Chapter 20 : Police Survivor
20 : Police Survivor
Randy's P.O.V.,
"Maiwan ka rito Corpuz. May nagaganap na hostage taking sa isang subdivision sa may Muntinlupa. Kailangan ka namin dito para sa interrogation sa isang kriminal. Hintayin mo si Chief. Siya ang may dala sa kriminal na sinasabi ko," ani ni PO2 Rodriguez, isa sa mga kasamahan ko sa station na 'to.
Tumango ako at nanatiling naka-upo sa main desk. Sa p'westo na ito, mas madali kong makikita kung may papasok sa police station. Nag-aanalyze rin ako ng mga records at profiles ng mga na-detained na preso rito sa istasyon namin.
"Mauna na kami," muling paalam ni Rodriguez. Muli akong tumango bago sila lumabas ng istasyon. Sakay sila ng police mobile hanggang sa mawala sila sa paningin ko.
"Umalis na sila?" Tanong ng bagong saltang pulis na si PO1 Santos. Bago lang siya sa istasyon namin. Dito agad siya pinadala sa istasyon na 'to dahil hindi kami gaanong humahawak ng malalaking kaso. Pwera sa aaksyunan nila Rodriguez na hostage taking ngayon.
"Oo," tangi kong saad.
Hindi lang ako at si Santos ang natira sa station na 'to. May dalawa pa kaming kasama. Parehong nasa labas.
"Gusto mo ng kape?" Tanong sa akin ni Santos. Bata-bata pa ito, fresh graduate rin kasi. Kaya ganito kabait dahil baguhan pa lang, magaling makisama. Kahit pa utusan lang ang tingin sa kaniya ng ibang mga pulis dito.
Umiling ako. "Hindi na. Ako nalang ang magtitimpla," sabi ko bago tumayo. "Ikaw muna magbantay dito ha?" dagdag ko pa.
"Ako bahala!" Aniya bago pabirong sumaludo. Bahagya akong napangiti dahil sa ginawa niya. Kahit maliit na bagay lang ang pagbabantay sa front desk, natuwa na agad siya ro'n.
Palibhasa, dahil baguhan, ayaw siyang papuntahin sa mga aksyon. Sabi ng mga kasama kong pulis, mukhang hindi pa raw handa si Santos sa mga bakbakan kaya hindi muna nila ipapadala sa mga laban. Gayunpaman, tingin ko may magandang kapalaran sa pagpupulis si Santos. Magaling siyang makisama, malaking bagay 'yon sa pagsulba ng mga krimen.
Pumunta ako sa maliit na kusina sa loob ng istasyon. Wala kaming preso ngayon dahil kakalaya lang mga mga binatilyong nahuli namin kaninang umaga. Lahat sila nagbugbugan sa kalye kaya nahuli. Hindi sila sumunod sa curfew kaya ilang araw din silang namalagi sa istasyon na 'to.
Nagtimpla ako ng kape. Mabuti't may supply kami ng kape at mainit na tubig. Kahit gabi na hindi kami nakakatulog. May shift naman kami rito, pero madalas, nanatili pa rin ako rito. Ayokong umuwi dahil wala naman akong kasama. Binubuhay kong mag-isa ang sarili ko. Mas gusto kong nakatambay sa istasyon kapag free time ko. Kaysa manatili sa bahay at manood ng TV buong araw.
Napahinto ako sa paghahalo ng kape nang makarinig ako ng putok ng baril.
Hindi ko alam kung sino sa mga kasamahan ko ang nagpaputok, pero sigurado akong malapit lang sa istasyon ang bumaril.
Iniwan ko muna ang ginagawa ko at pumunta na ako sa front desk. Nakita ko si Santos doon na parang napako sa kinatatayuan niya. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin ng diretso sa labas ng istasyon.
"Anong nangyari?" Tanong ko sa kaniya. Pero imbis na sumagot, tinuro lamang niya ang labas.
Sinundan ko nang tingin 'yon.
Sabay sa pagtingin ko ang sunud-sunod na putok ng baril. Umalingawngaw ang mga 'yon sa labas ng istasyon. Nakita ko ang dalawang kasamahan naming pulis sa labas. May pinapuputukan sila ng baril. May mga taong pilit silang ginugulpi at kinukuyog. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari, naguguluhan ako pero sigurado akong wala sa katinuan ang mga lumalapit sa mga kasamahan ko.
"Dito ka lang," sabi ko kay Santos bago bunutin ang baril ko.
"Sa-saan ka pupunta?" Tanong niya sa akin.
"Ano pa!? Edi tutulungan ko sila!" Sabi ko. Akmang lalabas na sana ako nang may bumaril sa gawi namin. Mabuti nalang at hindi kami natamaan no'n. "Umiwas ka sa mga bala. Baka matamaan ka," ani ko habang hindi tumitingin kay Santos.
Iwas ako nang iwas dahil napupunta sa gawi namin ang mga putok ng baril. Hindi na nakokontrol ng mga kasama kong pulis ang baril, naagaw na kasi sa kanila ang mga 'yon ng mga taong kumukuyog sa kanila.
Paglabas ko, sinubukan kong magpaputok ng baril sa langit. Pero walang natakot, walang tumigil. Bagkus, lahat sila ay napatingin sa akin.
Nakaramdam ako ng kaba at takot. Pero isinantabi ko 'yon dahil sa puntong ito, hindi ko dapat pairalin ang mga 'yon. Isa akong pulis, kailangan kong magampanan ang tungkulin ko.
"Umalis kayo! Alis! Tigil!" Sigaw ko sa mga tao. Pero imbis na sumunod sa utos ko, nanatili ang ilan sa kanila sa pagkuyog kay Dantes at Lopez---ang mga kasamahan kong pulis na nakabantay kanina sa labas ng istasyon.
Ilang beses nagpaputok ng baril 'yung dalawang naka-agaw ng baril kay Dantes at Lopez.
Napayuko ako sa sahig para hindi ako matamaan. Halatang hindi nila tinututok sa akin ang baril dahil sa iba tumatama ang mga 'yon. Parang mga baliw ang mga taong ito! Hindi ko alam kung anong meron bakit sila nagkakaganito, ang alam ko lang, dapat ko silang pigilan. Baka may mga sibilyan silang matamaan.
Nakita ko ang ilan na pinagsusuntok sila Lopez at Dantes. Bugbog sarado na sila, pero hindi pa rin sila tinitigilan. Parang hindi nasasaktan 'yung mga sumusuntok. Sobrang dahas nila! Parang hindi nila alam kung anong ginagawa nila. Para silang wala sa katinuan.
"Dantes! Lopez!" Tangi kong sigaw.
Namalayan ko nalang na hindi na sila lumalaban pa.
Wala na silang buhay.
Tinadyakan pa sila ng karamihan kahit hindi na sila humihinga pa, kaya wala akong ibang nagawa kundi paputukan na sila ng baril. Namatay at tumumba ang ilan sa kanila, pero dahil sa dami nila, hindi sapat ang mga bala ko para patumbahin silang lahat.
Napatingin silang lahat sa akin kaya dumoble ang kaba at takot na nararamdaman ko.
Pumasok ulit ako sa istasyon at sinarado ko ang glass door. Gamit ang baril ko, hinarang ko 'yon sa may hawakan ng pintuan para hindi makapasok ang mga taong mula sa labas. Mukhang handa rin nila akong kuyugin, at patayin.
Anong nangyayari sa kanila? Bakit pumapatay sila?
"Santos, kailangan na nating umalis dito. Kailangan nating i-report sa pinakamalapit na istasyon ang nangyayari," sabi ko habang nakatingin pa rin sa salaming pintuan. Pilit na binubuksan ng mga tao 'yon kaya maya't-maya akong napapa-urong.
Ilang segundo akong naghantay ng sagot mula kay Santos, pero ang narinig ko lang, ay ang impit na daing.
"Santos!?" Agad kong sigaw nang lingunin ko siya.
May tama siya ng bala sa dibdib niya, sa bahagi malapit sa puso niya. Agad akong nataranta dahil hindi ko alam ang gagawin. Lalo pa't nakikita ko sa mukha niya, na hirap na hirap na siya. Hawak-hawak niya ang parte kung saan siya tinamaan ng bala, marahil galing 'yon sa sunud-sunod na pagpapaputok ng baril no'ng dalawang sibilyan kanina.
"Santos... dadalhin kita sa ospital!"
Umiling siya. "Hi-hindi na. Hi-hindi ako aabot. U-umalis ka na Corpuz. Ba-baka mahabol ka pa ni-nila," aniya bago tinuro ang mga taong nagpupumilit pa ring pumasok sa loob.
"Hindi kita iiwan! Tulungan mo ang sarili mo! Itatayo kita!" Sabi ko.
Sinubukan ko siyang alalayan, pero hindi ko siya naitayo. Ngumiti lang siya sa akin bago siya pumikit. Nawalan na rin siya ng buhay.
"Santos? Santos!" Sigaw ko. Ilang beses ko pa siyang tinapik pero hindi na siya nagising pa. Tulad nila Dantes at Lopez, binawian na rin siya ng buhay.
Muli akong napatingin sa mga tao sa labas.
"Ano bang kailangan nyo! Bakit kayo nagkakaganiyan!" Sigaw ko sa kanila.
Tumayo ako para sana harapin sila, pero napatakbo ako nang unti-unti na nilang mabasag ang pintuan. Tumakbo ako sa likod ng istasyon, kung nasaan ang fire exit. May extra police car do'n, kaya 'yon ang sinakyan ko palayo.
Habang nagmamaneho, ilang beses akong muntik na makabangga. Magulo ang lahat. Lahat ng tao nakakalat sa kalsada. Hindi ko alam kung anong nangyayari, pero sigurado akong hindi lang ang istasyon namin ang pinuntirya ng mga sibilyan. Halos lahat, parang mga baliw. Gusto ko mang tumulong sa mga oras na 'to, hindi ko magawa dahil may mga armas ang lahat ng tao.
Mas madali nilang makikitil ang buhay ko kung lalaban ako ng kamay lang ang gamit ko.
Dumaan ako sa pinakamalapit na istasyon.
Wala na ring tao. Lahat ng mga pulis na nandito ay wala na ring mga buhay. Ang ginawa ko nalang ay kumuha ng baril sa isa sa kanila, bago ako muling sumakay sa sasakyan at umalis.
Pagkatapos, naghanap ako ng mga taong p'wedeng tulungan.
Pero wala na.
Hindi ko alam kung kailan at papaano, pero 'yung mataong kalsada, biglang naging maluwag at tahimik. Naubos ang mga tao. Ang lahat ay naging bangkay na nakakalat sa daan. Lahat ng mga tao, patay na. Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin. O kung saan ako dapat pumunta.
Ang alam ko lang, tatlong araw akong nagmamaneho. Kumakain ako sa mga grocery stores na madadaanan ko, at nagkaro'n ako ng libreng gas dahil walang nakabantay sa mga gasoline station. Sa bawat lugar na pinuntahan ko, may patay. Kaya umaalis din ako agad dahil natatakot ako. Kahit pulis ako, tao pa rin ako. Nakakaramdam ng kaba.
Hanggang sa bigla akong nilusob ng kumpol ng mga sibilyan. Akala ko tapos na pero bigla nalang nila akong sinugod sa kotse ko.
Wala akong magawa kundi tumakbo at iwan ang sasakyan.
Naglakad-lakad ako.
Hanggang sa makakita ako ng isang lalaki at babae. Sinundan ko sila, hanggang sa maramdaman nila ang presensya ko.
"S-sino ka!?" Tanong sa akin ng babae na tingin ko ay buntis dahil malaki ang tiyan niya. Marahan pa niya itong hinihimas-himas.
"Ako si Randy. Isa akong pulis."
- - -
An : and that's Randy's story. Sorry sa mabagal na update. Naka-focus kasi ako sa ibang stories ko. Sorna. Haha. Thank you for reading! Please do vote and comment!
This part is dedicated to : jilannemarie
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro