Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 01

CHAPTER 01

Kadalasan nagagawa nating sumunod sa mga gusto o hilig ng isang tao. Kahit wala kang kaalam-alam sa kan'yang hilig, pilit mo pa ring sinisiksik ang sarili para makisama sa kan'ya.

Walang kurap-kurap akong nakatingin sa lalaking matagal ko nang pinagmamasdan sa malayo. Sobrang gwapo n'ya at napakaseryoso ng mukha. Kailan ko kaya makikita ang kan'yang matamis na ngiti?

'If you believe, everything you dream will come true.
And if you can love
No matter how you're hurt
love will come to you
Back to you
This world is yours.'

Tanging ang kan'yang boses ang nangingibabaw sa aking pandinig. Kahit may mga lalaking nakapalibot sa kan'yang paligid, tanging s'ya lamang ang tinititignan ko nang matagal.

Hindi na ako magtataka kung bakit maraming babae ang nagkakandarapa sa kan'ya. Para s'yang si Apollo sa aking paningin, tila hinihili n'ya ako sa malamunay n'yang tinig.

'Climb a mountain
Cross the ocean
Sail the river until it opens
Make good friends, listen hard Let it out and dance on.'

Tutok na tutok s'ya sa pagkanta at 'di man lang nagawang ilibot ang kan'yang paningin sa kabuoan ng choir room. Sadyang ayaw n'ya lang ng atensyon pero kahit umiiwas s'ya sa mga babae, mas lalo lamang dumadami ang nagkakandarapa sa kan'ya.

Muntik na akong mapasigaw nang bigla akong hinampas ni Carlo sa balikat. Bahagyang pinanlakihan ko s'ya ng mata bago ibinalik din pagkatapos ang tingin kay Chord. 'Di yata ako magsasawang tignan s'ya buong magdamag.

“Sabihin mo lang kung may balak 'kang umuwi, Avery.” Humawak s'ya sa kan'yang noo na tila ba'y problemado, napapabuntong-hininga pa s'ya. “Kung 'di lang talaga kita kaibigan baka kanina pa kita iniwan.”

“Shh! Hindi pa tapos ang kan'yang kanta!” Hindi ko talaga inalis ang nanlalaki kong mata kay Chord. Malapit nang matapos ang kinakanta nila tapos bigla namang umepal ang baklang 'to.

Rinig ko ang pagbuntong hininga n'ya ulit at sumandig sa gilid ng pintuan. “Bruha ka talaga.”

Umatras ako ng kunti at sumilip sa bintana ng room kung nasa'n nasa loob si Chord kasama ang kan'yang ka-myembro. Medyo nahihiya akong magpakita at baka biglang mapatingin s'ya sa 'kin.

'If you can see, if you can believe, if you can dream
This world is yours, yeah, yeah This world is yours.'

Pumalakpak nang malakas si Carlo dahilan upang mapasinghap ako sa 'king kinatatayuan. Mabilis akong nagtago sa gilid ng pintuan nang makitang lumapit si Chord kay Carlo. Tapos na pala sila at hindi ko man lang namalayan!

“Infairness ang galing n'yo, ah. Gusto ko tuloy kayo maging kagrupo,” rinig kong maarteng sambit ni Carlo. Bakla talaga.

“Anong ginagawa mo rito? Choir members lang p'wede pumasok dito.” Kita ko ang pagsalubong ng kilay ni Chord habang nakatingin kay Carlo na nakapameywang sa kan'yang harapan.

Mahinang hinampas ni Carlo ang kan'yang balikat at tumawa ng nakakairita. “Ikaw naman, Chord. Magkaibigan naman tayo kaya bakit mo ako pinapaalis?”

Napatampal ako sa 'king noo. Kung 'di ko lang s'ya kilala, baka nahampas ko na s'ya kanina pa. Mukha kasing nilalandi n'ya ito.

Gan'yan lang talaga s'ya magsalita, parang nilunok ng sirang plaka na pinaghaluan ng boses ng kalabao.

Hindi ako umalis sa 'king pinagtataguan. Hintayin ko munang umalis sila bago ako lalabas. Kinakausap pa kasi ng baklang 'to!

“Bawal kayo rito, Carlo. How many times do I have to tell you na h'wag na kayong pumunta rito.” Nawawalan na s'ya ng pasensya. Wait— kayo?!

“Huh?” Tumingin si Carlo sa 'king kinaroroonan. Huli na para senyasan s'yang huwag akong tignan dahil nakita na ako ni Chord!

Hindi man lang s'ya nagulat. Paanong 'di s'ya magugulat, eh lagi naman n'ya akong nahuhuli na nagtatago rito? Bakit kasi rito ko pa naisipang magtago? Para tuloy akong bata na iniwan sa tabi-tabi.

