Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

Chapter 3: Minaggen

Sa Minaggen ko lang pala matatagpuan ang hiwaga na hinahanap ko. Ito ang nagpatunay na wala na nga talaga ako sa mundo ng mga tao. Tila nasa loob ako ng isang aklat.

"Ito ang Minaggen, Erissa. Maliit na komunidad man kung tingnan, ngunit sagana naman sa pagkain, alak, dugo, at katahimikan," sambit ni Ginang Enna habang nililibot niya ako.

Nasa kalagitnaan na ng gabi ngunit buhay na buhay ang paligid. May malaking siga sa gitna na patuloy na pinapaliyan ng mga lalaking naka paligid doon. May mga nagsasayaw rin sa saliw ng musika mula sa mga tambol. May mga batang tumatakbo para habulin ang mga alitaptap.

Totoo ba ang lugar na ito?

"Maaari kang manatili rito hanggang sa gusto mo," sabi pa ni Ginang Enna. "Hanggang sa handa ka nang umalis para balikan ang mga nasa labas."

Gusto kong malaman ang nakaraan ko. Ngunit kung kapalit no'n ay kailangan kong lisanin ang lugar na ito, parang mas mabuting hayaan ko na lang itong mabaon sa likod ng utak ko.

"Pinuno!" Lumapit sa amin ang tatlong bata. May hawak silang sariwang karne. Sa gilid ng labi nila ay may naiwan pang dugo. "Sino siya?"

Saka ko lang napagtanto na halos nakabahag silang lahat dito. Maging ang mga babae. Sa tingin ko naman ay hindi kailangan no'n dahil may mga nakabihis din naman na balot ang katawan.

"Siya si Ate Erissa," pagpapakilala sa akin ni Ginang Enna sa mga bata. "Simula ngayon ay kasapi na natin siya."

"Puwede ba namin siyang isali sa laro?" nagagalak na tanong nung batang babae. Kulay kayumanggi ang kulot nitong buhok.

"Sige na, Ate Erissa!" Humawak sa kamay ko ang isa pang batang lalaki na kasama nila. "Ayaw kasi ni Kuya Noel dahil may ginagawa siya. Ikaw na lang!"

"S-Sige..." Napapayag nila ako.

Muntik na akong masubsob nung hinawakan nilang tatlo ang magkabila kong kamay saka ako hinila. Muntik ko nang makalimutan na hindi normal na mga bata ang mga ito.

"Ako si Leah," sabi nung batang babaeng kulot ang buhok. "Siya naman si Polo," tukoy niya sa lalaki. "Si Dena naman ay hindi palasalita," aniya sa babaeng nakahawak din sa braso ko ngunit hindi nagsasalita.

"Ako naman si Erissa," pagpapakilala ko.

"Oo nga. Nagpakilala ka na, hindi ba?" Humagikgik si Polo.

"Hulihin mo kami!"

Sa isang iglap ay binitiwan nila ako at tumakbo sa iba't ibang direksyon. Naiwan akong tulala at hindi alam kung sino ang uunahin sa kanila. Bukod sa tatlo sila ay maliliksi pa.

Si Dena ang pinakamalapit sa akin kaya siya muna ang tinangka kong habulin. Sa tingin ko ay siya rin ang pinakamahinang tumakbo kaya agad ko siyang nahuli.

"Huli ka!" Tumawa ako.

Lumukot ang mukha niya at biglang umiyak.

"Hala. Sige na. Tumakbo ka na ulit!" Binitiwan ko na siya kaya tumakbo na siya. Napakamot ako sa batok.

"Kaya pala hindi nila ako ginugulo ay may nahanap na silang ibang kalaro," dinig kong may nagsalita sa likod ko.

Humarap ako sa kanya. Isang lalaki ang nasa harapan ko. Kulot ang buhok niya at gaya ng iba ay nakabahag din siya. Tanging ang saplot lang sa ibaba ang suot niya. Natulala ako sa katawan niyang makisig.

"Ako nga pala si Noel." Nag-abot siya ng kamay. "Ikaw si Erissa, hindi ba?"

Inabot ko ang kamay niya. Hinigpitan niya ang kapit sa kamay ko. Medyo matigas ang palad niya, malamang na dahil sa bigat ng kanyang mga trabaho.

"Ako ang unang nakakita sa 'yo na walang malay sa dayami," nakangiti pa niyang sambit. "Pasensya na kung hindi ka namin agad napansin."

"A-ayos lang..." Umiwas ako ng tingin. Hindi ako sanay na may nakahubad na lalaki sa harapan ko.

"Kuya Noel!" Mabuti na lang ay dumating si Polo. Umakyat siya sa likod ni Noel. Humagikgik pa ito. "Sasali ka na ba sa laro namin?"

"Ate Erissa." Napatingin naman ako kay Dena. Inabot niya sa akin ang paa ng manok.

"A-akin 'to?" tanong ko.

Nakangiti siyang tumango.

"Maliit ang paa ng manok. Hindi mabubusog diyan si Erissa," sambit ni Noel. "Polo. Ikuha mo siya ng paa ng baboy—"

"Ay hindi na." Umiling ako. "Ayos na ako sa paa ng manok."

Minsan nang nagluto si Mags nito. Adobong paa ng manok. Wala naman sanang kaso sa akin kung kumain ako nito. Pero... hindi ito luto.

"Huwag kang maarte, Hezira. Wala ka na sa mundo ninyo," sambit ko sa sarili sa isipan.

"May mga prutas din," ani Noel.

"Mas gusto ko ang prutas," sabi ko.

Napatingin ako kay Dena nung umiyak siya.

"Pero gusto ko rin ang paa ng manok!" agap ko.

Gaya ng inaasahan ay tumahan siya.

"Sige na, Polo, Dena. Hanapin niyo na si Leah. Kayo na muna ang maglaro." Binaba niya mula sa likod si Polo. "Mukhang gutom si Ate Erissa. Pakakainin ko muna siya."

Mabilis na umalis ang dalawa. Nahuli kong nakatingin pa sa hawak kong paa ng manok si Dena bago sumama kay Polo. Mukhang tatanungin niya ako mamaya kung kinain ko ba 'to.

"Halika, Erissa. Narito ang mga pagkain," pag-aya sa akin ni Noel.

Nanatili ako sa likod niya dahil nahihiya akong pumantay sa kanya. Maging ang kanyang likod ay matikas. Mukhang hindi naman pala masamang naka bahag lang sila rito.

"Mananatili ka ba rito?" biglang bumaling sa akin si Noel. Siya na ang pumantay sa paglalakad ko.

"Hindi rin ako sigurado," sagot ko. "Pero sa ngayon, dito na muna ako."

"Wala ka bang pamilya na maghahanap sa 'yo?" usisa pa niya. "Pasensya na sa pagtatanong. Lahat kasi kami rito ay walang pamilya."

Namangha ako sa sinabi niya. "Ibig bang sabihin ay hindi mo sila kaano-ano? Hindi mo magulang si Ginang Enna?"

Tumawa siya saka umiling. "Hindi. Gano'n pa man ay parang pamilya na rin kami rito. Hindi naman nabubuo lang ang pamilya dahil sa iisa ang pinanggalingan ninyo na dugo. Nabubuo ito dahil sa magandang pagsasamahan."

Tumango na lang ako. Hindi ko inakalang mas may hihiwaga pa sa Minaggen. Ang mga naninirahan dito. Lahat sila ay may kuwento at dahilan ng pagkaabando.

Sa isang bahagi ng kasiyahan ay nakalatag ang mga pagkain. May mga luto naman palang karne at prutas. Patago kong tinago sa bunganga ng baboy 'yong paa ng manok.

"Kumuha ka lang." Inabutan ako ni Noel ng dahon ng saging.

"Pati ba 'to kinakain?"

"Ha?" Napakurap siya at tila hindi naintindihan ang tanong ko. "Hindi. Diyan mo ilagay ang kakainin mo."

"Ah! Salamat."

Naglagay ako ng lutong karne sa dahon ng saging. Walang kanin kaya pinapak ko na lang 'yon. Kami na lang ang natitira sa kainan dahil halos lahat sila ay nakapalibot na sa siga.

"Ikukuha kita ng inumin. Sandali lang ah?"

Nung umalis si Noel ay muli ako kumuha ng lutong karne ng baboy. Kumuha rin ako ng prutas. Matagal bago siya nakabalik kaya marami na akong nakain.

"Alak," nakangiting inabot sa akin ni Noel ang isang baso na gawa sa pinutol na kawayan. Mabango ang amoy no'n kaya mabilis kong naubos.

"Maaari ko bang malaman kung bakit mag-isa ka na lang?" bigla niyang tanong.

"Nung namatay si Mama ay natuto na akong mabuhay nang mag-isa. Matagal na ring panahon ang lumipas." Iyon ang unang sagot na hindi ko binago.

"Pasensya na kung sasabihin kong mukha kang Maharlika. Ang ibig kong sabihin ay ang kilos mo," natatawa niyang sambit pa. "Gusto mo pa ba ng alak?"

"Bakit ka naman humihingi ng pasensya?" tanong ko bago binalik sa kanya ang baso. "Hindi ba mataas na uri ng bampira ang mga Maharlika?"

"Mataas nga na uri ngunit masasama naman ang ugali," mapait siyang ngumiti. "Alam kong hindi ka katulad nila. Nararamdaman kong mabuti kang bampira, Erissa."

"Noel!" Isang ginang ang lumapit sa amin. Maganda siya at balingkinitan ang katawan. "Siya na ba 'yung babaeng natagpuang walang malay sa dayami?"

Nakaramdam ako ng hiya. Mukhang iyon ang magiging pagkakakilanlan ko rito. Ang babaeng natagpuang walang malay sa dayami.

"Ang ngalan niya ay Erissa. Siya nga iyon, Allana."

Siya ang unang tumingin sa akin nang ganito, na parang napakahiwaga ko. Ilang segundo niya ako tiningnan mula ulo hanggang paa.

"Sa wakas!" Humagikgik siya saka yumakap sa akin. "Masaya akong makilala ka, Erissa. Ako si Allana. Magsimula ngayon ay magkaibigan na tayo!"

"Ako rin. Kaibigan na kita, Erissa."

Tuwang-tuwa si Allana. "Sa wakas ay may magandang binibini na rin akong kasama rito. Mahilig ka ba sa mga damit? Palamuti sa mukha? Ano ang hilig mo?"

"Dahan-dahan lang, Allana. Mukhang nabibigla si Erissa sa 'yo."

"Magtahi? Gumuhit? Ano ang hilig mong gawin, Erissa?"

"Magbasa," sagot ko.

Pareho silang natahimik sa sagot ko. Naglaho ang malapad na ngiti sa labi ni Allana. Mukhang mali ang sinagot ko. Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Sylvia. Hindi ako maaaring gumamit ng Ingles. Ibig bang sabihin ay kailangan ko ring magpanggap na hindi marunong magbasa?

"Minsan yatang nagsilbi sa mga Maharlika si Erissa? Kaya niya natutunang magbasa," batid ni Noel. "Ayon sa kanya ay matagal nang wala ang ina niya."

"G-gano'n ba?" tanong ni Allana.

Tumango na lang ako. Pakiramdam ko kapag nagsalita ako ay may masasabi na naman akong nakagugulat. Kailangan ko bang magpanggap na mangmang? Mga mangmang na bampira ba ang mga hindi kauri ng Maharlika?

"Hindi ka pa ba nabibihisan?" nakangiting tanong ni Allana. "Halika sa silid ko. Ipapakita ko sa 'yo lahat ng magaganda kong damit!"

Wala akong nagawa nung higitin niya ako. Gaya ng mga nadaanan namin ni Sylvia paglabas ng gubat, gawa rin sa pinagpatong-patong na bato at dayami ang mga bahay rito.

"Ito ang bagong tahi ni Ginang Alma!" Tukoy ni Allana sa isang puting dress. Simple lang 'yon at wala gaanong palamuti. "Hindi ko pa ito naisusuot. Gusto mo bang subukan?"

"W-wala bang iba?"

"Gusto mo bang magbahag—"

"Ang ganda ng damit na 'yan!" Nakangiti kong kinuha sa kanya ang puti na damit. "Puwede bang ito na lang ang suotin ko ngayon?"

"Sige lang!"

May kumatok sa pinto kaya pinagbuksan ito ni Allana. Isang ginang na naman ang pumasok. Ngayon ko lang napansin na mahahaba ang buhok nila. Si Allana lang ang maiksi pero hanggang likod pa rin.

"Ginang Alma. Siya si Erissa," pagpapakilala sa akin ni Allana. "Napakaganda niya, hindi ba?"

"Narinig ko nga ang tungkol sa 'yo," nakangiting sambit ni Ginang Alma. Halos lahat yata sila rito ay nakangiti palagi. "Kaya minabuti kong puntahan ka para bigyan ng mga kasuotan."

Binaba ni Ginang Alma sa kama ang bayong na dala. Nauna pang buksan 'yon ni Allana. May mga bagong damit at panloob.

"Salamat po," nakangiti kong tugon.

"Pero sa ngayon... iyan muna ang isuot mo," tukoy ni Allana sa hawak kong puting damit. "Sige na, Erissa. Nasasabik na akong mag-umpisa ang seremonya!"

"Para saan ang seremonya?" tanong ko.

"Lahat ng bagong salta rito ay dumadaan sa seremonya," sambit ni Ginang Alma. "Wala ka namang dapat na ikabahala, Erissa. Hindi mabigat ang seremonya. Sa katunayan ay nakakatuwa pa ito."

"Magugustuhan mo ito," nakangiti pang sabi ni Allana.

Pansamantala muna akong iniwan sa loob para makapagpalit. Gusto ko muna sanang maligo. Inalis ko ang lahat ng damit ko hanggang sa hubo't hubad ako.

Mapait na napangiti ako habang nakatitig sa hinubad kong mga damit na nakapatong sa kama. Ang mga 'yon na lang ang natitirang alaala ko sa mundo ng mga tao. Ngunit kailangan kong tanggapin na wala na ako sa mundo ng mga tao. Simula ngayon ay hindi na rin ako tao. Isa na akong bampira.

"Ang ganda mo..." Naluluhang sabi ni Allana.

Tamang-tama lang sa katawan ko ang puting damit. Lagpas ito hanggang tuhod. Malambot din ang tela kaya kumportableng suotin.

"Ito na lang ang kulang." Sinuot ni Allana sa ulo ko ang isang korona na gawa sa bulaklak. "Maligayang pagdating sa Minaggen, Binibining Erissa."

Hinawakan ni Allana ang kamay ko saka kami sabay na naglakad sa pinto. Nakabukas 'yon kaya nakita kong nakahilera ang lahat sa direksyon patungo sa siga. Lahat sila ay nakangiti sa 'kin.

"Sundan mo lang ang mga talutot ng bulaklak sa lupa, Erissa," bulong sa akin ni Allana. "Sige na. Hinihintay ka na ng lahat."

Gaya ng sinabi ni Allana ay sinundan ko ang mga talutot ng bulaklak. Nakapaa lang ako gaya ng lahat. Bawat madaanan ko ay bumabati sa akin.

Dinala ako ng mga talutot sa gitna at sa gilid ng malaking siga. Lahat sila ay nakapalibot sa akin. Lumapit sa akin si Ginang Enna. Inabutan niya ako ng isang baso na gawa sa putol na puno ng kawayan. Sa amoy pa lang no'n ay alam kong hindi alak ang laman.

"Maligayang pagdating sa Minaggen, Binibining Erissa," pagbati ni Ginang Enna. "Marami nang tumayo sa kinalalagyan mo ngayon. Marami na kaming binati. Ngunit hindi kami mapapagod na batiin lahat ng sino mang gustong manatili rito."

Napatingin ako kay Allana. Sinenyasan niya akong inumin ang inalok ni Ginang Enna. Huminga ako nang malalim bago dahan-dahan na nilapit ito sa aking labi. Madiin akong pumikit bago diretsong ininom ang dugo. Naramdaman kong gumuhit ito sa lalamunan ko. Hindi ito nagustuhan ng utak ko ngunit nagustuhan ito ng katawan ko.

Pumalakpak si Ginang Enna. Hanggang sa pumalakpak na silang lahat. May kumpas ang bawat palakpak nila. Biglang lumapit sa akin si Allana. Hinawakan niya ang kamay ko saka kami sabay na sumayaw. Tunay na napakahiwaga ng Minaggen.

Pagkatapos ng seremonya ay nagbalik na sa dating kasiyahan. Nagpapahinga ako sa tabi ng siga. Hindi mawala-wala ang ngiti sa labi ko.

"Ate Erissa!" Tumabi sa akin si Leah. "Gusto mo pa bang maglaro?"

Hindi ako sumagot. Nanatili lang sa alab ng apoy ang tingin ko.

"Ang sabi ni Ate Allana ay nagtrabaho ka raw sa mga Maharlika," sambit ni Leah. "Ibig bang sabihin ay nakapasok ka na sa palasyo?"

"Hindi pa," sagot ko. "Gusto mo bang pumasok doon?"

Mabilis na umiling siya.

"Bakit naman ayaw mo?" tanong ko.

"Masama ang ugali nila," sagot naman niya. "Kinukuha nila ang mga pananim namin at maging ang aming mga naipon na pilak. Kapag hindi namin sila napagbibigyan ay sinisira nila ang mga taniman namin."

Nagulat ako sa siniwalat niya. Pati ba naman sa mundo ng mga bampira ay may ganoong sistema?

"Ang hari ang nag-uutos nito," sabi pa ni Leah.

"Ang hari?" tanong ko.

"Si Haring Dominus at ang kanyang mga kawal."

"Gano'n ba?" Napabuntonghininga na lang ako. "Ang sama naman pala ng ugali ng hari niyo. Higit pa nga rito ang pag-aari niya tapos pati ang pinagkukunan ninyo ay gusto niya ring mapunta sa kanya."

"Erissa."

Napatingin ako kay Ginang Enna. Tumayo ako para harapin siya.

"Gusto mo na bang makita ang magiging pansamantalang tirahan mo?" tanong niya.

"Sige po." Tumingin ako kay Leah. "Sige, Leah. Maglaro na lang ulit tayo bukas."

"Sige!"

Sumunod ako kay Ginang Enna. Habang naglalakad ay hindi ko napigilang buksan ang tungkol sa napag-usapan namin ni Leah.

"Nabanggit po sa akin ni Leah na inaapi kayo rito ng mga kawal ng hari. Totoo po ba iyon?" tanong ko.

"Hindi ko masisigurong sa hari mismo nagmumula ang mga utos na 'yon. Masyadong mataas ang katungkulan niya kaya marami munang pinagdadaanan ang kautusan niya. Ngunit tama ang nabanggit ni Leah. Wala naman 'yong problema sa amin."

"Paano pong walang problema iyon?"

Natawa siya. "Ano ba ang gagawin mo kapag inutusan ka ng mas mataas sa 'yo?"

"Kahit na panglalamang na ito?"

"Kahit na hindi tama," nakangiti niyang tugon. "Kusa na lang naming ibinibigay kung ano ang hinihingi nila. Mas importante sa amin ang kapayapaan kaysa sa pag-aari. Ang pag-aari ay muling nabubuo. Ang kapayapaan ay mahirap matamo."

Pumasok kami sa isang bakanteng bahay. Katulad din ito ng bahay ni Allana. Pagbukas mo ay ang kama agad ang bubungad.

"Nasa tukador na ang mga damit mo," wika ni Ginang Enna. Sinindihan niya ang isang kandila na nakapatong sa tabi ng kama. "Magpahinga ka na. Bukas din ay ibibigay na sa 'yo ang katungkulan mo rito sa Minaggen."

"Maraming salamat po, Ginang Enna."

"Saka nga pala. Totoo ba ang narinig ko mula kay Allana? Na minsan kang nagsilbi sa isang Maharlika?"

Mukhang hindi magandang magsabi ng sikreto kay Allana. Hindi pa man lumilipas ang ilang oras ay parang buong komunidad na ang nakakaalam.

"Hindi rin ako nagtagal sa mga Maharlika dahil masama ang ugali nila," paggawa ko pa ng kuwento. "Sa katunayan ay isa 'yon sa mga pinagsisisihan ko."

"Sila ba ang dahilan kaya napadpad ka rito?"

"G-ganoon na nga po..."

Bumuntonghininga siya. "Gano'n ba?"

"Bakit po, Ginang Enna?"

"Dati ko pa nais na makapagbigay ng mensahe sa hari. Ngunit wala akong makitang paraan para maisakatuparan iyon. Bagamat isa akong pinuno, dukha pa rin ako. At ang lugar na ito ay hindi opisyal na kinikilala ng palasyo."

"Hindi opisyal na kinikilala ng palasyo ang Minaggen? Kaya ba hinahamak nila kayo?"

"Ganoon na nga. Alam kong ang gobernador ang nasa likod ng panghahamak sa amin. Masustansya ang lupa na pinagtatayuan ng Minaggen. Kaya gustong-gusto nila itong makuha sa atin."

"Kapag ba naging opisyal na ang lugar na ito at kilalanin ng palasyo ay titigil na ang gobernador sa panghahamak sa inyo? Ganoon po ba 'yon?"

"Tama." Ngumiti siya.

"Gusto niyo po bang ako ang magbigay ng mensahe sa kanya?"

"Hindi," mabilis niyang sagot. "Ang buong akala ko lang ay maayos pa rin ang samahan ninyo ng Maharlika. Hindi kita maaaring pabalikin sa mundong tinakasan mo, Erissa. Mapanganib. Sige na. Magpahinga ka na."

Pagkasarado niya ng pinto ay umupo ako sa kama. Ginala ko ang tingin sa paligid. Walang ibang gamit kung hindi ang nag-iisang tukador, ang kama na gawa sa dayami, at ang maliit na lamesang pinagpapatungan ng kandila.

Humiga ako sa kama at tumingin sa bubong.

Gusto ko silang matulungan. Ngunit paano? Hindi pa nga ako nakapapasok sa palasyo, makausap pa kaya ang hari? Napakalabo.

Saka masama ang ugali ni Haring Dominus. Hindi ko pa man siya nakikita ay ayoko na sa kanya.

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #vampire