Chapter 22 : What about Him?
22 : What about Him?
"Sigurado ka bang susunod sila sa plano natin?" tanong ni Charles sa akin nang maka-alis na sila Randy at Jiro. Tinulungan sila ni Richard na makahanap ng sasakyan. Hindi naman naging mahirap 'yon dahil maraming nakakalat sa labas.
"Hindi," saad ko. "Pero may sarili tayong kopya ng mapa, kaya kahit hindi sila sumunod sa plano, p'wede pa rin tayong tumuloy," dagdag ko pa.
Tinuloy ko ang ginagawa kong paghahanda ng tanghalian habang iniisip mabuti ang mga napag-usapan namin kanina.
"Malayo sa kapitolyo ng lugar na 'to ang sinasabing daan papunta sa safe area. Hindi malinaw kung saan 'to matatagpuan, pero may tinuturo ang mapa na 'to na mga daanan," sabi ni Randy. Tinuturo niya ang bawat pangalan ng lugar sa mapang nakaladlad ngayon sa lamesa.
"Malayo-layo ang kailangan nating daanan kung desidido tayong magpunta," sabi ni Jiro. "At hindi rin natin sigurado kung magiging ligtas ang lahat ng tatahakin natin," dagdag pa niya.
Natahimik kaming lahat habang nakamasid sa mapa.
May mahabang daan do'n na mula sa kapitolyo, pero hindi malinaw kung anong nasa dulo ng daan na 'yon dahil wala ng nakalagay. May iba't-ibang ruta pa pero pawang mga walang malinaw at tiyak na patutunguhan.
"Sa tingin ko, walang k'wenta ang mapa na 'to," saad ni Charles.
"H-hindi," ani ko. "Sa tingin ko may kulang lang na detalye sa mapang 'to," saad ko.
Natuon ang tingin ko sa kulay pulang tuldok sa mapa, may nakasulat ding 'safe area' sa tabi nito. Malayo 'yon sa dulo ng mga daanan, ang ibig sabihin, maaaring hindi nailagay ng kung sino mang gumawa nitong mapa, ang daanan papunta ro'n.
O kaya naman... nakalagay na mismo 'yon dito pero hindi lang namin makita.
"Richard," tawag ko sabay harap sa kaniya. "May mapa ka ba ng lugar natin?" tanong ko dahilan para mapatingin silang lahat sa akin.
"Bakit?" tanong niya.
"Tingin ko sinadyang hindi kumpletuhin ang detalye sa mapang 'to. Pero kung makikita natin ang mapa ng lugar natin, malaki ang tsansang malaman natin kung saan ang daan papunta sa safe area," saad ko.
Nagsimulang maglakad si Richard papunta sa mga drawer at isa-isang binuksan 'yon. Kung mayro'n lang sanang internet ngayon, mas mapapadali sana ang buhay namin. Ang kaso, kahit signal mula sa networks, wala.
"Ito!" ani Richard bago maglakad pabalik sa amin. May hawak siyang maliit na papel. "Hindi ko alam kung may maitutulong ang mapa na 'to dahil ito pa 'yung lumang mapa sa lugar na 'to," aniya.
Inabot niya sa akin 'yung papel na hawak niya. Halatang luma na ang mapa na 'to dahil kakaunti pa lang ang mga establisyimento na narito.
Pinagkumpara ko ang mapa papuntang safe area, at ang mapa ng lugar kung nasaan kami. Hindi naging madali para sa akin na masundan at mapagtugma ang dalawang mapa dahil may kaliitan ang mapa ni Richard.
Ilang minuto kong sinuring mabuti ang dalawang mapa, hanggang sa malaman ko kung anong detalye ang nawawala.
"Ilog," saad ko.
"Ilog?" tanong ni Jiro.
"Sa dulo ng mga daang ito, sa kahit anong ruta, may ilog. Kaya walang nakalagay na daanan ay dahil tubig na ang buong lugar na 'to," sabi ko habang tinuturo at pinupunto ang bawat ruta at daang kanina'y hindi namin alam kung saan patungo.
Tiningnan ni Richard ang dalawang mapa. "Kung gano'n, para makapunta sa safe area, kailangan nating tumawid ng ilog?" aniya.
"Gano'n na nga," mahina kong saad.
Pagkatapos no'n, napagkasunduan naming maghintayan sa labas ng bayan bukas. Kailangang bumalik nila Randy at Jiro sa mga kasama nila dahil nasa kanila ang supply ng mga pagkain.
Napahinto ako sa paghahanda ng mga plato sa lamesa nang may mga sumagi sa isip ko.
Pa'no nagkaro'n ng mapa papuntang safe area? Sino kayang gumawa no'n?
Posible kayang 'yung gumawa ng mapa na 'yon ay galing na sa safe area? Ano kayang madadatnan namin sa lugar na 'yon? Magiging ligtas na nga ba talaga kami pag nakarating na kami ro'n?
Napa-iling nalang ako dahil sa dami ng mga naisip ko. Hindi ko alam kung bakit ngayon pa ako kinabahan at nagduda, gayong kanina desidido na akong pumunta sa safe area. Hindi naman siguro tatawaging safe area 'yon kung hindi ligtas 'di ba?
Bumalik ako sa paghahanda ng tanghalian. Pinilit kong iwasan muna ang mga gumugulo sa isip ko. Kung ano mang mga tanong ko, paniguradong masasagot din 'yon kapag nakarating na kami sa safe area.
Sana.
- - -
Mandy's P.O.V.,
"Anong oras na, hindi pa rin sila nakakabalik. Baka kung napano na sila," nag-aalalang sabi ni Alex. Ilang beses niyang hinimas-himas ang tiyan niya. Ilang beses din siyang nagpalakad-lakad sa harapan ko at halos mahilo na ako sa ginagawa niya.
"Maupo ka muna kaya. Pakiramdam ko pati 'yang baby sa tiyan mo nahihilo na sa ginagawa mo. Ayaw mo naman sigurong nakakunot ang noo ng anak mo paglabas niya 'di ba?" sabi ko dahilan para mapahinto siya at mapatingin sa tiyan niya.
"Hindi mo naman ako masisisi," ani niya bago umupo sa wakas. "Ilang oras na mula nang lumabas sila. Madilim na pero hanggang ngayon hindi pa sila nakakabalik."
Napahinga ako nang malalim bago tumingin kay Maldi na nakatingin sa labas ng bintana.
"Maldi! Sabi ko huwag mong hahawiin 'yung kurtina! Baka may makapansing nandito tayo. Mahirap na," sabi ko bago tumayo at lumapit sa bintana kung nasaan ang kapatid ko. Akmang isasara ko na ang kurtina nang masilaw ako sa ilaw na nagmumula sa labas mismo ng bahay, parang papalapit ito sa amin.
Narinig din namin ang ingay ng kotse mula sa labas.
"Nandito na sila," sabi ko nang makita ko ang pagbaba ni Randy sa driver's seat ng kotse. Kasabay nang pagpatay niya sa ilaw ng kotse, ang siyang pagsara ko sa kurtina.
Lumapit si Alex sa pintuan at maingat itong binuksan. Sinilip muna niya kung sila Randy na nga ba ang nasa labas.
"Mabuti naman at naka-uwi na kayo! Akala ko kung ano nang nangyari!" sabi ni Alex nang makapasok ang asawa niya sa loob. Agad niya itong niyakap.
"A-ahh..."
Humiwalay agad si Alex sa pagkakayakap. Napansin naming hawak-hawak ni Jiro ang tagiliran niya.
"A-anong nangyari sa'yo? May sugat ka ba? Anong nangyari?!" Histerikal na tanong ni Alex habang pilit na tinitingnan ang tagiliran ng asawa niya. "Napano 'to?" tanong niya kay Randy na ngayo'y sinasara ang pintuan.
"May mga... kung ano mang tawag sa kanila... kaming nakasalubong sa tindahan kung saan kami kumuha ng supplies. Nadaplisan siya kaya ayan," paliwanag ni Randy bago ilapag sa mesa lahat ng plastic na hawak nila ni Jiro.
Napatingin ako sa noo ni Randy. "Ikaw? Ayos ka lang ba? Mukhang nadaplisan ka rin ah," sabi ko.
"Wala 'to," aniya. "Maghanda muna tayo ng hapunan. May kailangan kaming sabihin sa inyo," aniya pa.
Nagkatinginan kami ni Alex pero pinili nalang naming huwag umimik hanggang sa maihanda na namin ang hapunan. Tahimik kaming kumakain, at tanging pagkalansing ng mga kubyertos nalang ang naririnig namin.
Hindi ko kinaya ang katahimikan kaya nagsimula na akong magsalita. "Anong kailangan niyong sabihin sa amin?" tanong ko.
Napatingin si Jiro kay Randy, parang sensyas na siya na lamang ang magpaliwanag.
"Habang kumukuha kami ng supply ng mga pagkain kanina, nakita namin 'to," pagsisimula ni Randy bago ipakita sa amin ang isang papel. Lukot-lukot na 'yon.
"Ano 'yan?" tanong ni Alex.
"Mapa. Mapa patungo sa tinatawag na safe area," sabi ni Randy.
"Safe area?" sabi ko.
"Hindi natin alam kung hanggang kailan tayo magiging ligtas dito. Hangga't maaari, kailangan nating pumunta sa ligtas na lugar," sabi ni Randy.
"Pero paano niyo naman nasiguro na ligtas nga 'yang safe area na 'yan? Kung totoo mang may ganiyang lugar," ani ko.
Nagkatinginan si Randy at Jiro.
"Wala tayong ibang pagpipilian. Hindi tayo p'wedeng manatili rito dahil mauubos lagi ang supply natin, at lagi tayong mahaharap sa peligro," sabi ni Jiro. "Isa pa, hindi lang naman tayo ang pupunta sa lugar na 'yon," dagdag pa niya.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko.
"Kanina, nang sugurin kami ng mga parang zombie, may tumulong sa amin kaya kami nakaligtas," sabi ni Jiro habang tila inaalala ang mga nangyari sa kanila sa labas. "Sinabi namin sa kanila ang tungkol sa mapa at sa safe area, at desidido silang pumunta ro'n."
"Bukas, magkikita-kita tayong lahat sa bukana ng bayan," pagsingit ni Randy.
Natahimik kaming lahat pagkatapos niyang magsalita. Hindi ko alam kung anong dapat kong sabihin, o dapat na maging reaksyon.
Nagpatuloy kami sa pagkain. Nang matapos kami sa hapunan, pinatulog ko na si Maldi. Ilang beses kong sinubukang matulog, pero palagi akong napapadilat dahil sa gumugulo sa isip ko.
Paano kung mas lalo lang kaming mapahamak sa kagustuhan naming maging ligtas? Inaamin kong ayoko pa mamatay, lalo pa't kasama ko si Maldi at hindi pa niya kayang protektahan ang sarili niya.
Hindi pa rin namin nahahanap sila Charles at Eunice. Hanggang ngayon hindi ko alam kung anong nangyari sa kanila. Kung ligtas pa ba sila o...
Hindi.
Alam kong ligtas pa sila.
"Hindi ka makatulog?"
Napa-angat ang tingin ko kay Randy. Nakatanaw siya sa labas ng bintana.
"Oo," saad ko.
"Nagdududa ka ba na hindi ligtas ang pupuntahan natin?" tanong niya bago ako tingnan.
"Parang gano'n na nga," diretso kong saad.
Namagitan ang katahimikan sa aming dalawa, hanggang sa may maalala ako.
Bakit ngayon ko lang naalala!?
"Kung aalis tayo bukas, pa-paano si Claude?" tanong ko.
Malakas ang kutob ko sa isasagot niya, pero sana hindi nga ang naiisip ko ang sasabihin niya.
"Kailangan natin siyang iwan dito."
To be continued. . .
- - -
An : Happy New Year! Salamat sa paghihintay sa aking update! I wish that you're happy and safe with your families! May this new year be better to all of us.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro