Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 34 : Firearm report

34 : Firearm report


"Anong gusto mong una nating gawin 'pag naging ayos na ang lahat?" tanong sa akin ni Charles habang naglalakad kami.

Kakatapos lang naming magpahinga dahil sobrang layo na nang nalalakad namin. Halos tatlong oras na rin kaming naglalakad dito sa kakahuyan kaya nagpahinga muna kami nang ilang minuto bago muling nagpatuloy.

"Hmm," saglit akong tumingin kay baby Yam. Sa isip ko, gusto kong sabihin na "gusto kong matulog buong araw katabi ka, gusto ko magpahinga" kaya napangiti ako.

"Mukhang maganda 'yang naisip mo ah," ani Charles kaya napatingin ako sa kaniya. Hindi siya nakatitig sa akin pero nakita kong nakangiti rin siya. "We'll do that kapag stable na ang situation natin," aniya kaya napakunot ang noo ko.

Hindi naman siguro niya nabasa 'yung nasa isip ko 'di ba?

Umiling na lang ako at hindi siya pinansin.

Lahat kami napatigil nang huminto sa paglalakad si Randy na nasa unahan namin. Akala namin ay may problema pero maya-maya ay naglakad siya. Dahan-dahan hanggang sa may ituro siya gamit ang kanang kamay niya.

"Malapit na tayo sa kalsada!" sigaw ni Randy, halata sa boses nito ang pagkasabik. Lumingon siya sa amin, bago sinabing, "bilisan na natin, malapit na magtanghali, baka abutin tayo ng gabi."

Nagsimula muli kaming maglakad. Sa pagkakataong 'to, mas binilisan namin ang lakad namin dahil excited na kaming maka-alis sa lugar na 'to—pero at the same time, kinakabahan dahil hindi namin alam kung anong nasa labas ng gubat.

Isang araw lang kami sa lugar na 'to, pero pakiramdam ko ang tagal namin nanatili dito. Sa dami ng mga nangyari sa'min, hindi ko alam kung ilang oras na pahinga ang kakailanganin ko kapag naging ayos na ang lahat.

Nang makarating kami malapit sa kalsada, sabay-sabay kaming napa-upo. Pagod na pagod ang mga paa namin. Ilang beses kaming huminga nang malalim at nilasap ang hangin na nagmumula sa mas malawak na lugar.

Wala namang kaibahan ang hangin dito sa hangin sa loob ng gubat, pero parang mas nakahinga kami. Pakiramdam ko, nakalaya kami—pero hindi pa totally.

Uminom kami ng tubig. Kahit tubig kakaunti na lang ang meron kami kaya kailangan naming makahanap ng bagong lugar kung saan may pagkain at inumin. At tulad ng sinabi ni Aries, kailangan ligtas din sa lugar na 'yon.

Wala akong ideya kung anong lugar ang tinutukoy niya, ang importante sa akin ngayon ay ang maka-alis sa lugar na 'to. Knowing na may mga infected pa sa loob ng gubat na 'to, hindi mapalagay ang isip ko hangga't hindi kami nakaka-alis dito.

"Malapit na tayo sa lugar kung saan natin iniwan 'yung mga sasakyan natin," sabi ni Randy. "Aries, Charles, samahan niyo 'ko. Hintayin niyo na lang kami rito," saad ni Randy sa'min.

Tumayo si Charles at iniwan muna 'yung mga dala niyang gamit. Tumingin siya sa akin at ngumiti saglit bago sumunod kay Randy at Aries.

Naiwan sa tabi ko si Mandy. Si Alex naman ay umupo rin sa tabi ko para kuhain si baby Yam sa akin.

Ang tahimik ng lugar. Walang tao. Hangin lang ang maririnig at ang mga sanga't dahon ng mga puno na nagtatama tuwing humahangin. Pakiramdam ko, kami na lang ang tao sa lugar na 'to. Hindi ko na alam kung anong araw ngayon, o kung ilang araw na kaming nasa labas.

"Kailangan na nating magamot ang binti mo," sabi ni Richard nang tumabi siya kay Mandy. Umupo rin si Hershie at Maldi habang nakatingin sa hita ni Mandy. "Anong nangyari diyan?" tanong ni Richard.

Napatingin ako kay Mandy. Lumingon din siya sa akin bago ibaling ang tingin niya sa hita niya.

"May nakapasok na infected sa loob ng bahay namin, kung saan kami nag-sstay noon," kwento ni Mandy.

Bigla kong naalala 'yung araw nang pag-uwi namin ni Charles sa bahay pagkatapos naming kumuha ng groceries. Wala na sila Mandy noon at ang nakita na lang ni Charles sa loob ay bangkay—

"Si sir Arellano ba 'yung infected na tinutukoy mo?" bigla kong tanong kaya napatingin sa akin si Mandy. Kunot ang noo niya pero tumango siya.

Nanatili kaming tahimik habang sinusuri ni Richard 'yung hita ni Mandy.

"Kailangan mong ipahinga ang hita mo hanggang sa makarating tayo sa mas ligtas na lugar," sabi ni Richard. "Tingin ko hindi naman natamaan nang husto ang buto mo, isipin na lang natin na malalang pasa ang meron ka," aniya pa.

Napatingin si Mandy sa akin. Nginitian ko lang siya para kahit papaano ay gumaan ang nararamdaman niya. Nakahinga rin ako nang maluwag dahil hindi bali ang natamo niya—gayunpaman hinihiling ko na gumaling agad ang injury niya.

Habang hinihintay namin sila Randy, biglang sumakit ang likurang bahagi ng ulo ko. Hindi ko alam kung bakit, pero parang iniipit ang bawat ugat sa parteng 'yon ng ulo ko.

"Ayos ka lang Eunice?" rinig kong tanong ni Richard sa akin pero hindi agad ako nakasagot.

Napapikit ako saglit dahil sa iniindang sakit. Hindi ito ang unang beses na naramdaman ko ang pamimilipit na ito, pero ito ang unang beses na tanging mga tunog lang sa paligid ko ang naririnig ko.

Nang idilat ko ang mga mata ko, nakita kong wala na ang mga kasama ko. Wala si Mandy, si Richard at ang iba pa.

Ito na yata ang ikatlong pagkakataon na natagpuan ko sa ibang lugar ang sarili ko. Hindi ko na alam kung anong iisipin ko dahil tila naging paulit-ulit na ang ganitong senaryo sa akin.

Sa pagkakataong ito, nasa loob ako ng malawak pero magulong lugar.

"Eunice? Ayos ka lang?"

Naririnig ko ang maya't mayang pagtawag sa akin ni Mandy pero hindi ko alam kung nasaan sila. Ang nakikita ko lang ay gusali na maraming bubog sa sahig, at maraming nagkalat na mga gamit. Parang dinaanan ng bagyo.

Hindi ko alam kung paano, pero nakita ko ang sarili ko na pumasok sa loob ng gusali. Pagkatapos, nakita ko si Randy at ang iba pa na sumusunod sa likuran ko.

Pero hindi lang kami ang narito.

May mga hindi pamilyar na mukha akong nakita. Hindi ko masiyadong maaninagan ang mukha nila dahil sa liwanag ng ilaw at araw na tumatama sa mga mukha nila. Ang alam ko lang ay armado sila.

Doon ko lang napansin na tila bihag kami ng mga ito. May mga tali ang mga kamay namin.

Akmang lalapit ako pero nagulat ako sa malakas na putok ng baril. Umalingawngaw ito sa buong lugar. Dahil sa gitla ko, namalayan kong idinilat ko nang muli ang mga mata ko.

Una kong nakita ang mukha ni Mandy. Nasa tabi ko pa rin siya at nakahawak siya sa balikat ko. Katabi niya si Maldi at Hershie na tila may pinag-uusapan sa gilid dahil mahina silang tumatawa.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya. Hindi ko alam kung pang-ilang tanong na niya 'yon.

Tumango ako bilang sagot. Sakto namang narinig namin ang tila paparating na mga sasakyan kaya nagtayuan na kami.

Hindi nga kami nagkamali dahil ilang segundo lang, may dalawang sasakyan na huminto sa harapan namin. Lumabas sila Randy, Charles at Aries dito.

"Na-miss mo 'ko?" tanong ni Charles nang kuhain niya ang mga bagahe namin.

"Tss," tangi kong saad bago dalhin sa loob ng sasakyan 'yung isa sa mga bag na dala namin. Ngumiti lang si Charles sa akin.

Sumakay na sila Mandy sa kabilang sasakyan. Inalalayan siya ni Richard para hindi magalaw ang hita niya. Sinabihan niya rin sila Randy at Jiro na alalayan si Mandy kapag bababa na sila ng sasakyan.

Nang pumasok si Richard, tsaka naman kami pumasok ni Aries at Hershie sa loob ng sasakyan. Huling sumakay si Charles nang masiguro na wala ng naiwan pa na gamit.

"Saan pala tayo?" tanong ni Charles nang buksan na niya ang makina nang sasakyan.

"Saan ang pinakamalapit na mall mula rito?" tanong pabalik ni Aries habang inaayos ang pagkaka-upo ni Hershie sa gitna nila ni Randy.

Sabay kaming napalingon ni Charles sa kaniya.

"Mall?" tanong ni Charles.

"Mmm. Mall," sagot ni Aries kasabay ng tango niya. "Kailangan natin ng maraming supply. Mall ang pinakamagandang lugar para sa mga pagkain at iba pang gamit. Ang aalalahanin na lang natin ay kung ligtas ba sa lugar na 'yon," pagpapaliwanag niya.

"Itataya ba ulit natin ang mga paa natin sa hukay?" tanong ni Richard.

"Kahit saan tayo magpunta, nakataya na sa hukay ang kalahati ng mga katawan natin," sagot ni Aries. "May iba pa ba kayong suhestyon kung saan tayo p'wedeng magpunta?"

Nagkatinginan kami ni Charles at Richard.

Umiling na lang si Charles bago paandarin ang sasakyan.

Nasa likuran namin ang sasakyan nila Randy kaya nakasunod sila sa amin.

Nanatili kaming tahimik sa byahe. Ngayon ko lang napansin na mamasa-masa pa ang kalsada na tinatahak namin. Marahil dahil sa ulan kagabi na tumagal hanggang kaninang madaling araw.

Med'yo mainit ngayon dahil tirik na tirik ang araw. Tingin ko tama lang 'to. Parang ngayon ko na lang ulit naramdaman ang dampi ng sinag ng araw sa balat ko.

Ilang minuto lang, huminto na ang sasakyan namin. Napalingon ako sa likuran namin—huminto na rin ang kotse na sinasakyan nila Mandy. Nakita kong bumukas ang pintuan ng driver's seat at bumaba si Randy para alalayan si Mandy sa pagbaba.

Bumaba na rin kaming lahat. Dala-dala ang ilan sa mga gamit namin, nagdikit-dikit kami habang nakatingala sa gusali na nasa harapan namin.

"Amen," saad ni Randy bago maunang maglakad papasok.

To be continued.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro