Chapter 56
"THEN GO AHEAD AND TRY MY PATIENCE."
Tinatakot niya ba ako?
Handa na ako na singahalan siya nang bigla ay mahinahon siyang magtanong. Parang hindi nanakot kanina lang. "How was your pregnancy?"
Napausod tuloy ang papatubo ko nang sungay. Napalabi ako. Kalahati ng pagbubuntis ko noon ay nag-o-online job ako, habang nagre-review para sa board. Bakit interesado siyang malaman?
Kalmado pa rin siya sa pagsasalita. "I didn't see any CS scar on you, so it was a normal delivery, right? Pero mahirap pa rin iyon, di ba? At noong malaki na ang tiyan mo, may nakakasama ka ba? May tumutulong ba sa 'yo? May umaasikasaso ba sa 'yo?"
"Si Renren," tamad na sabi ko para matigil na siya sa pagtatanong. "Pumupunta siya sa akin kapag wala siyang pasok." Ganoon ang gawain ni Renren noon. Minsan din ay uma-absent pa ito mapuntahan lang ako. Kapag wala namang pasok ay lumuluwas pa rin ito ng Manila, tumatakas sa mga magulang nito, para makapag-stay lang sa apartment ko.
"I doubt na marunong sa bata iyong pekeng pinsan mong iyon. But, still, I am thankful because she was there."
Hindi na ako kumibo. Hindi ko gusto na pati ang aking dibdib ay nahahawaka na sa kanyang pagiging kalmado.
"Ano palang gusto mong kainin?"
"What?" masungit kong tanong.
"Sabi ko, anong gusto mong kainin? Hindi ka pa kumakain."
"Hindi ako nagugutom. May gabi na hindi talaga ako kumakain as fasting." Totoo naman iyon, pero ngayon ay wala lang talaga akong gana. Gusto ko na lang na umalis na siya para mabalikan ko na si Bobbie sa kuwarto.
"All right." Napatanga ako nang isara niya na ang pinto at ikandado. Pagkuwa'y pinagpagan niya ang sofa gamit ang dinampot na throwpillow.
Napahumindig ako. "What the hell do you think you're doing?!"
Pagkapagpag niya ay pinagpatong niya ang dalawang throwpillow saka balewalang nahiga roon. Nakatingin siya sa akin habang nakahiga. "Ano sa tingin mo? "
"Bakit nakahiga ka riyan?!"
"Obvious ba? Inaantok na ako kaya ako nahiga. Tutal hindi ka na kakain, matutulog na lang ako."
"What?!" Halos tumalsik na ang laway ko sa kanya. "Matutulog ka? Kung inaantok ka, bakit hindi ka pa umuuwi sa inyo?!"
"Saan ako uuwi? My family is here."
"Are you crazy?!"
"Maybe." Humalukipkip siya habang nakahiga sa sofa. "Kakailanganin mo ng maraming lakas bukas, kaya kung ako sa 'yo, balikan mo na sa taas ang anak natin. Pero kung mas gusto mong tabihan ako rito sa sofa, ayos lang din naman. Iyon nga lang, wag kang aasang makakapagpahinga ka pag dito ka."
"Bastard."
"Bad word."
Pumikit na siya.
"Damn you!" Sa gigil ay natadyakan ko ang ilalim ng sofa, saka siya tinalikuran para bumalik sa itaas.
"Goodnight, Lai."
Humihingal ako pagkasara ng pinto ng kuwarto. Asher, that bastard!
HINDI AKO MASYADONG NAKATULOG. Biling-baliktad ako sa higaan at paminsang nakakagat ang aking kuko sa hintuturo. Kung anu-ano ang pumapasok sa isip ko. Ngayong alam na ni Asher ang tungkol kay Bobbie, paano kung agawin niya sa akin ang anak ko? Paano kung para makaganti sa pagtatago ko ay siraan niya ako sa bata?!
Dahil sa kaguluhan ng isip ay ang aga kong nagising. 5:30 a.m. pa lang ay mulat na ako. Hindi muna ako tumayo. Tinitigan ko lang muna si Bobbie habang natutulog ito. Mga lampas isang oras siguro. Nang di ako makatiis ay magaang niyakap ko ito.
Walang pasok ngayon sa playschool si Bobbie dahil Sabado. Hinayaan ko itong matulog pa, pero mayamaya ay alam ko na kusang babangon na ito. Uungot na ito ng dede sa akin.
Quarter to 7:00 p.m. nang tumayo ako. Nakaramdam na kasi ako ng pangangailangang magbanyo. Ipinusod ko ang aking maiksing buhok saka isinuot ang salamin sa mata bago lumabas ng kuwarto. Sa hagdan pa lang ay nakakarinig na ako ng kalansingan mula sa ibaba.
Tumikwas ang nguso ko nang may maamoy na kung anong masarap. Parang pinipritong bawang. Ang bangu-bango. Kumalam tuloy ang tiyan ko. Pagbaba ay sa mesa agad napatingin ang mga mata ko. May nakahain ng almusal!
May isang bandehadong sinangag na puno ng bawang, may plato na may tatlong perfect sunnyside up egg, at isa pang plato na ang laman ay ginisang ginisang corned beef! Meron ding isang balot ng mainit na pandesal at juice sa babasagin kong pitsel!
Lumitaw sa harapan ko si Asher. Nakasuot siya ng apron ko, at may bitbit na plato na may lamang maliliit na pancake with sliced strawberry on top. Inilagay niya iyon sa mesa bago ako nilingon. "Kumain ka na. Hindi ka naghapunan kagabi."
"Gumamit ka na naman ng gasul ko?!"
"Bintangera, wala ka nang gasul."
"Ano?!"
"Ubos na. Hindi mo ba alam?"
Napatingin ako sa LPG na nakalitaw sa ilalim ng counter. Ibang LPG na ang naroon ngayon! Kung ganoon ay nagpa-gas siya ng bago?!
Kagat ko ang ibabang labi nang mapabalik ng tingin sa kanya. Nakataas lang ang isang kilay niya sa akin.
"Kailangan mong kumain. Kailangan mo ng lakas. May bisitang darating."
"Bisita? Walang pupunta ritong bisita dahil wala naman akong iniimbita!"
"Ikaw, wala. Ako, meron."
Napatda ako, pagkuwa'y namilog ang mga mata. "No way."
Ngumisi siya. "Yes way. Pupunta ang nanay at tatay ko mamaya."
Napatakbo ako sa banyo. Umihi, naghilamos, at naghilamos ulit. Pero hindi pa rin ako nagigising. I mean, gising na gising na pala ako. Hindi ito bangungot lang!
Paglabas ko ay pinaghahainan na ako ni Asher ng plato. Akala mo ay close kami nang lingunin ako. "Gusto mong kape?"
Wala sa sarili na tumango naman ako. Ipinagtimpla niya naman ako. Nang nasa harapan ko na ang umuusok na tasa ay napatitig ako roon.
"Don't worry, walang betsin iyan."
Nakatapos na akong kumain, pero wala akong narinig na kahit anong tanong kay Asher tungkol kay Bobbie. Tahimik lang siya. Parang tanga lang dahil iyon nga ang iniiwasan kong mangyari, at dapat magpasalamat ako na siya na mismo ang hindi nagsasalita, pero ako naman ito riyang naiinis, dahil bakit nga wala siyang sinasabi?
Hindi niya ba ako uusisain? Hindi ba siya magagalit sa akin? Itinago ko sa kanya ang bata. Tatlong taon iyon! Wala man lang ba siyang mga tanong?!
Nang makitang tapos na akong kumain ay tumayo na siya. Niligpit niya na ang mga plato na walang laman. Nakatingin lang naman ako habang kumikilos siya. Tinakpan niya ang tirang pagkain at pinunasan ang mesa. Mabilis ang kilos niya, pero sigurado. Parang sa isang maliksing fastfood crew.
Nakahabol pa rin ako ng tingin nang maghugas na siya ng kamay at magpunas. Hindi man sobrang sinop, dahil ang gulo-gulo ng kusina ko, ay at least, kumilos siya. Nagluto siya at naglinis sa paraang alam niya. Malamang na kung sa bahay nila niya ito ginawa ay magpa-litson bigla ang nanay niya sa tuwa.
"Tulog pa ba?"
Napatingin ako sa kanya. Nakatingin siya sa akin. Kahit hindi niya buuhin ang tanong ay alam ko kung sino ang tinutukoy niya.
"Paggising na mayamaya."
"Babalik ka sa itaas?"
"Gusto mong sumama?"
Nakita ko ang pag-alon ng lalamunan niya pero hindi siya makasagot.
Pumunta na ako sa hagdan. "Sumunod ka na lang kung gusto mo. Kung ayaw mo, e di 'wag mo." Pagkatapos ay iniwan ko na siya sa ibaba na tulala.
Umakyat na ako. Pagpasok ko sa kuwarto ay tulog pa rin si Bobbie. Suot ang partnered yellow pajama na may print ng character na si Spongebob habang yakap ang manika nito.
Dahil naiwang bukas ang pinto ng kuwarto ay saglit lang nang may nakatayo na roon. Nang lumingon ako ay hindi siya sa amin nakatingin. Nakahawak siya sa kanyang batok at parang hindi malaman ang gagawin.
Hindi ko siya pinansin. Inasikaso ko si Bobbie. Patay na kasi ang aircon kaya pinapawisan na ito. Nilagyan ko ng sapin ang likod, binuksan ang desk fan na nasa sahig at pinaikot. Sa aking peripheral vision naman ay nakita kong pumasok na si Asher sa kuwarto. Napapahinto siya sa mga nadadaanang gamit sa paligid.
Malapit sa pinto ay naroon ang basket ng mga laruan ng bata. Huminto siya roon at dinampot ang isang block ng lego. Tiningnan na parang ginto iyon na dapat suriin kung tunay o ano. Ibinaba niya at sumunod na hinawakan ang maliit na pink durabox. Ang mahahabang daliri niya ay mahinay na tinulay isa-isa ang mga nakadikit doong stickers.
Wala siyang kibo sa buong sandali. Basta naglalakbay lang ang tingin niya sa paligid, sa mga gamit, pero ni minsan ay hindi siya tumingin dito sa gawi ko. Dito kung nasaan ang bata na may ari ng lahat ng tinitingnan niya at hinahawakan dito sa kuwarto.
Nang makarating siya sa pader na may nakatakip na kurtina ay gusto ko siyang pigilan. Pero hindi rin niya naman agad hinawi ang kurtina, na para bang maski siya ay takot sa kung ano mang puwede niya roong makita. Nakatayo lang siya sa harap niyon. Nakatayo habang nakatalikod sa akin, kaya hindi ko alam kung ano ang kanyang ekspresyon.
Mga ilang minuto nang tumaas ang isang kamay niya. Isang pulgada na lang ang layo ng dulo ng kanyang mga daliri sa kurtina nang huminto siya. Matagal na nasa ere lang ang kamay niya. Nakatingin lang naman ako habang abot-abot ang kabog ng dibdib ko.
Yumuko si Asher. Ilang segundo. Mayamaya ay narinig ko ang pagpapakawala niya ng paghinga, saka tuluyang hinawi ng kanyang mga daliri ang nakatakip na kurtina. Doon ay lumitaw ang pader kung saan makikita ang napakaraming photos ng isang batang babae. Iba-ibang sizes, iba-ibang kuha, iba-ibang pagkakataon.
Nakita ko ang panginginig ng malapad na balikat ni Asher habang nakatalikod sa akin. Nakaharap siya sa pader kung saan naroon ang mga photos mula sa ultrasound ng nasa tiyan ko pa ang bata, nang ipanganak ko na, nang nagsisimula nang lumaki, nang naglalakad na ito, at nang kumakain na. May mga kuha rin kahit simpleng pagdudungis nito, paglalaro, pagtulog, at kahit pag-iyak. Lahat.
Ang mga bagong kuha ay nitong nakalipat na kami, sa unang araw nito sa playschool, sa pangalawa, sa pangatlo. Ang dami-dami pa. Kahit saan siya tumingin sa pader ay ang batang babae ang makikita niya. Ang mga kamay niya na nasa ere ay humawak sa pader, hanggang sa dumausdos iyon dahil bigla na siyang napaluhod sa lapag.
Nakaluhod siya, nakayuko, habang ang mga kamay ay nasa pader. Ang mga balikat niya ay mas lumala ang panginginig. Naririnig ko na rin ang mahihina niyang paghikbi. Ang pagtatagis ng mga ngipin niya. Ang pigil na paghingal.
Hindi ko na kayang tumingin. Ibinaling ko ang nanlalabong mga mata sa natutulog na bata sa foam. Tulog na tulog pa rin. Parang manika na walang malay sa nagaganap sa paligid.
Dumaan yata ang mahigit kalahating oras nang tumayo na si Asher. Tinakpan niya na ulit ng kurtina ang pader. Nakatalikod pa rin siya sa akin nang itaas niya ang laylayan ng suot na shirt para ipunas sa kanyang mukha. Narinig ko rin ang kanyang pagtikhim upang linisin ang kung ano mang bara sa lalamunan niya.
Nang tumingin siya sa akin ay namumula ang dulo ng matangos na ilong niya at basa ang dulo ng mahahaba niyang pilikmata. "Hindi pa ba gigising iyan? Baka malipasan na iyan ng gutom." Ang tono niya ay normal lang kung pakikinggan, pero may kaunting pagkapaos sa mismong boses niya.
Saka naman gumalaw si Bobbie. Nakarinig kasi ng nagsalita. Kumilos, pero hindi dumilat dahil antok pa, pero ang mga kamay ay nagsimulang mangapa. "Mamaaa..." ungot nito. "Mama, milkkk..."
Napaiwas ako sa mga mata ni Asher. Inangat ko si Bobbie sa kandungan ko. Para akong may kalong na big size doll. Itinaas ko ang aking shirt para maibigay na sa manika na ito ang hinihiling. Saglit lang ay sumisipsip na ito sa dulo ng isa kong dibdib.
Pag-angat ko ng mga mata kay Asher ay nakahawak na sa kanyang bibig ang isa sa malaking kamay niya. Naalala niya marahil kahapon kung ano ang lasa ng nasipsip niya.
Naupo siya sa dulo ng foam. May espasyo sa amin. Hindi rin sa amin nakatingin nang mahinang magsalita. "She's only two. Ah, no. Magti-three na. Kailan ang birthday niya?"
"N-next week," nabibikig ang lalamunang sagot ko.
Umigting ang panga niya pero hindi nagsalita.
Nakatulog na ulit si Bobbie. Pagod na pagod talaga kahapon, at nagbabawi ng lakas ngayon. Wala namang pasok kaya hindi ko muna iistorbohin. Inihiga ko na ulit. Dumapa naman ito agad sa foam. Si Asher ay gumapang papunta sa desk fan. Umiikot iyon nang itutok nito sa bata. Hindi naman nakatodo ang lakas kaya hinayaan ko lang.
Tumunog ang doorbell. Sa orasan ay nalaman ko kung sino iyon. Oras na pala ng pagkuha ng mga wala nang laman na galon ng mineral water.
"Bababa ka?" Napamulagat naman si Asher sa akin nang tumayo ako.
"Oo, dito ka muna." Kailangan ko rin kasing magbayad sa utang ko sa tubig, dahil naubusan ako ng barya kahapon. Ayaw ko na marinig niya pa ang tungkol doon.
Para namang biglang nag-panic si Asher sa isiping maiiwan siya rito kasama ang tulog na bata. "Lai, p-paano pag nagising ito?"
"Tapikin mo."
Namutla siya. "A-ano?"
"Kung gusto mo, kantahan mo."
Lalo siyang namutla. "Paano kung maghanap ng dede?"
"Alangang namang padedehin mo, e wala ka namang gatas." Naiirita na ako. "Basta. Pag hinanap ako, sabihin mo na bumaba sandali."
Hindi ko na siya pinagsalita pa. Iniwan ko na siya sa kuwarto na nakanganga.
Mabilisan ko lang inilabas ang mga walang laman na galon ng tubig, saka binayaran iyong taga-deliver. Cash lang kasi ang tinatanggap ng mga ito. Pagkatapos ay isinara ko na agad ang pinto.
Pagharap ko sa hagdan ay sakto na bumaba si Asher. Tatanungin ko pa lang siya kung gising na si Bobbie, nang mapasinghap ako dahil hindi siya nag-iisa. Sa mga braso niya ay karga-karga niya lang naman ang isang batang babae na nakayakap din sa leeg niya. Si Bobbie!
"Nagising na," sabi niya na namumula ang buong mukha. "A-ano, nagpakarga..."
Tumingin naman sa akin ang bata. Gising na nga, gulo-gulo pa ang buhok. "Mamaaa, look! My baby brother is hereee!"
Napangiwi ako. Kinuha ko na si Bobbie kay Asher dahil parang malalagutan na siya ng paghinga sa tensiyon. Hindi rin nakatakas sa akin ang panginginig ng mga kamay niya.
"Bobbie, he's not your brother," sabi ko saba nang nasa akin na ito.
Ngumuso naman si Bobbie. "Buuut, he's drinking Mama's milk, tooo!"
Napaubo si Asher, inirapan ko lang naman siya.
Mayamaya ay nagpaalam na siya. "Aalis muna ako. Pagbalik ko kasama ko na ang nanay at tatay ko."
Napalunok ako.
Nang makaalis na si Asher ay nanghihinang napaupo ako sa sofa. Anong gagawin ko? Tumakas kaya kami ni Bobbie? Pero kapag ginawa ko iyon ay magmumukha lang akong tanga. Isa pa, paano ang mga gamit namin? Hindi ako basta makakaimpake. Hindi rin kami basta-basta makakaalis ng walang plano!
"Mamaaa!" kalabit ni Bobbie sa akin. Tumabi ang bata sa akin sa sofa. "Mamaaa, he's not my brother?!" matatas na tanong nito.
Umiling ako.
"Owkayyy." Humalukipkip ang mabibilog nitong braso. "Buuut that guy has maaany money, so I like himmm!"
Napangiwi ako. "You don't even know him."
"But he has many moneyyy!"
"Still, you just met him."
"He has many moneyyy!"
Nasapo ko na lang ang aking sentido dahil para naka-record na kay Bobbie ang sinasabi nito.
Pinaliguan ko na ang bata. Inayusan. Partnered spaghetti top at bloomer shorts na kulay peach. Bilog na bilog ang mga braso at hita nito. Blinower ko ang buhok para naman maipitan. Pa-bun na ipit lang. Pinulbuhan ko ito pagkatapos at pinabanguhan. Malilito ang titingin dito kung mas tamang sabihing magandang bata ito, o cute.
Naligo na rin ako habang nanonood ito ng TV. Cream pedal shorts at baby tee ang isinuot ko. Hinayaan ko lang na nakalugay ang maiksing buhok. Nagpulbo lang din ako nang kaunti saka isinuot ang salamin sa mata. Pagbaba ko sa hagdan ay sakto na tumunog na ang doorbell sa labas. Sa screen door pa lang ay natanaw ko na ang owner sa tapat.
Si Asher ang nagbukas ng gate. Kasunod niya ang clueless na mga magulang. Si Aling Ason ay naka-white satin dress, rebonded ang maiksing buhok, microbladed ang mga kilay, may malaking gintong hikaw, at may hawak-hawak na pamaypay. Donyang-donya. Parang mananampal ng pera. Iyon nga lang ay naka-pink Nike sneakers sa paahan.
Si Mang Jacobo naman ay naka-Lacoste na white poloshirt. Matchy-matchy sa asawa. May suot na relong ginto. Guwapo, matikas, at ang laking lalaki. Dito nagmana ng pagiging kapre ang mga barakong Prudente.
Nagsasalita pa si Aling Ason. "Kanino bang bahay ito, bunso? Bakit mo kami dinala rito? 'Sabi mo ay ihahatid mo kami sa apo namin? E, hindi naman ito kina Judy?!"
Walang kibo si Asher na dumeretso lang papasok sa gate. Panay pa rin ang salita ng nanay niya, habang ang tatay niya ay palinga-linga lang sa paligid.
Nang makita ako ni Aling Ason ay nagsalubong ang bagong microbladed eyebrows nito. "Laila? Ikaw ba iyan? Aba, ang kinis mo ngayon, ah!"
"G-good afternoon po." Makinis talaga ako dahil kagagaling lang ng two pieces kong pimple sa noo. Ibinabad ko sa dahon ng tanim kong aloe vera kahapon.
Pumasok na sila sa loob dahil maambon-ambon. May pagtataka pa rin sa mga mukha ng mag-asawang Prudente kung bakit naririto sila, pero ang pagtatakang iyon ay nauwi sa pamumutla nang mapatingin sa batang babae na nakatingala ngayon sa kanila. Parang may dumaan na anghel dahil nanahimik ang buong sala.
Si Asher ang bumasag sa katahimikan. "'Nay, 'Tay, apo niyo."
Biglang napaluhod si Aling Ason sa sahig ng sala, habang tigagal sa batang ipinakilalang apo nito. Si Mang Jacobo naman ay hindi malaman kung sino ang unang lalapitan, kung ang asawa ba na nakaluhod sa sahig, o ang bago nitong apo.
Napagapang na si Aling Ason patungo sa sofa. Tiningnan lahat ng anggulo ng bata, ang buhok, at pati ang suot na damit ay i-ch-in-eck. Parang nagtitingin lang ng bibilhing manika sa loob ng toy store.
Si Bobbie ay nakamasid lang. Nag-aalala ako na baka ma-shock ito, pero bigla itong bumungisngis, sabay lahad ng maliit na palad sa harapan ng lola. "Hewow! Do youw have moneyyy?"
"Walang duda, apo mo nga iyan, Ason!" naluluhang palatak naman ni Mang Jacobo.
Hindi naman na bumilang ang minuto nang biglang yapusin ni Aling Ason ang bata. "Apo! May apo akong babae! May apo na ako sa bunso ko! Bakit ngayon ka lang nagpakita? Nasaan ka noon? Bakit ngayon ka lang lumitaw?!" Napahagulhol na ang ginang. "Apo kooo!!!"
Maging si Mang Jacobo ay lumapit na sa asawa at kay Bobbie.
"Jacobo, tingnan mo! Apo natin ito! Kamukhang-kamukha ni bunso! Tingnan mo, apo natin ito! Ang ganda-ganda ng apo natin!"
"Oo, apo natin," naiiyak din na sagot naman ni Mang Jacobo. Nakihalik na ito sa ulo ng batang babae. Nasa mga mata ng mag-asawa ang tuwa at luha habang tinititigan ang bagong kilalang apo.
Napaiwas ako ng tingin sa lahat ng iyon. Hindi kinakaya ng puso ko na tingnan pa sila. Sa pag-iwas ko ay kay Asher tumama ang aking mga mata. Sa akin siya nakatingin. Sa buong sandali ay sa reaksyon ko pala siya nakabantay at hindi sa mga magulang niya.
"Gusto mong lumabas?" yaya niya sa akin.
Sinulyapan ko si Bobbie dahil nag-aalala ako rito kung iiwan ko, pero nawala rin ang aking pag-aalala, dahil ngising-ngisi ang bubwit habang karga na ngayon ng lolo nito, at sa munting mga kamay nito ay may hawak na mga papel na tag-iisang libo.
Hindi na hinintay ni Asher ang sagot ko. Hinila niya na ako sa pulso. Lumabas kami ng bahay.
Paglabas ng gate ay biglang umambon kaya sumakay kami sa owner jeep na dala nila. Ako ang sa passenger seat at siya sa may driver's. Wala kaming kibuan.
"Ngayong nalaman na nila ang tungkol sa apo nila, hindi na mapipigil ang mga iyan," basag niya sa katahimikan.
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Ang sabi ko ay sapat na ako kay Bobbie, pero nang makita ko ang reaksyon ng mga magulang ni Asher kanina pagkakita sa bata, ay parang may kung anong pumitik mula sa dibdib ko.
Iyong luha at tuwa na makita nina Jacobo at Ason Prudente si Bobbie, iyong agad na pagtanggap, iyong biglang buhos ng pagmamahal, lahat iyon ay nakakagulat. It gave me a strange feeling, because I had never seen anything like it before.
"Lai, malapit na akong sumampa ulit ng barko," sabi niya mayamaya sa boses na mahina. "And, before I depart, I'm hoping to spend time with our child."
Nang tumila ang ambon ay lumabas ako ng owner. Sumunod na bumaba naman si Asher. Pero bago siya sumunod sa akin ay may kinuha siya sa likuran ng sasakyan. Nangunot ang noo ko nang makitang ang bitbit niyang itim na duffle bag.
"A-ano iyan?" kabado kong tanong.
"Mga gamit ko," balewalang sagot naman niya. "Dito muna ako titira. Don't worry, hindi ako magpapabigat sa 'yo. Bukod sa masipag ako at may kusa, mag-aambag din ako sa gastusin at magbabayad sa 'yo ng upa."
Bago siya tuluyang pumasok sa gate ay nilingon niya pa ulit ako.
"Oh, there is a way that you can try to get rid of me. Iyon ay kung ipapa-baranggay mo ako. Pero pangungunahan na kita bago ka magpagod, suki ako ng baranggay noon at hindi ako takot sa mga tanod."
Nakatanga pa rin ako sa kinatatayuan kahit nakapasok na si Asher sa loob!
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro