Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 50

"KUMUSTA, ISAIAH GIDEON?"


Pagkatapos magtagis ng mga ngipin ni Isaiah ay mariin lang na naglapat ang mga labi niya. Ni hindi siya nag-abala na gumanti sa pagbati ni Eli. Not that Eli was waiting for him to say anything.


Pakiramdam ko ay may invisible na tulay ng kuryente sa aking harapan. Parang wala silang balak mag-alis ng tingin sa isa't isa at umalis sa kinatatayuan kung hindi pa sumigaw si Miko mula sa loob, "Hoy, 'wag kayong bumara diyan sa daan!"


Si Zandra na ngayon ay bitbit ang anak ay sinaway na rin sina Isaiah at Eli. "'Wag niyong harangan ang entrance ng resto-bar ko, mamalasin ang negosyo sa inyo!"


Saka lang kami nagsilabas. Bago lumabas ay nakita ko pa ang tatawa-tawang si Miko. Nag-dirty finger ito kay Isaiah pero agad na natampal ni Zandra sa mukha ang asawa.


Si Eli ay sa akin na nakatingin. "Vivi, hinihintay kita pero ang tagal mo, kaya sumunod na ako."


"Mommy ku, sinu pow 'yan lalake?" bulong sa akin ni Vien sa malakas na boses. Hawak-hawak ko ito sa munti nitong kamay.


Napatingin naman si Eli kay Vien. Napangiti nang makita ang bata. "Hi! Are you Vien Kernell?" Yumukod pa siya para pumantay rito. "Ang laki mo na pala. Ako si Ninong Eli. Pasensiya ka na kung ngayon mo lang ako ulit nakita."


Pagsulyap ko kay Isaiah ay nakatingin siya kina Eli at Vien habang malamig pa rin ang ekspresyon.


Si Eli ay kaswal na tumango sa kanya. "Isaiah Gideon, 'wag kang mag-alala, ako na ang bahala sa kanila."


Tumikhim ako at nagpaalam na rin, "Aalis na kami, Isaiah."


Hindi ko na siya nilingon sa pagtalikod namin sa kanya. Pinagbuksan kami ni Eli ng pinto sa backseat. Doon kami ni Vien para mabantayan ko ang bata. Pagsakay namin ay umikot na si Eli papunta sa driver's seat sa harapan.


Hindi ko pa nakakabitan ng seat belt si Vien ay umikot na agad ang puwet ng bata sa backseat. "Wow, astig ng tsikot mu, Ninung!"


Natawa naman si Eli nang lumingon. "Nagustuhan mo ba?"


Nag-thumbs up si Vien.


Pinupunasan ko ng pawis si Vien nang mapansing hindi papunta ng Buenavista ang tinatahak ng kotse. Nagtataka na napatingin ako kay Eli. "Eli, hindi rito ang daan pauwi."


"Sino ba ang may sabi na uuwi kayo?"


Nanlaki naman ang mga mata ni Vien. "Luh, kidnap mu kame, Ninung?!"


Natawa si Eli. "Kung puwede lang ba."


"Eli, saan nga tayo pupunta?" tanong ko.


Sinilip niya ako sa rearview mirror. "Wala ka namang gagawin, di ba? Ipasyal natin ang bata. Sa Star City tayo."


Hindi ko na nakuhang makasagot dahil napairit na sa tuwa si Vien. "Yey, Star City!" Ang saya-saya nito na kulang na lang ay mag-tumbling.


Hindi pa raw kasi nakakapunta ito sa Star City. Sa SkyRanch pa lang daw ito nadadala ni Isaiah noong nakaraang Pasko, kasama ang wowa nito. Sobrang enjoy ang bata pagdating ng Star City.


"Ninung, astig dito!" Para itong may sili sa puwet na hindi mapakali.


Hingal aso kami ni Eli kahahabol dito. Ang nangyari tuloy ay pare-pareho kaming pawisan. Napabili pa tuloy si Eli ng t-shirt para sa aming tatlo. Star City shirts na kulay pula. Iba-iba lang iyong sizes. Iyong family shirts.


Ang dami ring nakain ni Vien kaya ilang beses ko itong ibinalik-balik sa rest room. Sa lahat naman ng iyon walang reklamo si Eli. Sa halip ay aliw na aliw ang lalaki sa bata.


Sa carousel ay tatlo kaming sumakay. Mag-isa ako sa isang kabayo habang magkaangkas naman sa tabi ko sina Vien at Eli. Magkasundo na agad ang mga ito. Kanina nga lang ay nagse-selfie na si Vien sa iPhone ni Eli.


Speaking of phone, deadbat pala iyong akin. Hindi ako nakapag-charge bago umalis sa bahay kanina. Pero nakapagsabi naman ako sa mama ni Isaiah na pupunta kami ngayon nina Vien sa Star City. Nag-reply naman ito na okay lang at mag-enjoy raw kami.


Hindi na ako nag-charge sa charging station dahil mahaba ang pila. Akala ko rin ay makakauwi kami agad kaya lang ay ayaw pang umuwi ni Vien. Kung saan-saan pa kami hinila ng bata.


Ang mga nakakasalubong namin ay napapatingin sa aming tatlo. Siguro natutuwa kay Vien, o kaya naguguwapuhan kay Eli. Ewan ko. Ang cute kasi ng dalawa. Kung hindi mo kilala ay iisipin mo na mag-ama ang mga ito.


Sa biyahe pauwi ay bagsak si Vien. Pagod na pagod ito at naghihilik pa sa tabi ko. Hinahaplos ko ang buhok nito habang napupuno ng tuwa ang aking dibdib. Ngayon ko lang kasi naipasyal ito, ngayon ko lang din nakasama sa labas nang ganoon katagal.


"Are you happy, Vi?" tanong ni Eli na nasa driver's seat. Nakasilip siya sa akin sa rearview mirror.


Nag-thumbs up ako kay Eli bilang sagot. Ngumiti naman siya sa akin.


2:00 a.m. na kami nakarating sa PK2. Doon ako parang bumalik na sa reyalidad. Bumangon ang kaba sa aking dibdib nang matanaw si Isaiah sa labas ng gate ng compound.


Aligaga ang nakapamewang na lalaki habang paroo't parito sa paglalakad. Mukhang kanina pa siya. Nang mapatingin siya sa aming sinasakyan ay saka siya huminto. Kahit malayo pa ay kitang-kita ko na ang pagsasalubong ng mga kilay niya.


Kinusot ko ang aking nanlalabong mga mata. Tama nga ang nasisinag ko sa ekspresyon ni Isaiah, galit siya.


Paghinto ng kotse ay naunang bumaba si Eli. Pero bago pa makaikot si Eli para buksan kami ng pinto ng sasakyan ay nauna na si Isaiah. Siya ang humila pabukas ng pinto sa tabi ko.


"Anong oras na?" Bagaman mahinahon ang boses ay mabigat.


"Pasensiya ka na, Isaiah." Si Eli ang kaswal na nagsalita. "Na-deadbat si Vivi kaya hindi na siya naka-reply sa mama mo."


Ang mga mata niyang kasing dilim at lamig ng gabi ay napasulyap sa suot naming damit. Pare-parehong Star City shirts na kulay pula. Hindi niya pinansin ang sinabi ni Eli, sa halip ay mahina siyang nagtanong, "Nasaan ang damit ni Kulitis?"


"Nasa bag ko. Lalabhan ko muna kasi puno ng pawis niya. May mantsa rin ng chocolates."


Hindi na kumibo si Isaiah. Binuhat niya na si Vien at ipinasok sa compound.


Susunod pa sana ako nang matanaw na patay ang mga ilaw sa loob. Tulog na ang mga magulang ni Isaiah, kaya huminto na ang aking mga paa sa pagsunod sa kanya. Nilingon niya naman ako na parang naiinis kung bakit ako huminto.


"Tulog na yata ang mga magulang mo, babalik na lang ako sa ibang araw para humingi ng pasensiya sa kanila."


Bago pa siya makapagsalita ay hinalikan ko na si Vien sa noo. Natutulog ang bata kaya wala na rin akong iba pang sinabi. Bumalik na ako sa kotse ni Eli. Doon na ako sa passenger's seat sa unahan pumuwesto.


Sa peripheral vision ko bago pumasok sa sasakyan ay nakita ko pa ang pagyuko ni Isaiah. Hindi ko na alam ang sumunod niyang ekspresyon pagkatapos niyon.



SA TRABAHO. Kaliwa't kaliwa ang mga usapan nang sumapit ang breaktime. Iyong iba ay tungkol sa lovelife ang pinagtutumpukan, iyong iba ay tungkol mga teleseryeng drama sa TV, o kaya ay buhay ng may buhay.


Marami rin naman akong katrabaho na mababait, sa hilera ako ng mga ito naupo. Nagbukas ako ng social media at nakitang may message request ako. Nang aking buksan ay galing sa katrabaho kong si Johny.


Io-open ko pa lang ang chat nang i-unsent ang mga iyon. Nagtataka man ay hindi ko na pinagkaabalahan pang isipin. Hindi naman mahalaga.


Patapos ang break nang lapitan ako ni Doralyn. May ka-holding hands siya na isang lalaki. Ipinakilala niya ito sa akin "Hi, Vivi Girl. Si Paul pala, boyfriend ko."


May itsura at mukha namang mabait ang lalaki pero ni hindi ko ito maski tinanguan man lang.


Pag-alis ng lalaki ay pinagmasdan ko si Doralyn. Nagre-retouch siya ngayon sa mukha ng foundation. "Ang pogi ng BF ko, ano?" sabi niya habang nananalamin sa compact mirror.


Nagtataka ako sa kanya dahil tanda ko pa nang huling pag-uusap namin na may asawa na siya. Hindi man sila kasal ay nagsasama sila at may anak na.


Parang nabasa niya ang nasa isip ko. Nahinto siya sa pagre-retouch. "Vi, hindi ako kasal. So, hindi ako nakatali. Puwede kong iwan ang partner ko kahit kailan ko gusto."


Hindi ako kumibo pero tumikom ang mga palad ko.


"Si Paul din, may asawa na. Kasal sila pero hindi niya na mahal iyong asawa niya. Bungangera daw kasi at selosa. Pinakikisamahan na lang daw niya iyon dahil sa apat nilang anak, pero ngayon ay hihiwalayan na niya. Pagkatapos ay magsasama na kami."


Nakikinig lang ako sa kanya nang kusang bumukas ang mga labi ko. "Aagawan mo ng tatay ang apat na anak niya?" mahina ang aking boses pero sa tono na seryoso. "Kampon ka ba ni Satanas, Doralyn?"


Gilalas siya na napatanga sa akin. Nang makabawi ay nanlisik ang kanyang mga mata. "Anong sabi mo, Vivi?!"


"Ang sabi ko, demonyita ka." Mahina pa rin ang boses ko.


Lalong nanlisik ang mga mata niya. "Wala kang alam kaya 'wag mo akong husgahan!"


Tumayo ako at hindi na pinakinggan pa ang ibang sinasabi niya. Bumalik na ako sa trabaho. Hanggang sa mag-uwian ay matalim ang tingin sa akin ng babae pero hindi ko ito pinagkakaabalahang pansinin.


Paglabas ng kompanya nang biglang magkagulo. Natanaw ko si Johny na humahangos habang habol ang isang babae. Ang babae ay maganda bagaman may kalusugan, pero ang kumuha ng aking atensyon ay ang mga mata nitong galit habang sa akin nakatuon.


Nagulat ako nang duruhin ako nito. "Ito ba, Johny?!" sigaw nito na tumawag sa atensyon ng lahat ng tao sa daan. "Ito bang babaeng ito ang bago mong babae?!"


Napanganga ako sa gulat. Ako nga ang dinuduro nito, sa akin ito galit na galit. Ang mga tao sa paligid, lalo ang mga katrabaho namin, ay sa akin na rin nakatingin.


"Akala niyo hindi ko kita mahuhuli?!" sigaw sa akin ng babaeng galit na galit. "Marami akong mata rito sa trabaho niyo! At nabubuksan ko ang account ni Johny, huling-huli ko ang unsent messages niya sa 'yo! May pabura-bura pa kayong nalalaman, mga manloloko!"


Tigagal ako at hindi malaman ang sasabihin. Nanlalaki ang ulo ko sa gulat lalo na dahil may mga katrabaho kami na kumukuha ng picture at video sa akin. Napayuko agad ako at akmang mananakbo nang biglang may humila sa buhok ko.


"Malandi ka, ang daming lalaki, doon ka pa talaga sa may sabit kakabit!" Sinabunutan ako nito. Pinagkakalmot.


Pumalag ako para makawala rito pero nang marinig ko na buntis ang babae ay nanigas ang aking katawan. Natakot na akong lumaban dahil baka maitulak ko ito.


Si Johny ang nakaawat sa amin. Niyakap nito nang mahigpit ang live in partner. "Vivian, umalis ka na dali. Ako nang bahala rito!"


Hindi ko na inintindi pa ang ibang sinasabi nito. Itinakip ko ang aking bag sa mukha at saka ko binangga ang mga nakakumpol na tao para makaalis.


Napadaan pa ako sa harapan ni Doralyn. Sa mukha ng babae ay naghahalo ang gulat at pang-uuyam. "Hindi ko akalaing ganyan ka pala, Vivi. Hinuhusgahan mo pa ako, samantalang parehas lang pala tayo."


Lakad-takbo ang aking ginawa hanggang makarating sa paradahan ng jeep. Pigil ko ang aking pag-iyak dahil pinagtitinginan ako. Inayos ko ang aking buhok na nagusot at ang kuwelyo ng aking polo uniform na nabaklasan ng butones sa harapan.


Pag-uwi ay hinang-hina ako. Masakit din ang aking anit at ang mga kalmot sa aking braso. Hindi ko na nakuhang mag-charge ng phone dahil sa pagod. Pagod na pagod ako. Sobrang pagod.
Ngayon ko naramdaman ang lahat ng pagod, na sa aking paghiga ay nakatulog ako agad-agad. Naalimpungatan na lang ako na may humahaplos na malamig sa aking pisngi. 


Sa pagdilat ko ay pinangiliran ako ng luha nang makita ang bagaman malabo, pero maamo at nag-aalalang mukha ng aking nakatatandang kapatid. Napahikbi ako. "K-Kuya Vien..."


Ngumiti siya bagaman may lungkot sa kanyang mga mata. "Magpahinga ka muna, Vivi..."


Sa muli kong pagmulat ay mag-isa na lang ako sa madilim na kuwarto. Gabi na. Hindi na ako nakapaghanda sa pagpasok sa trabaho. Siguro ay puwede pa naman akong humabol, kaya nagmamadali akong tumayo.


Pagkatayo ko nga lang ay napahawak ako sa dingding. Bigla akong nahilo. Nanghihina ako at mainit ang sumisingaw sa aking mga mata. Dinama ko ang aking leeg, mainit. Napapikit ako nang mariin, bakit ngayon pa ako nagkasakit?


Kumakalam ang aking tiyan kaya kahit nanghihina ay nagpumilit ako a bumaba sa kusina. Kailangang malamanan ang aking tiyan para makainom agad ako ng gamot. Sanay naman na akong magkasakit mag-isa kaya balewala na sa akin ang ganito.


Hindi ko rin naubos ang nilutong instant noodles. Kakaiba ang panghihina ko ngayon, parang malalang trangkaso yata ang tumama sa akin. Patayo ako sa mesa nang may kumatok sa pinto ng kusina.


Dahan-dahan akong lumapit doon at ang aking napagbuksan ay si Eli. Hindi pa weekend, bakit nandito na siya? Parang araw-araw na yata siyang nag-uuwian, ah?


"Hi, Vi! Naka-leave ako sa office. Kanina pa ako nakatok dito pero hindi ka nagbubukas. Di ba may pasok ka? Ihahatid sana kita—" Natigilan siya nang mapatitig sa mukha ko. "Bakit namumutla ka? May sakit ka ba?"


Hindi ko na makuhang sagutin ang tanong ni Eli dahil parang may plemang nakabara sa aking lalamunan. Napapasok naman siya sa pinto at agad na dinama ang noo at leeg ko.


"Ang taas ng lagnat mo!" bulalas niya. Ang kanyang maamong mukha ay napuno ng pag-aalala.


"P-pahinga lang ito..." Sa wakas ay nakuha kong magsalita. Itataboy ko na si Eli para makapagpahinga na sana ako nang mawalan ng lakas ang aking mga binti.


Muntik na akong bumagsak sa sahig kung hindi niya lang ako maagap na nasalo. "Vivi!" Napasigaw siya. Dali-dali na kinarga niya agad ako.


Umikot ang aking paningin at hinang-hina ang aking pakiramdam, hindi na ako tumutol nang kargahin ako ni Eli patungo sa hagdan. Siya ang nagdala sa akin pabalik sa kuwarto ko.


Si Eli ay hindi malaman ang gagawin sa pagpa-panic. "I think I should bring you to the hospital!"


Akmang kakargahin niya ulit ako nang nanghihinang hawakan ko siya sa braso. "O-okay lang ako. Trangkaso lang ito..."


May pagtutol sa ekspresyon niya pero sa huli ay tumango siya. "Basta kapag hindi bumaba ang lagnat mo pagkatapos ng isang oras, dadalhin na kita sa ospital sa ayaw mo man o sa gusto!"


Ngumiti ako bilang pagpayag. Napa-tsk siya saka ako kinumutan. Nagkalkal siya sa mga aking closet para maghanap ng towel. Inasikaso niya ako; pinunasan sa leeg, noo, at mga braso. Puro ungol na lang ang kumakawala sa aking bibig sa mga sumunod na minuto.


"Vi, bakit ang dami mong pasa at kalmot?!" Nag-e-echo sa aking pandinig ang naghahalong pag-aalala at gulat sa boses ni Eli. Sa pagkahilo ko ay halos hindi ko na siya maintindihan.


Pinunasan rin ako ni Eli sa binti at paa, pagkuwan ay sinuutan ng medyas. Ginamot niya rin ang mga galos ko habang patuloy pa rin siya sa pagtatanong, kahit pa hindi ko naman siya nasasagot.


Minsan ay nauulinigan ko siyang napapamura. Minsan naman ay pumipiyok sa pagkabasag ang boses niya. Alalang-alala siya sa akin.


Pinapunta niya rin ang mama niya na si Tita Hannah. Magkatulong sila na nagbantay at nag-asikaso sa akin sa magdamag.


Na-miss ko siguro ang pakiramdam ng merong nag-aalaga, kaya tuloy bandang umaga ay bumalik na naman ang aking lagnat. Tanghali na ulit bumaba temperature ko.


Nanghihina pa ako kaya kailangan pa ni Eli na subukan ako ng lugaw na gawa ni Tita Hannah. "Vi, kumain ka nang kumain para lumakas ka na ulit."


Alas dos na ng hapon nang maalimpungatan ako. Ngayon ko lang naalala na dapat ay pupuntahan ko si Vien kanina. May pasok ito at dapat ay ako ang mag-aasikaso. Malamang na naghintay sa akin ang bata.


"Eli, iyon cellphone ko..." Hindi ko rin nai-charge ang aking phone kahapon. Baka tinatawagan na ako ng lola ni Vien.


"Nasa baba, deadbat," sagot ni Eli. "Hinanap ko sa bag mo iyong charger mo pero hindi ko makita. Hindi ko naman magamit charger namin ni Mama dahil parehong hindi kasukat." Naka iPhone kasi sila habang ako ay android phone. "Saka 'wag ka munang mag-phone, baka ka mabinat."


Napahawak ako sa aking ulo na muling sumakit. Inalalayan naman ako ni Eli na mahiga ulit. Pinainom niya ulit ako ng paracetamol. Saglit lang ay nakatulog na ulit ako.


Para bang nagbabawi ang aking katawan. Nagigising lang ako kapag nauuhaw o kaya ay iinom ng gamot. Nang gumabi ay nagtuloy-tuloy ang tulog ko hanggang kinabukasan.



WALA NA AKONG TRANGKASO. Maayos na ang aking pakiramdam at nakakatayo na ako. Hindi naman pinalagpas ni Eli ang pagkakataon para komprontahin ako.


"Saan galing ang mga pasa at galos mo?" seryosong tanong niya na pang-ilang beses na yata.


Kahit si Tita Hannah ay nag-aabang sa isasagot ko. Napabuga ako ng hangin at ipinagtapat sa kanila ang nangyari. Ayaw ko rin naman kasi silang pag-isipin pa.


Galit na galit naman si Eli nang malaman. "Sinasabi ko sa 'yo, Viviane Chanel, 'wag na 'wag ka nang babalik sa trabaho mo! Mag-resign ka na!"


Si Tita Hannah na bagama't kalmado ay makikita rin ang galit sa mga mata. "Vivi, 'wag ka na munang pumasok sa trabaho. Meron naman sigurong ibang puwede kang apply-an. Tutulungan kita sa budget mo para makabuwelo ka."


Tumango na lang muna ako para sa kapanatagan ng loob nila. Pinag-iisipan ko na rin ang aking mga susunod na hakbang.


Napa-leave na ulit si Eli kahapon kaya hindi na puwedeng hindi siya pumasok sa office ngayon. Kahit halatang ayaw niya pa akong iwan ay wala na siyang nagawa kundi ibilin ako kay Tita Hannah.


"'Wag ka nang pumasok, Vivi!" sabi niya sa akin na may halong pagbabanta. "Magpagaling ka muna rito! Magpahinga ka! Matulog ka nang matulog at kumain nang marami! Pagbalik ko dapat magaling ka na, or else, ibibili kita ng wheelchair!"


Hindi pa siya tuluyang aalis kung hindi pa siya pinagtulakan ng mama niya sa pinto.


Nagkakangitian na lang kami ni Tita Hannah nang wala na si Eli. "Vi, okay na ba ang pakiramdam mo? May plano kang umalis, ano?"


Nasukol ako nito. Totoong hinihintay ko lang umalis si Eli dahil may plano talaga ako na umalis. Pupunta ako sa PK2.


"Kaya mo na ba?" Nasa boses ni Tita Hannah ang pag-aalala. "Ayaw mo bang makigamit ng phone ko? I-text mo ang lola ng anak mo, para alam nila na nagkasakit ka."


"Hindi na po. Hindi ko rin naman po kabisado ang mga number nila. Mabuti na pumunta na lang ako roon. Saka okay naman na po ang pakiramdam ko. Nakapagpahinga na ako nang sobra."


Hindi na ako napigilan ni Tita Hannah. Pagkatapos kong maligo noong hapon ay gumayak na ako paalis. Nagpa-special na lang ako sa tricycle patungo sa PK2.


Pagpasok ko sa compound ay hindi lang ako nagulat na naroon ang Kawasaki Ninja big bike ni Isaiah, kundi dahil sa nandoon din mismo siya. Nakasandal siya sa kanyang motor habang nakapamulsa sa suot na sweat pants. Ang mukha niya ay nakasimangot.


Shirt at sweat pants ang suot niya at sa paahan ay itim na Adidas slides. Nakapambahay siya at magulo ang kanyang buhok kaya mukhang hindi siya kararating lang. Hindi pa weekend pero nandito na siya sa kanila?


Nang maramdaman ako ay napalingon siya sa akin. Ang pagkakasimangot niya ay nabura pero ang mga mata niya ay dumilim. "Bakit ngayon ka lang?"


Napakurap ako nang lumapit siya sa akin. Hanggang ilalim lang ako ng kanyang leeg kaya kailangan ko siyang tingalain.


"Dalawang araw kang hinintay ni Kulitis. Pinaghintay mo iyong bata na wala ka man lang pasabi!"


Tulala ako sa mukha niya na ngayon ay pulang-pula na. Ang boses niya ay mahina pero mariin. Nandoon ang pigil na galit.


Nang hindi ako magsalita ay doon napataas na ang boses niya. "Tinatawagan ka ni Mama pero patay ang phone mo! Ano, pupunta ka lang dito at magpaparamdam kung kailan mo gusto?! Ano bang tingin mo sa mga tao rito? Mga walang pakiramdam?!"


"Nagkasakit ako," mahinang sabi ko.


Natigilan siya. Ang galit sa mga mata niya ay kagya't na nawala. Napalitan ng ibang emosyon sa isang iglap. Umalon ng ilang ulit ang kanyang lalamunan.


"Sorry hindi ako nakasagot sa mga tawag dahil deadbat ang phone ko. Nawala ang charger at hindi ko na nagawang maghanap ng kapalit, dahil dalawang araw at gabi akong nagkasakit."


Napakurap siya saka bumaba ang kanyang paningin sa mga pasa at galos ko sa braso. Pasimple ko iyong tinakpan ng bag pero nakita na niya.


"Napaano iyan?"


Tiningnan ko lang siya at hindi sinagot ang tanong niya.


"Napano iyan?!" ulit niya sa pagkakataong ito ay tumaas ang boses. Mas mataas at malakas na hindi na niya mapigil.


"W-wala ito—" Hindi ko pa natatapos ang aking sinasabi nang hablutin niya ang braso ko. Tiningnan niya ang mga galos. Inangat niya pa pati ang manggas ng aking damit. Nagtatagis ang mga ngipin niya nang makita ang mahabang kalmot doon.


Napamura siya nang ilang ulit habang ang mga mata niya ay naghahalo ang pait at pag-aalala. "Napaano iyan? Sino ang may gawa niyan sa 'yo?!"


"W-wala nga ito." Pilit kong inaagaw ang aking braso sa kanya pero ayaw niyang bitiwan. "Ano ba, Isaiah? Wala nga sabi ito. Galos lang na nakuha ko sa trabaho—"


"May nanakit sa 'yo! 'Wag mo nang pagtakpan! Sino ang nanakit sa 'yo?!"


"Importante ba iyon?!" balik ko ng tanong sa kanya. Napataas na rin ang boses ko dahil sa halo-halong emosyon. "Importante bang malaman mo?!"


Natigagal naman siya sa akin.


Sinalubong ko ng tingin ang nanlalaki niyang mga mata. "Kung sino man o ano ang nanakit sa akin ngayon, bakit mo pa ako tinatanong? Bakit kailangan mo pang malaman?"


Nagtagis ang mga ngipin niya pero wala siyang masabi.


Nagpakawala naman ako ng paghinga para kalmahin ang sarili. Pagkuwan ay matipid akong ngumiti sa kanya. "Isaiah, 'wag mo nang abalahin pa ang sarili mo na alamin kung ano ang nangyari sa akin, dahil nandito lang naman ako para puntahan ang anak natin."


Totoo lang naman. I was not here for him. I was here for Vien. Pagkatapos ay pinagpag ko na ang kamay niya na nakahawak sa aking braso, at iniwan ko na siya para tumuloy sa bahay nila.


JF


#SerialCharmerbyJFstories

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro