Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 42

"CHOOSE ME OVER HIM."


Napalunok ako at mahinang nagsalita. "S-sorry..."


Nakaupo si Jordan sa gilid ng kama. Kitang-kita ko ang pagbalatay ng sakit sa kulay tansong mga mata niya.


Masakit din sa akin na masaktan ko si Jordan, pero nag-aalala talaga ako sa kalagayan ni Isaiah. Hindi ko alam kung anong nangyari sa lalaki. Kinakabahan at natatakot ako dahil baka malala pala siya.


"Jordan, nag-aalala lang naman ako dahil nang huli naming pag-uusap ni Isaiah ay may mabigat siyang problema. Ngayon, naaksidente siya at nasa ospital. Please, gusto ko lang malaman ang lagay niya. Babalik din  ako-"


Nakatiim ang mga labi na umiwas siya sa akin ng paningin.


Nangatal ang mga labi ko nang magsalita. "Jordan, p-please..."


"Do you still like him?" Bagamat mahina ay malamig ang boses niya.


Napaangat ako ng mukha. Namimilog ang mga mata ko.


Bumuga siya ng hangin. "Fine, do whatever you want."


"Jordan, k-kaibigan ko lang si Isaiah..." Napahikbi na ako. "Gusto ko lang naman malaman iyong lagay niya..."


Tumango-tango siya at hindi na nagsalita. Nakayuko na lang. Ang mahahabang daliri niya sa kamay ay magkasalikop ngayon.


"Jordan, sorry. Mag-usap tayo pagbalik ko, please..."


Tumalikod na ako para umalis habang kaya ko pa.


Iniwan ko na si Jordan kahit ang bigat-bigat sa aking dibdib na alam kong masama ang loob niya. Pero saka ko na siya kakausapin. Basta maguusap kami. Sa ngayon ay kailangan ako ni Isaiah.


Paglabas ko ng pinto ay napatingin sa akin si Jillian na nakaupo sa sofa ng sala. Hindi siya nakasimangot at hindi rin nakangiti. May palagay ako na may ideya siya sa nangyari kanina sa loob ng kwarto ng kuya niya.


Napayuko sa hiya at naglakad na papunta sa main door ng bahay nila.


Bago ako sumakay ng jeep ay tumawag sa akin si Miko. Paalis na sila ni Asher dahil binungangaan daw sila ng mama ni Isaiah.


Pagkakuha ko ng pangalan ng ospital ay tinapos ko na ang paguusap namin ni Miko. Tumuloy na ako sa City of General Trias Medicare Hospital.


Balisa ako habang nasa biyahe. Ang morbid ng mga naiisip ko. Ang nasa isip ko ay baka nakaratay si Isaiah na parang lantang gulay sa hospital bed.


Natataranta ako sa takot at pag-aalala kasi hindi ko yata kakayaning makita siya sa ganoong sitwasyon. Mas okay na sa akin iyong lagi siyang gago kaysa magkaganoon siya.


Sa lobby ng ospital ay nakasalubong ko ang papalabas na si Vivi. Namumugto ang mga mata ng babae at mahinang humihikbi. Hindi niya ako napansin dahil tila wala siya sa sarili.


Bakit siya umiiyak? Malala ba talaga si Isaiah? Lalong binaha ng pag-aalala ang dibdib ko.


Natigilan din ako dahil papaalis si Vivi. Kumunot ang aking noo. Saan siya pupunta? Bakit aalis na kaagad siya?


Tatawagin ko sana ang babae nang makita ko na may kasama siya. Isang matangkad at guwapong lalaki na nakasuot ng clear glasses sa mga mata. Nang malapit na ay saka ko ito namukhaan. Si Eli.


Nilampasan ko na lang sila at dumiretso na ako kung saan ang kwarto ni Isaiah. Hindi pa rin nababawasan ang pag-aalala at takot ko.


Sa labas pa lang ng pinto ng private hospital room ay naririnig ko na ang malakas na boses ng mama ni Isaiah.


"Sinasabi ko sa 'yo, Isaiah, hindi ako boto sa Vivi na 'yan!"


Napahinto ako sa akmang pagpihit sa seradura ng pinto ng private room ni Isaiah. Kausap siya ng mama niya? Ibig sabihin ba ay gising siya?


Nakahinga na ako kahit paano. Ang akala ko kasi ay madadatnan ko si Isaiah na nakaratay, walang malay, at puno ng mga tubo ang katawan.


Muli ang malakas na boses ng mama ni Isaiah ang maririnig sa loob ng kwarto.


"Napakasama ng ugali ng ama ng babaeng iyon, aapihin ka lang! Hindi ako papayag na unico hijo ko ay aapihin lang ng ibang tao! Ako lang ang may karapatang umapi sa 'yo!"


"Anya, maha-highblood ka na naman. Tama na," sabi naman ng kalmadong boses ng isang lalaki. Nabobosesan ko ang papa ni Isaiah.


"Mas gusto ko iyong isa mong girlfriend, iyong si Carlyn ba iyon? Kahit matakaw iyon, mukhang mabait naman ang mga magulang. Saka gusto ko iyon kasi walanghiya saka madaldal. Ayaw ko ng manugang na parang tuod at hindi nagsasalita!"


Napangiwi ako sa narinig. Kumatok na lang ako bago pa humaba ang linya ng mama ni Isaiah.


Natigil ang ingay sa loob dahil sa katok ko. Pinihit ko na pabukas ang pinto at pumasok na ako sa loob ng kwarto.


Nakaupo si Isaiah sa hospital bed. Gising. May benda ang ulo at braso niya. Mukhang okay naman at di malala. Nagso-softdrinks na nga siya.


"Good afternoon po," magalang na bati ko sa mga magulang niya.


Tumingin sa akin ang mama ni Isaiah. "Bat ka andito? Di ba break na kayo nitong anak ko? Makikipagbalikan ka ba?"


Umiling ako. "Hindi po. Ayoko na po sa kanya."


"Sus, sinabi ko rin 'yan noon dito sa papa ni Isaiah. Pero tingnan mo, binalikan ko rin naman."


Nilapitan ko sa higaan niya si Isaiah. "Anyare sa 'yo? Akala ko malala ka, hindi naman pala."


Tinaasan ako ng kilay ni Isaiah. "Bat parang disappointed ka?"


"Akala ko kasi iiyak ako rito, nagdala pa naman ako ng tissue."


Sinemplehan kong dekwatin ang isang rolyo ng tissue ni Jordan sa kwarto niya tutal mukhang nag-switched na ang lalaki sa wet wipes.


"'Ne, ikaw muna bahala sa binata ko," bilin ng papa ni Isaiah sa akin. "Pasasagapin ko lang ng hangin sa labas itong mama niya at baka atakihin na sa highblood."


Tumango ako nag-thumbs up sa guwapo at mabait na ginoo. "Okay po."


"Isaiah, makipagbalikan ka na riyan. Pagbalik namin dapat kayo na ulit," bilin naman ng mama niya bago magpahila sa papa niya palabas ng kwarto.


Nang kami na lang ni Isaiah ay hinarap ko siya. "Ano bang nangyari? At bakit umalis sina Miko at Asher? Ni hindi ka man lang daw nila nakita. Nag-aalala sila sa 'yo."


"Di sila pinapasok ni Mama e. Saka tulog ako kanina kaya di ko alam nangyayari," sagot niya. "Ewan ko ba roon kay Mama, galit na galit kina Miko at Asher. Bad influence raw sa akin."


"Bad influence? Hindi ba aware ang mama mo kung gaano ka kademonyo? Ikaw ang mastermind."


Sumispsip ulit si Isaiah sa straw ng iniinom na softdrinks. Inagaw ko naman iyon sa kanya at inilagay sa bedside table.


"So ano ngang nangyari, ha? Bat ka naaksidente?"


Ang alam ko ay may handaan sa bahay nila kanina. Akala ko nasa kanila siya maghapon at di siya aalis. 


"Saka nakasalubong ko pala si Vivi sa lobby kanina. Kasama niya iyong kinakapatid niyang si Eli."


Nagpakawala siya ng paghinga. "Aalis na ang pamilya nina Vivi papuntang Australia. Matagal na palang pino-proseso ang pagma-migrate nila. Sa May na ang flight."


Napapalatak ako. "Hala, di man lang sinabi sa 'yo?"


Sumimangot ang guwapong mukha ni Isaiah. "Ewan ko ba sa babaeng iyon, parang tanga."


"Bagay kayo, tanga ka rin naman."


"Nagsalita ang di tanga," sarkastikong balik niya.


"E ano, e di break na naman kayo?"


"Tss, ang gulo, puta." Umismid siya. "Antok pa ako nang pumunta sa kanila kaya hayun, naaksidente ako. Muntik kong maka-eyeball si Kamatayan kanina."


So ayun pala ang dahilan ng aksidente. Duda ako na antok lang siya nang mag-drive. Malamang na nakainom din siya. May problema siya sa pamilya kaya wala siya sa hulog ngayon.


Tinapik ko siya sa balikat. "Di ka pa mamamatay, masamang damo ka e."


Nanunuri ang mga matang tiningnan niya ako. "E bat pala andito ka? Di ka na pinapalapit ng syota mo sa akin, ah."


Nanahimik ako.


"Tsk. Mukhang war kayo ni Herrera." Iiling-iling siya.


Naupo ako sa gilid ng hospital bed niya at saka malungkot na nagbuntong-hininga.


Hinawakan ako ni Isaiah sa ulo. "Mahal mo talaga?"


Sa totoo lang ay natatakot akong magsalita ng tapos. Hindi ko matiyak kung ano ba talaga ang nararamdaman ko. Sobrang bago sa akin ang lahat ng ito kaya nalilito pa rin ako. Pero isa ang sigurado ko, sobrang mahalaga para sa akin si Jordan.


Nang sabihin niya noon sa akin na gusto niya ako ay natakot ako dahil alam ko sa sarili ko na gusto ko rin siya. At dahil gusto ko siya kaya sinubukan ko siyang iwasan para hindi siya mapariwara, pero hindi siya sumuko sa akin. Pinaramdam niya na ayos lang kahit ganito ako. Ayos lang kahit puro agiw ang utak ko, maiintindihan niya pa rin ako. Hanggang sa maging kami na. Hanggang sa maranasan ko na kung paano sumaya.


Sa sobrang perpekto ni Jordan ay hanggang ngayo'y hindi pa rin ako makapaniwala na totoo siya. Pakiramdam ko na baka kapag masyado akong nagpakasaya ay baka bigla na lang siyang mawala.


Hindi ko kakayanin pag nawala si Jordan sa akin. Kahit pa panaginip lang siya, basta wag lang siyang mawala ay okay na sa akin kahit hindi na ako magising.


Pinitik ni Isaiah ang noo ko. "Huy!"


"Isaiah..." Napahikbi na ako.


"Gets ko naman na laging riot diyan sa utak mo." Itinuro niya ang dibdib ko. "So ito na lang, siguro naman hindi magulo iyan."


Napahawak ako sa aking dibdib. Mabilis ang tibok ng puso ko dahil sa taong pinag-uusapan namin ni Isaiah.


"Tutulungan kitang makapag-desisyon." May kinuha si Isaiah sa drawer ng bedside table na kinahihigaan niya.


Nakamasid lang naman ako sa kanya. Isang wallet ang kinuha niya. Mula roon ay kumuha siya ng buong isang libong papel. Inilagay niya iyon sa kaliwa niyang kamay.


"O ito, 1K." Itinaas niya ang kaliwang kamay, pagkatapos ay itinaas din ang kanang kamay na walang laman. "Ito namang nasa kanan ay si Jordan. So anong pipiliin mo? Itong kaliwa na may 1K o itong kanan na may Jordan?"


Napanguso ako. "Syempre iyong kanan..."


Napapalatak si Isaiah. "O di mahal mo nga!"


"Siraulo ka talaga..."


Tumawa siya. "Mabuti nga 1K ang isang option e. Ako nga pinagpalit mo lang sa bente noong pinapili ka ni Miko dati!"


6:00pm na pero hindi pa bumabalik ang parents ni Isaiah. Uwing-uwi na ako dahil gusto ko pang bumalik sana kina Jordan.


Text ako nang text kay Jordan. Humihingi ako ng sorry pero hindi siya sumasagot. Ang plano ko ay pupunta na lang ako sa kanila para magkausap kami nang personal. May importante akong sasabihin sa kanya.


6:30pm na at wala pa rin ang parents ni Isaiah. Tumayo na ako sa upuan at nagpaalam na uuwi. Iiwan ko na si Isaiah dahil okay naman siya. Hindi pa siya mamamatay.


"Pupunta ka pa ba sa kanila?" tanong sa akin ni Isaiah. Ngumangatngat siya ngayon ng apple. Kanina pa siya lamon nang lamon. Kahit may injury ay patay-gutom pa rin.


"Oo. Galit siya sa akin dahil sa 'yo, hayup ka." Iniwan ko na si Isaiah sa hospital room niya.


Bahala na siya kahit wala siyang kasama. Pwede naman siyang tumawag ng nurse para alalayan siya kung may kailangan siya.


Sumakay na agad ako ng jeep pauwi. Ang malas lang dahil inabutan na ako ng traffic na mula pa sa Tejero hanggang bayan ng Malabon. Labasan kasi ng mga taga Epza. Lumalaki na ngayon ang Cavite Economic Zone.


Hindi ako mapakali sa loob ng jeep. Pawisan na ako kakatingin-tingin sa labas ng bintana. Gusto ko na lang lakarin kung hindi lang sana malayo.


Napamura ako nang makitang inabot na ako ng 8:45pm sa biyahe lang. Daig ko pa ang lumuwas ng Manila.


Anong oras na baka patulog na sina Jordan ngayon? Nakakahiya kung dideretso pa ako sa kanila para mang-istorbo. Napaiyak na ako habang nasa jeep.


Bumaba ako sa Navarro na saktong 9:00pm na. Malumbay na naglakad ako pauwi sa amin.


Pagkarating sa bahay ay mas lalo akong nalungkot nang makitang patay ang lahat ng ilaw dahil walang tao roon.


Wala nga pala ngayon sina Mommy at Baby Levi dahil isinama sila sa Manila ni Ninong Luis. Doon daw sila hanggang bukas ng hapon kaya ibig sabihin, mag-isa lang ako ngayon sa bahay namin.


Pagpasok ko sa loob ay dumiretso na ako sa aking kwarto. Humiga ako sa kama ng hindi nag-aabalang magpalit ng damit. Nangingilid ang luha ko habang nakatingala sa kisame.


Damang-dama ko na nag-iisa ako. Namimiss ko si Mommy at si Baby Levi. Gusto kong tawagan sana si Mommy, ang kaso baka maramdaman niya na malungkot ako at mag-alala pa siya. Ayaw kong maistorbo ang masayang family bonding nila.


Kung kasama ko si Jordan ngayon ay hindi siguro ako malulungkot nang ganito. Itinext ko siya para tanungin kung tulog na ba siya. Gusto ko sana siyang tawagan at makausap.


Gusto kong mag-sorry sa kanya at gusto kong marinig ang boses niya kahit saglit lang sana.


Wala siyang reply sa lahat ng text ko. Naiiyak na sumubsob na lang ako sa unan. Itinulog ko na lang ang lungkot at gutom ko.




HWEBES NA. Bukas na ang huling araw sa school dahil sa Sabado ay graduation na namin.


Ang pait ng pakiramdam ko habang nakatingin sa screen ng phone. Hindi pa rin nagpaparamdam sa akin si Jordan.


Kaninang umaga ay nag-text ulit ako sa kanya. Nag good morning ako, nag-sorry ulit, at sinabi ko rin na babawi ako. Lahat ng iyon ay hindi niya sinagot.


"Carlyn!" tawag ni Asher sa akin pagbaba ko ng hagdan.


Mukhang inaabangan niya ako. Papunta ako sa CR ng mga girls para umihi. Kumikirot na naman ang tagiliran ko. Nasosobrahan kasi ako sa kaka-softdrinks at kape.


"Bakit?" Tinatamad na huminto ako sa paglalakad. "Bakit ang pangit mo?"


Napakamot sa batok si Asher. "Car, seryoso ako."


"O paki ko?" Wala ako sa mood ngayon. Bukod sa masama ang pakiramdam ko ay nalulungkot din ako dahil hindi ko pa nakakausap si Jordan.


Lalampasan ko na sana si Asher nang pigilan niya ako sa balikat. "Car, please naman. Ngayon lang ako hihiling sa 'yo."


"Anong hiling? Kailan mo pa ako naging genie para hilingan mo?"


"Car!" Sumimangot siya. "Text mo naman si Lai. Pakisabi naman sagutin niya ang tawag ko."


Napatitig ako sa guwapong bagamat mukhang malokong mukha ni Asher. Wala ang kaangasan at kakulitan niya ngayon. Ang makikita lang sa kanyang mukha ay ang pagiging desperado sa sitwasyon. Ngayon ko lang siya nakitang ganito.


Para siyang bata na paiyak na. Wala na iyong angas. Ibinigay niya sa akin ang bagong cell phone number ni Lai. 


"Car, please..." makaawa niya. "Hindi niya ako nire-reply. Di rin niya sinasagot ang mga tawag ko. Nag-send na rin ako ng photo na nakaluhod ako pero deadma pa rin siya."


Bigla kong nakita ang aking sarili sa kanya.


"Ano na naman ba kasing kagaguhan ang ginawa mo? Saka seryoso ka ba talaga kay Lai?"


"Pumunta kasi siya sa amin..." Napa-tsk siya. "Sakto nandoon si Lou."


Napamura ako. "Gago, bat nasa inyo si Lou!" Saka buhay pa pala si Lou?


Nagkamot ulit ng batok si Asher. "Di ko nga rin alam. Bigla na lang pumunta sa amin e. Nagulat nga ako kasi pinapasok ng kapatid ko sa kwarto ko. Nagising na lang ako na may nakatingin sa akin."


"Kow, mahirap nga 'yan." Napahimas ako ng baba. "Siguro, ganito gawin mo, maghanap ka ng ibang magpapayo sa 'yo kasi busy ako." Tinalikuran ko na siya.


"Car!" Habol-habol siya sa akin.


"Oo na iti-text ko na si Lai. Mas boto ako sa kanya kaysa kay Lou!"


"Thank you, Car! Labyu!" sigaw niya bago umalis.


Nangingiting naglakad na ako nang bigla akong mapatigil sa paghakbang. Sa unahan ko kasi ay kasalubong ko si Jillian. Kami lang dalawa ang nasa gitna ng daan.


Matalim ang kulay tanso at maamo niyang mga mata sa akin. "Hindi ka talaga natatahimik ng isang lalaki lang?"


Naumid ang dila ko. Kahit tinatarayan niya ako ay hindi ko naisip na pwede ko rin siyang maringgan ng ganoong mga salita.


Nang makalampas na siya sa akin ay pinigilan ko siya sa balikat. "Teka lang, Jillian!"


Tinabig niya ang kamay ko at saka niya ako hinarap. "What?" Ang maamo niyang mukha ay hindi kababakasan ng kahit anong emosyon.


"Ano bang problema mo, ha?!" Humakbang ako para magkalapit kami.


Umismid ang mga labi niya bagaman hindi siya nagsalita.


"Wala akong pakialam sa iniisip ng iba sa akin dahil bukod sa hindi naman nila ako pinapalamon para intindihin ko sila ay alam ko sa sarili ko ang totoo," mariing bitiw ko. "Pero ikaw, kapatid ka ni Jordan kaya importante sa akin ang iniisip mo."


"Really?" bored na tanong niya.


"Alam ko na masama ang tingin mo sa akin dahil nagpapaniwala ka sa mga naririnig mo. Alam ko rin na galit ka dahil ilang beses napahamak ang kuya mo dahil sa akin, at naiintindihan ko iyon."


"Naiintindihan mo pala, so bakit ayaw mo pa ring tigilan ang kuya ko? Marami ka namang lalaki, ah? Bakit kailangan mo pang idagdag sa kanila ang kuya ko?"


Nagtagis ang mga ngipin ko. Ganito rin pala talaga ang tingin niya sa akin. Alam ko naman e, in denial lang ako.


"Ilang beses muntik mapahamak ang kuya ko noon dahil sa 'yo, ilang beses din siyang nakapagpabaya sa pag-aaral sa unang pagkakataon, at ngayong college siya, tinitiis niya iyong pagod mag-uwian pa-Dasma to Pascam kahit pwede naman siyang mag-dorm o mag-board doon. Lahat iyon ay para sa 'yo. Para sa 'yo na hindi naman deserve ang lahat."


"Bakit hindi mo sabihin 'yan sa kuya mo?" mapait na tanong ko sa kanya.


Natigilan si Jillian at namutla.


"Ayaw mo pala sa akin, dapat noon pa sinabihan mo na siya na tigilan ako! Sinabihan mo dapat siya na hindi ko siya deserve kaya sana naghanap na lang siya ng iba, iyong mahinhin, matalino, matino! Punyeta, iyong katulad mo sana kasi perfect ka!"


Napahingal si Jillian. Pulang-pula ang mukha niya.


Mula sa pasukan ng building ng Grade 12 ay dumating si Hugo. Nakapamulsa siya sa suot na school pants, may subo-subong lollipop sa bibig, at nakataas ang isang kilay habang palipat-lipat ng tingin sa amin ni Jillian.


"Oy, anong drama niyo?" pakikiusyoso niya na lumapit sa amin. Itinapon niya ang lollipop sa kung saan.


Nakita ni Hugo ang tensyon sa pagitan namin ni Jillian. Nakita rin niya na humihingal sa galit ang babae, at ako naman ay ganoon din.


Hinawakan ni Hugo ang balikat ni Jillian. "Huy, hikain ka. Tigilan mo 'yan."


Tinabig naman ni Jillian ang kamay ni Hugo. "Don't touch me, you pathetic jerk!" Pagkasabi'y patakbo nang umalis ang babae.


Naiwan kaming dalawa ni Hugo sa hallway.


Napasabunot ako sa aking buhok saka bumuga ng hangin. "Tangina. Sanay naman akong ma-judge ng mga tao, kaso tangina mas masakit ang dating sa akin kapag sa kanya galing."


"'Wag mo na lang patulan," mahina ang boses na sabi niya sa akin.


Tiningala ko si Hugo. Hindi ko alam na may hika si Jillian. Ngayon ko lang nalaman kay Hugo. Ewan ko kung totoo.


"Itlog, sundan mo na lang muna," utos ko sa kanya. "Baka hikain nga e."


Ngumuso siya. "E tatarayan lang ako nun."


Naglakad na ako papunta sa CR ng mga girls. Si Hugo naman ay hindi ko alam kung saan pupunta. Nakapamulsa siya na naglakad na paalis.


Sa cubicle ng ladies' room ay kandamura ako habang umiihi. Ang sakit. Mukhang certified UTI na talaga ito. Ang tagal ko pa tuloy bago nakalabas ng banyo.


Sa hallway habang naglalakad ay inilabas ko ang aking phone. Ang tagal ko na nakatitig sa screen kung saan naroon ang contact ni Jordan. Malakas ang kabog ng aking dibdib nang pindutin ko ang call icon.


Tatlong ring bago niya ako sinagot.


"H-hello?" nanginginig ang boses ko sa kaba.


[ Where are you? ]


Pakiramdam ko ay nagsirko ang puso ko sa loob ng aking dibdib nang marinig ang boses niya.


"S-sa school pa..." Napalunok ako. "Katatapos ko lang mag-clearance. Ikaw? Nasaan ka? G-galit ka pa ba sa akin?"


[ What time did you get home last night? ]


Inabot ako ng gabi sa ospital kaya malamang na magagalit lang din siya pag nalaman niya. Kapag sinabi ko rin naman ang tungkol sa traffic ay maiisip niya rin na ginabi ako kaya ako inabutan ng traffic. Sasabihin ko na lang ang lahat sa kanya pag nagkaharap kami.


"Jordan, babalik sana ako sa inyo kagabi kaya lang anong oras na-"


[ Did you sleep well last night? ]


Natigilan ako sa tanong niya. Wala iyong kaemo-emosyon kahit kaunti.


[ You don't have to answer, ] mababa ang tonong sabi niya.


Nang tingnan ko ang screen ng aking phone ay tapos na call. Ibinaba na ni Jordan.


Nag-type ako ng text sa kanya.


Me:
Nasa bahay ka na ba ng 5:00pm? Pwede ba akong pumunta? May sasabihin ako sa 'yo. Please.......


Wala akong natanggap na sagot. Nagpasya na ako na pupunta sa kanila. Hihingi ako ng sorry.  Ipagtatapat ko na rin ang tungkol sa huling pagpunta ni Isaiah sa amin. Pati ang lahat ng nangyari. Bahala na.


Pagkatapos ay sasabihin ko na kay Jordan ang tunay kong nararamdaman.


3:00pm ang uwian namin. Excited na naghanda na ako pauwi. Umuwi muna ako sa amin. Naligo ako, nagpabango, at naglagay ng manipis na make up.


Bago ako umalis ay bumili pa muna ako ng pasalubong kay Jordan. Ginalaw ko muna ang pinakaiipit kong pera. Umorder ako sa Grabfood ng mango bravo mini cake sa Contis. Isang libo ang nagastos ko pero ayos lang iyon.


Nag-text ako kay Jordan na on the way na ako pagkasakay ko ng jeep. Excited ako na makarating ng Pascam at makita siya. Pagbaba ko ng jeep sa tapat ng subdivision nila ay naglakad ako papunta sa bahay ng mga Herrera.


Abot-abot ang kaba ko nang pindutin ang doorbell sa gate. Gayunpaman ay inihanda ko ang matamis kong ngiti kahit pa nangangatog ngayon ang aking mga tuhod.


Ang nagbukas sa akin ng gate ay si Jillian. Ang awkward dahil katatapos lang naming magharap sa school kanina.


Nginitian ko pa rin si Jillian. "Si Jordan?"


"Nasa kwarto si Kuya," malamig na sabi niya sa akin.


"Uhm, pwede bang pakitawag?"


Nahihiya ako na basta na lang pumasok sa loob ng bahay nila at mas lalong nahihiya ako na dumiretso sa kwarto ni Jordan. Hindi kami okay ngayon kaya dito na lang ako sa labas nila.


Tumaas ang isang kilay ni Jillian bagaman wala siyang sinabi. Pumasok na siya sa bahay nila.


Ilang minuto rin ako sa labas nila habang naghihintay. Pinagpapawisan na ako. Hindi ko alam kung tinawag ba ni Jillian si Jordan o baka talagang ayaw lang akong labasin ng lalaki.


Naglakad-lakad ako sa harapan ng bahay nila para malibang. Saktong twenty minutes nang bumukas ang pinto. Nangislap ang mga mata ko nang makita na si Jordan ang lumabas.


"Jordan!" Napatakbo agad ako palapit sa gate.


Lumabas siya ng gate. T-shirt na black ang suot niya at isang white ne jersey shorts. Magulo ang buhok niya na halatang kakabangon lang sa kama. Kanina pa siguro siya nakauwi galing sa Dasma.


Sabik na sinalubong ko siya. "Natutulog ka ba? Naistorbo ba kita? Kumusta ka na?"


"Why are you here?" malamig na tanong niya sa akin.


Sandali akong natigilan at napatitig sa kanya. Pinanghinaan ako ng loob dahil sa kalamigan niya, pero nagpakatatag ako.


"Alam ko na galit ka..." maliit ang boses na sabi ko. "P-pero sana pakinggan mo ako."


Nakatingin lang sa akin si Jordan.


Marami akong sasabihin pero nagsimula muna ako sa pagpapaliwanag. "Jordan, may mabigat na problema si Isaiah kaya nang nalaman ko na naaksidente siya, nag-alala ako nang sobra. Kaibigan ko siya, hindi naman pwede na hindi ako mag-alala sa kanya -"


"How's he?" malamig ang tono na putol niya sa pagsasalita ko.


"Uhm, okay naman siya. Hindi naman pala malala iyong aksidente. Nabalian lang siya pero makaka-attend siya sa graduation namin sa Sabado..."


"I see."


Matagal na namayani ang katahimikan. Damang-dama ko kung gaano siya kalamig. Nawala na ang lahat ng tapang ko sa katawan. Napayuko ako na parang basang sisiw.


"Jordan, sorry..."


"What are you saying sorry for?"


"Dahil galit ka..." Halos nalamukos ko na ang handle sa karton ng aking bitbit ng cake dahil sa pinaghalo-halong tensyon, takot, at kaba. "Dahil umalis pa rin ako kahit pinigilan mo ako... Sorry... Sorry dahil nag-alala ako kay Isaiah... Sorry..."


"What am I really to you?"


Napaangat ang mukha ko sa tanong niya.


"You know what?" Mahinahon ang  boses niya bagaman mapait. "Papayagan naman kitang umalis at wala kang maririnig mula sa 'kin. I just want you to make me feel that you are choosing me over him."


Nagpakawala siya ng paghinga at hinagod ng mahahabang daliri ang magulo niyang buhok saka muling tumingin sa akin.


"Have you ever asked me why I am jealous of Isaiah? I'd want you to ask me, Carlyn."


"Jordan..." Nabibikig ang lalamunang bigkas ko.


"I am anxious and insecure for the first time in my life." Napatingala siya at hinilot ng daliri ang sentido.


"H-hindi ko alam na ganoon ang nararamdaman mo, Jordan. Sorry..." Parang pinipiga ang puso ko na malaman na ganoon para ang nararamdaman niya. "Sorry... Sorry talaga... Sorry..."


"I just wanted you to ask me, to assure me because it bothers me to think that you used to like him. And you were very vocal about your feelings for him, but when it comes to my feelings, you are always unaware..."


Muli siyang nagpakawala ng paghinga para mapanatili ang pagiging kalmado.


"My patience ends here, I'm sorry." Pagkasabi'y tumalikod na siya sa akin.


Natulala ako. Pinanlamigan ako ng katawan sa mga sinabi niya. Nanginig ang mga palad ko at nagsimulang lumabo ang mga mata ko sa luha.


Bago siya makapasok sa pinto ay nagawa kong mag-ipon ng lakas para tawagin siya. "Jordan!"


Huminto siya.


Pumatak ang mga luha ko. "A-ayaw mo na ba? Hindi mo na ba ako mapapatawad?"


"Go home, Carlyn. Magpahinga ka muna." Hindi siya nag abalang lumingon sa akin at tuluyan nang pumasok sa loob bahay nila.


JF

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro