Chapter 28
BAHALA KA.
Kahit iyon ang dapat ko talagang marinig ay ang sakit pa rin pala. Mabigat ang dibdib na humakbang ako para mauna na siyang makasakay ng jeep. Nakakadalawang hakbang pa lang ako nang bigla siyang magsalita. "Ano, ganoon na lang ba talaga?"
Hinuli niya ang pulso ko dahilan para gulat ako mapalingon ulit sa kanya. "A-Asher..."
Mas higit na seryoso ngayon at may talim na ang mga mata niya. "Ganoon na lang? Aalis ka na lang?"
Napatanga ako sa kanya kasabay nag pangingilid ng mga luha ko. "P-pero akala ko..."
"Bahala ka sa gusto mo, pero bahala rin ako ako sa gusto ko. At ang sagot ko riyan sa desiyon mo ay: AYOKO."
Napahikbi na ako.
"Nagtatampo ako sa 'yo, 'tapos ganyan iyong solusyon mo? Susukuan mo na lang ako? Nananahimik ako, ginulo mo ako. Tinuruan mo akong mabaliw sa 'yo, 'tapos ngayon ay aayaw ka na? Feeling mo naman papayagan kita? Nakalimutan mo na ba iyong sinabi ko sa 'yo noon? Hindi kita pakakawalan, kahit magwala ka pa sa kalsada. Asa ka!"
Kumawala na ang mga luha ko. "Asher, uwaaa sorry...!"
Doon na siya ngumiti at kinabig ako sa kanyang dibdib. "Tahan na, hindi naman talaga ako galit. Gusto ko lang na pag-usapan natin ito. "
Lalo na akong napaatungal ng iyak. "Asher, sorry... Waaa, sorryyy...!"
Mahinang kinaltukan niya ako sa ulo. "Sira ka, ayaw mo rin naman pala. Tapos iiyak-iyak ka riyan."
Sumisinghot at humihikbi ako na tumingala sa kanya. "A-ayos lang sa 'yo kahit ang gulo-gulo ko?"
"Okay lang, magulo rin naman ako."
Lalo akong napahikbi. Sargo na ang luha ko. "Sinasaktan kita, sabi mo. Narinig ko na sumbong mo sa nanay mo."
"Nagtatampo nga kasi ako, pero ayaw ko pa ring makipaghiwalay."
"Ang dami kong kasalanan..."
"Okay lang. Basta mag-sorry ka na lang."
"Sorry..."
"Sorry pala para saan? Sa pagtatangka mong makipaghiwalay o sa ginawa mong pangmomolestiya sa akin kagabi?"
Kinurot ko siya sa makinis niyang pisngi. Pero ang puso ko na kanina'y tila babagsak na, ay ngayo'y kahit paano'y marked safe na uli. Akala ko talaga wala na, akala ko katapusan na.
Tatawa-tawang inakbayan naman ako ni Asher. "Gutom na ako. May two hundred pa ko rito, tara kain tayo."
Sa may gotohan kami sa Sunny Brooke 1 pumunta. Fifty lang per order ng goto. Sa softdrinks naman ay maghahati na lang kami. While waiting for our order I found myself confessing everything to Asher. Ang sekreto nina Mama at Papa na alam na rin naman na ng iba, ang tungkol sa pagiging ampon ko. Ayaw ko nang ilihim pa iyon sa kanya. Alam kong medyo huli na, pero deserve niyang malaman dahil boyfriend ko siya.
Kahit nanliliit ay ipinagtapat ko na rin na ang mga tao na nakita niya sa eskinitang iyon sa may Bacao ay ang aking tunay na pamilya. Tahimik lang na nakikinig si Asher sa akin. Wala siyang sinabi o kahit anong komento.
"Wala ka bang sasabihin?" mahinang tanong ko. Inaabangan ko kasi kahit ang disgusto sa kanyang ekspresyon, pero wala rin kahit na ganoon.
"Puwede ba akong magsalita?"
Napanguso ako. "Kaya nga tinatanong kita."
Nangalumbaba siya sa mesa habang nakatitig sa mukha ko. "Ang masasabi ko lang, kakaiba ka."
"Ha?"
"Akalain mo iyon? Dalawa ang mama at papa mo?" Nag-thumbs up siya sa akin. "Astig ng GF ko!"
Ang lahat ng panliliit, pangangapa, at hiya na nararamdaman ko kanina ay tila naging mga bula na naglaho bigla. Napabungisngis na ako. "Akala ko talaga noong una ako lang ang may saltik sa atin, iyon pala ikaw rin."
He grinned naughtily. "Kaya nga bagay tayo."
At pagdating ng order naming goto ay nauwi kami sa pagsusubuan habang malambing na nagngingitian. Parang hindi muntik maghiwalay kanina. Kada subo sa akin ni Asher ay kini-kiss ko siya, pag sinusubuan ko naman siya ay ikini-kiss niya rin ako. Hayun, napapatanga na lang tuloy sa amin ang tindera at iba pang kumakain dito sa gotohan. Pero sorry na lang ang mga ito dahil wala kaming pakialam.
BACK TO REALITY.
Ang mga breadwinner ay nahihihirapan, nagrereklamo minsan, umaalma dahil madalas maubusan, pero sa huli ay tutulong at tutulong din naman. Naiinis ako sa kanila noon, pero ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit sila ganoon.
It felt good to be relied on.
Even if you were struggling, complaining, and considering abandoning your needy family, at the end of the day, you still stayed. And the reason? Because you liked doing it. Deep down, you enjoyed the responsibility. You loved providing for them and even spoiling them. You treasured the pride of being the breadwinner.
In my case, parang isang game changer sa aking buhay ang pagsalo ng responsibilidad na dapat ay mga tunay kong magulang ang gumagawa. Kung dati ay nakasahod lang ako sa ibibigay nina Mama at Papa, na kahit hindi ko hilingin ay ibinibigay na nila agad sa akin, puwes ngayon ay iba ang ganap sa tunay kong pamilya. I was the one who ought to give because they were the ones in need.
Kung titiisin ko man sila, sino ang magiging kawawa? Lahat sila. Pero ang pinakahigit na kawawa ay ang babaeng nakikita ko ngayon na pauwi na. Pagod na pagod ang itsura, payat na payat, at kita ang kaputlaan kahit gabi na. Sa kabila ng pagkaubos niya sa pinansiyal, pisikal, at maging emosyonal, ay patuloy pa rin siya sa pagsuporta sa pamilya. Si Ate Linda.
Ate, kaya mo na muna ngayon. Bukas naman ako.
Tumalikod na ako bago niya pa ako makita. Umuwi ako sa Pascam at doon ay nadatnan ko si Mama na naghihintay sa akin sa sala. Kung dati rati'y napakadali sa akin na lapitan siya, yakapin, at lambingin, ngayon ay kahit ano roo'y hindi ko magawa.
Wala ang matamis na mga ngiti sa labi niya nang harapin ako. "Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang, Laila?" Nagtatanong siya kahit alam niya na ang sagot sa tanong niya.
Kahit nakilala ko na ang aking tunay na pinagmulan, hindi ko pa rin naman tinatalikuran ang aking mga pangalawang magulang. "Ma, puwede ba tayong mag-usap? Please, let's talk now, Ma. I want to talk to you—"
Umatras siya nang akmang lalapitan ko siya. "Ang lahat ng kailangan mo, sinisikap namin na maibigay sa 'yo. Pinansiyal, oras, pagmamahal. Kaya bakit? Bakit naghahanap ka pa ng iba? Hindi pa ba kami sapat sa 'yo ng papa mo?"
"Alam niyo po ba na buong buhay ko ay may parte sa puso ko na merong puwang?" malungkot na tanong ko. "Masama po ba na gustuhin ko iyong mapunan?"
Mapait na ngumiti sa akin si Mama. "Kung ganoon ay hindi nga talaga kami sapat para sa 'yo. Sa kauna-unahang pagkakataon, dismayado ako sa 'yo, Laila." Tinalikuran na niya ako at iniwang nakayuko sa gitna ng sala.
MANILA.
Pagkatapos ng klase ko ay demeretso ako sa donut shop na aking pinagtatrabahuan. End shift ako ngayon. Magulo pa ang isip ko, kulang pa sa tulog at pahinga, pero kailangan kong pumasok. Ang isang absent o kahit simpleng late ay hindi katanggap-tanggap sa trainee pa lang na katulad ko.
Groggy na ako sa pagod nang tumungtong ang peak hours. Kasabay ng maraming customers ay ang isang maedad na lalaki na sumingit sa pila. Mukhang mayaman ito, bibili raw ito ng isang box ng donut, at isang libong buo ang dala nitong cash. Two hundred plus ang halaga ng isang box kaya ang sukli nito ay nasa seven hundred plus. Hindi pa nito tuluyang inaabot sa akin ang pera pero kalkulado ko na.
Magiliw at madaldal ang customer na ito, kaya nagkandalito-lito tuloy ako. Tapos bigla na lang itong nagmadali dahil may tumawag daw sa phone nito. Minadali ako nito sa order na box ng donut at sa sukli ng isang libong pera nito. Sa pagkataranta ay inabot ko na rito ang order nito at ang sukli nga. At huli na nang ma-realize kong hindi pa nga pala nito naaabot sa akin ang bayad. In short, I got scammed.
Kailangan kong bayaran ang na-scam sa akin ngayong araw kundi ay matatanggal ako sa trabaho. Sakto na may promo na free three pieces kapag two boxes ang binili, kaya doon ko diniskartehan ang benta, dahil wala akong pang-abono.
I didn't offer the promo, as I was trying hard to sell donuts at the regular price. Tapos pinagpupunit ko iyong boxes at itinapon sa malayo para di makita ng checker. Iyong inventory naman ay inilagay ko na naka-promo ang benta kahit hindi. Ang ending ay tumubo pa ako ng three hundred pesos. Pikit-matang ibinulsa ko iyon pauwi.
Walang mangyayari sa akin kung magpapadurog ako. Utakan lang talaga at lakasan ng loob. Kapag mahina ka, walang kalaban-laban na lalamunin ka nang buo ng mundo.
Ngayon ko damang-dama ang responsibilidad na nakaatang sa aking balikat. Alam ko na hindi naman dapat saluhin lahat. Pero kapag naroon ka na pala sa puntong iyon ng buhay mo ay mahirap nang makaahon pa.
I SAW MARILOU DELA CRUZ AGAIN.
Pagbaba sa Tejero ay dumaan muna ako sa 7-Eleven. Hindi ko na kayang tiisin ang pagka-uhaw, dahil kaninang umaga pa pala ako hindi umiinom. Pakuha na ako ng mineral water sa fridge ng store nang may makasabay akong kamay.
"Laila Valmorida!" malawak ang ngiti sa akin ng babaeng nakasabay ko. Ang dati kong kaklase sa science class na si Marilou dela Cruz o 'Lou'.
Natulala ako sa babae ng ilang segundo. Gumanda siya mula nang maka-graduate kami ng high school. Lasalista siya sa Dasma sa pagkakaalam ko. Mas nagmukhang dalaga, kuminis, pumuti, naging fashionista. Kabaliktaran ng aking nanlilimahid ngayon na itsura.
"It's really you, Laila!" Kahit nakangiti ay mapanuri ang mga mata niya na humahagod sa kabuuhan ko. "You never changed. You still don't care about your appearance."
Pasimple kong nahaplos ang aking gusot na poloshirt at sinuklay ng mga daliri ang buhaghag kong buhok. Buhaghag na nga ay mas lalo pang nag-dry dahil laging naaalikabukan sa biyahe. Ang tagal na rin nang huli akong nakapagpa-salon. Ang noo ko naman ay mas dumami na ang pimples kaysa noon. Bakit ba kasi ngayon pa kami nagkita ni Lou?
"Sa Manila ka raw nag-aaral?" tanong niya na lalong tumingkad ang ngiti dahil sa nakikitang itsura ko. "Nakaka-haggard bang maging Manila Girl? Mabuti na lang I chose stay here in Cavite."
Pagkakuha ng bote ng mineral water ay tinalikuran ko na siya bago pa maubos ang aking katiting na pasensiya. "Sige, Lou, una na ako."
"Oh, by the way, I met Asher yesterday!" habol niya sa akin.
Napahinto naman sa paghakbang ang mga paa ko.
"I met him yesterday. Bumalik ako sa Gov as a represantive of my university. Nag-present lang ako sa mga graduating students ng alma mater natin, and iyon nga, he was there."
Nilingon ko siya at binigyan ng tingin na nagsasabing 'ano ngayon?'
Lalo lang namang nanamis ang ngiti ni Lou. "Lalo siyang gumuwapo, ano? He also grew taller, his shoulders broadened, and he became more manly."
Bumukas ang bibig ko. "Kaya nga kami pa rin."
Mahinhin siyang natawa. "Sabi nga niya nang tanungin ko siya. Akalain mo iyon, ano?"
Naglapat nang mariin ang mga labi ko. Talagang tinanong niya? Gusto ko siyang uriratin kung ano pa ang mga pinagtatanong niya kay Asher, kung ano pa ang pinag-usapan nilang dalawa, pero siya na ang tumalikod sa akin bitbit ang yogurt na kinuha sa fridge. Naiwan akong kuyom ang kamao hanggang sa mawala na siya sa paningin ko.
BAKIT NANDITO SI ASHER?!
Pagdating ko sa Bacao ay ganoon na lang ang aking gulat nang makita si Asher sa labas ng bahay na kainuman nina Tatay at ng dalawa pang maedad na lalaki. Nakaupo silang magkakaharap sa lumang mesita kung saan merong nakapatong na tatlong bote ng Gin, isang malaking Emperador, pitsel na may juice, at bandehado na may plastic ng litson manok!
Nang makita niya ako ay isang ngiti ang ibinigay niya sa akin. Ang suot niya ay kulay baby blue na shirt, cargo shorts na white and black stripes, at sa paahan ay black Adidas slides. Wala siyang suot na hikaw ngayon sa tainga kaya lalong ang linis-linis ngayon ng kanyang itsura.
Napatingin din si Tatay sa akin. "Oy, andito na pala ang bunsong babae ko! Anak, nandito ang boyfriend mo! Ayos pala ito, ano? Magalang na bata! At tingnan mo, may dalang litson manok! Meron din doon sa loob!"
Imbes na gantihan ang ngiti ni Asher ay madilim ang aking mukha na pumasok sa loob ng bahay. "Bakit nandito si Asher?!" gigil na pabulong na asik ko pagbungad sa pinto ng kusina.
Palabas naman ang bunso na si Limuel. May bitbit itong lumang bandehado na may lamang basag na yelo. Binangga ako nito sa balikat ko. "'Wag ka ngang paharang-harang sa daan. Naiinip na sa sala ang bayaw ko!"
Naiwan kami ni Ate Linda sa kusina. Nagulat ako nang abutan ako ng babae ng kutsilyo. "Hanapin mo si Mari. Iyang walanghiyang girlfriend na iyan ni Limuel ang may kagagawan!"
Sukat ay nagtagis ang mga ngipin ko. Hindi na ako nag-isip pa, pahablot na kinuha ko kay Ate Linda ang kutsilyong ibinibigay niya.
"Mari!" sigaw ko. Sa kuwarto ni Ate Linda ko natagpuan ang teenager na buntis daw pero nagyoyosi. Puno ng usok ang kuwarto pagpasok ko. Nakabuyangyang sa papag ang babae. May nakasalpak na earphoes sa magkabilang tainga kaya pala hindi ako marinig.
Kumakanta ito ngayon nang wala sa tono. "Kahit bata pa ako. Alam kong minamahal kita. Hindi ito isang laro, 'di ako nagbibiro. May puso rin ako kahit bata pa ako... ohhh!"
Napakunot ang noo ko nang makita na bago ang phone nito. Nokia 5310 Xpressmusic. Nasa anim na libo iyon. Paano ito nagkaroon ng ganoon? Saan ito nakakuha ng pambili, gayong ni five hundred na pangpa-ultrasound ay wala ito?
Napasimangot ito nang makita ako. Pero agad ding nabura ang pagkakasimangot nang makitang may hawak akong kutsilyo. Ang mukha nito na may chin chun su ay tila mas namutla. "Luh, 'Te, ba't me hawak kang kutsilyo?!"
"Bakit nandito si Asher?" malamig kong tanong sa kanya.
Napabangon siya sa papag. "Uh, n-nakita namin siya ni Dhie sa SM Rosario kahapon ng hapon nong bumili kami ng bago kong phone..."
Hindi ko muna pinansin ang impormasyon na bumili nga ito ng bagong phone. Ang tungkol muna kay Asher ang inusisa ko. "Ano ngayon kung nakita niyo siya? Bakit nga siya nandito ngayon?!"
"In-invite siya ni Dhie..."
"Ano?!"
"Hindi naman talaga invite iyon. Parang nabanggit lang. Kaya nagulat na lang din kami kanina na dumating nga ang BF mo. Pero ayun na nga, nayaya na siya na mag-inom nga."
Hinablot ko ang hawak ni Mari na cellphone. Hindi ito maagaw pabalik ng babae dahil tinampal ko ito sa noo. Pumunta ako sa inbox ng phone nito at doon ko nakita ang mas malinaw na sagot sa tanong ko.
TO: Lai~CÜtie BF_AsHeR ♡
...Hayee! Mari this.. Punta ka hirr? Hmn, wait po kita sa HiWay? ^_-v
"Ate Lai, siya naman ang nagsabi na pupunta siya!" Biglang amo ng boses ni Mari. "Kinuha niya pa nga ang number ko kahapon!"
"Saan niyo nakuha ni Limuel ang ipinangbili mo nitong bago mong cellphone?" Madilim ang mga mata nang magbalik ako ng paningin sa kanya. "Ayusin mo ang sagot mo kung ayaw mong mapaanak nang wala sa oras!"
Lumikot ang mga mata ni Mari. "Uhm, nakadelihensiya si Dhie." Kandabulol sa pagkataranta. "Ay, ano, nakapulot pala si Dhie ng pera. Tapos, ano... Ano, basta iyon na nga, Ate Lai..."
Huminga ako nang malalim, dahil kung hindi ko gagawin ay may kalalagyan itong GF ni Limuel sa akin. Tinalikuran ko ito habang nakakapagpigil pa ako.
Pagdating sa sala ay naroon na si Asher. Namumula na siya dahil nakailan na sigurong tagay, pero tuwid pa sa pagkakatayo. Kausap niya si Nanay. Hinahaplos-haplos siya nito sa kanyang braso.
"Siya nga? Nasa barko ang tatay mo? At iyong nanay mo kamo ay nagpapa-five/six? E, baka naman puwede mo kaming mailapit? Kuwan kasi, gustong-gusto ko sanang magnegosyo, kaya lang ay walang puhunan. Alam mo na, mahirap lang kasi kami—"
"'Nay!" sigaw ko.
Napatingin sila sa akin. Agad na napangiti ang mga labi ni Asher nang makita ako. "Lai."
Lumapit ako sabay hablot ng pulso ni Asher. Hindi na ako nagpaalam, basta ko siya hinaltak palabas ng bahay.
"Anak, nag-uusap pa kami ng boyfriend mo!" habol hanggang sa pinto ni Nanay.
Hindi ko ito pinansin. Hila-hila ko pa rin si Asher. Kahit si ay napatayo rin mula sa pag-iinom. "Laila, saan kayo pupunta? Nagsisimula pa lang kami mag-inom dito, ah!"
Si Limuel na nagyo-yosi sa tabi ay tumingin sa amin. "Bayaw, aalis kayo? Niyaya ko tropa ko, parating na. Balik kayo agad at pasabay na rin ng pulutan, ha?!"
Dere-deretso naman ang hila ko kay Asher. Naglalakad lang kami, hindi kami pumara ng tricycle. Basta hila-hila ko lang siya sa pulso habang patuloy sa paglalakad. Wala naman siyang imik na nagpapahila sa akin.
Malayo-layo na kami. Nasa parte na kami ng kalsada na walang masyadong tao at madalang ang nagdaraang sasakyan. Dito ko lang si Asher binitiwan. Nakayuko ako at hindi makatingin sa kanya nang deretso.
"Hindi ko sinabi sa 'yo ang tungkol sa tunay kong pamilya para sa ganito."
Mahinahon naman ang tono niya nang magsalita. "Gusto ko lang silang makilala dahil pamilya mo sila."
"Puwes ayaw ko!" Napataas na ang boses ko.
"Lai..." gulat na sambit niya.
Nanlilisik ang mga mata ko nang tingalain siya. "Ayaw ko, naririnig mo ba? Ayaw ko! Ayaw ko na makipagkilala ka sa kanila o kahit kausapin mo sila! Kahit makipag-text ka sa GF ni Limuel, ayaw ko! Anong karapatan mo?! Kumilos ka nang mag-isa mo na hindi nagpapaalam muna sa akin!"
Napatulala siya sa galit na nakikita sa aking mukha.
"Anong karapatan mo ha, Asher?!" Hinampas ko siya sa matigas niyang balikat. "Pumunta ka pa talaga rito?! Sa tingin mo ay masaya ako na makita mo ang kalagayan ng tunay kong pamilya? Sa tingin mo, okay iyon sa akin? Na pupurihin kita dahil nakipag-inuman ka sa lasenggo kong tatay at bunsong kapatid?!" Pinaghahampas ko siya sa balikat. Sinalo niya lahat, hindi siya umilag.
Huminto lang ako noong pagod na ako. Nanginginig ako na napaatras, pero hinuli niya ang aking pulso at hinila ako sa palapit sa kanya. Pagkuwan ay magaan niya akong niyakap. "Sorry na, Lai. Hindi na mauulit. 'Wag ka nang magalit."
Napahikbi ako at gumanti ng yakap sa kanya na mas mahigpit. Napaatungal na ako sa halo-halong pagod, hiya, at sama ng loob. "Bakit di ka nagagalit?" palahaw ko. "Bakit okay lang sa 'yo na sinigawan kita at inaway kahit wala ka naman talagang ginawang masama?! Bakit ang bait-bait mo? Bakit?!!!"
Narinig ko ang mahina niyang tawa, pagkatapos ay hinaplos niya ang likod ko upang pakalmahin ako. "Tahan na, Lai. Kapag galit ka, kapag puno ka na, nandito lang ako. Puwede mo akong makausap, kung ayaw mo na magsasalita ako, hindi ako magsasalita. Pakikinggan lang kita. Puwede rin akong gawing punching bag mo, o kaya stress ball pa kung gusto mo. Kahit ano, basta mapapakinabangan mo. Basta kailangan mo ako, nandito lang ako palagi para sa 'yo."
Luhaan ang mukha na tiningala ko siya. "Hindi mo na lang ako basta gusto, Asher. Hindi ganyan ang gusto lang."
Ngumiti siya.
Kwinelyuhan ko siya. "Paano pag masanay ako na ganyan ka? Paano pag hindi ko na kaya na wala ka? Tapos, saka mo ma-realize ang mga pangit na katangian na meron ako? Paano kung doon ka biglang mauntog at maisip na ayaw mo na? At kapag nangyari nga iyon, paano na ako?"
"Sa tingin mo ba darating talaga sa ganoong pagkakataon?" inosenteng tanong naman niya na hindi iniinda kahit pa hawak-hawak ko siya sa kuwelyo.
"Mangyayari at mangyayari iyon. Hindi ko kakayanin." Humigpit ang pagkakahawak ko sa kuwelyo niya. "Asher, ano ang gagawin ko kapag dumating na ang araw na wala ka nang nararamdaman para sa akin?!"
Ang ngiti ni Asher ay lumamlam kasabay ng mga mata niya. "Lai, kung sakaling dumating man ang araw na wala na akong nararamdaman sa 'yo, ang gusto kong gawin mo ay..." Yumuko siya hanggang sa gahibla na lang ang pagitan ng aming mga labi sa isa't isa. Nararamdaman ko na ang mainit at mabango niyang paghinga. "Lai, patayin mo na lang ako."
#CrazyStrangerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro