Chapter 1
"MABAIT ba talaga 'yang afam mo, Scroll?" tanong ng boss niyang si Crosoft.
Tapos na niya itong ayusan. Stylist at make up artist siya ng isa sa mga pinasikat na artista ngayon sa Pilipinas - si Crosoft D'cruze. An international star to be exact. Exclusive lang siya rito, kapalit niya ang pinsan na si Efwan na ngayon ay nakabase na sa New York.
Her boss is unique in a lot of ways. Aside sa mabait at mahilig itong mang-asar. He's a proud gay whose super in love with his best friend Ate Cambria na ngayon ay asawa na nito. They even have 2 children at the moment.
Wala siyang reklamo sa trabaho niya dahil malaki talaga ang sahod niya and of course passion naman talaga niya. Nag-aral siya ng Fashion Designing at Cosmetology sa Pilipinas pero nabigyan siya ng opportunity sa New York dahil sa pinsan niya ring si Efwan. She did various job that are all related to her degree. Naging assistant siya ni Efwan sa mga fashion events at pinakilala sa mga fashion designers at fashion artists na kilala nito.
The past 6 years was tough and stressful. Lalo na nang maging official stylist na ito ni Crosoft sa London. Lagi na itong nandoon and she was left in New York on her own. Thank God, she survived. All her hard works and trainings were paid off. May stable job siya sa Pilipinas at isang taon na rin ang Emari - ang clothing boutique na itinayo niya last year.
She likes designing clothes for men pero may outfits naman siya for women. It's weird pero noong bata pa siya. Gustong-gusto niyang bihisan ang mga mannequin na lalaki. She like seeing them with clothes that are perfectly fit, designed and crafted. 'Yong may angst but very fashionable.
Hindi naman na kasi ganoon ka hectic ang sched ni Crosoft dahil pili nalang ang tinatanggap nitong projects. Wala rin itong teleserye ngayong taon dahil mag-fo-focus daw muna ito bilang pagiging ulirang ama. Aside from being a regular host sa isang noon time show kung saan ang insensitive na si Alt Flores ang director, mas focus ito sa mga TV Commercials, endorsements at minsan mall tour.
Kaya madami na siyang free time para makipag-chat ng prospect hubby.
"Mabait si Lewis, saka ilang beses na kaming nag-vi-video-call," sagot niya. "In fact, darating siya next week kaya, ibibilin ko na lahat kay Ate Maila ang lahat." Si Ate Maila ang personal assistant ni Crosoft. "Para call and text na lang tayo."
"Pinayagan na ba kita, ha? Sino ba boss sa ating dalawa?"
"Kuya, ilang araw lang naman, saka hindi ka naman busy next week."
"I change my mind, busy ako next week. Sabihin mo 'yang jowa mo, mag-adjust siya."
"Ilang araw lang siya sa Pilipinas."
"Hahanapin ko muna ang paki ko."
Napasimangot siya. Hindi talaga sang-ayon 'tong boss niya sa pag-cha-chat niya ng mga foreigners. Bata pa kasi siya. Pangarap na talaga niyang magkaroon ng blue eyed baby. At saka, masyadong choosy ang mga pinoy. Sa edad niyang 28, ni wala man lang nanligaw. Kung mayroon mang nakaka-appreciate ng kagandahan niya, 'yon 'yong mga nakasakay sa truck o 'di kaya mga tambay.
Hindi siya single by choice. Talagang walang nanliligaw sa kanya. Hello, ang ganda niya kaya. Morena beauty, matangkad din naman at sexy. Mabait naman siya at very hard working.
Halos ng mga ka batch mates at pinsan niya ay nakapag-asawa na.
Kinukulit na rin siya ng mga magulang niyang mag-asawa. Malapit na raw kasi siyang mag-treynta. Tang na juice!
"Ah basta! Gagawan ko ng paraan."
Pumasok naman sa dressing room si Alt. As usual with his every day outfit na hindi niya talaga bet. Black shirt, black pants, black sneakers at kapag nasa labas, naka black cap. Itim na leather watch lang din ang accessories nito sa kamay. Ang sakit sa mata ng fashion nitong si Alt.
Well, she couldn't deny the fact that Alt is really handsome. Moreno ito at mas matangkad pa sa kanya. He has broad shoulders and well tone physique. Mukhang naalagaan pa rin nito ang katawan kahit na sobrang busy nito. He's on his early thirties, I think. But he looks younger than his real age. Fine! Gwapo talaga ito. She hates giving compliments. Naiinis kasi talaga siya rito.
Naalala niya lagi noong ipinasok siya nito sa basurahan noong sinugod niya si Chrome sa taping. Si Alt ang director ng show na 'yon. Long story short, Chrome was an asshole, nag-away sila Crosoft at Cam dahil sa lalaking 'yon. At madami itong pinaasang babae - isa na roon ang favorite celebrity niyang si Zea sa kabilang istasyon.
At kung may tao mang nili-live-out ang quote na, 'patience is a virtue', si Alt Flores na 'yon. Napapansin niya kasing mahaba ang pasensiya nito pero kapag nagbitaw naman ito ng salita, nakakatakot kahit na kalmado nito 'yong sinabi.
"Alt," tawag ni Crosoft sa lalaki. "Darating daw boyfriend na hilaw ni Scroll next week."
Ibinaling ni Alt ang walang ka emo-emosyon nitong mukha sa kanya. "May oras pa naman ang boyfriend niyang mag-back-out."
She glared at Alt. "Hinihingi ko ba opinion mo?"
"Hindi," tipid na sagot nito.
"Hindi mo ba pipigilan si Scroll? Kayo talaga OTP ko e. Sayang naman kung 'di kayo magkakatuluyan." Crosoft was looking at Alt through the vanity mirror. Nasa likod lang naman nito si Alt. "Masasayang lahat pambubugaw ko sa inyo ng ilang taon."
"Malaya siyang mahalin kung sino ang gusto niya."
"'Di mabuti!"
"Ba't ba hindi kayo nagkakasundo?"
"Kasi pangit ng ugali niya!" sagot niya, may gigil pa 'yon ah. "Napaka-arogante niya. No wonder, ikaw ang pinili ni Ate Cam."
Tumayo si Crosoft na nakataas ang dalawang mga kamay sa ere. "Bahala na kayo sa buhay n'yo. Magpatayan kayo riyan. Pero i-sa-suggest kong magmahalan na lang kayo. Rest room muna ako." Lumabas ito ng dressing room.
Ngayon, silang dalawa na lang ang nasa loob. Naglalabanan ng tingin. Bwesit! Hindi niya talaga mabasa ang iniisip ni Alt. Lagi talagang nakatago sa walang ka emo-emosyon nitong mukha ang totoong iniisip nito. He's such a walking mystery.
"May sasabihin ka pa?" basag nito sa kalmadong boses.
"Wala!" pagtataray pa rin niya.
"Ako meron."
"Ano?"
"Bago ka pumasok sa isang relasyon siguraduhin mo munang kilala mo nang husto ang tao. Don't commit in a relationship just because he looks nice, friendly, you're overwhelmed or out of desperation. Feelings at happiness ang ini-invest mo sa bagay na 'yan at hindi leisure lang."
'Yon lang at lumabas na ito ng dressing room.
Napakurap-kurap siya. What was that for? Pinapangaralan ba siya nito? Napamaang siya. Hello, mabait kaya si Lewis. At papatunayan niya 'yon kina Kuya Crosoft at Alt.
"BASTA po Ma, one of these days, ipapakilala ko rin sa inyo ang future son-in-law n'yo," nakangiting sagot ni Scroll sa nanay niya sa kabilang linya. Kausap niya ito sa cell phone. Nasa MS pa siya, pero papauwi na rin siya. In fact, papunta na siyang basement parking lot. "Surprise, ganern."
Nasa Cebu ang mga magulang niya. Hindi sa city pero sa southern side ng Cebu - sa Boljoon. Last month, pinapunta niya ang mga magulang sa Maynila at pinasyal niya. Balak niyang umuwi sa Boljoon kapag naging official na talaga sila ni Lewis.
"Call you later, wala nang signal e. Love you. See you soon."
Ibinaba na niya ang cell phone at binasa ang message thread nila ni Lewis kanina. Kinikilig pa rin talaga siya. Sa ilang buwan niyang pag-cha-chat sa isang online dating site, nakanahap din siya nang matinong kausap. Ilang afamnation din ang nag-chat sa kanya. 'Yong iba bastos. 'Yong iba, okay lang, kaso nakaka-bored kausap. Swerte-swerte lang talaga ang paghahanap ng love life na foreigner.
"Ang gwapo mo talaga Lewis, babe." Hinaplos niya ang mukha ng nobyo sa screen ng cell phone niya. Malaki ang hawig nito kay Leonardo Dicaprio noong kabataan nito. Lewis is almost 40 years old pero bata pa itong tignan. "Excited to see - ay kabayo!" impit siyang napasigaw nang marinig ang sunod-sunod na busina ng sasakyan sa kaliwa niya.
Natutop niya ang dibdib.
Pagbaling niya ay bahagya siyang nasilaw sa ilaw ng headlights ng sasakyan. Pero nagawa pa rin niyang matignan kung sino ang lalaki sa likod ng manibela.
"Alt Flores!" sigaw niya.
Pero sa halip na sagutin ay bumosena ulit ito. Naitakip na niya ang mga palad sa dalawang tenga. Gad! Na-i-stress talaga siya sa lalaking 'to!
Inis na lumapit siya sa sasakyan nito at kinatok ang salamin ng driver's seat. Agad naman nitong 'yong ibinaba.
"Papatayin mo ba ako, ha?!" singhal niya rito.
"Kung gusto kitang patayin sinagaan na sana kita."
Tumiim ang kanyang mga panga sa pagpipigil nang sobrang inis. Ang inis niya rito ay umabot na sa bumbunan niya at unti-unti nang nati-triggered ang mga dandruff niyang matagal nang nanahimik.
"Ano bang problema mo, ha?!"
"Ikaw, anong problema mo? Alam mo ba na pwede mong ikamatay ang pagtawid ng hindi tumitingin sa daan? Hindi ba makakapaghintay ang nobyo mong hilaw? Mag-chat kayo doon sa lugar na walang sasakyan."
Nag-inhale at exhale siya. Scroll, relaks. Think happy thoughts. Huwag mong sirain ang araw mo dahil lang sa isang Alt Flores.
"Ah bahala ka! Ayokong makipag-away sa'yo ngayon. Nasisira ang ganda ko." Napahawak siya sa kanyang mga pisngi. Kailangan niya talagang mag-beauty-rest mamaya.
"Saan banda?"
Pinandilatan niya ng mga mata si Alt. "Hoy!"
She saw him suppressing a smile. Nagulat siya roon. Wala 'yon sa character ni Alt. Ginto ang ngiti ng lalaking 'to. Pero napapangiti ito nila Danah at Ate Cam. Napapatawa na rin ni Kuya Crosoft. Choosy ang smile ng isang Alt Flores. So it was kind of shocking.
"Anyway, nag-dinner ka na ba?" pag-iiba nito.
Nagulat ulit siya.
"Bakit?"
"Nagugutom kasi ako -"
"'Di kumain ka," ungot niya agad dito.
"Samahan mo muna ako."
Napapatitig siya rito. Wait! Teka lang! Ipa-process niya muna ang sinabi ni Alt sa kanya. Nagpapasama itong kumain? Is he asking her for a date? Pero may boyfriend na siya. She should say no.
"May boyfriend na ako."
"I'm not taking you to a date. Huwag kang mag-assume agad. Gusto ko lang ng kasamang kumain. Ipapa-salvage ba ako ng boyfriend mong hilaw sa pagyaya ko sa'yo?"
"Hindi, pero ang weird lang. Bakit ako?"
"Wala akong mayaya. Busy lahat. Ihahatid na lang ulit kita dito sa MS para makuha mo ang sasakyan mo." Titig na titig pa rin siya rito. "What?" Kumunot na ang noo nito.
"Libre mo?"
"Kung libre ko, date na 'yon."
Napasimangot siya. "Friendly date." Umikot siya sa harap ng kotse nito at binuksan ang pinto ng front seat. Agad siyang pumasok at nagkabit ng seatbelt. "Libre mo 'to, kasi ikaw ang nagyaya," dagdag na baling niya rito.
"Malaki sahod mo kay Crosoft pero ang barat mo."
"May binubuhay akong pamilya at pinapasahod na empleyado."
"Tsk,"
"Umalis na tayo. Gutom na rin ako."
"Wow!"
Ngumiti siya rito. "Bayad danyos mo na 'to dahil muntik mo na akong masagasaan kanina."
"I have no intention of killing you."
"Kahit na!"
"Saan mo gustong kumain?"
"Kahit saan, basta masarap."
DINALA siya ni Alt sa isang fast food chain. Akala pa naman niya ay sa isang bonggang restaurant. 'Yon pala, mag-dya-Jollibee lang sila. At ang order lang nito ay yum burger, large fries at large rin na pineapple juice.
Siya naman, nahiya siya sa simpleng order ni Alt kaya 'yong simple lang din 'yong in-order niya. 'Yong super meal with large fries and iced tea.
"Mabubusog ka ba riyan?" basag na tanong niya.
Halos hindi kasi magsalita si Alt. Naghahanap ito ng kasamang kumain pero kung umakto ang 'sang 'to, parang walang kasama.
"I'm good with this."
"Hindi naman 'yan nakakabusog. Pang-snacks lang yata 'yan e."
"Okay na ako rito."
"Feeling ko inaya mo lang ako para may tumitingin sa'yo habang kumakain. Ang lakas ng trip mo kapag ganoon."
"Nakakasawa ring kumain mag-isa."
Ang alam niya talaga, mag-isa lang si Alt. 'Yong kapatid nito na si Skip, nasa ibang bansa na. Wala siya gaanong alam sa buhay nito. Maliban sa masalimuot na one side love nito para kay Ate Cam. Pero mukhang naka move on naman 'tong si Alt. Kahit na i-search pa ang profile ni Direk Alt Flores, wala rin siyang masyadong makikita.
"Bakit feeling ko, ang lungkot ng buhay mo?"
"Kumain ka na lang diyan. Huwag mo nang usisain ang buhay ko."
"Mag-jowa ka na kasi. Dapat sa edad mong 'yan, nag-si-settle-down na."
"Hindi naman ako nagmamadali katulad mo."
Napamaang siya. "Ay grabe siya. E kasi kayong mga lalaki, kahit tumanda kayo, pwede pa kayong magkaanak. Kaming mga babae, may expiration date."
"Sure ka na ba sa lalaking 'yon? Sa chat lang naman kayo nag-uusap pero sinagot muna agad. Marupok ka rin e."
Ang mga choice of words ng lalaking 'to! "Madami pa naman kaming time para kilalanin ang isa't isa. Saka, I have a feeling na, kung ano man ang ipinapakita niya sa'kin sa tuwing nag-vi-video-call kami ay ganoon din siya sa personal. At saka, nasa dating stage pa naman kami."
"Puro ka feeling."
"In love, you also have to take risks."
"Love ba talaga?"
"Ang hilig mong manira ng kasiyahan. Pinaglihi ka yata sa negative thoughts ng mama mo." Natahimik ito bigla. Para bang may nasabi siyang hindi nito nagustuhan. Pero hindi niya 'yon masyadong pinagtuonan ng pansin. Uminom na lang ito ng juice nito. "O, ano? Tama ako, no?"
Inilapag nito ang baso ng juice bago inilabas ang cell phone mula sa bulsa nito. May i-denial ito na number. Dinala nito ang cell phone sa isang tenga nito. Mayamaya pa ay nag-ring ang cell phone niya na nasa mesa lang niya inilapag. Unknown number ang tumatak sa screen. Sinagot niya ang tawag habang ang mga mata ay nakatingin kay Alt.
"Save my number," sabi nito. "If you need help. Call me."
Wait! Paano nito nalaman ang number niya?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro