Chapter 72
BUENAVISTA DAYCARE CENTER.
Hinalikan ako ni Papa sa ulo. "Lai, dito ka muna sa Tita Judy mo, ha? Babalikan ka ni Papa rito kapag okay na ulit si Mama. Mamamasyal tayo mamaya."
"Opo, Papa! Dito lang po ako!" nakangiti at mabait na sagot ko Guillermo Valmorida o Papa Gil. Ang aking papa.
"Ang bait talaga ng baby girl namin!" Muli ako nitong hinagkan sa ulo bago ito tumalikod na para balikan ang asawa sa Pascam, ang mama ko na si Madeth Enfante-Valmorida. Ngayon na naman kasi ang araw na nagkukulong ito sa kuwarto nila.
Nang makalabas na ng gate ng daycare center si Papa ay saka unti-unting nabura ang mabait na ekspresyon sa aking mukha. Pati ang magiliw na pangbatang kislap ng aking mga mata ay nawala. Pumalit ang blangkong ekspresyon na hindi karaniwang makikita sa isang bata.
Tahimik lang ako na nakaupo rito sa pinag-iwanan sa akin ni Papa. Hindi ako rito tatayo kahit pa ano ang mangyari. Dahil ganoon akong bata. Kung saan ako iniwan, doon din ako matatagpuan.
Mula sa room ng daycare ay lumabas ang isang babae na nakasuot ng t-shirt na may tatak ng baranggay, jeans, at lumang sneakers sa paahan. Ang buhok ang mahigpit na nakatali sa likod. College student sa hapon habang assistant teacher naman dito sa baranggay pag umaga. Ito ang bunsong kapatid ni Mama Madi na si Juliana Denise Enfante. Assistant teacher ito rito sa daycare.
Nilapitan ako nito. Ito ang aking Tita Judy. "Kanina ka pa, Laila? 'Sensya na, naglinis pa kasi kami ni Teacher sa room dahil parating na ang mga bagets!"
"Hindi naman kaya okay lang," patag na sagot ko.
Napangisi si Tita Judy saka yumukod upang magpantay kami. "Iba ka rin, ano? Para ka talagang hindi bata magsalita, kaya tuloy hindi naku-cute-an sa 'yo iyong mga kamag-anakan ng side ng tatay mo!"
Hindi ako kumibo. Deretso lang ang pagsalubong ko ng tingin kay Tita Judy. Napasimangot naman ito sabay pisil sa ilong ko. "Ako lang naku-cute-an sa 'yo, kaya magpakabait ka sa akin!"
Iniwan na ako ulit nito dahil dumating na ang mga 'bagets'. Mga maliliit na bata na matanda lang ako ng isa at kalahating taon. Mga four year old na batang makukulit. Dahil hindi pa pinapapasok sa loob ay mga nagsipaglaro muna.
Ang iingay, ang sasakit ng boses sa tainga, may mga nagpapakitang gilas sa mga magulang. Proud na proud naman ang mga magulang. Sa lahat ng iyon ay nakatingin lang ako habang blangko ang mga mata ko.
Iyong isa ay may dalang bola. Gumulong malapit sa kinauupuan ako. Tumingin sa akin ang mga ito. Naghihintay na ibalik ko ang bola. Pero hindi ako kumilos.
Iyong nanay ng bata ay ngumiti sa akin. "'Ne, paabot naman ng bola," anito sa malambing na boses.
Hindi pa rin ako kumilos. Ni wala akong reaksyon. Akala siguro ay bingi ako kaya isinenyas na lang ang pagdampot sa bola. Pero ganoon pa rin. Nakatingin lang talaga ako. Nabuwiset na siguro iyong nanay, ito na ang naglakad upang kunin ang bola ng anak nito. Nang dumaan sa harapan ko ay inirapan ako.
Pinapasok naman na sa loob ang mga bata. Iyong mga bantay ay kanya-kanyang alisan na; mga uuwi muna at babalik na lang, habang ang iba ay mga pumuwesto sa court ng baranggay para doon tumambay habang naghihintay. Akala mo naman ay mawawala ang mga anak kapag iniwan nila.
Nakaupo pa rin ako sa pagdaan ng mga minuto. Wala pa rin akong kakilos-kilos dito nang may humintong tricycle sa tapat ng gate ng center. Mula roon ay bumaba ang isang malaking babae. May pinabababa ito mula sa loob ng tricycle pero ayaw bumaba. "Bunso, baba na nga! Paano ka matututo kung di ka papasok sa eskwela?!"
Kaya lang ay ayaw pa ring bumaba ng tricycle ang pinabababa nito. Nakikita ko lang ang pagtadyak ng paa sa pinto. Nauulinigan ko ang maliit na boses na nagmamaktol. "Ayaw! Ayaw ko pasok!!!"
Nauubos na ang pasensya ng ginang. Nawala na ang lambing at napalitan na ng panggigigil. Mukhang pinagkukukurot ang bata sa loob. "Diyaskeng bata ka! Sinabi nang bumaba ka na! Nauubos ang oras ko sa 'yo, mamamalengke pa ako! Anong gusto mo? Ikaw ang iluto ko sa tanghalian natin mamaya?!"
Hinablot na ng nanay ang anak palabas ng tricycle. Ang bata ay lalaki pala. Moreno, matangos ang ilong, tayo-tayo ang buhok, at bungi ang mga ngipin sa harapan. Itsurang matigas ang ulo at pasaway. Ang suot na polo ay nagkatanggalan na ang mga butones dahil sa pagwawala. Nagtititili pa ito. "Ayawww! Ayawww!!!"
Nakatingin lang naman ako habang walang emosyon ang mga mata ko.
Nang dumaan sa harapan ko ay hindi napansin ng nanay na naglaglag ang isang sapatos ng batang lalaki. Napatingin sa akin ito, tila hinihintay kung dadamputin ako ang sapatos nito, pero inambahan ko ito ng sapok. Doon ito napahikbi at lalong umatungal.
Pinalo ng nanay sa puwit ang batang lalaki, na lalo lang nitong ikinahurumentado. Pagbukas ng pinto ay nagpaliwanag agad ang nanay nito. "Good morning, Teacher. Nandito na po si Asher James. Pasensya na po, tinanghali kasi ng gising. Sumampa kasi kagabi sa barko ang tatay niyan, kaya anong oras na kami nakauwi."
Asher James. Naulit ko sa isip ang pangalan. Katulad ng ibang mga bata ay dalawa rin ang pangalan ng bata. Kakaiba rin, maganda ang tunog, at mukhang pinag-isipan ng mga magulang.
Lumambing na ulit ang itsura ng nanay nito. "Pakabait, bunsoy ko, ha? Mamaya ibibili ka ng ice cream kapag may star ka!" Hinalikan na nito ang ulo ng anak saka naglakad na pabalik sa naghihintay ritong tricycle.
Lumipas ang mga oras na naririto pa rin ako. Kahit umiinit na dahil sa pagtaas ng araw ay wala pa rin akong kakilos-kilos dito. Bumukas na ang pinto at pinapila na palabas ang mga bata. Ang liligalig, ang dudungis, halatang naglaro lang at nagpasaway sa loob.
Inaasikaso ang mga bata ng dalawang babae. Ang daycare teacher na si Teacher Lina at ang dalagitang assistang teacher na aking tiyahin, si Tita Judy. Inihatid kung saan naghihintay nang matiyaga ang mga sundo ng mga bata.
Nagsitayuan naman na ang mga sundo nang makita ang mga bata na lumabas. Dumating na rin ang mga umalis na sundo. May mga nanay, merong tatay, at ibang kamaganak. Inalalayan, kinarga, kinumusta, tinanong kung may gusto bang reward, na akala mo naman ay ang hirap ng ginawa sa loob ng daycare.
Iyong mga wala pang sundo ay mga nagsipaglaro muna. Iyong batang lalaki na Asher James ang pangalan na nakita ko kanina ay ang huling lumabas sa room. Kinakausap siya ng teacher, pero nanatili siyang nakayuko. Kaya pala, tinutukso pala ito ng ibang mga bata dahil nawawala ang isang sapatos niya. Ang sapatos niya na dinampot ko kanina at aking itinago sa likod ko.
"Luh, walang isa sapatos!" buska rito ng isang malaking bilog na bata na wala pa ring sundo. "Walang isang sapatos, bleh!"
Naggayahan pa ang ibang bata. Ang mga hindi gumaya ay mga natatawa naman. Malumanay na sinasaway ng teacher ang mga ito pero ayaw magpasaway. Nang umalis ang teacher at lumabas ang tiyahin ko ay pasimple nitong pinandilatan ang mga bata, at doon pa lang nagsitigil ang mga ito.
"Nasaan ba ang sapatos mo?" tanong ni Tita Judy doon sa batang si Asher James.
Sumabat iyong isang batang babae. "Wala po siya isang shoes kase nikuha ni Bogeyman!"
"Opo, nikuha ni Bogeyman!" sabat pa ng isang bata ring babae. "Kase bad po si Asher James, e! Nakipagsuntokan siya kina MJ, tapos niagaw niya iyong kotse-kotsehan na pantasa ni Princess, at nagsasabi rin po siya ng bad word!"
Napatingin naman si Tita Judy sa batang lalaki. "Anong sinasabi mong bad word?"
Nahihiya naman na nagtaas ng paningin si Asher James. "Gago lang naman nisabe ko, ah! Bad ba iyon?!"
Napapalatak ang tiyahin ko. "Aba'y, bad nga! Saan mo narinig iyon?! Hindi ka dapat nagsasalita ng ganoon kasi bata ka pa, saka na paglaki mo na!"
Dumating na ang mga sundo ng ibang mga bata at naiwan na lang iyong Asher James tapos iyong dalawang batang lalaki na nanunukso rito kanina. Nang umalis si Tita Judy ay nilapitan na naman siya ng mga ito. "Ano, matapang ka, ha?!"
Tinulak pa sya sa balikat ng isa. Maputing bata, singkit, tapos mukha rin makulit. "Alam mo bang pulis mommy ko?! Kaya kung ayaw mong hulihin ka nya, dapat mag-bow ka sa akin!"
"Tama, pulis mommy ni MJ, kaya mag-bow ka sa kanya para hindi ka hulihin ng mommy niya!" maangas din naman na sabi ng batang bilog.
"Ayaw ko mag-bow!" sabi naman ni Asher James na nagmamatapang kahit mukhang dehado na.
Hindi ko naman namalayang naaaliw na pala ako sa panonood sa kanila. Pinanonood ko kung paano siya pagtulungan ng dalawang sutil na bata. Mayamaya ay nagtaas na siya ng kamay para umamba ng suntok sa mga ito, pero halatang nagtatapang-tapangan lang dahil ang mga mata ay paiyak na. Hindi ko alam kung bakit bigla ay napangiti ako.
Mula nang maupo ako kanina ay ngayon lang ako tumayo. Lumapit ako sa kanila at hinawakan sa balikat si Asher James. "Anong ginagawa niyo, mga bata?"
Napatingin siya sa akin. Bumadha sa mukha niya ang gulat at takot na rin, dahil akala niya yata ay naririto ako para awayin din siya.
Iyong maputing bata ay bumaling sa akin. "Hoy, anong bata? Makabata ka, e bata ka rin naman! Pulis mommy ko, gusto mo ipahuli kita?!"
Humalikipkip ako at ngumisi rito. "Ano ngayon kung pulis mommy mo? Ninong ko naman si Erap!"
Bilang namutla ang dalawang bata pagbanggit ko sa bagong halal na presidente ng Pilipinas na si Joseph Ejercito Estrada. Iyong maputi na MJ ang pangalan ay napaatras pa habang hawak ang bibig. "Luh, ninong mo nga si Erap, ah?!"
"Oo nga!" sagot ko. Lumapit ako sa kanila at bumulong. "Atin-atin lang ito, pero feeling ko ay hindi ko lang basta ninong si Erap! Feeling ko ay nawawala niya akong anak!"
Ganoon ang napapanood ko na palabas sa TV. Mga nawawalang anak pala ng mayaman. Paniwalang-paniwala naman ang dalawang sutil na bata. Kahit si Asher James ay napanganga sa akin.
"Hala! Anak ka ni Erap?!" bulalas pa ng batang maputi na MJ ang pangalan.
"Oo, tingnan niyo, hawig kami, di ba?" Umanggulo ako. "Paglaki ko, susunduin niya ako at i-interview-hin ako ng mga reporter! Makikita niyo ako sa TV!"
"Wow, gusto ko rin interview!" sabi ng dalawang bata. "Please, interview rin kami! Gusto rin namin makita sa TV!"
"Sige, basta mag-bow kayo sa akin!" Inakbayan ko si Asher James na ngayon ay palipat-lipat sa amin ang inosenteng tingin.
Nag-bow naman sa akin iyong MJ at ang kaibigan nito. Hanggang sa dumating ang mga sundo ng mga ito ay panay ang bow at kaway sa akin. Nagtataka na lang ang mga sundo ng mga ito.
Nang maiwan kami ni Asher ay iniwan ko siya saglit. Pagbalik ko ay aking bitbit na ang nalaglag niyang sapatos kanina. Namilog ang mga mata niya nang lumuhod ako sa harapan niya at kunin ang kanyang isang paa. Isinuot ko ang sapatos niya sa kanya.
Pag-angat ko ng paningin sa kanya ay nginitian ko siya. Namumula naman siyang nagbawi ng tingin sa akin. Cute. Ang cute-cute niya!
May humintong tricycle sa labas ng daycare. Lumabas mula roon ang tatlong batang lalaki. Iyong pinakamatangkad ay mukhang teenager na, iyong sumunod ay parang matanda lang kay Asher ng tatlong taon, at iyong huli ay dalawang taon. Magkakamukha kaya malamang na magkakapatid sila.
Naunang lumapit iyong pangalawang kuya niya yata. Ang T-shirt nito ay may print na Ultraman. "Oy, Asher, nasaan iyong nang-aaway sa 'yo rito, ha?!" maangas na tanong agad nito sa kanya. "Nasaan? Turo mo, uupakan ko!"
Binatukan naman ito ng lalaking teenager na mukhang panganay sa kanila. "Sige, mang-upak ka rito nang ma-hanger na naman mamaya ni Nanay ang puwet mo pag-uwi!"
Iyong isa naman na pangatlo sa mga ito ay tahimik lang. Walang imik. Walang paki. Parang napilitan lang sumama sa pagsundo.
Lumabas mula sa room si Tita Judy. Tumingin sa tatlong batang lalaki. "Nandiyan na ba sundo ni Asher James?"
Iyong panganay na teenager ang sumagot dito. "Wala pa po, Ma'am. Multo lang po kami na napadaan."
Nagusot ang mukha ng tiyahin ko. "Lintek na pilosopong bata ito, ah! Tule ka na ba, ha? Gusto mong ako tumuli sa 'yo?!"
Ngumisi iyong teenager. "Tule na po last year pa!"
Kinuha na ng mga ito ang bag ni Asher. Pagbalik ni Tita Judy sa loob ng daycare ay naglakad na ang tatlo papunta sa naghihintay na tricycle sa labas. Iyong batang si Asher ay panay lingon habang karay-karay siya ng mga kuya niya. Kinawayan ko naman siya.
Ang bawat araw ko kapag naririto ay boring, pero dahil sa kanya ay kahit paano'y nalibang ako. Iyon nga lang ay saglit na saglit lang. Tamad na napabuga ako ng hangin at akmang aalisin na sa kanya ang aking paningin, nang bigla kong marinig ang pagkalansing ng bakal na gate ng center.
Napatanga ako nang makita siyang nananakbo pabalik sa akin. Iyong mga kuya niya ay sinisigawan siya para pabalikin pero wala siyang pakialam. Dere-deretso siya sa akin.
Sa gulat ko ay huminto sa harapan ko at bigla akong dinuro. "Paglaki ko, syosyotain kita!"
Nakanganga lang ako habang nakatingin sa kanya. Naluluha pa at namumula pa ang morenong balat dahil sa pagpipigil ng iyak kanina, pero makikita sa mga mata niya na talagang seryoso siya.
Talsik-talsik pa ang laway habang malakas at matatas na nagsasalita. "Syosyotain kita, kaya bawal ka magsyota ng iba! Maliit lang ako ngayon, pero malakas ako kumain at natutulog ako tuwing tanghali, kaya lalaki na 'ko! 'Pag nagsyota ka ng iba, bubugbugin ko siya, dahil ako lang dapat syota mo!"
Pagkasabi'y saka tumalikod at nagmamartsang bumalik na siya sa tulalang mga kuya niya. Nakaalis na sila pero nakatanga pa rin ako. Ano iyon? Bakit sinabi iyon sa akin ng batang iyon?!
Bata pa siya pero tunog seryoso siya. Gusto niya akong maging syota. Ang syota ay iyong hindi mo kamaganak, hindi mo kaano-ano, pero pinili mong makasama kasi love mo. Ibig sabihin ay pinipili ako ng batang iyon?! Ibig sabihin ay love niya ako?!
Pinipili niya ako hindi dahil sa kailangan, walang pagpipilian, kundi dahil gusto niya talaga akong piliin. Kahit din hindi niya ako kaano-ano ay love niya ako. Bawal din akong magsyota ng iba, dahil dapat daw ay siya lang ang syota ko. Pag nagsyota ako ng iba ay bubugbugin niya dahil dapat ay sa kanya lang ako. Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang malawak na ngisi ang gumuhit sa mga labi ko.
Sige, hindi ako magsyosyota ng iba. Kaya dapat ipagpatuloy niya ang pagkain nang marami at pagtulog sa tanghali, para lumaki na siya, dahil hihintayin ko siya. Talagang maghihintay ako sa kanya!
DUMILAT ANG MGA MATA KO SA MALIWANAG NA KUWARTO. Kuwarto na pamilyar dahil itinuturing ko nang akin. Kuwarto ni Asher. Dito na kami natutulog ni Bobbie mula nang sumampa siya ulit sa barko. Dito na kami sa bahay nila talaga nakatira.
Sabado ngayon ng ikatatlong linggo na wala siya. Bumangon ako. Katulad ng mga nagdaang araw ay may luha na naman ako. Dati ay ayos lang sa akin mag-isa, pero ngayon ay parang kulang na kulang palagi ang pakiramdam.
Tumingin ako sa aking tabi. Nauna na namang nagising sa akin si Bobbie. Mula nang dito na talaga kami nakatira ay palagi na itong sabik na gumising. Sabik na manood ng TV, mangulit sa lolo at lola nito, at harutin ang asong si Honeybunch. Ang pagiging tahimik nito ay tuluyan nang naglaho. Ngayon ay labas na labas ang kulit na hindi ko alam kung saan nito dating itinago.
Nagligpit na ako ng higaan. Nag-stretching. Pagkatapos ay pinagsawa na naman ang paningin sa paligid ng maliit na kuwarto. Ah, miss na miss ko na ang totoong may ari nito. Ako kaya, miss na rin ba niya?
Hinagilap ko ang aking cell phone sa loob ng bedside table. Naibalik na pala ito sa akin. Nagbukas agad ako ng WiFi. Nagpunta sa inbox. Routine ko na itong gawin. Hinanap ko agad ang isang account, para lang malumbay dahil wala man lang kahit 'seen' ang aking mga ipinadalang chat.
Pumunta ako sa account na Asher James Prudente na ang profile photo ay wacky ni Bobbie. Naka-offline. Naka-offline pa rin. Naka-offline na naman.
Nag-online siya sandali kahapon, pero hindi rin kami nagkausap. Sa phone ng tatay niya siya tumawag. Mabilis lang. May itinanong lang. Itinanong din naman niya kung kumusta ako, si Bobbie, at kaming lahat. Pero pagkatapos ay nagpaalam na rin siya agad. Hindi na ulit ma-contact.
Marino. Dapat intindihin mo. Iyon ang sinabi sa akin ni Aling Ason nang mapansin ang pananahimik ko. At kahit nakakaisang buwan pa lang, kahit nakakabaliw pala, iyon nga aking ginagawa.
My phone beeped. Ang nag-text ay si Rio. Ang everyday long update sa akin ng lalaki. Nahanap na kasi ni Rio ang dalagitang pamangkin ko. Umupa na rin siya ng apartment, pero hindi nga lang studio, kundi 2-room apartment. Lumayas na rin kasi siya sa kanila. He was now living with Betchay temporarily.
Rio:
The brat is fine. She's just a little stubborn, which is expected considering her lack of discipline, at baka nagutuman din dahil mahirap na nga ang mga magulang niya, mga tamad na palaasa pa. But all in all, kiddo is doing fine. Nakikinig naman sa akin, lalo pag tinatakot ko na isasauli ko siya sa kanila.
That was good to know. Na-enroll na rin si Betchay ngayong semester. BSIT sa CVSU Rosario, malapit na public university. Sa tingin ko ay hindi lang maamin ni Rio, pero na-e-enjoy nito ang pagiging pansamantalang guardian sa pamangkin ko.
Nagsimula na ring pumasok agad last week ang dalagita, at hatid-sundo ni Rito ito. He was that bored. Pero hindi lang boredom niya ang nasasagot ng pagiging guardian niya kay Betchay, as I knew that deep inside him, he was also missing the feeling of being a big brother to his sister, Renren.
Tinago ko na ulit ang phone at bumaba na ako. Maingay sa sala. Bukas ang TV kahit walang nanonood. Sa sofa ay nakahiga ang nagsi-cell phone na si Aling Ason, habang si Bobbie ay nakahiga sa tabi nito at nakikinood din sa cell phone. Naghahagikhikan ang maglola. Sa sounds ay nalaman kong ang pinanonood nila ay mga lumang comedy skit na shini-share sa social media.
Si Mang Jacobo na galing sa kusina ay tinawag ako, "Laila, mag-almusal ka na. May sinangag riyan sa kawali. Ang ulam na itlog at longganisa ay nasa microwave. Mag-gatas ka na lang at wag na magkape."
"Salamat po." Nagbanyo muna ako upang maghilamos at magmumog. Paglabas ko ay kumain lang ako ng kaunti tapos uminom ng gatas. Iyong Anmum. Hindi ko gusto ang lasa, pero kailangang gustuhin dahil baka magtampo si Aling Ason. Ito kasi ang bumili nito kahapon.
Naghuhugas ako ng kinainan ko nang tawagin ako ni Aling Ason. Finally, what I had been waiting for was about to happen. "Sigurado ka ba rito, Laila, ha?"
"Opo." Inutusan ko muna si Bobbie na umakyat sa kuwarto. "Doon ka muna mag-color. Mamaya darating ang mga pinsan mo. Maglalaro kayo." Tumalima naman agad ang bata.
Pagpunta sa sala ay nakaupo na sa sofa ang mag-iinang Lydia, Laura, at Lenlen Punzalan. Nang makita ako ng mga ito ay tila maaamong tupa na nagsitayo, pero ang pagkasabik sa mga mata ay hindi maitatago.
Mula sa hagdan ay bumaba ang isa sa mga kuya ni Asher na si Aram. Dala ng lalaki ang isang envelope na brown na kinalalagyan ng kasulatan at ng perang ibibigay ko.
Inisa-isa na ni Aram ipaliwanag ang nakalagay sa kasulatan sa harapan ng lahat. Magbibigay ako ng thirty thousand pesos, tigsa-sampung libo ang tatlong babae. Panimula nila. Bahala sila kung anong bubuksan nilang negosyo. Basta iyon na ang una't huling tulong ko. Bawal na silang manggulo.
I also added twenty-five thousand pesos; ten thousand for groceries and other necessities, five thousand for the accumulated electricity and water bill, five thousand for their loans, and the remaining ten thousand for the installation of thermal insulation foam on the roof of their house in Bacao. Inirereklamo nila ang init, di ba? Iyon na ang solusyon. Sinobrahan ko talaga para hindi rin nila magalaw pa sa iba ang kanilang negosyong panimula.
Excited na tinanggap naman agad ng mag-iinang Punzalan ang pera na hindi nila alam kung saan talaga galing. Wala silang kamalay-malay na mula iyon sa perang binuraot ko sa vlogger na si Dessy Paredes, na nakakulong na ngayon. Mula ang pera sa kinita nito nang i-feature sila sa vlog noon.
Pagkatapos ay nagkapirmahan na sa harapan nina Aling Ason, Amos, at Mang Jacobo. Naririto rin ang isa sa mga amiga ni Aling Ason na pinapunta nito para dagdag testigo. Nang umalis na ang mga Punzalan ay alam kong malaya na talaga ako sa kanila.
Pagpasok ko sa kuwarto ay aking dinampot ang bagong tablet ni Bobbie na bili ng lolo at lola nito rito. Naroon ang account ng bata kung saan huling nag-video call si Asher noong nakaraang linggo. Hindi kasi siya puwedeng basta tawagan at siya lang ang puwedeng tumawag. May trabaho kasi siya at madalas pa na hindi stable ang signal niya.
Kahit ganoon ay palagi akong nakaabang kung kailan siya mag-o-online. Katulad ngayon. Binuksan ko na naman ang WiFi. Masaya na ako na titigan ang account niya kahit hindi siya online. Pero ganoon na lang ang aking gulat nang pagbukas ko ng WiFi ay meron siyang incoming call!
Nataranta ako at kandadulas-dulas pa ang daliri sa pag-tap ng screen. I immediately accepted the video call even though I wasn't sure about my appearance. Hindi pa ako naliligo at oily pa ang mukha ko pero wala akong pakialam. Bumukas ang aking cam, at sabik naman akong naghintay sa kanya. Subalit nanatiling sarado ang cam niya. Tanging paghinga niya ang lang ang aking nauulinigan.
Ilang segundo pa ang nagdaan bago ko narinig ang buo at maaligasgas na boses niya. [ Kumusta? ]
Naramdam ko ang pagluluha ng aking mga mata. Ang dami kong gustong sabihin. Gusto kong sabihin ang nangyari kanina lang, gusto ko ring ikuwento sa kanya ang mga ginagawa ko araw-araw. Na mabait ako, na dito lang kami ni Bobbie, at higit sa lahat... na miss na miss ko na siya.
Ang kaso, magsasalita pa lang ako nang makarinig ako ng lalaking nagsalita sa ibang lengguwahe. Tinatawag na siya. Nag-panic naman ako. Ngayon na lang siya ulit tumawag. Ngayon ko lang siya makakausap sana nang solo.
Narinig ko ang pagbuga niya ng hangin. [ Tatawag na lang ako ulit. Ingat kayo diyan. Tell Bobbie that I miss her. ] And just like that, wala na si Asher.
Ganoon lang, wala na siya ulit. Ni isa sa mga aking gustong sabihin ay hindi ko nasabi. Hindi niya narinig. And he didn't seem interested in hearing it either. Dahil hindi naman kasi talaga ako ang sadya ng tawag niya, kundi si Bobbie. Mapait akong napangiti.
Yes, I am aware that, despite him still loving me, the man I love also still has a deep hatred for me.
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro