Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Still Into You


Nagsimula ang foundation week school concert ng dating high school ni Serena. Masayang sumasabay sa mga awitin ang magkasintahang sina Serena at Paxton. Hindi man nila kilala ang mga nagtatanghal — lalo na si Paxton na ngayon pa lang nakapunta rito — ay hindi naman maikakaila na nag-e-enjoy ang dalawa. May mga pamilyar na mukha naman kay Serena lalo na ang mga guro na dati niya ring naging guro noong high school pa siya. Pati na rin ang ilang kapwa alumni na dati niyang mga schoolmate.

Katatapos lang magtanghal ng isang banda na puro high school student na umami ng mga palakpak sa madla. Bukod sa mga estudyante ay may mga nagtatanghal din na ilang guro at guest. Bukas ito sa lahat na gustong manood kaya niyaya niya ang nobyo rito. Pakiramdam niya ay high school siya ulit dahil sa dating paaralan. Bumabalik ang mga alala niya noong nag-aaral pa siya rito.

"Now, on the stage, let's welcome one of the school's amazing alumni." Nagsimula nang ipakilala ng host ang susunod na aakyat sa entablado. "Let's give a round of applause to Mr. Noah Santos!"

Isang pamilyar na pangalan ang narinig ni Serena. Imbes na pumalakpak ay natulala lamang siya habang muli siyang binabalik ng kaniyang isip sa mga alaala ng nakaraan na kinalimutan na niya.

Napansin ni Paxton ang pagiging tahimik ni Serena. "Bakit? Kilala mo ba siya? Anong alam mo sakaniya?"

Doon pa lang nabalik sa realidad si Serena. Agad siyang naalerto sa tanong. "Ah... Oo... Dati kong kaklase." Sagot niya.

Totoo naman 'yon. Ngunit hindi lang siya basta kaklase noon ni Serena. Naging nobyo niya ito noon. Unang nobyo. First love kumbaga. At sa pagkakaalala niya, siya rin ang unang naging kasintahan nito. Hindi na sila ulit nagkita matapos ng high school graduation at wala nang komunikasyon sa isa't isa kaya ganoon na lang ang gulat ni Serena nang makita ito ulit matapos ang ilang taon. Sana hindi iyon napansin ni Paxton.

"Ah, okay." Palihim na nakahinga nang maluwag si Serena dahil hindi na ito ulit nagtanong pa. Tahimik na bumalik sila sa panonood nang pumanik na sa entablado si Noah na may dalang gitara.

"Hello everyone! Kumusta naman ang gabi niyo so far?" Pagbati niya na umani ng palakpakan at masayang sigawan sa mga manonood. "Ang kakantahin ko ay special sa'kin."

"Theme song kasi namin 'yon ng special someone ko..." dagdag ni Noah at bumaling ng tingin kina Paxton. Agad nag-iwas ng tingin si Serena nang magtama ang kanilang paningin. Hindi niya inaasahan 'yon. "Na special someone na ng iba." Pagkasabi ni Noah ay agad naghiyawan ang madla, lalo na ang mga kabataan.

"Awit!" Sigaw ng isa sa mga audience na umani ng mahinang tawanan. Maski si Noah ay napangiti sa reaksyon ng madla.

Blangko man ang expresyon ng mukha ni Serena ngunit sa loob niya ay kinakabahan siya. Siya ba ang tinutukoy nito? Imposible naman iyon. Matagal na silang naghiwalay kaya malamang ay naka-move on na si Noah. Pero bakit siya tumingin sa gawi nila? Nagtama pa ang kanilang mga mata. Baka naman coincidence lang 'yon. Hindi naman alam ni Noah na nandito rin siya.

Kung para kay Serena nga, anong kanta kaya ang kakantahin nito. Hindi niya na maalala. High school lang sila noon. 'Yong mga lesson nga nila noon nakalimutan niya na. Ano pa kaya yung theme song nila ng ex niya?

"Music please," pagkasabi no'n ni Noah ay muli itong tumingin sa gawi ng magkasintahan.

Muling nagtama ang tingin nina Serena at Noah. Lumingon si Serena sa ibang direksyon ngunit sa pag-iwas niya ng tingin kay Noah, sila naman ni Paxton ang nagtagpo ng tingin. Kapwa naguguluhan at nagtatanong ang kanilang mga mata. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa.

Nag-aalalanging binuka ni Paxton ang bibig ngunit tinikom niya rin ito at binalik ang tingin sa harapan nang nagsimulang tumugtog ang isang pamilyar na awiting sinabayan ng pagkanta ni Noah.

Can't count the years on one hand

That we've been together

I need the other one to hold you

Make you feel, make you feel better

Dumagdag ito sa kaba ni Serena. Halata namang may sasabihin si Paxton ngunit nagdalawang-isip ito. Alam kaya ng nobyo na ex niya si Noah?

It's not a walk in the park

To love each other

Napansin ni Paxton na nakatingin pa rin sakaniya ang nobya kaya nilingon niya ito. Nagulat naman si Serena sa ginawa ni Paxton kaya lumingon siya palayo. Hindi niya kayang titigan ang nobyo ngayon.

But when our fingers interlock,

Can't deny, can't deny you're worth it

Binalik ni Serena ang tingin sa harapan, hinihiling na sana 'wag muling magtana ang kanilang paningin ng dating kasintahan. Ngunit minamalas nga naman siya...

'Cause after all this time I'm still into you

Pagkaawit na pagkaawit ni Noah sa linyang iyon, tumingin na naman siya sa gawi nina Serena na tila ba para sakaniya ang linya. Nanlaki ang mata ni Serena. Hindi ito pwede!

I should be over all the butterflies

But I'm into you (I'm into you)

Hindi na inalis ni Noah ang tingin gayundin Serena. Ang bilis ng tibok ng puso niya. Hindi niya alam kung dahil sa kaba pa rin ba ito o may iba. Bakit ganito ang epekto nito sakaniya? Tungkol sa magkasintahang nagmamanalan ang kanta ngunit bakit dahil kay Noah pakiramdam ni Serena ay tungkol na ito sa isang taong hindi pa rin maka-move on sa ex niya?

And baby even on our worst nights

I'm into you (I'm into you)

Nakatingin pa rin sa gawi niya si Noah. Maloko itong ngumiti at kumindat pa.

Kumunot ang noo ni Serena. Napupuno na siya. Ano bang problema nito at tingin nang tingin? Tas kumikindat pa? Anong gusto niyang iparating?

That's it! Hindi niya na kayang manood pa. Nawala na siya sa mood. Halo-halo na ang emosyong nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay maso-suffocate siya kung tuluyan siyang makikipagtitigan kay Noah na patuloy pa rin sa pagkanta ngunit sa ibang direksyon na nakatingin.

"Baby, cr lang muna ako," pagpapaalam niya kay Paxton. Gusto niya muna makaalis dito. Baka dahil na rin si crowd kaya siya naso-suffocate. Nakatayo lang kasi sila at halos siksikan.

"Sige, samahan na kita." Sagot naman ni Paxton.

"Okay lang ako. Mag-enjoy ka na lang dito." Sambit ni Serena.

"Mag-e-enjoy ba ako rito nang wala ka?" Napangiti si Serena sa sinabi ni Paxton. Tama, nandito sila ng boyfriend niya para mag-enjoy. Hindi niya na dapat igugol yung oras niya sa kaiisip tungkol sa taong parte na ng nakaraan niya.

"Sige na nga," sagot niya bago silang magkahawak-kamay na umalis sa kinatatayuan. Natagalan sila makadaan dahil dikit-dikit ang mga tao. Ang iba ay nagsasayaw pa kaya mas lalo silang nahirapan maglakad.

Natapos na ang kanta at ibang performer na tinawag nang tuluyan silang makalabas sa venue. Tahimik silang naglalakad sa hallway. Walang tao rito dahil lahat ay nasa loob ng school gym kung saan ginaganap ang school concert. Lingid sa kaalam nila na may nakasunod sakanilang paglalakad — si Noah.

"Hi ex! Na-enjoy mo ba performance ko?" Natigil sila sa paglalakad at lumingon sakabilang likuran nang magsalita si Noah.

"Tigilan mo nga ako!" Naiinis na sigaw ni Serena. Pero teka, hindi lang siya yung nagsalita. Magkasabay nilang binanggit iyon ni Paxton na ikinataka niya.

"Bakit ka niya titigilan?" Sabay na tanong nina Serena at Paxton sa isa't isa.

"Sorry, baby, hindi ko sinabi na ex ko siya." Muli, sabay sila sa pagsabi.

"Ex mo rin siya?!" Gulat na tanong nila sa isa't isa.

"Oops." Natatawang komento ni Noah.

"Tumahimik ka!" Sinigawan siya ng dalawa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro