Chapter 31 : Unsafe Safe Area
31 : Unsafe Safe Area
"Hindi ako sigurado kung tama ang narinig ko, pero hindi imposible," sabi ni Richard bago maningkit ang mga mata niya.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
Huminga ng malalim si Richard bago siya nagsalita. "Ang golden blood type o kilala rin bilang rh-null, ay isang uri ng dugo— pinaka-rare na uri ng dugo. Wala pa sa isang daan ang mayroon nitong dugo na 'to sa buong mundo," pagpapaliwanag niya.
Nanatili kaming tahimik bago siya muling magsalita. "Kung may kinalaman man ang golden blood type sa sinasabi niyang mutation na naganap sa mga na-iinfect ng sakit, sa tingin ko, maaaring malapit na tayong makahanap ng gamot sa sakit na 'to, o baka mas lalo lang tayong matagalan sa paghahanap ng bakuna para rito," ani Richard.
Sabay-sabay kaming napahinga ng malalim. Nanatili kaming tahimik na lahat.
Napansin kong dumudugo ang kamao ni Mandy, siguro dahil sa ginawa niyang pagsuntok sa sundalo kanina.
Naglabas ako ng bulak at bandage mula sa bag ko. Marahan kong kinuha ang kamay ni Mandy kaya saglit siyang nagulat bago niya titigan ang ginawa kong pagtatanggal ng dugo sa kamay niya.
"Paano mo nalaman na infected 'yung sundalo?" bulong na tanong ko sa kaniya. Hindi kami p'wedeng marinig ng iba naming kasamahan dahil magkakaro'n ng gulo— alam na naming infected ang sundalo pero pinasakay pa rin namin sa bangka.
"Dugo," sabi ni Mandy. "In-assume ko lang na infected na siya dahil sa dugo sa labi niya. Inisip ko no'ng nahawa si Claude, kung paano siya nasalinan ng sakit. At naisip ko 'yung araw na tinulungan niya sila Jiro," pagkuk'wento niya habang binabandage-an ko 'yung kamao niya.
"Niligtas niya sila Jiro? Pa'no?" tanong ko. Tumingin agad ako sa kaniya nang matapos ko ang ginagawa ko sa kamay niya.
"Paalis na kami no'n sa bahay ni Charles. Pero narinig ni Claude na may mga humihingi ng tulong. Hininto niya 'yung sasakyan tapos pagbalik niya sa kotse puno na ng dugo 'yung mukha niya. Kasama na niya sila Jiro, Alex at Randy pagbalik," monotonous na saad ni Mandy pero ilang luha ang pumatak sa mga mata niya habang nagkuk'wento.
Hinagod ko lang ng ilang beses ang likod niya hanggang sa tumahan siya sa pag-iyak. Naisip ko na naman tuloy si Claude. Kung nakita lang niya kung anong ginawa ni Mandy sa sundalo kanina, for sure tatawanan no'n si Mandy at sasabihan ng "amazona" for the nth time.
Tahimik naming tinahak ang ilog. Mabuti talaga at hindi gaanong malakas ang agos ng tubig. Sapat lang para hindi mahirapan sa pagsagwan sila Aries at Charles.
"Malapit na tayo," saad ni Aries.
Napatingin na lang ako sa dinadaanan namin. Matataas pa rin ang mga puno sa magkabilang gilid ng ilog. Hindi na namin tanaw ang kalsada sa parehong side dahil sa layo at taas ng mga katawan ng mga puno. Basta ang alam ko lang, nakalayo na kami sa arko ng lalawigan.
Napasulyap ako kay Jiro. Hinihimas-himas niya ang tiyan ng asawa niya, kaya napangiti ako saglit. Kapag nakikita ko 'yung tiyan ni Alex, napapa-isip ako na may pag-asa pa kaming makaligtas. Ewan ko. Basta naiisip ko lang na hindi kami dapat mapagod para sa mga batang kasama namin.
Kay Hershie. Kay Maldi. At para sa paparating na baby nila Alex.
Kaso hindi ko rin maiwasang maisip na delikado na ang lugar kung saan kami nabubuhay ngayon, at kailangan namin lalong mag-ingat. Palagi kong naiisip kung may puwang pa ba na maging masaya, lalo na ang mga bata, sa panahon ngayon.
Biglang napakunot ang noo ko nang may makita akong puti sa dadaanan namin.
"Hamog?" tanong ko kaya napatingin silang lahat sa akin, pagkatapos ay sa harapan na dadaanan ng bangka namin.
Biglang kumulog kaya napatingin ako saglit sa kalangitan. Mukhang uulan na naman.
"Usok..." sambit ni Aries nang madaanan na namin ang puting usok sa ilog. Wala kaming halos makita, kaya mas naging maingat silang dalawa ni Charles sa pagsagwan.
Habang patagal nang patagal, nagiging mas maitim ang usok, hanggang sa maging mabaho na ito sa pang-amoy namin. Kinailangan na naming takpan ang mga ilong namin. Kasabay ng mabahong amoy ay ang sakit ng hangin sa mata.
"Hindi maganda 'to," sabi ni Aries. "Tingnan niyo!" sigaw niya bago tinuro ang langit.
May kung anong umiilaw sa kalangitan, at parang ilang metro na lang ang layo namin mula ro'n. Tinitigan naming mabuti kung ano 'yon, hanggang sa kumidlat— dahilan para panandaliang lumiwanag ang lugar. Papalapit kami nang papalapit sa nagtataasang pader— kung saan nanggagaling ang liwanag at ang usok.
"Ang safe area... nasusunog ang safe area!" sabi ni Aries kaya lahat kami biglang napatayo sa bangka. Dahil dito saglit na nawalan ng balanse ang sinasakyan namin kaya agad akong umupo para hindi ito tumaob.
"A-anong gagawin natin? Pa-paano na ngayon?" saad ni Alex. Agad siyang pina-upo ni Jiro at pinakalma.
Maya-maya pa, nakarinig na kami ng mga sigaw. Malamang nanggagaling ang mga 'yon sa safe area. Kung gano'n, may mga tao talaga sa lugar na 'to, sa likod ng mga matataas na pader.
"A-anong nangyayari sa loob," wala sa sariling sabi ni Mandy.
"Kailangan nating bumalik. Masama ang kutob ko na may hindi magandang mangyayari," sabi ni Richard. "Tara na! Isagwan niyo pabalik!" sigaw niya kay Charles at Aries.
Kasabay ng sigaw ni Richard ay pagbuhos ng ulan. Sinubukan isagwan nila Charles at Aries pabalik ang bangka, pero lumakas na ang alon kaya tinatangay pa rin kami nito papalapit sa matataas na pader.
Napahinto kaming lahat nang makita naming may mga taong nagtatakbuhan palabas sa maliit na butas ng pader.
"Baba," ani Aries pero lahat kami ay tila nanigas sa kinalulugaran namin dahil sa nakita. Sa liwanag ng maya't-mayang pagkidlat at liwanag mula sa apoy, nakita namin ang mga taong tumatakbo para isalba ang buhay nila. Hinahabol sila ng mga infected, at ang mga nadadapa at mababagal tumakbo ay wala ng kawala— agad na napapatay ng mga infected. "BABA!" sigaw ni Aries nang agad niyang maliko sa gilid ng ilog ang bangka.
Agad na tumalon si Randy, Aries at Charles para alalayan si Alex, Mandy at ang mga bata. Bumaba na rin kaagad ako pagkatapos ay huling bumaba si Richard sa bangka.
Muli kaming napatingin sa mga taong nagtatakbuhan palapit ngayon sa amin— mga taong hinahabol ng mga infected.
Hindi namin alam kung anong nangyari, at anong nangyayari. Ang alam lang namin, kailangan na naming tumakbo dahil hindi na ligtas sa lugar na 'to— at 'yun nga ang ginawa namin.
Tumakbo kaming lahat.
Pero agad kaming napahinto nang agad na matumba si Mandy.
"Mandy?! Mandy ayos ka lang!?" tanong ko agad sa kaniya. Dumaing siya at hinawakan ang hita niya. Doon ko napansin na dumudugo iyon. "Mandy may sugat ka!? Napano 'yan!?"
"Kailangan na nating tumakbo ngayon. Wala na tayong oras para magtanungan!" sabi ni Randy pagkatapos ay agad niyang binuhat si Mandy.
Tumuloy kami sa pagtakbo. Binuhat ni Aries si Hershie, at binuhat naman ni Charles si Maldi para mas mabilis kaming makatakbo. Mas kinakabahan ako na madapa o matapilok dahil hindi na namin makita ng maayos ang dinadaanan namin. Bukod sa makulimlim at umuulan, nakadagdag sa dilim ang itim na usok mula sa sunog.
Nakadagdag pa sa tensyon na nararamdaman ko 'yung mga taong nagsisigawan sa likod namin. Ilang beses akong lumingon para tingnan kung anong nangyayari sa likuran namin— pero hindi magandang ideya 'yon dahil muli na naman akong nakasaksi ng karumal-dumal na patayan.
Habang palayo kami nang palayo sa safe area, pahina naman nang pahina ang sigaw na naririnig namin— hindi dahil nakakalayo na kami sa kanila, kundi dahil naubos na ang mga taong nagtatakbuhan. Kaunti na lamang kaming tumatakbo sa bawat sulok ng gubat para makahanap ng matataguan.
Hingal na hingal na kami pero hindi pa rin kami tumigil sa pagtakbo. Napatigil na lang kami nang huminto si Alex at Jiro— nakita namin ang dahan-dahang pag-agos ng kulay pulang likido sa hita ni Alex.
"Aaaaahhh!!!" hiyaw ni Alex pero agad na tinakpan ni Richard ang bibig nito gamit ang kamay niya.
"Kailangan na nating makahanap ng lugar kung saan tayo p'wedeng manatili. Baka mas lalong maging masama ang lagay ng sanggol sa sinapupunan niya," ani Richard.
Tumango kaming lahat sa sinabi niya. Inalalayan niya si Alex. Naka-alalay din si Jiro sa asawa niya. Hindi ko mawari ang expression ni Jiro. Kitang-kita ko ang kaba sa itsura niya.
Maingat kaming tumakbo, hanggang sa mapadpad kami sa isang liblib na lugar sa gitna ng gubat. Mas maraming matataas na puno rito kumpara sa mga nadaanan namin kanina. Hindi ko alam kung gaano kami kas'werte nang may madatnan kaming bahay. Sinong mag-aakala na may ganito kalaking bahay sa gitna ng kawalan.
Agad kaming nagtungo ro'n, habang maingat sa bawat yabag na gagawin namin. Nauna si Randy at Charles. Hindi kami agad pumasok sa loob ng bahay dahil hindi namin alam kung anong naghihintay sa amin sa loob no'n.
Nang masigurong walang kahit ano sa loob ng bahay, agad na kaming pumasok.
May narinig pa rin kaming ingay sa iba't-ibang bahagi sa lugar, pero nanatili kaming tahimik. Gusto man naming tulungan ang mga tao sa labas, mas kailangan naming protektahan ang mga sarili namin, lalo na't may problema kami ngayon.
Manganganak na si Alex.
At hindi namin alam kung ligtas ba ang bata sa tiyan niya.
Ang alam lang namin, pareho silang nasa panganib ng baby niya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro