Chapter 3
MAY GUSTO RAW SA 'YO PAG PALAGI KANG INAASAR.
Iyon ang aking nababasa rito sa likod ng songhits na hiniram ko sa aking kaklase at best friend na si Faye. Bukod sa mga lyrics ng kanta ay meron ding horoscope at mga love tips dito.
Speaking of asar. May nakakaasar na bigla na namang pumasok sa isip ko. Ang maangas na pagmumukha lang naman ng Michael Jonas Pangilinan na iyon. Oo, maangas siya. Feeling cool. May bagong hikaw pa siya ngayon sa kilay. Hindi man lang ba siya pinagagalitan ng parents niya?
Nang maalala ko na sinabihan niya akong kawawa kanina sa school ay bigla na lang kumulo lahat ng puwedeng kumulo sa akin. Nang akmang lalapitan ko na sana siya kanina para komprontahin ay bigla na lang siyang may hinilang babaeng estudyante mula sa kung saan. And right there and then, bigla na lang silang naglandian.
Yes, in public. Mabuti sana kung sila na habangbuhay kung ibalandra nila ang affection nila sa isa't isa. Pero hindi naman, dahil noong uwian lang ay nakita ko na naman si Miko na iba na naman ang babaeng kasama!
Nang tumalikod ako ay narinig ko pa ang pang-asar na tawa niya. Napakabastos talaga. Iyong ugali ng tipikal na feeling cool na estudyante, na puro porma, angas, at barkada. Mga pumapasok lang para sa baon.
Nakakainis talaga. Bakit ba ako nakaka-encounter ng mga ganoong estudyante? Hindi lang iyon, bukod sa makasalumuha ng mga estudyanteng ganoon ay marami pa akong not-so-good na puwedeng maranasan sa public!
Tumayo ako mula sa sofa at seryoso ang mukha na pinuntahan ang aking mga magulang sa kusina. Si Mommy ay nagbi-bake ng tinapay para sa almusal namin bukas habang si Daddy naman ay nagkakape. "Mommy, Daddy, hindi po ba kayo nagwo-worry kasi sa public ako nag-aaral? Paano po kung ma-kidnap ako, kasi di ba, mayaman po tayo?"
Naiubo ni Daddy iyong tinutungga niyang kape. Lumabas pa iyong iba sa ilong niya.
Nagpatuloy ako sa tanong na palaging bumabagabag sa akin. "Bakit po ba kasi sa public ako nag-high school, Mommy, Daddy? Bakit hindi na lang po sa St. John, Bethel, o kaya kahit sa Thomas Aquinas, Claremont, Fiat Lux Academe?"
Magsasalita na sana si Daddy nang unahan ito ni Mommy. "Anak, kailangan mo sa public mag-aral para maipakita natin sa mga tao na humble tayo."
Biglang umamo ang mukha ko. "Uhm, ganoon po ba?"
Tabingi ang ngiti ni Mommy na tumango. "Oo, anak. Saka, tatakbo kang SK sa eleksyon. Dapat down to earth ka. Kaya wag ka masyadong magpaka-sosyal sa school. Mula bukas, thirty na lang muna ang baon mo, ha?"
"Thirty?!" Napataas ang boses ko. Fifty nga lang ay kulang na dahil whole day kami, tapos gagawin pang thirty?!
"Love, bakit thirty naman? Di ba may pera pa naman sa 'yo riyan?" Napatanong na si Daddy kay Mommy.
Actually, sa iba ay malaki na ang fifty. Ang rice ay five pesos lang naman at marami na. Ang ulam ay five kapag gulay at ten to fifteen naman kapag meat. Sa juice naman ay five din at mineral water ay eleven pesos ang maliit. May pang snacks pa ako. Hindi rin naman ako namamasahe dahil malapit lang ang sa amin.
Napakamot ng ulo si Mommy at pasimpleng sinenyasan si Daddy. Hindi naman na-gets ni Daddy kaya napabuga na ng hangin si Mommy sa inis. "Love, di mo ba naaalala? Disconnection na ng kuryente natin. Patong na ang bayarin nating mula pa noong nakaraang buwan."
"Disconnection?" sabat ko. "Mommy, Daddy, di ba sa mga poor lang po nangyayari ang ganoon?!"
Napasentido na si Daddy. "Zandra, umakyat ka muna sa kuwarto mo, ha? Mag-uusap lang kami rito ng mommy mo."
Si Mommy naman ay masigasig pa rin sa pagpapaliwanag sa akin. "Anak, hindi tayo poor. Iba ang humble sa poor, okay? Tandaan mo at isapuso, humble lang tayo!"
"Sige na, Zandra, anak, umakyat ka na muna sa kuwarto mo," ani Daddy.
Nakalabi na tumango ako. Ayaw nila na marinig ko ang pag-uusapan nila, kaya wala akong magagawa kundi igalang iyon. "Okay po..."
Iniwan ko na sila at tumuloy na ako sa aking kuwarto. Pabagsak na nahiga ako sa aking color peach na kama. Hindi ko maiwasang mag-alala kahit sinabi pa nina Mommy at Daddy na ayos lang ang lahat. Ang perpektong pamilya namin ay walang problema.
As much as I wanted to doubt my parents, I knew that I shouldn't. Mommy at Daddy ko sila kaya mas alam nila kung ano ang tama at mali. Hindi rin naman siguro sila magsisinungaling dahil hindi nila gugustuhing maging masamang halimbawa sa akin.
I closed my eyes and thought about something else. Sa aking balintataw ay pinilit kong buuhin ang isang pigura. Si Arkanghel. Parang may lahi talaga ang itsura nito, tapos mukha itong mabait. Ang sabi rin ng daddy ko, mabait daw itong anak. Ganoon ang dapat ginagawang crush, hindi iyong puro yabang lang ang alam...
ANO NGAYON KUNG SA PUBLIC AKO NAG-AARAL?
Kinabukasan ay klarado na ang isip ko. Hindi na rin kaso sa akin kung public lang ako. Ang mahalaga naman kasi ay nakakapag-aral kaysa hindi. Ang mahalaga rin ay nag-aaral ako nang mabuti. Saka, hindi rin naman ang high school ang titingnan kapag naka-graduate na.
Okay na okay rin naman dito sa Gov. Sikat nga ito dahil marami dito ang matatalino. Pride ang makapag-aral sa paaralang ito. Kami ang madalas panalo dito sa distrito, same public school man o private ang kalaban, may it be sports or academic quiz bee. Ilang beses na rin kaming nag-champion sa regional at national.
Good mood ako na naglalakad papunta sa canteen. Good mood na kung di ko lang naalala na thirty na nga lang pala ang aking baon. First break pa lang kanina ay naka-fifteen pesos na ako sa juice at sandwich. Paano pa kaya ako nito mamayang lunch break? Ano ang mabibili ko sa natitira ko pang fifteen pesos?
Hmn, should I try eating street food? Umiling ako. Oh, no, ayoko. Mahina ang sikmura ko sa ganoon. Napahinto ako at napaisip. Uhm, but I guess I should try? Since kailangan ko nga palang mag-practice na maging humble.
LUNCH BREAK. Ang liligalig ng mga estudyanteng kasabay kong naglalakad papunta sa gate, kaya habang binibilang ang natitira kong pera sa purse ay hindi ko namalayang nahulugan ako ng buong lima.
Tumayo na ako sa harapan ng nagtitinda ng fishball, kwek-kwek, squidball, at kikiam. Tinanong ko kung paano bumili. Binigyan lang ako ng stick ng tindero. Ibig sabihin ay bahala na akong kumuha at mamaya na lang ang bayad dito.
Tumuhog muna ako ng isang maliit na kwek-kwek sa plastic cup at nilagyan ng suka. Try ko lang muna. Pikit-mata ako nang kainin iyon, para lang mapadilat sa sarap. Oo, ang sarap pala!
Three pieces na maliliit na kwek-kwek ay five pesos daw, fifty sents ang fishball, at tagpipiso naman ang kikiam at squidball. Dadamihan ko na para talagang mabusog ako, tutal ay masarap naman pala ito. Saka, minsan lang naman. Gusto ko rin talagang masubukan.
Habang kumukuha ay nagko-compute ako. Sinakto ko na sa fifteen pesos ang total, kasama na ang aking kinain na dalawa kanina, pagkatapos ay pinuno ko ng suka ang plastic cup. Umapaw kaya sinipsip ko iyong natatapon.
Hindi na ako nagtanong kay Manong kung magkano, dahil nabilang ko naman na ang total ng presyo. Confident ako dahil pagdating sa math ay never pa akong nagkamali. Inilabas ko na ang aking purse at nangingiti pa habang inilalabas ang aking pera, nang matigilan ako bigla. Bakit kulang?!
Ten pesos lang ang nandito at nawawala iyong lima! Binulatlat ko na ang purse pero wala talaga! Tumikhim na si Manong. Nakahalata na yata. Dumadami na rin ang bumibili at nakabara ako rito sa gitna.
Ramdam ko ang aking pamumutla nang magsalita. "M-Manong, kulang po pala ng five ang money ko. Puwede po bang ibalik ko na lang sa kawali iyong ibang kinuha ko?"
"Ibabalik mo?" Umaskad ang tono ni Manong. "Ibabalik mo iyong ibang laman ng cup matapos mong sipsipin ang suka?!"
Napatingin na sa akin ang ibang estudyanteng bumibili. Iyong mga tingin nila ay dyina-judge na ako!
"O-okay, sige po. Babayaran ko na lang po. Pero wala kasi akong dala rito. Uutang muna ako sa best friend ko. She's in our room." Naiwan ko rin kasi roon ang aking phone kaya hindi ako makakapag-text. "Manong, please can I just go there to get the money?"
Iyong ibang estudyante ay pinagbubulungan na ako. "Hala, bakit nag-i-english 'yan?"
"Public nag-aaral tapos english?" bulungan naman sa kabilang gilid ko na obvious na ipinaririnig talaga sa akin. "Arte."
"Huy, marinig kayo."
"Ano kung marinig? English-english pa e wala namang pera." Kasunod ay may mga tumawa pa.
Nakasimangot naman sa akin si Manong. Para na akong maiihi sa pagkapahiya at tensyon. Bakit nangyayari sa akin ito? Hindi naman ako bad person!
Ang mga mata ko ay malikot nang aking matanaw na papasok ng gate ang tropahan nina Isaiah. Apat sila. Nang aking makita na kasama nila si Arkanghel ay nagliwanag ang mga mata ko. My savior!
Sigurado namang meron siyang limang piso, di ba? Lakas-loob na tinawag ko siya. "Arkanghel!"
Huminto naman siya at tumingin sa akin. Nagpaalam ako sandali sa tindero ng street food at itinuro siya. Malapit lang naman kaya kahit labag sa loob ni Manong ay tumango ito.
Paglapit ko kay Arkanghel ay maliit na nginitian ko siya. Nahihiya ako pero mas nakakahiya kung wala akong maibabayad dito sa kulang ko. "Hi, Arkanghel. Puwede bang humingi ng favor? May five pesos ka ba?"
Nangunot ang noo niya pagkatapos ay sumagot, "Wala."
"Ha?" Kahit poor siya, may five pesos naman siguro siya. Pero wala? "Wala talaga?"
"Wala nga akong pera. Kung meron ba, baka pag-aralin pa kita."
Napatanga na lang ako nang maglakad na siya ulit pasunod sa mga kaibigan niya. Umalis na siya. Hindi ako nakautang!
Paglingon ko sa cart ng street food ay nakatingin sa akin lahat! Lalo si Manong na mainit sa akin ang mga mata habang naghahango ng fishball sa kawali! Oh, what to do now?!
Hindi ko na alam ang gagawin dahil first time na makaranas ako ng ganito. Ang init-init na ng pisngi ko sa hiya at paiyak na ako, nang may biglang humawak sa aking balikat. Pag-angat ng mukha ko ay napasinghap ako. Si Michael Jonas Pangilinan!
Bakit bumalik siya at iniwan niya ang mga kaibigan niya? Walang emosyon na mababasa mukha niya at doon siya sa cart nakatingin at hindi sa akin. "Magkano kulang mo?" tanong niya na hindi pa rin sa akin tumitingin.
Narinig niya? Nilunok ko na ang aking pride nang sagutin ang tanong niya. "F-five pesos..."
Naglabas siya ng purse at humakbang na papunta roon. Binayaran niya iyong kulang kong lima. "Manong, ito bayad niya. Nakalimutan niya kasi pera niya sa akin kanina." Kumuha rin siya ng plastic cup at tumuhog ng fishball niya.
Nang humakbang na siya palapit sa akin ay ubos na agad ang laman ng plastic cup niya. Hinihigop niya na mula roon ang natirang suka.
"T-thank you..." mahinang sabi ko.
Tinaasan niya lang ako ng kilay habang humihigop pa rin sa cup. Puro sili iyong suka na kinuha niya pero parang wala lang sa kanya.
"Uhm, babayaran kita." Kahit limang piso lang iyon ay pera pa rin iyon. Pabaon na pinaghihirapan ng magulang niya na maibigay sa kanya.
Pagkaubos sa suka sa cup ay nilamukos niya iyon ay ibinato sa nadaanan naming basurahan. Shoot. Sumulyap siya sa akin at sinagot ako. "Kahit 'wag na."
"Basta, babayaran kita," pagpupumilit ko naman.
Napahagod siya ng mahahabang daliri sa kanyang bahagya nang mahabang buhok. "Tss, bahala ka."
Nakapamulsa na naglakad na siya papasok sa gate habang nakasunod naman ako sa likod niya.
Napatigil na ako sa paglalakad dahil iba na ang daan na tinatahak niya. Iba ang building niya nila sa building namin. Nakatayo pa rin ako sa pinaghiwalayan naming daan habang habol na lang ng tingin ang pag-alis niya.
Sa pagtunog ng bell ay saka pa lang ako napakurap. Tapos na ang break. Naglakad na ako para bumalik sa room namin. Iyong pagkapahiya na aking naranasan kanina ay kakatwa na hindi ko na inaalala. Iba ang nasa isip ko. Michael Jonas Pangilinan or Miko. I thought he was bad, pero slightly bad lang pala.
LAST SUBJECT. Our English teacher made us write an essay about global warming. Una akong nakatapos. Pinuri ako ni Mrs. Saflor dahil maganda raw at malinis ang gawa kong essay. Biglang reward din ay puwede na raw akong maunang umuwi.
Lumabas na ako ng room dahil hindi rin naman iisa ang inuuwian namin ni Faye para hintayin ko siya. Nauna na ako sa gate. Dahil maaga-aga pa at baka nasa resto bar pa sina Mommy at Daddy ay nagpalakad-lakad muna ako. Nagtingin-tingin sa mga paninda sa gilid ng kalsada.
Nakapulot ako ng piso sa daang walang katao-tao. Oh, lucky. Nawalan man ako ng five pesos kanina, bumalik naman ang one peso. I was grateful. Bukod sa pagiging humble, I was also practicing the attitude of gratitude. It was a habit of expressing appreciation for all different parts of life, no matter how big or small.
Ibinulsa ko ang piso nang matiyak na wala ritong nagmamay-ari. May bagong bukas na maliit na gift shop malapit sa school. Na-engganyo akong pumasok. Maraming paninda na anik-anik sa loob. Mga picture frame, stickers, slumbook, unbranded make up, plastic na suklay at salamin, at mga makukulay na panali sa buhok.
Gusto ko sanang bumili ng kahit maliit na clip lang, ang kaso nga ay wala na akong pera. Thirty na kasi talaga ang baon ko. Hay, ang hirap pala talaga mabuhay biglang humble na tao.
Nagtingin-tingin na lang ako at binusog ang mga mata ko sa mga paninda. Dumako ang paningin ko sa nakalatag na bunutan chart sa mesa. Piso raw isang bunot ayon sa narinig kong sagot ng tindera nang may magtanong. Naaliw ako ng nakakuha ng prize ng prize na glitters iyong estudyante.
Tiningnan ko iyong iba pang prizes na nakasabit sa dingding. May maliliit na balloon, glitters, stationary paper and envelope, ballpen, hair clip, flashlight, lighter, mini keychain stuffed toy, at iyong grand prize yata iyong dream catcher dahil iyon ang pinakamalaki.
Kinapa ko sa aking bulsa ang aking napulot na piso. Ibinigay ko iyon agad sa tindera at bumunot na ako. Nagdasal-dasal pa ako habang hawak ang kapirasong papel na nabunot ko. Sa kamalasan nga lang ay small balloon lang ang nakuha ko.
Malungkot na nakatingin na lang ako sa mga prizes na naka-display sa dingding. Akala ko pa naman ay aking makukuha ang grand prize na dream catcher. Ang cute-cute kasi niyon. May mga malilit na star at kulay lavender.
Bagsak ang aking balikat na lumabas na ako ng shop. Sa pagkakayuko ay hindi ko napansin na meron pala akong kasalubong na magkapareha. Iyong lalaki iyong pinaka nabangga ko, doon sa bandang ilalim ng makinis na leeg nito, mabango. Naka white t-shirt lang ito at hindi naka-polo.
Iyong lalaki ang nabangga ko pero iyong kasama niyang babae ang nag-react. Tinarayan agad ako. "Ano ba iyan, Miss? Parang ulaga naman e. Tulig ka ba? Hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo!"
"S-sorry—" Pagtingala ko ay nagulat ako nang makitang ang lalaki pala ay si Michael Jonas Pangilinan na naman o Miko! Pero siya ay parang hindi mukhang nagulat nang makita ako.
Ang kasama niyang babae ay maganda at mukhang mas matanda sa aming dalawa. Parang senior high na. Bumaba ang tingin ko sa kamay ng babae na nakahawak sa braso niya. Nakuha ko na agad. Girlfriend niya ito.
"Okay ka lang, baby?" tanong ng girlfriend niya sa kanya.
Nahuli ko ang pagkagusot ng matangos na ilong ni Miko. "Baby? Tayo ba?"
"Uh, di ba break na kayo kahapon ng best friend ko?" Napanguso ang babae. "Hindi mo pa ba ako liligawan? Balak ko na sanang sagutin ka na ngayon din kung kung gusto mo e."
Oh, hindi pa sila pero mukhang mag-aaway na agad. Nagmamadaling nilampasan ko na sila.
Hay, high school love. Nagkamali na ako sa first boyfriend ko, at ayaw ko nang magkamali kung sakaling susubok ulit. Hindi na ako magpapapalit-palit pa ng boyfriend. Gusto ko iyong next ko ay siya na talaga para sa akin hanggang sa maka-graduate kami.
Kaya dapat lang talaga na matino na ang lalaking pipiliin ko. 'You know? Sayang kasi e. Pero sa totoo lang, mas sayang talaga iyong dream catcher.
Ang bagal-bagal ng lakad ko dahil malungkot ako. Sa sobrang bagal ng aking paglalakad ay hindi pa rin ako nakakalayo. Ang dali na lang tuloy sa lalaking humahabol sa akin mula sa likuran na maabutan ako.
May humawak sa bag ko na dahilan para muntik na akong mapasigaw, kasi akala ko ay magnanakaw. Paglingon ko ay namilog ang aking mga mata. Ang matangkad na lalaking nasa likod ko na bahagya pang pawisan habang humihingal ay walang iba kundi si Miko na naman!
Bakit siya nandito? Nasaan iyong babaeng kasama niya kanina? Bakit hawak niya ang bag ko? At bakit niya ako sinundan?! "O." May itinaas siya na kung ano.
Pagtingin doon ng aking mga mata ay natutop ko ang aking bibig. Hawak-hawak niya iyong lavender dream catcher na grand prize sa bunutan chart!
Nang tingnan ko siya ay hindi sa akin nakatuon ang mga mata niya kundi sa ibang direkyon. "O na." Halos isalaksak niya sa akin iyon, sabay talikod niya para umalis na.
Nayakap ko naman ang dream catcher dahil muntik nang mahulog nang basta niya bitiwan. Nagtataka pa rin ako habang nakahabol ng tingin sa kanya.
Nakapamulsa siya habang naglalakad na palayo nang aking mahagilap ang boses ko. "Miko, a-anong gagawin ko rito?!"
"Iuwi mo." Huminto siya. "Isabit mo sa pader ng kuwarto mo."
Humigpit ang pagkakayakap ko sa dream catcher nang lumingon siya sa akin at ngumiti.
"Pagkatapos... isipin mo ako."
#BadLoverbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro