CHAPTER 21
CHAPTER 21
Naging tahimik kaming lima nang dumaan sa aming gilid si Sir Robert. Namamawis na ang kamay ko at nanginginig ang katawan. Pinapakalma ko ang aking sarili, baka bigla akong sumugod.
Nagawa pa n'yang batiin kami. Napaka imposibleng magagawa n'ya ang lahat ng ito. Sobrang bait n'ya at inosente kung titignan. Minsan ko na rin napagkamalan na galing s'ya sa orphan o isang pari. Nasa loob makikita ang totoong katangian ng isang tao.
Nakahinga kami nang maluwag nang nilampasan kami ni Sir Robert. Sumunod ang mga tingin ko rito. Papaakyat s'ya sa itaas at may ideya na ako na tutungo s'ya sa kan'yang kwarto.
Tumayo ako at gano'n din sila. Lumapit ako sa kanila. “Alam naman n'yo siguro ang dapat nating gawin.”
Tumango sila at walang salitang sinundan ako papaakyat ng second floor. Ito na 'yong oras na pinakahihintay ko. Sana nga tama ang hinala namin at nang sa gano'n ay mahuli namin s'ya.
Normal na naglalakad sa pasilyo si Sir Robert. Gusto ko na tuloy sumugod sa kan'ya pero nagpipigil lang ako. Kailangan naming makita ang nasa loob ng kwarto.
Unang lumabas si Arren at tahimik naman kaming sumunod sa kan'ya. Nasa 'di kalayuan si Sir Robert. Hindi n'ya napansin na sinusundan namin s'ya. Kung sakali man na makita n'ya kami, aasta na lang kami na parang wala lang.
Pigil hiningang tinanaw namin ang kilos ni Sir Robert. Akala ko ibabaling n'ya pa ang tingin sa paligid n'ya ngunit hindi n'ya ginawa. Pumasok s'ya ng diretso sa kan'yang kwarto.
“Ngayon na,” turan ni Arren bago lakad-takbong lumapit sa kwarto na kinalalagyan ngayon ni Sir Robert.
Nasa likod lamang kami ni Arren. Nilapit n'ya ang kan'yang taenga sa pinto at pinakinggan ang ingay sa loob. Tahimik at tanging paghinga lang namin ang aking naririnig. Pati na rin ang pagkabog ng puso ko.
Napasinghap ako at gano'n din sila Arren nang marinig namin ang sigaw sa loob. Hindi lang isang boses ang sumisigaw kundi higit pa sa isa. Ibig sabihin hindi lang si Sir Robert ang nasa loob!
Mabilis na inalis ni Arren ang taenga na nakadikit sa pinto at buong lakas na sinira ang door knob. Alam naman kasi n'yang naka-lock ito at para mabuksan, kailangan na lang sirain ang door knob nang sa gano'n siguradong mabubuksan namin ang pinto.
Hindi nga ako nagkamali. Tuluyang nabuksan na ni Arren ang pinto at saka pumasok sa loob. Napaatras ako at gano'n din sila Carlo sa 'king likuran.
Mabilis ang pangyayari at namalayan ko na lang na may kumalabog sa loob na kinalalagyan ngayon ni Arren at Sir Robert. Taranta na sumunod sila Carlo at pati na rin ako.
“You son of a b*tch! Hayop ka na klaseng lalaki!” buong lakas na sigaw ni Arren at sinuntok si Sir Robert. Tumilapon ito sa sulok ng kwarto.
Natulos lang ako sa aking kinatatayuan. Sobrang ingay rito. Sigaw nang sigaw si Arren at tudo basag ng gamit na kan'yang makita. Hindi ko s'ya masisisi, kahit ako'y nagngingitngit sa galit.
Hindi ko magawang lapitan ang tatlo kong kasama na pareho nang nakatali sa iba't-ibang pwesto. Ang isa nasa kama, ang pangalawa nasa sahig at ang pangatlo naman ay nakatayo habang nakataas ang mga kamay sa ere. Nakadena silang lahat, pati bibig nila nilagyan ng makapal na tila.
'Di nakayanan ng katawan at isip ko ang aking nakita. Napaluhod ako sa harapan ng kama. Tinakip ko ang aking bibig para pigilan ang hikbing pilit na lumalabas sa 'king bibig. Ngunit wala ring saysay at unti-unting kumawala ang hikbi sa 'kin.
“W-Wala kang gala—” rinig kong sigaw ni Sir Robert. Hindi na nito natuloy ang nais na sabihin nang suntukin ito ni Arren.
“Isa 'kang gag*! Papatayin kitang hayop ka!” Nanggigigil na sigaw ni Arren.
Naramdaman ko ang paghawak sa 'kin ni Carlo. “Girl, hinga ka muna nang malalim.”
Sinunod ko naman ang kan'yang sinabi at unti-unti akong kumalma. Hindi ko talaga nakayanan ang nadatnan ko. Hindi ko namalayan na titig na titig ako sa kawalan at pinipigilan ang hininga. Kailangan ko ang aking gamot mamaya.
“'Yan gan'yan,” ani Carlo. “Magiging maayos ang lahat.”
Paano magiging maayos? Malaking impak at trauma sa 'kin ang nangyayari sa amin. Hindi ko na alam ang gagawin kapag naulit na naman ito.
Inalalayan akong tumayo ni Carlo. Inaawat na ni Stephen si Arren sa walang tigil na pangbubugbog kay Sir Robert ngunit sadyang nagmatigas si Arren. Brutal na pangbubugbog ang kan'yang pinakawalan dito.
“Palabasin na natin sila,” tukoy ni Stephanie, 'di na maawat ang kan'yang iyak. Tumango kami at kinalas ang bakal na mahigpit na nakatali sa kanila.
Napahikbi ako dahil sa kaginhawaan. Tuluyan ko nang naialis ang bakal sa dalawang kamay ng babae na nasa kama. Tulala sa kawalan at walang hikbi na lumalabas sa kan'yang bibig habang nagraragasa ang mga luha n'ya sa mga mata.
Hinawakan ko ang kan'yang pisngi at marahan na pinahid ang luha rito. Napatingin s'ya sa 'kin.
“Ligtas ka na. Makakalabas na kayo,” usal ko sa kan'ya at ngitian ng tipid para naman gumaan kahit papaano ang kan'yang pakiramdam.
Hindi s'ya umimik pa. Inalalayan ko s'yang tumayo mula sa pagkakahiga. Nawawalan pa s'ya ng balanse kaya naman tinulungan ako ni Carlo sa pag-alalay sa kan'ya.
“Ako na bahala sa kan'ya, Avery,” presinta n'ya bago kinuha sa 'kin ang babae. “Awatin n'yo na si Arren. Pinapunta na rin ni Stephanie si Padre rito.”
Pinunasan ko ang aking luha saka tumango-tango sa kan'ya. “Pagpahingahin mo s'ya.”
Inalalayan ni Carlo ang tatlong babaeng hanggang ngayon nanginginig pa rin sa takot. Buti nakita namin sila. Nandito lang pala sila at kung saan-saan pa kami naghanap.
“Tama na 'yan, Arren,” awat ni Stephen kay Arren. Hinawakan n'ya ang braso nito at saka hinila papalayo kay Sir Robert na bulagta na sa sahig.
Marahas na bumuga nang hininga si Arren. Nanliliksik ang mga mata at nagngingitngit ang mga ngipin. Inalis n'ya ang kamay ni Stephen sa kan'yang braso bago ako nilapitan.
Nagsitaasan tuloy ang nga balahibo ko sa klaseng titig na kan'yang pinupukol sa 'kin. Hindi ako umiwas ng tingin sa kan'ya hanggang sa niyakap n'ya ako na parang batang inaway ng kalaro.
Nagrarambulan ang dibdib ko sa isipang nakayakap at amoy na amoy ko ang kan'yang pabango. Naguguluhan ang puso at isipan kung bakit ganito s'ya umasta sa 'kin.
Rinig ko pa ang marahas na paghinga n'ya at mas hinigpitan ang yakap sa 'kin. Do'n pa lang ako kumilos, niyakap ko rin s'ya pabalik.
“Aalis muna ako.” Lumabas na nga si Stephen sa kwarto.
“Ayos na siguro ang lahat,” mahina n'yang sambit.
Napaisip ako sa kan'yang sinabi. “Hindi pa tapos ang lahat, Arren. Si Caz, wala 'pang ebidensya kung sino ang pumatay sa kan'ya.”
Kumalas s'ya bigla pagkakayakap sa 'kin at tinitigan ako sa mata. Kalaunan huminga s'ya nang malalim.
“Titignan natin kung may kinalaman ba si Sir Robert dito. S'ya lang naman ang suspek sa lahat na nangyayari sa simbahan.”
Buong araw kong iniisip kung sino ba ang pumako kay Caz sa krus. P'wedeng si Sir Robert at maaari ring hindi. Bakit naman n'ya iyon ipapako? 'Di ba kasama dapat si Caz sa mga babaeng nabihag ni Sir Robert?
Nakatatakot na isipin na hindi lang iisa ang suspek dito. Maaaring higit pa sa isa. Lahat hindi makatugma sa sunod-sunod na nangyari rito.
Nagsitipon ang mga kasama namin sa kwarto ni Sir Robert at kasama na ro'n si Padre Sevilla pati ang dalawa naming teacher.
Hindi rin sila makapaniwala na magagawa ito ni Sir Robert. Nag-sign of cross si Padre Sevilla habang nanalangin sa mahinang boses.
“Patawarin n'yo si Robert, panginoon. S'ya'y nagkasala at hindi alam ang kan'yang ginagawa,” rinig kong panalangin n'ya saka mahigpit na hinawakan ang rosary sa kan'yang mga palad.
Ang iba hindi matanggap ang ginawa ni Sir Robert. Ayaw nilang patawarin ito lalo pa't apat na babae na ang naging biktima n'ya.
Nanalangin din ako ng palihim. Alam kong naging isang mabuting tao si Sir Robert. Hindi lang talaga n'ya kinaya ang pagsubok na kan'yang hinaharap ngayon. Sana magbago na ito kung sakali man na makalabas kaming lahat dito.
Napagpasyahan ng dalawang guro namin at ni Padre Sevilla na ikulong muna si Sir Robert sa ikaapat na palapag. Natandaan ko na may maliit na silda ro'n. Nagtataka rin ako kung bakit mayro'ng gano'n sa itaas ngunit sinawalang bahala ko na lang.
Nakaupo kami ngayon sa aisles. Tahimik na nanalangin na sana makaalis na kami sa lalong madaling panahon. Alam kong iyon ang gusto nilang mangyari kaya naman nagtipon-tipon kaming lahat.
Napadako ang tingin ko kay Chord na tahimik ngayon. May ideya naman ako kung bakit s'ya gan'yan. Mabuti na lang at hindi n'ya naisipang manggulo ngayon.
“Ericka,” tawag ni Caspian, lumingon s'ya sa gilid kung saan si Ericka. “Ano na ang plano? Tuloy pa rin ba ang pagtakas natin?”
Tumingin sa amin si Ericka at bahagyang iniyuko ang kan'yang ulo. Kakaiba yata s'ya ngayon. Ni hindi man lang n'ya ako pinaprangkahan o ano. Malayo sa Ericka na aking nakilala.
“Kahit anong gawin natin, hindi pa rin tayo makakatakas,” mahina n'yang bulong sapat na para marinig namin.
Napatayo bigla si Chord na tahimik lang sa sulok kanina. “Bullsh*t! Puro ka salita kasi, hindi mo sinusubukan! Paano mo masasabing wala tayong pag-asang makalabas dito kung puro negatibo ang nasa isip mo?”
Inawat s'ya ng kan'yang kasama at hinila pabalik sa kan'yang upuan. “Kalma ka naman, pre. Babae 'yan kaya h'wag mong sigawan.”
Buti pa 'tong kasama n'ya. Paulit-ulit man sumasagi sa isipan ko na kung bakit s'ya ang nagustuhan ko ay hindi ko napigilan. Nakakainis na pala s'ya.
Nagbulong-bulungan ang mga kasama namin. Hindi ko masyado maintindihan ang kanilang pinagsasabi dahil samot sari ang nagsasalita. Pero iisa lang ang kanilang pinag-uusapan, 'yon ay 'yong planong pagtakas namin.
“Bago pa man tayo isabak sa performance na magaganap sa cover court...” Tinuro ni Caspian ang nasa labas kung saan do'n ang kan'yang tinutukoy. “Tatlo o lima sana ang maghahanap ng susi ng gate. Mali 'yong susi na nakuha ni Ericka kasi.”
“Tapos?” galing sa section 1 ang nagsalita.
“Kapag nabuksan n'yo na ang gate, bumalik kayo sa cover court at ipaalam sa amin. Lilituhin lang namin si Ma'am at Padre Sevilla. Alam n'yo namang hadlang sila sa ating plano bukod kay Sir Robert.”
Hindi tuloy naging komportable ang mga kasama kong babae nang marinig ang pangalan ng aming choir master. Ngayon na wala na kaming conductor, kami-kami na lang ang bahala sa lahat.
'Yong tatlong babaeng nakalaya mula sa pagkatali kanina ay kasalukuyang nagpapahinga ngayon. May nagbabantay rito para siguradong walang magtatangkang gumawa ng masama.
Bigla lang napahilamos si Ericka sa kan'yang mukha na ikinatitig ko sa kan'ya. Kanina pa s'ya gan'yan. No'ng una binaliwala ko pero tila ngayon mas lalong lumala ang kan'yang pagkabalisa sa 'di malamang dahilan.
“Ayos ka lang ba, Ericka?” tanong ni Venezia na kan'yang kaibigan.
Tumingin sa kan'ya si Ericka. Huminga ito ng malalim at umiling. “H-Hindi ako okay.”
“Bakit naman?” alala kong tanong. Kahit naman naging masama s'ya sa 'kin hindi ko maiwasang maging concern sa kan'ya.
Alanganin pa n'ya kami tinignan. Halos lahat kami nag-aabang sa kan'yang sasabihin. Tumitig pa s'ya saglit sa akin at iniwas din kaagad.
“M-May nagawa akong k-kasalanan,” utal n'yang sambit bago nilagay ang dalawang palad sa kan'yang mukha. “S-Sorry hindi ko sinasadya. Nakokonsensya na ako.”
Lumapit pa lalo si Caspian sa kan'ya at hinagod ang kan'yang likuran para tumahan na ito sa pag-iyak.
“Sabihin mo na para gumaan naman ang loob mo. Ano ba kasi iyon?”
Inangat n'ya ang tingin at kay Chord pa mismo s'ya lumingon. Nagtaka naman ako kung bakit gan'yan ang kan'yang klaseng tingin kay Chord.
“Si C-Caz.” Humikbi s'ya na ikinatingin ni Chord sa kan'ya, nakakunot-noo ito.
“Anong tungkol kay Caz?” tanong ko, baka may alam na s'ya tungkol sa pagkamatay ni Caz. Hindi ko tuloy maiwasang 'di mapakali sa 'king kinalalagyan.
Umiling-iling s'ya at tinakpan na naman ang kan'yang mukha. “Sorry, I am very sorry. Nakokonsensya ako.” Maluha-luha ang kan'yang matang tinignan ulit si Chord. “Masama na 'bang maging makasarili minsan? Masama na ba kung wala man lang akong bahid na pagsisisi sa aking ginawa?”
“Ano ba kasi iyon?!” inis na tanong ni Carlo at dumikwatro ng upo na tila ba'y naiinis s'ya sa kahihintay kay Ericka.
“Nakapatay ako,” biglang sagot ni Ericka na ikinabigla namin. Napaatras tuloy si Caspian at naiwan sa ere ang kamay.
Iisipin ko sana na nagbibiro s'ya pero hindi, eh. Umiiyak ito ngunit tulad nga sa kan'yang sinabi, wala s'yang pagsisisi sa kan'yang ginawa. Nakonsensya s'ya na hindi maintindihan.
“E-Ericka...” takot na tawag ni Venezia sa kan'ya at umatras ng upo papalayo rito.
Pati ako kinakabahan din pero dahil nandito silang lahat, nabawasan ang aking takot na namumuo sa 'king dibdib. S-Sino ang kan'yang pinata— Hindi...
“A-Ako ang pumatay kay Caz,” amin n'ya na ikinasinghap naming lahat.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro