Chapter 13
MAGKADAOP ANG MGA PALAD NAMIN.
Nauuna ako kanina pero ngayon ay sabay na kami ni Asher. Marami-rami kaming kasabay na napapatingin sa amin, na hindi rin naman nagtatagal. Marami naman kasi ang mga naglalakad din na magkakahawak-kamay.
Sa panahong ito ng mga katulad naming kabataan, ay uso na talaga ang ligawan. Masyado na talagang napapaaga ang panahon ngayon kaysa noon. May kasabay pa nga kami na sa tingin ko ay nasa Grade 7 pa lang. Hindi ang mga ito para husgahan, may kanya-kanya naman kasi iyang pinagmulan at dahilan.
Sa kaso namin ni Asher, pareho na kaming nasa hustong gulang. Kahit paano siguro ay pasado na kami sa mata ng mapanuring lipunan. Iyon nga lang, marami pa rin talaga kaming kailangang patunayan.
"Dito na lang," sabi ko nang nasa tapat na kami ng paradahan pa-Pascam.
Hindi pa rin niya binibitiwan ang kamay ko. Napayuko ako roon. Sandali, alam niya ba talaga na magka-holding hands kami?
Hindi kasi si Asher ang klase ng BF na ma-skinship. Sa mga past girlfriends niya, isa ang bagay na ito sa madalas na nagiging dahilan ng hiwalayan nila. He was kind of conservative unlike his friend, Miko. Ayaw niya ng touchy sa kanya. Unless na lang siguro kung siya ang mauuna?
Kaya alam niya ba talaga na kanina pa magkadikit ang mga kamay namin? O nakalimutan niya na lang? Napansin niya naman kung saan ako nakatingin, bumaba rin tuloy ang tingin niya sa magkahawak na mga kamay namin. Nang makita niya iyon ay napalunok siya at agad na napabitiw sa akin.
Asher was not afraid of touching girls, he was afraid of getting used to it. Simply put, he was worried about making mistakes. Kung sa akin lang din naman ay wala siyang dapat alalahanin. Alam ko naman ang limitasyon namin. Hindi para tangayin ko siya sa pagkakamali na kapwa namin pagsisisihan sa huli.
Nang tumingin siya sa akin ay ngumiti ako. Ngiti na nagsasabi na wala siyang dapat alalahanin. Hindi ko alam kung na-gets niya, dahil bago siya magbawi ng tingin ay nahuli ko ang sandaling pagngiti rin ng mga labi niya.
"Uuwi ka na?" tanong niya sa akin nang magtawag na ang umusad na tricycle sa pila. Nakaalis na iyong nauuna matapos mapuno ng mga papuntang Pascam.
"Uhm..." Nag-isip-isip kunwari ako habang nilalaro ng dulo ng sapatos ko ang bato na nasa aking paahan. "Uhm, what if pumunta muna ako sa tita ko sa Buenavista?"
"'Di ba pinapalayas ka niyon?"
"Hala, paano mo alam?!"
"Narinig ko noong isang beses na nakatambay ako sa terrace namin. Sabi niya, 'wag ka na raw babalik. Ibibitin ka niya nang patiwarik."
"Kailan iyon? Bakit di kita nakita?!"
"Madilim sa terrace namin niyon, hindi talaga ako nagbukas ng ilaw."
"Para di kita makita?" nanunubok na tanong ko sa kanya.
Ngisi lang nman ang sagot niya.
"Nagdyo-joke lang ang tita ko. Love ako niyon. Saka nataon lang talaga na bad mood siya nitong nakaraan. Malapit na kasi siyang mawala sa kalendaryo, ilang taon na lang."
"Hindi kaya buntis iyon at ikaw ang pinaglilihian?"
"Ay, itanong natin iyan kay Batman!"
"So ano nga, pupunta ka ba sa Buenavista?" Ibinalik niya sa topic kanina. "Kung ayaw mo, puwede namang 'wag na lang. Pero kung bored ka at wala namang gagawin..." Ibinato niya ang paningin sa kalsada kasabay ng paghina ng boses niya. "Sumama ka na lang sa akin."
Sumama sa kanya?
"Kung gusto mo lang naman." Habang sinasabi niya iyon ay kung saan-saan siya tumitingin, para siyang napapaso sa akin.
"Sumama sa 'yo?" ulit ko. Gusto ko lang talagang makasiguro. Saka nakakainis, bakit ba ayaw niya na naman sa aking tumingin?!
"Oo nga," para namang napipikon ng sagot niya. Namumula na naman ang tainga. "Kung gusto mo lang naman na sumama. Kung ayaw mo, e di 'wag mo."
Hinila ko siya sa manggas ng kanyang polo. "Kung sasama ako, saang lupalop mo naman ako dadalhin?"
"SM Rosario lang. Ano, kain lang." Napakamot siya ng kilay gamit ang dulo ng mahabang hintuturo. "Kain tapos sine kaunti. Ganoon lang. Saglit lang naman, uuwi rin tayo agad."
Nagningning ang mga mata ko. "Date?"
"P-parang ganoon." Tumikhim siya dahil sa pagkautal. "Kasi monthsary natin, di ba ngayon?"
Pinamewangan ko siya. "Paano? Di ba wala kang pera?"
"Pinautang ako ng tropa," namumula pa rin ang tainga na sabi niya.
"Ha? Magkano pinautang sa 'yo? Kakasya ba sa atin iyan? Baka pagkakain natin ay wala na tayong pambayad, mapaghugas pa tayo ng mga pinggan."
"Four hundred sa tropa kong si Isaiah at two hundred kay Miko. Nasa ninety pesos lang naman ang ticket sa sine, tapos fifty ang popcorn with drinks. May sukli pa tayo pang McDo o Jollibee."
Napabungisngis ako sabay kapit sa braso niya. "Wala iyong mama ko sa amin, puwede akong gabihin. Ano, tara na?"
Hindi na siya nakasagot dahil noong magkaroon ng espasyo sa kalsada ay patawid na kinaladkad ko na agad siya. Sa unang jeep kami sumakay pa-Rosario. Tutal siya ang taya sa sine at pagkain, ako na ang nagbayad sa papuntang pamasahe namin.
First monthsary namin at siguro ay late celebration na rin ng mga birthday namin. Magkasunod lang kasi. Hindi pa kami noon, kaya hindi kami present sa parehong okasyon. Pero ngayon, hindi ako papayag na hindi namin mase-celebrate nang sabay ang lahat ng okasyon sa buhay namin.
Nang nasa SM na kami ay pinagtitinginan kami ng mga tao. Bukod sa dalawa lang kami na magkasama, naka-high school uniform pa. Halatang mga batang mag-jowa. Ang init tuloy ng mga mata sa amin, lalo nang pumila kami sa bilihan ng ticket sa sinehan.
Hay, bakit naman kasi nawala sa isip ko na uso pala sa mga mag-jowa ang monthsary? Sana nakapaghanda man lang ako kahit couple t-shirt sa aming dalawa, e di sana hindi kami pansinin dahil naka-uniform kami.
Siguro nasa utak ng mga tao ay ang babata pa namin para mag-date, at galing pa sa mga magulang namin ang perang pang-date namin. Tama naman sila dahil ang ipangbabayad ni Asher sa utang niya sa tropa ay galing din sa allowance niya. Pero wala silang magagawa. Monthsary namin at walang makakaawat sa amin!
Kung iniisip naman nila na gagawa kami ng milagro sa loob ng sinehan, doon sila nagkakamali. Takot nga itong kalbong ito, di ba? Kaya walang mangyayari kung hindi ako ang mauuna. Pero hindi ko iyon gagawin. May respeto ako sa boyfriend ko at iginagalang ko siya!
Pumasok na kami sa sinehan. Ang palabas ay Till I Met You. Ang bida ay sina Regine Velasquez at Robin Padilla. Dapat talaga ay Mr. & Mrs. Smith nina Angelina Jolie at Brad Pitt, ang kaso ay ay may bed scenes yata kaya umatras agad kami.
Kakaunti lang kami sa loob ng sinehan. Weekdays kaya walang gaanong tao. Doon kami ni Asher sa bandang taas pumuwesto. Isa lang ang popcorn namin na cheese flavor, hati na kami. Sa inumin kami nag tag-isa, parehong Coke Cola.
Namatay na ang mga ilaw nang magsimula na ang palabas. Wala nang maririnig kundi ang sounds ng movie. Cute naman ang kuwento, kaya lang ang hirap mag-concentrate. Iyong nasa unahan kasi naming mag-jowa sa bandang ibaba, ay nagsisimula nang lapain ang isa't isa.
Nagbaling ako ng paningin sa bandang gilid namin, ganoon din iyong mag-jowa roon. Hindi yata talaga movie ang ipinunta rito ng mga ito. Pagtingin ko tuloy kay Asher ay panay ang alon ng lalamunan niya. Tutok man ang mga mata niya sa big screen, halata namang wala roon ang atensyon niya.
Nagpanggap na lang din ako na nanonood pa rin kahit napaka-awkward na ng ambiance sa amin. Nang may scene na nakakatawa ay tumawa ako, para lang masabi na naroon ang atensyon ko. Hinampas ko pa si Asher sa balikat habang pilit na natatawa. Wala naman siyang karea-reaksyon kaya itinigil ko na.
Noong pumunta na sa scene na may kissing scene ay sabay pa yata kaming napalagok sa kanya-kanyang softdrinks namin. Nang kukuha sana ako ng popcorn ay sumakto pa na kukuha rin siya. Nagdikit ang mga daliri namin.
"Sorry," sabay pa halos naming sinabi.
"Ikaw na muna." Sabay na naman ulit.
"Sige na, sa 'yo na." Ibinigay na sa akin ni Asher nang buo ang lalagyan ng popcorn. Kahit malamig ang AC dito sa sinehan ay may pawis na tumutulo sa gilid ng makinis na pisngi niya nang tingnan ko siya.
Hindi na ako tumutol. Kinuha ko na ang buong popcorn at doon ibinuhos ang aking pagkailan hanggang sa matapos ang palabas. Nang mag-roll na ang credits ay nauna akong tumayo. "Pupunta lang ako saglit sa restroom."
Tumango siya na hindi sa akin makatingin. "Sa labas na kita hihintayin."
Sa restroom ay kuntodo hingal ako. Lahat ng pagpipigil ko sa sinehan ay dito ko inilabas. Pumasok na lang ako sa isang bakanteng cubicle at doon sa pader nagsisisipa. Kung puwede nga lang tumili, titili na rin ako rito. Naghuhumiyaw lang naman ang kaba at kilig ko!
Ilang segundo rin bago ako lumabas. Mabuti na lang at walang gaanong tao rito. Nakapag-ayos pa ako. Nagpulbo tapos inayos ang buhok na nagulo. Paglabas ko sa ay aking hinanap agad si Asher. Hindi ko napansin ang babaeng pasalubong sa akin.
"OMG!" Babaeng nakasuot ng private high school uniform at naka-curl ang buhok ang nabangga ko. Familiar ang tunog latang boses nito. Pagtingin ko sa mukha ay kilala ko nga!
Pinsan ko ang babae sa side ni Papa. Si Renesmee Althea V. Estrada o 'Renren'. Matanda ako rito ng isang taon pero hindi ako iginalang kahit kailan. Okay lang, matanda rin sa akin ng isang taon ang kuya nitong si Rio Demonyito, na wala rin akong balak igalang kahit kailan.
"Lai, is that you? OMG! Why Lai is here?" Kumurap-kurap pa ang mahahaba nitong fake na pilikmata. "Did you watch a movie? Don't tell Renren that it's a Filipino movie! Kasi Renren doesn't like Filipino movies, eh!"
"OMG, walang may paki," sabi ko at iniwan na siya. Kainis, bakit kasi nagkita pa kami rito?!
Nang lingunin ko ay nilapitan na si Renren ng mga babaeng kapareho nito ng uniform. Mga kaklase siguro nito. Mukhang nakaisip ang mga nene na gumala.
"Sinong tinitingnan mo?" Biglang may nagsalita sa tabi ko.
"Ay!" Muntik akong matumba kung hindi lang niya ako nahawakan sa bag ko. Si Asher, salubong ang makakapal at itim na itim na kilay habang nakatingin sa akin.
"Sino iyon?"
"Ha? W-wala!" Maaliwalas ang ekspresyon ko nang yayain na siya. "Tara na? Kain na tayo kasi gutom na ako!"
"Saan mo ba gusto?"
"Kahit saan." Nginisihan ko siya. "Joke! Doon tayo sa mura na swak sa budget mo, fastfood tayo!" Masigla na nauna na ako sa kanya habang kinakawayan siya.
Napapailing na nangingiting napasunod na siya sa akin. At doon sa masayang pulang bubuyog o langaw ba iyon nga ang naging ending namin.
Siya ang pumila habang ako ang naghihintay sa table namin. Siya rin ang nagdala ng tray at naghati ng pagkain. Tag one-piece chicken kami with rice and drinks. Oras na ng hapunan at nakakagutom ang pinanood namin kaya nang kakain na ay nagkanya-kanya na muna kami. Pero bago ang lahat ay ini-spray-han ko muna siya ng aking dalang alcohol sa palad. Pinunasan ko rin ang mga kamay niya ng tissue, kasama pati ang mahahabang daliri niya. Nakatingin lang naman siya sa akin habang ginagawa ko iyon.
"Puwede naman akong maghugas na lang," narinig ko na bulong niya. Alam naman niya ring imposible iyon, dahil may pila sa nag-iisang lababo ng fastfood na ito. Iisa lang din ang restroom.
Asher ate so much with gusto. Walang arte. Kinamay niya iyong manok, tutal malinis na ang kamay niya. Hindi rin siya marungis, sa katunayan ay ang pino kumilos ng mahahabang daliri niya sa paghawak sa manok. Kahit din sunod-sunod ang kagat niya roon ay sarado ang bibig niyang ngumuya. Wala ring tunog.
Doon lang nagkatalo-talo sa pag-inom niya sa straw, may sounds. Okay lang, cute pa rin. Lalo na ngayong mamasa-masa na ang natural na mapupulang labi niya dahil sa pagkain. Ang sarap lang. Feeling ko ay mas mabubusog ako sa panonood sa pagkain niya kaysa kung kakain ako.
"Gusto mo pa?" alok ko sa kanya ng balat ng chicken.
"Ayaw mo niyan?" namumuaalan pa ang bibig na tanong niya. Ang cute pa rin talaga. Ang sarap iuwi.
"Hindi ako mahilig sa balat," sabi ko kahit hindi iyon totoo. Nakita ko lang kasi na sarap na sarap siya sa balat. Favorite niya yata.
Ibinigay ko sa kanya ang balat ng chicken ko. Sa umpisa ay nag-aalangan pa siya, kalaunan ay malawak na siyang napangiti. "Matsala!"
Pagkatapos namin sa pagkain ay naglakad-lakad muna kami. Pumunta kami sa arcade dahil may tira pa siyang pera. Ipinambili namin ng coins. Sa shooting kami nauna. Wala pinagyabangan lang niya ako na asintado siya.
Nang hindi na maipinta ang mukha ko ay natatawa na tinuruan niya ako na umasinta. Okay na sana noong una kasi ang bangu-bango niya, iyon nga lang ay nakahalata na siya na hindi naman ako natututo. Panay lang kasi ang tingin ko sa mukha niya habang tinuturuan niya ako.
"Ayoko na nga." Mahinang pinitik niya ang noo ko.
"Oy, di pa tapos!" habol ko naman sa kanya.
"Ayoko na, di mo naman sineseryoso ang turo ko at tsina-tsansingan mo lang ako!"
"Hoy, hindi, ah!" Nakalabi na mahinang pinaghahampas ko siya sa balikat na natatawa naman niyang sinalag. Naghabulan pa kami, kahit kanda-bangga-bangga na kami sa ibang nasa arcade. Kami lang yata rito ang maligalig.
Hanggang makarating kami sa may boxing game sa arcade ay ang ingay namin. Gusot-gusot na ang polo niya sa paghila ko. Hinubad na lang niya iyon nang tuluyan at isinampay sa kanyang balikat. Naka-shirt na lang siya nang yabangan niya na naman ako sa boxing.
Napapalakpak naman kunwari ako with matching talon pa. "Wow, ang galing-galing naman ng boyfriend ko!"
Lalo naman lumaki ang kanyang ulo. "Nakita mo iyon? Ang lakas sumuntok ng BF mo. Sabihan mo lang kapag may nag-aangas sa 'yo, babanatan ko!"
Hinila ko naman siya sa ibang game machine sa arcade. "Tara naman sa basketball! Gusto ko ring makita kung magaling kang mag-shoot!"
Hanggang sa basketball ay hambog pa rin. Kada smooth shoot niya ay nginingisihan ako. Nang ako na ang ang titira, isa lang sa lima ang shoot ko. Puro pahirapan pa.
"Bakit kasi ang taas?" nagpapadyak na reklamo ko. Ang iksi lang kasi ng mga braso ko tapos cute lang din ang legs size ko!
Napatilina lang ako nang bigla akong kargahin ni Asher. "O 'yan, abot mo na 'yan!" sabi niya habang karga-karga ako in a bridal-style. Iyong ibang naglalaro sa arcade ay napatingin na sa amin. May mga nagsilapit para para talagang panoorin ang pag-shoot ko ng bola habang karga-karga niya.
"Uy, ano ba? Nakakahiya!" Itinago ko ang aking mukha sa hawak na bola. Iyong iba ay tinutukso na kami. Ang sweet daw namin. Hay, sana wag silang mapagod at magsawa sa panunukso hanggang mamaya.
"Shoot na!" sabi ni Asher sa akin na inilapit ako sa basketball machine ng arcade.
Nagshoot naman na ako. Sa umpisa ay nahihiya, sa katagalan ay sobrang enjoy ko na. Pagka-shoot at paglabas ng bola ay dadamputin ko iyon para mag-shoot ulit. Lahat ay habang karga-karga pa rin ako ni Asher. At ang sarap pala!
Sa tuwing nakaka-shoot ay tuwang-tuwa siya. Napapayakap din ako sa kanya sa sobrang saya. Dumami na rin ang nanonood at nagtsi-cheer sa amin. May iba pa nga na kinukuhanan kami ng photo gamit ang phone nila.
Nang matapos ay uhaw na uhaw kami pareho. Lalo siya dahil ang tagal na karga-karga niya ako. Bumili siya ng mineral water namin habang nagpapahinga kami sa mga bakanteng motorgame sa arcade.
Napansin ko ang pagkabalisa niya. Napangiwi siya nang makitang nakatingin ako sa kanya. "Sorry, nag-iisip kasi ako. Hindi ko kasi alam kung ano pa ba dapat ang ginagawa sa ganito. First time ko kasi."
First time na ano? Magpunta sa arcade na hindi tropa ang kasama kundi GF? First time niya na may ka-date? O first time niya ang mag-celebrate ng monthsary? Puwede ring lahat ay tamang sagot. Lahat naman kasi ngayon ay talagang unang beses sa kanya. At maging sa akin din.
Nagpaalam ako na bibili ulit ng coins habang nagpapahinga siya. Ako na ang gagastos dahil siya na lahat kanina. Pagbalik ko sa pinag-iwasan ko sa kanya ay wala na siya. Magpa-panic na dapat ako nang mula sa ingay ng mga games sa arcade ay nangibabaw ang intro ng isang kanta. Kasunod ay swabeng boses na aking kilalang-kilala.
"Maybe it's intuition... ♪ ♫"
Napalingon ako sa pinanggagalingan ng bagaman baritono ay malamyos na boses. Doon iyon nagmumula sa gilid ng arcade. Doon sa open videoke mini stage. Napasinghap na lang ako dahil tama ako, si Asher ang may hawak ng microphone.
Nakatingin siya sa akin nang ipagpatuloy ang kanta. "But some things you just don't question. Like in your eyes, I see my future in an instant. And there it goes, I think I found my best friend..."
Ang bilis ng tibok ng puso ko habang lumalakad palapit sa kanya at pinakikinggan ang malamig at malambing na pagkanta niya. Ang mga tao rin na naririto ay nakatingin at nakikinig din sa kanya, pero nasa akin lang ang kanyang buong atensyon at mga mata.
"I know that it might sound more than a little crazy, but I believe... I knew I loved you before I met you. I think I dreamed you into life. I knew I loved you before I met you. I have been waiting all my life..."
Naiiyak ako habang nakatingin sa kanya. Ang bawat himig na lumalabas sa mga labi niya ay parang musika sa isang magandang panaginip. Pasimple kong kinusot upang punasan ang aking mga mata nang sandaling pumikit siya.
Nang matapos ang pagkanta niya ay tumayo na rin siya para salubungin ako. "A-ano iyon?" nalulunod ang puso na tanong ko sa kanya.
Nakangiti ang mapupulang labi niya nang yumuko at ibulong sa akin ang mga salita. "Happy first monthsary, Laila Valmorida..."
#CrazyStrangerbyJFstories
Song credits: I Knew I Loved You by Savage Garden
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro