Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 54

TAMA NA.


Nakasubsob pa rin si Isaiah sa dibdib ko. Hindi na siya umiiyak pero ang higpit ng yakap niya sa bewang ko. Marahan kong kinalas ang mga braso niya sa akin. "Isaiah..."


Lalo lang niyang hinigpitan. Lalo lang din siyang sumiksik sa dibdib ko. Binigyan ko siya ng ilang minuto para kumalma. Sa sumunod ay hindi ko na siya kailangang itulak, kusa na siyang kumalas.


Nakayuko pa rin siya. Sa pagkakayuko ay nasisilip ko ang pamumula ng dulo ng matangos niyang ilong.


"Isaiah, naiintindihan mo naman ang mga sinabi ko kanina," malumanay na paalala ko sa kanya. "Mula ngayon, mag-focus na lang tayo kay Vien, ha? Puwede pa rin tayong maging mabubuting magulang, di ba?"


Nang tumayo na siya ay tumayo na rin ako. Hindi siya sa akin nakatingin, mas tamang sabihin na blangko ang mga mata niya. Nakatutok sa kawalan. Hindi mawawari ang tumatakbo sa isip niya.


Nakarinig kami ng katok mula sa baba. Malalakas na katok, sunod-sunod. Parang naiinip at nauubusan na ng pasensiya. Kailan pa ba iyon? Ngayon lang namin narinig pero mukhang kanina pa.


"Ayusin mo sarili mo." Paos ang boses ni Isaiah nang magsalita siya.


Napatingala ulit ako sa kanya. Nasa akin na ang tingin niya. Namumula ang mga mata niya at ang ilong. Umiwas siya sa akin ulit ng tingin.


"Ako na ang magbubukas ng pinto niyo. Pero bago ka sumunod sa ibaba, ayusin mo muna ang sarili mo. Magpalit ka ng damit. Basa ka ng pawis." Tumalikod na siya pagkatapos at tumungo sa pinto.


Pagbaba ng aking paningin sa katawan ko ay naka-shirt na malaki nga lang pala ako. Wala akong nasa ilalim nito maliban sa suot kong manipis na panties.


Paglabas ni Isaiah ng pinto ay inayos ko ang aking sarili. Kumuha ako ng damit ko sa aking traveling bag. Shirt na sky blue at tokong. Pagkabihis ay saka pa lang ako bumaba.


Pagbaba ko ay napakatahimik sa kusina. Ang nadatnan ko roon ay isang lalaking nakayuko sa mesa. Iisa lang ang bukas na ilaw, iyong nasa may bandang hagdan, kaya malabo ang liwanag. Hindi ko makita ang ekspresyon ng lalaki.


Humakbang ako palapit. "Eli."


Tumayo siya at pumunta sa lababo. May paper bag doon na galing sa isang restaurant. "Nagdala ako ng pagkain. Baka kasi hindi ka pa kumakain."


"Napakagastos ka pa. Okay lang naman ako. May stocks naman dito." Nahihiya ako dahil baka narinig niya ang pagsigaw ko kanina.


Hindi siya kumibo. Nakayuko pa rin siya habang nakatalikod sa akin. Tahimik na inilabas niya ang mga food box mula sa paper bag.


Ang mga mata ko ay kusang tumingin sa sala. May kadiliman din doon. Walang bukas na ilaw at dahil sarado ang mga bintana. Sarado rin ang pinto. Bigla kong narinig ulit ang boses ni Eli, "Umalis na si Isaiah Gideon."


Bumalik ang paningin ko kay Eli. Nilalagay niya na ang pagkain sa mesa habang nakayuko pa rin. Hindi siya sa akin nakatingin. Pero meron akong napansin.


Napalapit ako sa kanya. Akma pa siyang iiwas nang hawakan ko ang pisngi niya para iharap siya sa akin. Napangiwi siya dahil nasaktan. Bakit hindi? May bangas siya sa pisngi. Putok din ang gilid ng kanyang labi.


"Sino ang may gawa niyan sa 'yo?!" Nanlalaki sa kanya ang mga mata ko. Nang pagbaba ng aking paningin sa kamay niya na nakahawak sa pulso ko ay nakita ko na namumula ang kanyang kamao.


Nanghina ako. Hindi niya na kailangang magsalita. Alam ko na ang nangyari sa pagitan nila ni Isaiah habang nasa itaas ako. Malamang dahil ito sa pag-aalala niya sa akin kanina.


Pangiwi siyang ngumiti. "Hindi naman kayo nagkabalikan ni Isaiah Gideon, di ba?"


Tumigas ang anyo ko. "Eli, hindi mo kailangang makipag-away. Tingnan mo ang nangyari sa mukha mo. Paano kapag nakita iyan ng mama mo—"


"Nagkabalikan ba kayo?" tanong niya ulit na parang hindi narinig ang mga sinabi ko. "Hindi, di ba? Kasi kung nagkabalikan kayo ay dapat sumama ka na sa—"


"Tinapos na namin kung ano ang natitira sa amin," putol ko sa pagsasalita niya. "Magpo-focus na lang kami sa anak namin. 'Wag na natin pag-usapan. Halika, gamutin natin ang mga sugat mo. Baka makita pa iyan ng mama mo."


Maliit na ngumiti si Eli. Hindi na siya nagsalita pa ulit o nagtanong pa. Pagkatapos ay ginamot ko na rin ang mga sugat niya.



IT WAS ALREADY NOON. Sunday. 11:30 a.m. na ako nagising. Pinuyatan ko nang mga nakaraang gabi ang pagtatahi dahil may lakad ako ngayon araw. 


Sa ilang taong nagdaan, ngayon na lang ako nagising nang masaya para sa araw na ito. Excited na nagbukas ako ng phone. May video message sa akin mula sa account ng lola ni Vien. Malamang galing sa bata. Binuksan ko agad iyon para panoorin.


Ang phone ay parang nakapatong sa kung saan kaya kitang-kita ang kabuuhan ng bata. [ Low, Mommy ku! Pogi pow ba aku?! ] 


Nakapolo si Vien sa video. Iyong polo na padala ko rito noong nasa Australia pa ako. May necktie pa ito, scarf lang na ginawang necktie. Tapos sa pang ibaba niya ay jersey shorts. Ang buhok naman niya ay tayo-tayo dahil sa gel. Ang pisngi at leeg ay puno ng pulbo.


[ Pers of all, Mommy ku, happeyyy berdeyyy! I loveyouuw! ] May hawak itong suklay na kunwari ay microphone. [ So, 'yown nga, merown aku gift. Ready ka na pow? Itu na! ] Tumikhim-tikhim ito na may kasama pang ubo. Nagkasamid-samid pa. 


Mayamaya ay nakarinig ako ng tunog ng gitara sa background. Hindi nakikita kung sino ang nagigitara pero may ideya ako. Isang maliit na ngumiti ang gumuhit sa aking mga labi.


Ang bata ay nagsimula nang kumanta, [ It's yowr smile, yowr face, yowr lips that I missh! ]


Ang mga mata ko ay lumamlam. Maganda ang boses ni Vien. At kahit bulol ay malamig at nasa tono ito.


[ Those sweet little eyes that stare at me and make me say, I'm with youw through all the way! ]


Sumasabay ito sa gitara habang kumakanta. With emotion. Ang cute-cute nito. Ang sarap dukutin mula sa screen, at yakapin.


[ And if youw go, youw know the tears can't help but showww! Youw'll break this heart and tear it apart! Then suddenly the madness starts! ]


Ang mga mata ko ay nagsimula nang mamasa habang pinapakinggan ang kanta. Matapos ang video ay binati ulit ako ni Vien. Ibinaba ko na ang phone.


Ilang sandali rin akong nakayuko sa kama bago ko nakuhang tumayo. Pinunasan ko ang aking mga luha at bumaba na ako.


Pagbaba ay nagulat ako nang makita ang isang maliit na paper sa mesa. Galing sa shop ng MAC cosmetics. Hindi ko na kailangang tingnan ang laman, alam ko na agad na make up iyon.


Bumukas ang pinto ng banyo at lumabas mula roon ang isang malaking lalaki na naka-stripe na polo shirt. Ang bagaman guwapong mukha ay mas humupyak na nga lang sa kapayatan. Napangiti siya nang makita ako. "Gising na pala ang prinsesa ko."


Nakatingin lang ako sa kanya at walang sinasabi na kahit ano.


Lumapit siya sa akin at yumuko upang hagkan ako sa noo. "Happy birthday, anak. Akala mo ba nakalimutan ni Daddy, ano?"


Tumango ako at naglakad na papunta sa kusina. Ang balak ko ay kakain sana muna, pero gusto ko na magtahi na lang pala tutal 1:00 p.m. pa naman ang punta ko sa PK2.


Dumeretso ako sa makina at nagsimulang i-set up iyon. Nakasunod naman ang lalaki sa likod ko. "Vivi, kailan ka pa nagsimula sa ganito?"


Ang tinutukoy niya ay ang pananahi ko. Si Mommy noon ay meron ding makina pero ibinenta niya. Ayaw niya na mananahi si Mommy at magkakapera ng sarili, dahil dagok daw iyon sa kanyang pagkalalaki.


"Kay Hannah ba galing ang mga tahi na iyan?" Masama ang tingin niya sa gabundok na mga tela. "Bakit ka niya pinagtatahi? Alam naman niyang galing ka sa Australia, 'tapos pagtatahiin ka lang niya?"


Nagsimula na akong manahi na hindi siya pinapansin.


Namewang siya sa harapan ng makina. "Porke't hindi ka nakapag-college, minamata ka ni Hannah! Aba, kaya mong magkaroon ng ibang trabaho kaysa ganito. Kung tutuusin ay puwede ka ngang mag-artista o modelo!"


Ang mga sinasabi niya ay pumapasok lang sa kanang tainga ko at lumalabas sa kaliwa.


"Palibahasa iyong anak niya ay nakatapos. Ano naman ngayon? Kung buhay lang din si Vien ay baka nag-oopisina na rin ngayon at may kotse na rin—"


Nilakasan at binilisan ko ang pagtatahi kaya umingay ang paligid. Nahinto si Daddy sa pagsasalita at napasimangot sa akin.


Tuloy pa rin ako sa pananahi nang bigla niyang hugutin ang plug ng makina. "Nasaan iyong lalaking nakabuntis sa 'yo? Bakit nandito ka ulit sa bahay? Bakit hinahayaan ka niyang magtrabaho?!"


"Nagtatrabaho ako para makapag-ambag sa anak namin," mahinang sabi ko habang nakayuko sa makina. "Ayaw kong iasa lahat sa kanya."


"Akala ko nagkabalikan na kayo?" Dinig ko ang ismid ni Daddy. "'Sabi ko naman sa 'yo, walang lalaki na maghihintay nang ganoon katagal."


He picked up his duffle bag from the sofa and headed for the door. Aalis siya pero wala akong balak magtanong kung saan siya pupunta, saan ngayon nakatira, ano ang pinagkakaabalahan niya, or kung kailan ulit siya magpapakita.


I simply didn't want to know. Bago lumabas ng pinto ay nagsalita pa siya, "Anak, hindi ko pa rin alam. Noong nawala ka noon, ano ba talaga ang nangyari sa 'yo?"


Isang blangkong tingin lang ang sagot ko sa kanya. Hanggang sa umalis na siya, katulad noon ay wala siyang ni katiting na sagot na napala sa akin.


Sa pagkakatulala ko sa makina ay naabutan na ako ng ala una. Tumayo na ako bandang 1:10 p.m. Nagpaalam ako sa lola ni Vien na hihiramin ko sandali ang bata.


Excited ako na kumilos. Naligo na ako at nag-ayos ng sarili para pumunta sa PK2. Ipapasyal ko sa SM si Vien. Iyon ang highlight ng araw ko.


Pagdating ko sa PK2 ay naka-ready na ang paslit. Naka-maong short at white shirt na Nike. May Sombrelo na black. Ang sapatos ay Curry shoes. "Happy birthday, Mommy ku! Napanood mu na pow iyong gift ku?!"


"Yes, baby. Thank you." Sinalubong ako nito ng yakap. Yumukod ako at hinalikan ito sa matambok nitong pisngi. Ang bango-bango. Men's perfume ang gamit at mukhang expensive. Mukhang nangialam ito sa gamit ng daddy nito. "Ang bango naman ng mahal ko."


Sa mga nagdaang birthday ko ay puro ako trabaho. Ni hindi ko na nga alam na lumipas na pala ang araw. Kung hindi pa ako binabati ni Daddy sa tuwing umuuwi ako ay hindi ko pa maalala na birthday ko nga pala. Ngayon ay masaya ako dahil makakasama ko ang anak ko.


Sa SM ay pinaglaro ko si Vien sa arcade ng dalawang oras, kumain kami sa Jollibee pagkatapos, at bago umuwi ay ibinili ko ito ng bagong relo, coloring book, at crayons. Masayang-masaya na ito, at ganoon din ako.


"Vi, hindi ka na ba magtatagal?" tanong ng lola ni Vien pagbalik ko sa bata. Ang itsura ng ginang ay parang aligaga, panay ang tingin sa gate na animo'y may inaabangan. "Dito ka muna, magluluto ako ng pansit."


"Hindi na po. Salamat na lang po. Busog na rin po kami ni Vien sa SM." Hindi na ako nito napigilan.


Pagbalik sa Buenavista ay tinawagan ako ni Eli. Nasa Manila pa raw siya pero pabalik na. Nagki-crave raw siya sa isang putahe ng paborito niyang fine dining restaurant sa Dasma. Humihingi siya ng favor na samahan ko raw siya kasi nakakahiya raw kumain sa fine dining nang mag-isa.


Bago pa ako makasagot ay pinatay na ni Eli ang tawag. In his text message, he said that he had already reserved a table for two. Para sa amin daw. Kung kaya ng konsensiya ko ay okay lang naman daw na di ko siya samahan.


Napabuntong-hininga ako. May last text pa si Eli na hindi niya na mababasa kung sakali na magti-text ako dahil driving siya. Ibig sabihin ay talagang nakasalalay na konsensiya ko kung sasama ba ako.


By 6:00 p.m. ay nakapagpahinga na ako. Tumayo ako para mag-ayos. Oo, sasama ako kay Eli. Hindi sa hindi kaya ng konsensiya ko na hayaan siyang kumain mag-isa sa isang fine dining resto, kundi dahil sa gusto ko lang din talagang lumabas ngayong gabi.


Naghanap ako ng damit sa closet. Wala na akong dresses katulad nang dati, pero may nadala ako na isang piraso. A baby pink floral silk ruched wrap sleeveless dress na above the knee ang iksi. Ginamit ko sa event na pinag-side line-an ko sa Australia.


I looked at the MAC paper bag that Daddy gifted me. Wala sa loob na tiningnan ko iyon. Kailan ba ako huling nag-ayos ng sarili na hindi tungkol sa trabaho?


Napailing ako at binitiwan ang paper bag. Tapos na ako sa panahong hindi ako makaalis nang walang kahit anong kolorete sa mukha. Ngayon ultimo pagsusuklay ay hindi ko na nga nagagawa.


Bago dumating si Eli ay tumingin ako sa salamin. Namumutla ako. Siguro dahil sa pagpupuyat, hindi naaarawan, at dahil puro instant food ako nitong nakaraan. Tiyak na masesermunan ako ni Eli. At ayaw ko sanang makarinig ng pangaral ngayon.


Binalikan ko ang paper bag ng make up at nagsimulang ayusan ang aking sarili. Manipis na make up lang. Sakto lang para magkabuhay ang aking kulay. Ang buhok ko naman ay sinuklay ko lang.


Napangiti ako sa aking itsura sa salamin. Kaya talagang itago ng make up at magandang damit ang lahat ng dinadala ng isang tao. Natakpan pati ang panlalalalim ng mga mata ko.


Nang dumating si Eli ay bumaba na ako. Nasa sala na ang lalaki. Nakaupo siya sa sofa. Ang suot niya ay simpleng Lacoste polo shirt na kulay puti at sa pang-ibaba ay dark denim. Natanaw ko siya na panay ang hagod ng mahahabang daliri sa kanyang buhok. Hindi siya mapakali.


Tumikhim ako para kunin ang atensyon niya. Napatayo agad siya at tumingin sa akin, para lang matulala. "Vi..." Umawang ang kanyang mga labi.


Nakangiti ako nang lapitan siya. "Kanina ka pa? Tara na?"


Nakailang kurap yata siya. Ang tagal niya pa bago nakapagsalita. "S-sige, tara na."


Kahit sa biyahe ay panay ang sulyap ni Eli sa akin. Ilang beses na tuloy kaming nabusinahan sa kalsada ng mga kasabay naming sasakyan. Ano bang nangyayari sa kanya?


Sa fine dining restaurant ay aligaga pa rin siya. Kung hindi ko pa siya inalalayan kanina pagpasok sa lobby ay muntik pa siyang mangudngod. Nag-aalala na ako sa kanya.


"Eli, ano iyong kini-crave mong dish? Order-in mo na." Ibinigay ko sa kanya ang menu ng restaurant na dinala ng waiter.


"A-ah, s-sige." Nanginginig ang mga kamay niya nang kunin ang menu. 6 course meal ang in-order niya sa waiter. Iyong soup daw roon ang kini-crave niya. Um-order din siya ng wine.


Kung kanina sa kotse ay panay sulyap siya sa akin, ngayon naman na magkaharap na kami sa mesa ay hindi na siya makatingin. Namumula ang pisngi niya. Hindi rin siya mukhang nagki-crave dahil para na nga siyang mabubulunan kada subo niya.


Pinagmasdan ko si Eli. Parang ang guwapo niya yata lalo ngayon at ang bang-bango. Kaya lang, sariwa pa rin sa gilid ng kanyang mga labi ang sugat, maging ang pasa niya sa pisngi. Malamang na nahirapan din siyang itago iyon sa mama niya. Napailing na lang ako.


Hanggang matapos ang pagkain namin at madala ang lahat ng 6 course dishes sa amin ay hindi nagsalita si Eli. Hindi pa rin siya makatingin sa akin hanggang sa paglabas namin.


"Eli, may sakit ka ba?" tanong ko sa kanya nang nasa kotse na kami. Pauwi na sa Buenavista.


"Sorry, Vi." Napabuga siya ng hangin. "Ahg, badtrip! This is supposed to be a romantic night—" Napahinto siya sa sinasabi. "I mean, dapat nabusog tayo. Kaya lang nag-alala ka lang sa akin."


"Okay lang. Pero nababahala lang ako sa ginastos mo. Nakamagkano ka kasi." Nasilip ko kasi iyong presyo ng bill namin. Nanlambot ako nang makita kung ilang digit. Parang ilang shorts na tahi ko na iyong katumbas.


"Ano ka ba? Minsan lang naman, e." Napakamot siya ng pisngi. Nang sumulyap siya sa akin ay nahihiya siyang ngumiti. "S-saka nga pala, ang ganda mo ngayon, Vi..."


Napangiti na ako. "Ngayon lang ba? Pero sige, thank you. Guwapo ka rin ngayon dahil nilibre mo ako ng dinner. Kapag tumama ako sa lotto, 'wag kang mag-alala, malilibre rin kita. Kung gusto mo sa Marina Bay Sands pa!"


Doon na siya natawa. Sa wakas nawala na iyong pagiging awkward niya. "Sabi mo iyan, ah? Aasahan ko iyan kaya kung ako sa 'yo, simulan mo nang tumaya sa lotto para manalo ka na!"


Quarter to 10:00 p.m. na kami nakarating ng Buenavista. Pagpasok sa street pauwi sa amin ay sa kanto pa lang, natanaw na namin ang isang itim na kotse sa harapan ng gate kung saan ako nakatira.


Nangunot ang aking noo dahil bakit sa tapat ng gate naka-park? At kahit pa may kalabuan ang aking mata sa malalayong bagay, at tanging liwanag lang sa paligid ay ang di kalayuang streetlight, ay nakakatiyak ako na pamilyar talaga ang kotse.


Katulad ng Lamborghini four-door sedan sa garahe ng compound ng mga del Valle!


Pero bakit may Lambo na naligaw rito sa street namin? At sa tapat pa mismo ng gate namin? Kanino iyon? Nasagot ang aking tanong nang bumukas ang pinto sa driver's seat. Kasabay ng paghigpit ng hawak ni Eli sa manibela ay ang panlalaki ng aking mga mata. Ang bumaba sa Lambo ay si Isaiah!


Anong oras na? Anong ginagawa niya rito? At kanina pa ba siya?


Plain black shirt, plain black drawstring pants, and plain black cap. Iyon ang suot niya. Maging sa paahan ay itim na slides. Sa dilim ay kumikislap ang silver earring niya. Sa kapirasong liwanag ay makikita ang seryosong bukas ng kanyang mukha.


Dahil nakabara sa harapan ng gate namin ang Lambo, ay walang nagawa si Eli kundi gumilid para makarating sa bahay nila. Ako ay kailangan nang makababa dahil mauuna ang bahay namin.


Parang biglang nagsisi si Eli na pinababa ako nang makitang nagsimulang maglakad si Isaiah pasalubong sa akin. Nagtatagis na lang ang mga ngipin niya nang isara ko ang pinto ng kanyang kotse.


Nasa tatlong dipa na lang ang layo namin ni Isaiah sa isa't isa. Ang mga mata ng lalaki na kakulay ng kalangitan ngayong gabi, ay humagod ng tingin sa kabuuhan ko. Nasisinag ko roon ang pagdaan ng paghanga at pagkatulala, pero agad ding nawala. Ang ekspresyon niya ay dumilim.


"Isaiah, bakit ka nandito?" tanong ko.


Pagkalapit sa kanya ay hindi ko maiwasang hindi masamyo ang mabangong men's cologne na gamit niya. Humahalo iyon sa malamig na hanging panggabi. Ang presko at ang sarap sa ilong. At nakapagtataka na kahit madilim, mapupula ang mga labi niya.


Tiningala ko siya dahil kahit naka-heels ay hanggang leeg niya lang ako. May bangas din siya katulad ni Eli. May band aid sa tabi ng gilid ng kaliwang makapal na kilay. Bukod doon ay wala na.


Umalon muna ang lalamunan niya bago siya nagsalita sa baritonong boses, iyong pinagaan pero may lalim pa rin. Weird dahil nakakakiliti sa tainga. "Hinahanap ka nina Mama. Hindi ka raw nagre-reply sa text niya."


"Ha? Bakit may nangyari ba?" Bigla akong nag-alala. Bakit ako hinahanap ng mama niya? Kanina lang ay maayos naman ako na nagpaalam dito.


Namulsa siya at tumingin sa ibang direksyon. "Hahandaan ka sana niya, hindi ka naman bumalik kahit nag-text siya."


"Ah, naku, sorry. Hindi ako nakapag-check ng phone. Naka-silent nga pala. Saka, akala ko kasi hindi na siya magti-text. Nagpaalam naman kasi ako nang maayos kanina."


"Vivi!" Boses ni Eli na kalalabas lang sa kabilang gate. Naipasok na nito ang kotse nito. Palapit na ito ngayon sa amin ni Isaiah.


Sumulyap pa ito sa Lambo na naka-park sa tapat ng gamit namin. Nagtagis ang mga ngipin. Nang magkaharap ang dalawang lalaki ay ni hindi binati ang isa't isa. Nakatingin lang at walang may balak magbawi ng tingin.


"Ah, gabi na. Eli, galing ka pa sa Manila kanina. Magpahinga ka na," sabi ko sa kababata. Hinarap ko namang sumunod si Isaiah. "Isaiah, pupunta na lang ako sa mama mo bukas, pakisabi kamo na pasensiya na."


"Vi, ihahatid na kita sa inyo," sabi ni Eli.


Narinig ko ang maiksing at sarkastikong tawa ni Isaiah. "Ihahatid mo? Diyan lang sa tapat ang bahay niya. Mas malayo pa ng ilang hakbang ang bahay mo."


Gulat na napalingon ako sa kanya. Isang nakakalokong ngiti ang naglalaro sa mapula niyang mga labi habang ang mga mata ay madilim na nakatingin kay Eli.


"Eli, sige na," sabi ko na lang para mapaglayo na sila. Nakakaramdam ako na puwedeng may hindi magandang mangyari kapag nagharap pa sila nang matagal. "Pumasok ka na sa inyo. Papasok na rin ako."


May pagtutol sa mga mata ni Eli pero tumango ito. "Okay. Don't worry about me, Vivi." Pagkuwan ay seryosong bumaling siya kay Isaiah. "Marunong akong umintindi at gumalang ng desisyon."


"Tama 'yan." Ngumiti naman si Isaiah. "Practice ka lang, kasi kakailangan mo iyang skills na 'yan."


Itinulak ko na si Isaiah palayo kay Eli. "Isaiah, ano ba?" saway ko sa kanya.


Pag-alis ni Eli ay lumingon pa ito. Matalim ang mga mata. Si Isaiah naman ay ngingisi-ngisi lang rito. Tinampal ko ang makinis na pisngi niya para iharap siya sa akin.


"Isaiah, ano ba? Ano bang ginagawa mo?!"


Saka siya yumuko sa akin. Sumeryoso na ang mga mata. "Saan kayo pumunta?" mababa at patag ang tono niya pero malamig iyon.


"Nag-dinner kami sa Dasma. Nilibre niya ako dahil birthday ko." Nagtataka rin ako sa sarili dahil bakit kailangan kong sumagot nang may paliwanag pa. Kusa lang ang bibig ko sa pagsasalita.


Lumayo ako sa kanya at naglakad ako papunta sa gate. Nakakailang hakbang pa lang ako nang pigilan niya ako sa pulso.


Matalim ang mga mata na binawi ko ang aking kamay sa pagkakahawak niya. "Isaiah, nag-usap na tayo, di ba?"


Tinaasan niya ako ng kilay.


"Nag-usap na tayo na magpo-focus na lang kay Vien. Na magiging mabuting magulang pa rin tayo sa anak natin kahit wala na iyong sa atin..."


"Pumayag ako?"


Napatanga ako sa kanya.


"Pumayag ba ako, Vi? Sumagot ka, pumayag ako?"


"Isaiah, naman..."


"Ilang taon kang nawala, nakalimot ka na yata. Nakalimutan mo na kung gaano katigas ang bungo ko."


Ngumiti siya. Iyong ngiti na may pait.


"Pumasok ka na dahil mukhang pagod ka." Bumuga siya ng hangin. Ang mga mata niya ay bumalik sa pagiging kalmado. "Magpahinga ka muna. Matulog ka, mag-ipon ka ng lakas. Tapos bukas, pag nakapagpahinga ka na, mag-uusap tayo."


Tulala na lang ako nang pagkasabi niya niyon ay naglakad na siya papunta sa nakaparadang Lambo.


JF


#SerialCharmerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro