Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 20

ANONG GINAGAWA NI ISAIAH RITO?!


Nang mahimasmasan ay napabitiw ako bigla sa kanya. "B-bakit ka andito? A-at baka magalit si Carlyn kapag nalamang nandito ka..."


"Wala na kami. Nakipag-break siya sa akin kanina." Nagtutule siya ng tainga gamit ang kanyang hinliliit na daliri. "Pero hindi ibig sabihin na puwede na tayo ulit."


Napakurap ako. "Ha?"


Naupo siya sa upuan na nasa bakuran nina Eli at tumingin sa akin. "Kaya kung may balak ka, maghintay ka. Alam mo iyong 3-month-rule?"


"3-month-rule?"


"Oo. Dahil kaka-break ko lang, tatlong buwan pa bago ako puwede ulit magka-jowa."


"E bakit noong nag-break tayo..."


Nakakaloko ang naging ngisi niya sa sinabi ko. "Sino ba ang nagtulak sa akin? Di ba may consent mo?"


Napalabi ako. Oo nga pala. Itinulak ko siya. Sobrang halo-halo ang emosyon ko noon at gulong-gulo ang isip ko kaya ko iyon nagawa.


"Nagpatulak ka naman," sabat ni Eli. Nakahalukipkip ito sa gilid namin.


Tumapang naman ako dahil sa sinabi ni Eli. Oo nga, nagpatulak naman si Isaiah! Porke't itinulak, sumige naman!


"Oo na, sorry," nakangiti na si Isaiah. "Anong laban ko sa inyo, dalawa kayo, isa lang ako. Teritoryo niyo pa ito. Baka mamaya, maisipan niyo akong katayin dito."


"Puwede ka namang sumigaw," nakalabi ko pa ring sabi.


"Syempre bago niyo ako katayin, bubusalan niyo muna ang bibig ko. So paano na ako niyan makakasigaw? Nailibing niyo na ang katawan ko rito sa bakuran, pero di pa rin alam ng mga kapitbahay malamang."


May point siya. Tumango-tango ako. Matalino talaga si Isaiah. Magaling siyang mag-isip ng mga bagay-bagay. Mas naisip niya pa iyon kaysa sa amin ni Eli.


Si Eli sa gilid ay napasimangot na tila napipikon. "Mag-usap na kayo, bilisan niyo." Dinuro nito si Isaiah. "Isaiah Gideon, usap lang, ah! Babalikan ko kayo!"


Iniwan muna kami ni Eli sandali. Nang magkasolo kami ni Isaiah ay parang may dumaang anghel. Nanahimik pati ang mga kuliglig sa paligid.


Ako ang naunang bumasag sa katahimikan. "Uhm, napadalaw ka."


Napahaplos naman siya ng palad sa kanyang batok. "Nag-chat sa akin si Eli. Baka raw kasi galit ka dahil sa nangyari kanina sa school. Hindi mo dapat iyong intindihin, peace fight lang iyon."


Naupo na rin ako sa isa pang upuan na katabi ng kinauupuan niya. "Dahil ba doon kaya kayo nag-break ni Carlyn?"


Nagkibit siya ng balikat. "Akala niya siguro na nagkabalikan na tayo. Pero hindi naman selos iyong dahilan. Wala naman talaga iyong gusto sa akin, kayo lang din dalawa ang nagpapaniwala sa sarili niyo na meron."


Napapaisip na rin ako ngayon. Dahil noong mga nakaraan na nakikita ko sila na magkasama ni Carlyn ay hindi ko nakita rito iyong ngiti at saya na inaasahan kong makita kapag naging sila na.


"Bago ang lahat ng kabopolan na 'to, tropa kami niyon. Magkaibigan. Ganoon-ganoon lang iyon, pero grabe iyon magpahalaga ng pagsasama. Wala siyang pakialam sa ibang bagay, pero ibang usapan na ang tungkol sa loyalty. Kaya siguro ganoon iyong badtrip niya sa pag-aakala na iniwan ko siya sa ere."


"Galit siya?"


"Sa akin lang." Hinawakan niya ako sa ulo at nginitian. "Wag mo na lang pakaisipin. Ako ang may kasalanan dahil hinayaan ko na magkaganito tayong tatlo. Ako rin ang aayos nitong gulo."


May pinagdadaanan din pala si Carlyn. Pahapyaw na nabanggit ni Isaiah na may problema ang babae sa pamilya nito. Bukod doon ay nasa komplikadong sitwasyon ito ngayon kung saan ito ay nalilito sa sariling damdamin.


Naisara na namin ang usapan tungkol kay Carlyn. Ang sumunod ay tungkol naman sa amin ang pinag-usapan namin. Nakayuko si Isaiah at hindi ko makita ang kanyang mukha nang tanungin niya ako, "Kumusta ka ba?"


"Okay lang..."


"Psh, wag na tayong mag-echosan dito."


Lumabi ako. "Bakit mo pa ako tinanong? Di ka naman pala maniniwala."


"Wala lang, pandagdag wordcount. Char."


Umayos siya sa pagkakaupo at tumingala sa langit. Pasimple naman ang mga tingin ko sa kanya. Sa kabila ng kapirasong limos na liwanag mula buwan, ay nakikita ko nang malinaw ang detalye ng istura ni Isaiah. Ang akala ko ay hindi ko na ulit siya makikita nang ganito kalapit... 


Ang akala ko ay hindi ko na ulit siya makakausap pa...


Bumuga siya ng hangin saka tumingin sa akin. "Vi, nang makipaghiwalay ka, inaamin ko na nakaramdam ako ng galit. Pero hindi sa 'yo, ah. Kundi sa sarili ko. Kasi iniisip ko na baka kaya ka nakipahiwalay dahil na-realize mo na hindi ako bagay sa 'yo."


Umiling ako. "Hindi naman iyon, Isaiah."


"Naisip ko rin na baka dahil din sa daddy mo. Baka ayaw sa akin. Sumugod pa nga iyon sa amin."


"Sorry..."


Tumango-tango siya. Hindi na ulit nagsalita. Natapos ang oras na magkatabi lang kami. Sa pagkakataon na sabay kaming napatingin sa isa't isa ay nag-init sa hiya ang pisngi ko. Mahina at malambing na natawa naman si Isaiah.


Bandang huli ay napapangiti na rin ako kapag nagkakatinginan kami. Sa mga simpleng ganoon lang, walang pag-uusap, nagkakaintindihan na kami.


Nang magpaalam na si Isaiah ay lumabas na rin si Eli. Hanggang sa gate namin inihatid ang lalaki.


Nang wala na si Isaiah ay nakasunod pa rin ako ng tanaw sa kalsada. Kung hindi pa tumikhim sa tabi ko si Eli ay hindi matatauhan.


Pinisil niya ako sa pisngi. "Masaya ka ba, Vi?"


Ginantihan ko ang ngiti niya. "Thank you, Eli..."



NAGKAROON ng kapayapaan ang loob ko dahil sa pagpunta sa amin ni Isaiah. Maluwag ang dibdib ko sa isiping hindi siya galit sa akin. Masaya rin ako na okay naman sila ni Eli. Ipinagdadasal ko na lang na sana magkabati na rin sila ni Carlyn.


Dahil okay na kami ni Isaiah ay hindi na ako nahihiya na makasalubong siya sa daan o ang makatinginan siya kapag dadaan ako sa room nila. Kaswal na tanguan, simpleng ngiti at minsan ay pagbati ang binibigay namin sa isa't isa.


Napapansin ng mga kaklase ko at kaklase ni Isaiah na okay na kami, kaya ang akala ng mga ito ay nagkabalikan na kami. Pero hindi pa talaga. Friends muna dahil may 3-month-rule.


Breaktime ay dumating si Eli. Walang nagbago, sinabayan niya pa rin akong kumain sa room namin. Dumaan si Isaiah sa may bintana pero hindi na katulad noon na seryoso ang lalaki. Nakangiti ito nang magtama ang mga mata namin.


Si Eli naman ay sumimangot nang makita si Isaiah. Tiningnan pa nang matalim si Isaiah, pero nginisihan lang naman ito ni Isaiah.


Pagkatapos kumain ay sumama ako kay Eli sa bench. Dala niya ang isang notebook at pen. Ni-review niya ako para sa short quiz ko bukas sa Math. Tinuturuan niya ako ng technique sa equation na hindi ko talaga maintindihan.


"Bawi ka na lang sa Math bukas, Vi," pagpapalubag niya sa loob ko dahil nalaman niya na napagalitan ako kanina sa room.


Dumating si Isaiah at basta na lang naupo ito sa gitna namin ni Eli. Dahil nagulat si Eli ay hindi ito nakapalag. No choice na napausod napausod na lang ito palayo.


Sinilip ni Isaiah ang mukha ko. "Bakit malungkot ka?"


Kumibot-kibot ang mga labi ko, "Wala kasi kong naisagot sa graded resuscitation kanina."


"Vi, recitation," pagtatama ni Eli sa akin.


Sinimangutan ko ito. "Iyon nga 'sabi ko, bingi mo naman."


"Pero..."


Sumabat naman si Isaiah, "Wala nang pero-pero, bingi ka lang talaga, Eli!"


Hindi na sumagot pa si Eli. Kakamot-kamot na lang ito ng ulo.


Nang matapos ang break ay sabay-sabay rin kaming bumalik sa building ng Grade 11. Sa baba lang ang room ni Eli pero gusto nitong ihatid ako sa itaas, kaya lang ay pagdating sa room nito ay pinapasok na ito sa pinto ni Isaiah. Bubulong-bulong na lang ito habang nakahabol ng tingin sa amin.


Sabay kaming umakyat sa hagdan ni Isaiah. Hindi niya man ako hinatid sa room namin ay hinatid niya naman ako ng tanaw. Hinintay niya akong makapasok muna bago siya pumasok sa room nila. 


Sa uwian ay ganoon pa rin ulit, sabay kami ni Eli. Nauna lang ako palabas ng building dahil kasali ito sa cleaners. 


Nagpa-load muna ako sa labas ng regular 15 pesos. May baon na kasi ako ngayong pera, pinabaunan na ulit ako ni Daddy. Pag may extra akong pera ay nilo-load-an ko ang phone ko for emergency.


Ibinalik ko ang phone sa bag nang may parehang papalapit sa akin. Magka-holding hands ang mga ito. Nakilala ko agad ang babae, si Carlyn. Ang kasama naman nito ay matangkad na lalaki. Kasing taas siguro ni Isaiah. Guwapo, naka-complete uniform, mukha namang mabait—kung hindi lang masyadong seryoso ang ekspresyon ng mukha.


May bago na agad na boyfriend si Carlyn? Isang tingin pa lang kasi ay masasabi mo na agad na may unawaan ang mga ito. Kakaiba rin ang mga palitan ng tingin, bagay na parang hindi ko yata nakita noong sina Isaiah pa at Carlyn.


Nakasunod ako ng tingin sa kanila nang sa pagbaling ko ng mukha ay nakita ko si Isaiah. Naroon siya sa may motor niya na nakaparada malapit sa gate. Nakatingin din siya kina Carlyn habang may pinapalobo siyang bubble gum sa bibig niya.


Dumating ang mga tropa niya. Nakahabol din ng tingin si Miko kay Carlyn at sa kasama nito. "Shutakels! Papi, pinagpalit ka na agad-agad ni Mayora!"


"Tsk. Kaya nga. Kahit 3-week-rule, di man lang ako iginalang!" OA na napaungol pa si Isaiah. "Ge lang, basta maligaya siya!"


"Pati nga kami dinamay ni Car, e," sabi ni Asher. "End friendship na raw. Paano 'yan? Wala ng taga ubos ng pulutan sa inuman!"


Nang makita ako ni Isaiah ay tila ba kuminang ang mga mata niya. Lumitaw ang magkabilang dimples niya kasabay ng pangil niya dahil sa pagngiti. "Hi, friend!"


Humakbang ako palapit sa kanila at kimi siyang nginitian. "Hi..."


Sinalubong naman ako ni Isaiah. "Uuwi ka na niyan?"


Inipit ko ang aking buhok sa likod ng aking tainga nang mahinhin na sumagot, "Uhm, oo. Ikaw ba?"


"Uuwi na rin."


Si Asher ay nangunot ang noo sa amin ni Isaiah. Nawala ang kapilyuhan sa mukha, napalitan iyon ng gulat. "Pota, kayo na ulit?"


"Friends lang," sagot ni Isaiah sa kabigan habang ang mga mata niya ay nakatutok sa akin.


Napahaplos ng palad sa batok si Miko at napaungol, "Di ko na kinakaya mga trip niyo."


"Tangina nga ng mga 'yan," ani Asher na nakangiwi ang mapulang mga labi. "Dami na ngang problema sa mundo, dinadagdagan pa."


Nagpaalam na aalis na ang mga ito. Nagpaalam din pati sa akin. Naiwan kami ni Isaiah na walang maapuhap na sabihin sa isa't isa. Nakatitig lang siya sa akin at ako naman ay hindi malaman kung saan ibabaling ang paningin.


Sa kawalan ng sasabihin ay kung anu-ano na lang ang lumabas sa bibig ko, "Ah, uuwi na ako. Ano, hinihintay ko lang si Eli. Ano kasi, kasabay ko kasi si Eli."


Tumango-tango naman si Isaiah habang nakatitig pa rin sa akin.


"Ah, ayun, kasabay ko si Eli. Uuwi na ako. Ahm, hinihintay ko siya. Kasabay ko si Eli. Uuwi na ako at—"


"Hinihintay mo siya. Uuwi ka na. Kasabay mo si Eli." Inulit niya lang ang mga sinabi ko habang ngayon ay naglalaro na sa mapula niyang mga labi ang isang ngiti.


Napalabi ako at matalim na tiningnan siya. "Uh, oo. Bakit mo ba inuulit?!"


Itinukod niya ang kamay sa upuan ng kanyang motor saka tila naaaliw na ngumisi. "Dati kasi akong recorder noong past life ko."


Nang dumating na si Eli ay parang ayaw pang humakbang ng mga binti ko. Hanggang sa paglabas sa gate ay napapalingon pa ako kay Isaiah na nakahabol din naman ng tingin sa amin.


Hanggang sa pag-uwi ay hindi na naalis ang maliit na ngiti sa aking mga labi. Si Kuya Vien ay nagtataka na lang habang patingin-tingin sa akin.


10:00 PM. Kanina pa ako nasa kuwarto pero hindi ako makatulog. Madilim na rin ang buong bahay namin dahil nasa kuwarto na rin sina Mommy at Daddy, gayon na rin si Kuya Vien.


Napabalikwas ako sa kama nang makatanggap ng text mula kay Eli. Nagmamadali ako sa pag-check ng phone. Wala kaming usapan ni Eli, pero parang alam ko na agad ang mangyayari ngayong gabi, kaya hindi pa ako natutulog.


Eli:

Labas ka.


Namilog ang mga mata ko at nakaramdam ako ng matinding excitement. Hindi pa ako sigurado pero malakas ang kutob ko.


Napasilip agad ako sa bintana. Ang una kong tinanaw ay ang harapan ng gate nina Eli. Sa gilid ng street light ay nakita ko ang nakaparadang motor na Honda. Dahil doon ay halos mabingi na ako sa lakas ng kabog ng dibdib ko.


Hindi ako magkandaugaga sa pagbibihis. Hinubad ko ang partnered pajama at nagpalit ako ng t-shirt na pink, shorts na pink at nag-headband din ng pink. Nagpulbo rin ako at nagpahid ng manipis na tint sa labi.


Excited ako na nagbukas ng pinto para lang magulat sa mapagbubuksan ko. Nakatayo sa labas ng aking pinto si Kuya Vien! T-shirt at pajama ang suot niya. Kahit walang ilaw sa hallway ay nakita ko ang pagtaas sa akin ng isang kilay niya.


Anong ginagawa niya rito? Bakit wala pa siya sa kuwarto niya? At bakit hindi pa siya natutulog?! Binaha ako ng pag-aalala. Paano ako lalabas ngayon?!


Napailing si Kuya Vien sa reaksyon ko. "Sa terrace ka dumaan."


Kumiling ang aking ulo sa sinabi niya. Ha? Ano raw? Tama ba ang dinig ko?


Namulsa siya sa suot na pajama. "Mainit ang ulo ni Daddy. Nasa baba pa rin siya, nag-iinom sa sala."


"Kuya..."


Nauna siyang maglakad sa akin papunta sa terrace. Nang nandoon na siya ay nilingon niya ako. 


Paglapit ko ay natutop ko ang aking bibig dahil nandoon sa ibaba si Eli. Pero bakit hindi ito mukhang nagulat na kasama ko si Kuya Vien? At bakit parang wala lang kay Kuya Vien na nasa ibaba si Eli?


Napabalik ang paningin ko kay Kuya Vien. Nagtatanong ang mga mata ko sa dilim.


Tinawag ako ni Kuya Vien. "Halika, hahawakan kita."


Naguguluhan pa rin ako, gayunman ay kusang humakbang ang aking mga paa. Pinasampa ako ni Kuya Vien sa terrace. Pagbaba ko ay hawak niya ako sa magkabilang braso. Hindi mataas ang second floor namin pero nakakalula pa rin.


"K-kuya!" takot na sambit ko. Nang maramdaman ang pagkalula ay doon ko lang ako nahimasmasan.


Hindi niya ako pinansin. Sa halip ay tinawag niya si Eli. "Hoy Elias Angelo, kaya mo ba itong saluhin?"


Magsasalita pa lang si Eli nang mula sa madilim na gilid ng maliit na garden namin ay lumitaw ang isang matangkad na bulto. Ang maaligasgas at buong-buo na boses nito ay nagsalita sa mababang tono, "Ako ang sasalo."


Unti-unting luminaw ang anyo nito. Shirt, cargo shorts, itim na sombrelo. Nang tumingala ay ang una kong nakita ay ang matangos nitong ilong at ang labing mapupula na nasisinagan ng liwanag ng buwan. Nang magtama ang aming mga mata ay tila may dumaloy na kuryente sa aking katawan.


Hindi nagulat si Kuya Vien. Wala lang. Nakatingin lang siya sa ibaba kung nasaan naroon si Eli... at Isaiah.


Nang alalayan ako ng aking kapatid sa pagtalon ay halos hindi ko na marinig ang kahit ano sa paligid. Nabibingi ako sa kabog ng sarili kong dibdib.


"Kahit sino pa sa inyo." Patag ang seryosong boses ni Kuya Vien. "Basta ayusin niyong dalawa ang pagsalo. Dahil kapag may nabalian kahit ng buto sa daliri ang kapatid ko, pagbubuhulin ko kayo."


Impit akong napatili nang bumagsak na ako paibaba. Nakapikit ako kaya ang naramdaman ko lang ay ang pagsalo sa akin ng matitigas ng braso. Marahan kong iminulat ang aking isang mata. Ang aking nasilayan sa kakaunting liwanag mula ay ang nakangiting mukha ni Isaiah. "Bigat mo pala."


Nang ibaba niya ako ay pasimple ko siyang tinadyakan sa paa. Nakangiti pa rin naman siya.


Tumingala siya sa itaas ng terrace kung saan naroon si Kuya Vien. Sumaludo siya roon. "Good evening, kuya."


Sinimangutan lang naman siya ni Kuya Vien. "Isang oras lang, ibalik niyo agad nang buo si Vivi rito." Pagkasabi'y tumalikod na ang lalaki papasok sa bahay.


Nang kaming tatlo na lang ay nilingon ko si Eli. Nakahawak sa dibdib ito. Mukhang kinabahan sa pagbagsak ko kanina mula sa itaas. Tinapik ito ni Isaiah sa balikat. "Oy, ayos ka lang?"


Tumango-tango si Eli pero halatang hindi pa nakaka-move on. Nagulat ito dahil alam ni Kuya Vien na nasa baba sila ni Isaiah. Hindi nito inaasahan na tutulong pa sa amin ang kuya ko.


Si Isaiah ang umalalay sa akin mula sa pagsampa sa pader papunta kina Eli. Kahit nang pababa na sa kabilang bakod ay siya pa rin ang umalalay sa akin, napayuko na lang si Eli na nangalay sa paghihintay ang kamay.


Sa labas lang kami ng bahay nina Eli tumambay. Pinaglabas kami ni Eli ng dalawang monobloc na upuan. Ikinuha niya rin ng kape si Isaiah para daw gising na gising ito pag nag-drive.


Habang inihihipan ni Isaiah ang kape ay bubulong-bulong ito, "Parang gusto na akong pauwiin ni Eli, ah. Pinagkape na agad ako."


Napangiti lang naman ako. Nang silipin ko si Eli sa likod namin ay inirapan ako nito. "Hindi ako aalis dito. Ako ang mata ni Kuya Vien. Babantayan ko kayo dahil baka kung ano ang gawin niyo."


Mahinang natawa si Isaiah. "Advanced naman ng kaibigan mo. May lagi ba 'yang time machine?"


Habang nagkakape si Isaiah ay pinagmamasdan ko siya. Naka-de-quatro siya habang humihigop sa tasa. Nagkita lang kami sa school kanina pero natutuwa ako na makita siya ulit ngayon.


"Isaiah, di ba may boyfriend na si Carlyn?" mahinang tanong ko at pagkuwa'y sinilip ang reaksyon niya.


"Ow?"


"Uhm, kung may boyfriend na siya, ibig sabihin ay hindi niya tinapos ang 3-month-rule, di ba?" nananantiya na sabi ko. "Uhm, kung ganoon ay puwede pala na kahit hindi matapos ang 3-month rule..."


Napaso ang dila niya sa kape kaya napahinto siya sa paghigop sa tasa. Napatingin siya sa akin habang nakaarko ang isa sa makakapal niyang kilay. Bigla rin akong nailang sa klase ng tingin niya.


"Uhm, naisip ko lang naman, kahit naman pala hindi na tapusin ang 3-month-rule, puwede naman pala at..."


Ibinaba niya na ang tasa ng kape sa gilid. "Hoy, teka nga, wait."


"Uhm, bakit?"


Humalukipkip siya at pinakatitigan ako. "Diretsahin mo nga ako, nakikipagbalikan ka ba ngayon sa akin?"


"Ha?" Pakiramdam ko ay nangapal sa hiya ang pisngi ko.


Bahagya kong nilingon si Eli sa likod namin. Patay malisya ito sa naririnig na usapan namin ni Isaiah. Bigla na lang itong napadampot ng hose at napadilig ng halaman kahit gabing-gabi na.


"So ano?" pukaw ni Isaiah sa atensyon ko. "Ano nga? Nakikipagbalikan ka ba sa lagay na 'yan? Oo lang o hindi."


Kandalunok naman ako. Ano ba ang isasagot ko? "Uhm, kasi..."


Lalo akong ninerbiyos dahil nasa ekspresyon ni Isaiah na naiinip na siya sa sagot ko. "Ano na? Sagot na. Malapit na matapos ang oras na bigay ng kuya mo. Mayamaya, uwi na rin ako."


Nagpakawala ako ng paghinga saka nagsalita, "G-gusto mo pa rin ba ako?"


"Sa tingin mo?"


"Uhm, hindi ko alam. Pero pumupunta ka rito, nag-aaksaya ka ng panahon para lang puntahan ako, saka pag tumitingin ka sa akin sa school, parang kumikinang ang mga mata mo. Madalas din na malagkit kang tumingin sa akin..."


"O tapos di mo pa rin alam?"


"Alam ko na... Alam ko na, Isaiah." Nag-init ang gilid ng mga mata ko nang unti-unti ay gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. "Isaiah, puwede pa ba tayong magkabalikang dalawa kahit hindi pa tapos ang 3-month-rule?"


Napatitig siya nang matagal sa akin bago pilyong napangisi sa huli. "Sige, kahit wag ka ng manligaw. Sinasagot na kita. Vi, tayo na uli."


Sa tuwa ay hindi ko na napigilan ang sarili, natalon ko siya ng yakap na dahilan para mawarak ang monobloc chair na kinauupuan niya. Subsob kaming dalawa sa lupa.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro