Chapter 32
PAPUNTAHIN MO ANG BOYFRIEND MO RITO.
Paano ko iyon gagawin? Paano? Wala naman akong boyfriend. At ang tinutukoy ni Mama na boyfriend ay isang tao na hindi na nag-e-exist sa buhay namin pareho. Isang tao na parte na lang ng nakaraan ko. Taong malamang na kinalimutan na ako.
At bakit ko gagawin? Syempre, gagawin ko para kay Mama. Dahil hiling nito. Pero hindi ko nga magagawa. Unang-una, wala na nga kami ng taong iyon. May iba na rin ito. Kaya bakit pa ako manggugulo? Ginulo ko na ito noon, hindi ko na ito guguluhin pa ulit ngayon. At ni hindi nga ako sigurado kung kilala pa nga ba ako nito.
Sumilip na naman si Mama sa pinto ng kuwarto ko. Nagbibihis na ako papasok sa opisina. "Laila, 'wag mong kalilimutan si Tutoy, ha?"
Nawala ang ngiti ni Mama nang makita ang suot ko. Naka-itim ako na slacks pants, white polo, at sa paahan ay manipis na medyas na itim din. Doon natuon nang matagal ang paningin niya. "O bakit ka naka-itim na medyas? Di ba ang kapareho ng itim na sapatos ay medya na puti dapat?"
Sa school, oo. Pero sa opisina ay hindi.
Humalukipkip si Mama. "Palagi kang naka-complete uniform. Mula elementary ka ay itsrikta ka na sa itsura mo kapag papasok ka. Kahit pa sa simpleng medyas lang, gusto mo ay puti talaga. Kaya bakit ngayon ay nagiging pabaya ka na yata? At bakit imbes na nakasalamin ay naka-contact lens ka?"
"Ma, papasok po ako sa trabaho," malumanay na sabi ko. "Unang araw ko po. Mag-oopisina na po ako. Di ba po?"
Kumurap-kurap si Mama. "May dula-dulaan ba kayo sa school? Iyan ba ang role mo? Aba't bagay sa 'yo, anak. Bagay sa 'yo talaga na mag-opisina. Matalino ka kasing bata. Hindi ka nagmana sa akin. Ako kasi, mahina ako sa klase noong nag-aaral ako."
"Ma, sa 'yo ko naman po namana ang tapang ko. Sa 'yo ko namana ang unahin ang pamilya kaysa sa iba. Sorry Ma, kung naligaw ako sandali. Sorry kung nasaktan muna kita noon bago ko na-realize ang aking pagkakamali."
Ngumiti si Mama. "Laila, matalino ka man, pero bata ka pa rin noon. Nineteen ka pa lang noon o twenty. At hindi naman lahat ng matalino sa ekswela, ay hindi na nagkakamali sa pagdedesisyon. At tao ka lang, nagiging sarado ang isipan kapag nasasaktan. Normal lang na masaktan ka, magtampo ka, at maguluhan ka, dahil sa pakiramdam mong wala kang pagkakakilanlan."
"Anak." Lumapit si Mama sa akin at tinulungan ako sa pagbutones ng suot kong polo. "Ang importante ngayon ay alam ko na hindi mo na ako sasaktan. Kaya hindi mo na ako iiwan, di ba? Hindi mo na ako iiwan para sa kanila, di ba? Sa akin ka na lang, di ba?"
Napahikbi ang mga labi ko.
"Anak, napatawad mo na ako sa paglilihim ko sa 'yo, napatawad mo na rin ako dahil nagkulang ako sa pagpapaunawa sa 'yo na hindi ka panakip-butas lang, at napatawad mo na rin ako kahit pa inisip ko dati na iiwan mo rin ako. Okay na tayo ngayong mag-ina. Wala na tayong lihiman sa isa't isa at iyon ang mahalaga."
Tumango ako. "Opo, Ma..."
"Kinalimutan ko na rin ang anak ko na namatay. Ikaw na lang ang anak ko. Kaya sana wala na rin akong kahati pa sa 'yo. Sana hindi ka na rin talaga bumalik pa sa kanila o makikipagkita man lang. Ibaon mo na sila sa limot, dahil ako naman talaga ang dapat na tunay mong magulang."
Matapos punasan ang mga luha ko ay lumabas na si Mama ng aking kuwarto. At bago niya isara ang pinto ay nginitian niya pa muna ulit ako. Nang bumaba na ako ay nadatnan ko siya na nakatitig sa photo frame sa dingding. Photo ko noong aking elementary graduation. Iyon ang naroon dahil ayaw ni Mama noong high school at college graduate ko. Hindi niya raw kasi iyon maalala.
Hinahaplos ni Mama ang frame habang ngingiti-ngiti siya. "Dalaga na talaga ang unica hija ko. May boyfriend na. Nakakatuwa pa kasi dinala niya rito sa akin ang boyfriend niya. Ganoon naman kasi talaga kapag iginagalang ka ng anak mo, hindi siya maglilihim sa 'yo."
"Ma, kain na po," malambing na tawag ko sa pansin niya. "Gusto ko na pong matikman ang masarap na almusal na ihinanda niyo."
Pagkaayos ko ng sarili, pagkakain ng hinanda ni Mamang almusal, at pagtulong sa kanya sa pagliligpit ng mesa ay nagpaalam na ako. Paalis na ako nang sundan niya ako sa pinto.
"Laila, si Tutoy, ha? 'Wag mong kalilimutang papuntahin dito mamaya. Nami-miss ko na ang batang iyon. Syempre, ka-close ko na yata ang boyfriend ng anak ko."
Ngiti na lang ang naisagot ko kay Mama sa hiling niya.
Sa Tejero ay ang aga ng traffic. Sa pagkabagot ay binuksan ko na lang muna ang aking cell phone. May load na naman ako mula kay Renren. Registered na agad sa all data iyon. Malamang na may selfie na naman kasi itong ipinadala sa akin.
Pagbukas ko ng chat ay meron nga. Bagong gising ito pero nananapak ang fake eyelashes. Ang kasamang message: Sissum! Look at me! I'm so pretty! I'm so pretty, right? Yes? Yes! OMG! Thank you, Sissum! I love you and I miss you!
May sumunod pa itong messages.
Ren: Sissum, I'm sending you two photos! Can you check who is more bagay for Renren?!
May dalawang photo ngang ipinadala si Renren. Dalawang guwapong lalaki. Kaklase nito dati ang isa habang ang isa ay nakasama sa OJT. Dahil sa pangungulit ni Renren kung sino raw ang mas gusto ko, ay basta na nga lang akong namili sa mga pinapapipili nito sa akin.
Ren: OMG! So you like Coby for me? Got it! From now on, Coby is my BF! Sasagutin ko na siya! Thank you, Sissum, for taking care of Renren! My sissum is the best!
What? Kulang na lang ay magbuhol ang mga kilay ko. Dahil lang iyon ang pinili ko ay iyon na rin ang sasagutin ni Renren? Iyong totoo? In six years ba na nawala ako ay mas lumala ang tagas nito sa ulo?
Umalis na ako sa chat namin ni Renren. Dahil traffic pa ay hindi muna ako nagpatay ng data. Bumalik sa isip ko ang hiling ni Mama. Tiyak na katulad noong nakaraang mga araw ay kukulitin na naman ako nito kung kailan ko papupuntahin ang taong iyon.
Ano ba ang gagawin ko? Kahit anong paliwanag ang gawin ko kay Mama ay sarado ang isip nito. Katulad kahapon, nagluto pa talaga ito ng meryenda. Hanggang gabi ito naghintay. Pero ni anino ng taong hinihintay nito ay hindi nagpakita.
Sa totoo lang ay naaawa na ako kay Mama, pero ano nga ba ang dapat gawin? Dahil nasa social media na rin ako kaya naglakas na ako ng loob. Titingnan ko lang naman. Hinanap ko ang account niya at natagpuan ko iyon agad.
Ang pangalan ay buong-buo kaya nga madali kong nahanap. Para bang binibigyan niya ng pabor ang lahat ng taong gusto siyang hanapin. Iyon bang ayaw niya nang pahirapan pa kung meron mang maghahanap sa kanya.
Nag-tap ako sa account. Naka-private.
Maliban sa profile photo niya na nakatalikod habang nakaharap sa malawak na karagatan ay wala ng ibang makikita pa. Wala siya kahit cover photo. Sa about naman, maliban sa status na single ay wala na ring ibang mapapala pa.
Hindi ka makakapag-stalk dahil nga sa pribado ang profile. Meaning: You only had two options if you wanted to know more about this person. Add him or send him a direct message.
But, wait! Single? Napabalik ang tingin ko sa status niya. Single siya? Single ba talaga siya?
O baka nakalimutan niya lang baguhin ang status niya? Pero sa pagkakatanda ko ay hindi siya ganoon. Kahit noong hindi pa kami, thrice a month yata siyang magpalit ng status. From single to in a relationship, to single again, and back to in a relationship. Hindi siya nakakalimot magpalit.
Noong maging kami lang naging consistent in relationship siya ng isang taon. At noong maghiwalay na kami at i-unfriend ko na siya, bago pa ako mag-deactivate ay aking nakita pa na nag-change na siya to single status. Nag-black pa nga siya ng profile photo pagkatapos.
Kaya bakit single siya ngayon? Di ba sila ni Lou? At hindi rin naman papayag si Lou na hindi siya magpapalit ng status into 'in a relationship'. Hanggang pagbaba ko sa trabaho ay palaisipan tuloy sa akin status na iyon.
Itinigil ko lang ang pag-iisip nang mag-start na ang working hours. Naka-poker face na rin ako pagtapak na pagtapak ko pa lang sa accounting department kung saan ako nadestino.
Unang araw ko sa work. Unang araw na okay naman. I was able to adjust right away. Hindi naman kasi problema sa akin ang pakikisama, dahil hindi naman talaga ako nakikisama. Nandito ako para magtrabaho at hindi para makipag-kapwa-tao.
Nagawa ko rin nang maayos ang assigned work sa akin sa raw na ito, natuwa rin ang nagtuturo sa akin dahil mabilis akong makaintindi, hindi na ito nagpaulit-ulit. Basta ginawa ko ang trabaho ko, nag-break ako sa breaktime, at uuwi mamaya sa end of shift. Tapos.
Dahil nga breaktime ngayon ay kaysa magutom, nag-Internet na lang muna ako sa lounge. Bumalik na naman ako sa profile ng taong nasa wishlist ni Mama. Mga kalahating oras ko yatang tinitigan lang ang single status niya. Single ba talaga siya? O baka malabo na itong contact lens na suot ko dahil luma na?
Pero single talaga ang nakalagay. Kahit maglaro pa ako ng tanga-tangahan dito, single talaga ang status na nakikita ko. Pero bakit nga siya single? Nag-away ba sila ni Lou?
Isa lang ang paraan para malaman ko. Kung makikita ko ang wall niya. Hindi naman siguro masama kung ia-add ko siya? Unless may kinikimkim pa siyang sama ng loob sa akin. Wala naman na siguro. Tumanda na kaming pareho. Malamang din na nag-mature na siya.
Ano rin ba ang pakialam ng taong iyon kung ano ang kalagayan ni Mama ngayon? Mga ibang tao na kami para sa kanya. Kumbaga, parte na lang din kami ng nakaraan niya. Ng kabataan niya. Noong mga panahong na akala niya ay kami na nga talaga pero hindi pala...
TRABAHO. TRABAHO. TRABAHO.
Basta nagtatrabaho lang ako para kumita. Kailangan ko ng maraming pera. Kailangan may sarili akong pera dahil wala naman akong malalapitang iba at ayaw ko ring lumapit sa iba. Hindi ko alam ang mangyayari sa hinaharap kaya kailangang maging handa.
Pangalawa, pangatlo, hanggang sa limang araw, at maka-isang linggo ako. Tuloy-tuloy lang. Pumapasok ako nang tama sa oras at umuuwi rin sa tama na oras. Hindi rin ako sumasama kahit anong pangyayaya ng mga katrabaho ko na tumambay muna o kumain sa labas.
Ang sakop ng job description at sweldo ko lang ang aking gagawin at wala nang iba. Wala rin akong pakialam kahit isipin pa ng mga katrabaho ko na wala akong pakisama. Hindi ko naman ikayayaman kung katuwaan man nila o kainisan.
Wala namang masasabi ang mga boss ko sa akin. Masipag ako basta nasa oras. Pero kapag hindi na working time ay wala na sila sa aking maaasahan. Kahit pa may maitutulong pa ako, kung hindi naman na sakop ng trabaho ko ay automatic pass na ako. Ang pagpapakitang gilas, pagsipsip, at pakikipagkarera sa promotion ay ipinapaubaya ko na sa ibang empleyado.
Trabaho lang, walang personalan. Maliban kung breaktime o uwian na. Nakatitig na naman ako sa phone ko. Naghihintay ng pagbabago sa friend request ko na hanggang ngayon ay nakabitin pa rin sa ere. Sa karagatan pala.
At ano rin kaya ang sasabihin ko sa kanya kapag friends na kami? Hi? Hello? Kumusta ka na? Napasubsob ako sa aking mesa. Hindi ko pa pala naiisip ang tungkol sa bagay na iyon.
BUT I WAS STILL NOT ACCEPTED.
It had been three weeks since I sent him a request. Hindi niya pa rin tinatanggap. Kung naglalayag pa ba sila sa dagat, wala ba roong Internet, o baka hindi lang siya talaga active. Hindi ko alam kung alin doon ang dahilan.
Posible ring dahil nakalimutan niya na ako at ayaw niyang mag-accept ng stranger, o dahil natatandaan niya pa ako kaya hindi niya ako ina-accept. Pero kung ganoon man, bakit hindi na lang niya i-decline?
Para hindi na ako naghihintay rito, sana i-decline niya na lang. Alam ko na ako may kailangan kaya hindi dapat maiksi ang pasensiya ko, pero anong gagawin ko? Nakakaubos ang tensiyon. Naisip ko na lang na bawiin ang request, pero saglit lang ay agad ko rin naman iyong ibinalik.
Naalala ko na naman kasi si Mama. Sa nagdaang tatlong linggo ay hindi napapagod ito sa pagtatanong sa akin kung kailan ko siya mapapapunta. Kahit anong paliwanag ko, patuloy pa rin ito sa paghihintay sa kanya. Bakit ba? Bakit ba siya gustong makita ni Mama? Bakit hindi siya nito nakakalimutan?
Napasabunot ako sa aking buhok. Patapos na ang breaktime. Ayaw ko nang mag-isip. Problems at home should not be brought to work unless it was breaktime. But since the break was about to end, all my brain cells should also be back to work.
TWO MONTHS HAD PASSED.
Ang waiting game ay umabot na sa dalawang buwan. Ngayon ay kombinsido na ako na talagang hindi niya lang gustong i-accept ang request ko.
Hindi dahil sa hindi niya ako kilala, kundi dahil sa kilala niya pa ako. In a way na hindi mahalaga kung ia-accept niya ba ako o hindi. Nakakainis lang dahil bakit hindi na lang niya i-decline?
Ayaw kong isipin na hindi pa siya nakaka-move on, dahil imposible iyon. Baka nga pinagtatawanan na lang niya ang paghahabol niya sa akin noon. Baka nga kapag naaalala niya ay nasusuka na siya ngayon. Trip niya lang talaga na ibabad ang request ko, at wala na akong magagawa pa tungkol doon.
Pumait ang panlasa ko sa naiisip. Hindi na tuloy ako nakakakain hanggang kinagabihan. Pagkauwi ay inasikaso ko lang si Mama at pagkuwan ay pumasok na ako sa kuwarto. Tapos na akong mag-isip. Ngayon ay nakabuo na ako ng desisyon na bawiin ang request ko.
Nakahiga na ako sa kama habang nakatingin sa profile niya. Nanlalabo ang aking mga mata hindi dahil sa wala akong suot na salamin o lens, kundi sa pagod siguro. Basta ngayong gabi ay aking babawiin na ang request ko.
Ito nga talaga siguro ang dapat na mangyari, baka sign na rin ito na hindi na kami dapat magkaroon pa ng koneksyon. Gahibla na lang ang layo ng daliri ko sa pag-tap nang biglang mag-beep ang aking phone. Napakurap ako. Bakit bigla ay hindi ko na nakikita iyong remove request button?
Napabangon ako sa higaan sabay tingin kung para saan ang narinig kong beep. Pagkakita ko ay daig ko pa ang biglang nakuryente ang buong katawan. At kung ang phone ko o ako ang naunang nahulog sa kama papunta sa sahig ay hindi ko na alam. Basta nawindang ako sa nabasa ko. Ang notification lang naman ay:
Asher James Prudente accepted your friend request!
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro