Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9

Update sched: Wet and Sat. 

Gentri people, re the jeep na byaheng Malabon to Palapala, bakit laging maluwag and minsan nagkakasolo sina Jordan at Carlyn, nagbased kasi ako sa time ng HS days ko sa Gov at noon, di pa bukas ang ibang gate ng Epza, wala pa ring masyadong subdivision na natatayo, so hindi pa maraming pasahero at wala pang gaanong traffic tuwing uwian. Abt naman sa senior high school ng Sta. Clara, bakit napunta sa Pinagtipunan, my only explanation is mas maraming memories kasi roon ;)

------


NAKAPIKIT PA RIN SIYA.


Dahil katabi ko siya ay mas madali ko siyang nasisilip. Ang mahahaba niyang lashes ay hindi gumagalaw. Ang mapula niyang mga labi ay nakatikom at nakahalukipkip siya sa pagkakaupo. At hindi ko pa rin magets kung bakit hindi niya ako pinababa kanina sa Navarro.


Gusto kong umusod palayo dahil magkadikit ang aming mga binti. Sa biglang paghila niya sa bag ko kanina, napatabi ako sa kanya. Sinubukan kong kumilos pero ang isang kamay niya ay nakahawak pa rin pala sa dulo ng shoulder bag ko.


"Sunterra! Riverside!" sigaw ng driver ng jeep na sinasakyan namin.


Doon dumilat si Jordan. Ang malinaw na brown niyang mga mata ay humahalo sa kislap ng ilaw sa loob ng jeep. Tumingin siya sa akin at sumilip sa bintana na nasa likod ko.


"Para po," para niya nang makarating na kami sa bukana ng Pasong Camachile Dos. Sa tapat ng mismong subdivision nila.


Hindi ko alam ang gagawin, hindi ako makapagdecide kung bababa rin ba ako o hindi, pero nang hilahin ni Jordan ang dulo ng bag ko na hawak-hawak niya pa rin ay napababa na rin ako.


Madilim na sa labas kaya hindi halatang punit ang aking blouse, dagdag pa na inilagay ko ang bag ko paharap sa aking dibdib. Nasa tabi ko si Jordan pero hindi bumababa ang tingin niya sa katawan ko.


Tinanaw ko ang papasok sa gate ng Ecotrend Villas kung saan siya nakatira, maliwanag ang guard house roon. Nang tumawid kami ay hawak niya pa rin ang dulo ng bag ko, kaya ayun kahit alumpihit ay napasunod ako sa kanya.


Paglampas namin sa guard house ay doon ako nagkalakas na magsalita. "Di ba nakakahiya sa..."


"Wala sina Mommy," kaswal na sagot niya. "Nasa SM."


"Bat di ka kasama?"


"Kasi nandito ako."


Napanguso ako. "Pilosopo."


Naglakad kami papasok sa subdivision nila. Parepareho ang mga bahay pero iyong iba ay may mga extension na. Sa end lot kami huminto kung saan may malawak na bungalow na sa tingin ko ay dalawang malaking unit na pinag-isa. Modern style iyon, white and grey ang paint, sliding mirrors ang mga bintana.


"'Yan bahay niyo?" tanong ko kasi feeling ko close na kami bigla.


Tumango siya at lumapit sa bakal na gate para buksan ito.


Sumilip ako sa loob ng bakuran. Astig, kahit maliit lang ang bakuran, nakabermuda grass tapos may pananim na orchids, iyong nakadikit sa kahoy.


"Ganda pala ng bahay niyo. Nangangailangan ba kayo ng aso? Keri kong tumahol."


Naiiling na binuksan niya na ang gate. "Halika na."


"Wala bang tao riyan?" Baka kasi meron, like kasambahay or ibang kamaganakan. You know? Uso sa Pinas ang extended family.


"Wala," tipid na sagot niya.


Huminto nang kusa ang mga paa ko sa tapat ng gate nila. "So tayo lang?"


Nakakunot ang noo na nilingon niya ako.


"Luh! Tayo lang pala. Ayokong sumama sa loob. mamaya riyan, kung ano pang gawin mo sa akin."


Tumaas ang sulok ng bibig niya. "May aso sa loob."


Inismiran ko siya. "So? Malamang loyal iyon sa 'yo."


"Tara na." Nauna na siya papasok sa main door matapos niyang susian.


Sumunod naman ako. Nakakacurious din kasi kung ano ba ang itsura ng bahay ng mga Herrera hehe.


Pagpasok ay binuksan agad ni Jordan ang split type aircon na nasa sala. Naghubad siya ng sapatos at inilagay iyon sa may rack na nasa gilid ng pinto. Ginaya ko naman siya, naghubad din ako ng sapatos ko. Nakakahiya kasi ang linis ng tiles nila.


Iginala ko ang paningin ko sa sala nila. Hindi gaanong malaki pero mas malaki kaysa sala namin. Mas malinis din at maaliwalas. Puti ang dingding, mataas ang ceiling at tanaw ang dining. Kakaunti man ang gamit pero nasa ayos lahat.


Hindi ko masabing humble ang kabahayan dahil nagmumura sa laki ang kanilang flat screen TV. Plus pa na tanaw ko rin mula rito ang two door refrigerator nila. Saka tatlo ang split type aircon, dalawa sa sala at isa sa dining, maliban pa siguro ang nasa tatlong kwarto. Magkano kaya ang Meralco bill nila?


"Gusto mong tubig?" tanong niya sa akin.


"Softdrinks meron?" Nauuhaw talaga kasi ako pero type ko sana iyong may hagod sa lalamunan.


Umiling siya. "Juice."


"Magtitimpla ka pa? Wag na." Umiling ako. Kakahiya naman kasi kung pagtitimplahin ko pa siya, sana ibili niya na lang ako ng Coke kung meron mang tindahan malapit dito sa bahay nila.


Palinga-linga pa rin ako sa paligid. Alerto ako habang nagmamasid dahil baka bigla na lang may dumamba sa aking aso, may aso raw sila sabi ni Jordan e. Pero ilang minuto na ako nakatayo sa gitna ng sala, wala naman akong natatanaw na aso.


"Nasaan pala iyong aso niyo?" tanong ko kasi di ko makita.


Itinuro ni Jordan ang gilid ng sofa. Pagtingin ko roon ay may nakaupong aso—stufftoy na aso!


Nagusot ang aking mukha. "Niloloko mo ba ako?"


"Bakit? Mukha bang pusa 'yan?" balik-tanong niya in his all serious mode.


Inirapan ko siya. "May araw ka rin sa akin."


"Hindi pa ba kanina iyong araw ko? Sinikmurahan mo na ako. Unless kulang pa iyon sa 'yo," sabi niya na hindi naman mukhang galit. Wala lang. Neutral lang.


Napalabi ako nang pumasok na siya sa isa sa mga pinto na naroon. Ewan ko kung kaninong kwarto, pero nasilip ko na pink ang paint niyon sa loob.


Habang wala si Jordan ay nagpatuloy ako sa pagtingin-tingin sa paligid. Sa istante na nasa gilid ng sofa ay may mga CDs. Tiningnan ko isa-isa. Puro Taylor Swift. Sa kapatid niya yata.


Napakanta tuloy ako. "He's the reason for the teardrops on my guitar. The only thing that keeps me wishing on a wishing star..." With action pa ang kamay ko tapos ginawa kong microphone iyong remote ng TV nila. 


Iyon ang naabutan ni Jordan paglabas niya ng pinto sa kwartong pinasukan. Nakakunot ang noo niya nang iabot sa akin ang dalang uniform blouse na nakahanger. "Here."


"Ano naman 'yan?" Hindi ko tinanggap ang inaabot niya na alam kong pag-aari ni Jillian. Ibinalik ko ang CD at remote sa pinagkuhanan ko kanina.


"Sa kapatid ko 'yan. Magkasing-katawan lang naman siguro kayo."


"Wala kayang boobs kapatid mo."


Kumunot lalo ang noo niya.


"Joke, joke, joke!" Bumungisngis ako. "Pero maganda naman si Jillian, mas maganda nga lang ako."


Inilapag niya sa gilid ng sofa ang uniform blouse. "Change your blouse. Mag-aalala ang mommy mo kapag nakita ka niyang ganyan."


"Ayoko nga." Nanulis ang nguso ko. "Di naman kami close ng kapatid mo e. Mamaya magalit pa iyon. Tshirt mo na lang, peram."


Tumalikod na siya at pumasok sa katabing pinto ng pinasukan niya kanina. Doon yata ang kwarto niya.


Tiningnan ko ang blouse ni Jillian na iniwan niya sa sofa. Small ang size dahil siguro petite ang kapatid niya. Mas matangkad din ako at madibdib kaya malamang na hanging ito kapag sinuot ko. Napailing ako at ibinalik sa sofa ang blouse.


Ilang minuto bago lumabas ng kwarto si Jordan. Paglabas ay hindi na siya naka-uniform. Isang plain white shirt na ang suot niya at black jersey shorts. Wala na rin ang suot niyang relo sa kaliwang bisig kanina.


Napatingin ako sa binti niya dahil first time ko iyong nakita. Hmn, balbon pala siya.


Sa kanang kamay niya ay may bitbit siyang tshirt na kulay black. Inabot niya iyon sa akin. "Malinis 'yan."


Tinanggap ko naman at tiningnan. Plain cotton black shirt ito na ang brand ay Uniqlo. Inamoy ko, mabango. Amoy Downy.


"Nasa dulo ng kitchen ang bathroom. Pwede ka roong magpalit—"


Hindi ko na siya pinatapos. Pumasok agad ako sa pinto na nilabasan niya kanina. Papupuntahin niya pa ako sa banyo nila e meron namang mas malapit na pwede kong pagbihisan.


"Hey!" hahabol pa sana siya nang isara ko agad ang pinto pagpasok ko.


"Wag kang maninilip, magkakakuliti ka!"


Napangisi ako nang hindi na siya nangulit sa labas. Madali naman palang kausap si Jordan.


Inilibot ko ang paningin sa kwarto at hindi ko mapigilang hindi mapangiti. Sa kanya nga ang kwarto ito. Sino ba ang mag-aakala na makakapasok ako rito? Maski nga makatuntong sa bahay nila, never kong na-imagine na mangyayari.


Kulay light blue ang paint at sakto lang ang laki ng kwarto ni Jordan. Parang kasing size lang ng kwarto ko. Iyon nga lang, higit na mas organized at malinis ang kwarto niya. Iyon sa akin kasi, parang ahas na lang ang kulang, gubat na.


Hinubad ko ang suot kong blouse. Ang bra ko ay isa na lang ang strap dahil tinapon ko na kanina ang isa. Naisipan ko na alisin na rin ang isa pang strap, inilapag ko iyon sa bedside table ni Jordan.


Tiningnan ko ulit ang cotton plain shirt na Uniqlo at isinuot. Maluwag sa akin. Ayos lang, mas trip ko naman ang mga oversized shirt kasi presko. Feeling ko, magiging favorite ko na ito. Aarborin ko na. Di ko na ibabalik.


Sumunod kong inayos ang buhok ko. Sinuklay ko ito gamit ang aking mga daliri. Sa may reading table sa gilid ng kwarto ay nakadampot ako ng ballpen, kinuha ko iyon at ginamit na pang-bun sa buhok ko.


Tumingin ako sa nakasabit na salamin sa tabi ng pinto. May ilang hibla ng buhok na kumawala sa pagkakabun ko pero ayos lang naman. Nakapaldapa rin ako na uniform at malaki ang shirt. Ang cute ko. Mukha akong skater girl. Ah, di ko na talaga babalik itong shirt. Akina to.


Nakialam din ako sa nakita kong tissue roll na nasa gilid ng kama ni Jordan. Kumuha ako at pinunasan ko ang oil sa aking mga braso at leeg, 'tapos itinapon ko iyong tissue sa trash bin na nasa gilid. Ang kaso umaapaw na ang used tissue roon kaya kinailangan ko pang apakan para lang macompress.


Lumapit ako sa double size bed na naririto. Ultimo higaan ni Jordan, ang ayos. Ang lambot pa. Sarap sigurong matulog dito. Haist, when kaya?


Mga katok sa pinto ang pumatay sa paglalakbay ng diwa ko.


"Hindi ka pa ba tapos?" boses ni Jordan mula sa labas.


"Tapos na!" sigaw ko. "Pasok ka!"


Pumihit ang seradura ng pinto at pumasok si Jordan. May bitbit siyang maliit na first aid kit box.


"Tatapon ko na ito." Ipinakita ko sa kanya ang blouse ko na tingin ko ay hindi na kayang isalba dahil pati pala likod, may tastas.


Naupo ako sa gilid ng kama niya at tiningala siya.


"Tama ka, mag-aalala si Mommy kapag nakita niya ako sa ayos ko kanina. Tiyak malalaman niya agad na nakipag-away ako. At kahit pigilan ko siya, malamang na pupunta pa rin siya sa school."


Kahit di kami nagkakasundo ni Mommy, ayaw ko talaga siya na nag-aalala sa akin. Kaya nga hangga't kaya ko ang problema, never akong nagsasabi sa kanya. Saka pinakaayaw ko rin ay ang pupunta siya sa school. May ilang estudyante kasi na kilala siya. Natatakot ako mabastos siya.


Naupo rin si Jordan sa gilid ng kama, sa tabi ko, pero may espasyo. Ang medicine kit ay inilagay niya sa pagitan naming dalawa.


"Tigilan mo na ang pakikipag-away," malumanay niyang sabi habang inire-ready ang gagamitin sa pagamot ng mga sugat ko.


Lumabi ako. "Araw-araw ba akong nakikipag-away?"


Hindi niya pinansin ang sinabi ko. "Hindi maganda na nakikipag-away ka. Paano kung mapuruhan ka? Ang mommy mo ang higit na mag-aalala."


"Saka ikaw?"


Tumingin siya sa akin at sumimangot.


Natawa naman ako sa reaction niya. "Joke lang. Bat ba ang hot mo lagi?"


Hindi na siya nagsalita. Naglagay siya ng alcohol sa bulak at saka tiningnan ako.


"Huy, bat naman alcohol? Mahapdi 'yan e!" angal ko agad.


"Sana naisip mo 'yan bago ka nakipag-away." Hinanap ng brown niyang mga mata kung saan banda ang mga sugat ko.


"Betadine na lang!" Umusod ako at sakto na napatingin siya sa gilid ng leeg ko. Shit!


Hindi na ako nakapalag nang marahan niyang idampi ang bulak sa kalmot ko sa leeg. Para akong kuting na napahalinghing.


"Ang sakit!" impit na sambit ko habang napapaurong. "Dahan-dahan naman, may galit ka yata sa akin e."


Lumapit siya para icheck kung saan banda ang kalmot sa leeg ko. Dahil naka-bun na ang buhok ko ay nakita niya tuloy pati ang sugat bandang likod ng aking tainga.


Kumuha ulit siya ng bulak. Nakagat ko ang aking ibabang labi nang muli siyang umusod. Desidido talaga siya na gamutin ang mga sugat ko. This time, mas marahan ang bawat hagod niya. Mukhang naawa sa akin kasi panay daing ko kanina.


Habang ginagamot niya ako ay hindi ko maiwasang hindi mapatitig sa kanya. Ang lapit ng mukha niya sa akin. Ang ganda talaga ng mga mata niya, naghahalong kulay chocolate at kalawang, parang papunta na sa ginto. Tapos ang kutis niya, ang kinis. Wala siyang ka-pores-pores.


"Anong skin care mo?" bigla kong naitanong. Nakakacurious kasi.


Natigilan siya at ang brown niyang mga mata ay napatuon sa aking mukha. Nagtama ang aming paningin ng ilang minuto.


"Huy, skin care reveal."


Napakurap siya pagkatapos ay nakasimangot na lumayo. "Ikaw na ang gumamot ng ibang gasgas mo."


"Wala naman na e." Tiningnan ko ang mga braso ko, saktong pamumula lang at bakat ng kuko, pero walang gasgas. Thank you Johnson's baby oil.


Itinapon niya sa trash bin ang mga gamit na bulak. Saglit na nagsalubong ang mga kilay niya nang makitang nakalubog ang kanina'y bahagyang umaapaw na used tissue roon.


"Sinisipon ka ba?" tanong ko sa kanya. "Mukhang fresh pa 'yang mga tissue mo riyan e."


Yumuko siya pero nahuli ko ang mariing paglalapat ng kanyang mga labi. "Ayusin mo ang sarili mo pagkatapos umuwi ka na."


Napalabi ako dahil ang sungit niya na naman.


"Hindi mo ako ihahatid? Gabi na o..." Inginuso ko ang labas ng sliding window sa kwarto niya kung saan makikita ang madilim na labas.


Hindi siya umimik.


Inilibot ko muli ang paningin sa kwarto niya. Malinis talaga ang paligid. Siguro si Jordan mismo ang naglilinis dito dahil wala naman silang kasambahay. Saka iyong pagkaka-organize ng kwarto, hindi maarte. Puro importanteng gamit lang rin ang makikita, mahahalata talaga na ang nag-aasikaso rito ay lalaki.


Nakarinig kami ng pagparada ng sasakyan sa tapat ng bahay nila.


Namilog ang mga mata ko kay Jordan. "Hala! Nandiyan na yata ang family mo!"


Balewalang niligpit niya lang ang mga ginamit sa pagamot sa akin.


Kinalabit ko siya sa ulo kasi nakayuko siya. "Huy, di ka ba natatakot makita nila ako?"


"Hindi ka naman siguro nangangain ng tao."


Napapalatak ako. "Ay, joker siya."


Mayamaya ay nakarinig na kami ng ingay mula sa sala. Nagkaroon ng pag-uusap. Dinig na dinig iyon dito dahil katabi ng pader ng kwarto ni Jordan ang mismong sala nila.


Patayo na ako sa kama nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok ang isang babae na kaedaran ko. "Kuya, bat di ka nagrereply sa text—"


Nahinto sa pagsasalita si Jillian Mae Herrera nang mapadako sa akin ang kanyang mga mata. Napanganga ang mga labi niya.


"Hi!" Agad ko siyang nginitian kahit pa pati ako ay nagulat sa kanya.


Shit! Bakit kasi tyempo?! Akala ko mamaya pa sila uuwi!


Nakanganga si Jillian pero nang mahimasmasan ay mahinhing ngumiti sa akin. "Hello..."


Tumayo na si Jordan at nilapitan ang kapatid. "Kumain na kayo sa SM? Hindi pa ako nagsasaing."


Alanganin ang ngiti ni Jillian, naroon pa rin ang gulat at maraming pagtataka nang sumagot. "Yep, kumain na... Ikaw ba... I mean, kayo?"


"Jordan, may dala kaming take out," boses ng lalaki mula sa labas ng sala. Sa tingin ko ay iyon ang daddy nila.


Napatingin si Jordan sa akin. "Gusto mong kumain?"


"Ha?"


Napakamot ng pisngi si Jillian. "Uhm, pang isa lang iyong inuwi naming food, Kuya..."


"Sa bahay na lang namin ako kakain," mabilis kong sabad sa paguusap nila. Tangina ang awkward na.


Hindi ko na hinintay si Jordan na magsalita. Nagmamadali akong pumunta sa pinto, ang kaso ay sakto na nasa sala pa pala ang mommy nila.


Paglabas ng kwarto ay muntik matalisod ang Grade 12 Filipino teacher na si Mrs. Ethelinda Herrera nang makita ako. "Diyos ko!"


Napangiwi ako nang bumati. "G-good evening po, Ma'am..."


Pesteng tyempo talaga o!


Parang wala lang naman kay Jordan nang lapitan niya ang ina at halikan sa pisngi. "Ihahatid ko lang si Carlyn, Mom."


"Carlyn?" sambit ni Mrs. Herrera nang tumingin ulit sa akin. "Is she your girlfriend?"


"Hindi po," ako na ang sumagot. "Tinulungan niya lang po ako kaya ako nandito," pagpapaliwanag ko bago pa sumalimuot ang lahat.


Nakakahiya sa parents niya. Naabutan akong galing sa mismong kwarto niya. Malamang kung ano-ano na ang iniisip sa akin ngayon ng mommy niya. Baka tingin na nito sa akin ay rebelde, malanding estudyante at—


"Oh, I see." Ngumiti si Mrs. Herrera sa akin. "Kumain ka na ba, ineng?" mahinahon na tanong niya na ikinagulat ko talaga.


Napatitig ako sa maamong mukha ng mommy ni Jordan, wala akong nakikitang kahit katiting na panghuhusga mula roon. Bakit ganoon?


"Dito ka na kumain, ineng." Ang tono niya ay natural na tono ng tubong Pascam, iyong malumanay at malambing. "Sumabay ka na kay Jordan, hane?"


"Sino ba 'yan, Thel?" Mula sa katapat ng pinto ng kwarto na nilabasan namin ay lumabas ang isang matangkad at tisoy na ginoo. Kahit may edad na ay maganda ang tindig nito, at katulad ng sa mga anak, nagtataglay ito ng banyagang mga mata, malinaw na kulay brown.


"Daddy, kaibigan ni Jordan," sagot ni Mrs. Herrera sa asawa.


Tumingin sa akin si Mr. Herrera. "Kaibigan ni Jordan? Ngayon lang nag-uwi ng kaibigan ang binata ko, ah." Nginitian niya ako.


Nang mapatingin ako kay Jillian ay kimi rin siyang nakangiti sa akin. "Paghanda ko kayo ng pagkain ni Kuya."


Hindi ko makuhang magsalita dahil nalulula ako sa kanila. Bakit ganoon? Bakit ang babait nila? Wala bang violent reaction man lang riyan?


"Tara," narinig ko na sabi ni Jordan sa aking tabi.


Nauna siyang pumunta sa dining nila na kanugnog ng sala. Nahiya naman ako na hindi sumunod dahil nakangiti si Jillian sa akin at kinakawayan ako na pumunta na rin sa dining table.


"Hati na lang kayo sa ulam ni Kuya. May extra rice naman dito," sabi ni Jillian habang naglalagay siya ng dalawang plato sa mesa. Siya rin ang nagbukas ng paper bag ng fastfood na pinag-take out-an ng pagkain sa SM.


KFC fully loaded meal ang inuwing pagkain ng pamilya ni Jordan sa kanya.


"Mahina lang kumain si Kuya kaya kasya ito sa inyo." Itinuro ni Jillian ang upuan para paupuin ako. "Kayo nang bahala ah. Magbibihis muna ako." Pagkapaalam niya ay nakangiti siyang umalis pagkatapos.


Naiwan kami ni Jordan sa harapan ng hapag. Hindi na ako nag-inarte, kinain ko na ang hiya ko. Naupo na ako dahil mas mukhang tanga lang kapag si Jordan lang ang nakaupo.


"Jordan!" tawag ng mommy niya na sumilip mula sa pinto ng kwarto. "May ginawa ako kaninang umaga na maja blanca. Nasa ref, patikimin mo si Carlyn."


Nagsimula na kaming kumain. Ibinigay ni Jordan sa akin ang malaking part ng chicken. Ibinigay niya rin sa akin pati ang mushroom soup.


Kumuha ng tubig si Jordan at sinalinan ang mga baso namin. Pagkasalin ng kanya ay uminom siya.


"Gusto kong matikman gawa ng mommy mo."


Kandasamid-samid siya iniinom. Nang ibaba niya ang baso ay masama ang tingin niya sa akin.


Lumabi ako. "'Problema mo?"


Naiiling na padabog siyang tumayo. "Wala."


E di wala. Hilig niyang masamid pag nainom. Siguro daming girls na nag-iisip sa kanya. Ganoon daw iyon pag nasasamid e, ibig sabihin maraming umiisip sa 'yo.


Pagbalik niya sa aking tabi ay dala niya na ang Tupperware na may maja blanca. Inilapag niya iyon sa harapan ko at binuksan ang takip.


"Thank you." Matamis ko siyang nginitian saka ako nagsandok ng maja.


Tahimik kaming kumain habang bawat subo ko, nangingiti ako. Wala lang, ang sarap lang sa pakiramdam na may kasamang kumain. Usually kasi kapag ganitong oras, mag isa lang akong nagdidinner sa amin. Hindi kasi kumakain sa gabi si Mommy dahil on a diet siya.


Matapos kumain ay si Jordan ang nagligpit ng mga pinagkainan, nilagay niya sa lababo. Busog na naman ako kaya ang tagal ko pa bago nakatayo. Hindi ko pa napigilang dumighay, mabuti na lang at nasa sala na si Jordan at kausap na ngayon ang daddy niya.


Paglingon ko sa gilid ko ay kalalabas lang ni Jillian sa kwarto. Nahuli niya ako. Napangisi kami sa isa't-isa.


Pag sunod ko sa sala ay si Jillian ang pumalit sa dining dahil maghuhugas na yata siya ng mga pinagkainan.


"Dad, pahiram ng susi," narinig kong sabi ni Jordan kay Mr. Herrera.


"Ingat sa daan, ha?" sabi ng daddy niya matapos ibigay sa kanya ang susi. Nang mapatingin sa akin ay ngumiti ang lalaki.


Magalang na ngumiti rin ako. "Thank you po, Sir. Pakisabi rin po kay Ma'am." Nasa kwarto na kasi si Mrs. Herrera.


Naunang lumabas ng bahay si Jordan at kasunod niya ako. Sa tapat ng bahay nila ay may nakaparadang sedan na kulay pula. May pinindot siya sa hawak na car key at tumunog ang sasakyan.


"Marunong ka magmaneho?" tanong ko.


"I got my student license last month."


Napatango ako. Kahanga-hanga lang kasi ang laki ng tiwala sa kanya ng daddy niya para ipahiram sa kanya ang kotse.


Binuksan niya ang passenger seat at nilingon ako. Pumasok naman agad ako sa loob habang siya ay umikot patungo sa driver's seat.


Nang magkatabi na kami ay nilingon ko siya. Seryoso ang kanyang mukha habang nakatutok ang paningin niya sa daan. Wow! He looked so responsible. He was mature. Parang lahat yata, alam niya. Hindi lang about academics, kundi pati sa buhay. Nang i-start niya ang engine ay saka lang ako napakurap.


Kahit maiksi lang ang byaheng Pascam to Navarro ay naenjoy ko ang ride. Nagpatugtog kasi ako. Hindi na ako nagpaalam, basta ko na lang binuksan ang stereo. Sakto pa na pasukan ng pa-Epza ang oras kaya na-traffic kami ng slight sa paglampas sa Grand Riverside.


♫♪♬I don't wanna go another daySo I'm telling you Exactly what is on my mind Seems like everybody's breaking up And throwing their love away But I know I got a good thing right here That's why I say, hey♪ ♬



Nang tumugtog ang kanta ng Pussycat Dolls ay sinabayan ko. Wala akong pakialam kahit pa dumiin ang pagkakahawak ng kamay ni Jordan sa manibela ng kotse.


"Nobody gonna love me better, I'ma stick with you forever. Nobody gonna take me higher, I'ma stick with you..."


Pumipitik-pitik ang daliri ko habang nakasandal ako sa sandalan ng passenger's seat at kumakanta. Tahimik lang naman si Jordan sa tabi ko. Nakikinig lang siya.


"You know how to appreciate me, I'ma stick with you, my baby. Nobody ever made me feel this way, stick with you..."


Pagpasok sa paglikong Navarro ay itinuro ko sa kanya ang daan. Dahil nakakotse ay hindi kami sa shortcut na esikinita kaya medyo malayo-layo ang papunta sa amin.


"Diyan ka iikot." Tinuro ko ang daan. Sinusunod naman niya.


"Thank you." Inalis ko na ang seat belt sa aking katawan.


Nang nasa harapan na kami ng bungalow namin ay nilingon ko siya. Madilim sa labas pero may mga tao pa sa kalsada, lalo na sa may tindahan na malapit sa bahay namin.


"Wag ka nang bumaba, baka makita ka pa ng mga kapitbahay ko."


Tinaasan niya ako ng isa sa makakapal niyang kilay. "Kung makikita nila ako?"


"Iisipin nila na jowa kita."


Hindi siya kumibo. Pagkahinto sa tapat ng bahay namin, nauna pa siyang siyang bumaba. Tigas ng ulo o.


Bumaba na rin ako at dumiretso agad sa gate namin. Siya naman ay sumunod sa akin. "Thank you," pasasalamat ko ulit. Sinilip ko ang mga tambay sa tindahan, so far wala pa namang napapalingon dito sa gawi namin ni Jordan.


"Wag ka na ulit makikipag-away," narinig kong sabi niya kaya napatingala ako sa kanya.


"Hindi naman ako ang nanguna..."


"Then wag kang papatol," mahinahon ang pagkakasabi niya pero parang dapat pa ring sundin.


"Pwede ba iyon?" Nanulis ang nguso ko. "Hinahamon ako, pwede bang hindi ko palagan? Alangan namang hayaan ko lang saktan ako nila ako—"


"Then call me."


Natigilan ako. "Ha?"


"Kapag sa tingin mo ay nasa alanganin ka at may mangyayaring hindi maganda, tell me. Let me do something about it."


Napanganga ako nang may marealize. "Jordan..." Nanlalaki ang mga mata ko. "Iyong mga tanod kanina... Ikaw ba ang tumawag sa kanila?"


"Pumasok ka na," sabi niya sa halip na sagutin ang tanong ko.


Nakagat ko ang aking ibabang labi. Wala akong maapuhap sabihin. Nang tingalain ko siya ulit ay parang tanga na dumoble ang kabog ng dibdib ko.


"Pumasok ka na," narinig kong muling sabi niya.


Napabuntong-hininga ako. "Okay..." Hinawakan ko ang laylayan ng tshirt na pinahiram niya sa akin. "Ito palang shirt..."


Napatingin naman siya sa suot ko.


Tumikhim ako at nagsikap na ngumiti sa kanya. "Tatlo na iyong gamit mo sa akin. Iyong jacket, itong shirt saka itong ballpen mo sa buhok ko."


Umalon ang kanyang lalamunan at nang mag-angat siya ng mukha ay hindi na siya makatingin sa mga mata ko. "You can keep them."


Nagningning bigla ang mga mata ko. "Weh?"


"Bahala ka." Tumalikod na siya at naglakad na papunta sa kotse.


"Thank you, Jordan!" maligayang habol ko sa kanya. Kumaway ako sa kanya. "Ingat ka sa pagmamaneho! Kita-kits bukas!" Kumaway ako sa kanya.


Kumakaway ako sa kanya kahit nang nasa loob na siya ng kotse. Kahit pa hindi ko na siya makita dahil tinted ang salamin. Wala na akong pakialam pa kahit may mga chismosa sa tabi-tabi na maaaring makakita.


Basta bigla ko na lang naramdaman na masaya ako.Kahit magulo ang utak ko, isa ang malinaw at naiintindihan ko sa mga oras na ito...


Gusto ko nang magbukas. Gusto ko na ulit makita si Jordan Moises Herrera!


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro