmulat ko ng mga mata ko ay nasa tabi ko na ang babae. Hindi ako nakakilos nung hawakan niya ang ulo ko. Nanlaki ang kanyang mga mata saka napaatras.

"T-totoo nga..." namamangha niyang sambit. "Hindi mo alam na isa kang bampira—"

"Dahil hindi ako isang bampira!" singhal ko. "Okay. Sige. Iisipin kong hindi ka nababaliw. Pero pakiusap, huwag mo akong idamay."

Tumalikod na ako at aktong paalis na nung bigla siyang sumulpot sa harapan ko. Napaatras ako at nagimbal nung makitang naging pula ang kanyang mga mata. Tila nagliliyab. Parang namalik-mata lang ako dahil nawala rin agad 'yon.

"Ako si Sylvia. Isa akong vampire hunter," pagpapakilala niya. Hindi katulad kanina, seryoso siya ngayong nakatingin sa akin. "Ang layunin ko ay ubusin ang mga natitirang bampira sa mundo ng mga tao."

"Isa ka lang panaginip..."

"Hindi ko alam kung bakit wala kang maalala ngunit..." Biglang lumitaw ang kanyang mga pangil. "May misyon ako. At kailangan kitang tapusin..."

"Sandali..." Hinarang ko ang kamay ko sa harapan. "Ang sabi mo ay wala ako sa listahan mo. Ibig sabihin nito ay hindi ako kasama sa misyon mo."

Natigilan siya sa pag-atake. "P-pero isa kang bampira..."

"May patunay ka bang isa akong bampira?" tanong ko sa kanya. "Nakita mo bang uminom ako ng dugo? Wala kang ebidensya, hindi ba?"

"Pero Hezira..." Huminga siya nang malalim. "Wala kang naaalala. Kung patuloy kang mananatili sa mundo ng mga tao ay manghihina ka. Andito ako para padaliin ang paghihirap mo."

"Pero hindi nga ako isang bampira!" sigaw ko sa kanya.

"Oh, sige. Siguro tama ka." Dumistansya siya mula sa akin. "Hindi kita maaaring hatulan dahil wala ka sa listahan ko. At gaya nga ng sinabi mo, hindi ko pa napapatunayan na isa kang bampira. Kahit na naaamoy ko na."

"Hindi ako isang bampira."

"Pero sa oras na makita mismo ng dalawa kong mga mata..." Biglang kumislap ulit ang kanyang mga pulang mata. Ngumiti siya kaya nakita ko ang kanyang mga pangil. "Wala ka nang magagawa kung hindi ang sumama sa akin. Hindi kita maaaring iwan dito."

Alam ko sa sarili ko na hindi ako naniniwala sa mga sinasabi niya. Ngunit naging interesado ako sa mga huli niyang binitiwan na salita.

"Saan mo ako dadalhin kung sakali?" tanong ko.

"Kung saan ka mahahatulan. Sa mundo natin. Sa mundo ng mga bampira..."

"Okay. Sige." Nag-abot ako ng kamay, pero hindi niya 'yon tinanggap. Tiningnan niya lang. Binaba ko rin ang kamay ko saka na rin nag-umpisang umalis.

"Babantayan kita. Hindi ka tatagal nang hindi nakakainom ng dugo!"

Tinakpan ko ang tainga ko saka na ako tumakbo.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #vampire