CHAPTER 14
CHAPTER 14
Walang umimik sa pagitan ng hapag-kainan, tanging tunog ng kubyertos lamang.
Wala na si Rynne at hindi pa namin ito nahahanap. Si Caz wala na rin. Hindi pa rin namin matanggap.
Bakit kasi ayaw nila kaming pauwiin? Nanganganib na nga ang buhay namin dito. Alam kong alam ng mga kasama namin na may hindi tama sa simbahang ito. Mas importante pa ba ngayon ang pag-eensayo namin kaysa sa kaligtasan ng lahat?
“May pag-uusapan tayong lahat mamaya sa kwarto namin,” biglang anunsiyo ni Ericka.
Kahit hinati kami sa tatlo at may iba't-ibang namumuno, s'ya pa rin ang aming president sa choir na ito.
Namuo ang katahimikan sa paligid. Ilang saglit ay may nagsalita.
“Tungkol saan? P'wede ipabukas lang?” reklamo ng babaeng nakasalamin. Galing s'ya sa section 3.
“Pagod tayong lahat. Hindi lang pisikal kundi emosyonal,” dugtong ni Caspian. “Hindi pa natin nalalaman kung sino ang pumatay kay Ca—”
“H'wag n'yo nga'ng banggitin iyan!” biglang sigaw ni Chord na 'di ko namalayang nakikinig din pala sa amin.
Inasikaso pa kasi n'ya si Caz kanina, mas pagod s'ya. Hindi nga ilusyon o panaginip ang lahat. Patay na si Caz, dalawa na ang binawian ng buhay na hanggang ngayon wala pa ring suspek sa nangyari.
Una nakabitay si Rynne sa itaas. Si Caz naman ay nakapako kanina sa krus. Ang gulo ng sitwasyon namin ngayon. Imbes si Rynne ang po-problemahin namin, nadagdagan pa si Caz.
Natahimik kaming lahat nang padabog na umupo si Chord sa tabi ng kaibigan n'ya. S'ya pala 'yong sinapak n'ya kanina. Buti hindi gumanti.
Kinuha ni Chord ang kutsara't tinidor at titig na titig sa plato n'yang wala 'pang pagkain. Para bang gusto n'yang durugij ito.
“Ayaw ko muna marinig ang tungkol kay Caz kaya itikom n'yo ang mga bibig n'yo.” Babala n'ya, masama n'ya kaming tinignan, lalo na si Ericka.
Tumaas ang kilay ni Ericka. “Importante ito, guys. Come on! Ayaw n'yo 'bang matapos ang lahat ng ito?”
Nagkatinginan kaming lahat. No'ng una hindi ko naintindihan ang gustong iparating ni Ericka. Sa huli nakuha ko ang kan'yang ibig sabihin.
Ang problema namin, hindi namin mapagkatitiwalaan ang isa't-isa. Wala pa kaming lead sa suspek. Maririnig ng kung sino man iyon ang plano namin. Mahirap magplano ng sekreto kung malalaman din man ng taong iyon. Ang tanong, sino nga s'ya?
Tumabi bigla sa akin si Arren. May ilang nakapansin sa amin, nagtataka at hindi pa yata nagustuhan ang pagiging malapit namin sa isa't-isa.
Kahit si Carlo ayaw n'ya akong maging malapit kay Arren. Inakala ko 'pang ayaw n'yang may iba akong kaibigan. Hanggang sa sinabi n'ya sa akin na delikadong tao si Arren.
Paanong naging delikado? Ayaw kong paniwalaan kung ano man iyon. Napatikhim si Zarahi, tulad ng iba ay gano'n din ang tingin n'ya kay Arren.
“Ahh, Avery? Palagi yata kayong magkasama ni Arren,” mahinahon n'yang panimula, tila walang malisya.
Napabaling ang tingin ko kay Arren. Abala s'ya sa paglagay ng kanin at ulam sa 'king pinggan. Nagulat naman ako sa kan'yang ginawa. Inawat ko kaagad s'ya.
Salubong ang kilay n'ya akong tinignan. Hindi naman s'ya galit, mukhang nagtataka lang. “Ano?”
Nahihiya naman ako sa klaseng tingin na pinupukol nila sa amin ngayon. Pati si Chord napatingin din sa amin. Nagtaas s'ya ng isang kilay.
Binitawan ko ang braso ni Arren nang inawat ko s'ya. Napakamot ako sa pisngi at hilaw na ngumiti.
“Ako na kukuha ng akin,” presenta ko, inagaw sa kan'ya ang kutsara na ginamit n'ya sa pagkuha ng kanin.
Hinayaan naman n'ya ako at tahimik na kumain. Tutok na tutok silang lahat kay Arren. Tinanguan ko si Zarahi na hanggang ngayon hinihintay pa rin ang sagot ko.
“Bakit mo pala natanong?” Sinubukan kong h'wag mainis sa kanila. Halos kamuhian nila si Arren sa titig pa lang. “Friends kami, so anong mali ro'n?” mas malumanay kong dagdag.
Nagkatinginan silang dalawa ni Venezia. Binasa ko ang sariling labi, ayaw kong may mangyaring gulo rito kung sakaling ipilit nila akong buwagin ang pagsasama namin ni Arren.
Inaasahan kong kokontrahin na naman nila ako sa 'king desisyon. Bumuka ang bibig ni Zarahi para sana magsalita nang kaagad n'yang itinikom ito. Buti naman kung gano'n.
Napatingin ako kay Chord na hanggang ngayon nakatitig pa rin kay Arren. Tila kinakabisado ang kilos nito. Para 'bang hinahalungkat ang buong pagkatao n'ya.
Kinabahan ako sa klaseng awra na nakapalibot ngayon kay Chord. Alam ko naman kung anong dahilan kung bakit s'ya nagkagaganito. Si Caz na naman. Mahal nya, eh. Malamang sasama ang loob n'ya lalo pa na wala kaming clue kung sino ang salarin.
“Saan ka kanina, Arren?” biglang tanong ni Chord. Nagtaka naman ako kung bakit gano'n ang klaseng tanong n'ya kay Arren.
Napatigil si Arren sa ginagawa n'ya at dahan-dahang inangat ang tingin kay Chord na mismo sa aming harapan lang.
“Anong ibig mong sabihin?” malamig na tanong n'ya.
Isa sa napansin ko kay Arren, iba ang klase ang pakikitungo n'ya sa mga kasama namin kumpara sa 'kin. Hindi ko alam kung ako lang ba nakapansin no'n pero sinawalang bahala ko na.
Binaba ni Chord ang kan'yang kutsara't tinidor, salubong ang kilay na tinitigan si Arren. “Palagi ka na lang namin nakikitang mag-isa. Kung hindi man ay kasama mo si Avery.” Bigla n'yang nilipat ang tingin sa 'kin, napasinghap naman ako.
Hinawakan ni Arren ang kamay ko sa ilalim ng lamesa. Muntik na akong mapatalon sa aking upuan sa kakaiba n'yang kilos. Minsan talaga nakagugulat si Arren.
Hindi ko pinahalatang may kung ano na sa ilalim ng lamesa. Bakit kasi may pahawak-hawak 'pang nalalaman 'tong si Arren?
“Ano naman sa 'yo?” madiin n'yang tugon. “Wala ka na ro'n kung magkasama kami. Pakialamero.”
Biglang tinulak ni Chord ang plato n'ya at marahas na napatayo sa kan'yang kinauupuan. Naging alerto ang mga kasama n'ya.
“Ang yabang mo, ah!” Hindi na nakapagtimpi si Chord at nasigawan n'ya si Arren.
Inawat na naman s'ya ng mga kaibigan n'ya ngunit ayaw n'ya talagang magpatalo. Si Arren naman ay mahinahon at blangko lamang ang pinupukol kay Chord. Para bang wala s'yang paki kung magwala ito.
Mas lalong humigpit ang hawak ni Arren sa 'king kamay. Tinignan ko s'ya at nagbabaka sakaling tignan n'ya rin ako.
Hindi nga ako nagkamali. Binalingan n'ya ako, umiba ang kan'yang ekspresyon nang makita ako. Sinenyasan ko s'ya na h'wag nang pumatol, tumango naman s'ya at napabuga ng hininga.
“Yabang talaga!” singhal ulit ni Chord at padabog na umalis ng dining room.
Hindi na tuloy naging maganda ang hapunan namin dahil sa nangyari. Hindi nila kayang awatin si Chord dahil mismo sila ay natakot din sa kan'ya. Baka bigla lang kami suntukin, 'e. Magaling pa naman iyon.
Inalis ko ang kamay na hawak ni Arren kanina pa. Parang wala naman sa kan'ya ang pagkahawak n'ya sa aking kamay.
Inubos n'ya ang pagkain at gano'n din ako. Hindi alam kung iniisip din ba n'ya ako tulad nang iniisip ko s'ya.
Gusto ko sanang kausapin si Padre tungkol sa gusto kong mangyari. Hindi ako pinayagan ni Stephanie na gawin ang binabalak ko, alam kasi n'yang hindi pa rin papayag si Padre Sevilla na makaalis kami rito.
Ang pinagtataka ko, kung bakit tahimik pa rin si Ma'am Karen at Melody? Gusto kong isipin na may kinalaman sila pero hindi magkatugma ang nalalaman namin ni Arren. Ayaw ko naman na akusahan sila kaagad.
Sa huli napagpasyahan kong iwasan na lang muna si Padre at Madre. Bumalik na naman ang kakaibang titig nila sa 'kin kaya dali-dali akong umakyat sa ikalawang palapag.
Pumasok ako sa kwarto na kinalalagyan ko at sinara kaagad ito. Nadatnan kong nakahiga na sila sa kani-kanilang higaan.
Humiga na rin ako sa kama at walang balak na matulog. Ang iba nagtutulog-tulugan lang. Tulad ko ay inaabangan nila ang oras na tutungo kami sa kwarto ng section 1.
Ilang oras lang ay bumalik ang isa naming kasama na lalaki na nakatuka sa pagbabantay kina Padre Sevilla at ang dalawang Madre.
Nagpabangon at napaupo kami sa kama. Sinara n'ya ang pinto at lumapit sa amin.
“Kanina pa nasa loob ng kwarto si Padre Sevilla, pati na rin si Madre Susina at Lucia,” mahina n'yang sambit, sapat na para marinig namin.
Lumapit kami nang bahagya sa kan'ya. Hangga't maaari kailangan namin maging tahimik, malakas pa naman pandinig ni Padre.
“Ano pa ang hinihintay natin? Tumungo na tayo ro'n!” biglang singhal ni Carlo, kumilos naman kami.
Sunod-sunod kaming lumabas ng kwarto. Nakasara ang pinto ng section 1, sinabi rin nila kanina na kumatok lamang kami.
Nasa labas na kami lahat at nasa harap ng pinto ng section 1. Kumatok si Zarahi, hindi naman nagtagal ay bumukas kaagad ito.
Dumungaw ang babae sa pinto at tinignan kaming lahat. Taranta naman n'yang binuksan nang malapad ang pinto nang makitang kami ang nasa labas.
Namuo ang katahimikan sa buong silid. Pagkapasok namin sa kwarto ay nadatnan kong nandito ang section 3. Hinanap tuloy ng mga mata ko ang pigura ni Arren.
“Tulog na ba sila?” tanong ni Ericka, sinenyasang n'yang maupo kami.
Sa sahig kami naupo. Tumabi sa akin si Arren na kanina ko pa hinahanap ng mga mata ko. Hindi tuloy naging maganda ang timpla ni Carlo at Stephanie nang makitang si Arren ang katabi ko.
Ngumiti ako sa kanila ng hilaw at kumaway. Tinarayan lamang nila ako na ikinanganga ng bibig ko. Ano na naman ang ginawa ko?
“Buti hindi kayo naabutan ni Padre,” nag-alalang bulalas ni Arren, inikot n'ya ang kan'yang tingin sa aming lahat.
“Pumasok ba si Padre sa inyong kwarto?” tanong ko sa kan'ya. Mas lalong lumapit ako sa kan'ya para marinig ang pinag-uusapan namin.
Umiling s'ya, bahagyang sumayaw pa sa hangin ang makulot n'yang buhok dahil sa pag-iling n'ya.
“Hindi s'ya nakapasok, paniguradong mamayang alas-dose.” Humarap na s'ya sa unahan kung nasa'n nakatayo ni Ericka.
Hinintay namin ang sasabihin ni Ericka. May sari-sarili kaming dala na bag, kasama ang ilang personal na gamit namin. Iniwan ko na ang ilan dahil usapan namin ay ngayon kami tatakas.
Bulungan ng mga kasama ko ang aking naririnig sa loob ng silid. Sinenyasan silang tumahimik muna bago nagsimula si Ericka sa pagsalita.
“Gaya nga sa sinabi ko kanina, tatakas tayo. This is the perfect time para gawin ito,” aniya. Tinignan n'ya kami lahat, bakas ang panginginig ng kan'yang kamay habang hawak-hawak ang bag n'ya.
Gano'n din ang takot namin para sa maaaring kalabasan ng aming pagtakas. Unang beses nangyari ito sa amin at isipin pa lang na mangyayari ito ay nasa delikado na kaming sitwasyon.
“P-Paano kung hindi natin magawa? Paano kung lock pala 'yong pinto sa labas?” praning na tanong ng kasama n'ya.
“Don't worry, ninakaw ko 'yong susi ng simbahan.” Tinaas ni Ericka ang susi, nagmamayabang pa.
Bahagyang nagulat ako. Mukhang pinaghandaan n'ya ito. Hindi naman s'ya magiging president ng club namin kung wala s'yang diskarte.
Nakahinga sila nang maluwag. Ilang minuto lang ang ginugol namin para kabisaduhin ang daan na lalakarin namin. Walang ilaw sa labas at tanging buwan lang ang nagsisilbing ilaw sa daanan kaya mahihirapan kami na makarating sa mataas na gate.
“Kahit anong mangyari h'wag kayong lalayo sa amin,” paalala pa ni Ericka. “You know naman na delikado na ang buhay natin at wala pa tayong ideya sa lahat-lahat na nangyayari. Dalawa na ang patay at mahirap talaga paniwalaan iyon.”
Kahit din naman ako. No'ng una akala ko guni-guni ko lang. Reyalidad na talaga ito.
Kinausap si Chord ng kan'yang mga kasama na hahayaan muna ang katawan ni Caz dito. Sa una ayaw n'ya ngunit agad na sinabi ng kasama n'ya na babalikan naming lahat ito kapag may nahingian kami ng tulong sa labas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro