
Chapter 9
ELI... Palapit si Eli at salubong ang mga kilay habang nakatingin sa amin ni Isaiah.
Napalayo ako kay Isaiah. Si Isaiah naman ay kalmado lang. Yumuko at bumulong sa akin, "Una na ko sa taas. Pero di na 'to puwede next time."
Napalunok ako nang balewalang sulyapan niya pa si Eli bago nakapamulsa sa suot na uniform pants na umalis.
Nang makalapit na sa akin si Eli ay halos magbuhol ang kilay ng lalaki sa pagsasalubong. "Vi, sino iyon?!"
"K-kaklase ko dati."
"Dati? Hindi na ngayon? Pero bakit kausap mo?"
"Uhm, ano..." Hindi ako makaisip ng isasagot. Lalong kumukunot naman ang noo ni Eli. Ngayon ko lang talaga siya nakitang ganito. Parang nakakain siya ng pagkaing hindi masarap.
"Ano nga? Bakit ka niya kinakausap?!"
Napakamot ako ng pisngi. "Ano, wala. Ano lang, nangutang," sa kawalan ng sasabihin ay nasabi ko.
"Nangutang siya sa 'yo?!"
"Oo. W-wala raw siyang pera..."
"E bakit sa 'yo? Saka magkano?!"
"Ako kasi iyong nakita niya. E kailangan niya. Saka maliit lang naman ang inutang niya. Pambili niya lang ng ano... lunch." Sorry, Isaiah!
"Hay naku, Viviane Chanel!" Napailing si Eli. Hinawakan niya ako sa ulo. "Wag mo nang singilin iyon, ah? Wag ka nang makikipagusap doon."
Napalabi ako. "Bakit naman?"
"Basta!" Hinila niya na ako. "Tara na, hatid na kita sa room mo."
Para mailihis ang iniisip niya ay nag-isip ako ng ibang paksa na mapaguusapan. "Galing ka ba sa amin kaninang umaga? Nalaman mong nauna na ako? Siguro nagtampo ka, ano?"
Umismid lang si Eli. Hindi pa rin okay ang mood niya.
"Ano? Tampo ka, ano? Nauna na kasi ako dahil maaga kaming umalis ni Kuya Vien." Hindi ko na binanggit na may topak na naman si Daddy dahil mag-aalala lang siya.
Nang paraan na kami sa room ng 11-Narra na room nina Isaiah ay hinila ako ni Eli. Pinagpalit niya ang puwesto namin kaya siya iyong nasa may gilid mismo ng room. Hindi na rin ako tumingin pa dahil bukod sa nahaharangan ako ni Eli ay wala rin naman akong lakas ng loob na lumingon.
Pagkahatid ni Eli sa akin sa room ay parang ayaw pa niyang umalis. Parang gusto pang hintayin na mag-bell kung hindi ko lang siya pinagtulakan na umalis na. Nahihiya na kasi ako dahil dumadami na ang mga classmates ko. Napapatingin na ang mga ito kay Eli na nakatambay pa rin sa pinto.
Napalingon ako aking katabi na si Charles Felix Columna. Malungkot siya sa kinauupuan. Nang mapatingin ako sa kanyang phone na nasa ibabaw ng armchair ay nakita ko na iba na ang wallpaper niya. Isang emo na lalaking anime at hindi na photo ng girlfriend niyang si Carlyn.
Napangalumbaba ako sa sariling armchair. Wala akong karanasan sa pakikipagrelasyon kaya hindi ko alam kung paano ba. Pero ayon sa mga nakikita ko sa mga kaklaseng may mga karelasyon na, parang sa umpisa lang sila palagi masaya. Pag katagalan ay mga namomroblema na sila.
Marami nang high school students ang meron ng experience sa relationship. Bukas na halos ang isip ng lahat sa makabagong lipunan. Uso na ang kahit wala pa sa legal age, may karelasyon na. Iilan na lang yata ang wala pa ring muwang o may mahihigpit na magulang.
Kahit kailan ay hindi ko inisip na mag-b-boyfriend ako sa school, kaya bakit ngayon ay bigla na lang nabuhay ang aking kuryosidad, 'Ano nga ba ang pakiramdam'?
Pumunta ako sa canteen para bumili ng mineral water. Pumila ako dahil may pila sa kung saan may tindang tubig. Habang nakapila ay napatingin ako sa grupo ng mga babaeng estudyante na nakaupo sa mesa malapit sa akin.
Nagbulungan ang mga ito. "'Yan girlfriend ni Isaiah."
Balewala ang pagbulong dahil maingay rito sa canteen. Napatingin sa akin ang iba pang babaeng estudyante na nasa mesa. Nagsimula silang mag-usap sa boses na sapat para aking marinig.
"Ah, 'yan? Maganda naman."
Ang pamumuri na madalas kong marinig ay palaging may kalakip na tonong mapait.
"Oo. Muse parati 'yan. Nanalo 'yan Miss Photogenic last intrams. Saka dalawang beses nang nag-Reyna Elena sa amin sa Buenavista. Nakikita ko 'yan sa SM kasama ang mommy niya. Ang ganda rin ng mommy niya. Fashionista. Mayaman sila."
"Oo, mayaman. Classmate ko last year 'yan. Ang gaganda ng gamit at make up. Paiba-iba pa bag saka sapatos. 'Tapos tingnan mo buhok, halatang suki sa rebond."
Wala na sana akong balak pakinggan ang pag-uusap tungkol sa akin, kung di lamang dahil sa mga dumaang mga estudyante sa aking likuran ay napahinto ang pag-usad ko sa pila.
"Pero di ba girlfriend ni Isaiah si Carlyn Marie? Iyong mestiza na may highlights sa buhok?"
Nanigas ang leeg ko sa sumunod na narinig sa pag-uusap.
"Gagsti, hindi! Kilala ko si Carlyn e. Syota iyon ni Miko ngayon!" may gigil ang boses ng nagsalita. "Inagaw ng Carlyn na iyon si Miko sa pinsan ko kaya kilala ko ang malanding iyon!"
"E bakit palaging kasama ni Carlyn si Isaiah? Lagi pa ngang nakaangkas sa motor."
Humigpit ang pagkakahawak ko sa dalang purse. Umuusad na ang pila habang parang bigla na lang ayaw humakbang ng aking mga paa.
"Dzai, hindi nga sila. Nilalandi lang siguro niya pero di yata pinapatulan. Kahit gaano pa siya kalandi, pipiliin pa rin syempre ng lalaki ang matino. Parang kay Wayne lang din, di umubra kati niya, di ba?"
"Malay niyo naman. Malandi nga e. Di susuko iyon lalo na mukhang pinagbibigyan ni Isaiah. Kung walang motibo mula sa lalaki ay hindi naman 'yan sisige."
Dahil umuusad ang pila ay umabante na rin ako. Napalayo na ako sa grupo ng mga estudyanteng babae na nag-uusap. Pagkarating ko sa harapan ay nakalimutan ko na ang aking bibilhin. Umalis na lang ako at naglakad pabalik sa building ng Grade 11.
Naglalakbay ang isip ko habang naglalakad. Ang aking akala ay si Charles na kaklase ko ang boyfriend ni Carlyn. Ang akala ko rin ay magkaibigan lang sina Carlyn at Isaiah. Mali ba ako?
Paglabas ko sa canteen ay sumakto na paparating si Isaiah. Hindi siya nag-iisa, kasama ang mga tropa niya. Kasama rin ang dalawang babae na parte ng tropahan nila...ang isa ay si Carlyn.
Ang mga mata ko ay hindi ko magawang alisin sa kanila. May kung ano akong gustong siguraduhin. Nakamasid ako hanggang umangat ang kamay ni Carlyn papunta sa braso ni Isaiah. Umabante ng lakad si Isaiah kaya dumausdos ang palad ni Carlyn hanggang sa ang kinahinatnan ay nagkadikit na lang ang likod ng kanilang mga palad.
Nakangiti sila pareho at parang wala lang iyong ganoong pagdidikit ng mga balat nila. Alam ko na kaibigan niya si Carlyn. Marumi ba ang isip ko dahil hindi ko mapigilang lagyan ang closeness nila ng malisya?
Maraming babae ang may gusto kay Isaiah. Malakas ang dating niya hindi lang dahil sa guwapo, kundi dahil may kakaiba hatak ang boyish niyang tingin at ngiti. Siguro nakadagdag din sa charm niya ang pagiging easy-going. Magiliw siiya sa lahat. Hindi siya tumatanggi sa mga babaeng nagpapansin sa kanya pero wala pa naman akong nabalitaan na pinaasa niya.
Kahit alam ko na may mga babae sa paligid niya ay hindi ko naman iniisip ang mga ito, para kasi sa akin ay normal lang ang ganoon. Nararanasan ko rin naman kasi na meron ding nagkakagusto sa akin. Pero sa tingin ko ay ibang kaso si Carlyn dahil kaibigan niya ito. Palaging nakakausap, nakakasama at baka sa tuwing gabi ay nakaka-chat pa. Close sila at hindi ko lang alam kung hanggang saan.
Bigla akong nakaramdam ng pait. Nililigawan niya ako pero bakit may ibang babae na nakadikit sa kanya?
Nakangiti si Isaiah sa sinasabi ni Carlyn nang mapatingin siya sa akin. Ang ngiti sa mapulang mga labi niya ay lalong naging matingkad. "Vi!"
May kung ano sa akin na nag-utos na magpatay malisya sa pagtawag ni Isaiah. Basta gusto ko lang na wag siyang pansinin. Hindi ko maintindihan ang sarili pero naiinis ako bigla sa kanya. Nagtama ang aming mga mata pero wala akong kahit anong emosyon na para bang wala lang sa akin na makita siya. Bumadha sa mga mata niya ang gulat at pagtataka.
Si Carlyn ay napatingin sa akin. Nang palapit si Isaiah sa akin ay parang nagtangka pa itong pumigil pero naiwan ang kamay sa ere.
Ang mga kaibigan naman nila ay napatigil din sa paglalakad at mga napatingin sa akin. Napatingin kay Carlyn at pagkatapos ay kay Isaiah at sa akin ulit. Parang gusto kong mapikon sa OA na mga reaksyon.
"Teka mga repa, puntahan ko lang," paalam ni Isaiah sa kanila.
Iyong Miko ay napahawak pa sa sariling dibdib at napaungol, "Awit! Favorite coupal no more!"
"Tarantado ka!" Binatukan ito ni Carlyn at saka ito nakasimangot na umalis. Sumunod naman dito ang isa pa nilang kaibigan na babae.
"Vi!" tawag sa akin ni Isaiah nang yumuko at naglakad. Iniwasan ko ang mga mata niya
Nagpatuloy ako sa paglayo at siya naman ay parang aso sa likuran ko. Kahit lantarang hindi ko pinapansin ay nakasunod pa rin. Naiinis pa rin ako bagaman hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng awa.
Hinabol niya ako at dahil mahahaba ang mga binti kaysa sa akin at dahil din sa napahinhin kong paglalakad ay naabutan niya ako agad. "Hi, Vi!" May hingal-hingal pa siya. "Tinatawag kita. Di mo yata ako narinig," hindi ko alam kung hindi niya nahalata o nagtatanga-tangahan siya na iniiwasan ko siya.
Sumasabay na siya sa mga hakbang ko. Panay silip niya sa mukha ko habang naglalakad kami.
"Vi, galit ka ba?"
"Hindi," tipid at mahina kong sagot.
Napahaplos siya ng palad sa kanyang leeg. "Parang galit ka e..."
"Nagmamadali lang ako. May gagawin ako na importante." Hindi ako makatingin sa kanya. Bakit hindi na lang niya puntahan si Carlyn? Magkasama sila kanina at baka may usapan sila na sabay kakain sa canteen kasama ang mga kaibigan nila.
"E bakit ayaw mo akong tingnan?"
Mabilis ko siyang tinapunan ng tingin at pagkatapos ay ibinato ko na agad ang tingin sa ibang direksyon. "Okay na?" matabang na tanong ko. "May importante akong gagawin kaya wag mo na akong sundan, Isaiah."
Sumusunod pa rin siya. Ang tigas talaga ng ulo niya.
"Ano ba?" mahina man at mahinahon ay malamig ang boses ko. "Sabi nang wag mo na akong sundan, di ba?"
Nagtutulele siya ng tainga gamit ang kaliwang hinliliit, na napansin ko na hindi na mahaba ang kuko. Inosente siyang tumingin sa akin at ngumisi. "Sinusundan ba kita? Di ah, dito rin kaya daan ko."
Nanulis ang nguso ko dahil halata namang nagsisinungaling siya.
"Tss, ayaw maniwala o. Dito nga rin daan ko. Babalik na ako sa room."
Maliit na umismid ako. Nagsisinungaling siya. Pupunta siya sa canteen kanina tapos bigla ay babalik na siya sa building ng Grade 11? Okay, bahala siya sa kung ano ang gusto niyang gawin. Sinamantala ko na nakahinto siya. Nauna na ako sa paglalakad. Lumiko ako at hindi na tumuloy sa pupuntahan. Kumibot ang sentido ko dahil naramdaman ko na nakasunod na naman siya.
Inis ako na lumingon. Napahinto siya sa paglalakad at napasipol sabay bato ng paningin sa ibang direksyon.
"Sinusundan mo ako."
"Hoy, di ah. Di ko alam na bintangera ka pala. Pero okay lang, tanggap ko naman kahit ano ka pa."
"Isaiah," mariing sambit ko. "Hindi ako nakikipagbiruan. May importante nga akong gagawin kaya wag mo akong sundan."
Doon na sumeryoso ang mukha niya. "Pag ba sinundan kita ay di mo na magagawa ang kung ano mang importante na 'yan?" Seryoso siya pero di naman sa paraang nakakatakot. Magaan pa rin ang aura niya. Nararamdaman ko pa rin iyong pag-iingat. Napalunok ako nang gumuhit ang sakit sa mga mata niya. "Ano, sobrang sagabal ba ako?"
Matagal ako na hindi nakapagsalita hanggang sa mahanap ko ang maliit kong boses, "Oo..."
Sandali siyang nagulat, pagkuwa'y malamlam na ngumiti. Itinaas niya ang mga kamay sa ere. "Okay. Sorry." Yumuko siya at napailing. "Wag ka nang magalit. Sorry. Aalis na ako." Nang tumalikod na siya ay para akong nakonsensiya.
Habang nakatanaw ako sa papaalis na si Isaiah ay parang nauubos ang aking paghinga. Wala sa loob na napahawak ako sa aking dibdib. Parang gusto ko siyang habulin at pigilan.
Ipinilig ko ang aking ulo. Hindi ako dapat magpadala sa kung ano man itong nararamdaman ko. Tama lang na ngayon pa lang ay maipakita ko na kay Isaiah na wala siyang mapapala sa akin. Nagkamali lang ako nang una dahil masyado akong nadala kaya tuloy parang nabigyan ko siya ng pag-asa. Hindi ko na iyon dapat ulitin. Hindi ko siya dapat paasahin. Hindi pa ako puwedeng mag-boyfriend. Masasayangan lang siya ng oras sa akin.
Nang wala na siya ay bagsak ang balikat na naglakad ako na ako pabalik sa building ng Grade 11. Pagdaan ko sa room nila ay hindi ko rin naman napigilan ang sarili na lumingon. Nandoon siya sa loob ng room. Sa bandang likuran. Nakayukyok siya sa armchair niya habang nasa harapan niya si Carlyn. Kinakausap siya pero ayaw niyang tumingala.
Napabuntong-hininga ako. Ayaw ko nang alalahanin kung galit man si Isaiah. Siguro nga ay mas okay na magalit siya sa akin. Pero bakit parang ang sakit sa dibdib? Pumunta na ako sa room ko. Hanggang sa mag-uwian ay hindi na nawala ang mabigat kong pakiramdam.
PAG-UWI sa bahay ay takang-taka si Eli sa akin. Kahit ano kasing kausap niya sa akin sa tricycle ay hindi ko talaga siya pinapansin. Pagbaba ay pumasok na agad ako sa gate ng bahay namin nang hindi naaalalang magpaalam sa kanya. Pati iyong aso namin sa bahay na si General ay hindi ko man lang sinulyapan. Deretso ako sa pinto.
Wala pa si Kuya Vien dahil wala pa ang school shoes nito sa shoe rack. Mabigat pa rin ang pakiramdam ko pero biglang nagbago ang aking mood nang may malanghap ako na masarap. Pumunta ako sa kusina at nadatnan ko roon si Mommy na naghuhugas ng plato. Sa mesa roon ay may nakalagay na box ng donuts. Nangislap ang mga mata ko.
Nang maramdaman ni Mommy ang paglapit ko ay saka lang siya lumingon. "Nakauwi ka na pala, Vivi. Mauna ka nang maghapunan para matunawan ka agad. May ginawa akong vegetable salad para sa 'yo, kunin mo na lang sa ref. May nilagang itlog din diyan, balatan mo na lang."
Hindi ko na halos naintindihan ang mga sinabi niya dahil ang aking buong atensyon ay nakatuon sa box ng donuts na nasa mesa. "Pasalubong ito ni Daddy?"
"Oo pero para sa kanila lang 'yan ng Kuya Vien mo. Bawal tayo."
Alam ko naman iyon. Gayunpaman, natukso pa rin ako na silipin ang donuts sa loob ng box. Naglaway agad ako pagkalanghap sa mabango at masarap na amoy. Hay, miss na miss ko na. Ang huling kain ko pa yata ng ganito ay noong Grade 7 ako. Patago ako na dinalha nito ni Kuya Vien sa aking kuwarto.
Napansin ko rin na bawas na ng isa ang donuts sa loob samantalang hindi pa naman nakakauwi si Kuya Vien. Nang tingnan ko ulit si Mommy ay nakita kong may powder ng donut ang gilid ng kanyang bibig. "Mommy, kumain ka nito, 'no? Aminin mo!"
Nagitla siya at agad na napakapa sa kanyang bibig. "Shhh!" saway niya agad sa akin sabay tingin sa sala. "Marinig ka ng daddy mo!"
Napabungisngis ako sabay kuha rin ng isang donut sa loob. "Daya! Ako rin!" Pagkasabi nanakbo ako papunta sa banyo ng kusina.
"Vivi!" Pinanlakihan si Mommy ng mga mata pero wala nang nagawa dahil na-i-lock ko na ang pinto ng banyo.
Pagka-lock ko sa pinto ay nginabngab ko agad ang donuts. Ang saya ng puso ko dahil paborito ko ang donuts. Lalo ang strawberry flavor. Sandali ko lang naubos ang donut. Ang sarap-sarap. Naghilamos ako bago lumabas ng banyo.
Nakahalukipkip si Mommy sa akin. "Lagot tayo pag tiningnan ng daddy mo ang box at makitang bawas na ng dalawa pero wala pa rin ang magaling mong kuya."
"Darating na iyon, My," nakangiting sabi ko. "Kanina pa uwian sa school nila. Di naman gumagala si Kuya Vien e. Palaging on time iyong umuwi."
Napanguso si Mommy. "Ang sarap ng donut, gusto ko pa."
"Pagdating ni Kuya Vien, hingi tayo. Sa banyo natin kainin."
"Heh! Magtigil ka! Kunsintidora!"
Napahagikhik lang ako dahil kita ko sa mukha ni Mommy na talagang takam na takam siya sa donuts. Gustuhin man niyang kumain nang kumain ay hindi puwede. Nananaba na kasi talaga siya at hindi iyon nagugustuhan ni Daddy.
Kinuhanan niya ako ng tubig at pagkaabot niya sa akin ng baso ay napatingin ako sa pasa niya sa braso. Ngayon ko lang iyon nakita kaya nag-aalala agad ako. "Mommy, nag-away na naman ba kayo ni Daddy?"
Napatingin din siya sa pasa niya. "Wala 'to. Di kami nag-away. Nainis lang siya kanina kasi nadamihan ko iyong asukal sa kape niya, kaya nahampas niya ako." Ngumiti siya pagkuwan. "Kumusta pala school?" pag-iiba niya. "Mainit ba sa tanghali? In-orderan kita ng mini fan sa Shopee."
Hindi ko pinansin ang tanong niya. Ang mga mata ko ay naroon pa rin sa kanyang pasa sa braso na pasimple niyang inilalayo sa paningin ko. Naaawa ako kay Mommy dahil wala talagang araw sa isang linggo na hindi siya napagbubuhatan ng kamay ni Daddy. Ang sabi niya ay kasalanan niya dahil lampa siya at pamali-mali, pero kailangan ba talaga na saktan siya? Mabait naman siya, maalaga at malambing na asawa.
Hindi perpekto si Mommy na asawa at ina pero hindi rin naman siya masama. Ginagawa naman niya ang lahat para sa pamilya. Ni hindi nga siya palakaibigan at palalabas ng bahay. Lagi lang siyang nandito. Nagkakaroon lang siya ng kausap kapag dinadalaw siya ng mga kumare niya na ino-order-an niya ng kung anu-anong pampagandang produkto.
Imbes na umakyat na sa kuwarto ay naupo muna ako sa kusina. Nangalumbaba ako sa mesa habang nakamasid kay Mommy. Kahit plain housewife ay naaalagaan niya pa rin ang kanyang itsura. Kahit nasa bahay lang ay magaganda ang suot niya. Never ko rin siyang nakitang pawisan o oily ang mukha. Palagi siyang mukhang mabango.
"Mommy, kumusta po ang high school life mo noon?"
Nagulat siya sa bigla kong tanong. Napaisip siya at sandali lang ay napangiti ang mga labi. "Masaya. Maraming nagkakagusto sa akin."
Alam ko iyon. Maganda kasi talaga si Mommy kahit noon pa man. Palagi nga siyang muse, Reyna Elena at minsan pa'y napapasabak sa mas malalaking beauty pageant. Palagi siyang Miss Photogenic, Miss Friendly o Miss Congeniality. Minsan ay Best in Gown, Best in Costume at Best in Swimsuit. Hindi pa nga lang siya nanalo kahit minsan ng crown. Hindi rin pinalad sa Best in Q and A at Best in Talent. Parang ako lang din.
"Bakit po si daddy ang pinili niyo?" tanong ko dahil marami siyang manliligaw noon. Parang ako lang din ngayon.
Natigilan si Mommy ng ilang sandali. "Guwapo."
"Iyon lang po?"
"Mahal ko."
"Ano ang minahal mo kay Daddy?"
Doon siya natagalan na sumagot.
"Guwapo si Daddy pero bukod doon, ano pa ba ang dahilan at siya ang pinili mo, Mommy?" Given naman na kasi na guwapo si Daddy. Gusto ko lang malaman kung ano pa ba ang dahilan kung bakit ito ang napili niya.
Napakamot si Mommy ng pisngi matapos ang tila ilang minuto na pag-iisip. "Guwapo siya, mabango at malakas ang dating. Ewan ko ba, mahilig kasi ako sa bad boy."
Bad boy?
Biglang sumagi sa imahinasyon ko ang nakangising si Isaiah. Sa kabila ng hikaw niya sa tainga, hindi clean cut na buhok, hindi palaging complete uniform at kakaunting dalang gamit sa school ay hindi ko masasabi na isa siyang bad boy. Maangas siya magsalita minsan pero mas lamang ang pagiging palangiti niya. Lamang ang kapilyuhan sa magandang uri ng mga mata.
Ang buntong-hininga ni Mommy ang nagpabalik sa akin mula sa pag-iisip.
"Mabait naman ang daddy mo kahit brusko. Ang hindi ko lang talaga gusto sa kanya ay iyong magaan ang kamay niya kapag galit siya. Pero sabi niya ay ganoon naman daw talaga ang mga lalaki. Normal lang maubusan ng pasensiya. Saka maiinitin naman talaga ulo ng mga sundalo."
19 si Mommy noon at graduating senior high nang maging sila habang si Daddy naman ay 25 na isang bagitong sundalo.
"Mabait naman talaga si Robert basta lang hindi bad mood. Na-realize ko na mahal ko na talaga nang ipapadala na siya sa Mindanao noong kasagsagan ng mga Abu Sayaff. Grabe, iyak ako nang iyak. Takot na takot ako na baka iyon na ang huli naming pagkikita kaya naman kahit may pangarap pa ako na maging Miss Universe balang araw ay isinuko ko na sa kanya ang buong Bataan."
Sa pagsuko na iyon ng Bataan nabuo si Kuya Vien. Pagkauwi ni Daddy galing sa misyon ay ikinasal na sila ni Mommy sa huwes.
Umalis ulit si Daddy matapos ang isang taon dahil nadestino ulit sa bundok. Iyon na ang huling pag-alis nito dahil nang bumalik ay maraming tama ng bala ang katawan na dahilan ng pagkaka-comatose sa ospital. Ito lang ang nakaligtas habang ang ibang kasamahan ay mga nasawi. Kasama sa mga nasawi ang best friend ni Daddy na papa naman ng kinakapatid at kababata ko na si Eli.
Dinamdam ni Daddy iyon kaya mula nang gumaling ay lalong naging maiinitin ang ulo nito. Ayaw na nitong bumalik sa serbisyo at naging ahente na lamang ng mga bahay. Sa pag-aahente naman ay pasulpot-sulpot lang ang swerte nito. Mabuti na lang at may kapatid ito na nasa Australia na wala pang pamilya kaya napapadalhan kami ng pera.
"Masaya ka ba kay Daddy?" tanong ko kay Mommy.
Malawak siyang ngumiti. "Oo naman. Nagkaroon ako ng guwapong Vien at magandang Vivi e."
Ang mga ngiti niya ay kung gaano kabilis na gumuhit ay ganoon din kabilis na nawala. Tiningnan niya ako nang may pagsuyo sa mga mata.
"Vi, i-enjoy mo ang teenage life mo. I-enjoy mo iyong pakiramdam na malaya ka pa. Maging masaya ka habang kaya."
Malaya? Masaya? Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko nararanasan ang mga sinasabi niya.
Tila napagtanto rin ni Mommy ang nasabi. Ipinilig niya ang ulo at sinikap ngumiti kahit pa mas nakangiwi kung titingnan ang kanyang mga labi. "Ang ibig kong sabihin, i-enjoy mo na maraming nagkakagusto sa 'yo. Kasi syempre, kapag may asawa ka na, bawal ka nang tingnan ng iba. Bawal ka na ring tumingin sa iba. Pag-aari ka na syempre ng asawa mo."
Bakit parang mas nalungkot ako sa sinabi niyang ito? Bigla kong nakita ang sarili ko na isang housewife na katulad ni Mommy; nakakulong sa bahay at bukod sa walang sariling desisyon ay may pagkakataon pang napagbubuhatan ng kamay.
Normal lang ang ganoon pero hindi ko lang maiwasang mangarap minsan na maaari kong maiwasan ang ganoong kapalaran.
Muli ay sumagi sa imahinasyon ko ang nakangiting si Isaiah. Nakakalungkot mang isipin pero lalaki rin siya kaya ibig sabihin ay pareho rin siya ni Daddy. Iyon naman ang normal na katotohanan, pare-pareho lang sila...
SUMUNOD NA ARAW. Inaasahan ko naman na baka hindi na mangulit si Isaiah kaya lang ay nakakapanibago pa rin. Kanina nang makasabay namin siya ni Eli sa gate ay hindi niya ako pinansin. Seryoso ang mukha niya na nauna sa paglalakad namin.
Hindi ako mapakali kaya lumabas ulit ako ng room. Wala siya kahit saan. Kahit sa pagdaan ko sa room nila ay wala rin siya. Tila ba katulad ko ay umiiwas din siya. Bagsak ang balikat na bumalik na ako sa room.
Breaktime at nasa upuan lang ako. Hindi ako lumabas dahil may baon naman. Ang laman ng tupperware ko ay saging at nilagang itlog. Nauumay na ako dahil palaging ganito ang inihahanda sa akin ni Mommy kapag pinababaunan ako. Bubuksan ko na ang tupperware nang may maglapag sa harapan ko ng burger.
Biglang nangislap ang mga mata ko. "Isa—" Nabitin ang ngiti ko nang makitang ang lalaking matangkad sa aking harapan ay hindi ang inaasahan ko.
"Sa 'yo yan. Alam ko namang ayaw mo ng baon mo ngayon."
"Eli..."
Nangunot ang noo niya sa reaksyon ko. "Bakit may inaasahan kang iba?"
Kandailing ako. "Ha? W-wala. Sino naman? Uhm, bakit bigla kang pumasok sa room namin?"
"Kanina pa kita tinatawag sa labas, hindi ka lumilingon. Parang ang lalim ng iniisip mo."
Tinabihan niya ako. Doon siya naupo sa bakanteng upuan sa tabi ko at sabay kaming kumain ng burger. Meron din kasi siya para sa sarili niya. Pagkatapos kumain ay hinarap ko siya. "Eli, bakit hindi ka nanliligaw?"
Nasamid siya kahit wala nang laman ang bibig niya dahil nalunok niya na kanina. Nakalaklak na rin siya ng tubig panulak.
"Hoy Eli, ang ibig kong sabihin ay bakit wala kang nililigawan? Wala ka bang nagugustuhan?"
"Wala!" sigaw niya na halos ikabingi ko.
Pati mga kaklase ko ay napalingon sa kanya. Bigla kasi siyang naninigaw. Napanguso ako. Parang tanga talaga.
"Diyan ka na nga!" Padabog siyang tumayo bitbit ang mga balat ng kinain naming burger at bote ng mineral water.
"Ba-bye, Eli!" Kumaway ako sa kanya.
Paglabas ni Eli ng pinto ay siyang daan ni Isaiah. Nakita ko ang madilim na ekspresyon niya pagkakita kay Eli. Nagtama ang aming paningin. Nahugot ko ang aking paghinga dahil ang dilim sa mga mata niya.
Nang makalampas na siya ay tumayo ako. Para kasing biglang nanikip ang dibdib ko. Lalabas muna ako at iihi na rin siguro. May twenty minutes pa naman bago tumunog ang bell kaya pupunta na lang muna ako sa CR. Pagdaan sa room ng 11-Narra ay tinigasan ko ang aking leeg dahil alam ko na may nakatingin sa akin.
Nasa hagdan ako ay ramdam ko nang may nakasunod sa aking pagbaba. Sinikap kong kumalma at wag magpahalata. Hanggang sa pagpasok sa banyo ay alam ko na may naghihintay sa akin sa labas.
Kumakalabog ang dibdib ko hindi dahil sa kaba o takot. Napakurap ako nang mapagtanto na parang excitement ang nararamdaman ko. Ano ang nakaka-excite? Baliw na ba ako?
Paglabas ko ay hindi ako nagkamali. Nasa tapat ng banyo ng mga girls si Isaiah. Nakasandal siya sa padel habang ang mga kamay ay nakapamulsa sa suot na pants. Umangat ang paningin niya mula sa pagkakayuko nang maramdaman ang aking presensiya. "15 minutes before bell. Usap muna tayo sa bench."
Hindi niya hinintay ang sagot ko. Nauna na siyang maglakad. Puwede namang hindi ako sumunod pero namalayan ko na ang ang aking mga paa na humahakbang pasunod sa kanya.
Pagdating sa bench ay naupo ako habang siya ay nakatayo at nakapamulsa sa harapan ko. Seryoso ang mukha niya. Wala iyong nakakawili at masuyong ngiti na nakasanayan kong makita sa kanyang mga labi.
Pabukaka siyang naupo sa tabi ko pagkuwa'y nilingon ako. "May nagawa ba ako na ikinagalit mo?"
Nakatingin lang ako sa kanya at walang sinasabi. Hinahanap ko sa mga mata niya ang galit pero wala akong makitang ganoon. Seryoso man at hindi nakangiti ay wala talaga akong makitang galit sa kanyang ekspresyon.
"Iniiwasan mo ako." Salubong ang makakapal at itim na itim niyang kilay. "Nakausap mo lang si Elias Angelo kahapon nagkaganyan ka na!"
Nakatingin lang ako sa kanya. Paano niya nalaman ang buong pangalan ni Eli? Kilala niya ba ito?
"May problema ba? May nagawa ba talaga ako? May nasabi ba ako na hindi mo gusto?"
Kumibot-kibot ang mga labi ko. Para talaga siyang galit pero hindi mukhang galit. Parang mas nagtatampo, naghihinanakit... o nag-ta-tantrums na bata? Bigla akong napangiti na ipinagtaka naman niya.
Dinuro niya ako. "Hoy, bakit may pagngiti? Para saan 'yan?!"
Lalo lang akong napangiti. Guwapo si Isaiah pero sa pagkakataong ito ay mas tamang sabihin na 'cute' siya.
Nanulis ang nguso niya. "Kinakabahan ako sa ngiti mo. Parang may balak kang di maganda. Makikipag-break ka, ano?!" Napatampal siya sa kanyang noo. "Ay, di pa pala tayo."
Kumiling ang ulo ko. "Isaiah, bakit ako?"
Napatanga siya at lalong nagtaka. "Ha?"
Alam ko na maganda ako. Pero maliban doon, ano pa ba ang meron ako? Napayuko ako at iniwasan na ang mga mata niya. Bigla kasing nag-iba ang emosyon na nandoon.
"Gusto mong sagutin ko kung bakit ikaw? Kahit ang dami namang iba?"
Tumiim ang mga labi ko. Totoo nga namang maraming iba.
"Sige, sasagutin ko. Kaya ikaw ang gusto ko kasi malay ko. Iyon ang sagot sa tanong mo, malay ko!"
"Ano?" Sinilip ko siya. Hindi na siya sa akin nakatingin.
"Malay ko."
Bumagsak ang balikat ko. "M-malay mo?"
"Oo. Malay ko. Hindi ko alam e. Basta nagising na lang ako na patay na patay na ako sa 'yo. Ikaw ang gusto kong makaagaw sa kumot tuwing gabi, makabatuhan ng plato pag may away tayo at sa 'yo ko ring gustong umuwi pagkatapos ng maghapong trabaho."
"A-anong sinasabi mo? Nililigawan mo pa lang ako. Hindi pa tayo magpapakasal..."
Napakamot siya ng ulo. "E di ba doon din tuloy niyon? Kapag ba naging tayo, maghihiwalay pa ba tayo?"
"Isaiah, may itatanong ako..." Napalunok ako at pinag-isipang mabuti ang nais itanong.
"G-gusto ko lang malaman, kung magiging tayo..."
"E di ang saya."
Napasimangot ako. "Sandali! May itatanong nga e."
"Okay. Sorry. Game."
"Ang ibig kong sabihin, kung sakali lang naman na tayo nga ang magkatuluyan, pero hindi pa naman sigurado ito..."
Tinaasan niya ako ng kilay. "O ano nga?"
Nakagat ko ang aking ibabang labi. "Kung sakali lang naman... Kunwari lang na mag-asawa na tayo..." Hindi ko matuloy ang sasabihin dahil titig na titig siya sa akin. "K-kapag mainit ang ulo mo dahil wala tayong pera o kaya ay may nangyaring hindi maganda... S-sasaktan mo ba ako?"
Ang mga mata niya ay nanlaki.
"A-ang ibig kong sabihin ay kung bad mood ka lang naman, mananakit ka ba? Bubugbugin mo ba ako? Alam ko naman na normal lang iyong ganoon kapag galit, pero gusto ko lang naman malaman kung madalas ba o—"
Nagulat ako nang bigla siyang sumigaw. "Sinong may sabing normal lang iyon?!"
Natigagal ako sa kanya.
Pulang-pula ang mukha ni Isaiah maging ang leeg niya. "Tangina, sino may sabi sa 'yo na normal lang manakit kapag badtrip?!"
Napalunok ako. "K-kunwari lang naman..."
"Kahit kunwari lang, wag mong sasabihin iyon! Kahit nga yata pitikin kita sa tainga, di ko magagawa e. Bubugbugin pa kaya? Baka uminom na lang ako ng muriatic acid!"
"Isaiah..."
Napabuga siya ng hangin para kalmahin ang sarili. Namumula pa rin siya. Galit siya pero hindi sa akin. Hinagod niya ng mahahabang daliri ang kanyang buhok at narinig ko ang ilang ulit niyang pag-tsk.
"Isaiah, tinatanong ko lang naman—"
"Shhh!" saway niya sa akin. "Teka! Manahimik ka muna!"
Umayos ako sa pagkakaupo at hinintay na lang muna na maging okay siya.
Sandali lang naman ay mukhang okay na siya. Nakapamulsa siya habang nakaupo sa tabi ko. "Iyong mama ko, parang armalite ang bibig sa sobrang mabunganga," kuwento niya. "Minsan pa nga, pinapalayas ang papa ko kapag magkaaway sila. Pero kahit minsan, maski duruhin ang mama ko, hindi ginawa ng papa ko."
Hindi ko namalayan na pinangingiliran na ang aking mga mata ng luha.
Napatanga siya nang tumingin sa akin. "Hoy, bakit ka iiyak?"
Imbes sagutin ang tanong niya ay nagtanong din ako. "A-anong oras ulit sa Sabado?"
Napamaang siya. "Ha?"
Maliit akong ngumiti habang luhaan. "Iyong battle of the bands niyo sa plaza... Di ba ini-invite mo akong pumunta? Anong oras nga ba ulit?"
Ang mga labi niya kanina'y mariin nakatiim ay ngayo'y ginuhitan ng isang matamis na ngiti. "8!"
"Pupunta ako." Hindi ko alam kung paano tatakas sa amin pero gusto kong pumunta. Gusto kong paunlakan ang pag-invite sa akin ni Isaiah.
"Weh?"
Ngumiti ako at tumango.
"Memetey?"
Napalabi ako. "Oo nga."
Sa gulat ko ay napahiyaw si Isaiah at napasuntok sa ere.
Natatawa na lamang ako. Nagkakangitian kami ni Isaiah nang dumaan sina Miko at Asher na mga kaibigan niya.
Sumigaw si Asher, "Sa umpisa lang 'yan masaya!"
Tinakpan ni Isaiah ay magkabilang tainga ko gamit ang mainit at malaki niyang mga palad. Napakalapit ng mukha niya sa akin. Nakangiti pa rin siya at nakakahawa ang klase ng ngiting iyon. "Kita kits sa Sabado, Vivi."
Kagaya ng sabi ni Mommy, i-enjoy ang teenage life. Hindi naman siguro ako mapapahamak hangga't alam ko kung hanggang saan lang ako dapat. Isa pa, may pakiramdam ako na magiging masaya talaga ako. May tiwala rin ako na hindi ako pababaayaan ni Isaiah...
Bumuka ang mga labi ko. "Kita kits..."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro