Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13

PUWEDE BA KITANG HALIKAN?


Nawindang yata ang buong pagkatao ko sa tanong ni Isaiah. Mainit ang aking pisngi habang namimilog ang mga mata ko na nakatingin sa kanya. Ang pagkabigla ko kagyat na nahalinhinan ng antisipasyon.


"Ayaw mo ba?" Nanigas ang katawan ko nang maramdaman ang magaang pagyakap ng mga braso niya sa aking bewang. "Sige, yakap na lang."


"N-niyayakap mo na ako..." Nasa ilalim ako ngayon ng mabangong leeg niya. Nakaharap ako sa nakabukol niyang Adam's apple at tumatama ang mainit niyang paghinga sa aking bandang noo. 


Mahina natawa si Isaiah. Iyong tawang malambing kahit lasing. Palagi naman siyang malambing, palaging mahinahon. Parang hindi siya magagalit kahit kailan, parang hindi gagawa ng kahit anong puwedeng makasakit sa akin.


"Vi, may sasabihin ako," halos paungol na sabi niya habang yakap-yakap ako. "Iyong babae kanina."


"Ha?" Tiningala ko siya para makita ang kanyang mukha. Nakapikit na ang kanyang mga mata.


"Vi, iyong babae na naabutan mo pagdating mo kanina. Hindi ko iyon kilala."


Hindi ko naman binanggit, ah? Bakit bigla niyang naisipang banggitin ngayon?


Yumuko siya at sumandig sa balikat ko. "Hindi ko iyon kilala, maniwala ka. Tropa yata ng kapatid ni Asher na pangalawa. Nagulat ako kasi nakipagkilala lang sa akin nang una, 'tapos tinabihan ako sa upuan bigla..."


"B-baka crush ka..."


Lumabi si Isaiah at nakapikit na tumango sa balikat ko. "Hinihingi nga number ko saka Facebook.'Sabi ko, may GF na ako. 'Sabi niya, okay lang daw. 'Sabi ko naman, hindi okay sa akin. Syempre, may GF ako kaya di okay. GF kita kita e, tanga ba siya?."


Maliit akong napangiti. May mga simpleng bagay talaga siya na ginagawa at sinasabi minsan na nagpapalobo sa puso ko.


Idinilat niya ang isang mata para tingnan ako. "Vi, nagselos ka ba kanina?"


Hinaplos ko ang buhok niya dahilan para mahinang mapaungol siya. 


Sumiksik na naman siya sa akin. "Puwede kang magselos kahit kailan mo gusto. Okay lang iyon dahil sa 'yo naman ako."


Mayamaya lang ay malalim na ang kanyang paghinga. Sa kalasingan ay nakatulog na siya. Marahan ko siyang itinulak pahiga sa kama. Dahil nakayakap siya sa akin ay nadala niya ako at napunta ako sa ibabaw niya.


Napasinghap ako sa posisyon namin. Nakapatong ako sa kanya. Mas nararamdaman ko ngayon ang init ng katawan niya. Nasasamyo ko ang naghahalong amoy ng alak, ang preskong sabon na gamit niya at ang banayad na men's cologne.


Sinubukan kong bumangon pero pumigil sa akin ang matigas na mga braso ni Isaiah na nakayakap sa bewang ko. "Dito ka lang muna..."


Napatingin ako sa kanya. Ang inaantok niyang mga mata ay nakadilat. Gising pa pala siya o nagising lang dahil nagbalak akong umalis sa pagkakayakap niya.


"Dito ka lang, Vi. Saglit lang. Wala naman akong gagawin sa 'yo. Yayakapin lang kita." May hinarang siyang unan sa pagitan ng ibabang bahagi ng mga katawan namin.


Tumango ako. "S-sige, hindi ako aalis."


Ngumiti siya sa sagot ko at muling pumikit na. Sandali lang ay payapa na ulit ang kanyang paghinga. Hinayaan ko na magpahinga muna siya tutal naman ay umuulan pa. Gabing-gabi na rin para umuwi. Inaantok na rin ako kaya isinandig ko na lang ulit ang aking pisngi sa balikat niya.


Ngayon ang unang beses na matutulog ako na may katabing ibang tao. Maliban sa kuya ko ay wala naman na akong ibang nakatabi sa pagtulog. Ngayon din ang unang beses na may kayakap ako. Dapat ay hindi ako komportable, pero kabaliktaran ang nararamdaman ko, dahil ngayon lang yata ako nakatulog nang may ngiti sa mga labi.


Alarm ng phone ni Isaiah ang gumising sa akin. Tulog na tulog pa siya kaya ako na ang humanap kung nasaan ang phone niya. Kinapkapan ko siya at nakapa ko ang phone sa kaliwang bulsa ng suot niyang jersey shorts.


Ang alarm niya ay: 3:40 AM – Patayan ng WiFi si Arkanghel.


Si Arkanghel na pinsan niya at kapitbahay sa iisang compound. 


May pangalawa pang alarm ng 7:00 AM – Pakainin ang  mga aso at linisin ang kulungan 


Narinig niya nang nakaraan na kumahol sa gate namin ang aspin naming si General, kaya nabanggit niyang may aso rin sila. Marami silang alagang aso at pati pusa sa kanila. 


Pangatlong alarm ay 10:00 AM – Singilin si Mama sa utang na 50. Tubo 20.


Napangiti ako. Hindi ko na napansin na nalibang na ako kakabasa sa mga alarm at notes ni Isaiah sa phone niya.


1:00 PM – Remind Mama sunduin si Papa sa airport mamayang 5.


2:00 PM – Bahay general cleaning


8:00 PM – Brawl


Hindi ko na naintindihan ang huli, siguro may kinalaman sa games. Pag-back ko ay may pumasok na isang text message. Dahil kakaiba at hindi pamilyar ang themes ng phone ay na-tap ko tuloy ang message at nabuksan. Galing sa contact na naka-save sa pangalang: MADAM ANYA MABANGIS


Madam Anya Mabangis:

Nasaan ka na namang lintek ka?!


Nahulaan ko na agad na ito ang mama ni Isaiah. May photo ID kasi ang text message. Ang photo ay stolen shot ng nakasimangot na babae. Kamukha niya, maganda, nasa around 40s at matapang ang aura.


Dahil naka-open na ang message ay nahagip na rin ng mga mata ko ang last convo nila kahapon. Ayaw ko sanang basahin pero nakita ko na.


Madam Anya Mabangis (7:00 PM) :

Hoy, wala ka kina Arkanghel! Saang lupalop ka na naman nagpunta? Nagsaing ka nga, hilaw naman! Umuwi ka at ipapakain ko sa 'yo sinaing mo kasama kaldero!


Ang reply ni Isaiah:

Ma, hindi ako nagsaing niyan! Si Arkanghel yan! Binayaran ko siya bente, sabi ko ipagsaing tayo sa bahay. Pota yan ah, di inayos! Papatayan ko yan ng WiFi mamaya! Ipaghihiganti ko kanin natin!


Napahagikhik ako. Nakikita ko na ang panggagalaiti ng mama ni Isaiah sa kanya. May pahabol na text pa siya bandang 8:00 PM kagabi:

I love you, Ma! See you bukas. Uwian kita pandesal.


Madam Anya Mabangis:

Love u 2. Sapok bukas almusal mo.


Natuwa na rin naman ang mama niya sa huli dahil nag-car wash si Isaiah ng van nila. Hindi siya nagpabayad dahil para daw iyon sa papa niya na pauwi na  ngayong araw.


Hindi pa rin mapalis ang ngiti ko nang ibaba ang phone ni Isaiah. Nang lumitaw ang wallpaper niya ay nakita ko ang black background kung saan may graffiti na ginawa lang gamit ang photo editor. Ang nakasulat ay dalawang letter: V. I.


Tiningnan ko si Isaiah. Nakapatong ang isang bisig niya sa kanyang noo habang payapang natutulog. Ang mahahaba niyang pilikmata ay walang kagalaw-galaw, ang dulo ng matangos niyang ilong ay bahagyang namumula, katulad ng pamumula ng magkabilang makikinis niyang pisngi.


Tumayo ako at sumilip sa kurtina na nakatakip sa sliding window ng kuwarto. Madilim pa sa labas pero wala nang ulan. Humupa na. Ang oras ngayon ay 4:00 AM—Madaling araw. Tahimik na rin sa ibaba ng bahay. Nakauwi na siguro ang mga nag-iinuman kagabi o baka mga tulog na.


Naalimpungatan si Isaiah sa kama. Bumangon siya ay nagkusot ng mata. "Vi, anong oras na?" paos ang boses na tanong niya.


"4." Nilapitan ko siya at naupo ako sa gilid ng kama. "Nag-alarm ang phone mo."


Pupungas-pungas na kinapa niya ang kanyang shorts para hanapin yata ang phone. Inabot ko na sa kanya ang phone na kinuha ko kanina. Pagkatanggap niya niyon ay tiningnan niya agad. "Ay, pota! Nag-text si Mama!" Sa isang iglap ay nawala ang antok niya.


"Sorry, nabuksan ko iyong text. Pinatay ko rin pala iyong alarm mo kasi tulog na tulog ka pa."


"Okay lang." Napangiwi siya. "Nabasa mo ba?"


Tumango ako habang nangingiti. Napahilamos naman siya ng kanyang palad sa mukha. Nahihiya.


"Uwi na tayo?" yaya ko sa kanya. "Ibibili mo pa ng pandesal mama mo."


Napaungol siya at muling napatakip ng palad sa mukha. "Ugh!"


Lalo akong napangiti. Ang tangkad na lalaki, binatang-binata pero parang kuting na nahihiya. Ang cute-cute niya sa paningin ko.


Sabay na kaming bumaba sa sala. Iilan na lang ang tao roon, mga tulog na karamihan. May nakabalandra sa sofa, meron ding nakayukyok sa sahig. Sinamahan ko muna si Isaiah sa kusina dahil nauuhaw siya. Pinainom niya rin ako roon ng tubig.


Nasa kusina ang kaibigan niyang si Miko. Nakasandal sa may countertop habang seryosong nag-se-cellphone. Mukhang hindi na lasing. Nang makita kami ay kaswal kaming tinanguan lang. Mukhang busy sa kung sino mang ka-text o ka-chat sa phone.


Nagpaalam na magbabanyo saglit si Isaiah. Naiwan ako na kasama si Miko. Sandali lang ay dumating si Asher. Galing ito sa itaas ng bahay. Naka-pajama nang pantulog. Base sa magulong buhok ay mukhang kababangon lang. May bakat pa ng kama ang kaliwang pisngi. Dere-deretso ito sa harap ng ref para kumuha ng tubig.


Nagsalin ng tubig si Asher at nang matapos laklakin ang laman ng baso ay tiningnan ako. "Si Isaiah?"


"Nasa banyo," kiming sagot ko. Nakakailang kasi sila kapag seryoso.


Paglabas ni Isaiah sa banyo ay basa na ang buhok niya. Mukhang para magising ay naghilamos siya at nagwisik ng tubig sa ulo.


"Uwi na kayo?" tanong ni Asher sa kanya.


"Hatid ko na sa kanila," kaswal na sagot niya.


"Ge, ingat kayo." Iyon lang ay naghihikab na bumalik na ulit sa itaas ng bahay si Asher.


Tumango lang ulit si Miko sa amin. Seryoso. Kaswal. Malamig. Si Isaiah naman ay niyaya na akong umalis nang di man lang nagpapaalam kay Miko. Ganito ba sila kapag madaling araw? Walang kulit at ang titipid? Sabagay, mga lalaki sila. Alangan namang magyakapan at mag-beso-beso sila bilang pamamaalam sa isa't isa.


May tricycle na sa madaling araw kaya nakasakay na agad kami ni Isaiah. Sa loob kaming dalawa. Nagpa-special siya para wala kaming kasabay sa tricycle. Mukhang antok pa siya dahil sumandig siya sa balikat ko. Nakapikit siya habang nilalaro ang ng kamay niya ang mga daliri ko.


Nang nasa amin na ay siya ang nagbayad sa tricycle. Buong isang daang piso. Akma siyang bababa rin nang pigilan ko. Nakikita ko na may hangover pa siya at inaantok kaya hindi ko na siya pinababa. Pinaderetso ko na ang tricycle sa kanila sa Brgy. Pasong Kawayan Dos.


"Okay na ako rito. Umuwi ka na. Ibibili mo pa ng pandesal na almusal ang mama mo, di ba?" Ayaw pa niya na di siya bababa. Napilit ko lang talaga siya nang pumayag ako na pumasok muna sa gate ng bahay bago umandar ang sinasakyan niyang tricycle.


Nakasilip ako sa gate. Umalis lang ako sa pagkakasilip nang matanaw na nakalayo na ang tricycle na sinasakyan ni Isaiah. Tumingin ako sa kalangitan. Unti-unti nang lumiliwanag ang paligid dahil malapit nang mag5:00 AM. May ngiti na humakbang na ako palayo sa gate.


Naglalakad ako papunta sa bahay namin nang maramdaman ko na parang may nakatingin sa akin. Napalingon ako sa kabilang bakod kung saan naroon ang bahay nina Eli. Masyado pang maaga at sarado pa ang mga bintana sa itaas ng bahay nila kaya hindi ko na pinagtuunan ng pansin pa.



PAGPASOK sa school ay wala akong kasabay dahil wala si Kuya Vien. Si Eli naman ay nagmamadali na umalis. Papalabas pa lang ako ng gate ay pasakay na siya ng jeep. Hindi ko na rin siya natawag dahil nasa kabilang kalsada siya at baka hindi na rin niya ako marinig. Umasa lang ako na mapapalingon siya sa akin pero hindi naman siya napalingon o kahit napasulyap man lang.


Mag-isa akong pumasok sa school pero pagbababa ko ng jeep ay natanaw ko na agad na may naghihintay sa akin sa kanto—si Isaiah. Pagkakita niya sa akin ay tumawid agad siya para salubungin ako.


Complete uniform siya maliban sa suot niyang sapatos na hindi black shoes kundi white sneakers. Mabangong-mabango siya, naghahalo ang amoy ng mabango at preskong sabong pampaligo at ang men's cologne. Maganda ang ngiti ng mapula niyang mga labi at nakalitaw ang maputi niyang ngipin kahit may sungki. May pangil sa kaliwa pero cute iyon. May dimple ang kanyang pisngi.


Kinuha niya ang shoulder bag ko at binitbit sa balikat niya. Wala siyang pakialam kahit kulay pink ang bag ko ngayon at may palawit pang teddy bear sa zipper. Hindi rin naman kabawasan sa kanya, lalaking-lalaki pa rin siya. Maangas pa rin bagaman sa paraang hindi naman malala.


"Okay ka na ba?" tanong ko dahil baka may hangover pa siya.


"Tutulog ako sa room mamaya." Nang kumunot ang noo ko ay dinugtungan niya agad ang sinabi niya, "Tutulog ako pag walang teacher."


Magka-holding hands kami na tumawid. Nahihiya pa rin ako pero mas nananaig ang saya ko. Nang magtama ang mga mata namin ay nginitian ko si Isaiah. Napaubo naman siya at agad na nagbawi ng tingin. Parang saglit na nawalan ng angas. Lalo akong napangiti.


Napapadalas na talaga ang aking pagngiti na kahit ako ay nahihiwagaan sa sarili. 


Ang sigurado ko lang ngayon ay talagang masaya ako. Hindi lang dahil sa nararamdaman kong kalayaan at bagong mga emosyon dahil kay Isaiah, kundi dahil din sa gusto ko ang init na nagmumula sa kanyang palad sa tuwing hahawakan niya ang aking kamay.


Pagdaan namin sa gate ay nakasabay pa namin si Eli. Babatiin ko sana ang lalaki pero parang hindi ako nito nakita. Nauna na ito na maglakad papasok sa gate.


Pagtingin ko ulit kay Isaiah ay seryoso na ang mukha niya. Nagbago lang ang ekpresyon nang maramdaman niyang nakatingin ako sa kanya. Ngumiti siya. "Nag-almusal ka ba sa inyo? Gusto mong kain muna sa canteen?"


Sumama ako kay Isaiah sa canteen. Inilibre niya ako ng flying saucer saka mineral water. Inihatid niya rin ako sa room bago siya pumunta sa room nila para matulog muna habang hindi pa bell. 


Recess ay pinupuntahan niya ako. Sa lunchbreak ay sabay rin kaming kumakain ng lunch. Tumambay kami sa bench habang natutulog siya sa balikat ko at ako ay naglalaro sa phone. Wala kaming pakialam sa paligid o sa mga estudyanteng napapatingin sa amin.


Hanggang ngayon ay hindi pa rin talaga ako makapaniwala na ang klase ng relasyon na nakikita ko lang noon ay ngayo'y nararanasan ko na rin. Sa uwian naman ay sabay rin kami. Hinintay niya ako sa labas ng room at magka-holding hands ulit na umalis. Umangkas ako sa motor niya dahil ihahatid niya ulit ako sa amin. 


Damang-dama ko ang pagkakaroon ng boyfriends sa katauhan ni Isaiah. Masyado pang maaga at hindi ko alam kung hanggang kailan kami magkasama. Pero ayaw ko nang mag-isip pa. Sa ngayon ay gusto ko lang i-enjoy ang bawat sandali na masaya kaming dalawa...



DEBUT KO KINABUKASAN at alam ko na naghihintay lang si Isaiah na i-invite ko siya. Nahihiya ako sa kanya dahil bilang boyfriend ko ay dapat lang naman na invited siya sa aking birthday. Iyon nga lang ay hindi ko siya puwedeng i-invite at hindi ko alam kung paano iyon sasabihin sa kanya.


Nahihiya talaga ako. Hindi ko alam kung paano uumpisahang ipaliwanag sasabihin na hindi ko talaga siya mai-invite. Magagalit si Daddy kapag nag-invite ako ng lalaki at isa pa ay mukhang wala naman akong handa.


Paguwi ko nang hapon ay malungkot si Mommy dahil hindi nagkapera si Daddy. Hindi rin makakapagpadala ang tita ko na nasa Australia dahil may sakit pala ito. Walang-wala kami. Wala kami maski ulam noong gabi.


Pamasahe lang ang dala ko nang pumasok sa school kahapon at ngayon. Kung hindi lang libre ni Isaiah ang pagkain ko sa recess, lunch at merienda ay wala ako talaga akong kakainin sa maghapon. Kahit gustuhin kong tumanggi at bayaran ang sarili kong pagkain o kaya kahit ibalik ang ibinayad niya ay wala naman akong pera na mailalabas.


Hindi ko rin matanggihan ang mga binibili sa akin ni Isaiah dahil talagang gutom na ako. Nanliit na lang ako sa hiya pagkatapos. Noong uwian naman ay inihatid niya ako pa-motor hanggang sa kanto ng street kaya nakauwi ako.


Umalis si Isaiah na hindi kumikibo. Kahit hindi siya magsalita ay alam ko naman na malungkot siya, dahil ngayong araw ang 18th birthday ko, pero hindi man lang ako nagbabanngit ng kahit ano. Kaninang umaga ay binati niya ako pero binago ko ang usapan. Napansin niya iyon pero hindi lang siya kumibo.


Kahit magtampo si Isaiah ay wala namang magbabago. Makonsensiya lang ako. Hanggang doon lang ay puwede kong magawa. Hanggang doon lang ang kaya ko. 


Napapaisip na rin ako kung deserve ko ba si Isaiah. Sa totoo lang ay siya lang ang mas nag-e-effort sa aming dalawa. Siya ang gumagastos, siya ang mas umiintindi. Siguro din ay siya ang mas nagmamahal sa aming dalawa. 


Ang malas niya lang sa akin. Maliban sa itsura ay wala na akong ambag. Wala na ngang ambag, pabigat pa at kailangang intindihin. Hindi ko siya masisisi kung isang araw ay matatauhan siya na nagsasayang lang siya ng panahon sa akin.



"VI, MAKE A WISH AND BLOW YOUR CANDLE!"


Inilapit sa akin ni Kuya Vien ang round cake na may kandila. Kahit wala kaming pera ay nakabili ang panganay kong kapatid ng maliit na cake at maliit na bilao ng pansit. Nag-ipon siya galing sa baon niya, just in case na wala talaga kaming maihahanda. 


Malungkot sana ako ngayon pero ayaw ko namang mabalewala ang effort ni Kuya Vien. Isa pa, ano man ang kinahinatnan ng birthday ko ay dapat pa ring maging masaya at maging puno ng pagpapasalamat ang araw na ito.


Bago ko hihipan ang kandila ay taimtim na humiling ako. Ang hiling ko ay simple lang—gusto ko ng isang masaya, puno ng pagmamahal at kompletong pamilya.


Pagkaihip ko ng kandila ay pumalakpak si Mommy. May luha ang mga mata niya na niyakap ako. "Happy 18th birthday, baby ko! Sorry hindi ka namin mahandaan ngayon nang en grande, pero promise, babawi kami sa 'yo ng daddy mo!"


Si Daddy ay niyakap din ako. May luha rin sa mga mata. "Hayaan mo, bunso. Kapag nagtagumpay lang ang inaahente kong bahay ay papasyal tayo sa Tagaytay. Ibibili rin kita ng mga bagong damit at sapatos."


Naiiyak na rin ako. "Thank you, Mommy, Daddy at Kuya Vien..."


Naiiyak na rin si Kuya Vien kaya bago pa siya madala ay niyaya niya na kaming kumain. "Tama na drama, kain na!"


Masayang kaming nagsalo sa pagkain. Si Daddy ay isinayaw ako. Masaya na ako kahit wala akong party at 18 Roses, ay kasama ko naman ang aking pamilya.


May kumatok sa pinto. Direkta sa pinto at hindi dumaan sa gate kaya alam ko na agad na si Eli iyon. Hindi ko na naitago ang excitement ko na buksan ang pinto. Hindi lang naman kasi basta kababata, kinakapatid at kaibigan si Eli para sa akin. Siya ay kapatid at kapamilya na rin.


Pagbukas ko ng pinto ay nakatayo si Eli sa labas. Pajama, t-shirt at tsinelas ang suot niya. Bahagyang magulo ang buhok at kaswal lang ang ekspreyson. Hindi nakangiti. May inabot siya sa aking paper bag. "Happy birthday, Vivi."


Kahit naninibago sa kanya ay ngumiti ako. "Akala ko hindi mo na naalala." Masaya ako kasi naalala niya ang birthday ko.


Tumango lang si Eli at tumalikod na.


"Eli!" Napahabol ako sa kanya hanggang sa labas ng bahay. Nahawakan ko siya sa kamay.


Lumingon naman siya. Malamlam ang mga mata. "Bakit? May sasabihin ka ba? May gagawin pa kasi ako sa amin."


Nabitiwan ko na siya dahil mukhang wala siya sa mood o kaya naman ay baka may gagawin nga siyang mahalaga sa kanila. Tinanaw ko na lang siya hanggang sa makalaba siya ng gate namin—bagay na ngayon ko na lang ulit nakita. Madalas kasi ay nag-o-over the bakod lang siya sa bakod na pagitan ng mga bahay namin.


"May LQ kayo?" pabulong na tukso ni Kuya Vien sa akin pagbalik ko sa sala.


"Baka kayo?" balik ko sa kanya.


"Hoy, kadiri 'yang utak mo, Vivian Chanel!" Tinuktukan niya ako sa ulo. Nakita siya ni Daddy kaya napagalitan siya.


Pagkakain ay nag-bonding kaming pamilya saglit sa sala. Sina Mommy at Daddy ay nauna nang umakyat sa itaas para matulog. Kami ni Kuya Vien ang naiwan para magligpit sa kusina. Nang matiyak na hindi na bababa si Daddy ay isinayaw niya ako kahit may bula pa ang mga kamay ko.


"Happy birthday to our Princess Vivi!" nakangiting sabi ni Kuya Vien.


Tinupad ni Kuya Vien ang pangako niya na isasayaw niya ako sa debut ko. Ito na iyon. Niyakap ko siya. Masaya na ako. Buo na ang gabi ko kahit pa may isang tao ako na inaalala...


Inaalala ko ang isang tao na alam kong sa mga oras na ito ay iniisip din ako. Malamang din na ang taong iyon ay nagtatampo. Hindi ko siya masisisi kahit na magalit pa siya sa akin. Dapat lang naman talaga na magalit siya dahil wala akong kwentang girlfriend.


Pag-akyat namin ni Kuya Vien sa itaas ay nauna na siya sa kuwarto niya habang ako ay tumambay pa sa terrace. Patingin-tingin ako sa phone ko. Walang kahit isang text message. Sa social media lang maingay, maraming bumabati sa akin ng 'Happy Birthday' pero karamihan ay hindi ko naman kilala. 90% ng followers ko ay hindi ko alam kung sino-sino, karamihan ay namumukhaan ko lang.


Walang maski isang text mula kay Isaiah. Binati naman niya ako kanina sa personal pero iyon na iyon. Pagkatapos kong iwasan maghapon ang topic tungkol sa birthday ko ay hindi na niya inungkat pa. May pride rin naman siya. Hindi niya na ako kinulit dahil obvious naman na umiiwas ako.


11:45 PM. Nakatitig pa rin ako sa madilim na kalangitan. Patapos na ang gabi, patapos na rin ang birthday ko. Babalik na sana ako sa loob nang kumahol sa ibaba ang aspin na si General—aso namin. May nakita na naman sigurong pusa.


"Shhh! Wag kang maingay," pabulong na sita ko rito mula sa terrace. "Tulog na sina Daddy!"


Kumahol pa rin ang aso. Nakatingin ito sa may bakod na kaharap ng kalsada.


"Ano ba? Wag ka ngang maingay! Lagot ka kay Daddy, sige ka!"


Kumawag-kawag lang ang buntot ng aso habang nakatingala na ngayon sa pader. Sumunod ang mga mata


ko sa tinitingnan nito. Akala ko ay pusa ang makikita ko, kaya laking gulat ko nang makitang may bulto ng tao na nakasampa sa itaas ng pader. Lalaki ang nakasampa sa pader ayon sa hubog ng malapad na balikat at sa lakas ng loob sa pag-o-over the bakod. Walang kahirap-hirap at pag-aalangan na bumaba ang lalaki sa lapag ng bakuran namin.


Matangkad ang lalaki. Kahit madilim ay makikita sa swabeng mga kilos niya na wala talaga siyang takot maski sa asong ngayon ay nasa kanyang harapan. Nang daluhungin siya ng aso ay napaupo siya sa damuhang lapag ng aming bakuran. Napaatras ako at akmang sisigaw para humingi ng tulong nang marinig ko ang mahinang tawa ng lalaki. Dinidilaan kasi siya ngayon ni General sa kanyang mukha.


Namilog ang mga mata ko dahil nakilala ko siya. "Isaiah..."


Napababa agad ako ng bahay. Nagmamadali ako pero napakaingat ng aking mga hakbang at halos hindi na ako huminga dahil sa kaba. Natatakot ako na baka may magising. Nang marating ko ang main door ay saka lang ako napasagap ng hangin.


Dumadagundong ang dibdib ko nang lapitan ko siya. Nasa damuhang lapag ng maliit na garden pa rin siya nakaupo. Nakakubabaw pa rin sa kanya si General. Hindi na lang siya sa mukha dinidilaan ng aso, kundi pati na rin sa kanyang leeg.


"General, shoo!" taboy ko sa aso.


Umungot si General na parang ayaw pang huminto. Hindi ito friendly sa ibang tao pero mukhang nagustuhan nito si Isaiah.


"Time out na, doggie," malambing na saway ni Isaiah. Kumawag-kawag ang buntot ni General nang buhatin niya ito.


Pagkababa ni Isaiah sa aso ay humakbang siya palapit sa akin. Saka siya nasinagan ng ilaw mula sa poste na nasa labas ng bakuran. Saka ko lang din nakita ang ayos niya, naka-polo siya at jeans. Ang buhok niya na kahit nagulo dahil sa panghaharot sa kanya ng aso ay halatang nilagyan ng gel kanina. Humahalimuyak din ang presko at banayad na bango ng men's cologne na gamit niya.


May kinuha siya mula sa likod ng suot niyang jeans—isang tangkay ng pulang rosas na ngayo'y nanlalambot na at iilang piraso na lang ang petals. Inabot niya iyon sa akin. "Happy 18th birthday, Vi."


Umawang ang mga labi ko nang tanggapin ang bulaklak. Wala akong masabi habang nakatingala sa kanya.


Napahaplos siya sa kanyang batok. Kahit malamlam ang liwanag ay masasabi ko na namumula ang mukha niya. "Sorry, nalamog. Nadaganan kasi nang sakyan ako kanina ng aso niyo."


Ang mga mata ko na nakatitig sa kanya ay parang biglang gustong maiyak. Hindi siya nagtatampo. Lalong hindi siya galit sa akin. Sinadya niya pa ako ng ganitong oras para batiin at bigyan ng bulaklak. Bakit? Bakit ganito siya?


Ni hindi niya ako hinusgahan... 


"Vi, late na ba ako?"


Mainit ang gilid ng mga mata na umiling ako at ngumiti sa kanya. "Nakahabol ka..."


"Pa-last dance naman diyan."


Ako na ang tumawid ng pagitan namin. Niyakap ko siya na ikinagulat niya. Nanigas ang katawan niya, pero nang makabawi ay gumanti ng magaan at maingat na yakap sa akin. Naramdaman ko rin ang paghalik niya sa ulo ko.


Sa madilim na bakuran, sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan, habang magkayakap kami ay isinayaw ako ni Isaiah. Walang tugtog maliban sa tibok ng mga puso namin.


Mayamaya ay narinig ko ang mahina niyang pagkanta gamit ang buo at malambing na boses niya, "The strands in your eyes that color them wonderful stop me, and steal my breath..."


Lalo akong sumubsob sa dibdib niya dahil nangilid na ang mga luha sa aking mga mata.


"And I'll be your cryin' shoulder. I'll be love's suicide. And I'll be better when I'm older. I'll be the greatest fan of your life..."


Bawat bigkas ni Isaiah sa mga liriko ay bumabaon sa puso ko. Hindi na ako makaalis sa pagkakasubsob sa kanyang dibdib dahil ayaw kong makita niya na umiiyak ako, kahit pa alam niya naman na dahil nabasa ko na ang ibabaw ng kanyang polo.


Pagtigil niya sa pagkanta ay tumigil na rin kami sa pagalaw. Magkayap na lang kami. Pareho naming ninanamnam ang mga minuto na magkadikit ang aming mga katawan.


Nang maghiwalay na ay masuyo niyang ikinulong ang aking pisngi sa kanyang malalaking palad para patingalain ako sa kanya. Hinalikan niya ako sa noo. "Happy 18th birthday ulit, Vi. Dalaga ka na."


Pinauwi ko na siya dahil gabing-gabi na. Ayaw ko na siyang magtagal pa rito dahil baka magising pa si Daddy at kung ano pa ang masabi at magawa sa kanya. Ayaw kong mangyari iyon. 


Inaalala ko rin na masyado ng malalim ang gabi at baka mapahamak pa siya sa daan. Baka rin inaantok na siya o hinahanap sa kanila. Basta maraming dahilan para umuwi na siya.


Inihatid ko siya sa labas ng gate namin, parehong lugar kung saan ko siya sinagot noong nakaraan. Parang ayaw niya pang umuwi, palingon-lingon pa siya sa akin. Nang tatawid na siya papunta sa motor niya ay saka lang ako nakahanap ng lakas ng loob para tawagin siya. "Isaiah!"


Lumingon naman siya agad. Nagtatanong ang magandang uri ng mga mata niya na kakulay ng kadiliman ng gabi.


Napalunok ako habang nakatitig lang nang matagal sa kanya. Matagal na parang ayaw kong kumurap para lang mas matagal ko pa siyang titigan. 


Ngumiti ang mga labi niya. "Ano iyon?"


Gusto kong suklian ng isang regalo ang lahat ng pagmamahal, effort at sakripisyo niya. Ito na ang pagkakataon. Kahit parang hindi ako makahinga ay sinikap kong sabihin ang salita, "S-sorry..."


Kumunot ang kanyang makinis na noo kasabay ng pagsasalubong ng mga kilay niya. "Ha?"


"Sorry, Isaiah, pero break na tayong dalawa..." Hindi ko na hinintay pa ang sagot niya dahil tinalikuran ko na siya. Kung ano ang mararamdaman niya ay hindi ko kayang makita...


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro