Kabanata ng Buhay
“PAANO nga ba nag-umpisa ang pag-iibigan namin?” Basa ko sa unang linya ng maikling kwentong binabasa ko mula sa isang anthology book.
“Binabasa mo na naman iyan, Lorraine?” tanong ni Ashlly sa akin kaya napatigil ako sa pagbabasa at tumango.
“Ako rin, ilang beses ko na yatang nabasa iyang Chapters of Life pero hindi pa rin ako nagsasawa. Ang ganda kasi at kapupulutan ng inspirasyon at aral sa buhay. Iyan na yata ang pinakamaganda sa lahat ng mga stories diyan sa anthology,” mahabang saad ni Ashlly kaya lumawak ang ngiti sa aking labi.
“Syempre, sino ba ang sumulat?” pabiro kong tanong.
“Walang iba kundi ang manunulat na si Lorraine Villanueva!” masiglang tugon niya. Mas lalo tuloy akong napangiti nang banggitin niya ang pangalan ko.
“Uuwi na nga pala ako dahil may gagawin pa ako,” pagpapaalam ni Ashlly. Tumango lamang ako at inilipat ang tingin sa malawak na pala-isdaan.
Ilang minuto akong napatitig doon at muling ibinalik ang tingin sa binabasa ko. Isinuot ko na ang aking salamin at sinimulan na ulit ang pagbabasa.
Kasabay ng pag-ihip ng payapang hanging humahalik sa akin balat ay ang pagbalik sa aking isipan ng mga alaala mula sa nakaraan habang ako ay nagbabasa.
---
UNANG kabanata pa lamang ng buhay ko ay masasabi ko ng magulo ang lahat sa akin. Hindi ko alam kung anong landas ba ang tatahakin ko.
Tulala akong naglalakad pabalik sa aming eskuwelahan dala ang kartolinang binili ko sa palengke para sa aming group activity.
Pati sa aking paglalakad ay iniisip ko kung ano ba talaga ang gusto. Ano nga ba ang gusto kong trabaho sa buhay? Ni hindi ko alam kung ano ang ambisyon ko.
“Ang lalim ng iniisip mo. Baka lumagpas ka na sa destinasyon mo.” Napaahon ako mula sa malalim na pag-iisip nang may magsalita sa tabi ko.
“Paano ko malalamang lumampas na ako kung hindi ko naman alam kung saan talaga ang destinasyon ko?” tanong ko ng hindi tumitingin sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong din niya kaya napatigil ako sa paglalakad at sa pagkakataong iyon ay napatingin ako sa kaniya. Napatingala pa ako dahil higit na mas matangkad siya kumpara sa akin.
Napansin kong magkapareho pala kami ng uniporme. Ibig sabihin ay pareho lang kami ng eskuwelahang pinapasukan.
“Wala, huwag mo ng intindihin ang sinabi ko,” tugon ko at ipinagpatuloy na ang paglalakad. Natanaw ko na sa 'di kalayuan ang gate ng school namin kaya dali-dali na akong naglakad. Malapit na rin kasing mag-ala una.
“Sa eskuwelahan lang naman ang alam kong pupuntahan mo. Iyon ba ang tinutukoy mo?” tanong niya ulit kaya muli akong napailing at bumuntong-hininga.
“Siguro ang ibig mong sabihin ay ang gusto mong tahakin sa buhay o ang ambisyong gusto mo,” sambit niya kaya napatango ako.
“Nakuha mo ang punto ko,” tugon ko at inayos ang aking buhok na nilalaro ng hangin.
“Our path to success is like a maze. Never look back, just move forward. Even if we cannot yet see the fulfillment, we must still go on,” makahulugang sabi niya at nauna na sa akin sa pagpasok sa gate ng school hanggang sa tuluyan na siyang maglaho sa paningin ko.
Unang beses pa lang na nagkrus ang landas naming dalawa ay alam kong siya na ang makatutulong sa akin upang malaman kung ano nga ba ang landas na tatahakin ko.
NOONG sumunod na araw ay mag-isa akong pumunta sa grandstand ng school. Katatapos lang ng klase namin sa Philippine Politics and Governance at wala kaming susunod na klase.
Gusto kong mapag-isa dahil pakiramdam ko ay malalaman ko ang mga kasagutan sa aking isipan kung mag-isa lamang ako. Isa pa, gusto kong makalanghap ng sariwang simoy ng hangin dahil katabi lang ng grandstand ang mga puno ng mangga.
Habang pinapanood ko ang mga estudyanteng nagpa-practice ng soccer ay naramdaman kong may umupo sa aking tabi. Hindi ako umimik. Namayani muna ang katahamikan bago siya nagsalita.
“Nag-krus na naman ang landas natin,” wika niya kaya napatingin ako sa kaniya. Siya 'yong nakasabay ko sa paglalakad kahapon.
“Baka sinusundan mo lang ako,” sabi ko naman kaya napatawa siya.
“Jason ang pangalan ko. Dalawang classrooms lang ang pagitan ng classroom natin. Sa Grade 12 STEM-B ako,” pagpapakilala niya habang nakaukit ang matamis na ngiti sa kaniyang labi.
“Lorraine ang pangalan ko. Sa 12 HUMSS-A ako,” tugon ko at ginantihan din siya ng ngiti.
“Magkalapit lang pala ang classroom natin pero hindi kita napapansin,” wika ko at ibinalik ang tingin sa mga naglalaro.
“Lagi ka kasing tila wala sa sarili. Parang hindi mo rin napapansin ang mga nasa paligid mo dahil para kang nilulunod sa malalim na pag-iisip,” tugon niya. “Ano ba ang iniisip mo?” tanong pa niya kaya napabuntong-hininga ako.
Ano ba ang iniisip ko? Maraming laman ang aking isipan na siyang dahilan kung bakit tila nalulunod ako.
“Gaya ng sabi ko kahapon, nalilito ako sa landas na tatahakin ko. Hindi ko alam kung saan ang destinasyon ko. Tila wala na akong patutunguhan.”
“Tutulungan kitang malaman ang landas na tatahakin mo. Simula noong nagkausap tayo kahapon ay napag-isipan kong tulungan ka. Sa mga nagdaang buwan, palagi kitang inoobserbahan kaya alam kong may problema ka. Pangako, tutulungan kita,” saad niya kaya napatingin ako sa kaniya at napangiti.
Habang nakatitig ako sa kaniyang mga mata, nakikita ko ang kaniyang sinseridad. Siya nga ang tutulong sa akin. Siya na ang matagal ko ng ipinagdarasal na tutulong sa akin.
SA IKALAWANG kabanata ng buhay ko ay inasahan ko ang ipinangako sa akin ni Jason. Hindi ko alam kung anong tulong ang ibibigay niya pero umaasa pa rin akong tutuparin niya iyon.
Pagkatapos ng klase namin sa CESC (Community Engagement, Solidarity, and Citizenship) ay bumalik na kami sa classroom para mag time out sa logbook namin dahil lunch break na.
Tahimik akong lumabas sa classroom namin nang makita kong naghihintay sa labas ng room namin si Jason.
“Sabay na tayong kumain. Saan mo ba gusto?” tanong niya habang naglalakad kami pababa ng hagdan.
“May baon akong pagkain. Sa grandstand na lang dahil mas payapa doon,” tugon ko. Sinamahan ko muna siyang bumili ng kaniyang pagkain sa canteen atsaka kami pumunta sa grandstand.
Sa loob ng isang buwan ay palagi na kaming nagkakasama. Marami na rin akong nalaman tungkol sa kaniya. Gusto niyang maging isang surgeon kaya sa Manila siya mag-aaral ng kolehiyo. Nalaman ko rin na mas matanda siya ng dalawang taon sa akin dahil 17 pa lang ako samantalang siya ay 19 years old na.
Pagkatapos naming kumain ay iniligpit ko na ang baunan ko sa paper bag na dala ko. Saka na lang kami nagkausap noong matapos na kaming kumain.
“May kopya ka ba ng mga grades mo?” tanong niya sa akin kaya napatango ako.
Kinuha ko ang aking planner mula sa aking bag kung saan ko isinulat ang mga grades ko simula noong first semester.
“Sa Creative Writing pala ang may pinakamataas mong grade. Na-maintain mo ang 98 na grade, ang galing!” manghang wika niya habang tinitignan ang mga grades ko.
“Iyan lang naman yata ang mataas na grade ko,” matamlay na sagot ko pagkabalik niya sa akin noong planner.
“Saan ka ba nag-work immersion noong November?”
“Sa isang private school. Naging student teacher ako doon pero hindi ko naman ginusto iyon. No choice lang talaga ako dahil hindi ko talaga alam kung saan ako magwo-work immersion. Hindi ko talaga kasi alam kung ano ang pangarap ko o anong kurso ang kukunin ko.”
“Ano ba ang suhestiyon ng mga magulang mo?” tanong niya ulit.
“Secondary Education ang sinabi nila sa akin noon pero ako raw bahala kung ano ang gusto kong kunin. Hindi ko naman alam kung ano ang kukunin ko kaya noong work immersion ay iyon na ang kinuha ko. Pero ni minsan ay hindi sumagi sa aking isipan na maging isang guro at nagtuturo sa harap ng mga estudyante,” pagpapaliwanag ko.
“Tatlong buwan na lang ay ga-graduate na tayo bilang senior high school at magka-college na tayo pero hindi pa pa rin sigurado sa kukunin mo,” sabi niya kaya malungkot akong napatango.
“Hindi ko pa talaga alam ang kukunin ko pero alam kong tutulungan mo ako.”
“Oo naman. Sa katunayan ay may naisip na ako,” wika niya kaya agad akong napatingin sa kaniya.
“Ano iyon?” excited na tanong ko kaya napangisi siya.
“Napansin kong ang Creative Writing ang pinakamataas mong subject. Sa tingin ko ay magiging matagumpay kang creative writer,” tugon niya. Sa sinabi niyang iyon ay tila may kung anong humaplos sa puso ko at hindi ko alam kung bakit.
SUMAPIT na ang ikatlong kabanata ng buhay ko. Simula noong sabihin sa akin ni Jason na magiging matagumpay akong creative writer ay iyon na ang palaging sumasagi sa isipan ko.
Ni minsan din kasi ay hindi sumagi sa isip ko na magiging isang manunulat ako. Oo, sumusulat ako ng mga tula at maiikling kwento pero hindi ko rin naisip na tatahakin ang landas patungong mundo ng literatura.
Isang buwan na lang ay magtatapos na kami sa senior high school. Noong mga nakaraang buwan ay pinagsulat ako nang pinagsulat ni Jason ng mga tula at short stories. Binibigyan niya rin ako ng mga deadlines at kahit wala siyang alam tungkol sa pagsusulat ay siya ang nagiging hurado at mambabasa ko.
Lahat ng mga isinulat ko ay ipinapa-post niya sa akin sa isang sikat na writing platform na NovelPad kung tawagin.
“Habang tumatagal ay mas gumaganda ang mga likha mo. Sigurado akong malayo pa ang mararating mo,” kumento ni Jason sa maikling kwentong ginawa ko na may 3,000 words matapos niyan itong basahin sa laptop ko.
“Sigurado ka? Hanggang ngayon kasi ang baba pa rin ng reads ng mga ipinaskil ko sa NovelPad. Atsaka, marami namang mas magaling diyan sa akin,” nakasimangot na sabi ko.
“Ano ka ba, Lorraine? Huwag mong bilangin iyan dahil hindi diyan masusukat ang galing mo bilang isang manunulat. Higit sa lahat, huwag mong ikukumpara ang kakayahan mo sa iba,” litanya niya sa akin.
Siya ang nagbibigay ng lakas ng loob sa akin para ipagpatuloy ko ang pagsusulat ko. Sabi niya nga, siya ang number one fan ko.
Gaya ng lagi niyang pinapangaral sa akin, hindi ko nga binilang ang number ng reads ng mga story. Nagsulat lamang ako nang nagsulat at hindi ko ikinumpara ang aking sarili sa ibang mga manunulat hanggang sa nakita ko ang magandang resulta.
Isa lamang ang itinatatak ko sa aking isipan. Lilipad ako pataas hanggang maabot ko ang alapaap ng aking pangarap. Kahit madilim at hindi ko makita ang daan, lilipad pa rin ako.
SA IKAAPAT na kabanata ng buhay ko, may napansin akong pagbabago. Hindi pagbabago sa aking pagsusulat kundi sa nararamdaman ko para kay Jason.
Noong bakasyon ay mas nagkakasama kaming dalawa. Nagtutungo kami sa park para magsulat at nakilala pa ang isa’t isa. Nakita ko rin ang pagbabago sa mga tingin niya sa akin. Napapansin ko ang madalas na pagtitig niya sa akin at sa tuwing tinitignan niya ako ay may kinang sa kaniyang mga mata.
Hindi ko rin alam sa aking sarili kung bakit sa tuwing nagkakadikit ang mga balat namin ay bumibilis ang pagtibok ng puso ko. Hindi lang iyon, kakaiba rin ang sayang aking nararamdaman sa tuwing magkasama kaming dalawa.
Minsan ay tinanong ko sa pinsan kong si Ashlly kung bakit gan’on ang nararamdaman ko. Sinabi niya, “Sigurado akong umiibig ka na kay Jason.”
Umiibig na nga ba talaga ako sa kaniya? Kung oo, ganito rin ba ang nararamdaman niya sa akin? Mamahalin niya rin ba ako pabalik?
Habang lumilipas ang mga araw ay mas lumalalim pa ang nararamdaman ko sa kaniya. Dahil doon ay mas marami akong naisusulat dahil siya ang nagiging inspirasyon ko. Siya rin ang paborito kong paksa sa aking mga tula.
Hindi ko na kayang itago pa ito sa kaniya. Paano ko ba aaminin ito? Ibig ko sanang sabihin sa kaniya na gusto ko sanang manatili siya sa tabi ko at abutin ang lahat ng ito.
NAKATITIG lamang ako kay Jason habang abala siya sa pagbabasa ng aking nobelang isinusulat. Habang nagbabasa siya ay umuukit ang ngiti sa kaniyang labi. Napaiwas ako ng tingin nang bigla siyang napatingin sa akin.
Malapit ng magtakip-silim kaya sinabi ko sa kaniyang kukunin ko na ang laptop at uuwi na ako. Akma na akong aalis ngunit hinawakan niya ang aking kamay. Sa pagdampi palang ng palad niya sa akin ay muli ko na namang naramdaman ang pakiramdam na hindi maipaliwanag.
“M-May kailangan ka pa?” nauutal na tanong ko. Lumapit pa siya sa akin at tinignan ako nang diretso sa aking mga mata.
“Naalala ko pa noong unang beses kitang nakita. Naging malapit tayo sa isa’t isa lalo na noong sinamahan kita sa landas na iyong tatahakin. Ngayon ay gusto na kitang samahan hanggang sa dulo. Magkaiba mang lugar at pangarap, ngunit balang araw ay magsasalubong sa iisang destinasyon,” matalinghagang wika niya kaya napalunok ako at bumilis ang pagkabog ng puso ko.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Nais kong manatili sa tabi mo. Mananatili ka rin ba sa akin?” tanong niya kaya dahan-dahan akong napatango.
“Mananatili ako sa iyo, ikaw at ako. Subalit may isa akong katanungan sa iyo,” tugon ko. “Ano ang ibig sabihin ng mga ginagawa mo sa akin at lahat ng mga sinabi mo?” dagdag ko pa kaya napangiti siya.
“Hindi lamang ako humahanga sa iyo dahil mahal na kita. Ikaw ang itinitibok ng puso ko at sa piling mo ang tinutukoy kong iisang destinasyon,” tugon niya kaya napaawang ang aking bibig.
Sa paglamon ng kadiliman sa kalangitan ay ang pagtatapat ni Jason sa akin ng tunay niyang nararamdaman. Ipinagtapat ko na rin na pareho ang nararamdaman sa bawat isa. Nagtapos ang ikalimang kabanata ng aking buhay sa pag-amin ng nararamdaman naming sa isa’t isa.
HABANG dumadaan ang bawat kabanata ng aking buhay ay ang paglago ng pagmamahalan naming dalawa. Ilang kabanata na rin ng aking buhay ay naging saksi sa pagmamahalan naming dalawa.
May pagtatalo man kung minsan ngunit sinisigurado naming nalulutas ito kaagad. Sa pagmamahalan din naming iyon, mas umaayos ang aking pagsusulat. Dumarami na rin ang aking mambabasa at humahanga sa aking mga istorya.
Kung ganno kalalim ang pagmamahal ko sa kaniya, gan’on na rin ang pag-ibig ko sa pagsusulat. Tila may kulang sa aking araw sa tuwing hindi ako sumusulat.
Hanggang sa sumapit ang ika-walong kabanata ng aking buhay. Ang kabanata kung saan kailangan na kaming maghiwalay upang maaabot ang mga pangarap namin. Sa Maynila na siya mag-aaral samantalang ako ay mananatili dito sa Pangasinan. Sampung taon ang kaniyang gugulin sa kursong kukunin niya.
“Mahihintay mo ba ako hanggang sa aking pagbabalik?” tanong niya habang ako naman ay nagpipigil ng iyak.
Malapit na ulit magtakip-silim at dadalawa na lang kami dito sa park na palagi naming pinapasyalan.
“Hihintayin kita dahil alam kong babalikan mo ako,” tugon ko naman kaya napangiti siya at hinaplos ang aking pisngi.
“Pangako, babalikan kita kapag naabot ko na ang pangarap ko. Ipangako mo rin na aabutin mo rin ang iyong pangarap.”
“Pangako, aabutin ko rin ang aking pangarap,” tugon ko kaya niyakap niya ako.
“Sasamahan kita hanggang sa dulo. Magkaiba mang lugar at pangarap, ngunit balang araw ay magsasalubong sa iisang destinasyon,” sabay na bulong namin sa isa’t isa hanggang sa tuluyang naghiwalay ang landas namin.
NASA ika-siyam na kabanata na ako ng aking buhay. Matagal na akong nakapagtapos sa kolehiyo bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Arts in English. Isa na rin akong ganap na published author dahil isang taon matapos akong g-um-raduate, nanalo ako sa isang short story writing contest ng isang publishing company.
Napasama ang aking entry sa isang anthology na siyang dahilan kung bakit kinuha nila ako sa kanilang publishing company bilang manunulat. Sa loob ng limang taong pagiging manunulat ko doon, marami na akong na-publish na mga nobela at naging best-selling author.
Siyam na taon na rin ang nakalilipas simula noong magkahiwalay ang landas namin. Ni minsan ay hindi ako nakatanggap ng tawag mula sa kaniya ngunit alam kong babalikan niya ako.
Kumusta na kaya siya? Naabot niya na rin kaya niya ang kaniyang pangarap gaya ko?
Sa totoo lang, masakit ang paglayo namin sa isa’t isa. Sa tuwing lumilipas ang araw na napakatagal, ipinagdarasal ko na sana ay bumilis man lang. Sana ay sumapit na ang kabanatang magsasama kami.
SAMPUNG taon na ang nakalipas mula noong maghiwalay ang landas namin. Nasa ika-sampung kabanata na rin ako ng aking buhay. Naaabot ko na ang pangarap ko at siya na lang ang aking hinihintay.
Kasalukuyan akong nagsusulat dito sa park kung saan kami namamasyal noon. Abala ako sa aking ginagawa nang biglang may yumakap sa aking likuran. Kilala ko ang presensyang iyon. Agad akong humarap sa kaniya at halos maiyak ako sa tuwa sa aking nakita.
“Jason, nagbalik ka na!” tuwang-tuwang saad ko at niyakap siya nang mahigpit.
“Oo, nagbalik na ako dahil kagaya mo ay naabot ko na rin ang aking pangarap. Isa na akong ganap na surgeon, pinakamamahal kong manunulat,” wika niya at sa kauna-unahang pagkakataon ay hinalikan niya ako sa labi.
“Magkaiba mang lugar at pangarap, ngunit balang araw ay magsasalubong sa iisang destinasyon. Mahal na mahal kita,” bulong namin sa isa’t isa at kasabay n’on ay ang pag-ihip ng hangin.
---
NAPANGITI ako matapos kong basahin ang akdang isinulat ko. Inilapag ko na sa lamesa ang libro na bagamat lumang-luma na ay paulit-ulit ko pa ring binabasa. Lukot na ang pabalat nito at ang mga pahina ay nagmistulang kulay kape na.
Napatingin ako sa lalaking papalapit sa akin na may dalang bulaklak. Agad ko namang tinanggal ang aking salamin at inilagay sa ibabaw ng libro. Lumapit naman ako sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
“Happy 50th anniversary, aking manunulat,” bati sa akin ni Jason at hinalikan ako sa noo.
Limampung taon na ang nakalilipas noong ikasal kami sa isa’t isa. Nagkaroon kami ng dalawang anak na ngayon ay may kaniya-kaniya ng mga asawa. May lima na nga kaming mga apo.
Animnapung taon na rin ang nakalilipas simula noong nabuo ang aming pagmamahalan ngunit wala pa ring nagbabago. Totoong importante ang pag-ibig ngunit higit na mas mahalaga rin ang pag-aaral at pag-abot namin sa aming mga pangarap.
Retired surgeon na siya at ako naman ay tumigil na rin sa pagsusulat dahil sa katandaan. Gan’on pa man, masaya ako dahil pareho naming naabot ang aming mga pangarap.
“Magkaiba mang lugar at pangarap, ngunit balang araw ay magsasalubong sa iisang destinasyon,” muli naming bulong sa isa’t isa at sabay na pinanood ang paglubog ng araw habang magkahawak kami.
Ito ang epilogo ng aking buhay ngunit hindi matatapos ang istorya ng pag-iibigan naming dalawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro