Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1

Chapter1: Dugo

Nanaginip ako. May babaeng tumawag sa akin sa kagubatan na nagpakilalang isang bampira. Ang malala ay sinabi niya rin na isa akong bampira. Natatawa na lang ako sa tuwing naalala 'yon.

Maganda ang gising ko. Pasipol-sipol pa ako nung lumabas ng paliguan. Nakabalot ang buhok ko ng tuwalya. Pumunta ako sa kusina para mag-agahan. Naroon si Mags na nagbabasa ng libro.

"Gusto mo ng kape?" tanong ko saka dumiretso sa lababo. Kumuha ako ng dalawang tasa. "Grabe. Ang aga kong nakatulog kagabi."

"Lumabas ka ba kagabi?" tanong niya.

Natigilan ako sa pagsalin ng mainit na tubig, pero nagpatuloy rin ako. Hinalo ko ang mga kape namin. Pinatong ko ang isa sa tabi niya saka ako umupo sa upuan ko. Humigop ako ng kape at naglagay na ng pagkain sa plato.

"Mukhang kailangan na nating mamili ng pagkain, ah?" Marahan kong nginuya ang pagkain habang nakatingin kay Mags na nakakunot ang noo.

"Naalimpungatan ako dahil narinig kong bumukas ang pinto—"

"Hindi ko na maalala. Mahimbing ang tulog ko," patay-malisya kong sambit. "Baka nananaginip ka lang?"

Maging siya ay tila naguluhan. Natawa ako saka napailing na lang.

"Kumain ka na lang, Mags. Kung anu-ano ang iniisip mo."

Naubos ko ang kape ko nang 'di nalalasahan ang pait nito. Malamang na may problema ako sa panlasa ngayon. Nauuhaw ako pero hindi ako uminom ng tubig. Mukhang nananaginip pa rin ako.

Sabay kami ni Mags na pumasok. Nakangiti ako habang tinatanaw ang mga puno. Biglang pumasok sa isipan ko ang panaginip kaya mabilis ko 'yong winaglit.

"Kailangan mong magpasuri sa manggagamot," biglang sabi ni Mags. Malungkot ang boses niya. "Masakit man na malaman na may anak na kayo ni Sir Dominique—"

"Nagbibiro lang ako, Mags," bulong ko. Nakatungo akong naglakad. "Masama lang talaga ang pakiramdam ko kahapon."

Napasinghap ako nung bigla akong niyakap ni Mags. Napangiti na lang ako.

"Huwag kang mag-alala. Ayos na ang pakiramdam ko—"

"Tinakot mo ako!" mahina niyang hinampas ang braso ko. "Ang buong akala ko talaga ay magkakaroon na kayo ng anak ni Sir Dominique."

"Hindi mo ako niyakap dahil masama ang pakiramdam ko kahapon?" bigo kong tanong.

"Sabi mo mabuti na ang kalagayan mo!" Gumuhit ang malapad na ngiti sa kanyang labi. "Ayos lang naman na maging magkasintahan kayo. Pero huwag muna magkaanak, ha?"

Napaismid na lang ako. Napatingin ako sa isang sanga ng puno. Mahuhulog ito kay Mags kaya dali-dali ko siyang hinila sa tabi ko.

"Hala!" Maging si Mags ay nagulantang habang nakatingin sa akin.

"Malaki rin ang sanga na 'yon," sabi ko.

Kinusot niya ang kanyang mga mata.

"Ayos ka lang, Mags?"

"H-hindi yata?" Pilit siyang ngumiti. "P-para kasing..."

"Ano?" Maging ako ay kinabahan na rin sa biglang pagbabago ng kilos niya. Tila nakakita siya ng multo. "Bakit, Mags?"

"Wala..." Tumalikod na siya. "Namalik-mata lang ako. Akala ko kasi naging pula ang mga mata mo. Mukhang ako na naman ang magkakasakit."

Nauna na siyang naglakad habang ako ay napako sa kinatatayuan. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa katawan at hindi nakalagaw. Hindi maaari. Namalik-mata lang si Mags.

"Hezira? Ano pang ginagawa mo riyan? Tara na!"

Umiling ako saka sumunod sa kanya. Dumiretso kami sa faculty room para mag-attendance. Saka na rin ako pumunta sa unang klase ko.

"Teacher Hezira?" Lumapit sa akin ang isa sa mga estudyante ko. Si Ynnigo na masasabi kong pinakapilyo rito. "Good morning. Puwede ko na bang makuha 'yung libro?"

"Hindi." Umupo na ako habang hinihintay na magdatingan ang iba ko pang estudyante. "Hindi iyon librong pang-bata, Ynnigo."

"Hindi nga," ngumisi siya. "Kaya nga ibalik mo na."

"Gusto mo bang isumbong kita sa mga magulang mo?" pananakot ko sa kanya.

Umiling naman siya. "Kailan ko ba puwedeng makuha?"

"Wala na. Sinunog ko na."

Pambiring bata na ito. Nahuli kong nagtitingin sa isang magazine ng mga sexy na babae na tinutukoy niyang libro. Hindi ko alam kung saan niya 'yon nakuha. Nagbibiro lang akong sinunog ko 'yon. Pero hindi ko na rin alam kung saan ko nailagay.

"Sige." Bumuntonghininga siya. "Bibili na lang ako ng bago. Salamat, Teacher Hezira."

Dumating na rin ang mga estudyante ko kaya nagsimula na kami. Nagawa kong itawid ang tatlong asignatura nang wala akong kakaibang naramdaman. Ang buong akala ko ay unti-unti nang bumubuti ang kalagayan ko.

Nung tanghali ay sumama na naman ang pakiramdam ko. Ngunit gusto kong panindigan na ayos na ako kaya pumunta ako sa kantina para dumalo sa pananghalian.

"Narinig niyo ba ang balita?" dinig kong tanong ng isa sa mga kapwa-guro ko. "May nililigawan daw na guro si Sir Dominique!"

Napatingin sa akin si Mags at napangisi.

"Saan mo naman nasagap 'yan?" tanong pa ng isa.

Napatingin ako sa babaeng naglilinis. Napalingon din siya sa akin saka ngumiti. Mabilis kong iniwas ang tingin ko. Kumabog ang dibdib ko.

"Hindi na ako magugulat kung si Hezira 'yon," sabi pa ng isang kapwa-guro ko. "Dalaga. Fresh. Maganda. Matalino. Saan ka pa?"

"Puwede rin namang ako, ah?" biro ni Mags.

"Hindi ka naman fresh."

Halos masamid ako nung narinig ang sinabi ng isa sa mga kapwa-guro ko. Alam kong biro lang 'yon, pero mukhang maiiyak na si Mags.

"Biro lang, Teacher Mags."

"Who you ka sa 'kin kapag nalaman mong ako ang nililigawan ni Sir Dominique!" Saka siya inirapan ni Mags na nakasimangot.

"Ito na po pala 'yung order niyo." May naglapag ng pulang inumin sa harapan ko.

"Hala. Wala naman po akong in-order—" Halos malaglag ang panga ko dahil nung pagtaas ko ng tingin ay ang babaeng naglilinis ang nagbigay ng inumin.

Ngumisi siya. "Magugustuhan niyo po 'yan."

Kumuyom ang mga kamao ko nung maamoy kung anong klaseng inumin ang binigay niya sa akin. Mabango. Tila gustong-gusto ng katawan ko.

"Akin na lang!" Inagaw ni Mags. "Mukhang masarap, eh."

"Huwag!" Sa sobrang kagustuhan kong pigilan siya ay natampal ko ang kanyang kamay. Nabitiwan niya ang baso kaya tumapon sa lamesa ang likido.

Tila puputok ang mga ugat ko sa katawan sa sobrang init ng pakiramdam ko. Mabilis akong tumalikod. Gusto kong tumakbo pero mas pinili kong maglakad na lang.

Pumasok ako sa walang laman na palikuran para pakalmahin ang sarili. Ang init ng mga mata ko na parang binuhusan ng mainit na likido. Maging ang mga kamay ko ay nanginginig.

"Hezira?" dinig kong may tumawag sa akin. Ang babae sa panaginip ko. "Bakit mo naman tinapon ang inalok ko? Ikaw na nga ang tinutulungan, eh."

Hindi ako kumibo. Tinaas ko ang mga paa ko para kung sakaling sumilip siya ay hindi niya ako makita. Ngunit may pakiramdam ako na hindi niya kailangang gamitin ang kanyang mga mata para makita niya ako. Kahit nakapikit, alam niya kung nasaan ako. Nararamdaman niya.

"Alam mo bang kapag ininom mo 'yon ay giginhawa ang pakiramdam mo?" tila nanunuya niyang tanong. "Magbabalik sa dati ang pakiramdam mo. Bumalik sa pagiging tao gamit ang bampira na pamamaraan."

Umalingawngaw ang nakakabingi niyang halakhak. Alam kong nililinlang ko lang ang sarili ko at pilit na pinapaniwala ang sarili na panaginip lang ang lahat.

Kung gano'n ay hindi ko na iisipin na isa lang itong panaginip. Hindi ko na lang iisipin o papansinin.

Huminga ako nang malalim bago lumabas ng palikuran. Naabutan ko siya na nakaupo sa lababo at hawak pa ang panlinis. Nakangisi siya habang nakatingin sa akin.

"Hindi ka tatagal nang hindi nakakainom ng dugo," dinig kong sambit niya. "Nakakalungkot lang na maaari mo pa itong mapagtanto sa mapait na paraan."

Dumiretso ako sa lababo para maghugas ng mga kamay. Mabuti na lang ay hindi namantyahan ang uniporme ko.

"Ano? Maglalaro tayo rito at magpapanggap na hindi mo ako nakikita?"

Inayos ko ang nagusot kong uniporme bago sinunod ang aking buhok. Ramdam ko pa rin na nakatitig siya sa akin.

"Hay nako. Napakatigas ng ulo mo." Narinig ko ang paghinga niya nang malalim. "O s'ya. Bahala ka na. Hindi na ako makikialam. Papanuorin na lang kita."

Naghanda na akong lumabas pero may pahabol pa siyang sinabi.

"Sa ayaw at sa gusto mo, tatakbo ka rin sa akin para humingi ng tulong. Maghihintay ako, Hezira."

Bumalik na ako sa silid-aralan ko. Napansin ko ang tatlong pulang rosas sa ibabaw ng lamesa ko. Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa niya ito.

"Teacher Hezira." Lumapit sa akin si Levy, isa sa mga estudyante ko. Magandang bata na may biluging mukha. "May assignment po tayo kaninang umaga. Huwag mong sabihin na ako ang nagpaalala sa 'yo? Magagalit sila sa 'kin."

"Siguro ay bukas na lang natin 'yon matatalakay. Salamat sa pagpapaalala, Levy," nakangiti kong tugon. "Sige na. Bumalik ka na sa upuan mo."

"Puwedeng akin na lang 'yung isa?" tukoy pa niya sa isa sa mga rosas.

Nakangiting binigay ko sa kanya ang isa. Biglang may humablot pa sa isa.

"Salamat, Teacher Hezira!" nakangiting sabi ni Ynnigo.

Sa tatlong pulang rosas, isa na lang ang natira. Tinago ko muna 'yon sa ilalim ng lamesa ko. Wala pa ang iba kong estudyante kaya umupo muna ako.

Napansin kong nilapitan ni Ynnigo ang isa sa mga kaklase niyang babae. Kahit malayo sila sa akin ay narinig ko ang binulong niya.

"Crush kita..."

Pumula ang pisngi ng babae. Inabot sa kanya ni Ynnigo ang pulang rosas. Napalingon si Ynnigo sa bagong pasok pa niyang babaeng kaklase. Inagaw niya ang rosas saka nilapitan ito.

"Ay. Rose. Para sa 'yo pala." Binigay niya ang ang pulang rosas sa bagong pasok na kaklase. "Bagay sa 'yo kasi kapangalan mo."

Yumuko sa lamesa ang nauna niyang inabutan ng rosas saka umiyak. Huminga ako nang malalim saka kinuha ang natitirang rosas sa akin. Lumapit ako para ibigay ito sa umiiyak.

"S-Salamat, Teacher Hezira," humihikbi niyang sabi.

Paglingon ko kay Ynnigo ay hawak na niya ang pulang rosas na binigay niya kanina kay Rose. Nilagas niya ang mga talutot sa ibabaw ng kanyang lamesa. Paglingon ko kay Rose ay kausap na niya ang isang kaibigan. Hindi alintana ang pagbawi ni Ynnigo sa bulaklak.

"Ynnigo. Huwag kang magkakalat ng mga talutot ng rosas," paalala ko kahit na gusto ko siyang batukan.

Nagsimula na rin akong magturo. Napansin kong nakatulog na si Ynnigo. Mas mabuti nga 'yon. Kapag gising siya ay kung anu-anong kapilyuhan ang ginagawa.

Isang araw na naman ang lumipas. Pagpunta ko sa faculty room ay sinabi sa akin na nauna nang umuwi si Mags. Mag-isa na lang akong naglalakad.

"Natanggap mo ba ang mga bulaklak?"

Hindi na ako nagulat sa biglang pagsulpot ni Sir Dominique. Kanina ko pa siya napapansin na nakabuntot sa akin. Hindi ko alam kung paano ko napansin. Basta. Ayoko nang isipin kung paano.

Huminga ako nang malalim bago humarap sa kanya. Nakangiti siya. Napansin kong may hawak na naman siyang isang pirasong pulang rosas.

"Nasaan?" tanong niya nung mapagtanto na wala akong hawak.

"Binigay ko sa mga estudyante ko," sagot ko. "Hiningi nila sa akin."

"Gano'n ba?" Bumaba ang tingin niya sa hawak na bulaklak. "Hindi ko inakalang hindi ka mahilig sa bulaklak. Pero... kahit ito lang?"

Inabot niya sa akin ang nag-iisang rosas na hawak. Nakangiting tinanggap ko 'yon.

"Hezira..."

"Ang totoo ay..." Humigpit ang pagkakahawak ko sa rosas na bigay niya. Tinanggal niya ang tinik kaya hindi ako nasugatan. "Wala pa kasi sa isipan ko ang pumasok sa isang relasyon."

Bumagsak ang kanyang balikat. Ngunit nanatili ang ngiti sa kanyang labi.

"Maghihintay naman ako. Kahit na gaano katagal..."

"Hindi rin kasi ako siguro, Sir Dominique," naging pabulong ang tinig ko. "Hindi katulad mo na mukhang sigurado na sa gusto mo. Ako ay nangangapa pa rin."

Napansin ko ang unti-unting paglubog ng araw sa kanyang likod. Malungkot ako na hindi ko kayang masuklian ang pagmamahal na inaalay niya. Ngunit nung mapatingin ako sa palubog na araw ay bumagsak ang mga luha sa mata ko.

"Maghihintay ako..." madiin niyang sabi.

"Pero kasi Dom..." Suminghap ako. "Hindi ako sigurado kung makakabalik ako. Pero gusto kong bumalik. Gustong-gusto ko. Gusto kitang makasama ulit."

"Hezira?" Tila naguluhan ang tinig ni Sir Dominique. "Aalis ka ba?"

"P-palubog na ang araw..." Hinawi ko ang mga luha ko. "Sige, Sir Dominique. Kailangan ko nang umuwi. Hinahanap na ako ni Mags."

"Pakiusap, manatili ka muna. Mag-usap tayo..."

"Pasensya na talaga, Sir Dominique." Tumalikod na ako saka dahan-dahan na naglakad. Walang humpay ang pagtulo ng luha sa mga mata ko.

"Bukas ng gabi. Maghihintay ako sa ating tagpuan!"

Nung makalayo ay napahawak ako sa dibdib ko. Parang pinupunit ito. Ano ba ang mga sinabi ko sa kanya? Hindi ko maintindihan.

Pag-uwi ko ay tahimik ang dinatnan ko. Nasa kuwarto si Mags kaya pumasok na lang ako sa silid ko. Tumila na ang mga luha ko. Ngunit ang pakiramdam sa dibdib ay nanatili at tila walang balak na umalis.

Pabagsak na umupo ako sa kama saka sumandal sa ulunan. Niyakap ko ang unan na nahagip. Wala sa sariling napatingin ako sa braso. Wala ang marka. Ngunit alam kong narito pa rin ito. Naghihintay ng tamang panahon para sumibol ulit.

Alam kong masasagot lang ang mga katanungan ko kapag sumama ako kay Sylvia. Pero... sa mundo ng mga bampira? Paano?

Una sa lahat, wala ako gaanong alam tungkol sa mga bampira. Hindi pa rin ako kumbinsido na isa nga akong bampira kahit na kalahati na ng katawan ko ay sang-ayon doon. Pangalawa, kung sakaling bampira nga ako, paano ako mamumuhay sa mundong wala akong kaalaman? Ni hindi ko nga alam kung paano maging isang bampira. Pangatlo, kung bampira nga ako, paanong nasa mundo ako ng mga tao?

Kung bampira nga ako na napadpad sa mundo ng mga tao at walang alaala. Ibig sabihin ay may dahilan 'yon. May tinakasan ba ako? O may nagtulak sa akin? Paano kung ayaw nilang bumalik ako?

Paano kung katumbas ng pagbalik ng mga alaala ko ay ang pagbalik ko sa mapait kong nakaraan? Hindi ba mas mabuting manatili na lang ako rito?

"Alam mo, Hezira? Mukhang hindi naman permanenteng nabura ang mga alaala mo," sambit ni Sylvia na nakaduwang mula sa labas ng bintana ko.

Kung pagdating sa mga tao ay nararamdaman ko kapag parating sila, kay Sylvia ay wala akong maramdaman. Parang bigla na lang siyang sumusulpot.

"Pansamantala lang..." Nagkibit-balikat siya. "Sa ayaw at sa gusto mo, babalik ang mga alaala mo at babaha sa utak mo. Panahon lang ang binibilang."

"N-natatakot ako..." bulong ko.

"Sumama ka sa akin. Baka alam ni Ginoong Osman ang gagawin sa 'yo. Siya ang pinuno naming mga Vampire Hunters."

"S-sa mundo ng mga bampira?"

Tumango siya.

Ilang segundo akong nakatulala. Hindi ko pa rin kayang tanggapin ang nangyayari sa akin. Sa isang iglap ay nawala si Sylvia. Saka kumatok si Mags sa pinto ng kuwarto ko.

"Hezira?"

"Pumasok ka lang, Mags."

Nakasimangot na pumasok ng kuwarto ko si Mags. Umupo siya sa paanan ko.

"Bakit hindi mo na ako nahintay?" tanong ko. "Nagtatampo ka ba? Dahil tinapon ko ang inumin."


"Hindi!" Mas lalong humaba ang nguso niya. "Naiinis talaga ako sa sinabi nila. Hindi na ako fresh."

Nagawa akong pangitiin ni Mags. May Mags ba sa mundo ng mga bampira? Na magpapatawa sa akin kapag nalulungkot? Na hindi ako hahayaan na mag-isa?

"Sa summer, magpapaganda talaga ako." Umirap pa siya. "Pagbalik ko rito, sisiguraduhin kong mapapalingon silang lahat sa akin."

"Maganda ka naman, Mags." Lumapit ako sa kanya. Inipit ko sa likod ng tainga niya ang ilang hibla ng kanyang buhok. "Iyong ganda na hindi napaglilipasan ng panahon."

"Maganda ang loob, ganoon?" nakangiwi niyang tanong.

"Hindi ba mas maganda na ang maganda ang loob kaysa sa maganda lang ang anyo?" nakangiti kong tanong sa kanya. "Unang nahuhulog ang loob natin sa ganda ng panlabas, ngunit nagtatagal dahil sa ganda ng kalooban."

Napatitig siya sa akin, tila napaisip sa sinabi ko.

"Pero sige lang, Mags. Hindi naman masamang maghangad tayo na gumanda ang labas na anyo. Basta huwag lang mababago ang ganda ng loob."

"Salamat kasi naging kaibigan kita, Hezira."

"Masaya rin akong naging kaibigan kita, Mags. Salamat."

"Salamat?" Napaismid siya. "Bakit ka nagpapasalamat? Tapos na ba?"

"Kasi..." Napaayos ako ng upo. Suminghap ako at pilit na hindi umiyak. "Sa tingin ko ay sapat na ang naipon ko para magtayo ng sariling negosyo. Gusto ko munang tumigil sa pagtuturo..."

Hindi ko alam kung paano ko nasabi 'yon nang hindi pumipiyok. Si Mags ang bumuo sa akin nung mga panahon na tila may kulang sa buhay ko. Nakakalungkot na nararamdaman ko na naman na may kulang ngunit sa pagkakataong ito ay... hindi na niya ito kayang punan.

"B-babalik ka naman, hindi ba?" tanong niya. "Kapag hindi ka bumalik, aagawin ko talaga sa 'yo si Sir Dominique. Sige ka. Bumalik ka!"

Sa halip na sumagot ay tumawa at niyakap ko na lang siya. Humaba ang gabi dahil napatagal ang pag-uusap namin ni Mags. Nung lumabas siya ay kumuha ako ng papel at panulat.

Alam kong hindi malabong mahulog din ang loob ko kay Sir Dominique. Wala akong hinahanap na katangian sa lalaki, ngunit lahat ng pinakita niya sa aking katangian ay naramdaman ko. Siguro ay kung mas magaan at malinaw lang ang nararamdaman ko... siguro ay kung tumagal pa ako... baka sakali... baka sakaling mahulog din ako. Ngunit sa ngayon, masasabi kong hindi pa maaari.

Kinabukasan ay hindi ako pumasok. Lumabas ako para maghanap ng internet café. Sinubukan kong humagilap ng detalye tungkol sa mga bampira. Ngunit mas naguluhan lang ako dahil iba-iba ang resulta. Iba-iba ang katangian ng mga bampira at mundong ginagalawan nila.

Natatawa na nga lang ako. Para akong tanga na nagbabasa tungkol sa mga bampira. Hindi dahil sa magsusulat ako tungkol sa kanila. Kung hindi dahil maninirahan ako kasama sila.

Hindi rin ako tumagal sa labas dahil mahapdi sa balat ang sinag ng araw. Hindi pa buo ang pasya ko, pero gusto ko. Gusto kong malaman ang katotohanan.

Hawak ko ang resignation letter ko habang binabaybay ang tahimik na pasilyo patungo sa opisina ni Sir Dominique. Ipapatong ko lang 'to at kung maaari ay hindi ako magsasalita. Tama. Gano'n ang gagawin ko.

Naabutan kong nakaawang nang kaunti ang pinto ng opisina niya. May naririnig akong mahinang ingay. Sumilip ako at hindi inaasahan ang nakita. May babaeng kahalikan si Sir Dominique at halos nakahubad na sila.

Hindi lang 'yon ang gumulantang sa akin. Base sa uniporme ng babae ay isa itong kolehiyala.

Nabitiwan ko ang hawak na papel. Napatakip ako sa aking bibig at kusang lumandas sa mga mata ko ang luha. May kirot sa didbib ko. Muntik na niya akong malinlang.

Sa halip na istorbohin sila ay mas pinili ko na lang na umalis. May mga guro akong nakasalubong ngunit hindi ko sila nagawang lingunin.

Isang kamalian na magtiwala dahil sa mga matatamis na salita. Pareho lang namang kumilos ang katawan at mga salita. Nauna muna itong pumasok sa isipan natin. Ang pinagkaiba lang nila ay nakalilinlang ang mga salita, ang nararamdaman natin ay hindi.

Pagkapasok ko sa silid ko ay muling bumuhos ang mga luha sa mata ko. May bahid ng sakit at galit ang nararamdaman ko. Sakit na nagawa niyang linlangin ang intensyon sa akin. Galit dahil mali ang ginawa nila at sa kanilang dalawa, siya ang mas nakakaalam sa bagay na 'yon.

"Kawawa ka naman, Hezira." Sumulpot na naman si Sylvia. Pinunasan niya ang dugo sa gilid ng labi. "Aalis ka pa sa mundong ito nang sawi ang puso."

"Wala akong gusto sa kanya." Suminghap ako saka pinunasan ang mga luha. "Siguro nga ay mas mabuting nalaman ko bago pa ako umalis. Sa gano'n ay galit na lang ang mararamdaman ko sa tuwing maalala siya."

"A-aalis?" Nanlaki ang mga mata ni Sylvia. Dahan-dahan ay sumilip ang isang ngiti sa kanyang labi. "Ibig bang sabihin nito..."

Tumango ako. "S-sasama ako sa 'yo..."

Napatakip ako sa tainga nung bigla siyang tumili.

"Sa wakas matatapos na ang trabaho ko!" Halos yakapin niya ako sa sobrang tuwa. "Ikaw na lang talaga ang kailangan kong matapos. Hay, salamat naman."

"Bakit tuwang-tuwa ka?"

"Makababalik na ako sa palasyo!" aniya.

"May palasyo kayo?" mangha kong tanong. "Ibig bang sabihin nito na may hari at reyna rin kayo? Prinsesa? Prinsipe?"

"Oo naman. May paaralan din kami. Parang sa mundo lang ng mga tao. Kaya huwag kang matakot, Hezira. Doon mo matututunan lahat."

Umayos ako ng upo. "Nakakaengganyo."

"Talaga. Kaya halika na!"

"Paano kung isa pala akong prinsesa?" tanong ko.

Humalakhak siya na sinabayan ng mahinang pagtapik sa braso ko.

"Gusto ko 'yan. Malawak ang imahinasyon!" natatawa pa rin niyang wika. "Pero hindi naman masamang mangarap. Pinangarap ko rin 'yan, eh!"

Napangiti na lang ako.

Nung kinagabihan ay nasabi ko na kay Mags na magre-resign na ako. Hindi naman na siya gano'n umiyak. Pero malungkot pa rin siya. Hindi ko na raw masasaksihan ang pagbabago anyo niya.

Siniguro ko muna na tulog na si Mags bago lumabas ng dorm. May usapan kami ni Sir Dominique na magpapakita. No'ng una ay wala akong balak na siputin siya. Ngunit kailangan.

"Hezira!" Sinubukan niya akong yakapin pero humakbang ako paatras. Napatikhim siya saka umayos ng pagkakatayo. "Pasensya na. Nasabik lang ako."

Nanatili akong nakatayo at nakatingin sa kanya. Paano niya nagawa 'yon?

"Sa 'yo ba 'to?" May nilabas siya sa kanyang bulsa. Iyong papel na nabitiwan ko kanina. "Ano ang ibig sabihin nito, Hezira? Aalis ka na talaga?"

"Ano rin ang ibig sabihin ng nakita ko kanina?" hindi ko napigilang itanong. "Sir Dominique. Alam mong mali 'yon. Pero... bakit?"

"A-ano ba ang sinasabi mo?" nauutal niyang tanong.

"Huwag na tayong magmaangmangan dito. Alam kong alam mo ang tinutukoy ko." Kumuyom ang mga kamao ko. "Kahit na nasa kolehiyala na ang babae at nasa tamang edad, mali pa rin."

"Siya naman ang may gusto no'n," balewala niyang sagot. "Nagseselos ka ba?"

"Iba ang nagseselos sa nandidiri," madiin kong sambit. "Punong-guro ka. May responsibilidad ka. May anak pa. Paano mo naatim ang gano'n?"

Bumuntonghininga siya at nagkunwaring nalungkot. Kahit na anong gawin niya ay hindi na ako nahuhulog ng kanyang mga kilos. Mapagpanggap. Mapanlinlang.

"Sige. Hindi na kita pipilitin na magustuhan ako," aniya. "Basta. Huwag mo lang ipagsasabi ang nakita mo. Iyon lang, Hezira."

Mas lalong tumindi ang galit na nararamdaman ko sa kanya. Iyon lang 'yon? Hindi niya ititigil?

Lumapit siya sa akin saka hinawakan ang aking braso. Hinaplos niya 'yon habang nakatingin sa mga mata ko.

"Nagugustuhan mo na rin ba ako?" tanong niya.

Tumaas sa batok ko ang kanyang haplos. Naninindig ang mga balahibo ko sa katawan.

"Hindi mo naman ako isusumbong, hindi ba?" tanong niya. Naramdaman kong may dumikit na malamig sa leeg ko. Ang matulis niyang kutsilyo.

"Hindi ito ang unang beses na ginawa mo ito, hindi ba? Ang magkunwaring marangal, walang bahid ng kasamaan, at inosente."

"Hindi rin ito ang unang beses na may tinutukan ako ng kutsilyo," nakangisi niyang sabi. "Kung ako sa 'yo ay mananahimik na lang ako. Wala rin namang maniniwala sa 'yo."

Pumatak ang luha sa mga mata ko. Gusto kong isipin ang kapakanan ng anak niya. Ngunit parang mas bubuti ang kalagayan nito kung mawawalay sa kanya.

Napasinghap ako nung halikan niya ako sa leeg. Binaba niya sa tagiliran ko ang patalim niya. Isang maling galaw ko lang ay isasaksak niya 'yon sa akin.

"Ang ganda mo, Hezira. Dati pa ako nasasabik sa 'yo."

Hinawakan ko ang kamay niyang may hawak na patalim. Natigilan siya sa paghalik sa akin. Sinubukan niyang isaksak sa akin 'yon pero nagawa kong baliin ang kamay niya. Sumigaw siya sa sakit. Hindi kalaunan ay maging ang boses niya ay nawalan nung tinurok ko ang kutsilyo sa gilid ng kanyang leeg.

Napasinghap ako nung pumatak sa kamay ko ang kanyang dugo. Wala sa sariling nilapit ko 'yon sa aking bibig at dinilaan. Gumuhit sa lalamunan ko ang tila isang kuryente, mainit, at nakabubuhay ng lakas.

Naging malabo na ang mga sumunod na pangyayari. Basta ang alam ko lang ay nung bumalik ako sa huwisyo, wala na siyang buhay. At hawak ko na ang kanyang puso.

Sa halip na magulat at magsisigaw ay napangisi ako.

"Ngayon ay napatunayan ko na talagang isa kang bampira," narinig ko ang tinig ni Sylvia sa likod ko. "Hindi ko alam kung bakit tumagal ka sa mundong ito nang hindi umiinom ng dugo. Ngunit ngayong nakatikim ka na, hahanap-hanapin na ito ng katawan mo."

Tumayo na ako saka pinunas ang duguang kamay sa damit. Saka ako humarap kay Sylvia.

"Handa ka na bang harapin kung sino ka talaga, Hezira?"

Biglang umikot ang paningin ko sa hindi malamang dahilan. Naramdaman kong sinalo ako ni Sylvia. Gamit ang nanlalabong mga mata ay tiningnan ko siya.

"Akala ko ba ay babalik ang lakas ko kapag nakainom ako ng dugo?" tanong ko.

"Hindi ko rin alam. Napakahiwaga mo. Para kang bagong silang na bampira."

Ngumiti ako. "Ilayo mo na ako rito, pakiusap."

"Ibabalik na kita, Hezira."


Itutuloy...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro

Tags: #vampire