Dahan-dahan akong tumayo sa pagkakaupo at yukong tumungo sa tabi ni Carlo. Hinampas n'ya ako at binubulungan na 'di ko maintindihan.

Masyadong ukupado ang utak ko ngayon. Sino ba naman makapag-isip ng matino kung nasa harapan mo mismo ang lalaking matagal mo nang hinahangaan?

'Di ko matandaan kung kailan ko s'ya sinimulan na i-stalk kong saan s'ya tumatambay o pumupunta. Nakahihiya talaga na nakita n'ya ako sa gano'ng sitwasyon. Gustong kong takpan ang mukha ko at sumigaw sa pinaghalong kilig at hiya.

Hirap na tumikhim ako at sandali na inangat ang tingin kay Chord bago inilipat kay Carlo na tudo ngiti sa ilang lalaking dumadaan.

Hinawakan ko nang mahigpit ang braso ni Carlo. “Aalis na kami.” Nag-bow ako sa harap ni Chord at walang sabing hinila si Carlo papaalis do'n.

Tudo sigaw at piglas si Carlo. Inilayo ko ba naman sa kasiyahan n'ya. Kasalanan naman n'ya kung bakit nahuli ulit ako ni Chord. Alam kong isasampal ulit ni Chord sa aking pagmumukha na bawal akong tumingin sa practice n'ya, kaya ako na mismo ang umalis.

Hila ko pa rin si Carlo hanggang sa nakalabas kami ng eskwelahan. Binitiwan ko kaagad s'ya.

“Nando'n 'yong crush ko, Avery! Why naman hinila mo kaagad ako?” Pinalantik n'ya ang kan'yang buhok na hanggang ibabaw ng balikat. Nakataas ang kan'yang mga matang mataray sa akin.

Napalabi ako sa kan'yang kaartehan. “Puwede naman bukas. Masyado ka namang patay na patay sa crush mo,” prangka ko sa kan'ya.

Bahagyang bumuka ang kan'yang bibig. “Wow!” bulalas n'ya. “Kumusta ka naman, girl? Kung ice-cream lang si Chord baka kanina pa 'yon natunaw sa katititig mo. Sino sa atin ang mukhang patay na patay?”

Napatigil ako at kalaunan napasimangot. Ngising tagumpay ang kan'yang pinakita sa akin. Wala akong nagawa kundi magpatalo sa kan'ya. Kahit anong gawin ko naman kasi hindi pa rin s'ya titigil. Totoo naman kasi na sobrang patay na patay ako kay Chord.

Kay Chord lang talaga ako nakaramdam ng ganito. Masyadong tutok ang mga mata at utak ko sa kan'ya kaya kahit sumali sa choir ay nagawa ko para sa kan'ya.


Gan'yan ako kabaliw sa kan'ya. Basta malaman ko kung anong hilig n'ya, ginagaya ko o inaalam. Mahilig naman akong kumanta pero hindi nga lang 'yong pang-choir na boses.

Nagpaalam na si Carlo sa 'kin nang dumating ang kan'yang sundo. Hindi pa sana n'ya ako hahayaang maiwan ngunit sinabi kong may dala akong motor. Kumaway ako sa kan'ya habang papaalis ang kan'yang kotse. Sumakay na ako sa aking motor.

Isinuot ko muna ang aking helmet bago pinaandar ang makina ng aking motor. Mabilis na pinaharurot ito papaalis sa eskwelahan.


Pinarada ko muna ang motor sa gilid ng aming bakuran bago pumasok ng bahay. Bitbit ko ang panlalaki na bag habang papaakyat ng hagdan.

“Bakit ginabi ka na naman ng uwi?” Biglang sumulpot sa 'king harapan si Mama na ikinagulat ko. Nakapameywang s'ya habang nakataas ang isang kilay.

Kinakabahan man ay nagawa kong magsalita. “Ma, naman, eh...” Napakamot ako sa 'king batok.

“Anong inaarte-arte mo r'yan? Iniisip ko tuloy kung may boyfriend ka ba sa labas at hindi lang pinapakita sa 'kin,” anas n'ya, nanlalaki pa ang mga mata.

May boyfriend ako, Ma. Kaso hindi n'ya alam. Sasabihin ko sana pero h'wag na lang dahil talagang nakatatakot ang mukha ni Mama ngayon.

“Malamang, Ma, wala pa akong boyfriend. Sino magkakagusto sa 'kin?” Umikot ako sa kan'yang harapan. “Kita mo ang porma ko? Panglalaki na hindi maintindihan.”

“Kasalanan ko 'bang badoy 'kang manamit?” prangka n'ya. Nanlaki naman sa gulat ang aking bibig at gano'n din ang aking mga mata.

“Grabe ka naman, Ma makapagsalita.” Umasta pa ako na parang iiyak. “Kahit badoy akong pumorma, maganda naman ako deep inside and out. 'Di lang talaga n'ya nakita ang nakatagong kagandahan ko,” bigla kong pinasigla ang boses.

“Sinong s'ya?” takang tanong n'ya na kaagad ko namang nilihis sa ibang usapan. Mahirap na at baka usisain pa n'ya ang tungkol do'n.

Lumubog na ang araw nang ayain ako ni Mama na kumain. Nakaupo kaagad si Analiza sa harap ng hapag-kainan. Hawak-hawak na n'ya ang kutsara't tinidor.

Umupo ako sa kan'yang tabing upuan. Nilapit ko ang aking bibig sa kan'yang taenga. “Sinabihan mo na ba s'ya? Anong sinabi tungkol sa 'kin?”Tukoy ko kay Chord na pinapagawa ko sa kan'ya.

Bumaling s'ya sa 'kin ng tingin. “Hindi raw s'ya interesado sa 'yo, ate.” Bumubula pa ang kan'yang laway sa bibig nang ibuka n'ya ito. Napangiwi tuloy ako, medyo chubby at maliit kasi ang bibig kaya gan'yan.

“Sinabi mo 'bang magaling akong kumanta?” desperado kong tanong sa maliit kong kapatid. Proud na proud pa ako n'yan.

Pumungay ang kan'yang mga mata. “Nairita na nga sa 'kin, ate. Paulit-ulit ko kasing binabanggit ang tungkol sa 'yo.”

Bagsak ang balikat akong bumuga ng malalim na hininga. Wala siguro akong pag-asang mapansin ni Chord. Ang tanging pag-asa ko na lang ay sumali sa choir club kasama s'ya, nang sa gano'n mapansin naman n'ya ako.

Ilang beses n'ya akong tinaboy at binaliwala. Nasanay na rin pero medyo masakit sa damdamin. Ayaw ko naman baguhin ang sarili upang mapansin n'ya ako 'no.

Gusto ko 'yong magustuhan n'ya ako sa anong mero'n ako. Kaya nga ako bumabulabog sa kan'ya palagi para mapansin n'ya ako.

Alam ko na dapat tumigil na ako sa aking kahibangan dahil may girlfriend na s'ya. Pero hindi naman siguro masamang umasa na mapansin n'ya ako kahit sa kaunting oras lamang 'di ba? Ayos lang na hindi n'ya ako magustuhan. Kahit kaibigan na lang, ayos na sa akin.

Tahimik at walang pinagbago ang namutawi sa 'ming hapag-kainan. Tinapos ko ang paghugas ng pinggan matapos kong inubos ang pagkain at saka dumiretso sa 'king kwarto upang matulog ng maaga.

Maagang pumupunta si Chord sa eskwelahan kaya naman gusto kong agahan din ang aking pagpunta para makita s'ya. Sayang naman ang pagkakataon 'di ba?

Naglinis ako ng katawan bago humiga sa 'king kama. 'Di gaano kalakihan ang kwarto ko pero ayos naman para sa 'kin. Hindi naman ako maarte. 'Di tulad ni Carlo, mayaman naman kasi kaya sanay sa magarang kwarto.

Sa daming bumabagabag sa 'king isipan, agad akong nilamon ng antok.

Hindi ko alam kong ilang oras akong natulog. Bigla lamang akong nagising sa kalagitnaan ng gabi. Wala akong ideya kung bakit biglang bumukas ang mga mata ko at naramdaman na hindi na ako inaantok.

Kinusot ko ang aking mga mata para makuha ang malagkit na muta sa gilid ng aking mata.

Bumaba ako sa kama. May ingay akong narinig mismo sa labas ng bahay na akin namang pinagtataka.

Dumungaw ako sa labas ng bintana. Agad na bumungad ang malakas na hangin sa aking pagmumukha. May tatlong anino akong nakita nang bumaba ang paningin ko. 'Di masyado klaro ang kanilang itsura dahil na rin sa madilim silang parte. Pamilyar sila sa 'kin.

Hindi ko magawang sumigaw para agawin ang kanilang atensiyon dahil malamang magigising si Mama pati na rin ang kapit-bahay.

Marahan kong binuksan ang pintuan ng bahay nang makaalis ako sa 'king kwarto. Bumaba ako mula sa ikawalang palapag ng bahay at sumilip sa labas para sana tignan kung sino ang tatlong taong nakatayo sa harapan ng pinto namin.

Wala na sila. Wala akong narinig na taong nag-uusap. Tanging huni ng ibon at pag-ihip ng hangin ang sumalubong sa akin. Hindi ako maaaring magkamali, nandito sila kanina nag-uusap.

Napakurap ako at napadikit ang kilay sa kalituhan. Baka naman guni-guni ko lang. Sinara ko ang pinto at lumabas ng bahay. Inilibot ko ang mga mata sa paligid. Baka kasi totoo 'yong nadatnan ko kanina.

Saglit akong napasulyap sa mga bahay na nasa paligid. Babalik na sana ako sa loob nang aking marinig ang sigaw na tila humihingi ng saklolo.

Balisa kong nilibot ang mga mata ko sa paligid at nagbabaka sakaling makita ko ang babaeng sumisigaw. 

Nang aking madinig na nasa bandang likuran ng aming bahay ang boses ay kaagad akong tumakbo patungo roon.

Masukal na gubat at madilim na paligid ang bumungad sa 'kin. Malapit ang bahay namin sa 'di gaanong kalapad na gubat kaya naman tahimik ang aming lugar.

Kahit nag-aalangan akong tumuloy sa 'king binabalak ay 'di ko pa rin maawat ang aking kuryusidad. Narinig ko na naman ang sigaw ng babae kaya hindi na ako nag-aksaya ng oras. Mukhang kailangan n'ya ng tulong basi sa nakatatakot n'yang sigaw.

Wala ako masyadong nakikita sa 'king dinadaanan. Kinapa-kapa ko pa ang mga nadadaanan kong puno bago nakarating sa high way. Natagalan pa ako ng ilang minuto bago nakarating dito. Walang sasakyan na dumadaan. Sa tingin ko'y hating-gabi na.

Niyakap ko ang sarili ko habang patuloy pa ring hinahanap ang babae. Rito ko nadinig ang kan'yang boses. Nasa'n na s'ya? Baka kailangan n'yang masasakyan. Delikado na rin sa ganitong oras.

“Avery!”

Mabilis akong lumingon sa 'king likuran. Taka at gulat ang pagkalito ang aking nararamdaman nang makita si Carlo.

Tumakbo s'ya papalapit sa 'kin. Hinihingal s'yang huminto sa 'king harapan at hinahabol pa ang kan'yang hininga.

“A-Anong ginagawa mo rito? Gabi na.”

Hindi ko mahanap ang dahilan kung bakit s'ya nandito, masyadong malayo ang kan'yang bahay sa amin at saka nakausap ko s'ya sa cellphone kanina na pupunta sila ng Manila at isang araw silang mamalagi roon.

Balisa ang kan'yang mata, kita kong napalunok s'ya ng laway. “S-Si Niña... Hindi n'ya maihinto ang kan'yang motor sa pagpapatakbo.”

“N-Niña?” Tumambol ang dibdib ko sa narinig, napaatras din sa kaba. “'D-Di ba matagal nang patay si Niña?”

Gusto kong isipin na nagbibiro lang s'ya pero kita ko mismo sa kan'yang mga mata na natatakot at hindi na s'ya mapakali.

Kumarera ang dibdib ko nang kan'yang tinuro ang banda sa 'king likuran. Napalingon ako rito at mas lalo lamang ako kinain ng pangamba sa nakita.

Mabilis ang takbo ng motor. Halatang hindi mapakali ang driver. Nahigop ko ang aking hininga nang makita si Niña na buhay na buhay.

Sinundan ko s'ya ng tingin hanggang sa wala sa sariling hinabol ko ang kan'yang motor. Humihingi s'ya ng tulong sa 'kin. Mababangga s'ya kung hindi n'ya maihinto ang motor!

Hindi ko na inisip kung bakit buhay s'ya at nakasakay pa sa motor. Nasa binggit s'ya ng kamatayan!

Hinihingal na mas binilisan ko pa ang takbo hanggang sa unti-unti ko s'yang naaabot.

“Niña!” sigaw ko sa takot nang makitang dire-diretso ang kan'yang pagpapatakbo ng motor.

Hindi ko na s'ya naabutan. Huli na ang lahat...

Pagod na napaluhod ako sa lupa habang hinahabol ang aking hininga sa layo ng takbo ko.

Rumagasa ang luha ko sa mga mata nang unti-unti kong nasaksihan ang paglubog ng kan'yang motor bago lumubog s'ya kasama ito sa gitna ng dagat.

Kahit nahihirapan ako sa paghiyaw, nagawa kong tumayo sa kabila ng nanginginig kong binti.

Biglang lumiwanag ang dagat, mismo sa pagsabog iyon nanggaling. Nakatatlong hakbang pa lang ako nang nahagip ko ang dalawang pigura ng tao sa ilalim mismo ng malaking puno.

Nakatingin sila sa dagat. Hindi ko na naman makita ang kanilang mukha hanggang sa unti-unti silang umalis na parang hindi nila nakita ang nangyaring pagsabog.



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro