Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 34

ANO ANG GINAGAWA NI ASHER JAMES PRUDENTE RITO SA BAHAY NAMIN?!


Nataranta ako nang maalala ang ayos ko. Hindi ko alam ang uunahin, kung mag-aalis ba muna ako ng muta, kung kakapain ba ang aking pisngi kung may panis na laway ako, susuklayin ba ang parang sinabunutan sa gulo kong buhok, o yayakapin ang aking dibdib dahil manipis na shirt lang ang suot ko at wala akong bra! Alin nga ba?!


Tinakpan ko ang aking mukha. Iyon ang una kong ginawa. Shoot!


Siguro mga ilang minuto. Two? Three? Wala akong naririnig na kahit ano. Nagbilang ako ng up to ten. Wala pa rin. Ibinuka ko nang bahagya ang dalawang daliri ko para silipin si Asher. 


Nandiyan pa ba siya? Pagsilip ko, nasa harap ko pa rin siya! Inayos ko ulit ang mga daliri ko para hindi siya makita!


Ayan, baka napahiya na siya? Baka hindi na nakatingin? Sumilip ulit ako. Buka ulit ng mga daliri. Pero nandoon pa rin! Inayos ko ulit ang mga daliri ko at nagbilang ulit sa isip ng up to ten. Tapos sumilip ulit ako. Pero nandoon pa rin siya! And this time ay nakasimangot na siya habang nakatingin sa akin!


"Anong ginagawa mo?" Ang tanong niya na bagaman flat ang tono ay kakakapaan ng iritasyon.


Inalis ko na ang aking kamay na nakatakip sa aking mukha. "Ikaw, anong ginagawa mo rito?" pilit na kaswal na aking tanong kahit ang totoo ay gusto ko nang magpalamon sa lupa. I mean, sa tiles pala. Naka-tiles ang floor namin.


Bakit ba kasi siya nandito? Wala siyang pasabi. Saka, wala ba siyang ibang ginagawa? Hindi ba siya busy? Galing lang siya rito kagabi, ah?


Nakasimangot pa rin siya, pero nang bumaba ang tingin sa katawan ko ay agad niyang ibinato sa iba ang paningin niya. Bahagya siyang umubo. "Nag-chat sa akin ang mama mo."


Si Mama? Ano na naman? Nang maalala si Mama ay agad itong hinanap ng mga mata ko. Wala ito.


"Nasa likod niya. May kukunin daw siya."


"Kailan pa?" nag-aalalang tanong ko. "I mean, ilang minuto na?!"


Parang doon lang din na-realize ni Asher kung ilang minuto nang wala si Mama. Nabura ang pagkakasimangot niya. "I think more than ten minutes na."


"Shoot!" Napatakbo ako sa likod bahay. Napakaliit lang ng likod namin. Ekstrang lupa lang iyon.


Nakita ko si Mama agad. Nakatayo ito sa tapat ng sakong basurahan na naroon. Wala itong kakilos-kilos. Nilapitan ko ito agad at iniharap sa akin. Doon lang ito nagising sa tila pagkakahimbing.


"Lai, anak." Tinitigan ako nito. "Ang gulo ng buhok mo. Kagigising mo lang ba?"


"Opo, Ma. Bakit po kayo nandito? Nagtapon po kayo ng basura? Di ba sabi ko po, ako na ang magtatapon."


Ang mga mata ni Mama ay sa magulo ko pa ring buhok nakatuon. Tila gusto akong haplusin sa buhok ko pero may kung anong dahilan kaya hindi nito magawa.


Yumuko na ako at ako na ang nagdala ng kamay ni Mama sa buhok ko. "Ma, pakihaplos po ang buhok ko kasi magulo."


Doon lang ako nagawang haplusin ni Mama. Nakangiti na. "Ganito nga ang gagawin ko, hahaplusin ka sa buhok mo. Ewan ko ba, bakit hindi ko magawa kanina. Para bang nakalimutan ko kung paano."


Pilit na ang ngiti ko nang tumingala rito. "Okay lang po, Ma. Alam ko naman po ang gusto niyo. Ako na lang po ang tutulong sa inyo sa tuwing nahihirapan kayo."


Pumasok na kami sa bahay. Doon lang din naalala ni Mama na nasa amin si Asher. Ang saya na naman ni Mama. Tuwang-tuwa talaga ito na naririto sa amin ang lalaki. Siguro kasi walang ibang kakilala si Mama. Bukod kay Tita Judy, si Asher lang talaga ang naaalala nito rito sa Cavite.


Dahil busy sila sa pagkukuwentuhan ay nagkaroon ako ng pagkakataon na umakyat ulit sa kuwarto. Nag-ayos ako ng sarili at nagbihis ng matinong damit bago bumaba. Loose shirt na yellow at pedal pants. Ang buhok ko ay akin naman itinaas pa-bun.


Sa pagbaba ay nakatingin na si Asher sa akin sa hagdan pa lang. Parang gusto ko tuloy ulit umakyat pabalik subalit nagpigil ako. Sinikap ko na maging kaswal, dahil kaswal lang din naman ang pagkakatingin niya sa akin. Nagbawi rin siya agad. Ni hindi nga niya pinaabot ng isang minuto ang pagtingin sa akin.


Dumating si Ate Tentay, ang kinuha kong kasama namin ni Mama rito sa bahay. Ito rin ang magiging katuwang ko sa pag-aalala at pagbabantay kay Mama. Isinama na nito si Mama sa itaas para mapagpahinga.


Nang maiwan kami ni Asher sa sala ay para kaming na-teleport sa sementeryo sa sobrang tahimik namin pareho.


"Kumusta?" tanong ko na kaswal sa kanya. Ako na ang nauna dahil siya ang bisita. Siya ang inabala ni Mama para papuntahin dito sa amin.


Kaswal din siyang sumagot. "Good. You?"


"Okay lang din." Ang pangit kong ang titipid ng salitaan, kaya ako na rin ang nagpahaba. Para bago ko man lang siya pauwiin ay wala siyang masabi sa akin. "Si Mama naman, under medication. Ngayon may kinuha na ako sa kanya na kasama rito sa bahay. Just in case ano ang mangyari."


"Isn't her condition getting better?"


Malungkot ako na umiling. Sinabi ko ang ilang napapansing paglala ng kondisyon ni Mama. Ang bigat sa pakiramdam at mukhang napansin niya rin iyon, kaya iniba na namin ang paksa.


"Seaman ka na pala," sabi ko sa pinasiglang tono. 


"Yeah. Sinuwerte lang maka-iskor ng magandang kompanya."


"Suwerte? I don't think so." Ayon sa nalaman ko, hindi siya nagpa-backer kahit parehong may katungkulan na ang tatay at tiyuhin niya. "I am sure you worked hard to get to where you are now."


"The market of seafarers is oversaturated. And it isn't helpful that some shady institutions produced thousands of graduates while being under-equipped and understaffed. Many students had suffered and studied on their own, yet many were unable to land a job right once after graduation."


Ganoon nga raw kahirap ang pagmamarino ngayon. Na-hype kasi na malaki ang sahod, ang dami tuloy sumusubok. Totoo na may malaki nga ang sahod pero malaki rin ang ipupuhunan mo kahit graduate ka na. May training pa, medicals, rent, kasama pa pati oras at lakas.


"So luck is possible." Tumitig si Asher sa mga mata ko. "Kahit anong talino, sikap, at tiyaga, kung wala lang suwerte, wala rin."


Napalunok ako. "Uhm, but good thing kasi lahat meron ka. Matalino, masikap, matiyaga. Kaya bonus mo ay sinuwerte ka."


Tumaas ang gilid ng bibig niya pero wala na siyang sinabi.


Nag-beep ang phone ko. Hindi ko pinansin lalo nang makitang nakatingin pa rin si Asher sa akin.


Ibinulsa ko ang phone dahil akala ko ay wala nang kasunod na beep. Iyon nga lang, matapos ang ilang minuto ay nag-ring na ang phone ko. Tumatawag na ang nagpadala ng text message. Napapiksi na lang ako dahil sa sunod-sunod na ring nito.


"Why don't you answer it?"


Napatingala ako kay Asher na ngayon ay nakatayo na. Blangko ulit ang emosyon sa mga mata niya.


"Una na ako. Pakisabi na lang sa mama mo." Hindi na niya ako hinintay na makapagsalita. Tumalikod na siya.


Nakanganga na lang ako nang lumabas na si Asher ng pinto. Napakurap-kurap ako nang mahimasmasan. Bakit parang nanghihinayang ako? Ano ba ang dapat kong ginawa? Pigilan siya? At ano ba ang inaasahan kong mangyari? Magpapapigil siya?


Reality check: Iyong lalaking lumabas ng pinto ay hindi na iyong maligalig na high school boy noon. He was now a man. A man na nakalunok yata ng English dictionary, minsan na lang mag-Tagalog, e.


Basta, ibang tao na. Ibang tao na siya. Ibang tao na rin ako. Marami nang nagbago.


Ipinilig ko ang aking ulo. Asher went here because of Mama. Iyon na iyon. Wala sa loob na tiningnan ko na lang kung sino ba ang maligalig na nag-text at tumatawag sa akin. Nabasa ko ang naka-saved na pangalan: Israel. Sukat ay napabuga na lang ako ng hangin.



NAGMAMADALI AKONG UMUWI KAY MAMA.


Kaka-out ko lang nang makatanggap ng text kay Ate Tentay, hindi pala ito natuloy makabalik kanina sa bahay. Nagpaalam kasi itong kasambahay namin noong nakaraan. Nagkaroon daw ng sunog sa lugar nito sa may Cavite City, kailangan nitong umuwi. Akala ko ay matutuloy itong bumalik kanina pero may panibago raw emergency.


Pangalawang araw na ngayong walang kasama si Mama ngayon sa bahay kapag nasa trabaho ako. Pagbaba sa multicab ay lakad-takbo na ang ginawa ko papasok ng subdivision namin. Kabado talaga ako kapag nag-iisa lang si Mama sa bahay. Habang tumatagal kasi ay tila mas lumalala na ang kondisyon nito.


Ayaw ko na talaga na mag-isa si Mama. Sumubok ako na magpaalam sa boss ko na mag-leave pero hindi na-approve. Ayaw ko namang magpumilit dahil mas importante sa amin ni Mama na meron akong trabaho kaysa wala. Nakasalalay sa suweldo ko ang lahat ng panggastos namin.


Binundol agad ako ng kaba nang makitang patay ang ilaw sa sala kahit na madilim na. Binuksan ko agad ang gate at saka ako pumasok sa loob. "Ma? Ma?!" Walang sumasagot.


Nanginginig pa ang mga kamay ko sa pagsuksok ng susi sa pinto. Pagbukas na pagbukas ay binuksan ko agad ang ilaw at hinagilap ko agad si Mama. Wala ito sa sala. Parang magigiba na ang dibdib ko sa kaba. Gusto ko nang maiyak sa pag-aalala. Nasaan ito? Napapiksi ako nang makarinig nang ungol mula sa itaas ng bahay. 


"Ma!" Kandadulas-dulas ako sa pag-akyat. Ungol ni Mama ang naririnig ko. Pabalandra kong itinulak ang pinto ng kuwarto at doon ko natagpuan si Mama. Pagbukas ko ng ilaw ay aking nakita ang babae na nakatalungko sa kutson nito.


Tumingala sa akin si Mama. Namumula ang mga mata na puno ng luha nang mahinang magsalita. "Laila, napakaperpekto ng pamilya natin, di ba? Sa kabila ng lahat, naniwala ako na okay tayo. Pero bakit kasinungalingan lang pala ang lahat ng pinaniwalaan ko?!"


Napaluhod ako sa harapan ni Mama. "Ma, nandito po ako. Ma, okay tayong dalawa. Iyon ang mahalaga. Di ba, Ma?"


"Pero, Lai, naniwala ako na totoong masayang pamilya tayo. Naniwala ako na kahit anong sabihin ng iba, mananatili tayong masaya. Pero hindi pala... Hindi pala kasi kulang ako..." Napahagulhol na si Mama. "Lai, hindi ako buo...!"


"Ma, hindi po totoo iyan. Sa akin ka maniwala, hindi sa kanila. Walang kulang sa 'yo. Wala, Ma." Naiiyak na rin ako dahil bumabalik din sa akin ang mga alaala. "Walang mali sa atin. Sila ang may mali...!"


Sa pag-iyak ay inuubo na si Mama. Sa umpisa ay kaunting ubo lang, hanggang sa lumalala na. Nakahawak na ang kamay ni Mama sa dibdib at hindi na makahinga. Ang pag-ubo ay may kasama ng pagduwal ng malapot na plema.


Nayakap ko na si Mama para masahod ng tuwalya ang plema nito, at doon ko natuklasan na sobrang init pala nito. "Ma, inaapoy kayo ng lagnat!"


Naninirik na ang mga mata ni Mama at parang hindi na niya talaga magawang maayos na huminga. Napatayo na ako para maghanap ng gamot. Ubos na ang antibiotics niya sa cabinet. Nagpa-panic na rin ako kaya hindi na ako makaisip kung ano ang gagawin. Paano ko dadalhin si Mama sa opistal? 


Sumubok ako na mag-book ng Grab pero walang tumatanggap. Hindi ko naman siya puwedeng iwan kahit saglit para lang mag-abang ng tricycle sa labasan. Sumilip ako sa bintana, wala ring nagdaraan. Ang pinakamalapit naming kapitbahay ay walang tao at hindi pa rin oras ng roving guards dahil maaga pa. 


Natataranta na ako dahil hindi uso ang 911 dito, unattended naman ang number ni Tita Judy. Nasa outing ito kasama ang partner nito at kambal na anak, kaya siguro hindi ko ma-contact. Wala rin akong number ng kahit sino na tagarito, dahil wala naman akong kaibigan. Si Renren sana kaya lang ay nasa SG ngayon ito.


Tulirong-tuliro na ako kung sino ang hihingian ko ng tulong ng isang contact ang aking naalala. Wala na akong naiisip pang iba. Sukat ay nagbukas agad ako ng social media. Nanginginig pa ang mga daliri ko sa pagtitipa. Bahala na. Bahala na.


Me: Are you busy? I'm sorry but Mama needs help. Ambulance or kahit tricycle lang dito sa place namin para madala ko siya sa ospital.


Nag-tap send ako habang nakapikit ang aking mga mata. Bahala na kung mababasa niya.


Pagka-send ay nag-isip pa ako ng ibang paraan. Hindi naman kasi sigurado kung mababasa nga niya o kung tutulong ba siya. Puwede ring matalagan pa kung magpapahanap siya ng ambulance dahil ibang baranggay ang lugar niya. Hindi ako puwedeng maghintay sa wala.


Iniwan ko saglit si Mama para lumabas ng pinto at magsisisigaw ng tulong. May isang kapitbahay ako na lumabas at nagsabi na tatawag daw ito sa ospital, pero sumubok pa rin ako sa iba habang naghihintay. Nag-join na ako sa group ng baranggay namin, nag-message sa kung sino-sino, kahit sa di ko kakilala.


Basang-basa na ako ng luha at pawis sa maya't mayang pagtayo para mag-akyat panaog at maglabas-masok sa bahay namin. Sa sampung minuto na nagdaan ay ginawa ko na lahat ng first aid kay Mama pero wala pa rin. Hindi pa rin okay si Mama at wala pa ring tulong na dumarating. Please, please, I need help! 


Para na akong masisiraan ng ulo. Bahala na kahit mabigat si Mama at hindi ko alam kung papaano ko ito maibababa sa hagdan, pero dadalhin ko na ito sa labas. Akma ko na itong hihilahin nang bumukas ang pinto ng kuwarto. Gulat na napatingala ako sa lalaking humahangos na dumating. Napanganga ako nang makilala siya. "Asher..."


Plain white t-shirt at navy blue sweat pants ang suot niya. Humihingal siya na dahil sa pagmamadali, ang ekspresyon niya na huli kong nakitang malamig ay ngayo'y kababakasan ng pag-aalala. "What happened?"


"S-si Mama... Si Mama, hindi makahinga... Inuubo si Mama..." Hindi ako magkandatuto sa pagsasalita. "Ospital... D-dalhin sa ospital..."


Hindi na naghintay pa si Asher. He immediately carried Mama on his back. Napatayo na rin ako pero wala pa rin sa huwisyo. Walang hirap naman na naibaba ni Asher si Mama sa hagdan habang pasan-pasan niya ito. Sa labas namin ay naroon naghihintay ang owner jeep na dala niya.


Nagmamadali akong nag-lock ng mga pinto. Sa likod kami ng owner ni Mama sumakay. Pinaandar na agad ni Asher ang makina pagsakay niya. Mabilis siya magmaneho pero mararamdaman ang pag-iingat. Kapag nata-traffic kami ay hindi naman siya nag-aalangan na bumusina nang matindi.


Asher drove us to the nearest private hospital. Mama had been finally put on a ventilator and given antibiotics. Naging okay na ito. Ang sabi ng doktor ay mabuti raw at naagapan. Isasailalim ito sa X-ray at iba pang test mamaya.


Ilang minuto na kami rito sa ospital ay saka pa lang ako na-accept sa group ng baranggay na sinalihan ko. Saka lang din nagsipag-reply ang mga hiningan ko kanina ng tulong. Maging ang ambulansiya na padala ng ospital na tinawagan ng kapitbahay ay ngayon pa lang din daw papunta. Sinabihan ko na lang ang mga ito na okay na.



ASPIRATION PNEUMONIA. Lung infection. That was the result of Mama's test according to her doctor. It could be treated with appropriate medications, but if left untreated, complications could be severe, or even fatal.


Nagbukas na ako hg humidifier para mapataas ang moisture ng hangin sa kuwarto. Naiuwi na si Mama ngayon lang, at hindi ako ngayong araw nakapasok sa trabaho. Hindi na ako nakapagpaalam, ni hindi pa nga ako nakakaligo o nakakakain man lang.


Nang matiyak na okay na si Mama ay bumaba ako sa sala. Naroon si Asher. Nakaupo siya sa sofa. Nakasandal sa sandalan, nakatingala, at nakapikit ang mga mata. Hindi ko alam kung tulog ba. Kung puyat ako sa nagdaang magdamag ay mas puyat siya. Hindi niya kami iniwan ni Mama sa ospital hanggang umaga.


Siya ang bumibili kapag may kailangan o pinapabili ang doktor, katulad ng mga reseta para kay Mama. Pulang-pula na nga ang mga mata niya, pero bumalik pa siya sa kanila sa Buenavista dahil nasa kanya ang owner nila. Hinatid niya ang kuya niya sa trabaho at umuwi ulit sa kanila. Naligo lang siya at bumalik din agad sa amin sa ospital. Ngayon nga ay siya rin ang naghatid sa amin ni Mama pauwi sa bahay.


Tumikhim ako upang kunin ang atensyon niya. Dumilat siya at tumingin sa akin. Nakapikit lang pala siya at hindi naman natutulog. Walang emosyon ang mga mata niya habang nakatuon lang sa akin.


"Uhm, okay na si Mama..." maliit ang boses na sabi ko. Ngayon ko lang siya nakausap mula kagabi. Magdamag kasi akong natataranta at nag-aalala para kay Mama kaya hindi ko siya maharap.


"That's good to hear." Tumayo na siya mula sa pagkakaupo. "Aalis na ako."


"Ha?" Napatitig ako sa kanya. Mukhang pagod na pagod na nga siya. Aalukin ko pa sana siya kahit kape man lang, pero mukhang tulog na talaga ang kailangan niya.


Hinatid ko na lang siya hanggang sa may pinto. Bago siya sumakay ng owner niya ay lakas-loob na tinawag ko siya. Nang lumingon siya ay parang nalunok ko ang aking dila dahil hindi agad ako makapagsalita. Nakatingin lang naman siya. Tingin na nakakapanghina.


Sinikap kong ngumiti. "Uhm, g-gusto ko lang magpasalamat."


Tumaas sa akin ang isang kilay niya, pero hindi ako nagpatinag sa pagngiti. Sa kabila ng lahat, dumating siya kagabi at hindi kami iniwan sa magdamag. I appreciated it. So much. 


Nagpatuloy ako. "S-salamat kasi pumunta ka kagabi. I'm sure you were busy when I messaged you last night, yet you decided to come here. For that, thank you."


Asher nodded without changing his formal expression. And his next words caused my forced smile to disappear. "Don't mention it. Besides, para naman iyon sa mama mo. Hindi para sa 'yo." Pagkuwan ay tumalikod na siya at sumakay na sa owner na naghihintay sa kanya sa kalsada. 


jfstories

#CrazyStrangerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro