Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25 : Compartment

25 : Compartment



Eunice's P.O.V.,

"Magkakilala kayo?" tanong ni Randy nang bumaba siya sa driver's seat. Maya-maya pa, may buntis din na bumaba sa sasakyan, kasabay ang pagbaba naman ni Jiro.

Tumango ako bago nakangiting tumingin kay Mandy. "Magkaibigan kami," sagot ni Mandy.

"Buti nakita na kita, akala ko hindi ka na namin mahahanap," saad ko bago muli siyang yakapin. Parang tinanggal na sa dibdib ko 'yung mabigat na bagay na matagal nang nakadagan. Nakahinga na ako nang maluwag dahil nakita ko na ulit siya.

Nang humiwalay ako sa pagkakayakap sa kaniya, siya namang pagbaba ng isang batang lalaki mula sa passenger's seat. Agad akong lumuhod para maging kasing tangkad siya.

"Ate Eunice!" aniya sa akin bago ngumiti. Niyakap ko rin siya saglit bago guluhin ng kaunti ang buhok niya.

"Naging good boy ka ba kay Ate Mandy habang wala ako?" tanong ko sa kaniya habang nakahawak sa magkabilang balikat niya ang dalawang kamay ko.

Tumango siya. "Opo," sabi niya kaya napangiti ako.

Tumingala ako kay Mandy bago tuluyang tumayo. "Si Claude? Nasa'n si Claude?" tanong ko sa kaniya pero agad na nawala ang ngiti sa labi niya. Napatingin ako sa mga kasama niya. Kay Randy at kay Jiro. Lahat sila iniiwas ang tingin sa akin kaya napabalik ako ng tingin kay Mandy. "Siz, asan jowa mo?" tunog pabiro kong saad para mawala ang awkward na atmospera sa paligid.

Naramdaman kong nasa tabi ko na si Charles. Hinawakan niya ako sa kanang balikat. Saglit ko lang siyang tiningnan bago kami napatinging lahat sa ingay na nagmumula sa compartment ng sasakyan nila Mandy.

Napalayo kaming lahat do'n.

Nagpasalin-salin ang tingin ko kay Randy, Jiro, Mandy at Charles. Sa bawat pagkaluskos at pagtama ng kung ano mang bagay sa compartment ng sasakyan, siya namang pagbilis ng tibok ng puso ko. May ideya na ako sa kung anong nangyayari, pero ayokong isipin na tama nga 'yon.

"Si Claude..."

Napatingin ako kay Mandy. Nag-uunahan sa pag-agos ang luha niya habang pilit na nilalayo ang tingin niya sa akin. Muli akong napatingin sa ingay mula sa compartment. Paulit-ulit na tumatama ang kung ano man na 'yon sa maliit na espasyo ng sasakyan.

"Eunice... s-si C-Claude." Napa-upo sa sahig si Mandy habang pinupunasan ang sunud-sunod na luha niya. Umupo rin kaagad ako para pakalmahin siya. "I-infected na siya E-Eunice."

Napahinto ako saglit bago dahan-dahang inangat ang tingin ko kay Charles. Muli kaming napatingin sa compartment kahit na wala itong ingay na ginawa sa oras na 'to. Tingin ko, parehas na kami ng naiisip.

Ilang segundo ko pinatahan si Mandy, bago ko siya tuluyang napakalma. Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin na isa sa mga kaibigan ko ay hindi na maayos ang kalagayan. Pero mas kailangan ako ni Mandy ngayon kaya kailangan kong magpakatatag para sa kaniya.

"Ayokong putulin ang momentum ng pagkikita niyo, pero tingin ko kailangan na nating umalis bago pa lumitaw 'yung kung ano mang tawag sa mga taong 'yon," biglang singit ni Randy. Tumingin siya kay Charles at tinanguan ito bago siya muling pumasok sa sasakyan.

"Sumakay ka na," sabi ko kay Mandy. "Makakapag-usap pa naman tayo ulit. Now that I know we're both safe, nakahinga na ako ng maluwag," ani ko bago ngumiti. Muli ko siyang niyakap sa huling pagkakataon, bago ko sila hinayaang makasakay sa sasakyan.

Bago kami bumalik ni Charles sa sasakyan namin, napatingin ulit ako sa compartment kung nasaan si Claude. Alam kong siya ang nasa loob ng espasyo na 'yon. Sinabi na rin naman ni Mandy na infected na si Claude. Alam kong hindi niya hahayaang maiwan ang boyfriend niya. For sure gagawa si Mandy ng paraan para masama si Claude kung saan kami papunta.

Naaawa ako para kay Mandy. Pero aaminin kong may kaunting kaba akong nararamdaman. May kasama na kaming infected. Pero kaibigan namin 'yon. Hindi ko alam kung paano maipapaliwanag ang nararamdaman ko.

"Seatbelt," paalala ni Charles nang makasakay na kami sa kotse. Nang makapag-seatbelt na ako, nagsimula nang umandar si Charles.

Kasabay namin ang kotse kung saan nakasakay sila Mandy.

Iisa lang ang kailangan naming puntahan ngayon— safe area. Parehas kaming may mapa patungo sa ilog kung saan kami dadaan papunta sa sinasabing safe area. Kung totoo man 'to, gaano kaya kalawak, at ka-safe ang lugar na 'yon?

Habang binabagtas ang kalsada, agad na huminto ang sasakyan dahil sa nakakabingjng ingay sa paligid. Pati sasakyan nila Mandy napahinto rin agad dahil sa matinis na tunog. Parang may matalim na bagay na pumasok sa tainga naming lahat, at hindi namin alam kung saan nanggagaling 'yon.

Lahat kami napatakip ng tainga. Tumagal ng ilang sandali ang matinis na tunog na 'yon bago tuluyang mawala.

Napatingin ako kay Charles, at kila Richard sa likod.

Tatanungin ko pa lang sana kung anong nangyari, pero agad na tumunog ang radyo ng sasakyan. Kasabay nito ay ang pagsasalita ng kung sino. Dahil tahimik sa buong lugar, ume-echo ang tunog ng radyo.

Mukhang may signal na dahil gumagana na ulit ang radyo namin.

"Citizens near the border of San Isidro and Baranggay Ignacio, there's a platoon of soldiers waiting in the arc of our province. They are tasked to rescue everyone alive in this area. If you're listening to this broadcast, please do your best to reach the arc of our province. May you all be safe."

Tatlong beses na umulit 'yon, bago tuluyang mawala. Naging tahimik ulit ang buong paligid. Nawala ulit ang signal ng radyo, at naiwan kaming nagtitinginan sa isa't-isa.

Hindi ko alam kung bakit, pero bigla akong kinabahan.

Agad na bumaba si Charles ng sasakyan. Sinundan ko siya. Bumaba rin ng sasakyan sila Randy at Mandy.

"Susundin pa rin ba natin ang plano—" Napahinto si Charles nang magsalita si Randy.

"Kung may mga sundalo sa bukana ng probinsya, mas siguradong ligtas tayo ro'n," ani Randy. "Hindi tayo sigurado sa mapang nakita namin. Sa radyo na natin mismo napakinggan, may mga nag-aabang na tulong sa atin sa arc," dagdag pa niya.

Napatingin si Charles sa akin, parang hinihingi ang suhestyon ko.

"Ti-tingin ko—"

"Eunice!"

Biglang lumabo ang paningin ko. Parang nasa ilalim ng tubig 'yung boses ni Charles nang tawagin niya 'ko. Hindi malinaw, parang ang layo ng pinanggalingan.

Namalayan kong nasa madilim na lugar ako. Med'yo maingay, pero hindi ko alam kung nasaan ako.

Mainit. Kinakapos ako ng hininga. Hindi ako makagalaw ng maayos dahil parang nakatali ang kamay at paa ko. Bukod pa rito, para akong nakahiga patagilid.

Ilang beses kong sinubukang kapain ang kinalulugaran ko. Para akong nasa maliit na espasyo. Para akong nakakulong sa maliit na lalagyan. Hindi ko alam kung ano eksakto ang kinalalagyan ko, pero sigurado akong hindi sapat ang hangin na nalalanghap ko mula rito.

Gamit ang lahat ng lakas ko, pinilit kong tumayo.

Nang magawa ko 'yon, unti-unting lumiwanag ang paligid— pero wala pa rin akong nakikita. Ngayon ko lang na-realize na may nakatakip na balabal sa mukha ko, kaya liwanag lang ang nakikita ko at wala ng iba.

Naging malinaw din ang ingay na nagmumula sa paligid. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa lugar kung nasaan ako. Natatakot ako at kinakabahan. Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin kaya sinubukan kong tumayo at humakbang.

Nang gawin ko 'yon, nalaglag ako. Wala akong ideya sa kung nasaan ako, saan ako papunta at kung anong nangyayari sa paligid ko. Ang kailangan ko lang malaman ay kung bakit ako nandito, at kung nasaan na sila Charles at Mandy.

Somehow, this feeling is familiar. Parang naranasan ko na ito noon, pero hindi ko alam kung saan at kailan.

Napa-upo agad ako nang makarinig ako ng malakas na putok ng baril. May kalayuan ito sa kinatatayuan ko kaya kinakabahan akong napagapang. Hindi ko alam kung saan ako papunta dahil liwanag lang ang nakikita ko. May ilang beses na natapakan ako ng mga taong nagtatakbuhan sa paligid, kaya impit akong napasigaw. Ngayon ko lang din nalaman na may nakatakip sa bibig ko kaya hindi ako makapagsalita.

Maya-maya pa, sunud-sunod na putok na ng baril ang narinig ko. Pinilit kong umiwas kahit wala naman akong alam sa kung saan ito galing, at kung sinong tinatamaan ng mga ito.

Naramdaman kong wala na akong ibang mapuntahan. Dead end. May nakaharang na sa harapan at gilid ko, kaya ang ginawa ko ay maingat na tumayo mula sa paggapang.

Huminga ako ng malalim. Ilang beses akong nag-isip kung tama ba ang desisyon ko, hanggang sa tuluyan na akong tumakbo.

Unti-unting lumakas ang bawat putok ng baril sa paligid ko kaya hindi ko na alam kung saan ko pa ilalagay ang kabang nararamdaman ko sa mga oras na 'to. Nakakarinig ako ng mga sigawan, at malalakas na ingay sa buong paligid.

Nanginginig na ako sa sobrang kaba hanggang sa may bumangga sa akin sa kasagsagan ng pagtakbo ko. Dahil do'n saglit akong nawalan ng balanse. Mabuti na lang at hindi ako tumumba. Gayunpaman napahinto ako sa pagtakbo. I suddenly feel my knees trembling.

Umihip ang malakas na hangin.

Parang naging mabagal ang lahat sa akin.

Hanggang sa naramdaman kong parang may tumagos na kung ano sa noo ko.

"Ubusin niyo sila! Ubusin niyo silang lahat!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro