Chapter 35
NORMAL DELIVERY.
Iyak ako nang iyak nang makita ko na ang aking anak. Lahat ng paghihirap ko ay naglaho lahat nang ihiga na sa aking tabi ang sanggol. Isang malusog na baby boy.
Pabalandrang bumukas ang pinto ng ward. Kasabay ko napalingon doon ang aking ibang kasamang pasyente. Napatanga ako nang makita si Isaiah. Magulo pa ang buhok niya halatang kababangon lang. Nanlalaki ang mga mata niya nang makita ang sanggol na karga-karga ko.
Nginitian ko siya at kinawayan. "Kanina ka pa niya hinahanap, daddy..."
"Boo..." garalgal ang boses niya nang makalapit. Ang mga mata niya na nanlalaki ay ngayo'y naiiyak na habang nakatingin kay baby. "Boo, 'yan na ba ang baby natin? 'Yan na ba?"
Nakangiti na tumango ako. "Sorry, hindi ka namin nahintay pa na magising. Ipinangalan ko na sa kanya ang pangalan na pinag-usapan natin."
Kinuha niya sa akin si baby at tumutulo ang luha na kinarga ito. "Vien Kernell del Valle..."
Vien ay kinuha ko sa pangalan ni Kuya Vien at ang Kernell ay 'colonel' talaga dapat, na ang pronounciation ay kernel, iyon ang first name ng aso namin ni Kuya Vien sa Buenavista na si Colonel General.
Katulad ni Kuya Vien ay wala na rin si General. Noong umalis kasi sina Daddy papuntang Australia ay ibinenta pala nito ang aso sa mga lasenggo sa amin para pulutanin. Nang malaman ko iyon ay ilang gabi akong umiyak. Doon kami nakaisip ni Isaiah ng pangalan para sa baby namin.
Pinunasan ko ang mga luha ni Isaiah. "Oo, boo, siya si Baby Vien Kernell. Ang baby natin..."
Hindi pa rin tumitigil sa pagluha si Isaiah. "Boo, salamat. Salamat..." tangis niya na balewala kahit ang ibang mga pasyente sa ward ay pinagtitinginan siya.
Pero sino ba ang may pakialam? Wala na rin akong pakialam sa iba. Lumuluha na rin ako habang nakatingin sa aking mag-ama, dahil nakakatiyak ako, ito ang pinakamasayang tagpo sa buhay ko.
NAKARAOS. Nakauwi na kami matapos bayaran ang bill sa ospital. Kahit normal delivery ay umabot ang bayarin ng twenty thousand pesos dahil private hospital. Nine hundred pesos naman ang per day sa ward. Sina Mama Anya at Papa Gideon ang nagbayad.
May naipon kami ni Isaiah na anim na libo, pero hindi kami pinag-ambag ng mga magulang. Nagamit naman namin ang pera sa pagbili ng dagdag na pangangailangan ni Baby Vien.
Kalagitnaan ng gabi nang umiyak ang mag-iisang buwan na sanggol. Antok na antok pa ako at gusto ko pa sanang matulog pero kailangang asikasuhin si Baby Vien.
Pupungas-punga ako na bumangon para lang makita na karga-karga na pala ni Isaiah si Baby Vien. Pikit pa ang isang mata ni Isaiah sa antok habang hinehele niya ang anak namin.
Malambing na kinakausap niya ito, "Shhh, tahan na, baby. Magigising si mommy mo, pagod 'yan sa pag-aalaga sa 'yo sa maghapon..."
Bumalik ako sa pagkakahiga habang nakamasid sa kanila. Mayamaya ay kumalma na si Baby Vien, dahil sa pagsasayaw at pagkanta niya rito habang ihinehele ito.
Nang ilapag na ni Isaiah sa crib si baby ay saka ako bumangon. Niyakap ko siya mula sa likuran.
"Nagising ka ba?" nag-aalala na tanong niya. "Sorry, puno na kasi diaper ni baby kaya umiyak siya. Pero pinalitan ko na ng bagong diaper."
"'Di ba pagod ka rin? Dapat nagpapahinga ka rin." Hinaplos ko ang pisngi ni Isaiah. Ang laki ng kanyang ipinayat dahil palagi siyang puyat sa kabi-kabilang raket niya.
Mahina ang gatas ko kaya bumibili pa kami ng gatas na formula. Medyo mabigat sa budget dahil may diaper pa, kaya tuloy pa rin ang pag-sideline ni Isaiah habang pumapasok sa school. Ang pag-aaral at pagtatrabaho ay pinagsasabay niya.
Kanina ay madaling araw na siyang nakauwi dahil sumali siya sa singing contest sa kabilang baranggay. Second runner up siya. Three thousand pesos ang cash prize na ibinili niya agad ng isang kabang bigas at ang tira ay diaper at gatas.
Sabay na kaming bumalik sa pagtulog. Sandali lang ay umaga na rin at kahit antok na antok pa si Isaiah, ay kailangan niya nang bumangon para pumasok. Ako naman ay pinadede na si baby dahil gutom na ito.
"IPASIPSIP MO ANG UTONG MO KAY ISAIAH."
Nag-init ang pisngi ko sa hiya dahil sa sinabi ni Tita Roda. Pumupunta ito sa amin tuwing umaga para alagaan ako sa hilot sa dibdib at likod. Pampagatas daw iyon.
Ginagawa talaga iyon ni Isaiah gabi-gabi. Alang-alang kay baby, Kahit naaalatan siya at minsan ay naduduwal sa gatas na lumalabas sa akin, ay hindi siya tumitigil sa pagsipsip. Umiinom na lang siya ng C2 pagkatapos.
Nagre-research din si Isaiah ng mga paraan kung paano mapaparami ang gatas ko. Binibili niya ako ng mga malunggay capsules at palaging tinitimplahan ng maiinit na inumin.
"'Wag ka ring magsasawa na magpadede," paalala sa akin ni Tita Roda. "Mag-pump ka araw-araw para hindi ka matuyuan. Bukod sa masustansya ang gatas ng ina, ang laki pa ng matitipid niyo, kaysa kung bibili pa kayo ng formula."
Hindi talaga ako sumusuko sa pagpapadede. Inom ako nang inom ng tubig, at kahit kumikirot na ang aking dibdib, pump pa rin ako nang pump para hindi matuyuan. Di bale nang kaunti ang ma-pump, basta meron. Pinapadede ko agad iyon kay Baby Vien.
Kahit pa nga noong sinipon at nagkatrangkaso ako noong isang linggo, ay nagpapadede pa rin ako. Ayon sa mga nabasa ni Isaiah sa internet at mga libro, ay mas maganda nga raw magpadede kapag may sakit, dahil makakakuha raw ng antibodies ang baby.
Hindi na kakailanganin ng sanggol ng vitamins, dahil napakasustansiya ng gatas ng ina. Isa pang benepisyo ng pagpapadede ay ang katipiran sa pagbili ng powder na gatas sa tindahan, paghuhugas ng pinagdedehan, at ang pagkaiwas sa sakit na dulot ng mga virus o bacteria.
Bumukas ang pinto ng kuwarto at pumasok si Mama Anya. May dala siyang mangkok ng umuusok na ginataang malunggay. "Kumain ka na, Vivi. Humigop ka ng sabaw para dumami ang gatas mo."
Pagkakain ko ay pinadede ko na ulit si baby. Hiling ko na lang talaga na sana nga ay mas lumakas na ang aking gatas sa mga susunod na araw para sa akin na talaga dedede si baby. Naaawa na rin kasi ako kay Isaiah at sa mga biyenan ko dahil sa mga gastusin.
MAHIRAP PALA MAGKA-BABY.
Mahirap lalo kapag unang beses at wala ka pang karanasan na mag-alaga ng bata. Palagi akong kabado. Hindi ko maiwan si Baby Vien na ultimo sa pag-CR ay kulang na lang ay isama ko ito.
Mahirap din mag-adjust. Kung noong buntis ako ay hindi ako makakilos nang maayos ay mas lalo ngayon. Palagi akong inaantok dahil pagod sa pag-aalalaga. May mga araw pa na hindi na ako nakakaligo dahil sa dami ng ginagawa.
Bihira lang naman ako na matulungan ni Mama Anya dahil may iba rin itong inaasikaso. Nahihiya na rin ako rito dahil hindi na ako gaanong nakakatulong sa mga gawaing bahay. Kay Baby Vien pa lang kasi ay ubos na ang oras at lakas ko.
Pakiramdam ko ay lalo pa akong nalosyang. May mga araw na para na akong mababaliw. Lalo kapag umiiyak si baby at kahit anong gawin ko ay hindi ko ito mapatahan. Hindi ko alam kung may masakit ba rito o ano.
Sa kabila ng mga pagbabago ko ay naging mahaba ang pasensiya sa akin ni Isaiah. Iniintindi niya ako kahit pa madalas nang mainit ang aking ulo. Kahit pagod siya ay tinutulungan niya ako na mag-alaga kay baby sa gabi.
Sa pag-alalay at pagtitiyaga ni Isaiah sa akin ay doon ko unti-unting nalampasan ang phase na iyon ng aking buhay. Ngayon ay mag-iisang taon na ang anak namin. Nakapag-adjust na kami kahit paano, at mas nae-enjoy na namin ngayon ang aming pagiging magulang kay Baby Vien.
"Ano iyon baby ko?" kausap ko sa batang lalaki na nakatayo sa crib. Ang cute-cute nito habang naglalaway. Ang sarap pisilin ng matambok na pisngi.
Kamukhang-kamukha ni Isaiah ang anak namin. Ang makakapal na kilay, ang matulis na matangos na ilong, ang mga labi na maninipis at mapupula, halos lahat talag ay kay Isaiah nakuha. Kung meron man itong nakuha sa akin ay kakaunti lang. Ang sabi nga ni Mama Anya ay Isaiah 2.0 ang apo.
Si Tita Roda na bihirang lumabas ng bahay ay palaging nandito sa amin para laruin si Baby Vien. Palaging kinukuyumos ng halik. Pinag-aagawan nila ni Mama Anya ang bata. Ito ang naging source of happiness namin dito sa compound.
Si Papa Gideon na pagod sa trabaho ay hindi puwedeng hindi kakargahin ang apo kapag nakikita. Dinadala agad nito kina Tito Kiel para ipagmalaki. Minsan kahit bibili lang sa labasan ay bitbit pa nito ang apo.
"I love you, baby ko!" Hindi ko na natiis na kargahin ito at muling pupugin ng halik. Napuno ang kuwarto ng maliit at cute nitong hagikhik.
"ISAIAH, PARANG BLOCKED YATA AKO NI NELLY."
Isang gabi ay naglilista kami ni Isaiah ng budget nang mapag-usapan naming singilin ang kaibigan niyang si Nelly. Schoolmate namin ito noong high school. Nangutang ito sa amin ng five hundred noong nakaraang buwan. Pinadalhan namin ito sa Smart Padala.
Si Isaiah ay marahang inilapag si Baby Vien sa crib matapos itong patulugin. "Ligo muna ako, boo. Singilin mo na lang si Nelly, sabihin mo, kailangan na kamo kasi natin iyong pera."
Kailangan namin ng pera dahil next week na ang first birthday ni Baby Vien. Paghahandaan namin ito dahil sabay na sa birthday ang binyag.
Sa account ko nga pala nag-PM noon si Nelly nang mangutang ito, dahil wala nang account si Isaiah. Iisa na lang ang gamit naming account ni Isaiah dahil hindi na talaga siya nag-o-online.
Sa ibaba ng chat namin ni Nelly ay hindi ko na ma-send ang message ko. Sa ibaba ay mababasa ang : 'This person is unavailable on Messenger'.
Nagpunta ako sa wall ni Nelly na ang pangalan ay Yllen Ysor Nayabgnaldam na kabaliktaran ng Nelly Rose Madlangbayan. Ang bio nito ay 'Only God can judge me', cover photo ay ang anak niya, at ang profile photo naman ay siya habang nakadila at naka-fuck you.
Nakikita ko pa naman ang profile niya kaya ibig sabihin ay sa Messenger niya lang ako na-blocked. May bago siyang post na nagpainit ng ulo ko.
CarSaiah pa den hanggang m4m4t4y! Fight me~
#CarlynIsaiahForever
#NotoJordyn
#BigNoViSaiah
May mga comment ang post niya. Nangunguna ang pangalan na Charles Felix Columna. Thumbs up lang ang comment nito at wala itong profile photo.
May isa pang comment doon. Iba ang pangalan pero si Miko na naka-uniform ng FEU ang profile photo.
Alipin ni Zandra: Hoy Nelly, tulog mo yan! Teka pota bat nagkaganto pangalan ko?!
Nagtipa rin ako ng comment sa post ni Nelly. Ang comment ko: Nelly, ung utang mo samin. Sabi mo katapusan mo babayaran. Need na namin ni Isaiah e. Bakit blocked mo kami sa Messenger?
Nag-reply naman agad si Nelly sa akin. Ang reply niya: WaLa pa nga koh pera. Kung may pera naman, di mo na koh need singilin! Block kita kasi ang kulit mo!
Napalabi na lang ako at ibinaba ang phone. Ayaw ko nang singilin si Nelly dahil baka mamaya ay i-post niya pa ako. Ayaw kong ma-stress dahil magbi-birthday na ang baby ko.
Bumalik si Isaiah sa kuwarto. Basa na ang buhok niya at nakapagpalit na ng damit. Ang presko at ang bango-bango na pero nakasimangot siya.
"Tapos ka na maligo? Bakit nakangiwi ka?" puna ko sa kanya.
"Ginamit ko kasi 'yong sabon mo sa banyo, 'yong Kojic. Ang hapdi pala non sa itlog."
Pigil ang ngisi ko. Noong nakapanganak na pala ako ay talagang rumaket siya para magkapera. Sumali siya sa ML tournament sa Dasma. Isinama niya ako sa Watsons sa SM Rosario pagkatapos naming magsimba. Pinapili niya ako roon ng skincare.
Ayaw ko sanang magpabili dahil alam ko na nagtitipid kami, pero kinulit niya ako. Talaga raw na para sa skincare ko ang pera na diniskarte niya. Maganda naman na raw ako, pero ang gusto niya ay bumalik ang aking confidence sa sarili. Napabili na rin tuloy ako ng facial wash, toner, lotion at pati sabon.
Dumaan din kami sa public center para sa schedule ko ng pagpapaturok ng contraceptive. Sa pagkakataong ito ay nag-iingat na kami. Kapag hindi agad ako nakakapagpaturok ay gumagamit kami ng condom, iyong condom na binili mismo sa convenience store o botika para sigurado talagang ligtas.
Sobrang pag-iingat namin ni Isaiah na hindi agad masundan si Baby Vien. Gusto namin na ma-enjoy na iisa pa lang ang baby namin. Saka syempre, gusto muna naming makaipon at matupad muna ang mga nausod na pangarap namin, dahil sa maaga naming pagkakaanak.
Tumayo ako at niyakap si Isaiah. Sabado ngayon kaya ngayon na lang kami magba-bonding, ayaw ko naman na buong araw siyang badtrip dahil lang sa sabon kong Kojic. "Ang bango-bango naman ng asawa ko."
Doon na nabura ang pagkakasimangot niya. Namungay agad ang mga mata niya sa akin at pagkuwa'y hinapit ako sa bewang. "Borlogs si baby, puwede ba ngayon?"
Napabungisngis ako. "Sige na nga dahil mapilit ka."
Impit na lang ako na napatili nang kargahin na ako ni Isaiah papunta sa kama. Bawal kaming mag-ingay dahil baka magising si baby. Niyakap ko agad siya nang maglapat ang aming mga labi.
KALAMPAG SA PINTO ang gumising sa amin kinagabihan. Kakain na raw ng hapunan at gising na rin si Baby Vien. Si Isaiah ang kumarga sa anak namin pagbaba.
Nauuna palagi na kumakain sina Mama Anya at Papa Gideon, dahil pagkatapos ay sila naman ang magbabantay kay Baby Vien. Si Mama Anya ang nagpapakain sa bata. Kumbaga, bigayan kami sa oras sa mesa.
Fried chicken ang ulam. Sarap na sarap ako dahil ngayon na lang ako nakakain ng prito. Puro kasi kami sinabawan noong nakaraan. Nahinto lang ako sa pagkain dahil napansin ko na toyo lang ang inuulam ni Isaiah.
Tinanong ko siya, "Bakit di ka nag-uulam? Kasya pa naman sa atin itong manok..."
"Ayoko. Sawa na ko riyan. Okay na ko sa toyo lang."
Mula sa sala ay sumabat si Mama Anya, "Ayan, asawa pa more. E di tiis ka sa toyo ngayon."
Nang balikan ko ng tingin si Isaiah ay nakangiti siya nang matamis sa akin. "Sawa na talaga ako riyan, boo. Promise." Kinuha niya ang isang chicken at nilagay sa plato ko.
Hindi naman na ako kumibo. Naalala ko ang mga pagkakataon na dinadala niya ako sa Jollibee o kaya ay sa McDo. Isa lang palagi ang ino-order niya at ako lang ang pinapakain niya. Sumusubo-subo lang siya ng fries ni Baby Vien, kesyo busog na raw kasi siya.
Hindi ko alam kung kailan ako makakabawi sa lahat ng sakripisyo niya para sa amin ng anak namin. Pero sana... sana isa sa mga araw na ito, ako naman ang makapagsaripisyo para sa kanya.
BABY VIEN'S 1st BIRTHDAY AND CHRISTENING. Ang gumastos ng handa ay sina Mama Anya at Papa Gideon. May ambag din si Isaiah mula sa ipon niya, siya ang sumagot sa cake, clowns at sa videoke. Ako naman ang gumawa ng invitation at nag-ayos ng dekorasyon.
Kakaunti lang ang bisita, mga kaibigan halos ni Isaiah. Ninong syempre sina Miko at Asher. Tag-five hundred ang bigay ng mga ito sa ampaw. May tag isang balot ding diaper na regalo. Wishlist kasi namin iyon ni Isaiah.
Bukod sa bigay nina Miko at Asher ay may bitbit din ang dalawa na tag isang case ng Red Horse beer. Nag-ambagan pa ang mga ito ng pambili ng Emperador at juice na chaser.
Si Zandra ay naririto din. Lalong gumanda ang babae at naubos na ang pagiging kikay. Simple na lang ito ngayong manamit. Ninang din ito at isang libo ang binigay kay Baby Vien. May dala pang regalo na diaper at damit.
"Cute-cute naman ng baby na 'yan!" Nagpaalam muna siya sa akin kung puwede niyang halikan si Baby Vien. Nang pumayag ako ay sa kamay lang naman niya pinanggigilan ang bata.
Si Miko ay patingin-tingin lang. Hindi ito mapang-asar ngayon. Parang biglang nagbago ang aura ng lalaki. Masyadong seryoso. Hindi rin ito kumikibo.
Si Asher ay ganoon din. Tahimik lang din. Palaging salubong ang makakapal na kilay at nakapinid ang mga labi. Ano bang nangyari sa mga ito?
Nagsitangkaran din ang mga lalaki, lumaki ang mga katawan kaysa sa dati, at parang mga naging seryoso bigla sa buhay. Nang mag-inuman na ay tamang tungga-tungga na lang, wala ng ingay o kahit simpleng asaran.
Bandang alas otso ay mga lasing na. Nagsimula kasi ang mga ito noong alas-sinco pa lang. Si Asher ang kumakanta sa videoke.
♫ ... Bakit ba ang buhay ko'y ganito?
Wala na yatang natitirang pag-asa sa mundo
Lagi na lang tayong pinaglalayo
'Di ba nila nadaramang ang pag-ibig ko sa iyo'y totoo
'Di ko na kaya ang humanap pa ng iba
Pagka't ikaw lang ang tanging sinasamba
Alam mo bang kapag kapiling ka
Bawa't sandali ay walang kasing ligaya... ♫ ♬
Sa chorus ay inagaw ni Miko ang microphone. "Umiiyak ang puso ko't sumisigaw..."
Si Asher na wala nang microphone ay kumakanta pa rin, "Pati ang isip ko't damdamin ay humihiyaw. Buhay kong ito ay walang halaga, kung ang pagmamahal mo ay mawawala pa!" Napayuko ito na para bang pinagsakluban ng langit at lupa.
Lasing na ang mga ito at mukhang mga problemado sa buhay. Mahirap yata talaga ang college.
Si Miko nga ay may pagkakataong nababasag na ang boses sa microphone. Bawat kanta ay tumutungga ito ng Emperador. Walang chaser.
Si Zandra na parang biglang nagbago ang mood ay ibinalik na sa akin si Baby Vien. "Uwi na ako, Vivi," paalam ng babae. "Maaga pa kasi ang pasok ko bukas."
Tinawag ko si Isaiah nang nagpaalam na si Zandra. Tumayo naman si Isaiah mula sa inuman. Inihatid namin sa gate si Zandra. Nagpasalamat kami rito sa pagpunta nito.
Pabalik na kami sa loob ng makasalubong namin si Miko na mukhang uuwi na rin. "Una na ko, papi," paalam nito kay Isaiah.
Ang iba ring mga kaibigan ni Isaiah ay nagsiuwian na mayamaya. Si Asher na lang ang natira. Ipinasundo ito ni Isaiah sa kuya nito dahil hindi na makatayo sa kalasingan ang lalaki. Mukhang ngayon na lang ulit nakapag-inom at nasobrahapan pa.
Tumulong ako sa pagliligpit ng mga kalat kasama sina Mama Anya at Tita Roda. Si Isaiah na kahit nakainom ay nakapag-asikaso pa kay Baby Vien. Siya ang nagpatulog sa anak namin. Si Papa Gideon ang pinagbantay niya noong tulog na ang bata. Bumaba siya para tumulong sa pagliligpit.
Si Tita Roda ay kikibot-kibot ang labi na tila kanina pa may gustong sabihin. Hindi rin ito nakatiis na hindi magtanong kay Isaiah. "Hoy, Isaiah! Hindi ba nagparamdam ngayon sa 'yo si Arkanghel?"
"Wala siyang social media ngayon, Tita," sagot ni Isaiah sa malungkot na boses. "Ang huling usap namin sa e-mail ay nagte-therapy daw siya."
"Ah, ganoon ba? Sige." At pagkatapos ay hindi na kumibo pa ulit si Tita Roda. Pagkatapos magwalis sa compound ay nagpaalam na ito na magpapahinga na.
Kami ni Isaiah ang naiwan sa labas. Yumakap ako sa kanya. "Salamat, boo. Sobrang saya ko..."
"Boo, naraos na natin binyag at birthday ni baby..." makahulugan na sabi niya. "Sa tingin mo, puwede na ba nating planuhin ang ang tungkol sa k..."
Hindi niya natuloy ang sinasabi dahil biglang nag-ring ang kanyang phone. Tiningnan niya iyon at ipinakita sa akin ang tumatawag na long distance number.
Nangunot naman ang noo ko. Sino ang tumatawag? Nang sagutin ni Isaiah ay napahawak ako sa aking dibdib nang marinig ang basag na boses ni Tita Duday—ang nakababatang kapatid ni Daddy sa Australia!
Kinuha ko ang phone at sa isang iglap, nawala ang kaligayahan na aking nadarama kanina.
[ Hello, Vivi. Tumawag ako dahil kailangan ka ngayon ni Veronica. Malala na ang lagay nito. Vivi, may Stage 3 breast cancer ang mommy mo..! ]
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro