Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 22

TRIGGER WARNING: This chapter contains strong implications for the following: anger, strong words, and violence, which may trigger memories and emotions from traumatic events.

-------------------------------------------------------------------------------------------------


"OKAY KA LANG?"


Pagpasok sa kuwarto ni Isaiah ay hinawakan niya ako sa pisngi. Pinunasan niya ang pawis ko gamit ang laylayan ng suot niyang shirt.


Kimi akong tumango. Ngayon ako nahimasmasan. Bakit ako sumama hanggang dito? Hindi naman mabilis ang pangyayari kaya wala akong magiging dahilan. 


"Saglit lang." Hinalikan niya ako sa noo saka iniwan sandali. Nagligpit-ligpit siya sa paligid kahit wala naman gaanong kalat maliban sa tuwalya niya na nakasampay sa headboard ng kama. 


Ang mga mata ko ay napamasid sa kabuuhan ng kuwarto ni Isaiah. Mas malaki sa kuwarto ko ang kuwarto niya. Sumakto lang ang dami ng gamit dahil malaki naman ang pahabang sukat ng kuwarto. Isang anak lang siya kaya wala siyang kahati sa espasyo.


Light blue ang pintura ng mga dingding. Jalousie ang bintana na may screen at blinds na kulay itim. Dalawa ang gitara niya na nakasabit sa dingding. Isang electric guitar at isang hindi.


Ang uluhan ng double bed niya ay may malaking poster ng cartoonized na mukha ni Bob Marley. Sa kabilang gilid na dingding naman ay maliliit na poster at mga pangalan ng Amerikan rapper na sina Eminem, Jay-Z, 50 Cent, Snoop Doog at Tupac Shakur.


May malaking estante na kadikit ng closet niya. Doon ay maayos na nakalagay ang patong-patong na mga CDs. Nakaayos din doon ang mga lumang songhits at comics.


May parte ng kuwarto na sabitan ng sombrelo. Anim ang sombrelo na halos ang kulay ay pare-pareho. Black na may maliit na check ng Nike, meron ding sombrelo na white Adidas at ang iba ay purong plain black na.


May lugar din ang lalagyanan niya ng sapatos. Ang dami niyang sneakers. May Nike, Adidas, New Balance. Mukhang bago pa iyong iba. Puro puti ang karamiha ng kulay.


Matapos magpagpag ni Isaiah ng kama niya ay hinila niya ako roon. Nakaupo lang kami nang una, nagpapakiramdaman. Hanggang sa inaamoy-amoy niya na ang buhok ko.


"Anong shampoo mo?"


"Dove pink. Conditioner ba itatanong mo rin?"


Pilyo ang naging pagngisi niya. "Kung gusto mo bang sabihin, pati sabon mo na rin."


Nag-init sa pamumula ang pisngi ko.


Nahiga siya sa kama. Niyaya niya ako na tumabi sa kanya. Ayaw ko sana kaya lang nakakailang na makita siyang nakahiga habang siya naman ay nakamasid sa akin.


Tumabi ako sa kanya pero may pagitan. Nakatagilid kami paharap sa isa't isa. Ang mga mata niya na kasing kulay ng kalangitan tuwing gabi ay parang mas lalong gumanda sa paningin ko. Kakulay rin niyon ang kanyang makakapal na kilay at mahahabang pilik-mata.


Ang guwapo-guwapo talaga ni Isaiah. Ang ganda ng matangos na ilong, ang nipis ng mapupulang mga labi, kahit ang panga niya ang kaaya-aya. Walang tapon sa kanya. Parang plinanong mabuti ang pagbuo sa kanya. Para siyang dumaan sa mahigpit na quality control.


Guwapo si Kuya Vien, guwapo si Eli, pero iba talaga ang dating ni Isaiah. Siya iyong guwapong parang ang daming puwedeng i-expect. Kahit sa personalidad. Puwedeng seryoso, pilyo, o kahit maging maligalig na guwapo, babagay sa kanya. Iba iyong karisma niya.


Namalayan ko na hinahaplos ko na ng aking palad ang pisngi niya. Parang naging hudyat iyon sa kanya. Namalayan ko na lang na hinahalikan niya na ako.


Magaan lang. Parang tinatantiya ni Isaiah. Tapos unti-unting dumidiin ang mga labi niya. Namimigat na ang mga mata ko habang tinatanggap ang mga halik niya.


Ang mainit niyang kamay ay marahang tumataas-baba na humahaplos sa likod ko. Tumigil ang mahahabang daliri niya sa parte kung saan naroon ang hook ng aking bra.


"Vi, I love you," sambit niya nang sandaling maghiwalay ang mga labi namin.


Hinalikan niya ulit ako. Mas malalim na. Nakayakap na rin siya sa akin. Ang kamay niya sa likod ko ay wala na sa labas ng aking blouse kundi nasa loob na. Masuyo niyang sinusukat ng mainit niyang palad ang bewang ko.


Nakakapaso. Parang may titis ng apoy ang mga palad ni Isaiah. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito, kumakalat ang init sa buong katawan ko.


Nang magmulat siya ay namumungay ang mga mata niya. "Vi, di mo pa sinasabing mahal mo ako."


Napalunok ako. Oo nga, hindi pa. Paano ko ba sasabihin? Dapat ba Tagalog o gayahin ko siya na English din?


Pababa na ang mga halik niya sa leeg ko nang biglang nagkaingay sa ibaba ng bahay nila. May mga dumating.


Napabalikwas si Isaiah ng bangon. "Shet, sina Mama!"


Napabangon din ako at agad na kinabahan. Hindi ako magkandaugaga sa pag-ayos sa nagulo kong buhok dahil sa pagkakahiga.


"Gideon, nasaan ang magaling mong anak?! Nakauwi na iyon dahil nandiyan na ang motor! May sapatos at gamit din ng babae rito kaya may kasama 'yang babae! Saan dinala ng anak mo?!"


Pinagpawisan ako sa takot nang marinig ang boses ng mama ni Isaiah.


Sumunod ay mga yabag paakyat sa hagdan. May humampas sa pinto ng kuwarto na kinaroroonan namin. "Isaiah, nandiyan ka ba?! Bakit naka-lock ito?! Sino 'yang kasama mo diyan?!"


Sunod-sunod ang pilit na pagpihit sa naka-lock na doorknob.


Kinalabog ulit ang pinto mula sa labas. "Lintek kang bata ka! Kapag 'yan nabuntis mo, sinasabi ko sa 'yo, palalayasin kita!"


"Anya, tama na 'yan!" boses ng papa ni Isaiah. "Hintayin mo silang makalabas. Tinatakot mo e. Wag ka nang magsisisigaw riyan at dinig ka sa buong compound!"


Nang wala na ang ingay sa labas ay inalo ako ni Isaiah. "Wag kang matakot. Wala naman tayong ginawa e."


Tinulungan niya akong ayusin ang nagusot kong uniform saka kami magkahawak-kamay na bumaba sa sala nila. Naroon ang mama at papa niya na kapwa seryoso ang mga mukha.


"Ma, nagpahinga lang kami," simula ni Isaiah.


Binato siya ng mama niya tsinelas na nailagan naman niya agad.


"Pa, wala nga." Doon siya sa papa niya humingi ng saklolo.


"O wala naman pala, Anya." Kumampante na ang mukha ng papa niya. Naniwala agad sa kanya.


Ako ang hinarap ng mama ni Isaiah. "Wala ba talaga?"


"W-wala po..." kiming sagot ko.


"Umayos kayo, ha?!" Naniwala na rin ang mama ni Isaiah pero hindi pa humuhupa ang emosyon. "Ang babata niyo pa. Wala pa ngang bente itong si Isaiah. Hindi pa tapos mag-aral. Anong ipapakain sa 'yo niyan?"


Napayuko ako sa hiya. Sa aking pagyuko ay di sinasadya na napatingin ako sa harapan ng suot na jersey shorts ni Isaiah. Napasinghap ako dahil may namumukol doon. Angat na angat ang kung ano mang nasa loob ng shorts niya.


Napatingin din si Isaiah sa tinitingnan ko. Bumadha agad ang pagpa-panic sa kanyang ekspresyon. Agad siyang tumalikod sa ina bago pa nito mapansin ang napansin ko.


"Ihi lang ako, Ma!" Dali-dali si Isaiah na pumunta sa CR nila sa kusina.


"Tingnan mo itong batang ito! Hindi pa ako tapos manermon dito!"


Pinaupo ako ng ginang sa sofa. Pinakain ako ng dala nilang tinapay.


"Kumusta ang pag-aaral mo, Vivi?" tanong nito.


"Okay lang po, ma'am." Panay ang tingin ko sa gawing kusina kung saan naroon ang banyo nila. Ang tagal bumalik ni Isaiah.


"Anong ma'am? Hindi mo ako teacher. Tita Anya na lang itawag mo sa akin. At Tito Gideon doon sa asawa ko. Mga simpleng tao lang kami kaya wag mo kaming ma-ma'am at sir diyan."


"Sige po, Tita Anya..."


"Anong top mo sa school niyo?"


"Uhm, muse po ako lagi..."


"Ay, ayos 'yan. Ang importante maganda ka."


Nang bumalik si Isaiah ay basa ng pawis ang makinis na leeg nito. Mukhang naghilamos din siya dahil nabasa pati ang kanyang buhok. Umakyat siya sa itaas nila para magpalit ng t-shirt. Pagbaba ay fresh na ulit.


Nagpaalam na ako nang mag-a-alas sais na. Pagkakuha ni Isaiah sa susi ng motor niya ay humingi siya ng pang-gas ng motor sa papa niya.


"Nasa mama mo ang pera ko. Sa kanya ka humingi."


Nilapitan naman ni Isaiah ang ina na kabababa lang sa hagdan. "Ma, penge pera."


Nakasinghal naman agad ang ginang. "Anong akala mo sa akin, nagtatae ng pera?!"


Buntot-buntot naman dito si Isaiah. "Ma, kahit iyong bente lang na utang mo last time. Pandagdag ko lang sa pang-gas."


"Anong utang? Ako pa talaga nagkautang sa 'yo, ha?! Kung bilangin ko kaya lahat ng ginastos ko sa 'yo? Ang lakas mong kumain 'tapos may midnight snack ka pa. Parang kasalanan ko pa na napupuyat at nagugutom ka kaka-cellphone mo sa gabi!"


Kakamot-kamot ng ulo si Isaiah. "Daming dama naman, Ma! Bente lang e kung saan-saan ka na napunta."


Ang papa naman niya ay patay-malisya sa may dining nila. Pag-upo ni Tita Anya sa upuan ay tumayo si Tito Gideon at minasahe sa balikat ang asawa.


Hindi na napansin ng ginang na pagkuha ni Tito Gideon ng dalawang daan sa nakasabit na sling bag sa may hagdan. Pasimple namang lumapit si Isaiah sa ama para kunin ang pera.


"Alis na kami, Ma! Pasalubungan ko kayo ng balut ni Papa pagbalik ko!" Ngingiti-ngiti si na hinila na ako palabas ng bahay nila.


Madilim na sa may garahe ng compound nila. Bago kami pumunta sa motor ni Isaiah ay naglapat muli ang aming mga labi.


"Uwi ka na," hinihingal na sambit niya.


Hinihingal din ako na tumango. Niyakap pa namin ang isa't isa nang makailang ulit bago niya ako inihatid pauwi.



HINDI NATAPOS ang pagkikita namin ni Isaiah kahit tuwing uwian. Pagkahatid niya sa akin ay sa gabi'y hindi puwedeng hindi siya darating.


Kahit saglit lang, talagang pupunta siya. Nakaugalian na ang tuwing 9:00 PM. Madalas ay may dala siyang pasalubong. Kung hindi balut, kwek-kwek, fries, burger ay lomi.


Syempre, hindi lang para sa akin ang dala ni Isaiah, damay rin si Eli dahil ito ang aming tulay at sa bakuran din nito kami tumatambay.


Katulad ngayon. Nandito ulit si Isaiah. Kalaban niya sa chess si Eli habang ako naman ay kumakain ng fries.


3-2 ang score nila. Ang lamang ay si Isaiah. Kahit malamig sa bakuran ay pawisan na si Eli. Seryosong-seryoso at napahubad na ng suot na salamin sa mata.


Nakangisi si Isaiah nang ma-checkmate na ang King ni Eli. "Baka sabihin mo, dinadaya kita. Sadyang mabilis lang ako."


Tumayo na si Eli. "Ayoko na."


Si Isaiah ang nagligpit ng chessboard. 


Si Eli naman ay tumabi sa akin. Inagaw nito ang hawak kong fries. "Baka magka-UTI ka na niyan. Akina 'to."


"Isaiah o!" sumbong ko.


Pagkaligpit sa chessboard ay gumitna na sa amin ni Eli si Isaiah. "'Yaan mo na. Baka nga naman kasi makasama na, ang dami mo nang nakain e."


Lumabi ako. "E gutom pa ako. Pipino lang ulit iyong kinain ko sa hapunan kanina."


Inabot ako ni Eli para mahinang tuktukan. "Pero nakakadalawang burger ka na sa dala ni Isaiah. Pati iyong para sa akin, kinain mo na rin!"


"Isaiah, sinasaktan ako ni Eli!"


"Hoy, wag mo ngang saktan ito!" saway naman ni Isaiah kay Eli. Hinarap niya ako pagkuwan. "Saan masakit?"


"Dito." Nakanguso ang mga labi na itinuro ko naman ang noo kahit hindi naman talaga masakit.


"Aw, kawawa naman 'yan." Hinimas naman ni Isaiah ang noo ko. 


Padabog na lumayo si Eli sa amin. "Kakasuka!"


Niyakap ako ni Isaiah saka nakakalokong tiningnan si Eli. "Inggit ka lang, Elias Angelo!"


"Magsiuwi na nga kayo!"



SUMUNOD na gabi ay unang beses na dito kami sa amin tumambay. Si Kuya Vien ang nagsabi na dito kami, dahil wala naman sina Mommy at Daddy. Ginabi na raw kasi ang paglalakad ni Daddy sa mga papel nito kaya nag-check in na lang sila sa isang hotel at bukas na uuwi.


Nahihiya pa si Isaiah na pumasok sa sala pero nang makitang naiinip na si Kuya Vien ay napabilis siya ng pasok. Naghubad siya ng sombrelo at tsinelas sa pinto. "Good evening, kuya."


Tinanguan lang naman siya ni Kuya Vien. 


Nanood lang kami sa sala ng horror movie. Iyong unang movie ni Chucky. Apat kami sa sala dahil kasama si Kuya Vien. Ito ang katabi ko sa sofa, habang sina Isaiah at Eli naman ang magkatabi sa kabilang upuan.


Parang ayaw akong pakawalan ni Kuya Vien. Ultimo pagpunta ko kanina sa kusina ay nakasunod. Hanggang tanaw lang tuloy kami ni Isaiah sa isa't isa. At ang ligaya naman ni Eli na kanina pa ngiting-ngiti. 


Habang nanonood ng horror ay ako lang yata ang napapasigaw sa takot. Ang tatlong lalaki ay mga tahimik lang. Para silang nanonood ng sona kaysa nakakatakot na pelikula.


Pagkatapos ng palabas ay ang tahimik na tahimik nila. Nakakailang kaya ako na ang bumasag sa katahimikan. "Uhm, gusto niyo pa ng Piattos?"


May mga dala kasi si Isaiah na chips. May canned sodas din pero ang para sa akin na dala niya ay juice.


"Tama na sa junkfood, Vi," mahinahong ani Kuya Vien.


"Order na lang tayo pizza," mungkahi ni Isaiah.


Naglabas si Kuya Vien ng 50 pesos at inilapag sa center table. "Patak-patak. Ikaw, Eli, maglabas ka rin."


Napakamot ng leeg si Eli pero naglabas din naman ng 50.


Nakamasid lang ako sa kanila habang nagtatanungan silang tatlo kung ano ang magandang flavor na o-order-in. Ganito pala sila um-order, ang seseryoso masyado.


Iyong tag 75 pesos lang na pizza ang in-order ni Isaiah sa online. Mura pero kilalang masarap sa GenTri. Nagpa-add siya ng cheese at pepperoni sa toppings kaya nag-total sa 120 ang presyo. Sakto lang ang ambagan nila dahil 30 naman ang delivery fee.


Pumili pa ulit kami ng isa pang papanoorin tutal naman ay Sabado kinabukasan. Pinoy comedy naman na ako ang pumili. Ganoon pa rin, kung kanina sa horror ay ako lang ang sumisigaw, dito naman sa comedy ay ako lang ang tumatawa.


Pagkatapos ng huling palabas ay nagpaalam na si Isaiah. Ganoon din si Eli. Inihatid namin sila ni Kuya Vien hanggang sa labas.


Sumampa na si Eli sa pader na bakod. Si Isaiah naman ay sa gate dumaan. Hanggang tinginan lang kami at kaway sa isa't isa dahil nasa tabi ko pa rin si Kuya Vien.


Bago sumakay sa motor ay hinarap niya ang kapatid ko. "Aalis na ako, kuya. Salamat."


Pakiramdam ko ay ngumiti rin pati ang puso ko nang sa unang pagkakataon, ngumiti si Kuya Vien kay Isaiah. "Ingat ka."


Pag-alis ni Isaiah ay nasa labas pa rin kami ng gate ni Kuya Vien. Nakatanaw kami sa kalsada.


Napatingala ako sa kapatid nang maramdaman ang pag-akbay niya. "Gusto ko siya para sa 'yo, Vi."


"Kuya..." Nag-init sa luha ang mga mata ko. Sa pagtanggap niyang iyon kay Isaiah ay hindi niya alam kung gaano niya ako napasaya.


Yumuko siya at ngumiti sa akin. "Sana hindi ako nagkakamali na kaya ka niyang pasayahin. Iyon lang, Vi. Ang gusto ko lang ay maging masaya ka. Hindi lang ngayon, kundi palagi."


Naiiyak ako na tumango. Magkaakbay na kami na pumasok sa bahay ni Kuya Vien.



UMAGA. Maaga akong pinapasok ni Isaiah dahil may quiz ako sa Biology. Nakaupo kami ni Isaiah sa may bench at tinutulungan niya ako na magkabisado.


Tinakpan niya ang libro na hawak ko. "Ano ulit ang Two Groups of Prokaryotes?"


Napakamot ako ng ulo. "E Coli and Salmonella?"


"Wrong."


Napalabi ako. "E ano?"


"Again, the Two Groups of Prokaryotes are Flacteria and Archaea."


Napapalakpak ako. "Iyon nga! Nasa dulo ng dila ko e, di ko lang masabi kanina!"


"Basahin mo ulit." Inalis niya ang malaking palad na nakatakip sa libro. "Simulan mo rito."


Nagbasa naman ulit ako. Habang nagbabasa ay sinusubuan niya ako ng mani na Sugo. Pangpabilis daw iyon sa pagkakabisado.


Katapat naman namin si Asher sa bench na kanina pa patingin-tingin sa gate. Nang may pumasok doon na babaeng maiksi ang buhok at may salamin sa mata ay saka lang nag-alis si Asher ng paningin doon.


Simple lang ang babae na dumating. Walang kahit pulbo sa mukha o lip tint sa mga labi. Mukhang matalino dahil nakasuot ng salamin. Pag talaga nakasalamin, mukhang matalino e. Ewan ko ba.


Dumiretso ito sa puwesto namin. Naupo ito sa tabi mismo ni Asher. Ang tagal naman ito bago pansinin ni Asher.


Siya namang dating ni Miko. Nang makita nito kaming apat na partner-partner sa bench ay napaungol ito. "Parang ang sarap matulog sa riles ng tren ngayon."


Nag-cellphone na lang si Miko sa bench dahil wala itong kausap. Busy kami ni Isaiah sa pag-re-review habang sina Asher at ang kasama nitong babae, na Lai pala ang pangalan, ay kahit hindi nag-uusap ay parang walang pakialam sa paligid.


Kasunod lang ni Miko si Zandra na dumating. Padabog itong naupo sa tabi ni Miko. "I hate Arki na talaga! Parang pinagtataguan niya talaga ako e!"


"Anong parang lang?" bulong ni Miko.


Sinubunutan ito ni Zandra. "Anong sabi mo, ha?!"


"Kingina naman e, naka-gel ako!"


Kandapahid naman si Zandra ng palad sa suot na school skirt. Nang makita ni Zandra si Lai ay natigilan ito.


"Laila Valmorida, right? Taga special section, science class?" gulat na bulalas nito. "Oh, my gee! Kayo ni Asher?"


Malungkot na umiling naman si Lai. "Hindi pa siya nanliligaw."


Napaubo si Asher.


"Wag mo silang pansinin," mahinang sita ni Isaiah sa akin. "Tuloy lang sa pagbasa, Vi. Mag-bi-bell na o."


Napapadyak ako. "Ayoko nang magkabisado. Dumudugo na utak ko. Ipagdasal mo na lang ulit ako."


Masuyong pinisil ni Isaiah ang ilong ko. "Di uubra sa akin ngayon 'yang pagpapa-cute mo. Naka 3 ka lang sa 1-10 na quiz niyo kahapon. Kailangan maka 4 ka naman ngayon."


Nagkabisado ulit kami ni Isaiah kahit ayaw ko na talaga. Ang dami ko na kasing binasa at totoong ang sakit na ng utak ko. Para hindi ako masyadong ma-pressure, sa tuwing may makakabisado akong isa ay inaabutan ako ni Isaiah ng candy na gummy bears.


"Saan GF mo, Miks?" tanong ni Asher kay Miko.


Nagkibit-balikat si Miko. "Wala na. Parang di ko lang naman na-heart iyong long post niya sa FB para sa 1st weeksary namin e, pinalaya na agad ako amputa."


Ibinulsa na ni Miko ang phone at kinalabit ang katabing si Zandra.


"Hoy, Zandra! Busy ka ba? Papa-comfort sana ako."


Irap lang naman ang sagot ni Zandra dito. Pagkatunog ng bell ay sabay-sabay na kaming nagsitayuan para pumunta sa kanya-kanyang room namin.


Nagkita ulit kami ni Isaiah ng first break. Pumunta siya sa room namin at tumambay saglit. Ginupitan ko siya ng kuko gamit ang pink kong nailcutter. Nilagyan ko rin siya ng nail polish.


Sa lunchbreak naman ay si Eli ang kasabay ko na kumain sa room. May baon ulit si Eli para sa akin.


Dumating si Isaiah nang patapos na ang break. Galing siya sa bilyaran kasama ang tropa niya. Nanalo sila sa pustahan sa bilyar kaya may pasalubong siya sa aking Ferrero.


Ang tumanggap sa Ferrero ay si Eli. Hindi nakapalag si Isaiah nang walang pasabi na kumuha si Eli ng tatlo agad na piraso saka lumayas.


"Tatlo pa talaga kinuha!" himutok ni Isaiah habang tanaw na lang ang papaalis na si Eli.


Napahagikhik ako. "Ayaw mo niyon, 'I love you' raw?"


Hindi pa agad umalis si Isaiah sa room ko. Dahil wala pa ang aking katabi ay doon siya naupo. Nagpapunas siya ng panyo sa likod dahil pinawisan siya sa labas. Tinapatan ko rin siya ng dala kong mini electricfan.


"Thank you." Matamis ang ngiti niya.


Nakangiti ko naman siyang inirapan. "Kapalit lang ito ng dala mo sa aking Ferrero."


Natawa siya. "Pag ganoon pala e di lagi na ako niyang magdadala ng Ferrero sa 'yo."


Hinintay pa ni Isaiah na mag-bell saka siya tumayo. Hinatid ko siya sa pinto ng room at bago siya umalis ay nag-holding hands pa muna kami ng mga limang minuto.



TAO. Pakiramdam ko ay ngayon lang ako naging ganap na tao. Mas nararamdaman ko ngayon ang buhay. Hindi iyong sumusunod lang sa agos at naghihintay ng susunod na pangyayari.


Hindi ko akalain na puwede ko rin palang gawin ang normal na ginagawa ng ibang kaedad ko; magsaya, maging maligalig, at minsan ay may kaunting pagrerebelde. 


Nararanasan ko na rin ang mga nararanasan ng ibang kabataan. Iyong saya at laya na akala ko noon ay hindi ko mararamdaman. Minsan ay kinakabahan ako, dahil parang hindi na kapani-paniwala.


Sana lang palaging ganito. Sana magtagal pa. O kaya sana ay wala ng katapusan. Pero hindi yata talaga lahat ng sana ay napagbibigyan...


UWIAN.


Hindi ako makakasabay kay Isaiah sa uwian dahil nag-text si Kuya Vien bandang 4:00 PM. Susunduin daw kami ni Daddy at dederetso kami sa mall. Magpapatulong ito na mamili ng pangsurpresa na regalo para kay Mommy.


Kasabay ko sa paglabas ng gate sina Isaiah at Eli pero humiwalay ako sa kanila nang matanaw na nakaparada na ang second hand na kotse ni Daddy sa kanto.


Sa backseat ako sumakay katabi si Kuya Vien. Sa SM Dasma pa kami nagpunta. Ako ang tumulong kay Daddy sa pagpili ng damit, bag at sapatos na bibilhin para kay Mommy. Si Kuya Vien naman ang pumili ng bulaklak.


Dahil sa traffic ay inabot na kami ng 10:00 PM pauwi. Mainit na ang ulo ni Daddy. Panay mura na ito kapag nasisingitan sa daan.


Napatapak si Daddy sa preno nang may basta na lang sumabay sa amin na lumang itim na sedan. "Putangina, napakabobo!"


Maluwag na ang kalsada at kakaunti na lang ang motorista. Iyon nga lang ay may mga makukulit pa rin sa daan, katulad ng sedan na muntik bumangga sa amin.


"Putangina mo, inutil!" Sunod-sunod na busina ang ibinigay ni Daddy rito.


Huminto at nagbukas ng bintana ang nasa sedan. Mukhang nakainom. Humingi ng pasensiya. Wala namang balak magpatawad si Daddy. Huminto rin at pinaulanan ng sunod-sunod na mura ang driver sa kabila.


Nang bumaba si Daddy ng kotse ay naramdaman ko ang paghawak ni Kuya Vien sa kamay ko. Ganito siya kapag pinapakalma ako, kapag gusto niyang wag akong kabahan o matakot.


Tumingala ako sa kanya. "K-kuya, baka mapaaway si Daddy..."


Maliit na ngiti ang ibinigay niya sa akin. "Shhh. Hindi 'yan. Wag kang matakot, andito naman si kuya e."


Tumango ako at tumingin sa labas ng sasakyan. Nandoon na si Daddy sa harapan ng sedan. Kinakalabog na nito ang sasakyan. Dinig na dinig namin hanggang dito sa backseat ang sigaw nito.


"Tangina ka, angkas ko sa backseat mga anak ko! Paano kung naaksidente kami? May magagawa pa ba ang sorry mo?!"


Bumaba rin ang nasa sedan. Maliit na lalaki at mukhang lasing nga. "Pare, di ko naman sinasadya."


"Di mo sinasadya?! E gago ka pala talaga! Dapat sa mga tulad mo, di nagkakaroon ng lisensiya! O kaya, sana pinutok ka na lang sa kumot ng tatay mo para di ka makaperwisyo!"


Hindi na kumikibo ang may ari ng kabilang sasakyan pero patuloy pa rin sa pagpapaulan dito ng mura si Daddy. Lahat yata ng init ng ulo niya sa traffic ay balak niyang ibuhos dito.


Bumalik sa sasakyan ang inaaway ni Daddy. Lalo lang naman na nanggagalaiti si Daddy. Malalaswa na ang mga salita.


"Ano, tatakas ka? Umuwi ka sa nanay mo, itanong mo kung bakit hindi ka na lang niya nilunok para sana di ka na nabuhay sa mundo!"


Ang akala ni Daddy na tatakas na ang inaaway ay hindi pala. May kinuha lang ito sa sasakyan at nang lumabas ulit ay pati kami ni Kuya Vien ay natigilan.


"Hindi ka talaga titigil?" Ang lalaki ay may hawak nang baril sa kanang kamay nito.


Napaatras si Daddy na tila nalulon ang sariling dila.


Parang naging slowmotion ang mga pangyayari. Paatras si Daddy at paabante naman ang kaaway nitong lalaki. Ang itsura ay nilamon na ng kalasingan ang katinuan.


Ang baril ay nakataas na. Namanhid ang katawan ko sa takot nang mapagtanto kung saan nakatutok ang baril. Hindi kay Daddy! Hindi sa kanya— kundi dito sa backseat ng kotse namin!


Magkasunod na dalawang putok na pumunit sa madilim na kalsada. Basag ang windshield pero wala sa dalawang bala mula sa baril ang tumama sa akin.


Kasabay ng pagbagsak ng mga luha ko ang reyalisasyon. Kaya walang tumamang bala sa katawan ko ay dahil mahigpit pala akong yakap-yakap ni Kuya Vien!


Ang katawan ng kapatid ko ang sumalo ng mga bala na dapat ay para sa aming dalawa.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro