Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 11

PAANO AKO NAKAUWI SA AMIN?


Hindi ko na matandaan kung paano. Parang buong sandali kasi ay nakalutang ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na ganoon lang, may boyfriend na ako! Real na real ba talaga ito?! 


Noong itanong sa akin iyon ni Asher, natulala ako ng mga ilang minuto. Kung hindi pa siya nag-follow up, hindi pa ako matatauhan. Ang ginawa ko ay basta lang ako tumango. Pagkatapos, nag-walkout na ako!


Pagkarating sa aking kuwarto ay hinawi ko agad ang malaking kurtina na nakaharang sa isang bahagi ng pader. Lumitaw roon ang napakaraming photos. Iba-ibang sizes, iba-ibang anggulo, karamihan ay kung hindi galing sa social media ay mga stolen na kuha.


My sweet smile turned into a wide grin. Binigyan ko siya ng pagkakataon na iwasan muna ako, na kalimutan muna ako, at i-enjoy muna ang buhay niya na malaya siya. But he did not seize that opportunity.


I was giving him enough time, yet he chose to speed up everything. Unfortunately for him, even if he realized one day that he had just made a mistake and regretted it, it was already too late.


Ang isa sa pinakamalaking photo sa pader ko ang aking pinakatitigan. Lumapit ako roon at maingat iyong hinalikan. "Congratulations, Asher James Prudente for unlocking your final destination tonight!"



I GOT TO SCHOOL early the next day. I would start by meditating on the bench. Pa-practice-in ko rin kung paano umanggulo para mapansin ni Asher itong pink headband ko. Alam ko kasi na mahilig siya sa pretty girls, kaya kahit sa headband man lang, maging pretty ako.


Kagabi pala ay hindi na kami nakapag-usap pa. Bigla na lang kasi akong nag-panic. Bigla ko na lang siyang nilayasan. Kailangan kong makabawi. Kaya sana lang mapansin niya itong headband ko na galing pa kay Renesmee. Naiwan ng pinsan kong kikay sa amin, hihiramin ko lang sandali. 


Naglalakad ako patungo sa gate nang matigilan nang matanaw ang matangkad na lalaki na doon ay nakatayo. Literal na napanganga ako nang makilala siya. Anong ginagawa ni Asher dito nang ganito kaaga?!


Nakatayo siya sa gilid mismo ng gate na tila may hinihintay. Ako, di ba? Kasi kami na. Alangan namang ibang babae ang hintayin niya. Alangan namang si Lou. Pag-uuntugin ko talaga silang dalawa.


Pero inagahan niya ba talaga para hintayin ako? At bakit araw-araw na lang ay ang guwapo-guwapo niya? Seryoso ang mukha niya, bahagyang nakayuko, angat na angat ang mataas na bridge ng ilong.


Naka-complete uniform pala siya ngayon, maliban sa hindi pa rin siya naka-black shoes. Puting-puti ang polo na suot niya, katulad ng puting-puti rin na Nike sneakers sa paa. Plantsadong-plantsado ang uniform niya, kahit din ang slacks na itim. Ang iilang babaeng estudyante na papasok sa gate ay nililingon siya, na hindi naman niya alintana.


Parang gustong umurong bigla ng mga hakbang ko, kaya lang ay napatingin na siya sa gawi ko. Nakita niya na ako. Ang seryosong ekspresyon niya ay iglap na nabura. Hindi naman OA na umaliwalas ang mukha niya, sakto lang. Hindi rin mukhang tanga. Hindi lang intimidating na katulad kanina.


"Bakit ang aga mo?" Sabay anggulo ko para makita niya ang aking suot na headband.


"Nagsesermon iyong nanay ko, eh. Kaya lahat kami, nagmamadaling umiskapo."


Aw, akala ko pa naman ay dahil sa akin.


At bakit hindi niya man lang yata napapansin ang headband na suot ko?! Hindi niya man lang na-appreciate na bukod sa pink, may glitters pa ito at design na strawberry sa gilid?!


Ang tahimik niya sa tabi ko. Mag-on na kami, wala ba siyang sasabihin sa akin?! 


Nag-isip na lang ako ng paksa. Ayaw ko naman na first day namin ay magpanisan lang kami ng laway. Hindi iyon ideal na umpisa. "Saka nga pala, Asher, hindi pa ako nakakapagpasalamat nang maayos sa pagligtas mo sa akin doon kina Tabachoy." 


At ayoko nang ganito dahil nagsisimula na rin akong mahiya sa kanya. Feel na feel ko pa iyong kaba. Para namang hindi ko palaging ini-imagine at pinapangarap ang ganitong eksena. 


Nakakainis pa niyan dahil sabay kami sa paglalakad papasok sa gate, kaya minsan ay nagdidikit ang aming mga braso sa isa't isa. Pareho kaming nagugulat at nagpa-patay malisya! 


Napahaplos naman siya sa ulo niya. Isa sa mannerisms niya. "Wala iyon," sabi niya tungkol sa pagpapasalamat ko. Sabay tikhim. 


Napanguso ako. Ang tipid naman. Naisipan ko na magbiro. "Pero thank you talaga. Kasi paano nga kaya kung hindi ka dumating, di ba? Baka siya ang kasama ko ngayon at hindi ikaw." Sinundan ko iyon ng tawang mukhang tanga.


Narinig ko naman ang pag-tsk niya. Paglingon ko ay nakasimangot na siya. "Be realistic naman, lamang ako roon ng sampung paligo at sampung toothbrush."


Napayuko ako para itago ang aking ngisi. Pag-angat ng mukha ko ay mahinhin na ulit ako. "Uhm, dadalhin mo ba ang bag ko?"


Napatingin naman siya sa malaking bag sa likod ko. "Parang mas mabigat ngayon, eh."


Kumibot ang sentido ko, pero nagpigil ako. "Kaya nga, di ba dapat dalhin mo kasi mabigat?" Puno ng libro ang aking bag. Wala akong iniiwan, lahat dala-dala ko palagi.


Napakamot naman siya sa kanyang may ahit na kilay. "May pilay ako sa balikat."


Ang inis ko ay automatic na napalitan ng pag-aalala. "Hala, bakit ka nagkapilay?!"


Nahihiya siyang nag-iwas ng tingin, pero dahil hindi ko siya tinantanan ng tingin ay napilitan na siyang magsalita. "Nag-wresting kami ng panganay kong kuya kagabi. Nag-agaw kami sa remote ng TV."


Napangiwi ako. Twenty-seven na ang panganay na kuya niya, pinatulan pa siya? Ano ba itong mga anak ni Aling Ason? Hindi malaman kung nasobrahan ba o kinulang sa aruga!


Tumikhim siya muli. "Okay lang ba na 'wag munang malaman ng tropa ko na tayo na?" napakahina ng boses na maingat na tanong niya.


Napahinto ang mga paa ko. "Bakit?"


Hirap naman siyang makasagot. Napayuko siya at hindi magawang salubungin ang mga tingin ko sa hiya. "Ano, kapag nalalaman kasi nila, parang nasusumpa bigla. Ganoon kasi iyong mga nangyayari..."


May parte ko ang gustong tampalin siya sa noo, pero may parte ko na naiintindihan siya.  Lahat ng ex niya ay maximum of two weeks lang. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit, kaya naisip niya na baka nga may sumpa siya. Nauto siya ng espikulasyon ni Miko. 


"Okay lang," masiglang sagot ko sa kanya.


Napaangat siya ng tingin. Gulat at nangingislap ang kaninang mailap na mga mata. "Talaga? Hindi ka galit? Hindi mo isusumbat kung bakit? At hindi ka makikipag-break?"


Nakangiti akong tumango. "Oo, talaga. Promise, hindi ako galit. Hindi rin ako manunumbat kung bakit. At hindi ako makikipag-break." Asa ka pa.


Kumurap-kurap pa siya na hindi makapaniwala. Pagkuwan ay napahawak siya sa kanyang bibig. "Wow..."


"Ganyan talaga kapag nakakuha ka ng matured mag-isip. Magaan sa buhay." Kinindatan ko siya at inunahan na sa paglalakad.


Siya naman ay nakasunod sa likod ko. Pag nililingon ko ay namimilog pa rin sa amazement ang mga mata. Masyado pang maaga pero hangang-hanga na siya. Ano pa kaya kapag nilatag ko na sa harapan niya ang aking mga plano hanggang sa mag-senior citizen kaming dalawa?


Pagkarating sa bench ay nandoon pala ang kaibigan niyang si Mico. May kausap na babae. Sinampal ito ng babae at pagkuwa'y iniwan ng mag-isa.


Nang mapatingin sa gawi namin si Miko ay malawak na napangisi ito. Aakalain mong hindi bagong sapok. Maligaya itong napatayo dahil sa pagdating ng kaibigan. "The easy-to-get but hard-to-forget bebe boy of General Trias, Cavite, Asher James Prudente!"


Sasalubungin ni Miko si Asher nang mapatingin ito sa akin. Namukhaan yata ako. "Oy, sakto. Wala na kong GF—" Hindi nito natapos ang sinasabi nang bahagyang dumikit ng paglalakad si Asher sa akin.


"Hi!" bati ko rito. Isa sa mga hindi mahalagang sangkap ng matatag na relasyon ang basbas ng tropa. Pero kahit hindi mahalaga, sangkap din iyan, kaya get ko na rin. Just in case lang na kailanganin.


Umupo kami sa bench. Mayamaya pa naman ang klase ng special section. Si Asher naman ay naupo sa tabi ko. Nakasimangot na. Ano na naman kaya ang ikinasasama niya ng loob?


Habang ang kaibigan niyang si Miko ay nakahalukipkip habang nakatingin sa aming dalawa. "Kayo?" tanong nito.


"Hindi pa kami." Ako ang sumagot.


Naghugis O naman ang bibig ni Miko. Parang hindi makapaniwala. Palipat-lipat ng tingin ito sa amin.


May dumating na babae. Namumukhaan ko. Nasa regular section pero highest section. Naka-purple na headband, may manipis na make up, mukhang kikay na maarte, at nang magsalita ay ang cute pala. Green ang braces ng ngipin.


"Hey you, Michael Jonas!" matinis na sigaw nito kay Miko. "Ano na namang paninira pinagsasabi mo kay Arki baby ko, ha? Bakit sabi mo raw ay may tinga ako ng malunggay sa teeth, e I don't eat veggies!"


"Sorry, akala ko kasi talaga nag-foodtrip ka ng malunggay." Kakamot-kamot naman si Miko na napasunod kay Zandra. Sa huli ay ito na ang may bitbit-bitbit ng mga gamit ng babae.


Nang dalawa na lang kami ni Asher sa bench ay nakahabol pa rin ako sa dalawang palayo. Nakakaaliw kasi dahil mukhang nag-aaway. Kitang-kita ko pa si Zandra na sinasabunutan si Miko habang naglalakad ang mga ito.


Nawala lang sa mga ito ang atensyon ko nang makarinig ako ng ismid sa aking tabi. Napalingon ako kay Asher na nakasimangot pa rin pala.


Bumuga siya ng hangin. "Parang ang saya mong sabihin sa kaibigan ko na hindi pa tayo."


Napaamang naman ako sa kanya. "Ano?"


"Wala." Salubong pa rin ang mga kilay niya.


"Ah?" Napakurap-kurap ako. Pagka-process ng sinabi niya ay napabungisngis ako. "O di ba sabi mo na 'wag munang ipaalam sa mga kaibigan mo? Anong ikinatatampo mo riyan?"


"Wala nga." Mahina ang boses niya pero may bahid ng pagkayamot.


Nang oras na para pumasok ako sa room ay nauna siyang tumayo. Alam niya ang oras. Syempre alam niya. Tumiim ang mga labi ko at simpleng kumuyom ang aking mga palad.


"Pasok ka na." Napahagod siya muli ng kamay sa kanyang ulo. "Di ba oras na ng first class niyo?"


Kahit biglang lumamig ang mood ay sinikap kong ngumiti. "Oo nga. Sige, pasok na ako." Hindi naman niya ako ihahatid, at hindi rin ako pahahatid, kaya nauna na akong lumakad. Nakakailang hakbang na ako nang tawagin niya.


"Lai!"


Nakakunot ang aking noo nang lingunin siya. "Bakit?"


"Gusto ko lang sabihin... Bagay sa 'yo ang headband mo." Pagkasabi'y tumalikod na siya at iniwan akong tulala.



PALAGI. Araw-araw, walang usapan pero nakaugalian na namin na maghintayan sa gate. Madalas na siya ang nauuna. Hindi na siya sumasabay sa kuya niya para maaga lagi siya. Minsan naman ay ako ang nauuna. Pagkatapos niyon ay tatambay na kami sa bench hanggang sa mag-bell.


Sa mga breaktime din, nagkikita kami sa tuwing magpapang-abot ang oras namin. Walang usap. Tamang tabi lang. Pakiramdaman. At oo nga pala, ang two weeks maximum ay nalagpasan na namin.


Nakilala ko na rin ang mga kaibigan niya, kahit talagang kilala ko naman na talaga sila. Ka-close ko na rin pala talaga si Carlyn dahil ako ang dakilang love messenger nito at ni Jordan.


Ang pagkakakilanlan nila sa akin ay isang mabait na estudyante mula sa special section. At natutuwa ako dahil kahit sa pagkakaalam nila na hindi pa kami ni Asher, ay ramdam ko na ang boto nila sa akin. Especially the girls, Carlyn, Zandra, and Vivi.



"ANO NA NAMAN, LAILA?!"


Napatapik sa noo si Tita Judy nang pagbaba niya sa tricycle ay nakita niya agad ako na naghihintay sa bukana ng street. Ngayon na lang ulit ako bumalik sa Buenavista. Wala lang, na-miss ko lang pumasyal. Masama ba?


"Bakit ba parang ayaw mo na akong dadalawin ka?" kunwari ay nagtatampo na sumbat ko sa kanya.


"Hindi naman sa ganoon." Napasentido si Tita Judy. "Pagod kasi ako sa pagtuturo maghapon. Ikaw, pagod ka rin di ba sa eskwela? Saka walang kasama sa inyo si Ate Madi."


"Una, hindi naman ako magpapaturo sa 'yo para makadagdag ako sa pagod mo sa maghapon, pangalawa, hindi ako pagod sa school dahil ang vitamins ko ay Enervon, at pangatlo, nasa kapilya si Mama hanggang gabi. May bagong panata siya!"


Itinaas ko ang aking bitbit na tatlong pirasong balut. Binili ko sa kanto. Nang makita iyon ay napangiti na si Tita Judy. Paborito niya kasi ito. Lalo nitong nakaraan, madalas na raw manghina ang kanyang mga tuhod.


Naglakad na kami patungo sa apartment niya. Napadaan kami sa umpukan ng mga nanay sa tapat ng bahay ng mga Prudente. Ang leader sa umpukan doon ay walang iba kundi si Mrs. Ason Agoncillo-Prudente. Naka-duster, sala-salabit ang buhok, plakado ang kilay, at mamula-mula ang mukha sa rejuv.


"Siya nga, Ason?" tanong dito ng kausap na kapitbahay. Naka-duster din, lawit ang kili-kili.


Taas-noo naman si Aling Ason sa pagsagot. "Oo naman, maswerte talaga ako sa mga anak ko kahit puro mga barako. Mababait, malalambing, at mga maka-nanay. Kahit malalaki na, di pa rin sa akin makahiwalay!"


Ay, gumana na naman pala ang split persona ng ilaw slash speaker ng tahanan ng mga Prudente. Parang kailan lang ay isinusumpa nito ang mga barako, gusto pa ngang bigyan ng tag-iisang kutsilyo.


"Naku, swerte mo talaga, Ason," puri naman ng isa sa ka-chika-han nito. "Tapos ang responsable pa ng panganay mo!"


"Aba, syempre naman, mga mare. Lalo 'yang panganay ko, aba ay napakabait na bata. Nagkaka-girlfriend pero di nagtatagal, ako pa rin kasi ang pinakamamahal!"


"Kow, ka-swerte mo talaga. At siya nga pala, Ason, sa sunod na katapusan na pala iyong utang ko, ah? Kulang kasi sweldo ng mister ko."


Saglit na natigilan si Aling Ason, napaisip. At naisip na mas mahalaga ang chismis. "Ah, sige okay lang, Mare. Pero nasaan na nga ba tayo? Nasa panganay ko na, ano? Ayun nga, mga mare. Napaka-responsable ng anak ko, napakabait, napaka—"


"Gago," nanulas sa mga labi ni Tita Judy.


Napatingin tuloy ang magkukumare sa amin.


"Ehem, ang sabi ko ho ay 'hello'." Matamis na ngumiti ang tita ko sa mga ito. "Hello po, Aling Ason."


Napatayo si Aling Ason mula sa monoblock na kinauupuan. Namamaypay ng hawak na nakatuping diyaryo. "O, Judy, nakauwi ka na pala mula sa pagtuturo."


Naglabas ng wallet si Tita Judy. "Magbabayad po sana ako ng upa sa apartment. Pati na rin po ang kulang ko noong nakaraan sa kuryente. Pasensiya na po dahil natagalan."


Napasimangot si Aling Ason. "Ay, kow, puwede ba na mamaya na lang? Nasa loob ang record book ko, eh. At nagkukuwentuhan pa kami nitong mga kumare ko, hane?"


"Ah, sige po. Mamaya na lang po." Magalang na nagpaalam na si Tita Judy kay Aling Ason and others.


Nakakailang hakbang pa lang kami ay nauulinigan pa namin ang pagsasalita ng isa sa magkukumare. "Isa pa iyang si Judy, ano? Responsableng bata rin. Independent. Wala pa yata iyang boyfriend. Swerte ng mga magulang."


"Oo, mabait pa iyang bata," segunda naman ni Aling Ason. "Kaya nga kahit nade-delay sa upa minsan, okay lang. Napakasipag at talagang matibay sa buhay. Kow, akong-ako kamo noong dalaga ako. At ganyan din ako kaganda noon! Ayaw niyong maniwala?" Biglang sumigaw ito. "Aram, dalhin mo nga rito ang photo albums ko noong kadalagahan ko!" 


Pagtingin ko kay Tita Judy sa aking tabi ay pinamumulahan siya ng mukha. Siniko ko siya. "Narinig mo, tita? Boto sa 'yo si Aling Ason para sa panganay niya!"


Bigla niya akong sinabunutan. "Gaga ka!"


"Ouch!" Kandailag naman ako habang natatawa. "Isusumbong kita kay Mama, sinasaktan mo ako!"


"Maganda nga na magsumbong ka, para di ka na papuntahin pa rito!" Nauna na siya papasok sa apartment niya.


Nagbibihis siya habang ako naman ay nakasalampak sa sahig. Nagugupit ako ng kuko. Nakigamit ako ng nailcutter niya. Di ko kasi type ang mahabang kuko, mas gusto ko iyong laging sagad.


Papadilim na sa labas ng abutan ako ni Tita Judy ng pera. "Ikaw na ang magbayad ng upa ko at kulang sa kuryente."


"Luh, bakit ako?" Pero na-excite ako, hindi ko lang ipinakita.


Mula sa pagkasimangot ay lumambing ang ekspresyon niya. "Sige na, please, paborito kong pamangkin?" Oo, ganyan 'yan pag may kailangan.


Nagmaktol pa rin ako. "Tita naman, puro boys iyong nakatira doon. Paano kung mapaano ako?"


"'Wag kang mag-alala, di ka nila pagkaka-interesan."


"Wow, ha? Sakit mo naman magsalita! Ang pangit ko ba?!"


"Gaga, wala ko sinasabi na pangit ka. Ugali mo iyong pangit."


Inagaw ko na sa kanya ang pera. "Malamang mana sa 'yo."


Pinamewangan niya ako at dinuro. "Ay, bakit sa akin? Ako ba umire sa 'yo?!"


"Pinadede mo ko nong baby pa ako!"


"Ew! At ano naman nadede mo sa akin? Pawis?!"


"Mas ew ka talaga, Judy!" Pinalabas na niya ako ng pinto. Dumeretso uwi na rin daw ako at wag na akong babalik. Asa naman siya.


Bago ako mag-doorbell sa gate ng mga Prudente ay hinimas-himas ko muna ang aking buhok. Naligo rin ako ng aking Bambini cologne. First time ko kaya kabado talaga ako. 


Ang nagbukas sa akin ay si Aram. Pangalawa sa panganay. Tayo-tayo pa ang buhok. Mukhang kakaahon lang sa pagsi-cell phone sa sofa. Sumigaw agad ito. "'Nay, magbabayad daw ng upa!"


Pinapasok ako nito hanggang sa sala. Ang aking mga mata ay mabilis na binistahan ang paligid. Malawak ang sala, malalaki ang mga sofa, at may malaki ring flat screen TV. Sa itsura pa lang at mga gamit, mababatid mo na agad na may kaya ang nakatira.


All in all ay malinis naman, iyon nga lang ay ang daming hindi angkop sa paligid. Katulad ng ang balot ng throw pillow ay hindi magkakapareho. Dalawa ang naiiba. Iyong stereo ay mukhang bago pa, kaya lang ay tadtad ng anime sticker na Dragon Ball Z, ang center table ay puro magazines na tungkol sa computer games, at iyong hagdan naman ay may nakabitin na stuffed toy na unggoy.


Lumabas mula sa kusina si Aling Ason. Naka-duster pa rin. Bagaman pawisan ay lumalaban pa rin ang pamumula ng mukha dahil sa rejuv. "Pasensiya na ineng, gumagawa kasi ako sa kusina ng gelatin. Paboritong panghimagas ng mga anak ko."


Inabot ko na rito ang bayad. Inilista agad nito sa record notebook. Nakita ko na marami-rami itong listahan ng pautang. Mga humihiram dito ng five-six. Marami din ATM sa bitbit nitong bag.


Malumbay na aalis na sana ako, na hindi ko man lang nasisilayan ang gusto kong silayan, nang mula sa itaas ay nakarinig kami ng mga yabag. May pababa. Ang una ko agad nakita ay ang pajama na may print na SpongeBob.


Di pa tuluyang nakakababa ay nagsasalita na ang matangkad na. "'Nay, may bayaran kami sa school, two hundred!"


Ang paglabas ko sa pinto ay biglang naging slow motion. Lalo noong napatingin siya sa akin. Parang nakalimutan na niya ang pangi-scam sa nanay niya.


Nasira lang ang moment ng pagtititigan namin nang biglang magbatuhan ng throwpillows ang dalawang kuya niya. "Oy, toka mo pagtapon ng basura ngayon!"


"Ako na nga kahapon, ah!" angal naman ng isa.


"Sige, yari ka ke Kuya Abel! Takas ka na naman sa gawin, ah!"


"Ako na," biglang sabat ni Asher sa dalawa.


Natahimik sa buong sala. Nawindang siguro sila dahil sa pag-ako ni Asher sa pagtatapon ng basura, na akala mo naman ay napakabigat na trabaho para pagpasa-pasahan nila.


Nakalabas na ako sa gate ng mga Prudente pero iyong hakbang ko ay mabilis pa yata ang hakbang ng pilay na langgam.


Paglabas ni Asher ay naabutan niya pa ako. Basta niya sinalaksak iyong trashbag sa basurahan. Kunwari naman ay tuloy pa rin ako sa paghakbang.


"Lai," tawag niya sa akin pagkasara ng basurahan.


Huminto ako. "Uhm, bakit? Nandiyan ka pala..."


Paglingon ko sa kanya ay napasinghap ako. Saktong-sakto ang liwanag ng bukas na ilaw sa terrace nila sa aming kinatatayuan naming dalawa. Malinaw na malinaw sa akin ang detalye ng mukha niya kahit gabi na. Ang itim na mga mata niya ay nakapanghina.


"Number."


"Ha?"


Inabot niya ang dalang cell phone sa akin. Saka ko lang naisip, magta-tatlong linggo na kami, pero hindi pa namin alam ang number ng isa't isa. I mean, hindi niya pa alam ang number ko. Iyong kanya kasi ay alam ko na. Naka-saved na nga dati pa.


Nanginginig pa ang kamay ko nang tanggapin ang cell phone niya. Pati pagtitipa ko ng number doon ay halos sumala dahil sa kaba. Higit lalo nang ngumiti siya pagbalik ko niyon sa kanya.


"Save ko na. Anong pangalan ang gusto mo?"


"Uhm, kailangan ba ng pangalan?" Nahihiya ako na naghawi ng ilang hibla ng buhok na tumabing sa gilid ng aking mukha. "Ikaw ang bahala... Kahit ano... Pero kung gusto mo, puwedeng 'Prinsesa Ko'."


"Ha?" Nagtigil sa pagtitipa sa phone na hawak niya. "Sorry, di ko narinig. Puwedeng pakiulit?"


"Ah, ano, Laila!" biglang sabi ko. Buwiset, ano ba iyong nasabi ko kanina?!


"Ah, okay." Tumango naman siya. "Sige, Laila na ilalagay ko."


"Laila lang talaga?" Napanguso ako. "Lagyan mo naman kahit ng isang heart sa dulo."


"Ah, sige, sige." Ginawa naman niya. Masunurin siya.


Hindi ko nga lang inaasahan ang sumunod niyang gagawin, tinawagan niya lang naman nang walang pasabi ang number ko. Sabay na namilog ang mga mata namin nang pumailanlang sa paligid ang ring tone ko!


Can't you see that I'm the one who understands you, been here all along, so, why can't you see? You belong with me...!


Ang gulat sa mga mata niya ay unti-unting uminit at lumamlam. "Kailan pa naka-save sa 'yo ang number ko?"


jfstories

#CrazyStrangerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro