Chapter 21 : Safe Area
21 : Safe Area
Eunice's P.O.V.,
"Sa k'wento ni Roger Waines, 2018 pa nang magkaro'n ng gulo sa pag-aaral nila hindi ba? Two years ago, maraming taong namatay dahil sa gamot na nilikha nila?" saad ko dahilan para mapatingin sa akin si Richard. Mas gusto niyang tawagin siya sa pangalan kaysa sa propesyon niya.
"Tama," aniya bago tumango. Bumalik siya sa paghuhugas ng mga gulay na dala-dala niya nang makasalubong namin siya sa daan. Narito na ulit kami sa kusina at kasalukuyang naghahanda ng para sa kakainin namin mamayang tanghali.
"Kung dalawang taon na ang nakakalipas nang pumalpak ang ginagawa nilang gamot, bakit ngayong taon lang lumaganap 'tong sakit na 'to? Bakit hindi no'ng 2018 pa?" curious kong tanong.
Tumigil si Richard sa ginagawa niya at hinarap ako. "Actually, nagsimula na ang sakit na 'to no'ng 2018 pa lang. I think na-explain ko na 'yon kanina," aniya. "Unlike this year, hindi lumobo ang kaso ng Sych-020Di two years ago. Because of global warming, mas doble ang mga bagyo ngayong taon, and I think isa 'yon sa mga dahilan kaya na-trigger ang sakit ngayon."
Huminga ako ng malalim bago tinuon ang atensyon ko sa paghihiwa.
Gusto kong alisin ang isip ang mga nalaman ko ngayon, pero hindi ko magawa. Para bang hinahatak ako nito para mas lalong ma-curious. Parang gusto ko pang malaman ang lahat ng detalye. Pakiramdam ko may kulang pa sa mga nalaman ko, at hindi ko alam kung ano 'yon.
"Eunice, hey." Tinapik ako ni Charles kaya agad akong napatingin sa gilid ko kung nasaan siya.
"Bakit?" tanong ko.
"Kung hindi pa kita tinapik, daliri mo na 'yang mahihiwa mo," seryoso niyang sabi. "Ako na nga riyan, doon ka muna sa sala. Samahan mo si Hershie. Hindi ko alam kung paano siya mapagsasalita. Ayaw niya akong kausapin," dagdag niyang saad bago kuhain sa akin ang kutsilyong hawak ko.
Wala akong nagawa kundi hayaan siyang maghiwa. Sinunod ko ang sinabi niya at pumunta ako sa sala. Hinayaan kong silang dalawa ni Richard ang maghanda ng tanghalian namin, samantalang ako, umupo sa tabi ni Hershie sa sofa.
Nakatulala siya sa picture frame nila Richard, kaya saglit din akong napatingin do'n.
"Ako nga pala si Eunice. 'Yung lalaking kasama natin kanina, siya si Charles. 'Yung may ari naman ng bahay na 'to, si doc Richard," panimula ko. Ngumiti rin ako sa kaniya.
Magsasalita sana ulit ako nang makarinig ako ng ingay mula sa labas ng bahay. Nakarinig ako ng ilang putok ng baril at sure akong narinig din 'yon nila Charles at Richard dahil agad silang nagpunta rito sa sala.
Lumapit pa ako ng husto kay Hershie at pinilit kong takpan ang mga tainga niya dahil sa nakakabinging putok ng baril mula sa labas.
"Dito lang kayo, titingnan ko kung anong nangyayari sa labas," ani Richard.
May kinuha siyang mahaba at makapal na patpat na may kung anong nakadikit sa dulo nito. Sa tingin ko, proteksyon niya 'yon at pangdepensa sa sarili.
Nagsimulang sumunod si Charles kay Richard at wala akong nagawa para pigilan siya. Muli nanaman akong kinabahan dahil wala kaming alam sa nangyayari. Napayakap nalang ako kay Hershie dahil sa takot na may mangyaring masama.
Narinig kong bumukas 'yung gate, senyas na lumabas sila Richard at Charles sa loob ng bahay. Ilang beses ko ring narinig na nagsisigawan sila sa labas ng bahay. Nakakarinig din ako ng mga daing kaya mas lalo akong kinabahan.
Baka kung napano na sila!
Saktong pagtayo ko mula sa pagkaka-upo, bigla ko namang narinig ang malakas at dagliang pagsara ng gate. Nanatili ako sa kinatatayuan ko hanggang sa pumasok na sa sala si Charles at Richard.
May akay-akay silang isang lalaki na duguan ang damit sa kaliwang parte ng bewang niya. Sa tingin ko napuruhan ang tagiliran niya. May isa pang lalaking nasa likuran at nakasunod sa kanila, may hawak itong baril sa kanang kamay niya, at kapansin-pansin din ang dugo sa may bandang noo niya.
"A-ayos lang ba kayo? A-anong nangyari sa labas?" agad kong tanong kay Charles nang matapos nilang alalayan sa pag-upo 'yung lalaking akay-akay nila.
"Sinusundan sila ng mga infected sa labas. Kung hindi namin nataboy 'yung mga 'yon, baka hindi lang daplis ang inabot nila," paliwanag ni Richard. "Sandali lang, kukuhain ko lang ang mga panlinis ng sugat sa taas," aniya bago mabilis na naglakad paakyat sa hagdan.
"Ayos ka lang?" mahina kong tanong kay Charles.
Ngumiti siya sa akin pagkatapos ay tumango. "Ayos lang ako," paniniguro niya.
Napatingin ako sa lalaking naka-upo ngayon sa sofa. Hawak-hawak niya ang tagiliran niya, halatang pinipigilan niya ang pagdugo nito.
"Hershie, halika muna. Doon muna tayo sa kusina," ani ko.
Lumapit naman sa akin ni Hershie. Hinawakan ko ito sa balikat niya at sabay kaming naglakad papuntang kusina. Pagdating do'n, hinayaan ko siyang kainin lahat ng biskuwit na nakuha namin ni Charles sa grocery. Tahimik naman siyang kumain.
Ilang minuto kaming nasa kusina ni Hershie. Ayoko sa sala dahil alam kong lilinisin ni Richard ang sugat ng lalaking tinulungan nila. Hindi sa takot ako sa dugo, pero may kasama kaming bata.
"Papa..."
Napalingon ako kay Hershie nang sa wakas ay magsalita na siya.
"Papa? Alam mo ba kung nasaan ang papa mo?" tanong ko sa kaniya.
Nagkibit-balikat siya. "Ang alam ko lang po, nagtatrabaho siya sa isang grocery," aniya.
"Grocery?" kunot-noo kong tanong. "Kaya ba kayo nasa grocery store ng mama mo? Hinahanap niyo ba ang papa mo?" tanong ko sa kaniya.
Umiling siya.
"May kasama kaming pumunta doon. Ang sabi tutulungan nila kaming pumunta sa safe area, at kailangan lang naming kumuha ng mga pagkain at inumin," pagkukwento niya. Saglit na naningkit ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
"Safe area?"
"'Yun ang sinabi nila sa mama ko," sabi niya bago kumagat ng malaki sa mammon na kinakain niya.
"Na-nasaan na 'yung mga kasama niyo ng mama mo?" tanong ko na agad ko ring pinagsisihan. Nakita kong napatigil siya sa pagkain. "Ilang taon ka na?" pag-iiba ko ng usapan.
"Nine," maikli niyang tugon bago siya bumalik sa pagkain.
Nanatili akong tahimik na nanonood habang kumakain siya. Hanggang sa naramdaman ko nalang na may papalapit sa amin kaya nilingon ko ito. Si Charles.
"Tara sa sala. Tingin ko may kailangan tayong malaman mula sa bagong dating," sabi ni Charles.
Sakto namang tapos na kumain si Hershie kaya dumiretso na kami sa sala.
Pagdating namin, kakatapos lang ni Richard sa paglalagay ng bandage sa lalaking napuruhan 'yung tagiliran. Nakita kong malinis na rin 'yung noo ng isang lalaki at may band aid na rin ito.
"Saan kayo galing? Bakit kayo hinahabol ng mga infected?" agad na tanong ni Charles.
Tinaas ng lalaking may band aid sa noo ang hawak niyang mga plastic.
"Kumukuha kami ng supplies sa isang tindahan. Hindi naman namin alam na marami palang... kung ano mang tawag sa kanila... na nando'n sa area na 'yon," paliwanag nito.
"Kayong dalawa lang ba ang magkasama? Wala na ba kayong ibang kasama?" tanong ko.
"H-hindi," sagot ng lalaking napuruhan ang tagiliran niya. "May kasama kaming dalawang babae, isang bata at..." napatingin siya sa lalaking kasama niya. Nakita ko ang marahan nitong pag-iling kaya nanatiling tikom ang bibig ng lalaking may bandage sa tagiliran.
"Randy ang pangalan ko. Randy Corpuz. Pulis ako. Ito namang kasama ko, si Jiro. May asawa siyang buntis kaya kailangan namin ng supply ng pagkain," ani ng lalaking may band aid sa noo. "Salamat sa pagtulong sa amin, kailangan na naming maka-uwi bago dumilim," saad pa niya.
Inalalayan niyang tumayo 'yung kasama niya. Nilagay niya sa balikat niya 'yung kamay nito para mas maayos 'tong makapaglakad.
Saglit akong napatitig sa hawak ni Randy. Para 'yong blueprint at med'yo naiilang ako habang tinitingnan 'yon dahil sagabal sa paglalakad nila.
"Sa-sandali!" Pigil ko sa kanila kaya marahan silang lumingon sa amin.
"Bakit?" tanong ni Jiro.
"'Yang hawak mong papel Ra-Randy, p'wede ko bang malaman kung ano 'yan?" tanong ko. Hindi ko alam kung anong nasa isip ko ngayon, pero nacucurious ako kung bakit may hawak siyang papel at parang ayaw niyang bitiwan 'yon kahit pa nakaka-abala na ito sa paglalakad nila.
Sabay silang napatingin sa hawak ni Randy. Papel 'yon na nakarolyo, mukha talagang blueprint.
"Tingin ko kailangan din nilang malaman," sabi ni Jiro kay Randy.
"Ang alin?" tanong ni Charles.
Nagkatinginan kaming tatlo nila Charles at Richard. Mas lalo akong kinutuban na hindi lang basta papel ang hawak ni Randy.
"Mapa 'to," sabi ni Randy. "Nakuha namin 'to sa tindahan kung saan kami pumunta kanina. Hindi namin alam kung totoo bang may ganitong lugar, pero mapa 'to."
"Mapa ng? Mapa saan?" tanong ni Richard.
"Mapa sa safe area," sagot ni Jiro dahilan para muli kaming magkatinginan nila Charles at Richard. "Hindi talaga kami sigurado kung tiyak ba ang mapa na 'to o baka gawa-gawa lang."
Napatingin ako bigla kay Hershie na tahimik na naka-upo sa sofa.
"Tingin ko hindi lang 'yan basta gawa-gawang mapa," saad ko.
"What do you mean Eunice?" tanong ni Charles sa akin.
"Sa palagay ko, meron talagang safe area. Hindi rin ako sigurado, pero 'yang mapa nalang ang pag-asa natin para maging safe tayong lahat," sabi ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro