Limot na Melodiya
SABI sa akin ni lola, ang memorya raw ng tao ang isa sa pinakamahalagang bagay sa mundo. Ito raw ang kaniyang kayamanang pinakaiingatan dahil doon nakaimbak ang mga ala-alang mahalaga.
Bago siya namatay, ikinuwento pa niya sa akin ang istorya ng pag-iibigan nila ni lolo. Inumpisahan niya sa kung paano sila nagkakilala hanggang sa pagpanaw ni lolo.
Sana ay gan’on din ako kay lola. Ayokong makalimutan ang bawat alaala kasama ang taong mahal ko. Subalit ang kinatatakutan ko ay nangyari na.
PAPASIKAT pa lang ang araw nang makarating ako sa park na tinatambayan ko tuwing umaga. Gamit ang aking baston ay lumakad pa ako papunta sa dulong parte ng park.
Napakapit ako nang mahigpit sa aking baston nang marinig ko na naman tunog na nagmumula sa violin. Napatingin ako sa lalaking nakaupo sa silong ng puno ng bayabas.
Tuwing umagang nagpupunta ako rito ay palagi siyang nandiyan at tumutugtog ng violin. Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya mula rito sa. Isang taon na akong nagpapabalik-balik dito tuwing umaga at isang taon na rin siyang naririto at tumutugtog ng violin.
Iika-ika akong lumakad at umupo sa bench malapit sa silong ng bayabas. Noong nakaraang dalawang taon ay nagising na lamang ako sa isang ospital at hindi ko maigalaw ang kanang binti ko dahil sa isang sakuna. Nagising din akong hindi ko na maaalala ang nakaraan ko.
Nakakatawang isipin na bente pa lang ako pero may baston na ako’t iika-ika na parang isang matanda.
Sabi nina mama, kasama ko raw ang kaibigan kong si Shakira, na nasa ibang bansa na ngayon, noong nangyari ang sakuna. Matapos daw ang sakunang iyon ay labis siyang na-trauma kaya sumunod na siya sa mama niya sa ibang bansa.
Gustuhin ko mang tanungin si Shakira ngunit ayaw niya ng magkuwento dahil ayaw niya na raw alalahanin ang nangyari. Sinubukan ko ring tanungin sina mama ngunit ang palagi nilang isinasagot ay dahil sa lindol.
Napaawang ang aking bibig dahil unti-unting tumulo luha ng lalaki at napahikbi pa siya. Mayamaya ay tumigil siya sa pagtugtog at tumayo.
Napaiwas naman ako ng tingin. Naramdaman ko namang umupo siya sa’king tabi kaya napalunok ako.
“Araw-araw kang nauupo rito tuwing umaga,” saad niya kaya napatingin ako sa kaniya.
Umihip naman ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng pagtatama ng mga tingin naming dalawa. Nagsitayuan ang mga balahibo ko dahil sa lamig. Kahit sumikat na ang araw ay malamig pa rin dahil Disyembre na.
“Araw-araw rin kitang nakikitang tumutugtog dito,” tugon ko naman. Napangiti siya nang mapait atsaka tumingin sa malayo.
“Iyon ay dahil pakiramdam ko ay may kulang sa akin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. May nag-uudyok sa’king tumugtog dito. Pakiramdam ko ay may hinihintay ako kahit wala naman,” pagkukwento niya. Halata sa kaniyang itsura na mas matanda siya sa akin ng siguro ay apat na taon.
Pagkatapos n’on ay muli na namang namayani ang katahamikan. Ang mga huni ng mga ibon lamang ang nadidinig ko.
“Ang galing mong tumugtog. Sana’y maging successful violinist ka,” pambasag ko sa katahimikan. Napabuntong-hininga naman siya.
Bakit ba siya ganiyan? Bakit parang ang lungkut-lungkot ng mga mata niya?
“Tinuruan ako ni Dad noong nakaraang taon,” matipid na tugon niya. “Teka, anong pangalan mo?” tanong niya sa akin.
“Rosie ang pangalan ko,” sagot ko. “Ikaw?”
“Tawagin mo na lang akong Rich.”
Muli akong napatitig sa kulay kape niyang mata. May kung anong kumurot sa puso ko at bigla na lamang akong naluha.
“Ayos ka lang ba? Bakit ikaw naman ngayon ang lumuluha?” nag-aalalang tanong niya ngunit umiling lamang ako.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit ako nagkakaganito? Pakiramdam ko ay may naaalala ako ngunit hindi pamilyar sa akin kung ano iyon. Napapikit na lamang ako upang pigilan ang pagpatak ng luha ko.
“Maaari mo ba akong tugtugan?”
Hindi naman siya umimik kaya akala ko ay ayaw niya pero mayamaya pa ay narinig ko na ang tugtog mula sa violin. Mas lalo akong naluha dahil sa malungkot na melodiya nito. Napakabagal at napakalungkot.
Habang tumutugtog siya ay kumirot ang ulo ko at may mga eksenang pilit na pumapasok sa utak ko. Napadaing ako nang mahina dahil sa pagkirot ng ulo ko. Tila isang glitch sa isang video ang naaalala ko. Malabo at paiba-iba.
Ilang saglit lang ay tumigil na siya sa pagtugtog. Nakapikit lamang ako habang pilit na pinagdudugtong ang mga nasa alaala ko. Alam kong tumigil na siya sa pagtugtog ngunit parang naririnig ko pa rin ang tugtog. Tila parte ito ng aking memorya.
“R-Rosie…”
Pagkabigkas niya sa’king pangalan ay unti-unting nagiging malinaw sa’kin ang memoryang dati ay hindi ko maalala.
---
“HINDI ka puwedeng lumabas sa kuwarto mo hangga’t hindi ka nagtatanda!” litanya sa akin ni mama habang nakapamewang.
“Marami po akong plano this Christmas vacation kasama si Shakira!” pagrereklamo ko kaya sinamaan niya ako ng tingin.
“Hindi ka sasama kay Shakira. Dito ka lang sa kuwarto mo,” mahinahon namang sambit ni papa kaya napasimangot ako.
Pagkalabas nila ng aking kuwarto ay padabog akong humiga sa’king kama. Palagi na raw kasi akong late na umuuwi kaya kailangan akong turuan ng leksyon.
Kailangan kong gumawa ng paraan dahil mamasyal kami bukas ni Shakira sa kabilang bayan. May recital kasi kaming papanoorin sa mga susunod na araw at kasama roon ang kaibigan ng boyfriend niya.
Noong malalim na ang gabi, kinuha ko na ang sling bag ko. Tanging cellphone at pera ko lamang ang inilagay ko roon. Nag-iwan naman ako ng note sa aking table para hindi mag-alala sina papa.
“Ma, Pa, sorry po kung tatakas ako. Huwag kayong mag-alala sa’kin dahil babalik din ako bago ang birthday ko sa 25. Tatlong araw lang naman akong aalis. I love you!”
Iyan ang nakasulat sa note na iniwan ko sa ibabaw ng aking kama. Dahan-dahan akong lumabas sa aking kuwarto at tagumpay naman akong nakalabas sa bahay. Pinatay ko rin ang aking cellphone para hindi nila ako matawagan.
Lakad-takbo ang aking ginawa hanggang sa marating ko ang labas ng subdivision. Sinalubong naman ako ni Shakira kasama ang kaniyang kasintahan. Hindi na kami nagsayang pa ng oras, sumakay na kami sa pampasaherong van na papunta sa kabilang bayan.
“Mabuti ay pinayagan ka nina Tita Marjorie at Tito Jonnie,” ani Shakira.
“Tumakas lang ako,” tugon ko kaya nanlaki ang mga mata ni Jomarie, kasintahan ni Shakira.
“Hindi maganda iyang ginawa mo, Rosie. Dapat ay nagpaalam ka pa rin,” pangangaral niya kaya maging si Shakira ay natawa.
“Chill ka lang, ako na ang bahala,” sagot ko at natulog na habang nasa biyahe.
Pagkarating namin sa bayan ng Manaoag, kung saan gaganapin ang recital, tumuloy kami sa bahay ng lola ni Jomarie. Madaling araw na n’on at kulang pa kami sa tulog kaya hindi na kami ginambala pa ng lola niya.
Kinabukasan ay alas otso na kami nagising. Wala na roon si Jomarie dahil ayon kay Shakira, sinamahan niya raw saglit ang kaniyang lola na magbenta ng gulay sa palengke.
“Babalik din daw sila agad. Hintayin na lang daw natin dito si Mon, 'yong sinasabi kong kaibigan ni Jomarie, dahil pupunta raw siya rito para ipakita ang ipe-perform niya,” sabi ni Shakira habang kumakain kami ng umagahan.
Ilang saglit lamang ay nariyan na nga ang sinasabi niyang si Mon. Dala nito ang kaniyang violin. Saglit na nagtama ang aming mga mata. Hindi ko maipaliwanag kung bakit bumilis ang pagtibok ng puso ko, tila nakikipagkarerahan sa mga kabayo.
“Ako nga pala si Mon. Ikaw, magandang binibini, anong pangalan mo?” tanong niya sa akin at inilahad ang kaniyang kamay.
“R-Rosie ang pangalan ko,” sagot ko at nakipagkamay sa kaniya. Noong mga sandaling iyon ay tila kaming dalawa lamang ang tao. Parang hindi nag-e-exist sa tabi namin si Shakira.
Mabilis na nagkalapit ang mga loob namin ni Mon. Akala ko ay sa amin nina Shakira at Jomarie niya ipapakita ang ipe-perform niya ngunit nagkamali ako. Buong araw kong kasama si Mon at pinapanood ko lamang siya habang siya’y tumutugtog sa ilalim ng puno ng mangga.
Hindi namin namalayan ang bawat paglipas ng oras dahil pagkatapos niyang mag-practice ay nagkakuwentuhan kami. Nalaman kong pareho pala kaming single since birth. 18 na ako at siya naman ay 22 years old na.
“Goodluck sa performance mo bukas,” nakangiting wika ko sa kaniya.
“Syempre, gagalingan ko para sa dilag na katulad mo,” tugon niya at hinawi pa ang aking buhok. Napalunok naman ako sa ginawa niya. Sobrang lapit din ng mukha namin kaya ako na lang ang nag-iwas ng tingin.
“M-Maaari ba kitang ligawan? K-Kung nais mo lang naman dahil gusto kong mas makilala ka,” nauutal na wika niya.
“Pero hindi pa ako maaaring mag-boyfriend hangga’t hindi pa ako nakapagtapos. Pagagalitan nila ako,” nag-aalinlangang tugon ko.
“Ayos lang, hihintayin na lamang kita,” sagot niya kaya napatango ako.
Kinabukasan ay ang violin recital nina Mon. May naka-reserve na mga upuan sa amin sa malapit sa stage kaya tanaw na tanaw namin ang isa’t isa. Bago siya tumugtog ay nagkatitigan muna kami.
Ngunit kasabay ng mabagal at malungkot na melodiyang kaniyang tinutugtog ay ang malakas na pagyanig ng buong paligid. Ang kaninang magandang melodiya ay napalitan ng sigawan mula sa mga tao.
Nagbabagsakan na rin ang ilang mga bahagi ng bubong. Napakalakas talaga ng pagyanig kaya maging ako ay hindi na alam ang gagawin. Namalayan ko na lamang na hinihila na ako palabas ni Shakira.
“Teka, b-balik ako sa loob! Naiwan doon si M-Mon!” tarantang wika ko habang rumaragasa ang aking mga luha.
“Delikado—”
Hindi ko na pinatapos si Shakira dahil dali-dali akong bumalik sa loob at laking gulat ko nang makitang nakahandusay si Mon at may nakadagan sa kaniyang malaking parte ng pader. Naipit ang kaniyang binti kaya hindi siya makaalis.
“Anong ginagawa mo rito? Umalis ka na!” bulyaw niya sa akin. Hirap na rin siya sa paghinga.
“Hindi… kailangan mo ring makaalis dito!” giit ko at pilit na inaalis ang nakadagan sa kaniya ngunit masyadong mabigat.
Tuluy-tuloy ang pagragasa ng luha ko dahil patuloy rin ang pagyanig ng lupa. Napasigaw rin ako dahil sa bumagsak na kisame malapit sa amin.
“Hihingi ako ng tulong!” wika ko at agad na inilabas ang cellphone ko at tinawagan sina mama.
“M-Ma, tulungan niyo kami ni Mon,” lumuluhang wika ko at mayamaya pa ay may bumagsak sa akin. Bago ako nawalan ng malay ay nakita ko pang papalapit sa amin si Jomarie para sagipin kami ngunit maging siya ay nabagsakan din.
---
“Naaalala ko na,” halos sabay na wika naming dalawa kaya nagkatinginan kami.
“Ikaw si Rosie na nakilala ko noon,” lumuluhang wika niya.
“At ikaw n-naman si Mon,” halos pabulong na sabi ko.
“Ako ito, si Richmon.” Walang pag-aalinlangan ko siyang niyakap nang mahigpit.
“We both survived!” lumuluha sa tuwang saad ko.
“Gaya mo ay nawalan din ako ng memorya ngunit ngayon ay naaalala ko na,” tugon niya.
“Kumusta na si Shakira?” tanong niya pa sa akin at humiwalay sa pagkakayakap.
“Na-trauma kaya nanirahan na sa ibang bansa. T-Teka, si Jomarie! Nabagsakan din siya noon!” Napayuko naman siya nang itanong ko iyon.
“Ang sabi sa akin nina papa, n-namatay raw siya,” tugon niya kaya napaawang ang bibig ko.
Kung gan’on ay grabe ang naging pinsala nito sa emosyon ni Shakira dahil namatay ang pinakamamahal niya.
Kasalanan ko ito, kung nakinig lang sana ako kina mama noon ay hindi sana umabot sa ganito.
“P-Patawad,” bulong niya kaya napalingon ako sa kaniya.
“Bakit?”
“Dahil hindi ko na matutupad ang sinabi ko noon na hihintayin kita hanggang sa makapagtapos ka,” tugon niya. Tila may kung anong bumara sa lalamunan ko.
“Noong nakaraang buwan ay ikinasal na ako sa kasintahan ko. Mahal ko si Anne, Rosie. Hindi ko naman alam na gan’on ang nangyari sa atin noon,” dagdag pa niya kaya napangiti ako nang mapait.
“Hindi mo kasalanan, Mon. Masaya ako para sa iyo,” tugon ko at pilit na ngumiti.
“Aalis na pala ako dahil siguradong hinihintay na niya ako. Masaya akong pinagtagpo muli ang mga landas natin,” saad niya.
“Ako rin, Mon. Masaya ako dahil kahit papaano ay nakilala natin ang isa’t isa, at higit sa lahat ay nakaligtas tayo,” sagot ko at pinipigilan pa ring maluha.
“Paalam, Rosie.”
Hindi man kami nagkatuluyan ay masaya pa rin ako dahil nagkakilala kami. Masaya na ko dahil sa mismong araw ng kaarawan ko ay bumalik ang memorya ko. Ito na yata ang pinakamagandang regalong natanggap ko.
Pinakaimportante sa lahat, mahalaga talaga ang pagsunod sa mga bilin ng magulang. Tiyak na hindi sana kami humantong sa trahedya kung sumunod lamang ako noon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro