Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 53

"GO, WAIT FOR ME IN THE BATHROOM."

Nanigas ang katawan ni Jordan kung dahil sa gulat o sa kung ano mang dahilan. 

Nanunukso ang mga mata ko nang inguso sa kanya ang patungo sa banyo ng kusina. Nakatanga pa rin siya sa akin na parang nananaginip kaya mahina akong natawa.

Ang tunong ng boses ko ay pino at nanghahalina. Ang resulta ay ang goosebump sa leeg niya.

Itinulak ko si Jordan patungo sa kinaroroonan ng pinto ng banyo sa kusina. "I'll follow you inside. I just need to do something."

Kumuyom ang mga palad niya pero ibinukas niya rin nang haplusin ko ang kanyang mga kamay. Para siyang biglang nanghina. Nag magtama ang paningin namin ay walang kasing lamlam ang mga mata niya na nakatunghay sa aking mukha.

Sa sumunod na sandali ay tahimik siyang pumasok sa banyo. Nakasunod ako ng tingin hanggang sa maisara niya ang pinto.

"Don't lock it, okay?" pahabol ko sa kanya.

Kumuha ako ng tubig sa baso at pagkatapos ay lumakad palabas ng kusina. Umakyat ako sa second floor ng bahay at pumasok sa aking kwarto. Ini-lock ko ang pinto at saka ako nagbihis dahil nabasa ang lingerie ko kanina.

Nang makapagbihis na ay kinuha ko ang pouch para kunin ang maliit na bote na kilalagyan ng aking sleeping pills. Nag-take ako ng isa at uminom ng tubig.

Malakas ang tama ng sleeping pills sa akin kaya tiyak na kahit magkasunog pa ay hindi ako magigising.

Sinigurado ko munang naka-lock talaga ang pinto bago ako nahiga sa kama. Ilang sandali lang ay nakatulog na ako nang walang inaalala at walang pakialam sa lalaking naghihintay sa akin sa banyo ng kusina.

Kinaumagahan ay masakit ang ulo ko nang magising. Bumangon ako at nag-inat. 9:00 am na. Kumusta naman kaya ang magdamag ni Jordan?

Malamang na umalis na siya dahil may maaga raw siyang lakad. Hindi naman na siguro siya babalik.

Pagbaba ko sa kusina ay naabutan ko si Nanette na nagluluto ng almusal. "Goodmorning, 'te. Kain po ba kayo?"

Umiling ako. "May lakad ako."

"Kasama niyo po si Kuya Charles?" kinikilig na tanong niya. Parang noong nakaraan lang ay kay Jordan nagniningning ang mga mata niya, ngayon ay sa iba na.

"No. Maga-Grab lang ako."

"Ate, nanliligaw po ba sa inyo si Kuya Charles? Bagay po kayo, kaso namomroblema ako kay Architect. Wala na po ba talaga kayo?"

Dinampot ko na ang purse ko sa mesa. "Nanette, masyadong malikhain ang utak mo. Itigil mo 'yan at magkape ka."

"Opo pero kumain muna kayo, Ate, bago umalis."

"No. Hindi nga ako kakain, Nanette." Naiirita na ako dahil sumunod siya sa akin hanggang sa sala. Iniwan niya na ang niluluto niya sa kusina.

"E si Architect po kasi bago umalis binilinan ako na wag na wag daw ako papayag na hindi kayo kakain."

Hinabol niya pa ako hanggang sa gate pero wala naman na siyang nagawa dahil ayaw ko ngang kumain.

Iniwan ko na si Nanette nang dumating na ang binook ko na Grab. Bahala siyang magsumbong sa kung sino mang nag-utos sa kanya na pakainin ako.

Sa biyahe papuntang Pasong Kawayan Dos ay panay ang text ko kay Nanette. Binibilinan ko siya na wag magpapapasok sa bahay. Tapos ng gawin ang rooftop kaya wala nang mga trabahador na pupunta sa amin.

Nang nasa PK2 na ay itinuro ko sa Grab driver ang papasok sa street nina Isaiah.

Marami nang nagbago sa mga bahay sa paligid kaya nalito pa ako sa paghahanap sa compound ng mga Del Valle. Nagbago na rin ang kulay ng gate kaya muntik ko nang hindi mahanap.

Pagbaba sa Grab ay tumuloy ako sa compound. Nakabukas ang gate kaya malaya akong nakapasok agad sa loob. Bukod sa van ay may SUV na rin na nakaparada sa garahe. Ang bahay nina Arkanghel na nasa bandang unahan ay bago ang pintura at renovated na.

Dumiretso ako sa bandang likuran kung saan ang dating two-storey house ay may pangatlong palapag na. Hindi natutok nang matagal sa bahay ang aking paningin.

Mas natuon ang aking atensyon sa matangkad at guwapong lalaki na naka-boxers lang habang nagsasampay ng mga nilabhan. Sa tapat niya ay matatagpuan ang isang malaking planggana.

May mainit na pakiramdam na lumukob sa aking dibdib habang nakamasid sa kanya. Mababakas pa rin sa guwapong mukha ng lalaki ang pagiging boyish pero mas lamang na roon ngayon ang kaseryosohan sa buhay.

Nagbaka-sakali lang talaga ako na madadatnan siya ngayon dito kaya nakakatuwa na nandito nga siya ngayon. 

Marahang humakbang ako palapit. Hindi niya ako napapansin dahil masyado siyang abala sa ginagawa. Kumakanta rin siya at paminsan-minsa'y sumisipol.

"Nitong umaga lang, pagkalambing-lambing ng iyong mga matang hayop kung tumingin."

Napangiti ako sa lamig at lalim ng boses niya.

"Nitong umaga lang, pagkagaling-galing ng iyong sumpang walang aawat sa atin."

Ang kinakanta niya ay ang isa sa mga trip naming kantahin pag tumatambay kami o nagjajamming noon. 90's na kanta ng isa paborito naming banda na Rivermaya.

Dumampot ulit ang lalaki ng damit at isinampay sa alambreng sampayan habang patuloy pa rin sa pagkanta. Kuhang-kuha niya ang tyempo sa lahat.

"O, kay bilis naman maglaho ng pag-ibig mo, sinta! Daig mo pa'ng isang kisapmataaa...ahhh..."

Hindi pa rin nagbabago ang boses at galing niya. Nandoon pa rin ang kilabot.

Ang pangalawang stanza ng kanta ay inangkin ko. "Kanina'y nariyan lang, o ba't bigla namang nawala? Daig mo pa'ng isang kisapmata..."

Awtomatiko siyang nahinto sa pagsasampay at napalingon sa akin. "Tangina..."

Kumaway ako sa kanya. "Kumusta na ang hari ng sablay?"

Ang tagal na nakatulala lang sa akin si Isaiah bago siya naka-recover. May hinila siyang tuwalya mula sa kung saan saka isinaklob sa sarili niya. Itaas na bahagi ng katawan lang naman niya ang natakpan, hindi naisama iyong bukol niya sa ibaba.

"'Lika rito. Yakapin mo ako habang di pa ako naliligo."

"Eww."

Naagaw ang atensyon namin nang biglang bumukas ang screen door ng bahay nila. Sumilip doon ang isang maliit na batang lalaki. Bungi-bungi ang maliliit nitong mga ngipin.

Napabalik ang tingin ko kay Isaiah. "Luh, may tyanak sa bahay niyo."

"'Tado, anak ko iyon."

Sinipat ko muli ang bata. Five years old ito sa pagkakaalam ko. Matanda ng ilang buwan ang kapatid kong si Levi.

Kinampay ni Isaiah ang kanyang kaliwang kamay para tawagin ang bata. "Kulitis, labas. Nandito ninang mo. Singilin mo, malaki-laki na utang nito sa 'yo."

Lumabas naman ang batang lalaking bungi. Gwapo naman kaso isang tingin pa lang, alam mo na agad na mana sa tatay. Pasaway.

"Ninang ku 'yan pow?"

Kumaway ako sa bata. "Hi, baby! Gusto mo ba akong maging mommy?"

Agad itong umiling dahilan para tumalbog ang matambok na pisngi. "Ayaw."

Kinuha ni Isaiah ang anak at kinarga. "'Nak, galing SG 'yan o. Mapera 'yan. Sana naman umoo ka muna. Saka ka na tumanggi pag nabigyan na tayo ng ayuda."

"Pakahayup mo talaga, Isaiah." Inirapan ko ang lalaki saka binalingan ang anak niya. "Anong pangalan mo, bata?"

"My name is Vien Kernell Del Valle," bibo namang sagot nito. "I'm five years old!"

"Pangalan mo lang tinatanong ko."

"Vien!" sigaw ng isang babae mula sa loob ng bahay nila. Nabosesan ko ang mama ni Isaiah na si Mrs. Anya Del Valle.

Tiningnan ni Isaiah ang anak. "Ano na namang ginawa mo? Bakit beastmode na naman lola mo?"

Inosente na umiling lang ang batang lalaki.

Lumabas ang mama ni Isaiah sa pinto. Umuusok ang ilong ng ginang. "Isaiah, pinaglaruan na naman ng anak mo ang pangkulay ko sa buhok! Ikinalat sa tiles!"

Napangiwi si Isaiah. "Palitan ko na lang, 'Ma."

"Siguraduhin mo! Linisin mo rin ang tiles dahil kundi sabay ko kayong ingungodngod doon ng anak mo! Parehong-pareho kayo, matutuyuan ako ng dugo sa inyo!"

Nang makita ako ng mama ni Isaiah ay natigilan ang babae. Sinipat ako ng masusing tingin.

"Oy, 'yan ba iyong ex mo dati? Ano namang ginagawa niyan dito?"

"Hello po," magalang na bati ko.

Hindi ako pinansin ng ginang. "Isaiah, ano na naman 'yan? Nagdala ka ng babae rito? Anong balak mo, tambakan ako ng apo na puro panganay? Mabuti sana kung may matino ka ng trabahong lintek ka e hanggang ngayon, palamunin ka pa rin!"

Ibinaba ni Isaiah ang anak. "'Nak, pakibusalan nga muna bunganga ng lola mo. Ang aga-aga, nambubulahaw na naman ng mga kapitbahay."

Nanakbo naman ang bata pabalik sa bahay. "Wowaaa!" sigaw nito. "Bubusalan ku pow kayooo!"

Tawa nang tawa si Isaiah nang maiwan kami. "Itali mo rin! Ako bahala sa 'yo!" pahabol pa niya sa anak.

Hinampas ko naman siya sa braso. "Gago ka talaga. Mabuti di pa nababaliw mama mo sa inyo ng anak mo."

"Di pa naman. Saka ganto-ganto lang ako pero takot pa rin ako kay Mama."

Naiiling na napangiti ako.

"Si Kulitis lang ang matigas ang mukha sa lola niya, di naman siya mapatulan kasi magaling magpa-cute."

Alam ko naman iyon. Mabait talaga si Mrs. Anya Del Valle. Matapang at prangka lang talaga. Sinasabi lahat kung ano ang laman ng puso't isip. Sanay na ako at sa totoo lang, na-miss ko ang pagbubunganga ng mama ni Isaiah.

Madalas noon na naiisip ko kung paano kaya kung ganoong klase ng ina ang naging mommy ko? Iba kaya ang naging takbo ng buhay ko?

Kinuha ni Isaiah ang bitbit kong purse at basta inilapag sa kung saan. "Tulungan mo muna akong isampay lahat ito, 'tas kwentuhan tayo sa loob. Alam kong marami-rami kang baon sa loob ng ilang taon."

Hindi ba niya nakikita na naka-porma at naka-heels ako?

"Ano, kilos na! Nagbalik-bayan lang, kumupad na." Tatawa-tawa siya nang iusod sa akin ang planggana na kinalalagyan ng mga isasampay.

Sa una lang ako nagreklamo pero tinulungan ko na rin naman siya sa pagsasampay. Wala raw silang dryer dahil kasisira lang kaya no choice kung hindi magsampay.

"Gusto mo pautangin muna kita?" tanong ko sa kanya habang isinasampay ang mga damit ni Kulitis.

Pumalatak siya. "Naks naman."

"Dali na. Para di ka na mahirapan sa paglalaba."

Hobby raw ng anak niya na magdungis. Palaging nagpapalit ng damit ang bata kaya naman twice a week siyang maglaba. Umuuwi talaga siya sa Cavite para lang maglaba. 'Tapos mano-mano ang pagkukusot niya dahil sira nga ang washing machine nila.

"'Wag na. Makakabili rin kami ng bago sa sunod na padala ni Papa. Na-zero lang kami ngayon kasi minadali na mapatapos ang pagpapaayos sa third floor namin."

Once a year na lang umuuwi ang daddy ni Isaiah sa Pilipinas. Nagsabay kasi ang pagka-college niya at pagkakaroon ng anak kaya naman doble kayod na ang parents niya. Ubos lagi ang budget nila sa buwan-buwan.

Pagkatapos magsampay ay pumasok na kami sa loob ng bahay. Dinampot niya ang grey shirt na nakasampay sa upuan sa sala at basta isinuot. "Tago ko muna abs ko, baka matuyuan ka na ng laway e."

"Ulol." Inirapan ko siya. 

Umakyat na kami sa itaas ng bahay nila. Nasa likod ako ni Isaiah kaya wala akong choice kung hindi makita ang kabuuhan ng kanyang likuran. Bukod sa tumangkad lalo, lumapad ang balikat, ay mas tumambok din ang pwet ng tukmol na ito.

May ipagyayabang naman talaga si Isaiah. Saka totoo rin na may abs siya. Kahit naman noon e may abs na siya dahil batak siya sa exercise. Tuwing umaga bago pumasok sa school ay nagpu-push up siya ng up to 100 para pampagising. 

Taga car wash din siya noon ng sasakyan nila tuwing walang pasok. Pag may extra time naman ay tumutulong siya sa talyer ng tito niya. Dagdag pa na 24/7 siyang maligalig.

Ewan ko na lang ngayon dahil mas naging lean ang katawan niya. Siguro ginagawa niyang barbell ang anak niya.

Sa terrace ng third floor nila kami pumunta. Dito kami pumuwesto para hindi kami maistorbo ng anak niya na pinaglihi yata sa kiti-kiti. Hingal-aso ang mama ni Isaiah kakahabol sa batang lalaki.

Nagdala siya ng speaker at ikinonek sa phone niya through bluetooth. While listening to some old songs, we talked about life.

Ibinalik niya sa pulso ko ang wide bangle matapos niyang alisin kanina. Madilim ang mukha niya pero wala siyang sinabing kahit ano. Na-appreciate ko iyon.

Nang umiwas siya ng tingin at pasimpleng nagpunas ng mata ay natawa ako.

"Gago, ano 'yan?" tukso ko sa kanya.

Hinila niya ako sa kamay at niyakap. "Amuyin mo ako, magtiis ka, di pa ako naliligo."

"Hoy, kadiri ka!" Nagpumiglas ako para makawala kaya lang ay ang higpit ng yakap ng matitigas niyang braso sa akin. Pero hindi naman talaga siya mabaho. Mabango pa rin siya, amoy Surf bar.

Ang tagal niya akong yakap. Kahit itago niya ay nararamdaman ko ang bahagya niyang panginginig at naririnig ko rin ang mga pigil niyang pasimpleng pagsinghot. 

Kahit ako ay gusto na ring maluha dahil ito ang unang beses na nagkwento ako ng tungkol sa nangyari sa akin. Sumubsob lalo ako sa matigas na dibdib ni Isaiah at doon pasimpleng tinuyo ang ilang butil ng luha na hindi ko napigilang kumawala.

Nang bitiwan ako ni Isaiah ay nakangiti na siya pero namumula ang kanyang mga mata. Nagpanggap na lang ako na hindi ko iyon napansin katulad ng pagpapanggap niya na hindi niya rin napansin ang pamumula ng mga mata ko.

"Nabalitaan ko pala iyong nangyari noong gabi ng graduation," sabi niya pagkuwan. Kaswal lang ang boses niya pero halatang nag-aalangan at nangangapa.

Nagpakawala ako ng paghinga at ngumiti. "Wala na iyon."

"Hindi na ba kayo nakapagusap pagkatapos?"

Sandali akong natigilan sa bigla niyang pagbubukas ng paksa. Sa tingin ko ay hindi ko rin matatakasan ang parteng ito ng pagbabalik-tanaw kaya sinagot ko na lang din ang tanong ni Isaiah.

Nagkibit ako ng balikat. "Sinubukan ko ng ilang ulit pero wala na talaga. Napagod na siya. Understandable naman kasi immature at baliw ako. Kayo lang naman ng tropa ang nagta-tyaga sa akin."

"Tsk. Kung nakatakas lang ako sa amin, pupuntahan ko dapat siya. 'Kaso di ko rin pala alam kung saan siya sa Pascam nakatira."

Yumuko siya at napasabunot sa sariling buhok. Dama ko ang frustration niya.

"Saka noong uwian pala noong gabi ng graduation pala, sorry kasi hindi kita nalapitan. Hawak ni Mama ang kwelyo ko. Ayaw akong bitiwan. The next day naman, di rin ako pinalabas ng bahay. Grounded ako buong linggo. Pati CP ko pa, kinuha."

"Hayaan mo na. Wala na iyon."

"Pero sorry talaga..." Nagkanginig ng kaunti ang boses niya. "Pagkatapos ng grad natin, sunod-sunod na ang mga nangyari sa akin. Nalaman sa amin na nakabuntis ako. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagulpi ako ni Papa."

Sumandal ako sa pader at nilingon siya. "Pero mabuti pinag-aral ka pa rin."

Mapait siyang ngumisi. "Oo nga e. Pasalamat pa rin talaga ako kahit gago ako."

Marami-rami ring kwento si Isaiah tungkol sa mga kalokohan at kamalian niya sa buhay. Natuto naman siya kaya wala raw siyang pinagsisisihan.

"Pag yumaman ako, di ko na pababalikin sa abroad si Papa. Mag-trip around the world na lang sila ni Mama. 'Tapos sa free time nila, pagbibilangin ko sila ng pera. Makabawi man lang ako sa mga hirap nila sa akin."

"Baka gusto mo rin akong pagbilangin."

"Pwede naman. Pero ibabalik mo rin sa akin pagkatapos mong bilangin."

"Wala ka talagang kwenta. Kung alam ko lang na mayaman si Arkanghel, sana siya na lang ang kinaibigan ko at hindi ikaw."

Mahinang pinitik niya ako sa noo. "Sorry ka na lang dahil ako ang kinaibigan mo."

Kina Isaiah na rin ako nananghalian dahil nagluto ang mama niya. Ang dami ring kwento ng mama niya. Puro tungkol sa mga konsumisyon kay Isaiah. Nangingiti na lang ako habang kumakain kami.

Tumulong ako sa pagliligpit ng mesa na pinagkainan. Dalawa kami ni Isaiah na nagsisiksikan sa lababo. Para kaming magkapatid na nag-uutakan sa paghuhugas ng pinggan.

Ang mama naman niya ay inakyat na sa itaas si Kulitis dahil matutulog na raw. Nagwala pa ang bata dahil gusto pang manood ng cartoons, tinakot lang ni Isaiah na papaluin ng tsinelas pag hindi sumunod sa lola nito sa itaas.

Tumambay pa ako saglit sa kanila. Babalik na kasi siya next week sa Manila kaya pinag-stay niya pa muna ako.

Nabanggit niya na may condo na nga raw siya sa Manila. Doon siya mag-stay habang nagta-trabaho at nagre-review para sa board exam.

Ang condo ni Isaiah ay regalo ng pinsan niyang hilaw na si Arkanghel. Bongga talaga ng ex ni Sussie, may pa-condong nalalaman.

Malaki raw iyong condo at pang mayaman. Sosyal si Isaiah pag tumira siya roon. Kaya lang hindi pa nga raw fully paid. Kalahati lang ang binayaran ni Arkanghel. Magreregalo na lang, nahiya pang buuhin.

Doon din si Isaiah nagta-trabaho sa kompanya ng tunay pamilya ni Arkanghel. Wala raw pinsan-pinsan pagdating sa trabaho kaya nagsimula talaga siya sa mababang pwesto.

Pagkatapos magkwentuhan ay nagpaalam na akong uuwi. Nagpilit siya na ihatid ako sa amin. Namiss daw niya ang aking neighborhood kaya hinayaan ko na lang siya.

Umakyat lang siya saglit sa itaas ng bahay nila, pagbaba niya ay bago na ang suot niyang t-shirt. Plain black shirt na. Nagpalit siya. May suot na rin siyang cap na kulay itim din.

"Tara lets!"

"Di ka talaga maliligo," nakaingos na busga ko sa kanya.

Tumawa siya. "Mabango pa rin naman e. Saka na pag expired na."

Iyong luma pa rin niyang Click ang motor niya. Ang sabi niya ay saka na siya bibili ng bago kapag nakakapagbigay na siya ng malaki sa parents niya.

Sinulsulan ko naman siyang magpabili na lang kay Arkanghel ng kotse. Negative raw dahil kahit isa siyang dukha ay mataas pa sa Mt. Everest ang kanyang pride chicken. Iyong condo nga raw ay tinutukan pa siya ng baril ni Arkanghel para lang tanggapin niya.

Umangkas ako sa likod ng motor matapos magsuot ng helmet. Ipinahawak niya muna sa akin ang sombrelo niya saka siya nagsuot din ng helmet sa sarili. Nang nasa kalsada na kami ay napuno ng excitement ang puso ko.

Naaliw ako sa biyahe dahil namiss ako ang ride na ganito. Ang laya-laya ng pakiramdam ko.

Namiss ko iyong mga panahon na masaya kahit ang labo-labo ng buhay.

Namiss ko iyong panahon na papasok lang ako sa school, tatambay, matutulog sa armchair o kaya mambuburaot sa kung sino-sino para lang may extrang pang-canteen ako.

Bumalik din sa akin iyong mga unang alaala kung kailan nabuo ang tropa. Namimiss ko iyon ngayon. Iyon ang panahon na chill lang ako at walang inaalala kahit ang totoo ay tambak ang problema ko sa pamilya.

Syempre kahit nakakasuka na ngayon ay namimiss ko rin naman ang mga panahon na ang pangmalakasang trip ko ay magpa-cute kay Isaiah para iangkas niya ako sa motor niya.

Pagliko sa Navarro ay nag-iba na ang pakiramdam ko. Hindi na ako makangiti sa loob ng helmet habang pinapasadahan ko ng paningin ang paligid kung saan ako madalas maglakad noon pauwi sa amin.

Inihatid ako ni Isaiah hindi lang sa eskinita kung hindi sa looban mismo. Gaya ng inaasahan, artisang-artista si Isaiah pagdating sa amin. Lahat nakatingin sa kanya. Ngingiti-ngiti lang siya.

Yayayain ko muna sana sa loob si Isaiah nang makitang may kotse sa loob ng garahe. Nangunot ang noo ko nang makilala ang puting Porsche. Bumalik si Jordan.

Pagkahubad ng helmet ay bumaba agad ako ng motor at hinarap si Isaiah. "Di na kita iinvite sa loob kasi di ka pa naliligo."

"Okay lang. Ikiss mo na lang ako kay Herrera."

"Gago!" Damang-dama ko ang pag-iinit ng aking mukha.

"Pakadamot mong babae ka. 'Ge, ako na kikiss." Nagulat ako nang iparada ni Isaiah ang motor niya sa gilid.

"Hoy!" Pinanlakihan ako ng mga mata nang bumaba talaga siya sa motor. Hinubad niya ang suot na helmet at hinagod ng mahahabang daliri ang kanyang nagulong buhok. Isinuot niya ang sombrelo niya pagkatapos.

Nakasimangot siya sa akin. "Akala mo di ko alam na nandiyan sa inyo si Herrera? Tsikot niya 'yang Porsha, di ba?"

Aawayin ko na si Isaiah nang mula sa tindahan nina Aling Barbara ay may tumawag sa kanya. Sabay pa kaming lumingon doon. Si Barbie ang tumawag. Maligayang nakangiti sa amin habang karga-karga ang dalawang taong gulang na anak.

"Isaiah, 'musta na?!" sigaw ng babae na may pagkaway pa. Hindi man lang inalala na baka mabitiwan ang kargang bata.

"Ito saksakan pa rin ng guwapo." Kinawayan niya rin naman si Barbie na mukhang kinilig pa sa pagpansin niya rito.

Ang ibang kapitbahay naman namin na nakatambay sa tindahan ay hindi na naalis ang pagsunod ng tingin sa amin. Habang nakangiti sila ay bumubuka ang mga labi habang nagtatanungan sa isa't isa.

Hindi ko sila magawang intindihin dahil nagtatalo ngayon ang aking isip kung hahayaan ko ba si Isaiah na pumasok sa bahay namin.

Nasa loob si Jordan at tiyak na magkikita sila. Wala naman sanang kaso kaya lang ayaw ko lang talaga.

Sa huli ay hinayaan ko na lang si Isaiah dahil nauna na siya sa gate. Ang lintek na lalaki, paglingon ko ay nasa loob na siya ng garahe at hinahaplos-haplos na ang kotse ni Jordan.

Dinagukan ko agad siya pagpasok na pagpasok ko. "Hoy, 'wag mong dasalan 'yan!"

Lumingon siya sa akin at nakangisi. "Tangina, pangarap ko ito. Bili mo ko neto, Car. Mayaman ka na, di ba? Tutal marami kang utang sa akin. Bili mo na ako bukas na bukas din o kaya mamaya agad."

"Sige, miniature?"

Napaungol siya. "'Nu ba 'yan! Kahit itlog ko yata di kakasya roon!"

Inirapan ko siya. "Pwes magbanat ka ng buto para makabili ka ng sasakyan mo."

"Sana all kasi me yayamaning lolo."

"May yayamaning pinsan ka naman. Hilaw nga lang."

Hindi na kami nagtagal sa garahe dahil baka magasgasan niya pa ang kotse ni Jordan sa kakahaplos niya. Hinila ko na siya papasok sa sala.

Kahit alam ko na nandito si Jordan ay natigilan pa rin ako nang makita siya na prenteng nakaupo sa sofa.

Nakahalukipkip ang lalaki habang nakasandal siya sa sandalan. Ang ulo niya ay bahagyang nakatingala sa kisame kaya kitang-kita ang pagkakabukol ng Adam's apple sa kanyang leeg.

"Ate, nakabalik ka na—" Mula sa kusina ay lumabas si Nanette. May sinasabi siya nang bigla siyang matigilan pagkatingin niya kay Isaiah. Natulala na siya na parang dinaanan ng kung anong hangin.

Nang ibalik ko ang paningin kay Jordan ay nakatingin na siya sa amin ni Isaiah. Pakiramdam ko ay biglang lumiit ang sala dahil sa presensiya niya.

"Nanette, ikuha mo ng tubig ang bisita ko."

Saka lang napakurap si Nanette nang marinig ang utos ko. "Ah, Ate, sino po sa bisita niyo ang ikukuha ko ng tubig?"

Sinamaan ko ng tingin si Nanette na mukhang imbes matakot ay natuwa pa.

"Ate, prayer reveal!" Pagkasabi'y patakbong bumalik siya sa kusina bago pa ako makapag-react.

Sumasakit ang ulo na napahawak ako sa aking batok. Pag-angat ng aking mukha ay nagtama ang mga mata namin ni Jordan. Formal ang kanyang mukha at hindi ko mabasa ang tumatakbo sa isip niya. Wala rin naman akong balak basahin iyon o alamin.

Humakbang palapit si Isaiah sa kanya. "Herrera, long time no see. Isaiah pala, tanda mo pa? 'Katampo naman kung hindi."

Walang reaksyon na tumango lang si Jordan habang ang atensyon at tingin ay nasa akin pa rin.

Nang bumalik si Nanette ay bitbit na ng babae ang dalawang baso ng tubig. Binigyan niya ng tag isa ang dalawang lalaki.

"Isaiah, sa itaas na lang tayo mag-usap," kaswal na yaya ko kay Isaiah.

Nanlaki ang mga mata ni Nanette habang palipat-lipat ng tingin sa amin ni Isaiah.

Si Jordan naman ay formal pa rin ang mukha bagamat hindi maitatago ang sandaling pagtiim ng kanyang mga labi.

Kusang tumikwas ang kilay ko sa reaksyon. Lalo na kay Isaiah na OA na nakanganga habang nakatingin sa akin.

Ano ba ang iniisip nila? Ang tinutukoy ko na sa itaas ay ang lounge sa rooftop. Hindi ang kwarto ko.

"Let's go, Isaiah," naiiritang tawag ko. "Ayaw mo ba?"

Naglalaro na ngayon ang nakakalokong ngisi sa mga labi ni Isaiah. "Ayos lang naman pero wala bang magseselos kung magbo-bonding tayo nang solo?"

Tinapunan ko ng matabang na tingin si Jordan bago ako nagsalita. "Walang may karapatan."

JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro