Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2

Chapter 2: Pangalan

"Gumising ka na, Hezira."

Dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko. Mula sa mga binti ay umangat ang tingin ko sa mukha ni Sylvia. Nakahalukipkip siya habang nakatingin sa akin.

Nasa loob pa rin kami ng kakahuyan. Wala ako gaanong matandaan sa mga nangyari kagabi pero hindi gaya ng madalas ay sobrang gaan ng pakiramdam ko ngayon.

"May kakaiba ka bang nararamdaman?" tanong niya.

Napakurap ako. "A-ano'ng oras na?"

Nataranta ako at agad na tumayo. Saka ko lang napagtanto na hindi pala ako nakahigang natulog. Nakasandal lang ako sa puno. Gano'n pa man ay hindi ako nakaramdam ng pangangawit.

Natulog? Hindi ko matandaan na natulog ako.

"Saan ka pupunta?" tanong niya.

Natigilan ako sa paglalakad nang 'di alam kung saan tutungo. Hindi ko alam kung nasaan akong parte ng kakahuyan.

Humarap ako kay Sylvia. Nakakunot ang noo niya at gaya ko ay tila naguguluhan din siya.

"Uuwi na ako," sabi ko.

Mula sa pagkalito ay bigla siyang natawa.

"Hindi mo ba matandaan ang sinabi mo sa akin kagabi? Ang ginawa mo?" usisa pa niya. "Kung bakit nasa kakahuyan ka pa rin at kasama ako?"

Umiling ako. "Wala akong matandaan. Basta kailangan ko nang bumalik, Sylvia. Baka mag-alala si Mags kapag hindi pa ako nakauwi."

"Hezira." Bumuntong hininga siya. "Wala ka na sa mundo niyo."

"A-ano ang ibig mong sabihin?"

"Nakiusap ka kagabi na ibalik na kita." Lumapad ang labi niya sa isang ngiti. "Maligayang pagbabalik sa mundo ng mga bampira, Hezira. Ang mundo natin."

Nagimbal ako sa sinabi niya at bahagyang napaatras. Naging mabilis ang mga mata ko para suriin ang paligid. Mga nagtataasang-puno, talahib, malakas na hangin, at huni ng mga ibon.

"Gusto mo bang ipaalala ko sa 'yo ang nangyari kagabi?" nakangisi niyang tanong.

Hindi ako nakasagot. Gulat pa rin ako at hindi pa nakababawi sa siniwalat niya. Mundo ng mga bampira? Andito na ako?

"Hindi ba may usapan kayo ng punong-guro na magkikita sa kakahuyan?" pag-uumpisa niya.

Napalunok ako at nanginig ang mga labi. Tila alam ko ang tinuran niya ngunit ayokong intindihin. Ayokong isipin kung ano man 'yon.

"Hindi pagkasabik sa dugo ang naging dahilan kung bakit mo nagawa 'yon. Ito ay dahil sa labis na pagkamuhi sa pagtatangka niyang—"

"P-puwede bang ibalik mo na ako?"

Nangilid na ang mga luha sa mata ko. Wala na akong pakialam kung kailangan kong pagbayaran ang ginawa ko sa mundo ng mga tao. Basta makauwi lang ako.

"Nagbago na ang pasya ko, Sylvia. Ibalik mo na ako. Pakiusap."

"Hindi na maaari ang nais mo, Hezira. Hindi ko 'yon maaaring pahintulutan. Gaya ng sinabi ko sa 'yo, ikaw na lang ang natitirang dahilan kung bakit nanatili pa rin ako roon. Ngayon na kasama na kita, wala na akong dahilan para bumalik. Saka, gusto ko na ring makalaya sa responsibilidad na ito."

Hinawi ko ang mga luha sa mata ko. Muli kong ginala ang tingin sa paligid. Parang nasa isang panaginip lang ako. Sana nga ay gano'n na lang.

"Tutungo tayo kay Ginoong Osman. Siya ang magpapasya kung ano ang gagawin sa 'yo."

Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Paano ako napunta rito?

"Gaano ako katagal na walang malay?" tanong ko.

"Isang buwan," nakangiti niyang sagot.

Ibig sabihin ay isang buwan na rin magsimula nung huli nila akong nakita sa kabilang mundo. Paano na si Mags? Hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos.

"Alam kong hindi ka pa handang tanggapin ang tadhana na ito, Hezira. Ngunit ang tadhana mo ay narito. Sa mundo ng mga bampira."

"At ano ang tadhana na 'yon?"

"Hindi ko pa alam sa ngayon," sagot niya, tila nababagot na sa pagbato ko ng mga katanungan. "Isa lang ang masisiguro ko. Wala ka mang maalala, ngunit hindi ito sapat na dahilan para ipagsawalang-bisa ang kasalanan na nagawa mo."

"Kasalanan ko? Pumatay ng tao?"

Umiling siya. "Lumabas ng mundong ito."

Suminghap ako. Hindi nila ako tutulungan na maalala ang nakaraan ko. Malinaw na ang dahilan lang ni Sylvia kaya dinala ako rito ay para dito ako parusahan. Bawal niya 'yong gawin sa mundo ng mga tao.

Biglang kumalam ang sikmura ko. Napasimangot ako. Isang buwan akong walang malay? Bakit buhay pa rin ako? Hindi ko talaga maunawaan ang buhay ng isang bampira. Kung bampira nga talaga ako.

"Hahanap tayo ng makakain sa daan. Halika na."

Labag man sa kalooban ay sumunod ako kay Sylvia. Nasa likod niya ako at palinga-linga sa paligid. Naghahanap ako ng isang bagay na masasabi kong kakaiba at magpapatunay na wala nga talaga ako sa mundo ng mga tao.

"Puwede ba akong lumipad?" tanong ko.

"Bampira ka, Hezira. Hindi isang ibon."

Sinubukan kong tumalon. Parang talon ko lang sa mundo ng mga tao. Kaunti na lang ay matatawa na lang ako at iisipin na nililinlang lang ako ni Sylvia. Mundo ng mga bampira ba talaga ito?

"Paano ang dugo?" tanong ko. "Kung walang tao rito, paano tayo iinom? O tubig na?"

"Tao lang ba ang may dugo?" Humarap siya sa akin at patalikod na naglakad. "Hindi naman sikreto ang uri natin mundo ng mga tao, bakit parang wala kang alam?"

Tila maduduwal ako. "D-dugo ng kapwa bampira?"

"Puwede," nakangisi niyang tanong. "Pero matabang ang lasa. Dugo ng tao ang pinakasagradong dugo. Pero sa mundong walang tao, mga hayop ang bumubuhay sa atin."

Napatakip ako sa bibig. "A-aso?"

"Usa. Baboy-ramo. Kuneho. Oso. Hindi ka mabubusog sa aso lang, Hezira."

"No way. Puwede bang dugo ko na lang?"

"Gusto mo bang mamatay?" Umirap siya. "Saka ano'ng sabi mo? No way?"

Hindi na ako kumibo. Alam kong hindi ako tatagal dito. Ngunit sa nalaman ko ay mukhang mas mapapadali ang buhay ko. Hindi ko maatim na uminom ng dugo ng hayop.

May nadaanan kaming puno ng prutas kaya kumuha kami roon. Saging at mansanas.

"Ito na lang lagi kakainin ko," sabi ko saka kumagat sa saging. "Saka wala akong pakialam kung walang lasa ang tubig."

Tumawa si Sylvia. "Kakainin mo rin ang mga sinabi mo na 'yan, Hezira."

"Disgusting."

"Tumigil ka." Napahinto ako sa paglalakad nung bigla rin siyang tumigil. Masama ang tingin niya sa akin. "Alam kong edukado ka, ngunit hanggat maaari ay huwag kang gagamit ng Ingles na wika."

"B-bakit?"

"Dahil tanging pang Maharlika lang ito, mga matataas na uring bampira. Wala ka mang maaalala, sigurado akong mga dukha rin ang kasamahan mo rito noon."

Hindi na ulit ako kumibo. Kumain na lang ako ng saging. Tuyo na ang lalamunan ko. Ayokong sabihin 'yon kay Sylvia dahil baka pilitin niya akong uminom ng dugo ng hayop.

"Sa wakas ay makakalaya na rin ako," biglang tumili si Sylvia at tumalon. Napakurap ako nung makitang sa isang iglap ay nakaakyat siya sa puno. "Alam mo bang halos tatlong taon akong nasa mundo ng mga tao para lang maubos ang nasa listahan ko?"

"Bakit ikaw puwede kang pumunta sa mundo ng mga tao?"

"Nasabi ko na sa 'yo, Hezira. Isa akong miyembro ng Vampire Hunter, dating bahagi ng ngayon ay buwag ng tatsulok ng pagbalanse. Inuubos na lang namin ang mga bampira sa mundo ng mga tao."

Tumango na lang ako. Naintindihan ko naman ang sinabi niya. Ngunit nauuhaw na ako.

"Ang sinusundan nating petsa ay ang petsa sa mundo ng mga tao. Pero hindi hamak na mas mabilis ang paglipas ng oras dito. Katumbas ng tatlong taon sa mundo ng mga tao ay labing limang taon dito."

"Ang isang araw sa mundo ng mga tao ay katumbas ng limang araw dito?" paglilinaw ko.

"Tumpak!"

Napaisip naman ako. "Kung gano'n ay one hundred fifty na ang edad ko sa mundo ng mga bampira?"

"Isang daan at limangpung taon, Hezira. Binalaan na kitang huwag gagamit ng Ingles. 'Yan ang magpapahamak sa 'yo. Halika na."

Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Parang walang hangganan ang kakahuyan na ito. Halos dalawang oras na kaming naglalakad.

"Sandali. Ano ang ibig mong sabihin na inuubos niyo na lang ang natitirang mga bampira sa mundo ng mga tao?"

"Hindi ko alam kung saan mag-uumpisa." Huminga siya nang malalim. "Nung binasag ang Tatsulok ng Pagbalanse limampung taon na ang nakalilipas, pinutol na rin ang kaugnayan natin sa mga tao."

"Ibig sabihin ay may kaugnayan kayo sa mga tao limampung taon na ang nakalilipas?" namangha ako. "Pero bakit pinutol?"

"Hindi ko rin alam. Basta iyon ang utos ng Hari."

Ilang sandali pa ay huminto na naman sa paglalakad si Sylvia. Saka siya humarap sa akin.

"Nasa bungad na tayo. Paglabas natin ay patag na. Ibig sabihin ay may makakasalamuha na tayong ibang mga bampira."

Bigla akong kinabahan. "Alam naman nilang bampira ako, hindi ba?"

"Natural naman na bampira ka. Huwag mo na lang isipin na bampira sila. Isipin mo na lang mga tao lang sila para huwag kang kabahan."

Napalunok ako. Mga bampira na ang makakasalamuha ko paglabas dito.

Gaya ng sinabi ni Sylvia ay nakalabas na kami sa kakahuyan. Nasa mataas kaming bahagi ng burol at mula rito ay kitang-kita ang mga maliliit na bahay sa paanan.

"Malayo pa ang lalakbayin natin. Tara na!"

Hinawi ko ng kamay ang mga damo habang halinang-halina sa kalikasan. Gusto kong tumakbo para damhin ang hangin ngunit gusto ko ring huwag madaliin ang pagbaba para mas matagal kong masilayan ang kalikasan.

"Ang ganda rito!" mangha kong sambit.

"Dito nakatira ang mga dukha. Ang pinakamababang uri ng mga bampira."

Natawa ako. "Kung gano'n ay suwerte ang mga dukha. Araw-araw nilang nasisilayan ang tanawin na ito."

Dinaanan namin ang mga bahay na gawa sa mga tipak na bato. Ang bubong ay gawa sa dayami habang pintuan naman ay gawa sa kahoy. Parang sinaunang panahon talaga.

Napasinghap ako at natigilan nung biglang may dalawang bata ang tumakbo sa gilid ko. Saka ko lang ulit naalala na hindi mga tao ang nakatira dito.

Hinila ako ni Sylvia nung hindi ako kumilos. Habang palalim kami nang palalim ay parami nang parami ang nakakasalamuha kong bampira. Ang mga kasuotan nila ay mahahaba at makaluma. Para akong nasa unang sibilisasyon.

"Nakikita mo ba 'yon?" Tinuro ni Sylvia ang isang kastilyo sa kalayuan. Alam mong matayog iyon dahil kahit malayo ay natatanaw. "Iyan ang palasyo kung saan nakatira ang mga Maharlika at dugong-bughaw."

"P-puwede ba akong pumasok diyan?"

"Ako lang. Hindi ka maaari diyan."

Bigla akong nanghinayang. Gusto kong makita ang loob no'n. Baguhan man ako pagdating sa mga bampira, ngunit pagdating sa ganitong tagpo ay marami akong alam. Maganda ang loob no'n ngunit masama ang mga nakatira ng mga nasa palasyo.

"Diyan ako uuwi kapag nahatid na kita," sabi pa ni Sylvia.

Natigilan ako at tila natauhan. Hindi ako narito para manatili. Narito ako para hatulan. Ibig sabihin ay hindi ako magtatagal dito.

Nung nawala si Mama ay natutunan kong mabuhay nang walang iniisip sa nakaraan. Minsan, gumagana at hindi ako nalulungkot. Minsan naman, bigla na lang akong nalulungkot. Kung ang dahilan ay ang mga alaala na nawala sa akin, gusto kong malaman 'yon.

Sino ba talaga ako?

Napadaan kami sa mga nagtitinda na nakabilao. Sumilip ako roon. Mga patalim na gawa sa kahoy at mga ngipin ng mabangis na hayop.

"May mga bagong dating na patalim!" Hinawakan ni Sylvia ang braso ko saka ako hinila sa mga nagkukumpulang bampira. Pinagkakaguluhan nila ang mga bagong dating na patalim.

"Ale, may pangil ba ng oso?" tanong ni Sylvia.

Napangiwi ako. "Aanuhin mo ang patalim?" tanong ko.

Hindi niya ako sinagot. Masyado siyang nahalina sa pamimili ng mga patalim na nakalimutan niyang kasama niya ako. Mas lalong nagsiksikan kaya napilitan akong umatras at umalis.

"Ang ganda naman ng damit mo." Napalingon ako sa isang babae. May hawak siyang ulo ng usa. Duguan ang madumi niyang damit. "Gusto mo palit tayo?"

"Kapalit ng ulo na 'yan?" tanong ko.

Tumango siya. "O kung kulang ay huhuli pa ako!"

"Ay hindi. Ayoko. Wala na akong ibang damit, eh. Panty at bra na ang nasa loob ko. Pasensya na."

"Gano'n ba?" Tila nalungkot siya. "Taga rito ka ba?"

"Hindi." Pasimple kong sinulyapan ang mga nagkukumpulan. Hindi pa rin lumalabas doon si Sylvia. Gusto ko nang umalis dito.

"Galing ka ba sa palasyo?" Biglang lumiwanag ang mukha niya. "Ibig sabihin ay nakita mo na ang hari?"

Tumango na lang ako.

"Ang guwapo, hindi ba?" Parang kinikilig pa siya.

"Guwapo ba 'yon? Matanda na, eh."

"Ano'ng matanda?" Naguluhan siya. "Hindi ko maunawaan. Hindi naman hayop ang hari na tumatanda."

Napangiwi ako. Oo nga pala. Hindi nila alam ang pagtanda.

"Maganda ka rin naman, eh," puri ko saka pinasadahan ng tingin ang nangingitim niyang damit. "Mukhang kulang lang sa laba ang damit mo."

"Kapag ba nilabahan ko ang damit ko ay gaganda na ako?"

Tumango ako. "Saka maligo. Makinis naman ang kutis mo. Siguro ay kaunting lipstick lang para hindi namumutla ang mga labi mo."

Pigil na pigil akong ihalintulad siya kay Sadako.

"L-listip?" tanong niya. "Ano 'yon?"

"Nora!" sigaw sa hindi kalayuan.

"Hinahanap na ako. Sana magkita pa tayo para sabihin mo sa akin lahat ng nalalaman mo tungkol sa pagpapaganda. Sige. Paalam muna."

Umalis na ang babae. Naiwan akong naghihintay kay Sylvia. Ano ba naman 'yan. Ano ang gagawin niya sa patalim?

Naglakad-lakad muna ako. Hindi lang naman mga patalim ang binebenta rito. May mga karne rin, prutas, at alak. Hindi naman gano'n karami ang mga bampira.

"Isang prutas lang, eh!" biglang sabi nung lalaki. Mukhang hindi siya nagbayad ng pilak. "Babayaran na lang kita kapag dumaan ako ulit."

"Paano namin masisigurong babalik ka para bayaran 'yan?" tanong ng nagtitinda.

"Hmmm..." Kumagat sa prutas ang lalaki. "Kapag nakauwi na ako sa palasyo. Pero ayoko munang umuwi. Nagtatampo pa rin ako sa hari dahil pinalayas niya ang mga babae ko."

"Pinagloloko mo ba ako?"

Humalakhak ang lalaki.

"Mukha ba akong mapanlinlang?" tanong pa ng lalaki.

Tumalikod na ako at naglakad palayo. Nakamamangha ang lahat. Kalesa ang gamit nila rito sa paglalakbay. Sa tingin ko ay ang pinakamalapit na masasabi kong pagkakahalintulad sa mundo ng mga tao ay maraming mandurukot din dito. Ilang minuto pa lang ako ay marami na akong nakita.

Malaya akong nakagala dahil abala pa rin si Sylvia.

Malaya.

Hindi ako kailanman magiging malaya sa tabi niya. Sa katunayan ay ang pupuntahan namin ay ang lugar kung saan ako hahatulan. Hindi ako sigurado kung ano ang magiging hatol sa akin, pero ang sigurado ako ay hindi ako magiging malaya roon.

Lumingon ako sa pinanggalingan. Napansin kong palinga-linga sa paligid si Sylvia, mukhang hinahanap na ako. Mabilis akong nagtago.

Hindi ko na kailangan ang tulong niya ngayong nasa mundo na ako ng mga bampira. Ang tanging maaasahan ko na lang ay ang sarili ko. Gusto kong ako mismo ang tumuklas sa nakaraan ko.

Napansin ko ang isang nakahintong kabayo. Sa likod noon ay ang mga tuyong dayami. Papunta na sa direksyon ko si Sylvia kaya mabilis akong pumasok sa loob ng mga dayami.

"Hezira!" dinig kong sigaw niya.

Maging ang paghinga ko ay panandalian kong tinigil. Ilang segundo pa ay naramdaman kong gumagalaw na ang kabayo na nagdadala nitong mga dayami.

"Kung maaari lang ay ayoko talagang pumupunta sa pamilihan," dinig kong may nagsalita. Isang babae. "Mas gusto ko ang katahimikan ng Minaggen."

May tumawa. Isang lalaki. "Ngunit kailangan nating makipagpalitan ng produkto."

"Hay nako. Halika na at umuwi na tayo."

Sa tingin ko ay sila ang may ari ng kabayo na 'to. Kung saan man sila tutungo, umaasa akong malayo 'yon para hindi ako matunton ni Sylvia. Ngunit alam kong hindi siya titigil hanggat hindi ako nahahanap.

Napahawak ako sa lalamunan ko. Sobrang tuyo na ito. Parang nanghihina na rin ako. Ilang sandali pa ay nawalan na ako ng malay.

Pagmulat ko ng mga mata ay ang mga dayaming nasa tabi ko ay napunta sa bubong. Nakahiga ako at nakatitig roon. Malambot na rin ang hinihigaan ko. Isang silid.

Bumaling ako sa nag-iisang liwanag sa madilim na silid na ito. Isang kandila na ang kalahati ay kinain na ng apoy. Nasaan ba ako?

Nakarinig ako ng mga yabag. Bumukas ang pinto. Isang babae ang pumasok. May hawak din siyang kandila. May banayad na ngiti sa kanyang labi.

"Natuyuan ka kaya nawalan ng malay," sambit niya. Pinatong niya sa tabi ng kandila ang hawak pa niyang kandila. Saka siya umupo sa tabi ko. "Pero huwag kang mag-alala. Nakainom ka na."

Hindi ko na maramdaman ang panunuyo ng lalamunan ko, ngunit bigo pa rin akong makapagsalita.

"Natagpuan kang walang malay sa loob ng mga dayami." Nanatili ang banayad na ngiti sa kanyang labi. "Si Noel ang nagdala sa 'yo rito."

Mahaba ang puti niyang buhok. Napansin ko 'yon kaninang naglalakad siya palapit sa akin. Sa tingin ko nga ay halos sumasayad na 'yon sa sahig. Hindi ko masasabing matanda na siya. Ngunit kung ikukumpara sa mga nakasalamuha ko na, masasabi kong siya ang tila pinakamatagal na rito.

"Ako nga pala si Ginang Enna. Narito ka sa Minaggen."

Nakatingin lang ako sa kanya.

"Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit ka nagtatago?" Sa sobrang hinay ng pagsasalita niya ay parang gusto kong sabihin ang totoo.

Hindi. Hindi makabubuti sa akin na malaman nila ang totoo kong pagkakakilanlan.

"May mga humahabol ba sa 'yo?"

Marahan akong tumango.

"Hindi ko na gaanong huhungkatin ang dahilan," sambit niya nung mapansin na hindi ko magawang maayos na sagutin siya. "Ang gusto ko lang malaman ay kung may tutuluyan ka ba? Uuwian?"

Mabilis akong umiling.

"Gusto mo bang manatili muna rito?

Tumango ako.

"Kung gano'n ay maaari kang pumarito hanggang sa gusto mo."

"S-Salamat po..."

"Ngunit... ano ang gusto mong itawag namin sa 'yo?"

Lumunok ako.

"Erissa. Ang pangalan ko po ay Erissa."

Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #vampire