Chapter 35 : Who's hungry?
35 : Who's hungry?
3 HOURS BEFORE THE RESCUE.
Takbo.
Bilisan mo pa.
'Wag kang titigil.
Hindi ka p'wedeng tumigil.
Hingal na hingal na ako at hindi ko na alam kung saan ako liliko sa tuwing makakakita ako ng kaliwa't kanan. Pakiramdam ko sasabog na ang puso ko.
Ilang oras na lang.
Malapit nang dumating ang tulong. Pero pakiramdam ko malapit na ring dumating ang katapusan ko. Sa bawat hakbang ko, sa bawat paghinga ko, sa bawat pagpipigil ko ng luha, mas lalong bumibigat ang pakiramdam ko.
Hindi ko alam kung nasaan na ako. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Kung nasaan na ang mga kasama ko. Kung nasa'n si Mandy. Kung nasa'n si Charles. Ang alam ko lang, tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makarating ako sa isang store. Parang clothing shop.
Nagpalinga-linga ako sa paligid. Magulo, oo. Wala namang bago sa ganitong itsura. Kalat-kalat ang lahat—mas madali akong makakapagtago sa lugar na 'to.
Pigil na pigil ang luha, pumasok ako sa isang closet. Puno ng damit ito kaya habang umuupo ako, pinagkukumpul-kumpol ko ang mga damit sa harapan ko. Sa ganitong paraan, mahihirapan 'yung mga humahabol sa akin na mahanap ako.
Mabilis kong sinarado 'yung pintuan ng closet.
Ang tahimik.
Sa sobrang tahimik, naririnig ko ang impit kong iyak, ang limitado kong paghinga, at ang tibok ng puso ko. Tinalasan ko ang pakiramdam ko. Unstable na ang bilis ng tibok ng puso ko dahil pakiramdam ko, ilang minuto na lang, mahahanap na ako ng mga humahabol sa amin.
Gusto ko nang lumabas sa pinagtataguan ko at hanapin sila Charles, pero hindi ko magawa dahil hindi pa tiyak ang kaligtasan ko. Ang alam ko lang, kailangan kong makapunta sa rooftop bago pa mahuli ang lahat.
Napagitla ako at agad kong pinigilan ang paghinga ko nang makarinig ako ng mga yabag malapit sa akin— papalapit nang papalapit, hanggang sa takpan ko ang bibig ko na animo'y may ingay itong ginagawa kahit wala naman.
Ramdam na ramdam ko ang pag-agos ng dugo sa mga ugat ko dahil sa malakas na tibok ng puso ko. Pinagsamang kaba at hingal—sinong hindi kakapusin ng hininga sa ganitong sitwasyon?
"Miss beautiful, nasaan ka na?" dinig kong tanong ng humahabol sa akin. Mapaglaro ang tono ng boses niya, at alam kong malapit na siya sa lugar ko base sa pinanggalingan ng boses. "Hindi pa tayo tapos sa habul-habulan, nagbago ka na ng laro? Hide and seek na ba miss beautiful?"
Huminga ako nang malalim at dahan-dahan.
Pawis na pawis na ako at med'yo nangangalay na ako sa pwesto ko pero nanatili akong hindi gumagalaw. Isang maling galaw lang na makakalikha ng kahit mahinang tunog, paniguradong katapusan ko na.
"Miss beautiful..." Kumanta-kanta ito habang nararamdaman ko ang maya't mayang paglalakad niya sa lugar. Tingin ko, alam niyang nandito ako. "Malapit na 'ko... alam ko na kung nasaan ka..."
Dumoble ang kaba na nararamdaman ko. Tila naiihi na ako sa kinalulugaran ko.
Ilang segundo ang hinintay ko, hanggang sa hindi ko na marinig ang yabag ng mga paa niya. Hindi ko alam kung anong nangyari. Kung naka-alis na ba siya rito, o kung hinihintay niyang ako mismo ang lumabas sa pag-aakalang wala na siya.
Naghintay pa ako ng ilang segundo, hanggang sa biglang bumukas ang closet.
"Nandito ka lang pala!"
3 DAYS BEFORE THE RESCUE.
"Ito mismo 'yon," saad ko sa sarili ko.
"May problema ba, Eunice?" tanong sa akin ni Mandy nang huminto ako sa paglalakad.
Lumingon ako sa kaniya. Nakita kong hawak niya si Maldi sa kanang kamay niya. Naka-alalay si Richard sa kaniya para hindi masiyadong magamit ang hita niya.
Umiling ako bago sumagot, "wala naman." Ngumiti ako bago muling maglakad at sumabay sa kanila.
Nilinga-linga ko ang buong paligid.
Sigurado talaga akong ito 'yon.
Kamukhang-kamukha ng lugar na 'to 'yung nakita ko kanina. Hindi ko alam kung nag-day dreaming ba ako, pero sigurado ako. 'Yung nakita ko kanina bago kami dumating dito, ito 'yon. Ito mismo 'yon.
Mga bubog sa sahig. Malawak na lugar pero sobrang gulo. Gaya ng nakita ko, parang dinaanan ng bagyo ang lugar na 'to.
"Maging alerto kayo. Hindi natin alam kung tayo lang ba ang nandito," ani Randy. Siya ngayon ang nauuna sa amin. Nasa gilid niya si Aries na hawak-hawak sa kaliwang kamay si Hershie.
Maingat kaming naglalakad. Naghahanap kami ng lugar kung saan kami pwedeng manatili—isang safe na lugar kung nasaan ang lahat ng kailangan namin.
Supermarket.
Malaki-laki rin ang mall na 'to. Hindi ko maisip kung anong nangyari rito noong lumobo ang kaso ng virus. Usually pa naman, maraming tao ang mga ganitong klase ng lugar. Base sa gulo ng lugar na 'to, at sa dami ng tilamsik ng dugo sa bawat sulok, paniguradong hindi naging maganda ala-ala sa lugar na 'to.
"Mag-ingat kayo sa mga aapakan niyo," paalala ni Randy sa amin habang hindi kami nililingon. He leads the way and we're just following him.
Nilalamig ako at mas lalo akong nilamig nang muntik na akong tumili dahil sa bumungad sa amin pagliko namin sa isang hallway.
Sa lawak ng hallway na 'to, nagsilbing sementeryo ang lugar sa dami ng bangkay na nagkalat sa sahig. Na-iimagine ko kung gaano kalinis at kaputi ang tiles na sahig kung wala 'yung mga dugong tila natuyo na dahil sa tagal.
"Shhh..." sabi ni Randy nang lingunin niya kami.
Nagkatinginan kaming lahat. Nagpapakiramdaman. Tahimik ang lahat. May kaunting ingay lang na hindi namin alam kung saang partikular na lugar nanggagaling, at kung anong bagay ang lumilikha nito.
Hindi ko alam kung dapat ba akong kabahan sa posibilidad na naging lunggaan ng mga infected ang lugar na 'to, o matakot sa dami ng bangkay na dinadaanan namin ngayon.
Hindi ko man alam kung anong k'wento ng bawat isa sa kanila, alam ko naman na pare-pareho ang naging wakas ng mga 'yon.
Hahakbang na sana kami nang biglang umalingawngaw sa buong lugar ang iyak ni baby Yam.
Kumabog ang dibdib ko nang makarinig na kami ng mabibilis na yabag ng paa papalapit sa kinatatayuan namin. Sinubukang patahanin ni Alex ang baby niya pero ilang segundo ang inabot bago ito tuluyang tumahan.
"Takbo!" mahina pero pasigaw na saad ni Randy.
Wala na kaming choice kung 'di hakbangan at ilang beses na iwasan ang mga katawang nagkalat sa hallway kung saan kami dumadaan. Malapit na rito ang supermarket kaya mas binilisan namin ang takbo namin.
Nasa likuran si Randy at Aries. Nagpahuli sila kaya hawak-hawak ko ang kamay ni Hershie habang tumatakbo papasok sa loob ng supermarket.
Naunang nakapasok si Charles. May parang bakal na harang na nakataas. Agad niyang inabot 'yon at ilang beses sinubukang ibaba. Nang makasunod si Jiro at Alex, tinulungan ni Jiro si Charles sa paghahatak ng harang pababa.
Una kong pinapasok si Hershie at Maldi. Tinulungan ko na si Richard sa pag-alalay kay Mandy para mas mabilis kaming makapasok. Pumasok na rin ako habang hinihintay namin sila Aries at Randy na kasalukuyang nilalabanan 'yung mga infected na nakakalapit sa kanila.
"Bilisan niyo na!" sigaw ni Jiro.
Hawak na nila 'yung bakal at anytime, ready na nila itong ibaba para magsarado ang daanan papasok sa supermarket.
Sa hindi mabilang na pagkakataon, muli kong napansin na may kakaiba kay Aries. Lahat ng lumalapit na infected sa kaniya, halos isang beses lang niyang sinusuntok at agad nang tumutumba. May ilang beses din na hinahagis niya ang mga lumalapit sa kaniya na para bang walang kahirap-hirap ito sa kaniya.
Samantalang si Randy naman, tanging pag-iwas lang ang nagagawa at paminsan-minsang winawasiwas ang sword na hiniram niya kay Charles. Sinasalag na kasi ni Aries ang mga infected bago pa ito makalapit sa kaniya.
"Mauna ka na!" sigaw ni Aries kay Randy.
Tumakbo si Randy papunta sa amin.
Nanatili kaming nakatitig at naghihintay kay Aries hanggang sa tumapat siya sa isang pader na may fire extinguisher. Bumwelo siya at pumwesto bago ito binuksan at tinutok sa mga infected. Nalito ang mga ito kaya nagkaro'n ng sapat na oras si Aries para makatakbo papunta sa supermarket kung nasaan kami.
Pagkapasok niya, agad hinatak pababa ni Jiro at Charles ang harang na bakal. Kaya nang makakita na ulit 'yung mga infected, hindi na nila kami naabutan.
Hanggang ngayon palaisipan pa rin sa akin kung bakit hindi pa rin sila namamatay. Kung ang ikalimang stage ng sakit ay pagpapakamatay nila, bakit hanggang ngayon buhay pa sila? Kailangan ba talagang makapatay muna sila bago nila wakasan ang sarili nilang mga buhay?
"Muntik na tayo," saad ni Richard.
"Huwag kayong makampante, hindi pa natin sigurado kung ligtas na tayo rito," sabi ni Randy bago maglakad papunta sa isang stall. "Doon muna kayo sa may counter. Aries, Charles, suyurin muna natin 'tong lugar. Baka may iba pang daan mula sa labas," utos niya.
Tumango lang kaming lahat.
Hawak ko sa magkabila kong kamay si Hershie at Maldi. Inaalalayan pa rin ni Richard si Mandy habang papunta kami sa may counter. Nauna si Jiro para i-check kung safe ba kami sa parteng 'to ng lugar. Nang masigurong walang panganib sa dakong 'yon, sabay-sabay kaming napa-upo sa sahig.
"Sinong gutom na?" tanong ni Jiro habang hinahagis-hagis ang hawak niyang mga tinapay sa palad niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro