Chapter 43
"GO HOME."
Tumutulo ang mga luha ko habang nakahabol ng tingin kay Jordan hanggang sa pumasok na siya ulit sa bahay nila.
Nakatitig ako sa pinto nila kahit nanlalabo ang aking mga mata dahil sa luha. Naghintay ako na bumukas ulit iyon. Hinihiling ko na lumabas siya ulit, na sana balikan niya ako rito sa labas nila. Mahigit kalahating minuto na hindi nangyari ang hinihiling ko.
Basang-basa na ako sa pawis at luha. Nahihilo na rin ako sa pagkakatayo. Nang dumaan pa ang ilang minuto na hindi lumalabas si Jordan ay tinanggap ko na lang na ayaw niya talaga akong makausap at makita.
Nakayuko ako habang nakatingin sa aking pawis at luha na tumutulo sa lupa. Naiintindihan ko. Kasalanan ko kung bakit siya galit. Kasalanan ko dahil tanga ako. Akala ko okay lang siya, akala ko ayos lang ang lahat. Hindi ko narealize agad na nasasaktan ko na pala siya. Wala talaga akong kwenta kaya deserve ko na sukuan at talikuran.
I'm sorry, Jordan...
Masakit ang dibdib na pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi. Sinulyapan ko ng huling tingin ang nakasaradong pinto ng bahay ng mga Herrera bago mabigat ang katawan na humakbang ako paalis.
Bitbit ko ang kahon ng cake na sumakay sa jeep pabalik sa amin. Pagkababa ng Navarro ay malumbay na naglakad ako patungo sa eskinita na shortcut sa street namin.
Pagkalabas ng eskinita ay natanaw ko na nakaparada na ang kotse ni Ninong Luis sa tapat ng aming bahay. Kahit nalulungkot ay nakuha kong mapangiti sa isiping nakauwi na pala sila. Hindi ako mag-i-stay sa bahay ng mag-isa.
Pumasok na ako sa gate. Hindi bukas ang ilaw sa sala at sarado rin ang mga bintana kaya madilim ang loob kahit hindi pa naman gabi. Bukod sa madilim sa sala ay napakatahimik din. Parang walang tao kung titingnan. Hindi ko na lang pinagkaabalahang buksan pa ang ilaw doon.
Dinala ko ang kahon ng cake sa kusina at basta inilapag sa ibabaw ng mesa. Napakatahimik din dito bagamat bukas ang ilaw sa itaas ng kitchen table. Tumingin ako sa lababo at nakitang wala roong kahit isang hugasin. Ako lang kasi ang tao rito sa nagdaang magdamag.
Naglakad ako papunta sa aking kwarto para magpalit ng damit. Pawisan kasi ako.
Papasok ako sa pinto ng aking kwarto nang mapatingin ako sa pinto ng kwarto ni Mommy. Bahagyang nakaawang iyon. Mauulinigan ang masayang mga pag-uusap sa loob.
Natukso akong sumilip sa nakaawang na pinto. Si Baby Levi ay nakaupo sa gitna ng kama at nagpapabula ng laway. Sa tabi naman ay sina Mommy at Ninong Luis na kapwa nakangiti habang nilalaro ang bata.
Nang gumulong ang botsog na si Baby Levi sa kama ay sabay pang natawa sina Mommy at Ninong Luis. Aliw na aliw sila at proud na proud sa anak. Ang saya nilang tingnang tatlo.
Ayaw ko silang istorbohin kaya marahan akong lumayo sa pinto para hindi nila ako mapansin.
Nagpasya ako na bumalik na lang muna sa kusina dahil biglang kumalam ang aking sikmura. Naalala ko na hindi pa nga pala ako nagla-lunch. Sa sobrang excited ko na puntahan si Jordan sa kanila ay hindi ako nakakain nang tanghali.
Tumingin ako sa kusina para alamin kung ano ba ang meron. Walang laman ang ref. Wala silang inuwing pagkain at wala ring niluto si Mommy. Napagod yata sila sa biyahe.
Mga yabag ng paa ang kumuha ng aking atensyon. Paglingon ko ay nakatayo na si Mommy sa bukana ng kusina. Kalalabas niya lang ng kwarto. Nagulat pa siya nang makita ako.
"Nakauwi ka na pala," sabi niya. Ang kanyang mukha ay napakaaliwasas. Ibang-iba na kaysa noong unang semester niya sa pagbubuntis. Mababakas sa kanya na masaya siya.
Nabuhayan ako ng loob nang mapatingin sa oras. Malapit na ang dinner time. "Yes, Mommy. Ano pong dinner natin?" masiglang tanong ko. Na-excite ako na sabay-sabay kaming kakain ng hapunan. Ang tagal na kasi mula nang huli.
"Ahm, kumain na kami sa restaurant bago umuwi rito," sabi ni Mommy. "Ipagluluto na lang kita or order na lang tayo ng dinner mo."
Kumain na sila? Bumagsak ang sigla ko sa narinig.
Mula sa likod ni Mommy ay lumitaw si Ninong Luis. Nakangiti ang lalaki sa akin habang karga-karga niya si Beby Levi.
"Darling, ano? Ipagluluto ba kita or oorder na lang?" tanong ni Mommy sa akin.
Ngumiti ako nang matamis kay Mommy. "Di na po, My. Wag ka nang mag-abala. Busog pa rin po ako e."
Ang mga mata ni Mommy ay matamang nakakatitig sa akin na parang inaarok kung ano nararamdaman ko. Ibinalik ko ang sigla sa aking kilos para hindi siya mag-isip ng kung ano. Itinuro ko ang kahon ng cake na nasa mesa.
"May cake po akong dala. Kainin niyo na lang po kung gusto niyo. Sa kwarto na lang po muna ako. Pagod po ako sa pagpapa-clearance e."
Nilapitan ko si Baby Levi at hinalikan ang isa sa mga botsog nitong kamay. "I miss you, baby!"
Nadaklot ng munting mga daliri ni Baby Levi ang buhok ko at saka nito hinila pasabunot. Napangiwi ako at si Ninong Luis naman ay agad na kinuha ang kamay ng batang pasaway.
"That's bad, baby," saway ni Ninong Luis kay Baby Levi.
Masayang tumawa lang naman ako at muling hinalikan si Baby Levi. Nagpaalam na ako sa kanila pagkatapos. "Pasok na po ako sa kwarto ko."
Kasabay ng pagpasok ko sa aking kwarto ay ang pag-alis ko sa masayang ekpresyon. Naupo ako sa gilid ng kama at nagpakawala ng buntong-hininga.
Inilabas ko ang aking phone at tiningnan ito. Malungkot akong napangiti nang makitang walang dumating na tawag, text message o maski chat sa messenger.
Humiga na lang ako sa kama at pumikit. Bukod sa naninikip ang aking dibdib, kumakalam din ang sikmura at kumikirot ang tagiliran ko. Itinulog ko na lang ang lahat ng masasakit at pinagdasal na sana bukas ay wala na ang lahat ng ito.
HULING ARAW.
Huling araw na naming lahat bilang Grade 12 senior high school students, at graduation na bukas. Ang iba ay malungkot, ang iba ay masaya, at ang iba ay halo ang nadarama.
Samantalang ako ay hindi alam kung ano ba ang dapat na mararamdaman. Nakapangalumbaba ako sa ibabaw ng armchair at nakatungo sa aking cellphone. Umaasa pa rin ako na baka may maligaw siya sa aking text kahit isa.
"Anong oras ka uuwi?" untag ni Sussie sa pananahimik ko. Katabi ko siya at katatapos lang niyang magsagot ng online inquiries sa kanyang inbox. Kahit busy ang lahat para sa paparating na graduation ay nakukuha niya pa ring magtinda ng kung anu-ano.
"Di ko alam," walang ganang sagot ko.
"Susunduin ka ba ni Jordan?"
Hindi ako sumagot.
Dinampot ko ang phone ko sa ibabaw ng armchair. May lungkot na gumuhit sa aking dibdib nang itap ko ang screen nito. Lumitaw ang wallpaper na photo ni Jordan at Baby Levi habang tulog sila sa sofa.
Galit pa siguro siya...
Nagtatalo ang damdamin ko sa pagkamiss at pag-aalala. Nag-aalala at natatakot ako sa bagay na ayaw ko kahit isipin man lang.
"Ahg!" Napasabunot ako sa aking buhok dahilan para mapatingin sa akin si Sussie.
"Ayos ka lang, girl?"
Tumango ako at sumubsob sa armchair. "Umalis ka na kung may lakad kayo ni Arkanghel. Dito muna ako."
Kinabalit niya ako. "Uhm, sigurado ka?"
"Oo. Inaantok ako. Aalis din ako mayamaya." Itinaboy ko na siya dahil gusto kong mapag-isa.
Nang maramdaman ni Sussie na wala talaga akong balak tumayo ay nagpasya na siya na maunang umalis. Nagmamadali siya dahil hinihintay na siguro siya sa labas ni Arkanghel.
Nang wala na siya ay nakaidlip ako sa pagkakayukyok sa upuan. Naalimpungatan ako na ang tahi-tahimik na ng paligid. Pag-ahon ko mula sa armchair ay wala ng katao-tao sa room maliban sa akin.
Wala na ring dumaraang mga estudyante sa corridor. 7:00pm na sa oras ng phone ko. Ang tagal ko palang nakatulog. Hindi pala idlip lang.
Tumayo na ako at isinukbit ang aking shoulder bag. Sumilip ako sa ibaba ng building. Papadilim na at wala nang matatanaw na tao. Umuwi na nga siguro ang lahat dahil graduation na bukas. Kung meron mang natitira sa school ay mga teachers na lang yata at ilang estudyanteng tambay sa labas.
Bumaba ako sa hagdan habang nakatingin sa screen ng aking phone. Wala na talagang katao-tao sa paligid. Nakalampas na ako sa room nina Isaiah nang biglang may bumangga sa aking balikat.
"Ano ba?" galit na sita ko sa babaeng bumangga sa akin.
Nag angat ng mukha ang babae at natigilan ako nang malamang si Vivi pala. Ano pang ginagawa niya rito? Bakit hindi pa siya umuuwi? Saka bakit nananakbo siya nang hindi tumitingin sa daan?
Nasa mukha rin niya ang gulat nang makilala ako. Napansin ko na hinihingal siya at magulo ang kanyang buhok. Sira ang unang dalawang butones sa ibabaw ng kanyang school blouse. At ang takot sa kanyang ekspresyon ay nagsasabing meron siyang kung ano o sino na gustong takasan.
"Anyare sa 'yo?" tanong ko sa kanya.
Imbes na sumagot ay nag-panic siya lalo. Nagmamadali siyang lumampas sa akin. Kandatalisod pa siya sa pagtakbo para makalayo.
"Muntanga amputa," sambit ko na naiiling.
Ano kaya ang drama ni Vivi? Ang weird niya talaga kahit kailan. Aalis na sana ako nang mapalingon ako sa pinanggalingan ng babae. Galing siya sa room na nasa malapit sa hagdan. Room nina Isaiah.
Kumiling ang aking ulo. May tao pa ba roon? Humakbang ako palapit. Dahil papadilim na ay bahagya nang madilim sa loob ng room. Sumilip ako sa pinto dahil parang may gumalaw sa dulo ng huling row.
Nangunot ang noo ko nang makitang may tumayo mula sa pagkakadapa sa sahig. Isang matangkad na lalaki na gumegewang ang tindig.
"Isaiah?" bulalas ko nang makita ang mukha niya.
Anong ginagawa ni Isaiah dito? Dapat nagpapahinga pa siya dahil bukas na ang graduation. Hindi pa siya gaanong okay. May benda pa nga siya sa ulo at sa braso.
Pumasok ako sa loob at kahit malayo pa lang ay naamoy ko na agad ang amoy ng alak sa kanya. At talagang nakuha pang mag-inom kahit kagagaling lang sa ospital.
Humakbang siya palapit sa akin. "Vi..."
"Tanga, hindi ako si Vivi."
Naalala ko ang nakita kong itsura ni Vivi kanina. Ang takot sa mga mata ng babae, ang magulong buhok, at ang sirang butones ng suot na school blouse.
"Tarantado ka, anong ginawa mo kay Vivi?!" singhal ko sa kanya.
Pasubsob na lumapit si Isaiah sa akin. Kung hindi ko pa siya nahawakan sa balikat ay baka kasama niya pa akong natumba.
"Hoy, ano ba kasing ginagawa mo? Bat ka naglasing? Saka anong kagaguhan ang ginawa mo kay Vivi? Bakit siya—" Hindi ko na natapos ang sinasabi dahil bigla niya akong niyapos at sinunggaban sa labi.
Nanlaki ang mga mata ko nang marealize na hinahalikan ako ni Isaiah. Windang na windang ako sa bilis ng pangyayari. Nagpapapasag ako at pilit umiiwas sa kanya pero hindi ko siya kaya. Bukod sa wala siyang kontrol ay higit na mas malakas siya kaysa sa akin.
"Vi..." ungol niya nang sandaling maghiwalay ang mga labi namin. "Vi, gawa na tayong baby para di ka na aalis..."
Nang halikan ulit ako ni Isaiah ay pinilit kong makaatras palayo. Sa pag atras ko ay tumama ang aking binti sa nasa likuran kong upuan. Muntik akong ma-out of balance. Mabuti na lamang at napakapit ako sa leeg niya kung hindi ay pareho kaming matutumba.
Sa pagkapit ko sa leeg ni Isaiah ay lalo naman niyang nilaliman ang paghalik sa akin. Kinagat ko ang ibaba niyang labi at doon lang siya tila nagising. Nang humiwalay siya ay nanlalaki ang kanyang mga mata. Ako naman ay habol-habol ang sariling paghinga.
"Ay, pota!" sigaw na mula sa pinto ng room nila. Nang lumingon ay nakita ko si Asher na malawak ang ngisi sa amin. "Nagkabalikan na kayo?!"
Kumabog ang dibdib ko na halos mawawasak na ito. Pero hindi si Asher ang dahilan sa matinding pagkabog ng aking dibdib, kung hindi ang babaeng nasa may bintana. Nakaawang ang mga labi niya at nasa maamong mukha ang gulat at disgusto.
Nangatal ang mga labi ko sa panghihina. "Jillian..."
Nang tumikom ang mga labi ng babae ay mabilis siyang tumalikod paalis.
"Jillian!" Napasigaw ako. Itinulak ko si Isaiah pero hindi tumitinag ang lalaki sa pagkakaharang sa aking katawan. Nasusukol niya ako sa pagitan ng isang nakatagilid na upuan.
"Car..." anas ni Isaiah na hanggang ngayon ay nanlalaki pa rin ang mga mata. Duguan ang ibabang labi niya dahil sa pagkakakagat ko. "Car, bat ka andito?"
"Gago!" sigaw ko sa mukha niya. Malakas ko siyang itinulak at sinuntok sa mukha para matauhan siya.
Nang gumewang si Isaiah ay saka lang ako nagkaroon ng pagkakataon na makaalis. Tumungtong ako sa upuan saka tumalon. Tinakbo ko ang palabas ng room nila.
Hinanap ko si Jillian sa hallway kaya lang hindi ko makita ang babae kahit saan. Nagpa-panic na nanakbo naman ako papunta sa gate ng school.
"Jillian!" sigaw ko nang makita siya. Papasakay na siya sa kotse nila.
Hindi niya ako nilingon. Kung narinig niya ba ang pagtawag ko o hindi ay siya lang ang nakakaalam.
Pawisan ako at nanginginig sa takot at pag-aalala. Sinubukan kong tawagan si Jordan kaya lang hindi niya sinasagot. Kailangan ko siyang makausap. Paulit-ulit ko siyang tinawagan hanggang sa wakas ay maka-receive ako ng text mula sa kanya.
Jordan:
I cannot take your call. Nasa meeting ako ng org.
Iyon na ang una't huli niyang paramdam sa akin at hindi na nasundan. Sinubukan ko siyang tawagan pero nakapatay na ang phone niya. Naghintay ako ng magdamag pero hanggang doon na lang talaga.
GABI NG GRADUATION. Sa school mismo gaganapin ang buong ceremony.
Ako lang mag-isa ang pumunta ngayon dahil biglang nagkasakit si Baby Levi. Nagtatae ang bunso kong kapatid kaya kinailangang dalhin ni Mommy sa ospital. Si Ninong Luis naman ay papunta sana ng Taiwan para sa isang business negotiation, pero pauwi na mula sa airport dahil nag-aalala para sa anak.
Bitbit ko ang aking toga na lumayo sa nakararami. Ang lahat ay masaya. May mga umiiyak para magpaalam sa mga kabigan nila, nagpapalitan ng sulat at regalo. Iyong iba naman ay nagkukumustahan na agad.
Excited ang lahat para sa graduation. Maging ang mga magulang ng mga ga-graduate ay excited sa kinaroroonan nila.
Habang hindi pa nagsisimula ang ceremony ay naglakad-lakad muna ako. Nakarating ako sa building ng Grade 7. Pumunta ako sa likod dahil doon ay tahimik at walang tao.
Paliko ako nang makarinig ng mahinang pag-uusap. Dahil sa kuryosidad ay hinanap ko kung sino ang mga ito. Natagpuan ko sa dilim ang dalawang anino na tila nagtatalo.
"Tangina, ginagago mo ba ako?!" galit na galit ang boses ng isang lalaki na pamilyar sa akin.
Wala namang sagot mula sa kung sino mang kausap niya.
Muli ay ang boses ng lalaki ang nagsalita pero hindi ko na ito marinig. Mahina at napakababa na kasi ng boses. Parang pabulong na lamang kaya hindi ko na maintindihan.
Bumilang ang ilang minuto hanggang sa lumabas ang lalaki sa dilim. Napataas ang isang kilay ko nang makita si Hugo. Nakasimangot ang lalaki at tuloy-tuloy sa paglalakad. Hindi man lang siya napalingon sa kinaroroonan ko.
Nang wala na siya ay sumilip ako sa pinanggalingan niya. Muntik na akong mapatili nang mula roon ay biglang lumitaw si Jillian.
"Anong ginagawa mo rito?" walang emosyon ang maamo niyang mukha nang magsalita.
Napalunok ako. "Ikaw, anong ginagawa mo rito? Magsisimula na ang ceremony."
"Wala kang pakialam."
Umismid siya at humakbang na paalis. Hahayaan ko na sana siya kaya lang binangga niya ako sa balikat.
Umakyat ang dugo ko sa ulo at tuluyan nang napatid ang aking pisi. Hinatak ko siya sa braso. "Pinagpapasensiyahan lang kita pero pikon na pikon na ako sa 'yo!"
Hinarap niya naman ako at pinagpag ang braso niya na aking hawak. "Let go of me!"
"Wag mo akong englishin!" gigil na sigaw ko sa kanya.
Nang hindi ko bitiwan ang braso niya ay malakas na itinulak niya ako. Dahil mahigpit ang hawak ko sa kanya ay kasama ko siyang muntik na matumba.
Napatili siya nang matanggal ang isang butones ng suot niyang blouse. "I said, let go of me!"
"Sabi ko rin, wag mo akong i-englishin!"
"Maldita ka talaga!" tili niya na humawak bigla sa aking buhok.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang sabunutan niya ako. Sinabunutan ko na rin siya dahil gigil na gigil na ako. "Oo maldita ako, matagal na!"
"I hate you! I hate you!" tili ni Jillian habang hila-hila ang buhok ko. Parang lahat ng hinanaing niya sa buhay ay dito niya gustong ibuhos sa pagsabunot sa akin. Wala na siya sa sarili at wala na ring pakialam sa reputasyon niya.
"I hate you too, times two!" tili ko rin. Gigil na gigil ako at ang lahat ng frustration ko ay gusto ko ring ibuhos sa kanya. Nagdidilim na talaga ang paningin ko at hindi na ako makapag-isip nang wasto.
"Malandi ka!"
"Share mo lang!"
Nakakuha na kami ng atensyon mula sa ibang mga estudyante dahil sa ingay namin. Ayaw pa rin akong bitiwan ni Jillian kaya hindi ko rin siya binibitiwan. Wala namang nagtangka na umawat sa amin. Ang lahat ay nakatanga habang pinanonood lang kami.
"Ay shet, may sabong!" palatak ng bagong dating. Nang mapatingin ako roon ay si Hugo pala na kasama si Sussie.
Ang gulat sa mukha ni Hugo ay nadoble. Hindi ko sigurado kung nagulat siya dahil ako ang nakita niya na nakikipagsabunutan o si Jillian. O baka pareho.
Napairit ako nang mas humigpit ang pagkakasabunot ni Jillian sa akin. "Malandi ka! Niloloko mo lang ang kuya ko!" tili niya. "Malandi! Manloloko!"
Ang hapdi na ng anit ko kaya hinigpitan ko rin ang pagkakasabunot kay Jillian. "Wala kang pakialam! Ikaw ba niloloko ko? Masyado kang affected!" Gigil na gigil ako sa kanya kaya wala na akong pakialam kung ano pa man ang iniisip niya.
"Ano ba? Tumigil kayo!" sigaw ni Sussie. Hinarap niya ang mga estudyanteng nanonood. "Ano, bakit walang umaawat sa kanila?!"
Halos magkahubaran na kami ni Jillian sa pagsasabunutan. Sinapak niya ako, sinapak ko rin siya. Lalo siyang nanggalaiti. Nang hablutin niya ako sa buhok ay hinablot ko rin ang buhok niya.
Itinulak sa amin ni Sussie ang nakatulalang si Hugo. "Awatin mo!"
Ilang saglit lang ay dalawang malalaking kamay na may mahahabang daliri ang dumaklot sa ulo namin ni Jillian. Pagtingala ko ay si Hugo ang nakita ko. Malakas si Hugo kaya wala siyang kahirap-hirap na napaghiwalay kami ni Jillian.
"Tama na 'yan! Pag-uuntugin ko kayo!" sigaw niya sa amin.
"Ano ba?! Pakialamero!" galit na bulyaw ko sa lalaki. "Bitiwan mo ako, kakalbuhin ko pa 'yang Jillian na 'yan!"
Hindi ako pinansin ni Hugo. Sa halip ay hinarap niya ang mga nakikiusyosong estudyante sa paligid. "Kayo? Di pa kayo aalis? Kokonyatan ko kayo isa-isa! Imbes tumawag ng teacher, nakikinood lang kayo, tangina niyo, ah!"
Takot na nag-alisan naman ang mga ito.
Itinulak ako ni Hugo papunta kay Sussie. Pagkadikit ko sa babae ay hinawakan niya agad ako para hindi ko mabalikan si Jillian.
Si Jillian naman ay hinatak ni Hugo palayo sa akin. Nagsisisigaw naman ang babae sa inis habang dinuduro ako. "Maldita ka talaga!"
"Mas maldita ka, wag kang papatalo!" sigaw ko rin. Gustong-gusto ko nang sungalngalin ang bibig niya kung di lang ako hawak-hawak ni Sussie.
"Ano ba, Carlyn?!" sita ni Sussie sa akin. Hindi niya talaga ako binibitiwan kahit anong palag ko.
Dinuro na naman ako ni Jillian habang hawak-hawak pa rin siya ni Hugo sa braso. "Malandi ka kasi! Niloloko mo lang naman ang kuya ko!"
"Anong niloloko? Siraulo!"
"Oo manloloko ka naman talaga!" Halos lumuwa ang mga mata niya sa pagsigaw. "Malandi ka kasi! Wag mo ng ikaila, huling-huli kita kahapon, kahalikan mo si Isaiah!"
Bigla akong natahimik. Naumid ang dila ko sa sinabi niya. Bigla akong nahimasmasan at bigla ay pinanlamigan ako ng katawan.
Si Sussie ay nanigas sa aking tabi, at si Hugo ay napaungol dahil sa narinig.
"O di ba? Malandi talaga!" sigaw ni Jillian na galit na galit pa rin. Hindi humuhupa ang emosyon niya.
Pilit akong inihaharap ni Sussie sa kanya. "Carlyn, totoo ba iyon?"
Napatitig ako kay Sussie at hindi ko magawang ibuka ang mga labi ko para magsalita.
"Carlyn, kayo ni Jordan." Seryoso ang boses ni Sussie. "Ang sabi mo, mahal mo siya. Bakit mo siya niloko?"
"Jillian!" tila kulog ang pamilyar na boses na lalong nagdala ng tensyon sa buong sistema ko.
Nanlalaki ang mga mata ko sa lalaking nakatayo ngayon sa aming harapan. Ang lalaking may malamig na ekspresyon habang nakatingin sa akin.
Jordan...
Nang umiwas siya ng tingin ay daig ko pa ang naubosan ng paghinga. Nagsikip nang matindi ang aking dibdib. Kailan pa siya roon? Narinig niya ba...
Itinulak ni Jillian si Hugo at saka patakbo siyang lumapit sa kapatid. "Kuya!"
Nang yumakap si Jillian kay Jordan ay huling-huli ko ang pagtiim ng mga labi ng lalaki. Gayunpaman ay mahinahon ang boses niya nang kausapin ang kapatid. "Bakit ka nakikipag-away?"
"Because of that bitch!" Itinuro ako ni Jillian. "Niloloko ka lang niya, Kuya!"
Bumitiw ako mula sa pagkakahawak ni Sussie. Kahit nanghihina ay sinikap kong magsalita. "Jordan, mali ang pagkakaintindi mo. Pakinggan mo muna ang sasabihin ko—"
"Let's go, Jillian. Magsisimula na ang ceremony niyo," kalmado ang boses niya at hindi hindi man lang nag-abalang lingunin ako. O kahit tapunan man lang ng tingin.
Wala siyang balak pakinggan ako? Wala siyang balak marinig man lang ang paliwanag ko? Tumalikod na siya habang inaalalayan ang kapatid palayo sa amin.
"Tangina naman!" Hindi ko na napigilan ang tindi ng aking emosyon. "Jordan, ano ba?! Hindi mo man lang ba pakikinggan ang explanation ko?!" nabasag na ang boses ko.
Nahinto naman sa paglalakad paalis si Jordan pero hindi pa rin siya lumingon.
"Kuya, 'wag mo siyang pakinggan!" pigil ni Jillian sa kanya.
Tumaas ang dugo ko sa ulo sa sobrang frustration. "Tangina mo, Jillian talaga! Ipagdasal mo na hindi kami magkabalikan ng kuya mo at hindi kami magkatuluyan dahil tangina ka, bubwisitin kita buong buhay mo!"
Doon lang lumingon si Jordan. Walang kasing lamig ang mga mata niya nang diretsong tumingin sa akin. "Hindi na kailangang magdasal ng kapatid ko, Carlyn," bagamat kalmado ay may tigas ang kanyang mababang tono. "...Dahil hindi na magiging tayo."
Sa binitiwan niyang salita ay daig ko pa ang nasaksak ng kutsilyo sa dibdib.
"Dating you was a mistake, Carlyn."
"Mistake?" Naluluha ang mga mata at mapakla akong tumawa. "E gago ka pala e!"
Ako, mistake? Pinilit ko ba siya na i-date ako? Sinubukan ko siyang iwasan ng ilang ulit, di ba? Syinota ko pa ang gagong si Isaiah para lang layuan niya ako. Para sa kapakanan niya, naging masamang babae ako. Pero sa kabila ng mga iyon, tinigilan niya ba ako? Hindi. Hindi siya tumigil hanggang sa mangyari na nga ang "mistake" na sinasabi niya, naging kami na nga.
Tumalikod na ulit si Jordan at nagpatuloy na sa pag-alis. Muli ay nagpanic ako. Nabura ang galit ko at hinampo, nangibabaw ang takot at pag-aalala na mawawala na siya. Ayaw ko, ayaw ko siyang pakawalan.
"Jordan!" tili ko. Nanginginig ang buong katawan ko. "Tandaan mo, kapag hindi ka bumalik, wala ka nang babalikan! Para lang aware ka, m-mahal na kita!"
Malinaw na malinaw na sa akin ang tunay na nararamdaman ko. Kahit hindi ko agad napangalanan ang estrangherong damdamin na ito, umaasa ako na sana naiparamdam ko sa kanya kahit paano na mahal ko talaga siya.
O hindi niya ba talaga naramdaman kahit kaunti para pagdudahan niya ako at hindi man lang pakinggan kahit sandali? Para ba sa kanya "mistake" lang talaga ang lahat ng nangyari?
Nabuhay ang loob ko nang makitang huminto si Jordan, pero bumagsak ang aking balikat nang muli rin siyang humakbang paalis. Napaiyak na ako habang nanginginig.
"Jordan! Totoong mahal kita, tangina mo!" sigaw ko sa basag na boses.
Naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Sussie. "Car..."
Hindi na nga muling lumingon pa at bumalik sina Jordan at Jillian.
Ang sakit. Ang sakit-sakit. Parang binibiyak ang puso ko sa mga oras na ito.
Ganoon na lang iyon? Ganoon na lang?!
"Putanginang puppy love 'to!" iyak ko. Dapat puppy love na lang ito. Dapat hindi masakit kasi ang hirap, hindi ko kaya. Hindi ko pala ito kaya.
Akala ko iba sa lahat si Jordan. Alam ko na hindi ako perpekto pero pinaramdam niya sa akin na kahit paano ay may kwenta ako, kahit alam ko naman talaga na wala. Bakit pinaasa niya ako na pwedeng mapagtiyagaan ang isang katulad ko? Sana hindi na lang niya ako pinaasa dahil sa huli, susukuan niya rin pala ako.
Hindi ako makahinga sa paninikip ng dibdib ko. Ang sakit-sakit talaga. Sana hindi na lang ito pagmamahal dahil hindi ko talaga kaya.
Hagod-hagod ni Sussie ang aking likod habang umiiyak ako. Sa likod naman niya ay si Hugo na may malalim na iniisip. Nagtagis ang mga ngipin ko.
"Puppy love lang naman 'to e! Kaso bakit ang sakit?! Tangina niyong mga lalaki." Nang maabot ko ang ulo ni Hugo ay sinabunutan ko siya. "Isa ka pa, babaero kang hindot ka! Mamatay ka na sana!"
"Aray! Bat ako nadamay?!" angal niya habang hila-hila ko ang buhok niya.
"Carlyn, ano ba? Tama na!" Hinaltak ako ni Sussie palayo kay Hugo. "Hugo, kaya ko na 'to. Doon ka na, please!"
Humihingal ako at humahagulgol nang yakapin ni Sussie. Ayaw ko na. Para na akong mamamatay sa sakit.
"Bwiset ako pa nasisi, amputa." Bubulong-bulong na lang si Hugo na umalis.
Hinila na ako ni Sussie at hindi niya ako iniwan hanggang sa tuluyan akong kumalma. Hanggang sa bumalik sa dati ang paghinga ko.
Sandali kaming nag-usap bago tumuloy na sa ceremony. Pinilit niya akong mag-ayos dahil nasira na ang aking make up pero wala akong gana na mag-retouch. Bakit ba mag-aayos pa e wala rin namang kukuha ng picture sa akin mamaya sa stage?
Nang magsimula na ang martsa ay ako lang ang tulala at mukhang zombie sa pila. Kung hindi pa nga sinuklay ni Sussie ang buhok ko ay baka gulo-gulo pa ito. Wala akong pakialam sa mga ibinabatong tingin sa akin ng mga tao ngayon. Wala akong pakialam sa kanilang lahat.
Si Jillian na nasa kabilang row ay maayos na ang itsura. Siguro inayusan siya ulit ng mommy niya. Siguro din ay isinumbong niya na rin ako sa mommy niya.
Ilang beses kong nakita si Jordan na nanonood ng ceremony pero hindi kailanman siya tumingin sa akin.
Nang magsimula na ang pagtawag sa mga grumaduate ay ako lang ang walang kasamang magulang o guardian sa stage. Ako lang din ang bukod tanging hindi masaya.
Gusto ko na lang matapos ang ceremony para tapos na lahat. Para makauwi na ako.
Hanggang sa matapos na nga ang ceremony at sumama na ang mga estudyante sa mga guardians at mga magulang nila. Si Sussie ay nawala na rin sa aking tabi. Kasama niya kasi ang tatay niya at mukhang may maliit na handaan sila sa kanila.
Lumakad na rin ako paalis nang magsimula nang mag-alisan ang lahat. Sa madilim na pwesto ng bench ay natanaw ko ang kotse ng mga Herrera. Nang makita ko na nakasandal doon si Jordan ay sandali akong napatitig sa kanya.
Kumirot ang puso ko sa loob ng aking dibdib. Hindi ko pala kaya na basta umalis.
Kahit kinakabahan at nanlalamig ang mga palad ay nilakasan ko ang aking loob para tawagin siya. "Jordan!"
Napatingin siya sa akin at hindi ko alam kung imagination ko lang ba na parang may lungkot sa mga mata niya.
Humakbang ako palapit sa kanya. Sinamantala ko na wala pa si Jillian at ang parents nila. "H-hindi mo ba talaga papakinggan man lang ang paliwanag ko?"
Nakatingin lang siya. Wala siyang sinasabi na kahit ano.
"Jordan..." tumutulo ang luhang tawag ko sa kanya.
Hindi ako nahihiyang umiyak sa harapan niya. Kahit makita niya pa kung gaano ako kahina, ayos lang. Siya lang naman ang tanging tao na gusto kong makaalam sa tunay na nararamdaman ko.
"Kahit hindi ka maniwala sa lahat ng paliwanag ko, pero sana maniwala ka na lang na totoong m-mahal kita..." Humikbi ako. "Mahal kita, Jordan, hindi mo ba talaga iyon naramdaman kahit kailan..."
Yumuko siya at umiwas ng tingin sa luhaang mga mata ko. "Tama na, Carlyn."
"P-paano na ako kung ayaw mo na?" tanong ko sa kanya na halos hindi na marinig dahil sa sobrang hina ng aking boses.
Hindi sumagot si Jordan pero ang pananahimik niya ay isang sapat na sagot na. Basag na basag ang puso ko nang humakbang palayo. Palayo sa kanya...
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro