Chapter 18
TRIGGER WARNING: This chapter contains strong implications for the following: anger, abuse, and domestic violence, which may trigger memories and emotions from traumatic events.
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
SABADO. Alas sinco nang hapon. Umuwi si Daddy mula sa binyagan ng anak ng isa nitong kaibigan. Sa may kanto lang iyon ng street namin. Lasing na lasing ito at nagsisisigaw pagkapasok na pagpapasok pa lang sa pintuan.
"Putangina, pinagtatawanan ako ng mga kapitbahay! Panay pagmamalaki ako sa kanila noon na matino ang mga anak ko, pero hindi naman pala totoo!"
Hinagilap agad ako ni Mommy sa kusina kung saan ako naghuhugas ng plato. "Umakyat ka muna sa kuwarto mo!" utos niya sa akin.
Galit na sumunod si Daddy kay Mommy. "Hoy, Veronica! Bakit mo paaalisin 'yang malanding anak mo? Dapat nga andito 'yan para maturuan ko ng leksyon! Ipinahiya ako niyan sa mga tao!"
Napatili si Mommy nang bigla siyang daklutin sa ulo ni Daddy. Parang bola ang ulo niya na iwinasiwas ng lalaki.
Sumubok akong pumagitna sa kanila pero hinablot ni Daddy ang braso ko at mariing pinisil. Gayunpaman, hindi pa rin ako bumitiw hangga't hindi niya binibitiwan si Mommy.
Humahangos na napababa naman sa hagdan mula sa second floor ng bahay namin si Kuya Vien. Kahit mukhang kagigising lang ay nakiawat din ito.
"Isa ka pa!" Sinuntok ni Daddy si Kuya Vien dahilan para pumutok ang gilid ng labi nito. "Pinagkakaisahan niyo ako! Kayo pa na pamilya ko ang nagkakaisa laban sa akin! Mga wala kayong utang na loob sa nagpapalamon sa inyo!"
Pagkuwa'y binalikan ni Daddy si Mommy at pilit kinakaladkad sa buhok. Kahit naman duguan ang bibig ay umawat pa rin si Kuya Vien. Niyakap nito sa bewang si Daddy. Ako ay tigagal na nakatingin lang sa kanila.
Normal. Hindi lang iisang beses nangyayari ang ganitong tagpo kapag may problema kami sa pera, sa pamilya o mas malala kapag nakainom si Daddy. Normal na ito at hindi na bago pero parang sasabog pa rin ang ulo ko.
"Ano, magkakampihan kayo laban sa akin?! Sino ba nagpapalamon sa inyo?!" sigaw ni Daddy.
Nilingon ako ni Kuya Vien. "Vi, umalis ka muna! Bilisan mo!"
Napahikbi ako at umiling. Hindi ako aalis. Ayaw kong iwan sila. Kung masasaktan sila ni Daddy, dapat lang na masaktan din ako. Sama-sama kami.
Kumawala si Daddy at sinuntok niya ulit si Kuya Vien. "Tarantado ka talaga, Vien! Pinangungunahan mo na ako, ha?! Ano, kaya mo na?! Anong feeling mo? Ikaw na ang haligi ng pamilyang ito?!"
"Robert!" Humahagulhol si Mommy na pumagitna. "Wag mong saktan si Vien! Utang na loob, wag mong saktan ang anak natin!"
"Kung ayaw niyong masaktan, wag niyo akong pangungunahan!" sigaw ni Daddy. "Ako ang padre de pamilia sa pamamahay na ito! Ako ang masusunod! Ako ang didisiplina sa mga 'yan, lalo na kay Vivi! Huhubaran ko 'yang malanding 'yan sa kalsada para magtanda!"
"Robert, utang na loob naman! Wag mo namang ipahiya ang anak natin. Dalaga iyan!" hagulhok ni Mommy na halos yumakap sa binti ni Daddy. "Anak natin 'yan. Maghunus dili ka, Robert!"
Si Kuya Vien ay yumakap ulit kay Daddy. Kahit duguan ang bibig niya at ilong ay balewala sa kanya. Pinipigilan nila ni Mommy si Daddy na makalapit sa akin. "Vi, umalis ka muna, habang lasing pa si Daddy!" sigaw na pakiusap niya sa akin. "Please, Vi!"
Napatitig ako sa duguang bibig niya. "K-kuya..."
"Vivi," umiiyak na tawag ni Mommy sa akin. "Hindi titigil ang daddy mo hangga't nakikita ka! Umalis ka na muna, please, anak! Kami na muna ang bahala rito!"
Sinuntok ulit ni Daddy si Kuya Vien. Sa balikat siya tinamaan. Napasigaw na si Kuya Vien sa akin, "Vivi, please! Bilisan mo, umalis ka na!"
Napatakbo ako sa labas. Sa pagmamadali at pagkalito sa sari-saring nararamdaman ay hindi man lang ako nakahanap ng tsinelas. Nanginginig ako nang makarating sa bakuran namin.
"Vivi!" sigaw mula sa katabing bahay. Naroon si Eli naka-shorts lang at walang pang-itaas. Mukhang nang makarinig ng kaguluhan dito ay napalabas na lang din siya agad.
Napatakip ako ng tainga nang marinig ang pagwawala na naman ni Daddy. Tinatawag ako nito habang galit na galit. Hindi na ako nakapag-isip pa dahil sa takot, napatakbo ako papunta kay Eli.
Tinulungan ako ni Eli na sumampa sa bakod para makatawid sa kanila.
Napalabas na rin sa bahay nila ang mama niya na si Tita Hannah. "Anong nangyayari? Nagwawala na namana ng daddy mo?!" Namumutla ito dahil nerbiyosa at mahina ang puso.
Inalo naman agad ni Eli ang ina. Pero kahit anong pagpapakalma kay Tita Hannah ay nag-pa-panic pa rin ito. Hindi malaman ang gagawin kung tatawag ng barangay o ano. Kilala na kasi si Daddy sa barangay na mainitin ang ulo. Kinakaya-kaya na lang nito ang mga tanod.
"Tita Hannah, aalis din po ako." Ang totoo ay hindi ko alam kung saan ako pupunta. Pero kung mananatili ako rito ay tiyak na mapupuntahan agad ako ni Daddy. Ayaw ko na madamay pa sila sa gulo, lalo't mahina ang puso ni tita Hannah.
Hindi magkandaugaga si Tita Hannah. "Nakayapak ka. Tsinelas! Kuwan, magtsinelas ka!" Hinarap nito si Eli. "Anak, tsinelas! Kuhaan mo ng tsinelas si Vivi! Iyong tsinelas ko! Kahit ano! Bilis, kahit ano!"
Nagmamadali naman si Eli na umakyat sa second floor ng bahay nila. Pagbaba ay nakasuot na rin siya ng t-shirt. Inilapag niya sa paahan ko ang pares ng tsinelas na pambahay. Iyon ang ibinigay niya sa akin.
"Ma, sandali lang kami!" Hinila na ako ni Eli palabas ng gate nila. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin.
Si Tita Hannah ay namumutla pa rin at hindi malaman ang gagawin. Gustong pigilan si Eli pero gusto rin kaming paalisin.
"Eli, wag mong iwan ang mama mo. Baka anong mangyari doon."
Napahagod ng batok si Eli. Hindi na rin malaman ang uunahin. Gusto niya akong ilayo pero nakikita ko sa kanya na nag-aalala siya sa mama niya.
"Eli, okay lang ako. Babalik na lang ako kapag okay na si Daddy."
Matagal na nakatitig lang si Eli sa akin bago napabuga ng hangin. May dinukot siyang purse sa bulsa ng suot niyang shorts. Inabot niya iyon sa akin. "May pera 'yan. Nasa two-hundred-fifty pa yata."
Pati cellphone niya ay inabot niya sa akin.
"Dalhin mo ito. Lo-load-an kita. May number 'yan ni Mama, doon mo ako i-text. Basta mag-text ka. Iti-text din kita!"
"Eli..." Napahikbi ako. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala naman akong ibang kaibigan maliban sa kanya.
"Sige na, umalis ka na muna, Vi. Lumayo ka muna." Pumara siya ng tricycle na dumaan at pinasakay ako roon.
Napaiyak na ako nang makasakay sa loob. Wala akong naiisip na pupuntahan. "S-saan ako pupunta, Eli?"
Nakita ko ang paguhit ng paghihirap sa mga mata ni Eli bago niya ako hirap na sinagot, "...Kay Isaiah."
Napatigagal ako sa sinabi niya. Napaawang ang mga labi ko.
"Vi, kina Isaiah ka pupunta." Pagkuwa'y hinarap niya ang driver. "Manong, special sa Pasong Kawayan Dos. Pakibilisan."
Nag-panic ako nang i-start na ng driver ang motor ng tricycle.
Malungkot na tumingin siya sa akin. "Basta ligtas ka, Vi. Basta ligtas ka, ayos lang sa akin. Pero hahanapin kita mamaya. Hindi puwedeng hindi ka uuwi rito."
"Eli!" sigaw ko nang umandar na ang tricycle. Malungkot na nakatanaw lang siya sa akin hanggang sa makalayo na ako.
Nakarating ako ng Brgy. Pasong Kawayan Dos na nakapambahay lang. Baby tee at pedal shorts habang sa paahan ko ay malaking house slippers ng mama ni Eli.
Para akong nananaginip pagbaba sa tricycle. Tigagal pa rin ako nang magsimulang maglakad. Bakit dito? Bakit hindi ako pumara sa tricycle kanina? Bakit hinayaan ko na makarating ako rito?
Ang mga paa ako ay parang may sariling isip na naglakad patungo sa maroon na gate ng compound ng mga del Valle. Nakabukas iyon kaya natanaw ko agad ang loob. Sabay na naramdaman ko ang matinding pagkasabik at lungkot.
Nasa kanila ba ngayon si Isaiah? Ano ang magiging reaksyon niya kapag nakita niya ako? Magugulat ba siya? Maiinis? Magagalit o matatawa dahil ang kapal ng mukha ko na magpunta rito?
Alam ko na hindi tama na puntahan ko si Isaiah. Wala na kami at may bagong girlfriend na siya, kaya lang nananaig ang kagustuhan ko na makita siya. Hindi naman ako manggugulo. Ni wala akong balak magpakita sa kanya. Ang gusto ko lang ay makita sana siya.
Kahit masulyapan ko lang siya, sapat na. Kahit isang segundo lang, at pagkatapos ay aalis din agad ako.
Ang bigat-bigat kasi ng loob ko ngayon at pakiramdam ko, kapag nakita ko siya ay kahit paano ay gagaan na iyon. Basta kapag nakita ko siya, aalis na rin ako.
Natagpuan ko ang sarili na nakapasok na sa compound. Pinagsawa ko ang aking mga mata sa paligid dahil baka iyon na ang huling beses na makakatapak ako roon. Sa huli ay nagpasya ako na umalis na lang pala. Hindi ko pala kayang makita si Isaiah.
Natatakot pala ako na makaharap siya. Baka kasi pag nakita ko siya ay hindi ko mapigilan ang aking sarili. Baka humulagpos ang damdamin ko. Baka mapaiyak ako sa harapan niya.
Dahil ganoon ng epekto sa akin ni Isaiah. May ganoong kapangyarihan siya sa akin, na sa isang tingin lang ng kanyang magagandang mga mata ay napapalabas niya na ang lahat ng itinatago ko.
Patalikod na ako nang tawagin ako ng ginang na lumabas mula sa bahay nina Isaiah. "Sino hanap mo, 'neng? Anak ni Anya?"
Hindi natuloy ang paglabas ko ng gate dahil nilapitan na ako nito. Nahihiyang binati ko ito. "G-good afternoon po. Aalis na rin po ak—"
Mula sa kabilang bahay ay lumabas si Arkanghel. May bitbit itong Piattos. "Ma, penge pang-load!"
Naalis sa akin ang atensyon ng ginang at nalipat sa anak. "Magtigil ka, sinimot mo na nga barya ko sa wallet! Pambiling ulam pa naman iyon hanggang Lunes!"
"Babalik ko rin naman pag nag-carwash kami bukas ni Isaiah. Sige na, fifty lang. Bibili rin ako ng meryenda e."
Marami pang sinabi ang mama ni Arkanghel pero sa huli ay nagbigay rin naman. Isang daan na buo ang inabot sa kanya. "Ibalik mo ang sukli kundi ipapalunok ko 'yang cellphone mo sa 'yo!"
Nang matanggap ang pera ay saka ako tiningnan ni Arkanghel. "Hanap mo si Isaiah? Nasa loob iyon. Pasok ka na lang." Hindi pa nakuntento, sumilip pa siya sa screen door nina Isaiah at sumigaw. "Tita Anya, may bisita si Isaiah!"
Napapikit na lang ako nang marinig ang boses ng mama ni Isaiah. "Vivi, ikaw ba 'yan? Nandito si Isaiah, naliligo!"
Napilitan na akong pumasok para magbigay galang sa ginang. "Good afternoon po." Sa kawalan ng sasabihin ay nagdahilan na lang ako. "May sasabihin lang po ako kay Isaiah, pero hindi naman po importante kaya aalis na lang po ako—"
Hindi ako nito pinatapos sa pagsasalita. Ang balak ko ay aalis na rin nang paupuin ako nito sa sofa.
Tinungo nito ang kusina kung saan naroon ang banyo. Kinalabog nito ang pinto. "Isaiah, bilisan mo! Nandito si Vivi! May sasabihin daw sa 'yong hindi importante!"
Binalikan ako nito. Hindi na talaga ako nakaalis dahil niratrat na ako nito ng tanong.
"O break na kayo, di ba? Noong nakaraan ay may dala iyon ditong bagong girlfriend e. Kayo na ba ulit? Aba, alam na ba 'yan ng daddy mo? Baka naman sumugod na naman iyon dito, ha?"
May tumawag sa phone ng ginang kaya doon lang ito umalis.
"Sandali lang, Vivi! Diyan ka lang, palabas na iyon si Isaiah. Thirty minutes na iyong nagsasayang ng tubig sa banyo."
Sinagot na nito ang tawag.
"Oh, hello, mare? Oo, andito ngayon sa Pinas ang asawa ko, pero walang ganap. Ewan ko ba roon, palaging nanghihina. Matotodas na yata. Gusto ko pa naman na sanang sundan si Isaiah. Gusto ko ng babaeng anak, ayaw ko na sa barako! Ang lakas na ngang kumain, dala-dalawa pa girlfriend!"
Hindi na ako mapakali. Hindi ko alam ang sasabihin kay Isaiah kapag nagkaharap kami. Anong sasabihin ko? Paano ko ipapaliwanag kung bakit bigla akong pumunta rito?
Nag-beep ang cellphone ni Eli sa bulsa ko. Tiningnan ko iyon. May pumasok na load. Regular 200. Pina-load-an na ni Eli, kaya lang ay nasa 1% na lang ang battery. Road to dead bat na.
Sa pagmamadali ni Eli kanina ay hindi niya napansin na lowbat na ang phone na bigay niya sa akin. Palagi na lang siyang lowbat. Ugali niya na talaga ang makalimot mag-charge. Hindi naman kasi siya pala-cellphone na tao.
Nang umakyat na sa itaas ng bahay ang mama ni Isaiah ay nagpasya ako na pumuslit na paalis.
Tama, aalis na lang ako habang hindi pa ako nakikita ni Isaiah. Patayo na ako mula sa sofa nang may dumating. Mula sa screendoor ay sumilip doon ang isang babae. Napasinghap ako nang makilala si Carlyn.
Nangunot ang noo ni Carlyn nang makita akong naririto. Bago pa ako makapagsalita ay nagmamadali na itong tumalikod paalis.
Hindi ko malaman ang gagawin. Nag-panic ako dahil alam ko na iba ang nasa isip niya. Susundan ko sana siya para magpaliwanag nang bigla namang natapos ng maligo si Isaiah. Mula sa banyo nila sa kusina ay lumabas ang lalaki. "Ma, pengeng bente!"
T-shirt na kulay white ang suot niya at jogging pants na itim. May hawak siyang kulay puti na tuwalya na ikinukuskos niya sa basang buhok niya. Nahinto siya sa pagkuskos ng buhok nang makita akong nasa sala nila.
"Good afternoon, Isaiah..."
Literal ang gulat sa mukha niya. Mukhang hindi niya pinaniwalaan ang sabi ng mama niya kanina na naririto ako. Akala niya siguro ay niloloko lang siya para bilisan niya sa banyo. Nakatitig lang siya sa akin na para bang isa akong multo.
Bumuka ang mapulang mga labi ni Isaiah para magsalita nang mapatingin siya sa labas ng screen door. Natigilan siya nang matanaw na paalis si Carlyn.
Nang magbalik siya ng tingin sa akin ay maliit akong ngumiti sa kanya. "Sundan mo siya."
Umalon ang lalamunan niya. Kitang-kita ang pagguhit ng pagkalito sa mga mata niya. Sa huli ay lumabas siya ng pinto. Sinundan niya sa labas si Carlyn.
Nakagat ko ang aking ibabang labi habang nakasunod ng tingin sa kanila. Naabutan ni Isaiah si Carlyn sa tapat ng bahay nina Arkanghel. Kahit hindi ko sila naririnig mula rito sa loob ay hindi maipagkakaila na may tensyon na namamagitan sa kanila ngayon.
Seryoso ang mukha ni Carlyn at may sinabi siya kay Isaiah. Hindi sila dapat magtalo dahil lang sa padalos-dalos kong desisyon. Lumabas na rin ako. Magpapaliwanag ako at pagkatapos ay aalis na agad.
Sa gitna ng tensyon ay nabuwiset si Isaiah dahil ayaw umalis ng pinsan niya na si Arkanghel. Nakatayo ito roon habang kumakain ng Piattos. Sinita niya ito. "Tangina, 'insan naman!"
Nagkibit balikat lang naman si Arkanghel. "Tuloy niyo na lang wala naman akong pakialam sa inyo." Pagkatapos ay sumubo na ulit ng Piattos.
Nagpapadyak si Isaiah. Natigilan lang siya dahil nakita niyang palapit ako.
Kay Carlyn ako humarap. "Sorry," mahinang sabi ko. "W-walang kasalanan si Isaiah. Ako ang basta na lang pumunta rito na walang pasabi..."
Tumaas ang isang kilay ni Carlyn habang nakatingin sa akin. Si Isaiah ay napahaplos ng palad sa leeg. Si Arkanghel naman ay patuloy lang sa pagsubo at pagnguya ng Piattos sa tabi habang nakatingin sa aming tatlo.
Yumuko ako. "Aalis na ako. Sorry ulit. Hindi na mauulit..."
Nanunuot sa buto ko ang hiya dahil sa pagpunta rito. Lumabas na ako sa gate ng compound. Mabibilis ang mga lakad ko paalis sa street nina Isaiah. Gusto ko nang makalayo.
Gusto ko nang makaalis sa lugar na ito dahil hindi naman ako dapat nandirito. Makakagulo lang ako rito. Pero saan ba ako pupunta? Hindi pa ako puwedeng umuwi.
Hindi pa ako puwedeng umuwi hangga't hindi pa kalmado si Daddy.
Nang makarating sa kanto ay tumigil muna ako. Tiningnan ko ang phone na bigay ni Eli. Dead bat na. Malamang na ngayon ay nag-aalala na sa akin si Eli dahil hindi niya ako matawagan.
Patingin-tingin ako sa mga nagdaraang jeep. Walang dumaraan na papuntang Buenavista. Lahat ay puro pa-Malabon. Ang mga tricycle naman ay may mga pasahero.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Saan nga ba ako pupunta? Wala naman akong ibang kaibigan maliban kay Eli. Wala akong ibang kakilala na puwedeng takbuhan.
Wala rin akong lugar na alam na puwedeng puntahan. Hindi naman ako palalabas ng bahay at hindi ko pa nagawang tumambay nang mag-isa kahit saan. Bigla kong naisip ang plaza ng Malabon. Puwede kaya ako roon?
Nang isang beses na pumunta ako sa plaza ay noong battle of the bands nina Isaiah. Hindi ko yata kayang pumunta roon nang mag-isa. Tumingala ako sa kalangitan. Papadilim na. Lalo akong nagdalawang isip na pumunta sa plaza.
May mga nadaanan akong tatlong lalaki na nakatambay sa may tindahan. Mga maeedad na. Mga naninigarilyo. Ang isa ay kinawayan ako. "Bakit ka malungkot, ganda?"
Tumingin na rin ang mga kakuwentuhan nito. Mga nakangiti na tinukso ang bumati sa akin. "Miss, saan ka nakatira?"
Binilisan ko ang mga lakad ko. Siguro OA lang ako para makaramdam ng pagkailang at takot sa mga ito. Siguro din praning lang ako. Pero ayaw ko talaga ng ganoon.
Sanay ako sa atensyon ng lalaki, kaya kong tiisin ang mga papuri at pagpapapansin sa akin, hindi nga lang sa ganitong sitwasyon, hindi sa ganitong oras at sa lugar na hindi ko kabisado.
Madilim na ang langit. Dumadami na ang tambay sa labas. Naiiyak na ako habang naglalakad. Malapit na ako sa mga palayan kung saan mas madilim ang kalsada dahil iilan na lang ang mga kabahayan.
Hindi ako makapagdesisyon kung saan pupunta. Wala nang dumaraan na jeep at natatakot ako na pumara ng tricycle para sumakay roon mag-isa. Kung anu-ano ang naiisip kong masasamang senaryo.
Patuloy pa rin ako sa paglalakad kahit natatakot. Sa isip ko ay humihiling ako na sana ay puntahan ako ni Eli o kaya sana nakatulog na sa kalasingan si Daddy para makaalis si Kuya Vien sa amin. Sana may pumunta rito sa akin. Sana may—
Nahinto ako sa pag-iisip nang makarinig ng pagbusina ng paparating na motor mula sa aking likuran. Gulat akong napalingon doon.
Ang luha sa mga mata ko ay bumigat nang aking mapagsino ang lalaking nasa motor. Anong ginagawa niya rito? Bakit nandito siya? Bakit nandito si Isaiah?!
Seryoso ang guwapong mukha niya habang nakatingin sa akin. "Sakay."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro