Chapter 8
I HATE HIM!
Basta galit ako kay Jordan Moises Herrera. Hindi ko maintindihan kung bakit ang dami namang humuhusga sa akin, pero kakaiba ang sama ng loob ko sa kanya kahit wala naman talaga siyang ginagawa.
The thought lang na wala siyang imik, na hindi ko mabasa ang tumatakbo sa isip niya habang blangko ang mga tingin niya sa akin, kumukulo na agad ang dugo ko. Naninikip na agad ang dibdib ko.
"Carlyn, aray! Masakit!" daing ni Charles habang hila-hila ko siya.
Nasa kabilang building na kami nang marealize na sa ulo ko pala siya hinahawakan. Nakasabunot pala ako sa buhok niya habang hila-hila siya. Nabitiwan ko siya agad. "Sorry."
Napahawak siya sa kanyang ulo. "A-ayos lang..."
Tiningnan ko siya. "Hoy, galit pa rin ako sa 'yo. Binabawi ko na talaga iyong sinabi ko na napatawad na kita!"
"Ha?" Nanubig na naman ang kanyang mga mata. "Carlyn, naman..."
"Anong Carlyn naman? Ayaw na kitang makita kaya wag ka nang papakita ulit sa akin, naiintindihan mo?!" sigaw ko sa kanya dahil nga sa inis na inis ako.
Tinalikuran ko na siya bago pa siya makahirit.
Pamartsa na naglakad ako papunta sa room. Wala akong pakialam kahit tinatawag ako ni Charles. Asar na asar talaga ako, hindi lang sa kanya at kay Lou, higit talaga lalo kay Jordan Moises Herrera!
Pagbalik ko sa room ay nagsisimula na ang klase. Napagalitan ako ng teacher namin dahil oras na ng klase, gumagala pa raw ako.
Pinagtawanan ako ng mga kaklase namin, nakitawa rin sina Asher at Miko. Mga gago.
Pagkaupo ko sa upuan ko ay nilingon ko si Nelly. Banas pa rin ako sa babae, pero nag-aalala ako sa kanya. Tingin ko nga ay buntis talaga siya dahil medyo bumibilog siya lately.
Sa buong klase at kapansin-pansin na tahimik lang si Nelly. Parang may malalim siyang iniisip. Tumatayo-tayo siya para lumabas tapos babalik ulit sa upuan at mananahimik.
Bandang hapon nang makita ko siyang lumabas ulit. Pagbalik niya ay hindi na siya naka-uniform blouse. Naka-white t-shirt na siya.
Kasali ako sa cleaners nang uwian kaya hindi agad ako nakalabas nang tumunog ang bell. Nauna nang lumabas sina Asher, Miko at Nelly.
Si Isaiah naman ay nag-gel pa ng buhok bago lumabas. Sisipol-sipol na pumunta sa kabilang classroom para sunduin si Vivi.
Bumagsak ang aking balikat dahil ibig sabihin, wala na naman akong kasabay pauwi...
Ayaw ko na ulit magpaabot ng gabi kaya pagkatapos maglinis, sumama na ako sa mga kaklase kong cleaner na sa paglabas ng room.
Papadilim na at wala ng masyadong estudyante kaya nagmamadali akong bumaba ng hagdan. Napatigil ako sa paghakbang nang makitang humahangos pabalik si Asher.
"Carlyn, si Nelly nakikipag-away!"
"Ha?" Nagulat ako. "Sinong kaaway?!"
"Charlotte Columna yata pangalan nong kaaway. Pero square areglo lang, silang dalawa lang."
Napapiksi ako sa narinig. Kung hindi ako nagkakamali, kapatid ng feeling jowa ko na si Charles Felix si Charlotte. Matropa iyon sa pagkakaalam ko.
"Tara panoorin natin!" yaya ni Asher sa akin. "Andoon na si Miko!"
"Buntis si Nelly!" gigil na sigaw ko kay Asher. "Bakit hinayaan niyo siyang makipag-away?!"
Natulala siya sa akin. "Hala di nga?!"
Kwinelyuhan ko siya sa suot na school polo. "May baby oil ka?"
"Bakit naman ako magkakaroon ng baby oil?!"
"Hubarin mo 'yang tshirt mo!" sigaw ko sa kanya sabay hila sa kanya sa likod ng hagdan. Sa loob ng school polo niya ay may suot siyang white shirt.
"Teka bakit?" Namilog naman ang mga mata niya sa akin nang nasa ilalim na kami ng hagdan.
"Basta maghubad ka!" Sinimulan kong alisin ang butones ng suot kong blouse.
"Huy gagi, Car! Ayoko!" Napayakap siya sa katawan niya na parang gago.
"Tanga!" Itinulak ko siya sa dibdib. "Wag na nga, punyeta ka!"
Hindi ako palaaway, ang huling pakikipagsabunutan ko pa ay noong Grade 7 ako. Napaaway ako noon sa kaklase ko na nagkataong kapitbahay namin. Nilait niyon si Mommy sa harapan ko, palibhasa walang maisip na ibang pwedeng ipanglait sa akin. Napatid ang pasensiya ko noon kaya binanatan ko hanggang mauwi kami sa guidance office.
Mula noon, tumanim na sa isip ko ang pakikipag-away. Alam ko na ang pasikot-sikot.
Dito sa Pinagtipunan, kapag may ganitong square areglo, nag-iipon-ipon ang mga estudyante. Walang nag-away na mga babae rito na hindi nahuhubaran, kaya naman ang daming mga nakikiusyoso. Mga tanga.
Nanakbo na ako at iniwan si Asher sa ilalim ng hagdan. Dumaan ako sa papasarang school supplies store na malapit sa stage. Mabuti at may baby oil doon. Bumili ako ng maliit na bote.
Habang nanakabo palabas ng gate ng school ay pinapaliguan ko ng baby oil ang mga braso at leeg ko para dumulas.
Wala akong balak makipag-away ngayon pero naiisip ko si Nelly. Kaibigan ko pa rin siya kahit boba siya. Saka buntis siya, hindi pwedeng pababayaan ko siya. Malamang na mapagtutulungan siya o kung di man ay may makikibanat na iba sa kanya.
Iyong iba kasi ay kunwari lang na nakikiawat, pero nakikibanat lang talaga.
Si Asher ay nanakbo na kasunod ko. "Car, sandali!" sigaw niya. May humarang sa kanyang nagpapa-cute na babae, pero itinulak niya ito sa mukha para makasunod siya sa akin.
Nang makarating ako sa kanto ng Brgy. Pinagtipunan, papuntang Prinza, ay may mga umpukan na roon ng mga estudyante, sa papunta sa may bilyaran.
Sinigawan ko ang mga nakaharang sa daan. "Bakit walang tumatawag ng tanod?!"
Tiningnan lang nila ako.
Sa gilid ay nakapwesto ang mga tropa ni Charlotte. Nang makita nila ako ay inginuso agad nila ang dalawang magkaharap.
Napamulagat ako nang makitang putok na ang noo ni Nelly at punit na rin ang suot niyang palda. Kung hindi siguro siya naka-tshirt ay malamang nakahubad na siya ngayon.
Ang kalaban niya na si Charlotte ay litaw na ang bra dahil blouse naman nito ang punit. Pareho na ring may kalmot ang mga mukha nila.
"Hoy, Nelly!" sigaw ko. Nang akma siyang susugod ulit ay hinatak ko siya sa braso.
Nagulat siya nang makita ako. "Carlyn!"
Itinulak ko siya papunta kina Asher. "Bantayan niyo yan, 'wag niyong palalapitan!" singhal ko sabay bato sa kanila ng bag ko.
Hindi pa ako nakakabwelo nang biglang may humaltak sa buhok ko. Paglingon ko ay si Charlotte. Nanlilisik ang mga mata niya sa akin.
"Ikaw talaga dapat ang kakalbuhin kong malandi ka!" sigaw niya habang winawasiwas ang buhok ko. "Niloko mo ang kuya ko!"
Dahil sa nauna siyang umatake sa akin at hawak niya ako sa buhok ay hindi ako makatingala. Halos ingudngod niya na ako sa kalsada pero hindi pa rin ako makapalag.
Lalong nagtipon-tipon ang mga estudyanteng nanonood. Pati mga tambay ay nakikiusyoso na rin.
May mangilan-ngilang nagchi-cheer kay Charlotte na hubaran ako.
Dahil hindi ko maabot ang buhok ni Charlotte ay sinikmuraan ko na lang siya. Nang mabitiwan niya ako ay bumuwelo ako para tadyakan siya sa tiyan.
"Whoo! Baka tropa namin yarn!" sigaw ni Miko.
Pati si Asher ay nakisigaw na rin.
Wala talagang umaawat.
Pasugod ako kay Charlotte nang may humila sa buhok ko. Tropahan ng babae na mga biglang nakisali.
Nakuha ko pang makasapak ng isa ang kaso ay may humila sa braso ko. Dumulas ang hawak sa braso ko dahil sa pinahiran ko iyon kanina ng baby oil. Lahat ng kalmot nila, hindi gaanong bumabaon.
Palapit na sina Asher sa akin dahil nakita nilang hindi na patas, isa lang kasi ako at marami sina Charlotte, ang kaso ay hinarangan sila ng mga lalaki na nanonood. Kapag away babae kasi, bawal makisali ang mga lalaki.
May sumapak ulit sa akin. Hindi pa ako nakakabawi nang may humablot naman sa blouse ko. Tanggal agad ang tatlong butones.
"Mayabang ka, ha!" sigaw sa akin ng isa sa mga tropa ni Charlotte. Sinuntok ako nito sa tagiliran.
Bago ako masubsob sa semento ay may humaltak sa blouse ko. Nadali ang strap ng suot kong bra at agad iyong napigtal.
Lalong lumakas ang ugong ng hiyawan sa paligid. May dumating ng mga tanod. Doon lang kami naawat.
Humihingal ako habang hawak-hawak ako ni Charlotte. "Wala po, tropa ko to..." humihingal na sabi ko sa mga tanod.
"Opo, tropa kami," sabi rin ni Charlotte sa mga ito na umakbay pa sa akin.
"Harutan lang po, di po kami nag-aaway. Magtrotropa kami."
Nagyakapan kami at nagpaalamanan. Kahit gusto kaming hulihin ng tanod ay hindi kami nahuli dahil sa kanya-kanyang pulasan ang mga nakapalibot na estudyante.
Mabibilis din ang kilos naming patakas. Mahapdi ang anit at balat ko nang sumunod ako kina Asher, Miko at Nelly palayo sa Prinza.
"Car, okay ka lang ba?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Nelly sa akin.
Sinampal ko siya. "Bwakanang shit ka! Bat ka nakikipag-away?!"
"Narinig ko sila sa likod ng bilyaran na pinag-uusapan ka! Kinompronta ko sila kung sila ba ang nagsulat doon sa pader ng CR. Kahit hindi sila umamin, alam ko na sila iyon!"
"Ginamit mo pa akong dahilan!" bulyaw ko sa kanya. "Ang sabihin mo, gusto mo lang makunan! Gaga!"
Natahimik si Nelly at napayuko dahil alam niya sa sarili ang totoo.
Itinulak ko siya sa noo. "Papahindot ka, 'tapos di mo kayang pangatawanan?!"
Inawat na ako nina Asher dahil gusto ko na namang sampalin si Nelly.
"Ilayo niyo sa akin 'yan, baka kung anong magawa ko riyan!" sigaw ko sa kanila. Gigil na gigil talaga ako.
Iniwan ko sila at naglakad ako papunta sa sakayan ng jeep. Humihingal ako habang hawak-hawak ko ang harapan ng aking blouse.
Ang mga nadaraanan ko ay napapatingin sa akin. Paanong hindi sila titingin? Nakalabas ang bra ko dahil sa napunit kong blouse. Tapos iyong buhok ko, magulo.
"Bwiset!" inis na sambit ko dahil alam ko na mukha akong timang.
Wala akong pakialam sa mga taong nakatingin, pero hindi ko pa rin maiwasang hindi mailang. Di bale uwian naman na, makakauwi na rin ako.
Pero paano kapag nakita ako ng mga chismosa sa amin? Malamang may bago na naman silang pulutang kwento. Ang masaklap, kawawa na naman si Mommy dahil siya na naman ang mapupulaan ng mga ito.
Ang napigtal kong strap sa bra ay hinaltak ko na nang tuluyan at itinapon sa kung saan.
Basta ko ring hinawi ang nagulo kong buhok. Napangiwi ako nang matamaan ko ang sugat ko sa gilid ng aking tainga. Tangina, mabuti na lang talaga at hindi ako nadale sa mukha.
Napapailing ako habang naglalakad. Napahinto lang ako nang matanaw ang isang matangkad na lalaki na nakatayo sa may dulong tindahan.
Napalunok ako nang makitang nakatingin sa akin ang kulay brown niyang mga mata. Hindi siya mukhang gulat sa itsura ko. Para bang alam niya na ang nangyari.
Napayuko ako sa hiya. Oo shit, nahihiya ako.
Nakayuko ako habang dire-diretsong naglalakad. Kapit-kapit ko ang harapan ng aking blouse hanggang makalampas sa kanya. Though alam ko na nakahabol siya ng tingin sa akin.
Malamang iniisip niya na basagulera talaga ako, patapon, walang kwenta. Natigilan ako sa pag-iisip. Wait! Ano bang pakialam ko kung ano man ang iniisip niya sa akin?
Wala akong pakialam sa kahit anong iniisip niya!
Wala akong pakialam sa kanya!
Pagkatawid ay sumakay na agad ako ng tricycle na pa-kanto ng Malabon. Sa loob ako ng tricycle nakasakay. Sa labas, sa likod ng driver ay may kasunod kong sumakay.
Pagbaba ko ng kanto ng Malabon ay pumara rin ako agad ng jeep na pa Palapala, dadaan iyon sa amin sa Navarro. Ako lang ang pasahero. Nasa gitna ako ng jeep nang may kasunod kong pumasok sa loob.
Napanganga ako nang makilala siya, lalo nang sa harapan ko siya mismo naupo.
"Bayad po, dalawang Pascam." Nag-abot siya ng bayad sa driver.
Napanganga ako kay Jordan. Hindi niya naman ako pinansin.
Nang makuha niya ang sukli sa binayad ay tahimik na siyang sumandal, humalukipkip, at pumikit, na akala mo ay hindi niya ako kilala.
Pero ako, hindi ko kayang umakto na hindi ko siya kilala. Hindi ko kaya ang kaba dahil kaharap ko lang siya. Hindi ako mapakali kahit pa nakapikit siya.
Ang dungis-dungis ko, nanlalagkit sa baby oil ang balat, may sugat sa leeg at tainga, wasak ang school blouse, at litaw ang ibabaw ng aking bra. Lahat ito ay makikita niya kapag dumilat siya!
Shit! Bakit kasi kailangan naming magkasabay?
Bakit kailangang sa harapan ko pa siya maupo?!
Hinihiling ko na sana dumating na sa Navarro para makababa na ako. Dahil kung magtatagal pa na kasama ko siya sa iisang jeep ay baka hindi ko na kayanin ang tensyon.
Nang matanaw ko na ang bababaan ko ay saka lang ako nakahinga kahit paano. Nang huminto na ang jeep ay nag-ready na agad ako.
Pababa na ako nang biglang hawakan ni Jordan ang aking bag na sanhi para matigilan ako. Nagtatakang napatingin ako sa kanya.
"Ayos lang ba sa mommy mo na makita ka niyang ganyan?" kalmadong tanong niya, na kasing kalmado ng kulay brown niyang mga mata.
Napaawang ang mga labi ko.
Hinila niya ako sa bag hanggang sa mapaupo ako sa tabi niya.
"Wala bang bababa? Navarro?" sigaw ng driver ng jeep.
"Wala na po," sagot ni Jordan.
Nanlalaki ang mga mata ko nang lingunin siya. "Huy! Saan ako pupunta?!"
Sumandal siya sa sandalan at pumikit ulit bago kalmadong nagsalita. "Sa bahay ko. Gagamutin natin 'yang mga sugat mo."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro