Chapter 40
TINALIKURAN NA AKO NI ISAIAH.
Pagkatapos niyang kusutan ang kanyang polo sa lababo ay piniga niya nang mabuti. Dahil sira ang dryer at hindi pa nakakabili ay ibinalot niya sa malinis na tuwalya ang pinigang polo. Doon niya piniga ulit nang ilang ulit hanggang sa matiyak na hindi na tumutulo.
Nakamasid lang ako. Itinuro niya sa akin noon ang technique na iyon. Ganoon daw para mas mabilis matuyo ang damit. Pagkaalis niya ng polo sa tuwalya ay saka niya pinagpag. Iha-hanger niya iyon mamaya sa electricfan para matuyo agad.
Pag-akyat sa kuwarto ay nakatulog agad ako. Hindi ako namahay kahit pa ang tagal na mula noong huli akong matulog sa bahay nina Isaiah. Para bang kilala ng katawan ko ang bahay na ito. Sa tagal ng panahon na mababaw ang aking tulog, ngayon ko na lang ulit naranasan ang malalim at mahimbing na tulog.
Sobrang sarap ng aking pakiramdam na hindi ko namalayang umaga na. Naramdaman ko lang na bumukas ang pinto at may pumasok sa kuwarto. Kung gaano katagal iyon ay hindi ko na alam.
"Good mowrning, Mommy!" Nangingislap sa tuwa ang mga mata ng bata nang magising.
Niyakap ko naman ang bata at hinalikan sa noo. "Good morning, baby ko."
Bago kami tumayo ay nagyakapan muna kami ni Vien. Ako ang nag-asikaso rito sa pagpasok sa school. Ako rin ang nag-ready ng baon nito. Sandwich na may palamang hotdogs at cheese. Nagpiga rin ako ng orange para sa fresh juice.
Ako rin ang naghatid kay Vien sa school. Sobrang saya ko. Ang mga bagay na pinapangarap ko lang noon ay nangyayari na ngayon.
Sa uwian ay si Mama Anya na raw ang susundo sa bata. May kailangan kasi akong asikasuhin. Pupunta ako sa Meralco para magtanong kung paano maibabalik ang kuntador sa bahay namin sa Buenavista.
Pagkatapos sa Meralco ay sa Buenavista ako dumeretso. Inayos ko ang mga damit ko na dadalhin kina Isaiah. Lumaki na kasi ang dibdib at balakang ko kaya masisikip na ang aking mga damit na naiwan doon.
Maaga pa naman kaya naglinis na rin ako ng sala. Nangangati na ako sa alikabok ay hindi pa rin ako tumitigil sa paglilinis. Nakatapos ako noong bandang alas tres na nang hapon.
"Tao po!" tawag mula sa may pinto. Nakabukas ang gate sa labas kaya siguro'y nagtuloy-tuloy na ang kung sino man ito.
Isang babae ang nakadungaw sa screendoor ng sala. Kahit nadagdagan ang edad ay namukhaan ko ito. Ang palaging ino-order-an ni Mommy, si Aling Barbara ito na taga Navarro.
Malawak na napangiti ito nang makita ako. "Aba'y, tama ang nasagap kong balita! Tunay ngang nakauwi ka na ng Pilipinas, Vivi!"
Pinagbuksan ko ito ng screendoor at pinapasok.
"Pasensiya ka na at napapunta ako rine. Maniningil lang sana ako sa mga huling order sa akin ng mommy mo bago siya noon nagpunta sa Laguna. Aba ay hanggang sa mag-Australia siya'y hindi niya na ako nabayaran."
"Sorry po, Aling Barbara. Biglaan po kasi noon ang mga pangyayari. Nagkasakit din po si Mommy kaya hindi niya na kayo naasikaso."
"Oo nga e, nabalitaan ko rin ang pagkakaroon ng breast cancer ni Veronica. Wala na pala siya, ano? Condolence, ha?"
Tumango ako. "Magkano po ba ang natitirang utang ni Mommy sa inyo?" Hindi kalakihan ang natatabi kong pera, pero ang utang ay utang.
Naglabas ng notebook mula sa dalang bag si Aling Barbara. "Dalawang lotion na tag two-fifty, isang lipstick na tag three hundred fifty, at sling bag na tag five hundred. Bale one thousand three hundred fifty."
Napalunok ako dahil malamang na may tubo na ang utang. Maliit pa naman ang natatabi kong pera, at hindi pa ako nakakahanap ng trabaho.
"'Wag kang mag-alala, maliit na lang ang itutubo ko," sabi ni Aling Barbara na nagpakalma sa paghinga ko.
"Talaga po? Okay lang po ba iyon? Naabala po ang puhunan niyo sa utang ni Mommy. Okay lang naman po kahit tubuan niyo, basta 'wag lang ho sanang sobrang laki."
"Asus!" Ikinampay ng ginang ang kamay. "Three hundred fifty na lang ang tubo tutal deadbol naman na ang mommy mo. Isipin mo na lang na abuloy ko ang iba."
Napangiwi ako.
Hinagod ako ng tingin ni Aling Barbara. "Nahiyang ka sa abroad, ano? Lalo kang gumanda. Dalaga ka pa, di ba? May anak ako na binata pa rin. Ipapakilala kita."
"Naku—" Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil ang bilis nitong magsalita.
"Hanga ako sa 'yo, Vivi. Akalain mo iyon? Dalaga ka pa rin hanggang ngayon. Aba, alam mo iyong anak ng kapitbahay ko sa Navarro? Baka kilala mo, Carlyn ang pangalan. Ka-schoolmate mo iyon noong high school."
Carlyn?
"Ay, naku. Ayun, nag-abroad din iyon pagka-graduate ng high school. Alam mo bang buntis iyon? Kay agang bumukaka. Ang nakabuntis ay iyong lalaking naka-motor na pumupunta sa kanila."
Nanuyo ang lalamunan ko sa tinatakbo ng kuwento.
"Kow, kaya nag-abroad ay hindi kasi pinanagutan ng nakabuntis. Itsura ba naman kasi noong lalaki, guwapo nga pero halatang puro porma lang ang alam. May hikaw pa kamo sa tainga."
Napakamot na ako ng ulo dahil parang kilala ko na kung sino ang tinutukoy ni Aling Barbara.
Patuloy pa rin ang ginang sa pagsasalita, "Tandang-tanda ko pa ang itsura ng lalaki, nasaan na kaya iyon ngayon? At nasaan din kaya ang anak nila? Malaki na siguro ngayon, Baka mag-aanim na taon na."
Napalingon ako sa pinto nang may nagtulak pabukas ng screendoor. Isang maliit na batang lalaki na naka-partner na Paw Patrol blue shirt at shorts ang tuloy-tuloy na pumasok. Tayo-tayo pa ang naka-gel nitong buhok at amoy baby cologne.
"Ay, susme!" bulalas ni Aling Barbara dahil sa gulat.
"Mommy!" Yumakap agad sa leeg ko si Vien at pinaghahalikan ako ng nguso na malagkit. Mukhang kumain ito ng candy bago pumunta rito.
Niyakap ko rin ang bata. "Bakit nandito ka, anak? Sinong kasama mo?"
Tigagal si Aling Barbara habang nakatingin. "A-anak mo 'yan, Vivi?!"
Hindi ko na nasagot ang tanong nito dahil hindi bumilang ang ilang minuto na bumukas ang pinto. Pumasok mula roon ang isang guwapo at matangkad na lalaki na walang kangiti-ngiti ang mapupulang mga labi.
Simple lang ang ayos, plain black shirt, dark jeans, at sa malinis na paa ay walang sapatos, kundi slides na black. Ang buhok niya ay bahagyang magulo na mukhang inayos lang ng paghagod ng kamay.
Kung natulala ako ay si Aling Barbara ay parang luluwa na ang mga mata, at ang bibig nito ay ang laki ng pagkakanganga.
"Kasama ku daddy ku!" masiglang sabi ni Vien. "Mommy, antagal mu pow kase umuwe sa bahay kaya sundo ka na namen ni Daddy ku!"
Napatayo ako mula sa sofa. Ang akala ko ay bukas pa ang balik ni Isaiah mula sa Manila.
Kahit hindi niya naman ako tinatanong ay kusa akong nagpaliwanag, "Ah, umuwi lang ako ngayon para kumuha ng mga gamit ko. Pabalik na rin ako..."
Wala naman siyang reaksyon. Pormal pa rin ang mukha niya. Ni kahit tanguan ang sinabi ko ay hindi niya pinagkaabalahang gawin.
Si Vien ay inilingap ang paningin sa paligid ng bahay. "Ditu ka dati nakatira, Mommy?! Ebarg, lapet lang pala!"
Napatayo na rin si Aling Barbara. "Vivi, iyan bang lalaking iyan ang asawa mo?"
"Ho?" Napasulyap ako kay Isaiah na nakataas ang isang kilay sa akin. Si Vien naman ay natigil sa pangungutingting at naghihintay rin sa isasagot ko.
Napalunok ako bago nagsalita, "S-si Isaiah po, daddy ng anak ko..."
Kinalabit ako ni Vien. "Mommy, pupunta ulet si Ninang Carlyn saten! Mommy, bespren mu raw si Ninang Carlyn sabe ni Daddy ku!"
Pasimpleng kinutusan ni Isaiah ang bata.
Si Aling Barbara naman ay napahawak sa sariling bibig. Mukhang napagtanto na nitong hindi si Carlyn ang maagang bumukaka... kundi ako.
Ang gulat sa mga mata ni Aling Barbara ay napalitan ng kakaibang kislap. Para bang ang interes niya ay mas namukadkad. "Ay, hindi kayo mag-asawa dahil hindi kayo kasal o dahil wala na kayo?"
Si Isaiah ay nakapamulsa lang. Wala pa ring kahit anong reaksyon.
Napapalakpak si Aling Barbara. "Ah, co-parenting na laang ba? Ay, siya, uso naman ngayon ang ganiyan. At least magkaibigan pa rin kayo para sa anak niyo."
Nagpaalam na ang ginang na aalis na. Hindi ko na rin ito pinigilan dahil sa totoo lang ay gusto ko na rin itong umalis. Ang kaso ay buong tag iisang libo ang pera ko. Ang barya ko ay tagbebente na lang.
"Wala akong panukli, Vivi." Ibinalik sa akin ni Aling Barbara ang dalawang libong buo.
"Magkano ba?" Malagom na boses ni Isaiah na nagpapitlag sa akin. Ngayon lang siya nagsalita.
Hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala siya. Dumukot siya sa likod ng pantalon nang marinig ang sagot ni Aling Barbara na one thousand seven hundred.
Sa wallet ay naglabas si Isaiah ng buong isang libo, five hundred, at dalawang isang daan at inabot kay Aling Barbara. Hindi ko na nahabol ang ginang dahil para itong kidlat na nagtungo sa pinto.
"Babayaran ko na lang..." maliit sa hiya ang boses na sabi ko kay Isaiah.
Inismiran niya lang naman ako.
"Ah... Kukunin ko lang ang bag ko sa itaas," paalam ko. Tumalikod na agad ako dahil mainit na sa hiya ang aking pisngi.
Sumunod si Vien sa akin. Ipinakita ko na rin sa bata ang kuwarto ko, kung saan ito ginawa at nabuo.
"Mommy, laki pow ng garden niyu!" Nakadungaw si Vien sa bintana.
"Maganda iyan noong may mga halaman pa. Diyan kami dati ng tito mo palaging nakatambay kapag wala kaming pasok. Sayang lang at hindi mo siya naabutan, tiyak mai-spoil ka roon."
"Ow, iyon titu ku pow na Vien din ang name?"
"Yes, baby. Sa kanya ko kinuha ang pangalan mo. Mabait siya at guwapo na katulad mo."
Naghimas siya ng kanyang baba at nag-thumbs up sa akin. Nag-thumbs up din ako rito.
Pagkakuha ng bag ko ay bumaba na kami. Nakalabas na si Isaiah ng pinto. Nanakbo na rin si Vien pasunod sa ama. Isinara ko ang bintana sa sala saka ako sumunod sa kanila.
May dala palang motor si Isaiah. Akala ko kasi ay nag-tricycle o nag-jeep lang sila papunta rito. Bago ang motor na dala niya. Hindi na iyong Click na gamit niya noong high school. Ang nakaparada sa tapat ng gate ay isang malaking itim na motor.
Ang mga nagdaraang mga dalagitang estudyante ay napapalingon kay Isaiah. May dalawang magkasama pa na parang gusto siyang tawagin.
Binilisan ko ang mga lakad ko at tinawag si Vien nang pasigaw, "Vien, 'wag kang lalayo sa daddy mo!"
Sumigaw rin si Vien sa akin. "Ow yes, Mommy!"
Ang mga dalagitang naglalakad ay agad na nag-iwas ng tingin nang makita ako. Si Isaiah naman ay mukhang walang pakialam. Hindi siya nakangiti, hindi rin nakasimangot. Seryoso lang.
"Mommy, ambangis ng bago motor ni Daddy ku, no? Kawasaki Ninja big bike daw 'yan pow! O ano ha, Mommy? Ano say mo? Na-astigan ka ba, ha?!"
Nagdadalawang isip pa ako kung isasakay si Vien sa likod ng motor. May tiwala naman ako sa driving ni Isaiah, kaya lang hindi ko maiwasang matakot dahil baka makabitiw ang bata kapag umaandar na.
Isinakay ko na si Vien sa huli. Sinuutan ko siya ng helmet niya na may print ng mukha ni Mickey Mouse. "Humawak kang mabuti sa daddy mo, ha?"
Pinanlakihan ako ng mata ng bata. "Luh, e ikaw, Mommy?!"
"Ah, mag-tricycle na lang siguro ako. Magkita na lang tayo sa bahay—"
"Sumakay ka na," maiksing sabi ni Isaiah.
"Ha? Puwede naman akong mag-commute na lang." Natigil ako sa pagsasalita nang walang lingon na iabot niya sa akin ang isang helmet.
Napamaang ako nang makita ang helmet na ang kulay ay fuchsia. This was the same helmet that he had bought me back in high school. The same helmet that I always used when we were still together.
"Mommy, sakay ka na! 'Wag ka na matakot, basic lang ke Daddy ku mag-drive! Efas tayo!"
Sa rearview mirror ng motor ay nakita ko ang pagkainip sa seryosong ekspresyon ni Isaiah. Mataas pa ang sikat ng araw kaya kahit hapon na at nasa lilim kami ay mainit pa rin.
"S-sige," sabi ko. Napasampa na rin ako sa likod ng motor ni Isaiah. Napapagitnaan namin si Vien kaya masikip dahil may dala pa akong travel bag.
"Akina iyong bag."
Hindi na ako nakatanggi dahil bahagya siyang lumingon para kunin sa akin ang bag ko. Hinayaan ko na lang dahil masikip nga kapag nandito iyon. Inilagay niya ang bag sa harapan niya.
Sa biyahe namin papunta sa Brgy. Pasong Kawayan Dos ay parang nakalutang ang pakiramdam ko. Ngayon na lang ulit ako nakaangkas sa motor. Dati rati'y dalawa lang kami ni Isaiah, ngayon ay kasama na namin ang anak namin.
Pagbaba sa compound ay lutang pa rin ako. Si Tita Roda ang nagbukas ng gate sa amin. Kung hindi pa nagpababa si Vien ay hindi pa ako magigising sa pagkakatunganga.
Kasabay ko si Vien papunta sa bahay sa dulo ng compound nang mapalingon ako kay Isaiah na naiwan sa motor. Pinarada niya pa iyon sa gilid ng garahe. Naisipan ko na hintayin na lang siya.
Pag-angat naman ng kanyang mukha sa akin ay awtomatikong nagsalubong ang makakapal na kilay niya. "Bag mo, naiwan mo."
Dinampot niya ang bag ko na nasa ibabaw ng motor at pagkuwa'y inabot sa akin. Napanganga ako dahil pagkatapos ay nilampasan niya na ako.
HINDI BUMABABA SI ISAIAH. Pagkauwi ay nagkulong na siya sa kuwarto niya. May meeting o tinatrabaho sa laptop, puwede ring dahil ayaw niya akong makita. Bumaba lang siya noong dinner na dahil tinawag siya ni Mama Anya.
"Mommy, onis pala iyong babae sa bahay niyo kanina sa Buenavista?" tanong ni Vien habang kumakain kami sa mesa.
Muntik ko pang hindi maintindihan ang tanong ni Vien. Nag-loading pa saglit bago ko napagtanto na si Aling Barbara ang tinutukoy niya na 'sino'.
"Hinde pow naten siya kamaganak, di ba? Iba kase hulma ng mukha niya!"
Napakamot ako ng ulo. "Kaibigan siya ng Lola Veronica mo. Bakit mo natanong?"
"E Mommy, dami niya kasing ebas."
Ang dami nga namang sinabi ni Aling Barbara kanina. Narinig lahat iyon ni Vien kaya siguro naguguluhan ngayon ang bata.
"Mommy, magkaibigan lang ba talaga kayo ni Daddy ku, ha? Kung magkaibigan lang kayo, e pano niyo aku naging anak?"
Si Isaiah na umiinom ng tubig ay nasamid. Kandaubo siya.
Si Mama Anya naman ay patay malisya lang habang kumakain.
"Ah, baby, may chocolate ka pa sa ref," pag-iiba ko ng paksa. "Gusto mo bang kumain? Puwede ka pang kumain pero 'wag marami, ha? Saka mag-toothbrush ka pagkatapos."
Pagkatapos ng dinner ay nauna nang umakyat si Isaiah sa itaas dahil may tinatapos siyang trabaho sa PC. Kina Mama Anya at Vien lang siya nagpaalam, ako ay ni sulyap ay hindi niya sinulyapan.
Nang umakyat na si Isaiah sa hagdan ay nagsimula na akong magligpit ng pinagkainan. Naglinis din ako ng buong kusina para makapagpahinga naman si Mama Anya.
Pagkatapos ko sa gawain ay saka ko tinawag si Vien. Katabi ito ni Mama Anya na nakahiga sa sofa habang nanonood ng TV. Ayaw pa nitong tumayo kung di lang ito itinulak ng lola nito.
Nilinisan ko na ng katawan ang bata. Bandang 9:30 p.m. ay inaantok na si Vien kaya inakyat ko na sa itaas. Kumatok ito sa kuwarto ni Isaiah para mag-'goodnight'. Ako ay nasa labas lang ng pinto, dahil alangan namang mag-goodnight din ako.
Pagpasok namin sa kuwarto ni Vien ay pinatulog ko na ito. Sa pagod ko sa maghapon ay nakaidlip ako nang hindi man lang nakakaligo. Bandang 2:00 a.m. ako naalimpungatan. Nangangati ang aking pakiramdam.
Bitbit ang tuwalya na lumabas ako ng kuwarto. Hindi rin naman ako makakaligo rito sa umaga kaya sasamantalahin ko na lang na ngayon maligo habang tulog ang mga tao.
Madilim sa hallway paglabas ko. Matipid kasi si Mama Anya sa kuryente kaya tuwing gabi ay patay ang ilaw ng buong bahay. Naalala ko noon kapag gusto kong magbanyo ng madaling araw. Hindi ako nakakababa na mag-isa dahil natatakot ako. Kailangan ko pang gisingin noon si Isaiah para lang samahan niya ako.
Noong lumalaki na ang aking tiyan ay palagi na akong naiihi kahit madaling araw. Ibinili ako ni Isaiah ng arenola para hindi na ako baba nang baba. Nasaan na nga kaya ang arenola na iyon? Buhay pa kaya?
Pumunta na ako sa banyo sa kusina. Kasasara ko pa lang ng pinto at hindi pa napipindot ang lock nang mahulog ang tuwalya sa tiles. Dali-dali ko iyong dinampot at pinagpagan.
Naghubad na ako at saka pumunta na sa shower area. Bibilisan ko na lang ang pagligo para pag natuyo ko na ang aking buhok ay makatulog pa ulit ako kahit kaunti.
Malakas ang lagaslas ng tubig habang nakatingala ako. Ang lahat ng aking pagod sa maghapon ay hinayaan kong tangayin ng lamig.
Nagha-hum ako ng kanta habang nakasahod sa shower nang bumukas ang pinto ng banyo. Mulagat na napalingon ako roon.
Pero walang sinabi ang gulat ko sa gulat ng lalaking nakatayo sa may pinto. Naka-white shirt at pajama siya. Ang kanina'y namimikit niyang mga mata sa antok ay ngayo'y nanlalaki na.
"The fu—"
Napayakap ako sa aking hubad na dibdib pero ang mga mata ni Isaiah ay napatingin naman sa ibaba ko. Napatakip din ako roon ng isang palad.
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin, kahit anong takip ko ay kita pa rin. Ang layo sa akin ng kinaroroonan ng tuwalya. Kung tatalikod namana ko makikita naman niya ang likod ko.
Napapikit na lang ako. Mga tatlong minuto siguro akong nakapikit nang may bumato ng tuwalya sa akin. Napadilat ako kasabay nang pagsalo ng tuwalya.
Napanganga ako nang mapatingin kay Isaiah. Ang madilim na mga mata niya ay dinaig ang lamig ng tubig na umaagos sa kahubaran ko.
Bumukas ang mga labi niya, "Nice try." Pagkuwa'y tumalikod na siya at hindi na lumingon pa.
Daig ko pa ang sinampal dahil sa sinabi niya.
JF
#SerialCharmerbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro