Chapter 4
Chapter 4: Pagbabasa
Binilang ko ang araw sa pamamagitan ng pagsibol ng buwan at pagdilim ng kalangitan. Kung tama ang aking bilang, ngayon ang aking ikatatlumpung araw ko sa Minaggen. Hindi ako kailanman nabagot sa lugar na ito. Sa dami nga ng magagawa ko ay halos hindi ko napansin ang paglipas ng oras.
Hawak ang isang libro ay umakyat sa itaas ng isang puno. Sumandal ako habang hinihintay ang pagsikat ng araw. Ganito ko lagi sinasalubong ang araw.
Isa pa ring hiwaga sa akin ang lugar na ito. Lahat ng kailangan ng katawan ko ay narito— dugo, pagkain, at maging ang kapayapaan. Iyon naman lang naman dapat ang kailangan ko.
Napahawak ako sa dibdib ko nung manikip ito. Saka ko lang napansin na unti-unti na namang sumisikat ang araw.
Ngunit tila may hinahanap ang puso ko. At sa tuwing hindi ito maalala ng utak ko ay sumisikip ito. Tila nasasaktan. Oo nga pala. May nakaraan akong hindi maalala.
Gano'n ba ito kaimportante sa akin? Hindi ba puwedeng mamuhay na lang ako nang walang binabalikan sa nakaraan? Hindi ko alam kung saan magsisimula.
"Teacher Erissa!"
Tumingin ako sa ibaba. Nakangiti habang nakatingala sa akin si Dena. May hawak siyang buslong naglalaman ng mga prutas at tinapay. Masaya akong kahit papaano ay nagiging palasalita na siya. Nung una kong dating dito ay hindi siya kumikibo.
Bumaba na ako para harapin siya. Tinulungan ko siyang maglatag ng tela para doon kami maupo. Napansin kong may isa pang tela siyang dala na nilatag din niya.
"Nasaan sina Polo at Leah?" tanong ko sa dalawa pa niyang kaibigan.
"Andito na kami!"
Tumatakbong lumapit sa amin sina Polo at Leah. May mga kasama silang ibang bata na ngayon ko lang nakita.
"Mga kaibigan namin sila mula sa labas," humahagikgik na sambit ni Leah. "Inimbitahan namin sila para matuto rin silang magbasa."
Isa sa mga sinikap kong gawin sa isang buwan kong pananatili rito ay matulungang magbasa ang mga bata. Gusto kong kahit walang paaralan dito ay matutunan pa rin nila ito.
"Talaga po, Ate? Marunong kang magbasa?" tanong ng isa.
"Hindi lang magbasa. Pati gumamit ng Ingles!" pagmamayabang ni Polo. "Pero hindi pa namin natatalakay iyon. Nasa pagbabasa pa lang kami!"
"Oh, sige na. Maupo na kayo nang makapag-umpisa na tayo," nakangiti kong sabi. "Maaari kayong kumain habang nakikinig sa akin."
Nagpakitang gilas sina Polo at Leah sa pagbabasa. Si Dena naman ay taimtim lang na nakikinig gaya ng madalas. Pero masasabi kong siya ang pinakamabilis na matuto. Nakatulala lang ang mga kaibigan nila at tila hindi makapaniwala.
"Galing ka ba sa pangkat ng Maharlika?" biglang tanong ng isa sa mga kaibigan nila. Siya ang pinakamatanggad at kung tama ang hinala ko, siya rin ang pinakamatanda.
"Oo," sagot ni Polo.
"Hindi," mabilis kong pagtanggi. "Minsan lang akong nakitira sa kanila, pero hindi ako kabilang nila. Magpatuloy na tayo sa pag-aaral?"
"Kung gano'n ay nakapasok ka na rin sa palasyo?" tanong pa niya. "Nakita mo ba roon si Papa? Ang sabi kasi ni Mama ay hinuli siya ng mga kawal."
"Bakit naman nila huhulihin ang Papa mo?" tanong ko.
"Kailangan ba nila ng dahilan?" nagtataka niyang tanong. "Sapat ba ang dahilan na kulang ang buwis na naibigay niya dahil maging ang kanyang kita ay kulang pa sa amin?"
"Magbasa na tayo!" Sumimangot si Dena.
"Paumanhin." Yumuko ang batang lalaki. "Kailangan ko na palang umalis. Baka hinahanap na ako ni Mama." Tumayo na siya at tumakbo palayo.
Bumagsak ang mga balikat ko nung makitang umiiyak siya bago umalis. Hindi ko napansin na mahigpit na pala ang pagkakahawak ko sa libro.
"Iyon na muna siguro ang tatalakayin natin sa ngayon," pilit akong ngumiti. "Bukas naman. Puwede na kayong maglaro kung gusto niyo!"
Nagsigawan sina Polo, Leah, at mga kaibigan nila. Nagtakbuhan na sila at naghabulan. Naiwan sa harapan ko si Dena.
"Malungkot ka ba, Ate Erissa?" tanong niya sa akin.
"Bakit mo naman naitanong?" Tiniklop ko na ang librong hawak. "Siguro tama ka, Dena. Malungkot ako. Nalulungkot ako para sa kaibigan ninyo."
Alam ko ang pakiramdam ng walang magulang. Ang hindi ko alam ay ang pakiramdam ng mawalan ng magulang sa hindi patas na dahilan. Kung tama ang sinabi ng bata, hindi tama na hinuli ang Papa niya dahil lang sa buwis na hindi naibigay.
"Maaari ko bang mahiram ang libro?" tukoy niya sa hawak ko. "Gusto kong magbasa pa."
"Sige lang." Nakangiting binigay ko sa kanya ang libro. "Malayo ang mararating mo Dena. Makukuha man nila ang lahat ng pag-aari mo, ngunit hindi ang iyong kaalaman. Ito ang dapat na pagyabungin sa mundong hindi patas lumaban."
Pabalik na sana ako nung mapansin ang isang lalaki na may hawak na sibat.
"Noel!" sigaw ko saka patakbong lumapit sa kanya. "Mangangaso ka ba? Maaari ba akong sumama?"
"Saan ka galing, Erissa? Kanina ka pa hinahanap ni Allana dahil magpapatulong siya sa pananahi. Sandali. Nakita mo ba ang mga bata?"
Napaiwas ako ng tingin. Ang pagtuturo ko sa mga bata ay isang sikreto. Alam kong mali iyon dahil ayon sa patakaran nila rito, hindi maaaring matutong magbasa ang mga dukha.
"Erissa? Kasama mo ba silang naglaro?"
Tumango ako. "Ay oo. Sa katunayan ay naglalaro pa rin sila."
Bumuntonghininga siya. "Oh, sige. Sumama ka na lang sa akin."
Kumuha rin ako ng sibat. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumama ako sa pangangaso. Sa kanya ko natutunan kung paano humuli ng hayop buhay man o wala nang buhay. Masasabi kong natututo na ako.
"Oo nga pala. Baka umalis kami mamaya ni Ginang Alma para bumalik sa bayan para makipagpalitan ng produkto. Baka bukas na kami makauwi."
"Puwede ba—"
"Hindi maaari," agad niyang putol sa akin. "Hindi ba nabanggit mo sa akin na may mga humahabol sa 'yo? Baka makita ka nila."
Napayuko ako. Nakagawa rin ako ng kuwento na pinagbintangan akong nagnakaw kaya may mga naghahanap sa akin sa labas. Na hindi ako maaaring umalis dito.
Ako lang ang humawak sa sibat habang si Noel ang humuhuli sa mga hayop. Hanggang ngayon ay natutulala pa rin ako sa kanyang bilis. Kung hindi lang ako bampira ay malamang na iisipin kong naglalaho siya.
"Puwede na itong apat na usa!" nakangiti niyang sabi. Tumutulo pa sa labi niya ang dugo. "Halika na, Erissa. Bumalik na tayo!"
Sumabay ako sa kanyang paglalakad. "Maaari ko rin bang malaman ang dahilan kaya ka napadpad sa Minaggen?" hindi ko naiwasang maitanong.
Hindi ko ipipilit ang tanong ko kung wala siyang balak na sagutin. Ngunit hindi siya nag-atubiling sagutin ito.
"Dati akong kawal sa palasyo," tipid na sagot niya.
Namangha ako. Kaya naman pala tila hinulma ang kanyang katawan at bilis. Kung gano'n ay kung may isa mang may kaalaman sa palasyo sa amin, si Noel iyon.
"Siguro ay hindi mo rin masikmura ang mga ginagawa nila, 'no? Ang panghahamak. Pangmamaliit. Kasakiman."
"Tama. Siguro kung nanatili lang ako roon ay mataas na rin ang katungkulan ko."
"Hindi naman kita masisisi kung mas pinili mo ang umalis. Kahit naman ako na laging inuutusan ng hari ng mga masasamang bagay ay mas nanaisin ko rin na lang na tumiwalag," natatawa kong sabi.
"Noel!" Sinalubong kami ng hindi maipintang mukha ni Allana. Nabitiwan ni Noel ang mga huling usa saka tumakbo. Sumunod naman ako.
Natigilan ako nung makita ang isang grupo ng kalalakihan na inaani ang aming mga pananim. Sa isang banda naman ay nakita kong binibigay ni Ginang Enna sa isang lalaki ang mga supot ng pilak.
"Ito lang ba?" tanong ng lalaki. "Halos dalawang buwan kaming hindi bumibisita rito tapos sampung supot lang ng pilak ang maibibigay ninyo sa amin?"
"Paumanhin, Pinuno," yumuko si Ginang Enna.
Tumingin ang pinuno sa mga kasamahan niyang nakatayo. May sinenyas siya sa kanila. Nagtakbuhan naman ang kanyang mga kasamahan at isa-isang pinasok ang mga tirahan.
Nanatili akong nakatayo sa hindi kalayuan, pinapanuod kung paano sila apak-apakan ng mga nakatataas. Nakahawak si Noel kay Ginang Enna na tulad ko ay walang magawa.
"Kunin lahat ng nakaimbak nilang alak!" utos pa ng pinuno. "Simutin ang kanilang mga tanim at mga alagang hayop. Huwag magtitira ng kahit na ano!"
"Salbahe!" sigaw ni Dena kaya agad siyang hinila ni Allana. "Mamang salbahe!"
"Dena," pag-awat ni Allana. "Mas mabuting pumunta ka muna sa mga kalaro mo."
"Manahimik kang paslit ka," tumatawang sambit ng Pinuno. "Sandali. Ano ang hawak mo?"
Kumabog ang dibdib ko nung mapansin na hawak pa rin ni Dena ang librong pinahiram ko sa kanya. Hinablot 'yon ng pinuno at sinuri.
"Marunong ka bang magbasa?" tanong ng Pinuno.
Tumango si Dena.
"Hindi siya marunong!" sabi naman ni Allana na halos maluha na rin. "Tanging mga larawan lang ang kanyang tinitingnan at hindi ang mga letra!"
"Hindi kita kinakausap!" Isang sampal ang inabot ni Allana mula sa Pinuno. Umalma si Noel kaya si Ginang Enna naman ang humawak sa kanya para pigilan.
Lumuhod ang Pinuno sa harapan ni Dena. May galak sa kanyang mukha. Tila ang pag-amin nitong nakapagbabasa siya ang pinakahinihintay niya noon pa. Ang susi para tuluyan niyang makuha ang lupain na Minaggen.
"Tama ba ang sinabi mo, bata? Kapag umamin ka ay hindi na namin kayo guguluhin pa," nakangiting pagsisinungalin ng Pinuno. "Tinuturuan kayong magbasa sa lugar na ito?"
Tumango ulit si Dena.
Isang halakhak ang lumabas sa bibig ng Pinuno. Tumayo siya at humarap kay Ginang Enna. "Kung gano'n ay tama ang hinala ko noon pa man. Isa kayong rebelde at kalaban ng gobyerno. Tinuturuan ninyo ang mga bata rito na makapagbasa bilang rebelyon sa palasyo at sa ating hari."
Kusang gumalaw ang mga paa ko, palapit sa kanila. Nakakuyom ang mga kamao ko.
"Ako ang nagtu—"
"Ako ang nagtuturo!" putol sa akin ni Ginang Enna. "Tama ang narinig mo, Pinuno. Ako ang nagtuturo sa mga bata para matutong magbasa. Ngunit mali ang iniisip mong isa kaming pangkat ng rebelde. Tanging pagbabasa lang ang tinuturo ko."
Nanigas ako sa kinatatayuan. Sa pagkakataong iyon ay alam ko sa sarili ko na nasa panganib ang lahat. Maging ang pinaghirapang buoin at pangalagaan ni Ginang Enna.
"Sapat ang dahilan na tinuturuan mong magbasa ang mga bata para hulihin ka namin."
Mabilis na hinawakan ng mga kawal ang magkabilang kamay ni Ginang Enna. Hindi siya nagpumiglas.
"Huwag kang mag-alala. Dadaan ka pa rin sa paglilitis. Ngunit sinasabi ko na sa 'yo na sa ngayon pa lang ay tapatin mo na ang mga kasama mo rito." Bumaling ang Pinuno sa lahat. "Mag alsa-balutan na kayong lahat dahil kaunting panahon na lang ang ilalagi ninyo sa lugar na ito!"
"Ginang Enna!" Humagulgol si Allana nung dalhin siya ng Pinuno sa pag-alis nito.
Naiwan kaming tahimik at walang pag-aari. Lahat ay inangkin nila, maging ang nagsisilbing liwanag ng aming lugar. Tanging ang mahinang hikbi lang ni Allana ang nariring.
Kasalanan ko ang lahat ng ito. Pinatuloy nila ako rito tapos ay ito pa ang sinukli ko. Pinahamak ko hindi lang sila, maging ang nag-iisa nilang tahanan.
"Nakuha ba lahat?" tanong ni Noel.
"May mga naitago kami," humihikbing sagot ni Allana. "Sapat naman siguro iyon para sa mga magdadaang linggo. Noel. Ano ang gagawin nila kay Ginang Enna?"
"Hindi rin ako sigurado," sagot ni Noel. Napatingin siya sa akin. Nakaramdam ako ng sobrang pagkahiya kaya napayuko ako. Naramdaman kong nilapitan niya ako.
"P-paumahin..." bulong ko saka madiin na pumikit. "Ako ang patagong nagtuturo sa mga bata na magbasa. Ako ang dapat na hinuli nila at hindi si Ginang Enna."
"Naiintindihan ko ang intensyon mong makatulong, Erissa. Hindi ka namin sinisisi sa nangyari. Ngunit sana ay maging aral ito sa iyo na hindi dahil alam mong tama ay gagawin mo. Minsan ay kailangan mong isaalang-alang ang maaaring maging kapalit nito."
"Naiitindihan ko..." Tumingin ako sa kanya. "Huwag kang mag-alala. Susundan ko ang Pinuno at aaminin kong ako ang dapat nilang hulihin."
"Walang mangyayari kahit na gawin mo 'yan, Erissa. Hindi ka pakikinggan ng Pinuno. Si Ginang Enna lang talaga ang pakay niya noon pa man. Dahil siya ang kalakasan natin. Alam ng Pinuno na kapag nakuha niya siya ay manghihina na tayo."
"Hindi ako papayag!" sabi ni Allana. "Hindi dahil nakuha nila si Ginang Enna ay panghihinaan na ako ng loob. Lalaban ako. Babawiin ko siya."
Sumang-ayon ang mga kasamahan pa namin.
"Hindi nila sasaktan si Ginang Enna," paniniguro ni Noel. "Nakalulungkot man ngunit isang bagay lang ang nakikita kong paraan para maresolbahan ang problema na ito. Para mabawi natin siya."
Natigilan si Allana, tila naintindihan ang mga pahiwatig ni Noel sa kanyang mga salita. Napayuko siya at kumuyom ang mga kamay.
"Mga kasamahan..." Pagkuha ni Noel sa atensyon ng lahat. Bumuntong hininga siya saka pilit na ngumiti. "Niyakap tayo ng Minaggen nung tinalikuran tayo ng mundo. Ngunit hindi dahil mawawala na ito ay katapusan na rin ng mundo natin."
"L-lilisanin na ba natin ang Minaggen?" tanong ng isa. "Pero saan tayo pupunta? Mag-isa na lang ako sa buhay. Hindi ko alam kung saan magsisimula sa labas nito."
"Hindi papayag si Ginang Enna na mawala ang Minaggen, Noel," sambit ni Allana. "Mas nanaisin niyang mawala na lang siya kaysa sa mawala ang lugar na ito."
Napansin kong umiiyak si Dena kaya lumapit ako sa kanya. Umupo ako at hinarap siya.
"Tahan na, Dena," bulong ko.
"Kasalanan bang matuto akong magbasa?" Walang humpay ang pagtulo ng luha sa kanyang mga mata. "Iyon ba ang dahilan kaya kinuha nila si Ginang Enna?"
"Hindi kasalanan ang mag-asam na matuto, Dena. Ang kasalanan ay ang ipagkait ito." Niyakap ko siya. "Paumanhin kung ipinagkakait nila ito sa inyo."
"P-paano na si Ginang Enna?" dinig kong tanong niya.
Sapat ang nagawa kong patagong pagtuturo sa mga bata para mapatalsik kami sa lugar na ito. Ngunit sapat din ang ginawang panghahamak ng pinuno sa amin para mapatalsik siya sa puwesto. Ang kaso lang ay walang laban ang mga mahihirap.
Sa isang buwang pananatili ko sa Minaggen ay ito ang unang gabi na matamlay ang lahat. Tinipid din namin ang pagkain. Si Allana ay hindi lumabas ng tirahan.
"Ano ang nangyari, Ate Erissa?" Tumabi sa akin si Leah. Kumuha ako ng kahoy para ilagay sa siga. "Ang sabi ni Dena ay dinakip daw si Ginang Enna ng Pinuno."
"Ang Gobernador na naman?" pagalit na tanong ni Polo. "Saan ba 'yan nakatira?"
Natawa ako dahil alam kong kapag nalaman ni Polo kung saan nakatira ang Pinuno, hindi siya mag-aatubiling sugurin ito roon.
"Kumalma ka nga, Polo," pagsusungit sa kanya ni Leah. "Kung si Kuya Noel nga na malaki ang katawan ay walang nagawa. Ikaw pa kaya?"
"Sinasabi mo bang maliit ang katawan ko?" tila napipikon na tanong ni Polo.
"Galit ako sa Pinuno," bulong ni Leah. "Bakit gano'n siya? Pinuno rin naman natin si Ginang Enna ngunit kahit kailanman ay hindi siya naging malupit sa kahit na sino."
Tama ang sinabi ni Leah. Kung tutuosin ay mas mabigat pa nga ang maling ginagawa niya.
Napatayo ako nung biglang bumalik sa isipan ko ang napag-usapan namin ni Ginang Enna. Hinanap ko si Noel. Natagpuan ko siyang may hawak na libro.
"Ano ang ginagawa mo?" tanong ko.
"Tinatantiya ko ang bilang ng natitira nating imbak. Hindi ito magiging sapat sa isang linggo." Pabagsak niyang sinarado ang libro. "Kailangan kong gumawa ng paraan..."
"Ako. Alam ko kung ano ang dapat nating gawin."
Kumunot ang noo niya. "Ano ang naiisip mo, Erissa?"
"Nabanggit sa akin ni Ginang Enna na nais niyang makapagbigay ng mensahe sa hari. Hindi ko alam kung paano, pero iyon lang ang nakikita kong paraan para mailigtas natin si Ginang Enna. Baka maisalba rin natin ang Minaggen."
"Mensahe para sa hari..." Tila napaisip naman si Noel. "Minsan akong nagtrabaho sa loob kaya alam kong papapasukin pa rin nila ako."
"Sasama ako."
"Sigurado ka ba?"
Tumango ako.
"Hindi ko maipapangako ang kaligtasan mo, Erissa. Gano'n din ang kaligtasan ko. Hindi tayo sigurado sa naghihintay sa atin sa loob."
"Sasama ako sa palasyo."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro