Chapter 29
NAGLILIHI KA BA, ISAIAH?
Tinutukso siya ng tropa niya. Noong nakaraan kasi ay masyado siyang sensitive. Mabuti ngayon at okay na siya. Siguro dahil lang sa stress. Marami kasing problema sa pamilya nila.
Kamamatay lang ng lola ni Isaiah, nakapagbenta sila ng pundar na lupa, ay hindi pa rin nakakabalik ang papa niya sa abroad dahil may sakit at nagpapagaling pa. Nataon pa na nasira ang kanilang van. Ang mama lang niya ngayon ang nagtatrabaho. Nag-aahente ito ng mga bahay sa subdivision.
Mabuti na lang at nakaka-raket pa rin si Isaiah kapag walang pasok. Kapag Saturday night at Sunday night ay kumakanta siya sa resto bar nina Zandra, at kapag Sunday morning naman ay umi-eksta sila ni Arkanghel sa talyer ng tito nila.
Nandito ako ngayon sa bahay nina Isaiah. Pagkatapos ng klase ay isinama niya ako rito sa kanila. Kararating lang ng mama niya. Pagod ito dahil galing sa seminar.
"O, bumili ka ng polo at slacks mo!" Inabutan ni Tita Anya si Isaiah ng dalawang libo. "Sa sapatos naman ay marami ka pa naman diyan. Iyon na lang muna ang gamitin mo."
Tinanggihan niya iyon. "May tux ako, Ma. Iyong padala ni Papa sa akin dati. Bago pa iyon. Iyon na lang gagamitin ko, ipapatong ko sa t-shirt."
"JS Prom, naka-shirt ka?"
"Bahala na. Basta itago mo na 'yan, Ma. Nakadelihensiya naman ako sa talyer noong weekend."
Ibinulsa na ni Tita Anya ang pera. "Okay. Sakto, bayaran na rin pala natin ng kuryente bukas." Tumingin ito sa akin. "Oy, ikaw, Vivi? May isusuot ka na ba sa prom niyo?"
Nahihiya akong umiling. "Hindi po ako pinayagan ng daddy ko na um-attend."
"Minsan lang naman sa buhay ng isang estudyante ang prom. Masyadong mahigpit naman 'yang daddy mo."
Tinabihan ako ni Isaiah sa sofa. "Buntisin na kaya kita? Char."
Binato siya ni Tita Anya ng matalim na tingin. "Tapyasin ko kaya ang itlog mo? Char din."
Pasimple ko namang kinurot si Isaiah sa tagiliran. Alam ko namang nagjo-joke lang siya. Matapos ang nangyari sa amin ay hindi na kami nagtangka kasi na gawin ulit iyon. May mga pangarap kami na gutso muna naming maabot.
"Ayusin mo buhay mo, Isaiah!" Dinuro siya ni Tita Anya. "Hala, bumili ka muna ng ihaw sa kanto para ulam natin sa hapunan." Binigyan siya nito ng dalawang daan.
"Ma, may bisita ako," angal niya. "Ikaw na lang bumili. Ang tagal maghintay sa ihawan, eh."
"Tamad mong lintek ka! 'Pag sinampal kita, mauuna ka pa makarating doon!"
Napahagikhik ako ng kakamot-kamot ng ulo na sumunod naman din siya sa huli. Sumama ako sa kanya sa kanto. Pagkatapos niyang bumili ay inihatid niya na rin ako sa amin. Nag-text na rin si Eli sa akin. Pinapauwi na ako dahil malapit ng maghapunan.
UNFORGETTABLE NIGHT, March 11.
Ngayon ang JS Prom ng batch namin. Nandito ngayon sa General Trias Convention ang senior high school students ng Governor Ferrer Memorial National High School.
Hindi ako dapat a-attend. Hindi ako pinayagan ni Daddy. Pero sa last minute ay nagbago ang isip ko. Ngayon lang mangyayari ang ganito sa buhay ko. Gusto kong maranasan. Gusto kong walang pagsisihan.
Napangiti ako nang mabasa ang reply ng adviser namin. Tinanggap nito ang bayad ko sa ambagan kahit late na. Meron daw kasing nag-back out. Nagamit ko ang aking naipon mula sa mga bigay na pera sa akin ni Isaiah. Ngayon ay gusto ko siyang surpresahin.
Ang isinuot kong gown ay iyong ginamit ko noong nagsagala ako dati. Kulay pink na Cinderella balloon gown. Si Tita Hannah ang nag-ayos sa akin. Itinaas nito ang buhok ko at sa mukha ay manipis na make up lang.
Marami nang tao sa convention. Niyaya ako ni Eli pumasok na sa loob pero hindi ako sumama. Nagpaiwan ako sa lobby dahil hihintayin ko si Isaiah. Wala naman nang nagawa si Eli kundi ang iwan ako. Nakasimangot siya na naunang pumasok sa loob.
Nasa labas din ngayon si Carlyn. Ang ganda-ganda nito. Dalagang-dalaga at ang ganda ng hubog ng katawan sa suot na hapit na kulay pulang mermaid gown.
Kasama ni Carlyn ang president ng classroom namin na bagong girlfriend ni Arkanghel, si Sussie o Susana Alcaraz. Ang ganda-ganda rin ng babae.
Ang mga estudyante ay naging maligalig nang makita ang dalawang motor na paparating. Lalong nagkagulo ang mga estudyante nang bumusina ang mga motor, partikular ang mga kababaihan. Nagkaroon ng mahinang tuksuhan at tilian sa paligid.
Ako ay parang naubusan ng paghinga sa kinatatayuan habang nakatingin sa unang motor na dumating. Isang black orange na Honda Click na kilala ko ang may ari ang nag-park sa tapat ng convention. Isang matangkad na lalaki na nakasuot ng white na t-shirt, black baston slacks at sa paahan ay high cut black combat boots.
Nang maghubad siya ng helmet ay lumantad ang maamo niyang mukha. Unang natuon ang aking paningin sa mga labi niyang natural na mapupula, sumunod ay sa matangos niyang ilong, malalantik na pilik-mata at makakapal na itim na itim na kilay. Napasinghap ako at nausal ang pangalan niya, "Isaiah..."
Ipinilig niya ang ulo matapos hubarin ang helmet na suot. Nagulo ang kanyang buhok at hinagod niya iyon ng kanyang mahahabang daliri. Mula sa compartment box ng kanyang motor ay kinuha niya ang kanyang tuxedo na kulay grey at basta isinampay sa kanyang balikat. Nang tumingin siya sa akin ay nanlaki ang magandang uri ng kanyang mga mata.
Nilapitan ko siya at bahagya akong napasinghot dahil napakabango niya. "Hi."
Ang gulat niya ay napalitan ng matamis na ngiti. Bago pa ako makapagsalita muli ay yumuko siya at magaan na hinalikan ako sa mga labi.
Sandaling halik lang pero pakiramdam ko'y lumobo ang aking puso. Nag-init ang aking pisngi nang makitang may mga nakatingin at nangingiti sa amin. Hinila ko na si Isaiah papasok sa loob ng convention.
♪ ♫
We're the king and queen of hearts
Hold me when the music starts
♫♫
Nakayakap ako kay Isaiah habang hawak ng mainit niyang mga palad ang bewang ko. Nagsasayaw kami sa marahan at malamyos na tugtog kasama ang ibang magkakapareha rito.
Ito ang unang pagkakataon na nakasama ko si Isaiah na wala kaming inaalala, kung may makakakita ba sa amin o wala. Ang lahat ngayong gabi ay malaya.
Nang nagtangka na lumapit sa akin si Eli ay hinila ako ni Isaiah papunta sa dilim. Niyakap niya lang ulit ako at para bang ayaw niya na akong bitiwan. Bagsak ang balikat na umalis naman na si Eli.
Nagsayaw ulit kami ni Isaiah. Habang isinasayaw niya ako ay sinasabayan niya ang kanta sa mahinang boses. Mas gusto kong makinig sa kanya kaysa sa tugtog. Nang tumingala ako ay ako ang umabot sa mga labi niya para sa isang mabilis na halik. Natulala siya sa akin at nahinto sa pagsasayaw.
Sandali lang din naman siyang natulala. Nang maka-recover ay yumuko siya at hinalikan ako. Napangiti na lamang ako sa mga labi niya pagkatapos.
Ang tinanghal na Prom Queen at Prom King nang gabing iyon ay kaming dalawa ni Isaiah. Nagtilian ang mga kaklase namin nang halikan niya ako sa labi. Sa sobrang lunod ng puso ko ay ni hindi ko na napansin na nauna na palang umuwi si Eli. Hindi na nito tinapos pa ang prom night.
Tama nga na ito ay 'Unforgettable Night'. Hindi kami naghiwalay ni Isaiah hanggang sa matapos ang gabi. Parang amin ang mundo at wala kaming pakialam sa mga nasa paligid namin.
Pagkatapos ng prom ay inihatid ako ni Isaiah pa-motor sa amin sa Buenavista. Nakaangkas ako patagilid sa likod habang nakayakap sa bewang niya. Nakalugay na ang aking buhok at hinayaan ko iyong liparin ng hangin sa biyahe.
Sa tapat mismo ng bahay namin ako inihatid ni Isaiah. 4:00 AM lang at napakadilim pa. Tulog ang mga kapitbahay at walang dumaraang sasakyan. Pag-alis ni Isaiah ay lumabas muli ako ng gate. Naka-gown kasi ako kaya hindi ako makakapag-over the bakod papunta kina Eli. Sa gate na lang ako dadaan.
Pagkarating sa tapat ng gate nina Eli ay saka ako kumatok. Binuksan naman agad ako ni Eli. Papasok na ako nang maalala na nasa bulsa nga pala ni Isaiah ang aking phone. Napalabas ulit ako para lang makita na pabalik ang motor ni Isaiah. Nakatingin siya sa akin habang nakakunot ang noo niya.
Ipinarada niya ang motor sa gilid ng kalsada at salubong ang mga kilay na lumapit sa akin. "Bakit galing ka sa bahay nina Eli?"
Hindi pa ako makaisip ng isasagot nang mula sa loob ay sumigaw si Eli, "Vi, tara na! Isasara ko na ang gate!"
Inabot ni Isaiah sa akin ang phone ko habang ang kanyang mga kilay ay halos magdikit na sa pagsasalubong.
Napalunok ako bago nagsalita, "Isaiah, umalis kasi si Mommy. Kina Eli niya muna ako pinatutuloy, kaya dito muna ako at..."
"Kailan pa?"
"N-noon pang June..."
"Kung hindi ko ba nalaman ngayon, sasabihin mo ba sa akin?"
"Isaiah, s-sasabihin ko naman kaya lang palagi kang..."
Napayuko siya at narinig ko ang mahinang pagmumura niya. "Ang labo..."
Nakagat ko ang aking ibabang labi.
Nang tumingin siya sa akin ay malamlam ang mga mata niya. "Vi, wala naman akong kasalanan sa 'yo, ' di ba? Lahat ng gusto mo, ginagawa ko naman. Hindi ako perpekto, pero sumusubok ako para maging okay tayo."
Napahikbi na ako. "Isaiah..."
"Magsasabi ka lang sa akin, bakit hindi mo pa pinag-aksayahan ng panahon mo? Kahit sana binanggit mo lang para hindi naman ako mukhang gago rito o."
"Isaiah, hindi ko lang naman masabi sa 'yo dahil natatakot ako na hindi ka papayag..."
"Hindi talaga ako papayag!" mariin na sabi niya. "Ano sa tingin mo iyong mararamdaman ko, Vi? Iyong GF ko, nakatira sa bahay ng ibang lalaki. Nakakasama mo siya araw-araw sa iisang bubong."
"Kaibigan ko si Eli. Matagal ko na siyang kaibigan at kilala mo naman siya. Araw-araw ay nagkakasama rin naman kami."
"Pero ibang kaso na iyong titira kayo sa iisang bubong. Kahit kaibigan mo pa siya mula nang fetus ka pa, lalaki pa rin siya. Hindi pa rin kayo magkaano-anong dalawa! Kahit kaibigan lang ang tingin mo sa kanya, eh siya ba? Alam mo ba ang nasa isip niya?!"
Natigilan ako.
"Vivi, may gusto sa 'yo si Eli! Kaya ako nagkakaganito kasi alam ko. Kasi lalaki ako. Alam ko na pareho kaming may nararamdaman para sa 'yo!"
"K-kaibigan ko lang si Eli..." Umiling ako. "A-at kung totoo man na may gusto siya sa akin, h-hindi ko naman siya gusto. Para sa akin, kaibigan ko lang siya... Kapatid ko lang siya..."
"Kung may titira bang babae sa amin, iyong babaeng may gusto sa akin, pero kaibigan lang ang tingin ko, anong mararamdaman mo?"
Parang may pumiga sa puso ko sa isipin pa lang magkakatotoo ang sinasabi niya. Parang hindi ko kaya na may babaeng makakasama siya sa bahay nila, sa iisang bubong, at iyong babaeng iyon ay may gusto sa kanya.
Pero ang lumabas na salita sa bibig ko, "M-may tiwala ako sa 'yo..."
Mapait na napangiti si Isaiah at napailing. "Palagi na lang ako iyong nagmamahal nang sobra. Kailan ba iyong ako naman ang mamahalin mo? Kailan iyong ako naman iyong ayaw mong mawala?"
Bumukas ang gate at lumabas mula roon si Eli. Nakapajama na. Katulad ni Isaiah ay salubong ang makakapal na kilay. "Isaiah, umuwi ka na. Kailangan nang magpahinga ni Vivi."
"Tangina, kailan ka pa naging tatay ni Vivi?!" sigaw ni Isaiah sa lalaki.
Nakita ko ang pagtatagis ng mga ngipin ni Eli. Natakot ako na magkainitan sila at makapukaw pa ng mga kapitbahay.
Nilapitan ko si Isaiah."Isaiah, please? Magpapaliwanag ako sa 'yo, pero wag na muna ngayon." Mainit ang ulo niya at napapalakas na ang kanyang boses. "Baka may makakitang kapitbahay..."
Pumalatak siya. "Pag makita ako ng mga kapitbahay niyo, hindi puwede? Pero iyong nakatira ka sa bahay nina Eli, puwede? 'Ge."
Tumalikod na siya at sumakay sa motor niya. Hinabol ko siya.
"Pahinga ka na," malamig niyang sabi. "Baka kasi nabibigla ka lang pala sa akin. Pahinga muna tayong dalawa."
PAHINGA.
Hindi ako pumasok sa gate nina Eli. Nakatayo lang ako kung saan naka-park kanina ang motor ni Isaiah. Wala akong kakilos-kilos.
Mahinang boses ni Eli ang nagsalita sa gilid ko. Nakalapit na pala siya. "Vi, malamig dito at malamok. Pumasok na tayo sa loob..."
Tiningala ko siya at tuwid na sinalubong ang kanyang mga mata. "Eli, totoo ba na gusto mo ako?"
Hindi siya makasagot.
"Eli," mariing sambit ko. "Gusto mo ba ako?" ulit ko.
Nakita ko ang pag-alon ng lalamunan niya bago siya marahang tumango. "Matagal na."
Nag-iwas na ako ng paningin sa kanya. "Sa amin na muna ako."
Nasa tapat na ako ng gate namin nang magsalita siya, "Pero ang sabi ng mommy mo ay sa bahay ka muna namin."
"Hindi na. Dito na muna ako sa amin at ako nang bahala na magsabi kay Mommy kapag tumawag siya. Ako na rin ang magpapaliwanag kay Tita Hannah bukas ng umaga." Binuksan ko na ang gate. Papasok na ako nang magsalita siya muli sa likuran ko.
"Vivi..."
Huminto ang mga paa ko sa paghakbang pero hindi ko siya nilingon. Pinakinggan ko lang ang mababang boses niya.
"Vi, kahit pa si Isaiah ang pinili mo, hihintayin pa rin kita kahit gaano pa katagal."
Nagtaas ako ng kamay sa ere at nag-thumbs up, pagkuwa'y nagpatuloy na ako sa pagpasok sa gate at pagkatapos ay pinagsarhan ko na siya.
CLEARANCE WEEK.
Namumugto ang aking mga mata nang pumasok. Hindi nag-text sa akin si Isaiah, hindi rin tumawag. Nahihiya rin naman ako na mauna dahil baka hindi rin siya sumagot. Pero inagahan ko ngayon ang pasok. Hinintay ko siya sa gate.
"Isaiah!" Napatakbo ako nang makitang parating ang motor niya. Hinintay ko siya na maiparada ang motor.
Pag-alis niya ng helmet ay tinaasan niya ako ng kilay.
"Isaiah, galit ka pa ba?" mahina at nag-aalangang tanong ko.
Kinuha niya ang susi ng kanyang motor at binulsa. "Ayos, ah? Hindi ka talaga nag-text magdamag. Galit ako pero hindi mo man lang ako sinuyo!"
Napanganga ako. "Nakipag-break ka, di ba?"
Namula ang mukha niya hanggang leeg. "Nakipag-break lang ako pero wala akong sinabi na pumayag ka!"
Lalo akong napanganga. Nang makahuma ay nag-peace finger ako sa kanya. "Sorry. Natatakot kasi ako na baka magalit ka lalo kapag nag-text ako sa 'yo..."
Nauna siyang maglakad papasok sa gate. Nakasimangot siya na naupo sa may bench. Naupo naman ako sa katabi niya. Nang hindi pa rin siya nagsasalita ay ako na ang nagsimula.
"Kumain ka na ba? Gusto mo bang mag-almusal muna?"
Wala pa rin siyang kibo na naglabas ng buong one hundred pesos na papel. Kinuha ko iyon at iniwan muna siya. Pumunta ako sa canteen para bumili ng dalawang burger at dalawang mineral water.
Pagbalik ko sa bench ay inabot ko kay Isaiah ang isang burger at isang mineral water. Nang hindi niya tinanggap ay ako na ang nagbukas ng plastic ng burger at saka itinapat sa bibig niya. Napangiti naman ako nang kahit nakasimangot ay kinagatan niya ang burger.
Ang sukli naman sa pera niya ay basta ko na lang inilagay sa bulsa niya. Salitan ako sa pagkain at pagpapakain sa kanya. Pinainom ko rin siya ng tubig pagkatapos at pinunasan ng panyo ang gilid ng kanyang bibig.
Nang mag-bell na ay kinuha ko ang bag ni Isaiah. Ako ang nagdala ng bag niya para sa kanya. "Tara na, hatid na kita sa room mo."
Sumunod naman siya kahit wala pa ring kibo. Nang nasa tapat na ng room nila ay hinintay ko muna siyang makapasok. Kinawayan ko siya bago ako umalis.
Nasa may hagdan na ako para umakyat sa itaas sa room ko nang may pumigil sa aking pulso.
Gulat akong napalingon sa matangkad na lalaki na nasa aking likuran. Namilog ang aking mga mata nang makilala siya. "Isaiah!"
Namumula ang mukha niya at hindi siya makatingin sa akin nang magsalita. "Nagtatampo dapat ako, eh. 'Kaso, ang cute mo, nawalan na naman tuloy ako ng paninindigan."
Napangiti ako at sa aking tuwa ay nayakap ko siya. "I love you! Sabay tayong magla-lunchbreak, magme-merienda sa hapon, at uuwi mamayang uwian!"
Doon na siya ngumiti. Kahit ako ay nakangiti rin nang maghiwalay na kami.
MASAYA AKO. Okay na kami ulit ni Isaiah. Sa bahay na rin namin ako ngayon natutulog. Kahit pa nag-aalala sa akin si Tita Hannah ay wala nang nagawa ang babae. Wala naman kaming pansinan ngayon ni Eli.
HAPON NG SABADO. Kagigising ko lang. Nakailang tulog na ako maghapon at nakailang balik na rin si Eli. Ito kasi ang nagdadala sa akin araw-araw ng pagkain na luto ni Tita Hannah.
Nasa bakuran ako at pinapakain ang aso naming si General nang makitang nag-over the bakod si Eli. Seryoso ang kanyang mukha na lumapit sa akin.
"Alam na ni Ninong Robert na dito ka na ulit natutulog. Tumawag siya kay Mama kanina. Uuwi raw siya rito mamayang gabi."
Tumango ako.
Hindi pa rin umalis si Eli. Salubong pa rin ang mga kilay niya nang magsalita, "Hindi mo na naman pala kinain iyong ulam na pinadala ni Mama sa 'yo."
"Wala akong gana," mahinang sagot ko. Ang totoo ay palagi akong gutom, pero hindi ko talaga nagugustuhan ngayon ang mga luto ni Tita Hannah. Nawalan ako ng gana sa mga luto nito na dati naman ay sarap na sarap ako.
Babalik na sana ako sa loob nang bigla akong makaramdam ng pagkahilo. Kung hindi ako nakahawak sa pader ay baka natumba na ako.
"Vi," seryosong boses ni Eli. "Iyong mga grocery mo na naiwan sa bahay, hindi mo na binalikan. Tiningnan ko iyon kanina. Iyong stock mo ng sanitary pads, pangalawang buwan mo na ngayong hindi nagagalaw."
Kunot ang noo na nilingon ko siya.
"Vi, alam mo na, di ba? Alam mo nang buntis ka."
Nangilid ang mga luha sa mga mata ko. Napahikbi ako sa takot. Natatakot ako sa mga puwedeng mangyari.
"Siguradong magagalit ang daddy mo kapag nalaman niya. Pero may naiisip akong paraan para kahit paano ay hindi siya magalit nang husto. May paraan para masolusyunan ito."
"A-ano?" umaasam na tanong ko.
Matagal bago nagsalita si Eli. "Isa lang ang paraan para hindi gaanong magalit si Ninong Robert sa 'yo at matanggap niya agad ito. Vi, sabihin mo na ako ang ama ang dinadala mo."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro