Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

"BYE, ELI!"


Iniwan na namin ni Isaiah si Eli sa hagdan. Habang naglalakad patungo sa canteen ay nakaakbay pa rin ang braso ni Isaiah sa akin. Iniisip ko kung kailangan ko ba siyang sawayin. Ma-o-offend kaya siya o maaartehan sa akin?


Normal lang naman sa mag-boyfriend ang pag-akbay ng lalaki sa babae, kaya lang ay nakakapanibago para sa akin na baguhan sa larangang ito. Tiningala ko si Isaiah. Sa bandang leeg niya nakaharap ang aking mukha. Nang maramdaman niya na nakatingin ako ay yumuko siya. Muntik nang magdikit ang dulo ng matangos niyang ilong sa ilong ko.


"Uhm, b-baka may makakita sa atin..."


Imbes ma-offend ay ngumisi siya. "'Yon nga ang plano."


"B-baka lang makarating sa amin..."


Napabitiw siya bigla. "Ay, shet! 'Di pa nga pala tayo legal."


Naging padalos-dalos kami nang mga nakaraan. Hindi pa kami noon pero panay na ang punta niya sa room ko at pagpapakita sa mga kaklase ko. Hindi ko rin naisip noon na posibleng makarating sa amin ang balita na may boyfriend na ako. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano iyon kadelikado.


Naglalakad kami ni Isaiah papunta sa canteen at hindi na siya gaanong nakadikit sa akin. Naiintindihan niya ako. Sabay na lang kami na naglalakad, may mga limang dangkal siguro na espasyo. Sa canteen ay siya ang pumila sa bilihan. Tinanong niya lang ako kung ano ba ang gusto ko.


Pagbalik ni Isaiah ay may dala na siyang isang bote ng mineral water, isang Coke in can, at dalawang big sandwich. Ibinigay niya sa akin ang mineral water at isang sandwich. "Sa bench tayo, andoon ang tropa."


Nakuha ko ang punto niya. Kapag may kasama nga naman kami ay hindi kami masyadong halata.


Sa bench ay nakatambay nga ang mga kaibigan niya. Naroon sina Miko, Asher at ang isang babae na may suot na pekeng braces. Lahat sila ay busy sa kanya-kanyang hawak na cellphone. Pinagpagan ni Isaiah ang aking uupuan bago ako pinaupo.


"Saan ang mayora natin?" tanong niya sa mga ito dahil wala si Carlyn.


Si Asher ang sumagot, "Ayon, nanananghalian ng Spanish Sardines."


Napahagikhik ang babaeng may suot na pekeng braces. Nalaman ko na ang pangalan nito, Nelly Rose Madlangbayan pala. "Trip niya lang iyon, si Isaiah pa rin ang love ng beshy ko!"


Napatingin ako kay Isaiah. Wala naman siyang reaksyon. Sa halip ay isinandig niya ang ulo sa balikat ko habang kinakain niya ang hawak na sandwich.


Kinain ko na rin ang sandwich na aking hawak dahil gutom na rin ako. Ang hirap nga lang kumain kasi minsan ay hinahawakan ni Isaiah ang kamay ko. Hindi ko naman siya masaway dahil baka magtampo. Saka ayos lang naman...


Palagay na talaga ako na minsanang mapadikit kay Isaiah. Siguro dahil nararamdaman ko na mapagkakatiwalaan naman kasi siya.


Habang kumakain ay nakikiramdam lang ako sa kanilang magkakaibigan. Paminsan-minsan ay nagkukuwentuhan sila, nalaman ko na buntis pala si Nelly at malapit nang huminto sa pag-aaral. Nagulat ako dahil masyado pa itong bata para maging ina. Pananagutan naman daw ito ng boyfriend na isa ring estudyante na katulad namin.


Kahit hindi ko kaibigan si Nelly ay nakaramdam ako ng simpatya at pag-aalala rito. Magiging ayos lang ba talaga ito? Hindi ko ma-imagine ang aking sarili na mapupunta sa parehong sitwasyon. Masyado pang maaga para sa edad namin ang mabuntis at mag-asawa...


Ang nag-se-cellphone na si Miko ay napapalatak sa kung ano mang nakita nito sa screen ng phone. "Naka ng, Nelly! Ayos ang bio sa FB, ah! 'Feeling blessed and only God can judge me!'"


Na-excite naman si Asher na nakisilip din sa phone ni Miko, akala mo ay walang sariling hawak na phone. "Pota, gusto ka pa naman naming i-judge! Paano 'yan, di naman kami god!"


Napipikong sumagot si Nelly, "Mga baliw kayo! Palibhasa kasi wala kayong matinong lovelife! Di niyo pa nararanasan mahalin at magmahal nang totoo!"


Pagmamahal na totoo? Sapat na nga ba iyon sa ganoong sitwasyon?


Sumimangot si Miko. "Hoy, baka di mo alam kung ilan nag-ta-tag sa akin sa FB tungkol sa relationship goals!"


"Sino namang mga tanga ang nag-ta-tag sa 'yo?!"


"Basta ako pati memes, na-ta-tag." Nagtutule si Asher gamit ang hinliliit na daliri. "Pero di ko naman siyota, di ko nga mga kilala."


Bumulong sa akin si Isaiah, "Gusto ko ring maranasang ma-tag sa mga memes at relationship goals."


Nag-init ang aking pisngi at pasimple siyang siniko.


"Makaalis na nga." Tumayo na si Nelly. "Basta iyong ambagan niyo, wag niyong kakalimutan! Tag-100 kayo, kailangan ko iyon kasi magpapa-OB ako sa susunod na linggo!"


Pagkaalis ni Nelly ay nag-imbita si Asher. "Birthday ng utol ko mamaya. Punta kayo sa bahay namin sa Buenavista. May pahagod sa lalamunan."


Nag-thumbs up si Miko. "G. Tagal ko nang di nadidiligan ng alak sikmura ko," anito. "Sobrang busy ko, napapabayaan ko na pag-inom."


Sinilip ni Isaiah ang mukha ko. "Vi, okay lang ba na pumunta ko?"


"Bahala ka..." mahinang sagot ko.


"Aw, delikado," paungol na sabi ni Miko. "Ganyang sagutan, away 'yan, Isaiah, pag pumunta ka."


Ha? Away? Bakit naman kami mag-aaway ni Isaiah kung sakaling pupunta nga siya kina Asher para mag-inom mamaya?


"Pst, Vi!" tawag ni Asher sa akin. "Punta ka na lang din. Sa Buenavista lang. Mga limang street lang siguro layo mula sa inyo. May mga babae rin naman na pupunta, di lang puro lalaki."


"Oo nga, may mga babae kaya dapat talaga pumunta ka," makahulugang sabi naman ni Miko.


Nang tingnan ko ulit si Isaiah ay lumalagok siya ng Coke. Umaalon ang lalamunan niya at hindi siya makatingin sa akin. Pagbaba niya ng can ng softdrinks ay mahinang nagsalita siya, "Pass na lang pala ako. Hindi ako pupunta."


Sabay na napaungol sina Asher at Miko.


Mahinang siniko ko si Isaiah. "Pumunta ka..."


Tumaas ang isang kilay niya sa akin.


Binigyan ko siya ng maliit na ngiti. "Okay lang talaga."


Nag-apir ang mga kaibigan niya dahil sa tuwa. Bago bumalik sa room ay nagpaalam sa akin si Isaiah na 'jingle' daw. Ang tagal ko pang nakuha kung ano ang ibig sabihin, iihi pala.


Ang tagal niya pang umalis dahil nakailang bilin siya. Parang ayaw niya pa akong iwan kasama ang tropa niya. Siguro ay ihing-ihi na talaga kaya hindi na nakatiis, napatakbo na siya papunta sa banyo. 


Nang maiwan ako kasama sina Asher at Miko ay hiningi agad ng dalawa ang number ko. Nahihiya naman ako na tumanggi kaya ibinigay ko na. Saglit lang ay naka-receive ako ng text kay Asher. Sinend niya ang street at house number nila.


Pagbalik ni Isaiah ay nakalimutan ko nang banggitin sa kanya ang tungkol sa text. Inihatid niya na ako sa room.


Uwian ay kabadong-kabado ako. First time ko na uuwi na hindi si Eli ang kasama. First time rin na uuwi ako sa amin mula sa school na boyfriend ko ang maghahatid sa akin.


Naunang pinalabas ang section ko dahil wala kaming last subject teacher. May pinasulat lang sa amin. Nag-text ako kay Isaiah na mauuna ako sa ibaba dahil kakausapin ko si Eli. Wala naman siyang sagot kaya baka hindi niya pa agad nabasa. Pagdaan ko kasi kanina sa room niya ay pakinig na pakinig siya sa teacher nila.


Matalino naman kasi talaga si Isaiah e. Ewan lang bakit ayaw niyang magseryoso ng isang daang porsyento. Sa tingin ko ay kung mag-fo-focus nga siya sa pag-aaral ay baka katulad ni Eli ay makapasok din siya sa top.


Sa labas ako ng room nina Eli tumambay habang naghihintay. Paglabas ni Eli sa room ay nagulat siya nang makitang hininhitay ko siya.


"Eli!" Hinila ko siya sa braso patungo sa gilid at malayo sa mga estudyante. Nagtataka man ay nagpahila naman siya.


"Bakit?" tanong niya. Nakakunot ang makinis na noo ni Eli. Mukhang hindi maganda ang mood niya, siguro ay nairita na naman siya sa magugulo niyang kaklase.


"Hihingi sana ako ng favor," simula ko.


Lalong nangunot at nagsalubong ang mga kilay niya, bagaman hindi siya kumibo.


"Baka kasi nasa amin si Daddy, di ako sigurado. Pero baka lang makita niya na hindi tayo sabay umuwi. Okay lang ba na pagtakpan mo ako?"


Napayuko si Eli.


"Sige na, Eli. Please?"


Kahit parang hindi sang ayon ay marahan siyang tumango.


"Yehey! The best ka talaga, Eli!" masayang bulalas ko.


Nakayuko pa rin siya nang mahinang magsalita, "Kung mauuna ako at makikita ako ng daddy mo, sasabihin ko na kasali ka sa cleaners. Kapag hindi naman niya ako makita, wala akong pagsasabihan na hindi tayo sabay umuwi."


"Thank you, Eli!"


"Vivi." Malamig at buong boses mula sa likuran ko.


Paglingon ko ay nasa likod ko na si Isaiah at hinihintay ako. Nakababa na pala siya.


"Akina bag mo." Hindi na ako hinintay ni Isaiah na ibigay sa kanya ang aking bag, kinuha niya na iyon at isinukbit sa harapan niya.


Nagpaalam na ako kay Eli. Nakahabol na lang siya ng tingin sa amin ni Isaiah hanggang makaalis kami.


Hindi pa kami nakakalabas agad ng gate dahil nagpaalaman pa si Isaiah at ang tropa niya. May kaunting harutan pang naganap. Hindi naman nakakairita, nakakaaliw nga sila, hindi nga lang nag-re-reflect sa mukha ko ang pagkaaliw. Hindi ko rin maintindihan, nasanay na yata talaga ako na walang reaksyon sa ibang tao.


Sa labas naka-park ang motor ni Isaiah. Ngayon ako makakasakay roon nang maliwanag pa at hindi gabi. May mga tao na makakakita sa amin kaya nag-aalala ako. Natigil ako sa pag-iisip nang suutan ako ni Isaiah ng kulay pink na helmet.


Nang paangkasin niya na ako sa likod ng motor ay pinagtitinginan kami. Kakaunti lang ang nakakakilala sa akin dahil may takip na helmet ang aking ulo. Pagkaandar ng motor palabas sa Brgy. Pinagtipunan ay napatingin ako sa rearview mirror. Ngayon ko lang nakita na hindi pala basta pink ang helmet... fuchsia ang kulay nito.


Fuchsia na natatandaan ko na sinabi ko kay Isaiah na favorite color ko...


Nahaplos ko ang helmet na aking suot. Ang itsura niyon ay bago pa at halatang bagong bili. Napangiti ako sa loob niyon. At pakiramdam ko ay pati ang puso ko ay nakangiti rin sa mga oras na ito. 


Ang pagkakahawak ko sa bewang ni Isaiah ay bahagyang humigpit nang nasa kalsada na kami. Mas maingat siya ngayong mag-drive dahil may mga nakakasabay kaming ibang sasakyan sa daan.


Inihatid ako ni Isaiah sa bukana lang ng street namin. Lalakarin ko na lang ang papasok sa looban. Pagkababa ko ay hindi pa siya agad umalis. Tinanaw niya pa ako.


Pagtawid ko sa kalsada papunta sa amin ay kabababa lang ni Eli sa sinakyang tricycle. Tatawagin ko sana siya pero dere-deretso na siya papasok sa gate nila. Hindi ko alam kung nakita niya ba ako. Sa palagay ko  ay hindi.


Nakangiti pa rin ako na pumasok na sa gate ng bahay namin. Ngayon lang ako umuwi na talagang masaya. May kakaiba pa akong nararamdaman na hindi ko pa sigurado kung ano ba. Parang kilig yata? 


Kinikilig ako dahil kay Isaiah. Napabungisngis ako. Ganito pala kiligin? Nakakatuwa na ang weird sa pakiramdam. 


Pagpasok ko sa bahay ay bihis na bihis si Mommy. Itim na off shoulder dress ang suot niya. Kapag ganitong bihis na bihis siya at nakaayos ng pagkaganda-ganda ay isa lang ang ibig sabihin, isasama siya ni Daddy.


"Vi, okay ka lang ba dito mag-isa?" nag-aalalang tanong ni Mommy sa akin.


"Opo, My. Sa kuwarto lang naman po ako." Ganoon naman palagi kapag iniiwan nila ako, sa kuwarto lang ako hanggang sa dumating sila. Iyon lang naman ang routine ko mula pa noon.


Bumaba si Daddy mula sa hagdan. Nakabihis na. Pupunta pala sila ngayon sa Malagasang. Makikilamay raw sila sa isa sa mga dating kasama ni Daddy sa pagsusundalo. Huling lamay na ngayon. Malamang madaling araw na sila ni Mommy makakauwi.


"I-lock mo lahat ng pinto, Vivi. Wag kang magpapapasok ng kahit sino. Wag ka ring manonood ng TV at wala namang kwenta ang mga palabas. Puro lang tungkol sa agawan ng lalaki. Pinatay ko rin ang Wi-Fi at baka kung ano-ano pa ang tingnan mo sa Internet habang wala kami."


"Opo, Daddy." Ako lang kasi mag-isa ngayon dahil nataon pa na ngayon na nasa overnight si Kuya Vien. Bukas ng hapon ang uwi nito.


Hinalikan na ako ni Mommy sa pisngi. "Kumain ka na lang diyan, ha? Baka hindi kita gaanong ma-i-text dahil mahina raw ang signal doon sa mismong lugar ng namatayan e."


Pagkaalis nila ay umakyat na ako sa kuwarto. Walang TV, wala ring Internet. Ang magagawa ko lang ay ang tumulala. Okay lang naman. Sanay na ako dahil iyon naman ang madalas kong gawin kapag naiiwan ako rito sa bahay namin. 


Magbibihis na ako nang mag-beep ang aking phone na iniwan ko sa kama. Binalikan ko iyon at napakunot-noo nang makita kung sino ang nag-text.


Asher James:Vi, ano punta ka ba? OTW na si Papi Isaiah.



Parang may kumislap na kung ano sa aking paningin. Ang pagkalumbay ko ay nabura. Wala sina Mommy, Daddy at Kuya Vien. Mag-isa lang ako rito ngayon sa amin. Okay lang ba na umalis ako?


Okay lang ba na pumunta ako kina Asher? Hindi naman ako magtatagal. Saka ngayon lang naman. Minsan lang naman. Gusto ko lang ding maranasan na um-attend sa birthday. 


Kung pupunta ako, iyon ang magiging unang pagdalo ko sa isang birthday. Hindi nga lang basta birthday dahil may inuman din. Kataka-taka man pero hindi ako natatakot o kinakabahan. Siguro kasi alam ko na nandoon si Isaiah.


Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nagbibihis na. Isang simpleng puff sleeve na white top ang isinuot ko na pang-itaas at baston jeans sa ibaba. Flat sandals na white lang din ang kulay sa aking paahan. Ang buhok ko ay itinaas ko into a bun. Kumuwit lang ako ng kaunti para may palawit na buhok sa gilid ng aking pisngi.


Naghilamos ako at hindi na naglagay ng make up. Manipis na lip gloss na lang ang ipinahid ko sa aking mga labi at pagkatapos ay umalis na ako. Ini-lock ko ang pinto ng bahay. Pumara na ako ng tricycle papunta sa address nina Asher.


Malapit lang ang kina Asher. Dulo lang ng Buenavista. Pagbaba ko sa tricycle ay pumunta ako sa sari-sari store. "Magandang hapon po. Puwede pong magtanong? Kilala niyo po ba si Asher James Prudente?"


Sumilip ang tindera. "Iyong matangkad na guwapong semi calbo? Ay, oo. Ex 'yon ng anak ko saka ng dalawa kong pamangkin."


Napangiwi ako. "Saan po banda rito ang bahay niya?"


Tiningnan muna ako nito ng tingin mula ulo hanggang paa bago inginuso ang isang daan. "Hayun, pasok ka roon. Iyong nag-iisa na kulay puti ang pintura at may mga halaman sa terrace, doon iyon nakatira. Malalaman mo agad kasi palaging maingay sa kanila, palaging may inuman. Puro lalaki kasi 'yan silang magkakapatid na barako."


"Salamat po," magalang na pasasalamat ko.


Naglakad na ako papunta sa daan na itinuro sa akin. Nakita ko agad ang sinasabing kulay puti na bahay na may mga halaman sa terrace. Bukas ang kalawanging gate at matatanaw sa loob ng garahe ang isang owner.


ILANG AWIT PA BA ANG AAWITIN O GILIW KO...


Nasa labas palang ako ay naririnig ko na ang mga ingay sa loob. Mga nagtatawanan, naghaharutan, at may kumakanta sa videoke ng kantang 'Ligaya' by Eraserheads. Maganda ang boses, nasa tono, malambing din. Nabosesan ko. Isa ito sa mga kaibigan ni Isaiah, Si Miko.


May lumabas na magkaakbay na mag-boyfriend. Sweet sa isa't isa. Nasa mis twenties siguro ang edad. Iyong lalaki ay kamukha ni Asher kaya tingin ko ay kuya niya ito. Nang mapatingin sa akin ay nginitian agad ako. "Sino hanap mo, Neng?"


"Dito po si Asher nakatira?" Kahit alam ko nang dito nga ay tinanong ko pa rin para makasigurado.


Napakamot ng ulo ang lalaki na tila biglang namroblema nang malala. "Ay, takte! Jowa ka rin ng utol ko?"


Ang girlfriend nito ay tinanong din ako, "GF ka rin ni Asher? Kasi may kasama na siyang GF ngayon sa loob."


Mabilis akong umiling. "Hindi po. GF po ako ng friend niya."


Tila nakahinga ang dalawa. Inutusan na nila ako na pumasok na lang sa loob. Pumasok na rin ako nang malamang wala naman pala silang aso.


Bukas ang screendoor kaya dere-deretso ang aking paningin sa loob ng katamtamang laki na sala. May mga nakaupo sa mahabang sofa at sa mga nakapalibot na monobloc. Sa gitna ay ang malaking mesita na may nakalagay na dalawang bote ng Gin, isang bote ng malaking Tanduay at Emperador. Alam ko ang mga iyon dahil madalas ding ganoon ang iniinom ni Daddy.


Meron ding dalawang plato ng sisig sa gitna, plato na may manok, plato na may durog na cake at plato ng mani. Nagkalat din ang mga supot ng iba't ibang junkfood. Sa harapan ay may videoke, iyong nirerentahan.


Ang hinanap agad ng aking mga mata ay si Isaiah. Hindi niya alam na pupunta ako. Wala siyang ka-ide-ideya. May pananabik sa aking dibdib na makita kung ano ang magiging reaksyon niya.


Natanaw ko agad siya nakasandal sa dulo ng pang-isahang upuan. Shirt na white, jersey shorts at nakayapak lang ang mahahaba niyang paa dahil iniwan siguro ang tsinelas sa labas. Pero hindi iyon ang kumuha ng atensyon ko—kundi ang babaeng nakaupo sa armrest ng inuupuan niya. Napawi ang pagkasabik na aking nararamdaman kanina.


Kusang kumunot ang aking noo habang nakatingin sa babae na hindi ko kilala. Maiksi ang suot nitong bodycon dress. Mukha ring mas may edad na sa amin, college student na siguro o out of school youth. Makapal ang make up, may kulay ang buhok at malaki ang dibdib. Hindi pa nakuntento sa pagsiksik kay Isaiah at humilig pa sa balikat ng boyfriend ko.


Boyfriend... Oo boyfriend ko si Isaiah. First time ko na pumasok sa isang relasyon, pero alam ko na hindi dapat dumidikit nang ganoon ang isang babae sa lalaking may girlfriend na!


Nakita ko ang pasimpleng pag-iwas ni Isaiah sa babaeng dikit nang dikit sa kanya, ang kaso ay sadyang gusto ng babaeng blonde ang buhok magkadikit sila. Umakbay pa kay Isaiah sabay laro ng kamay sa buhok niya.


Ang kumakanta na si Miko ay napatingin sa pinto kung saan ako tila tuod na nakatayo. "Ay, pota! Syota mo, Isaiah!" Sa microphone niya talaga sinabi iyon. Bale alam na ng buong baranggay na nandito ako ngayon, ang syota ni Isaiah.


Napalingon tuloy sa akin ang lahat. Sa kauna-unahang pagkakataon ay wala akong pakialam sa tingin ng iba, ang importante sa akin ngayon ay ang reaksyon ni Isaiah. Namimilog ang mga mata niya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa akin. Naitulak niya agad ang babae sa kanyang tabi.


OA na napanganga naman si Asher. "Shet, play dead, Isaiah!"


Si Miko ay may comment din at sa microphone pa talaga mismo, "Vivi's POV: Ah, ganyan ka pala pag wala ako, ah."


Napatayo na si Isaiah sa kinauupuan. "Vivi!"


Lumapit siya sa akin. Ang babaeng iniwan niya ay nakasimangot na kay Miko na lang tumabi. Kaya lang ay may GF din pala na kasama si Miko. Nagtitigan nang masama ang mga ito. Tuloy naman ang kasiyahan dahil may nex number na sa videoke. Magbalik by Callalily.


Nang nasa harapan ko na si Isaiah ay namimilog pa rin ang mga mata niya. "Vi, bakit ka nandito?"


"Bawal ba ako rito?" mahinang tanong ko na hindi sigurado ang sariling ekspresyon. Nakasimangot kaya ako ngayon? Wala akong ideya.


Nagkamot ng pisngi si Isaiah. "Tara muna sa labas." Hinawakan niya ako sa braso. Hindi masyadong maingay sa labas kaya dito niya ako dinala. "Bakit ka nandito? Alam ba sa inyo?"


Umiling ako. "Wala sina Mommy at Daddy. Nakipaglamay sila sa Malagasang. Wala rin ang kuya ko, may overnight."


"Okay lang ba na dito ka?"


Di ba dapat ako ang magtatanong niyon sa kanya? Okay lang ba na nandito ako? Baka kasi nakakaistorbo ako.


Hindi ko alam kung nakakabasa ba si Isaiah ng isip dahil alam niya na agad kung ano ang nasa isip ko. "Okay lang dito ka. Inaalala ko lang kasi baka mapagalitan ka sa inyo."


"Wala nga sina Mommy at Daddy sa amin."


"Sige, basta hatid kita sa inyo mayamaya."


Bumalik kami sa loob dahil nagsimula nang umambon.


Sa kusina ng bahay nina Asher ako dinala ni Isaiah. Walang tao roon, kami lang dalawa. Naroon ang handa. Pinaupo niya ako sa upuan na nasa harapan ng mesa. "Teka, wait! Kukunan kita ng pagkain!"


Feel at home siya na naghanap ng plato sa lalagyan at saka ako sinandukan ng kanin, menudo, pansit, sisig, macaroni salad at shanghai na tatlong piraso. Pinagsama-sama niya ang lahat sa iisang plato.


"Okay na ba ito?" excited pa siya nang iabot sa akin ang plato kung saan naghalo na roon ang sabaw ng menudo at ang macaroni salad. Ang sisig naman ay tila naging sahog na sa pansit. At iyong kanin ay mukhang tira na lang ng mga kumain kasi ang nasa plato ko ay may halo nang tutong.


"O-okay na..." sagot ko kahit hindi mapigilan ang pagngiwi ng mga labi.


Ngiting-ngiti naman si Isaiah. "Okay na talaga 'yan, ah? Sabihin mo lang kung gusto mo pa, ha? Puwede ka ring mag-uwi sa inyo."


Ang ligalig niya. Nagkalkal pa siya ng kung anu-ano sa ref. Gusto ko na siyang tanungin kung birthday niya ba at dito ba siya nakatira. Feel at home na feel at home kasi siya.


"Coke pala ayaw mo, 'no? Tubig na lang pala! Teka, wait!"


Naupo na siya sa kaharap ko. Nakaabang siya sa susunod kong gagawin. Ayaw ko naman na mapahiya siya kaya nagsimula na akong kainin ang bigay niyang pagkain. Kahit kakaiba na ang itsura ng halo-halong pagkain masarap pa rin naman pala. Pinaka nagustuhan ko ang macaroni salad at menudo. Ang tagal na kasi mula nang makakain ako nito. Saka gutom na rin ako. Hindi ako kumain bago umalis sa amin.


"Cake pala baka gusto mo?"


Umiling ako. "Okay na ako. Hindi ko na nga ito mauubos." Hindi naman kasi ako sanay kumain nang marami, lalo na ang ma-carbs na pagkain.


"Sige lang, iyong matira mo, ako kakain."


Hindi niya basta sinabi lang iyon dahil ginawa niya talaga. Ang natira ko ay hindi niya pinandirihan, sa halip ay inilang subuan niya lang hanggang sa maubos.


Manghang-mangha naman ako. Hindi kasi talaga nandiri si Isaiah. Sobrang nakakapanibago lang dahil sa tagal ko nang kasama sina Mommy at Daddy sa iisang bubong, never pang kinain ni Daddy ang natirang pagkain ni Mommy. Ang kabaliktaran ang madalas na nangyayari.


Pagkatapos hugasan ni Isaiah ang pinagkainan ko ay bumalik kami sa sala. Mga lasing na ang mga kaibigan niya. Bumalik na rin ang kuya ni Asher at ang girlfriend nito. May sinundo lang palang kaibigan sa labasan. 


Pinaalis ni Isaiah ang nakaupo sa maliit na sofa sa gilid at doon niya ako dinala. Parang binabayo naman ang dibdib ko sa kaba at excitement. Ito ang beses na mauupo ako sa mga nag-iinuman. 


Ang lalaking long hair na tagasalin ng alak ay inabutan si Isaiah ng shot. "Tangina nito ni Isaiah e, tinatakasan ang tagay. Dumalawa ka agad ngayon."


"Hindi puwede, ihahatid ko mamaya sa kanila GF ko."


"Di ka naman naka-motor e, mag-ta-tricycle naman kayo pag-alis." Hindi pumayag ito na hindi tanggapin ni Isaiah ang tagay.


Ini-straight ni Isaiah ang laman ng shotglass. Kitang-kita ko ang pag-alon ng lalamunan niya sa paglagok. "Ahh!" Padaskol niyang inilapag ang shotglass sa mesa pagkatapos.


Nang alukin ako ng alak ng mga kaibigan niya ay siya ang sumalo ng para sa akin. Binilang ko ang mga tagay niya, nang sumapit ang 8:00 PM ay nakakailan na siya. Naka-limang balik na rin siya sa banyo para umihi.


"Okay ka lang ba?" pabulong na tanong ko sa kanya. Pulang-pula na kasi ang mukha niya hanggang sa leeg. Hindi na rin siya kumikibo habang nakasandal sa sandalan ng sofa.


Ngumiti siya sa akin. "Oo naman. Gusto mo na bang umuwi?"


Gabi na kaya lang ay natuluyan ang pag-ulan na kanina ay ambon lang. Lahat ng payong ay ginamit na ng mga naunang umuwi kanina. Wala ring dumaraan na tricycle sa labas ng bahay nina Asher. Saka sa itsura ni Isaiah, parang hindi niya kakayanin na ihatid ako agad sa amin.


"Magpahimasmas ka muna."


Si Miko ay panay paikot pa rin ng shotglass. Siya iyong pumalit sa long hair kanina. Iisipin mo na wala pang tama kung di lang pinamumulahan na ng buong mukha. "Hangga't may atay, tuloy ang tagay!"


Inabot ni Asher kay Isaiah ang songbook na inabot din sa akin ni Isaiah. "Pili mo ako."


Napakagat labi ako. "H-hindi ko alam kung ano ang gusto mong kantahin e..."


Binuklat-buklat niya ang songbook na nasa kandungan ko. Pikit na ang isang mata niya habang naghahanap ng kanta. Pagkapili niya ay inutusan niya ang nasa malapit sa videoke. "44171"


Nang kanta niya na ay kinuha niya ang microphone. Pumailanlang sa sala ang background ng kanta na pinili niya.


"So lately..." Ang baritono at malamig na boses ni Isaiah ay nagpatahimik sa ingay sa paligid.


Ako naman ay titig na titig sa mukha niya na naka-sideview sa gawi ko.


"...be wondering who will be there to take my place. When I'm gone, you'll need love to light the shadows on your face. If a great wave shall fall and fall upon us all..."


Malaya ko iyong nagagawa dahil ang atensyon niya ay nakatuon sa lyrics sa videoke. Malaya ko na namang napagmamasdan ang mahahaba niyang pilik-mata, ang matangos na ilong, at maging ang pagbuka ng mapula niyang mga labi sa pagkanta.


Maganda ang boses ni Miko at ganoon din kay Asher na narinig ko na rin kanina. Pero siguro nga ay biased lang ako, dahil para sa akin, walang hihigit sa boses ni Isaiah.


♩ ♫

If I could, then I would
I'll go wherever you will go
Way up high or down low
I'll go wherever you will go


Ang tahimik na ng paligid. Painom-inom na lang ang iba, siguro mga lasing na. Ang ilang mga babae naman sa sala ay pasimple na sumusulyap kay Isaiah.


"Way up high or down low, I'll go wherever you will go..." Sa parte kung saan mataas ang nota ay kayang-kaya niya kahit nakaupo siya. Chill lang siya o cool kung tawagin, kasing cool ng nakakakilabot na boses niya. "Run away with my heart. Run away with my hope. Run away with my love..."


Habang nakatitig ako sa kanya ay alam kong nasa mga mata ko ang paghanga. Habang tumatagal ay nahuhulog ako nang mas malalim.


"If I could, then I would..." Tumingin siya sa akin na hindi ko inaasahan. Nginitian niya ako. "I'll go wherever you will go..."


Pagkatapos ng kanta ni Isaiah ay ibinalik niya ang microphone. Babae na ang sumunod na kumanta. Ang kanta ay kanta ng MYMP.


Nag-shot pa ulit si Isaiah. Sandali lang ay napamura siya nang makitang madilim na madilim na sa labas. Siguro ay lasing na lasing na nga talaga siya kasi kanina pa naman talaga madilim.


9:40 PM na nga ngayon...


Sumandig siya sa akin. Mapupungay na ang namumulang mga mata. "Vi," halos paungol na usal niya.


Hinaplos ko ang malambot na buhok niya. "Gusto mo ba ng tubig?"


"Gusto ko tulog." Napamulat siya at napatitig sa akin. "Shet, ihahatid pa kita. Baka hinahanap ka na sa inyo."


Hindi niya naman na ako kayang ihatid sa ganitong disposisyon niya. Mabuti na lang talaga at walang tao sa amin.


Sinitsitan kami ni Asher. "Vi, okay lang ba sa 'yo na akyat mo muna sa itaas si Isaiah?"


Ha? Ano?!


"Iyong pangalawang kuwarto, sa isang kapatid ko iyon pero wala siya ngayon. Doon mo dalhin si Isaiah. Pahingahin mo muna 'yan bago ka pahatid sa inyo."


Kumibot-kibot ang mga labi ko. Gusto kong tumanggi kaya lang ay lungayngay na ngayon ang ulo ni Isaiah sa balikat ko. 


"May mga darating pa, baka mapatagay ulit 'yan. Patulugin mo muna para maihatid ka na rin sa inyo pagtila ng ulan."


Lumabas sa kusina ang mukhang hilong talong na si Miko. Kanina pa ito pabalik-balik sa pagsuka sa banyo. "Vi, akyat na muna kayo sa kuwarto. Wag kang mag-alala kay Isaiah, safe ka naman diyan. Hindi iyan tinitigasan pag lasing."


Nag-init ang mukha ko sa sinabi niya.


Binato naman ni Asher ng cornick ang lasing na si Miko. Dahil lasing na rin si Asher ay ang tinamaan ay ibang tao, tinamaan sa kaliwang mata ang GF ni Miko. Nag-iiyak agad ito. "Lalabs koh, natamaan ako sa mata. Blind na koh!"


Hindi naman na ito nagawang amuhin ni Miko dahil bumagsak na sa sofa ang lasing na lalaki. Kaawa-awang Lalabs.


Kaawa-awa rin si Isaiah na ngayo'y humihilik na sa tabi ko. Tinapik-tapik ko siya sa pisngi para magising. Umungol siya at isang mata lang ang nagawang idilat.


"Sa itaas daw muna tayo sabi ni Asher..."


"Wag..." ungol niya at pumikit ulit.


Pinisil ko ang matangos niyang ilong. "Sige na, para makapagpahinga ka. Dumadami ang tao o, baka mapatagay ka pa ulit dito."


Inalalayan ko siyang tumayo. Mabuti at kaya niya pa. Ang kuya ni Asher ay tinulungan kami na umakyat sa hagdan. Iniwan kami nang nasa kuwarto na. Nakaakbay sa akin si Isaiah pagpasok namin sa loob. Ako ang kumapa sa switch ng ilaw hanggang sa magkaroon ng liwanag ang paligid.


Nang kami na lang ni Isaiah sa kuwarto ay parang doon lang ako natauhan. Kami na lang dalawa sa maliit na kuwartong ito na ang tanging laman ay isang Orocan, single bed at wall fan.


Naupo si Isaiah sa gilid ng kama at pagkuwa'y sumandal nang patagilid sa headboard. Dahil hawak niya ang aking kamay ay naupo na rin ako sa tabi niya. Hindi siya nakapikit, nakatitig siya nang wala kurap sa akin.


Ang inaasahan ko ay pagdating namin dito ay makakatulog agad siya, pero bakit ganito? Bakit gising na gising siya?


"Bakit ka pumayag na magkasolo tayo?" seryoso ang tono na tanong niya.


Naiilang na napayuko ako. "K-kasi sabi ni Asher... Pag sa ibaba ka pa, baka mapapainom ka pa... Saka kailangan mong magpahinga dahil lasing na lasing ka na..."


Tumaas ang isa sa makakapal at itim na itim niyang kilay. "Sa 'yo na nanggaling na lasing ako. Paano kung anong gawin ko sa 'yo rito?"


Napalunok ako kasabay ng pagapang sa akin ng mainit na kilabot. "M-may tiwala naman ako sa 'yo..."


Hindi siya kumibo. Sa halip ay mahinang 'tsk' ang aking narinig.


Matagal na katahimikan. Akala ko nakatulog na si Isaiah, kaya laking gulat ko nang tingnan siya ulit ay nakatingin pa rin pala siya sa akin. Malamlam ang mapupungay at nakakalunod niyang mga mata.


"Isaiah, m-matulog ka muna para mahimasmasan ka..."


"Ayoko pa."


Tumahip nang mabilis ang dibdib ko nang nawala ang pungay sa mga mata niya. Para bang bigla ay hindi na siya lasing.


"May iba akong gustong gawin."


Napalunok ako.


"Pero lahat ng gagawin ko, ipagpapaalam ko muna sa 'yo," sabi niya na hindi ko maintidihan ang ibig sabihin. "Puwede kang umayaw kung hindi mo gusto."


Hindi na ako makahinga sa sobrang kaba at sa antisipasyon kung ano ang susunod na sasabihin niya. Tama nga ako, nakakawindang ang susunod kong maririnig na salita mula sa kanya.


Umusod siya palapit sa akin hanggang sa isang pulgada na lang halos ang aming pagitan. "Vi, puwede ba kitang halikan?"


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro