Chapter 1
Simula...
"BAKIT SA PUBLIC SCHOOL KA NAG-ENROLL?"
Tatlong araw na mula nang pasukan, pero hindi pa rin maka-move on si Mama. Ang usapan kasi ay sa Bethel Academe na ako mag-si-senior high ngayong taon, pero hindi ako dumeretso roon. Katulad lang din noong junior high ako, naisahan ko na naman si Mama.
"Kaya naman pala hindi ka pumayag na ako ang sumama sa 'yo mag-enroll, may balak ka pala na doon sa Gov magtuloy ng senior high. Kinuntsaba mo na naman ang Tita Judy mo." Si Tita Judy ay sisteret ni Mama at ang aking greatest tita of all time. Spoiled ako roon at lahat ng trip ko sa buhay ay sinusunod.
Nagkamot ako ng pisngi. "Okay lang naman ako po ako sa public. Saka nasa Science Class naman ulit ako ngayon. Kaunti lang kami sa room at maraming fan sa loob. Saka makakatipid tayo sa tuition, ayaw niyo ba niyon?"
"Kaya nga nasa abroad ang papa mo ay para maibigay ang lahat sa 'yo. Isang anak ka lang kaya bakit ka namin titipirin kung kaya naman namin?"
Niyakap ko siya at hinagkan sa pisngi. "Pasok na po ako sa school." Pagkuwa'y nanakbo na ako patungo sa pinto.
"Laila, hindi ka pa nag-aalmusal!" habol na sigaw niya.
Idinungaw ko ang aking ulo sa pinto. "Bawi na lang ako sa dinner. 'Love you, Mother Earth!" Sabay takbo ko na paalis bago pa makasingit ng rebut si Mama. Hindi ako puwedeng ma-late sa aking everyday schedule.
Sumakay na ako ng tricycle papunta sa school. Ang ekspresyon ng aking mukha ay mula sa maligaya ay naging pormal—my normal everyday expression.
Pagkarating sa school ay hindi agad ako pumasok. Tumayo ako sa gilid ng gate, sa parte na hindi gaanong pansinin dahil maraming estudyante ang paroo't parito. Hindi rin naman talaga ako pansinin. Pagkaraniwan lang ako, walang espesyal na tungkol sa akin.
Kumbaga, sa isang pelikula ay ako ang extra na hindi gaanong nahahagip ng camera. Dito naman sa school ay puwede na akong pumasang 'human shadow'. Palaging nakatago, palaging discreet.
Hindi ako sad. Gusto ko nga iyong hindi ako napapansin. Mas napapakinabangan ko ang ganoon. Katulad ngayon, meron akong inaabangan. Tifteen minutes na lang at darating na ito.
Twenty seconds before fifteen minutes, natatanaw ko na ang paparating na owner. Open ang gilid niyon at hindi tinted ang salamin sa harapan kaya makikita na agad kung sino ang nakasakay. Two handsome guys.
Ang isa na nasa manibela ay naka-uniform ng pang La Salle. Si Aram John Prudente, 19, 2nd year college, ang kurso ay Bachelor of Arts in Political Science. Pangalawa sa apat na magkakapatid. Matangkad, guwapo, pero wala sa kanya ang atensyon ko.
Ang atensyon ko ay ang nasa katabi nito, ang lalaking naka-white shirt lang habang ang school polo ay nakasampay sa balikat, guwapo sa maangas na paraan, at semi calbo.
Bumaba ang lalaking tinititigan ko. Nakipagtawaran ng baon sa lalaking nasa manibela. "Kuya, gawin mo ng dalawang daan. May project kami!"
"Wag mo kong ululin, Asher! Project agad e wala pa ngang one week ang pasukan. Di mo ako madadaan sa ganyan, napagdaanan ko na 'yan!" Dinirty finger siya nito bago pinaandar paalis ang owner.
Kakamot-kamot ng ulo si Asher habang nakahabol na lang ng tingin sa papalayong nakatatandang kapatid. "Taena naman!"
Oo siya, siya si Asher. Asher James Prudente. Una ko siyang nakilala noong kinder siya. Kinder teacher kasi sa Buenavista ang tita ko. Madalas akong sumama rito noong Grade 1 ako.
Cute. Ang cute niya dati habang dinuduro niya ako at sinasabi ang mga katagang: "Paglaki ko, syosyotain kita!"
Hindi niya na malamang tanda iyon ngayon. Ang daming nagkaka-crush sa kanyang magagandang babae.
Pagpasok ni Asher sa gate ng school ay naglakad na rin ako papasok. Sa loob ay makikita ang batong bench na nasa ilalim ng malalaking puno. Naroon na nakatambay ang mga kaibigan niya.
Nakipag-fist bump siya sa mga ito. Tatlo silang mga lalaki. Si Asher, si Isaiah at si Miko. Magkakasing edad. Grade 10. Parehong mga guwapo, may makakamandag na ngiti, pero sila rin ang mga klase ng lalaki na hindi seryoso at happy-go-lucky. Mga bata pa kasi.
Mayamaya ay nag-ja-jamming na sila sa bench. May dumating na dalawang babae. Ang isa ay hindi pantay ang blush on pero cute naman. Ang isa naman ay napakaganda pero mukhang maldita.
Sila-sila ang magkakasama mula noong nakaraang taon. Bagamat ngayong taon ay hindi sila magkakaklase, hindi nawala ang closeness nila. May mga issue na gawa ng mga mapanghusgang mga mata, dahil issue naman talaga palagi kapag may oppossite genders sa loob ng isang tropa, pero wala silang paki.
Ang galing ng pagiging human shadow, di ba? Maraming nalalaman sa simpleng pagmamasid at pakikinig lang.
Nang tumunog ang bell ay nagkanya-kanya na sila. Mula sa malayo ay nakamasid pa rin ako. Bago tumuloy sa building ng Grade 10 si Asher ay may lumapit sa kanyang isang estudyanteng babae. Galit ang itsura.
Naghintay ako ng ilang minuto habang pasimpleng nakatambay sa kabilang dulo ng bench. Hindi ako takot na mapansin dahil na-master ko na ang art of hiding. Kunwari'y may pinapakinggan ako sa suot na earphone habang nakabaling sa iba ang aking paningin.
May pinagusapan sila at naririnig ko ang lahat. Mahinahon lang si Asher pero galit na galit iyong babae. Binuksan ko ang camera ng aking phone at pasimpleng itinapat sa kanila ang front cam. Sa pag-zoom ko ay aking nakita ang pagkaubos ng pasensiya ni Asher sa kausap niya.
"Bakit ka nagagalit?!" pasigaw na tanong ng babae habang papaiyak na ang mukha.
Tumiim ang mga labi ko. Sino ba ang unang nagalit? Di ba ito? Tapos noong mapikon si Asher, biglang reverse card? Engot lang?
Napahaplos si Asher sa buhok. Nang magsalita ay magaan ang tono. "Tama na..."
"A-anong tama na?" Namilog ang mga mata ng babae.
Bumuga siya ng hangin. "Tama na. Sorry." Pagkuwa'y tinalikuran niya na ang babae.
"Asher, ganoon na lang? Imbes na suyuin mo ako?! Break na lang agad? Sabi ko na nga ba, di mo ko totoong love! Kaya siguro ayaw mong ibigay ang password mo sa akin kasi may iba ka na agad!" Nag-iiyak na pero hindi na nilingon pa ni Asher.
Inamo na lang ang babae ng mga dumating na kaibigan nito. Akala mo naman ay ang iniiyakan nito ay huling lalaki na sa mundo. Akala mo end of the world na para rito, e Grade 8 pa lang naman ito.
Naglakad na ako pasunod kay Asher. Sakto lang ang aking distansya sa kanya. Kalkulado ko ang aking bawat hakbang. Puwede na nga akong maging spy sa totoo lang.
Habang nakasunod kay Asher ay napansin ko na malungkot siya. Nakaramdam naman ako ng awa sa kanya. Pero okay na rin na mag-break sila ng babaeng iyon dahil doon din naman sila pupunta.
Mga bata pa sila. Immature. Lalo na ang babaeng iyon. Sukat ba namang nakipagrelasyon sa kanya pero wala namang tiwala. Sabagay, what could you expect from a fifteen-year-old girl? Ni hindi pa nga yata iyon nireregla.
Saka mabilis namang maka-move on si Asher kaya hindi ako masyadong nag-aalala. 48 hours lang ang maximum moving on process niya. After niyon, ma-a-attract na naman siya kapag may magandang nanlandi sa kanya.
Pagkapasok ni Asher sa building ng Grade 10 ay saka ako lumiko. Tinungo ko na ang building ng Science Class kung saan naroon ang room ko.
Late ako ng mahigit thirty minutes pero wala ang first subject teacher namin na si Mrs. Mercado. May iniwang activities. Dere-deretso ako sa upuan. Kaunti lang na kaklase ang napatingin sa akin. Hindi nga kasi ako pansinin.
Ni walang nagtanong kung bakit ngayon lang ako. Wala kasi akong kaibigan, kaya naman parang isang hangin lang ako na nagdaan.
Pagkaupo ko sa upuan ay narinig ko ang mahinang usapan mula sa aking likuran. "She's kind of creep."
"Oo. Pansin mo iyong expression ng mukha niya? Isa lang."
"Sabi ng pinsan ko na kapitbahay nila sa Sunterra, mabait daw 'yan at malambing sa mama niya. Pero pag wala na iyong mama niya, nagbabago raw agad ang expression ng mukha. Tapos kung tumingin, tagus-tagusan. Basta parang two-faced siya."
Ginawa pang horror ang genre nitong kuwento. Hello? Young Adult Romance ito!
Anyway, sila lang ang nakakapansin sa akin. Exception sila. Kahit talaga sa Science Class ay may mga 'mema'. Parang gubat lang, lahat may ahas.
Nang tumunog ang bell for first break ay dere-deretso na lumabas ako sa pinto. Again, wala na namang nakapansin sa akin.
Pumunta ako sa canteen. Pagpasok ko roon ay natanaw ko agad ang tatlong lalaki na nag-se-cellphone sa isa sa mga mesa roon. Ang isang lalaki ay umalis, si Isaiah.
Naiwan sa mesa ang dalawa, sina Miko at si... Asher.
Bumili ako ng mineral water saka naupo malapit sa kalapit na mesa. Patagilid ang puwesto ko sa kanila.
Sa peripheral vision ko ay umangat ang tingin ni Miko kay Asher. "Taena, trip ka ng batang tita ko. Mula nang inuman sa amin noong bakasyon, palagi ka ng itinatanong."
"Pass," walang buhay na sagot ni Asher habang ang atensyon ay nasa nilalaro niya sa hawak na cellphone.
Napangiti ako sa sagot niya at sa kawalan niya ng gana.
"Sinabi ko lang sa 'yo kasi baka bigla ka na lang i-PM. Hina-hunting account mo e."
"Di naman ako basta-basta nag-re-reply."
Tumango-tango si Miko. Off limits kasi sa tropahan nila ang mga kamaganakan. "Saka may GF ka naman ngayon, di ba? Niligawan mo noong isang araw 'tapos sinagot ka na kahapon."
"'Tapos break na kami ngayon."
Natawa si Miko. "Gago, anyare? Kahapon lang ang sweet niyon sa 'yo, ah? Binili ka pa ng bagong earphone."
"Ewan ko roon. Mahal ko pa naman na, kaso bigla na lang nabuang. Gustong ba namang hingin lahat ng password ko. Noong tumanggi ako, umiyak agad dahil manloloko raw ako."
"Tsk. 'Yan din naging problema ko sa GF ko last week. Gusto naman palit kami CP ng isang gabi."
"Dami mo kasing babae." Nakasimangot na ibinaba na ni Asher ang phone niya. "E ako? Hindi naman ako babaero na tulad mo."
Alam ko. Mukha lang pero hindi. Sa tropahan nila, si Miko lang talaga ang babaero. Nadadamay lang sila ni Isaiah sa reputasyon nito.
Pumalatak si Asher. "Ewan ko ba sa mga nagiging syota ko. Maximum of two weeks lang lahat sila. Basta na lang nagkaka-issue sa akin. Wala naman akong ginagawa pero pota, kung paghinalaan ako, akala mo syosyotain ko na lahat ng babae sa lahi nila."
Napailing si Miko. "Repa, sa tingin ko me sumpa ka. Mula pa noong first GF mo, ganyan na lagi ang nangyayari, di ba?"
Hindi na umimik si Asher. Nailing na lang ang lalaki at tamad na nagpakawala ng buntong hininga.
Tumayo na ako at lumabas ng canteen. While waiting, I glanced at the time on my wrist watch. Patapos na ang ten minutes. Binilang ko ang minuto hanggang sa mga huling segundo. 3... 2... 1....
Pagkatapos ay tumingin sa exit ng canteen, saktong pagkatapos ng bilang ay lumabas na mula roon sina Asher at Miko. Napangiti ako.
Pinanood ko ang dalawa habang naglalakad sila. May nakasalubong silang mga babaeng estudyante. Humahabol ng tingin sa kanila. Ang isa sa mga estudyante ay matigas ang mukha na nagparinig pa. "Hi, baby!" Palibhasa ay may itsura kaya malakas ang loob.
Naghagikhikan naman ang mga kasama nito. Tamang sulyap lang naman ang ginawa ng dalawang lalaki at pagkatapos ay nagtuloy na sa pag-alis.
Kinikilig na nagtutulakan pa rin naman ang mga babaeng estudyante. "Miko iyong pangalan nong may silver na hikaw sa ilong. Taga sa amin iyon. Ang pogi, 'no?!"
Iyong matigas ang mukha na nagparinig kanina ay parang nangangarap na nagsalita, "Bet ko iyong semi cal. Mas napopogian ako sa kanya. Lakas ng dating sa akin."
Kumuyom ang mga palad ko.
"Uy, mukhang seryoso si Charmaine," tinukso ito ng mga kasamang kibigan.
Ngingiti-ngiti naman ang babae na Charmaine pala ang pangalan. "Tara sundan natin. Alamin natin saan ang room."
Paglakad ng mga ito ay parang may sariling isip na humakbang pasunod ang mga paa ko. Nakarating kami sa building ng Grade 10.
Nasa pinto na ng room na target ang mga ipinaglihi sa higad. Iyong parang alalay nong Charmaine ay nagtawag ng tagaroon sa room. "Anong pangalan nong matangkad na semi calbo?"
"Ah, si Asher James Prudente."
"Pahingi ng number daw iyong friend namin."
Mula sa matigas na mukha ay biglang nahiya iyong Charmaine. Tabingi ang bibig nito nang magsalita. "Oy, di naman ako nanghihingi e. Tara na nga!"
Ang mga estudyante sa room ay mga napairit at mga nanukso na. Lalo namang tumabingi ang bibig ni Charmaine. Namilipit pa ang katawan na akala mo'y inasinang uod.
"Tulak niyo ko paglabas, ah?" bulong nito sa mga kasama.
Nasa gilid ako ng corridor sa building ng Grade 11 habang nakamasid sa nangyayari. Saglit lang ay nakita kong lumalabas na ng room si Asher. Lumapit siya kay Charmaine. Ang bilis ng pangyayari dahil bago mag-bell, nakapagpalitan na sila ng cellphone number.
Tumalikod na ako at walang emosyon ang mukha na naglakad pabalik ng aking room.
HULING SUBJECT.
Mula kaninang umaga, mapa short quiz na 1-10 o long quiz na 1-20, ay aking sinigurado na lahat ay perfect ako. Kailangan kong maipakita sa kanila na okay lang naman ako sa public school. Na mas nagiging madiskarte at masikap ako rito.
Matapos ang responsibilidad ko bilang anak at estudyante, mula sa pagiging kalmado ng aking mukha ay lumabas na ang aking emosyon na bihira lang makita—ang kakaibang kislap ng aking mga mata.
Maagang pinalalabas ang Science Class kaya nasa labas na ako habang ang nagkaklase pa ang ibang estudyante. Instead of walking out the gate with my classmates, my feet went straight to the Grade 9 building—ang building kung saan naroon ang room ni Charmaine.
Charmaine whose full name was Charmaine Faye Espelogo, 15 years old. Kung gaano kagaling maglagay ng kilay at eyeshadow sa mata ay siya namang ikinahina sa klase. How did I know? Tumambay lang ako sa faculty at pasimpleng nagtanong-tanong sa naabutan ko roong Grade 11 teacher. That was where I gathered the information I needed.
I looked at the screen of my phone. Naroon ang ang number na kanina pa naka-save. I got this from the Grade 11 student that I approached earlier. Naki-text kasi ako, kunwari wala akong load. And the moment I got hold of the phone, I immediately memorized the number I looked for in the phonebook.
Two weeks. In just two weeks, mawawala na ang ngiti sa mga labi ng babaeng tinatanaw ko ngayon mula sa bintana ng room nito. 'Charmaine Faye Espelogo, nagkamali ka ng lalaking nagustuhan mo.'
Naglakad na ako paalis. Malas lang dahil maaga ring pinalabas ang mga estudyante. Napasabay ako sa karamihan. Ang gugulo nila, ang dami, mag nagtutulakan. Meron pang nagmumurahan kahit wala namang dahilan.
Binilisan ko ang aking lakad pero malas talaga dahil may matabang lalaki akong nakabangga. Nagmamadali kasi ito at ang mga kasama nito.
"Di ka kase natingen, tanga!" singhal nito sa akin.
Napikon ako. "Anong sabi mo, tabachoy?!"
Tatalakan ko na ito nang bigla itong manakbo kasama ang mga tropa nito.
"Gago, sina Asher pababa!" sigaw nito. Nagpulasan hanggang sa bigla na lang nawala ang mataba with friends.
Nawala na rin ang aking atensyon dito dahil sa narinig kong pangalan.
Nag-panic ako at hindi malaman kung saang direksyon pupunta, basta ang gusto ko ngayon ay makaalis na. Kaya lang bago ko pa maihakbang ang aking mga paa ay may bumaba na mula sa hagdan.
"Tanginang tabachoy iyon, nasaan na?!" Isang matangkad na lalaki na ang aking nakita at nagpakabog ng aking dibdib sa kaba.
Ang guwapo niyang mukha, ang maangas na mga mata, ang nagtatagis na mga ngipin... si Asher James Prudente!
Kasunod niya ang dalawang lalaki na sina Miko at Isaiah. Mga badtrip ang itsura. Mukhang may atraso sa kanila ang hinahanap nila.
Iyong Isaiah ay nagpapalagutok ng buto sa kamao. "Mga repa, di tayo papayag na hindi mahanap tropahan ni tabachoy ngayong araw!"
Nagtatagis din ang ngipin ni Miko. "Natalo sa bilyar tapos tinakasan tayo kahapon! Ampota, di talaga ako papayag na di nila maibigay iyong utang nilang six-hundred!"
Naunang umalis sina Isaiah at Miko. Si Asher ay sumilip sa room na nilabasan ng matabang lalaki kanina. Pasalisi na ako paalis, 'kaso lang ay napakyaw ko yata ang kamalasan ngayong araw, natapilok pa ako bago nakaalis!
Padapa akong sumadsad sa sahig. Nagtawanan iyong mga nakakitang estudyante kaya napalingon tuloy si Asher sa akin. Ang unang beses na napansin niya ako!
"Hoy!" sigaw niya. "Ilang isda nahuli mo?"
Napakagat-labi ako. Sinikap kong tumayo para makaalis na bago niya pa makita nang buo ang mukha ko. Shit, no! Hindi pa panahon para mapansin niya ako. Hindi pa ngayon!
No. No. No! Wag kang lalapit, hindi ako ready! May pimple ako sa noo!
"Hoy!" sigaw niya kasi hindi ako lumilingon.
Nagtatawanan pa rin iyong mga estudyante. Hirap akong umahon dahil napilayan yata ako. Pero kahit anong sakit, titiisin ko para lang makaalis na. Sinubukan kong tumayo nang bigla ay mapaluhod ulit ako.
Nag-pa-panic na ako kung paano ang gagawin nang biglang may malalaking kamay na dumaklot sa kili-kili ko at basta ako binitbit. Namilog ang aking mga mata dahil mistulan akong magaang manika na walang kahirap-hirap nitong itinayo.
"Bingi ka ba? Tinatawag kita, ah!" boses na nagparigodon ng tibok ng puso ko.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaharap kami nang ganito kalapit, ganito pang posisyon kung saan nakayuko siya sa aking mukha, habang ako naman ay sa kanya'y nakatingala.
Parang panaginip. Hindi ko napigilang sambitin ang pangalan niya, "Asher..."
Ang ngisi sa mapula niyang mga labi ay nabura. "Tangina, sino ka at bakit mo ako kilala?!"
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro